27. Bakit Hindi Ako Naglakas-loob na Tukuyin ang mga Problema ng Ibang Tao
Dati, sa pakikisalamuha ko sa mga kapitbahay ko, napansin ko na isa sa kanila ay direktang-direkta kung magsalita. Sa tuwing napapansin niyang may maling ginagawa ang isang tao, direkta niya iyong tutukuyin, at dahil doon, madalas napasasama niya ang loob ng mga tao. Patalikod siyang pinag-uusapan ng ibang mga kapitbahay, sinasabing, “Bakit gumagawa ng gayong kahangalan ang isang tao na mukha namang matalino?” Sa paglipas ng panahon, nagsisialisan ang mga kapitbahay kapag dumarating siya habang nag-uusap-usap sila. Unti-unti, nahiwalay siya sa mga ito. Malaki ang naging epekto sa akin ng mga bagay na ito, kaya naniwala ako na sa pakikisalamuha ko sa iba sa hinaharap, hindi ako dapat maging prangka na tulad niya, para hindi ako ayawan ng mga tao. Sabi nga sa kasabihan, “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Kapag napapansin mo ang mga problema ng ibang tao, sapat nang alam mo ang mga iyon sa puso mo— hindi mo na kailangang sabihin pa sa kanila. Kung gagawin mo iyon, maipapahiya mo sila, at malamang na mapasasama mo ang kanilang loob. Kaya, sa tuwing may napapansin akong problema sa ibang tao, hindi ko ito direktang sinasabi. Lahat ng kapitbahay sa paligid ko ay gustong-gusto akong kasama, at sinasabi nila sa akin ang kahit anong bagay. Pinupuri pa nila ako sa pagiging magaling makisama at madaling pakisamahan. Matapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, ganito ko rin pinakitunguhan ang relasyon ko sa mga kapatid. Kung may napapansin akong mga problema o pagbubunyag ng katiwalian sa kanila, ayaw kong tukuyin at ilantad ang mga iyon. Naniniwala ako na sa paggawa niyon ay mapapahiya sila at mailalantad lang ang mga pagkukulang nila, at mapasasama ko ang loob nila. Pagkatapos kong maranasan ang ilang bagay, saka ko lang naunawaan na ang pamumuhay nang nagtitiwala sa ganitong mga paraan ng pakikitungo sa mundo ay salungat sa katotohanan.
Noong kalagitnaan ng Setyembre 2023, pumunta ako sa isang iglesia para maglingkod bilang lider. May ilang kapatid na nag-ulat na si Sister Zhao Zhen, na nangangaral ng ebanghelyo, ay may mapagmataas na disposisyon. Nagsasalita siya nang hindi isinasaalang-alang ang damdamin ng iba, at medyo napipigilan sila kapag kasama siya. Hiniling nila sa akin na makipagbahaginan kay Zhao Zhen at himayin ang kanyang mga problema, para tulungan siyang maunawaan ang sarili niya. Sa isip-isip ko, “Kailangan ko talagang tulungang himayin ang mga problema niya. Kung hindi, patuloy lang siyang magsasalita at kikilos batay sa mapagmataas niyang disposisyon. Hindi lang mapipigilan ang mga kapatid, kundi maaapektuhan din ang gawain.” Gayumpaman, naisip ko naman, “Bago pa lang ako sa iglesiang ito at hindi ko pa gaanong kilala si Zhao Zhen. Kung ilalantad at hihimayin ko siya agad pagdating ko, hindi ba’t mapapahiya siya? Paano na kami magkakasundo sa hinaharap?” Matapos kong pag-isipan, hindi ko pa rin alam kung ano ang gagawin, pero sa huli, napilitan akong puntahan si Zhao Zhen. Nang makita ko siya, parang binusalan ang bibig ko, at matagal bago ako nakapagsalita. Naisip ko kung paanong madalas ko pa siyang makakasama sa hinaharap. Kung mapasasama ko ang loob niya, hindi ba’t ako lang din ang mahihirapan? Nagdesisyon akong saka na himayin at ilantad ang mga problema niya. Kaya, binigyan ko na lang siya ng isang malabong paalala para mag-ingat sa paraan ng pananalita niya sa hinaharap, at huwag ipakita ang pagkayamot sa mukha niya dahil napipigilan nito ang mga tao. Narinig ito ni Zhao Zhen at sinabing, “Wala naman akong ibang ibig sabihin sa sinabi ko. Mag-iingat na ako sa susunod.” Habang pauwi, naisip ko kung paanong walang pagkaunawa si Zhao Zhen sa sarili niyang tiwaling disposisyon, at sa puso ko, medyo sinisi ko ang sarili ko. Gayumpaman ay naisip ko ulit, “Tinukoy ko naman sa kanya ang ilang problema. Kapag nakita kong nagbubunyag na naman siya ng mapagmataas na disposisyon sa hinaharap, doon na lang ako makikipagbahaginan sa kanya at ilalantad siya.” Hindi nagtagal, iniulat ng diyakono ng pagdidilig na si Wang Hong, ang lider ng pangkat ng pagdidilig, ay ilang beses nang idinahilan ang panganib sa kapaligiran para iwasan ang paggawa ng kanyang tungkulin at pagdalo sa mga pagtitipon, pinababayaan ang dalawang grupong responsabilidad niya. Matapos kong maunawaan ang sitwasyon, natuklasan kong dahil pala ito sa lubhang umid at mapaghinala siya, at palagi niyang sinasabing may sumusunod sa kanya. Maraming beses na siyang tumanggap ng pakikipagbahaginan pero wala siyang nakamit na anumang pagkaunawa, kaya gusto ng diyakono na ako ang makipagbahaginan sa kanya. Alam kong kailangan kong hanapin si Wang Hong para makipagbahaginan sa kanya at himayin ang mga problema niya sa lalong madaling panahon, pero naisip ko naman, “Hindi pa kami nagkikita ni Wang Hong. Kung ilalantad ko agad ang mga problema niya pagdating ko pa lang, iisipin ba niyang hindi ako makatao? Paano kung mapasama ko ang loob niya? Bago pa lang ako sa iglesiang ito. Kung hihimayin ko ang mga problema ng isang tao at ilalantad agad-agad ang taong iyon, at mapasasama ko ang loob ng lahat, magagalit silang lahat sa akin at ibubukod nila ako. Mahihirapan na akong gawin ang gawain ng pamumuno sa hinaharap. Mas mabuti pang maghintay ako hanggang sa maging pamilyar na ako sa lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia.” Kaya, hindi ko pinuntahan si Wang Hong para kausapin, sa halip ay humiling ako sa diyakono ng pagdidilig para makipagbahaginan sa kanya. Gayumpaman, hindi pa rin nagkaroon ng anumang resulta ang pakikipagbahaginan niya. Sa ganitong paraan, naudlot nang naudlot ang problema ni Wang Hong, at mahigit isang buwan siyang hindi dumalo sa mga pagtitipon o gumawa ng kanyang tungkulin. Makalipas ang dalawang buwan, sumulat ang mga nakatataas na lider para alamin ang tungkol sa pagganap namin sa aming mga tungkulin. Sinipi sa sulat ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, na umantig sa puso ko. Naalala ko noong kararating ko pa lang sa iglesiang ito at iniulat sa akin ng mga kapatid ang problema ni Zhao Zhen, bahagya ko lang nakausap si Zhao Zhen tungkol sa problema niya, at hindi ko hinimay ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagkilos niyang nakakapit sa kanyang mapagmataas na disposisyon. Dahil doon, walang naging pagkaunawa si Zhao Zhen sa kanyang sarili, at hindi talaga nagbago ang mapagmataas niyang disposisyon. Isa pa, palaging namumuhay sa pagkaumid si Wang Hong at hindi dumadalo sa mga pagtitipon. Hindi man lang niya nagagawa ang kanyang mga tungkulin. Sa kabila nito, hindi ako nakipagbahaginan sa kanya o tumulong sa kanya. Bilang lider ng iglesia, kapag nakita ko ang problema ng isang brother o sister nang hindi ito tinutukoy, tinutulungan sila, at tinutupad ang sarili kong mga responsabilidad, hindi ba’t nangangahulugan iyon na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain? Nang maisip ko ito, nakonsensiya ako at hindi mapakali. Pagkatapos, pinuntahan ko si Zhao Zhen at inilantad at hinimay ang mapagmataas niyang disposisyon. Matapos makinig sa akin, nagkamit siya ng kaunting pagkaunawa sa sarili niya at naging handa siyang magbago. Pagkatapos, pinuntahan ko si Wang Hong kasama ang diyakono ng pagdidilig. Nakipagbahaginan kami at hinimay ang mga problema niya, isinasama ang mga salita ng Diyos, at naunawaan ni Wang Hong ang kanyang makasarili at kasuklam-suklam na tiwaling disposisyon. Nang maglaon, sinimulan na niyang gawin ulit ang kanyang tungkulin. Nang makita kong hindi ko naman napasama ang loob nila tulad ng inakala ko, bagkus, sa kabaligtaran, ay nakatulong pa sa kanila, pinagsisihan ko na hindi ako nakipagbahaginan sa kanila nang mas maaga.
Pagkatapos, pinagnilayan ko ang sarili ko: Anong tiwaling disposisyon kaya ang dahilan kung bakit hindi ako naglakas-loob na ilantad at himayin ang mga problema ng mga kapatid? Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, bilang isang lider, kapag may nakikita akong problema sa mga kapatid, dapat akong makipagbahaginan sa katotohanan, tukuyin ang mga problema, at tulungan sila. Pero natakot akong mapasama ang loob nila, kaya hindi ako naglakas-loob na makipagbahaginan at ilantad ang mga problema nila. Alam kong hindi ito naaayon sa Iyong mga layunin. Nawa’y bigyan Mo ako ng kaliwanagan at akayin akong maunawaan ang sarili ko at matuto ng mga aral.” Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, pinagtataguan ang isa’t isa, at iniintriga ang isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para manatiling buhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan ang bawat tao ay kinukuha ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kung mamumuhay ka sa pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” lalo mo lang gagawing mapanlinlang at mandaraya ang iyong sarili. Hindi mo na magagawang magsabi ng tunay mong saloobin sa iba, hindi ka mangangahas na sabihin ang mga bagay kahit na para sa ikabubuti pa nila, at hindi ka makapagbibigay ng anumang tunay na tulong sa kanila. Ito ang paraan ng mga walang pananampalataya sa pagharap sa mga makamundong pakikitungo. Sa lahat ng mga taong ito, namuhay ako ayon sa pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Itinuring kong paraan ng pamumuhay ang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.” Naniniwala ako na kapag may napansin akong problema o kakulangan sa iba, sapat nang banggitin ito nang may pag-iingat, at hindi ko dapat ilantad o himayin ang mga iyon dahil kung hindi, mapasasama ko ang loob nila, magkakaroon ako ng kaaway, at makasasama pa sa akin. Kapag may napapansin akong mga kakulangan sa sinuman sa mga kapitbahay ko, hinding-hindi ko ito binabanggit, sa takot na mapasama ko ang loob ng mga kapitbahay ko at ibukod nila ako dahil doon. Matapos akong manampalataya sa Diyos, patuloy akong namuhay ayon sa pananaw na ito. Bilang lider ng iglesia, kapag may nakikita akong anumang pagbubunyag ng katiwalian sa mga kapatid, dapat sana ay tinutulungan ko sila dahil sa pag-ibig at tinutukoy ang kanilang mga problema. Ito ang responsabilidad na dapat kong tuparin, pero wala man lang akong ginawang anumang tunay na gawain. Nang iulat ng mga kapatid ang problema ni Zhao Zhen, alam na alam ko na kung hindi ako makikipagbahaginan sa kanya at hihimayin ang problema niya para tulungan siyang maunawaan ang sarili niya at makapagbago, mas marami pang kapatid ang mapipigilan niya at maaapektuhan ang gawain. Gayumpaman, natakot ako na baka mapasama ko ang loob niya at mahirapan ako sa pakikisama sa kanya sa hinaharap, na magpapahirap sa aking gawin ang gawain ko ng pamumuno. Kaya, bahagya ko na lang itong binanggit. Dahil doon, walang naging pagkaunawa si Zhao Zhen sa mapagmataas niyang disposisyon at hindi siya nagbago kahit kaunti. Ganoon din ang nangyari kay Wang Hong. Malinaw kong nakita na namumuhay si Wang Hong sa pagkaumid at sa takot, at hindi dumadalo sa mga pagtitipon o gumagawa ng kanyang tungkulin, na nakaantala na sa gawain. Gayumpaman, naisip ko na kung ilalantad at hihimayin ko ang mga problema niya sa unang pagkikita pa lang namin, sasabihin niyang hindi ako makatao. Ano ang gagawin ko kung mapasama ko ang loob niya? Kaya, ayaw kong ilantad o tukuyin ang mga problema niya, at nagpakatuso pa ako sa pagtutulak ng isyu sa diyakono ng pagdidilig para ito ang lumutas. Ginamit ko ang mga satanikong pilosopiya para mapanatili ang mga relasyon ko sa mga tao. Sa panlabas, mukhang nagkakasundo-sundo ang lahat, pero sa totoo lang, napahamak ko ang mga kapatid at naantala ko pa ang gawain. Kung naisagawa ko lang sana ang katotohanan nang mas maaga at inilantad at hinimay ang mga problema nina Zhao Zhen at Wang Hong, mas maaga sana nilang naunawaan ang kanilang mga sarili, at naiwasan sana ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia at sa kanilang buhay pagpasok. Nakita ko na ang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay hindi isang positibong bagay, kundi isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pakikitungo sa mundo. Ito ay ganap na salungat sa katotohanan. Kung nagpatuloy akong mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, baka nakagawa ako ng bagay na makapipinsala sa sarili ko at sa iba anumang oras, nagdudulot ng pagkagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia at magiging dahilan ng pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos. At sa huli, mabubunyag at matitiwalag ako.
Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Ang salita bang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay mabuti o masama? Ang salita bang ‘punahin’ ay may antas kung saan tumutukoy ito sa pagkahayag o pagkalantad ng mga tao sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang ‘punahin’ batay sa pag-iral nito sa wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Ang diwa nito ay isang medyo mapaminsalang uri ng paglalantad; nangangahulugan ito na ilantad ang mga problema at pagkukulang ng mga tao, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, o ilang intriga, ideya, o pananaw na nasa likod. Ito ang kahulugan ng salitang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at kapwa sila umaasa na maging pakinabang at tulong sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na umupo nang magkatabi at ilantad ang mga problema ng isa’t isa nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang payo mo, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mong hingin ang kanyang opinyon at tanungin muna siya, ‘Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung makakaya mo itong tanggapin. Kung makakaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo makakaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi ako magsasalita.’ Kapag sinabi niyang ‘Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sasabihin mo ay magiging katanggap-tanggap; kaya ko itong tanggapin,’ ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang isa-isang ipaalam sa kanya ang kanyang mga problema. Hindi lamang niya lubusang tatanggapin ang sasabihin mo, kundi makikinabang din siya mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba iyan pagtrato sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang paglalantad ng mga pagkukulang ng iba, at kung ano ang tamang pagtukoy at pagtulong. Ang paglalantad ng mga pagkukulang ng isang tao ay isang malisyosong pag-atake, sinasadyang gamitin ang mga kakulangan, pribadong bagay, at kahit ang mga pinakasensitibong paksa para ilantad ang mga pagkukulang ng iba; ito ay sadyang pagpapahiya sa iba, at pinsala lang ang idinudulot nito sa kanila. Sa sambahayan naman ng Diyos, sa kabilang banda, kapag nakikita nating nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang mga kapatid o kumikilos nang baligtad sa mga prinsipyo, inilalantad, hinihimay, at tinutukoy natin ang kanilang mga problema alinsunod sa mga salita ng Diyos, tinutulungan silang maunawaan ang kanilang tiwaling disposisyon. Kapaki-pakinabang ito sa kanilang buhay pagpasok. Ang ganitong uri ng paghimay at paglalantad ay hindi paglalantad ng kamalian, kundi pagtulong nang may pag-ibig. Sa pagharap sa problema ni Zhao Zhen, nang ilantad at himayin ko ang mapagmataas niyang disposisyon batay sa mga salita ng Diyos, tinutulungan ko siyang pagnilayan at kilalanin ang kanyang mga problema para makapagbago siya, magkamit ng buhay pagpasok, at makipagtulungan nang maayos sa mga kapatid para magampanan nang mabuti ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na kapaki-pakinabang sa kanya. Isa pa, nang makipagbahaginan ako kay Wang Hong at hinimay ang problema niya sa pagiging makasarili at pangangalaga sa sarili, ang layunin ay tulungan siyang magkamit ng pagkaunawa sa kanyang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasang diwa, para makapagsisi siya, makapagbago, at magawa ang kanyang tungkulin. Pagtulong din ito kay Wang Hong. Ang ganitong uri ng paglalantad at paghimay ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo at isang positibong bagay; hindi ito paglalantad ng kamalian. Para matukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng paglalantad ng kamalian at ng tamang paggabay at pagtulong, ang pangunahing tinitingnan ay ang intensyon at motibo. Isa pa, palagi akong nag-aalala na ang paglalantad at paghihimay sa mga problema ng ibang tao ay mapasasama ang loob nila at magtutulak sa kanilang ituring akong kaaway, na mas magpapahirap ng gawain ko ng pamumuno. Kaya, sa bawat pagkakataon ay pinananatili ko ang mga relasyon ko sa mga tao. Sa katunayan, iba ang sambahayan ng Diyos sa lipunan. Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari. Para magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat kang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi maaaring magagawa mo lang ang iyong gawain sa pamamagitan ng pagpapanatili ng magandang relasyon sa iba. Napagtanto ko na masyadong baluktot ang mga ideya ko at talagang hindi naaayon sa katotohanan kahit kaunti.
Nagpatuloy ako sa paghahanap: anong uri ng tiwaling disposisyon ang naging dahilan kung bakit hindi ako naglakas-loob na ilantad ang mga problema ng iba? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang konsensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at mababang-uri.) Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay pabasta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa paggampan sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. … May konsensiya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? (Wala.) Nakadarama ba ng paninisi sa sarili ang isang taong walang konsensiya at katwiran na ganito kung kumilos? Ang gayong mga tao ay walang pakiramdam ng paninisi sa sarili; walang silbi ang konsensiya ng ganitong klaseng tao. Hindi sila kailanman nakadama ng paninisi ng kanilang konsensiya, kaya mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, para akong sinaksak sa puso; nakonsensiya ako at hindi mapakali sa mga nagawa ko. Sinasabi ng Diyos na ang mga taong may konsensiya at pagkatao ay may pasanin sa kanilang mga tungkulin at may pagpapahalaga sa responsabilidad, sa bawat pagkakataon ay isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at inilalantad at hinihimay ang mga taong gumagawa ng mga bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia. Sa kabaligtaran, ang unang naiisip ng mga walang pagkatao ay ang takot na mapasama ang loob ng ibang tao at magkaroon ng mga kaaway. Pinoprotektahan lang nila ang sarili nilang mga interes at nagiging mga mapagpalugod ng mga tao, hindi pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kahit kaunti. Nang pagnilayan ko ang aking sarili, nakita ko na ako nga iyong uri ng taong makasarili at kasuklam-suklam na may mahinang pagkatao na inilantad ng Diyos. Malinaw kong nalalaman na napipigilan ni Zhao Zhen ang aking mga kapatid, at nakaapekto na ito sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Isa pa, ginamit ni Wang Hong ang mga banta sa kanyang kaligtasan bilang dahilan para talikuran ang kanyang mga tungkulin. Bilang lider ng iglesia, dapat sana ay nakipagbahaginan ako sa kanila at hinimay ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon, para maunawaan nila ang pinsala at mga kahihinatnan ng pagpapatuloy nang ganito, para mabago nila ang kanilang kalagayan sa tamang oras, at magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin. Gayumpaman, natakot ako na kung mapasasama ko ang loob nila, magdaramdam sila at ibubukod ako, kaya hindi ako nakipagbahaginan sa kanila. Sa bawat pagkakataon, pinrotektahan ko ang sarili kong mga interes, at ang tanging iniisip ko lang ay mapanatili ang magagandang relasyon sa mga tao at mag-iwan ng magandang impresyon sa kanila. Hindi ko isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia kahit kaunti, ni hindi ko inisip kung magtitiis ba ng kawalan ang buhay ng mga kapatid. Talagang napakamakasarili ko at kasuklam-suklam, at wala akong kahit katiting na pagpapahalaga sa katarungan! Hindi ko talaga ginagampanan ang tungkulin ko. Gumagawa ako ng masama at nilalabanan ang Diyos! Kung hindi ako magsisisi at magbabago, sa huli ay kasusuklaman at ititiwalag lang ako ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, pinagsisihan ko ang aking mga nagawa. Naramdaman kong may pagkakautang ako sa Diyos, at na binigo ko ang mga kapatid. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, handa akong magsisi at maging isang taong may pagkatao at pagpapahalaga sa katarungan. Nais kong magpakita ng pagsasaalang-alang sa Iyong mga layunin sa hinaharap at protektahan ang mga interes ng iglesia.”
Sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung nais mong magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang nakabaling sa Kanya ang puso mo; sa pundasyong ito, magkakaroon ka na rin ng mga normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong mga kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magpunyagi o gaano mang pagsisikap ang iyong ibuhos, ang lahat ng ito ay magiging isang pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo. Pananatilihin mo ang iyong katayuan sa mga tao at makakamit ang kanilang papuri sa pamamagitan ng mga perspektiba ng tao at mga pilosopiya ng tao, sa halip na magtatag ng mga normal na interpersonal na kaugnayan ayon sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa ibang mga tao, kundi sa halip ay magpapanatili ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, at handa kang ibigay sa Diyos ang puso mo at matutunang magpasakop sa Kanya, kung gayon ay natural lamang na magiging normal din ang iyong mga kaugnayan sa lahat ng tao. Sa gayon, hindi itatatag sa laman ang mga kaugnayang ito, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos wala kang magiging pakikipag-ugnayan sa laman sa ibang mga tao, ngunit magkakaroon ng pagbabahaginan sa espirituwal na antas, gayundin ng pagmamahalan, kapanatagan, at paglalaan sa pagitan ninyo. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng pagnanais na mapalugod ang Diyos—ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya ng tao sa mga makamundong pakikitungo, likas na nabubuo ang mga ito kapag may pagpapahalaga ka sa pasanin para sa Diyos. Hindi ito nangangailangan ng anumang pantaong pagsisikap mula sa iyo, at kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa ating mga relasyon sa mga kapatid, dapat nating pakitunguhan ang iba alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag natuklasan nating may anumang uri ng tiwaling disposisyon ang ating mga kapatid, dapat tayong makipagbahaginan sa kanila at tulungan sila dahil sa pag-ibig, para makapagnilay-nilay sila at maunawaan ang kanilang sarili at magkamit ng kaunting buhay pagpasok. Hindi tayo dapat umasa sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo para mapanatili ang ating relasyon sa iba. Minsan, hindi nila nauunawaan ang sarili nilang mga problema, at kailangan ang paglalantad at paghimay. Hangga’t sila ay mga kapatid na naghahangad sa katotohanan, magagawa nilang pakitunguhan ito nang tama at magbago pagkatapos. Gayunpaman, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay makikipagtalo at lalaban kapag tinutukoy at inilalantad ang mga bagay-bagay. Pagbubunyag nila ito, at kasabay nito, tinutulungan tayong magkaroon ng kaunting pagkilatis sa kanila. Kalaunan, napansin ko na ang diyakono ng pagdidilig ay walang pasanin sa kanyang tungkulin. Nagpabagal-bagal siya sa pagpapatupad ng gawain, at nagdahilan pa, sinasabing mahina ang kanyang kakayahan at hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Gusto kong tukuyin ang mga problema niya para magkaroon siya ng mas malaking pasanin sa kanyang tungkulin, pero naisip ko naman, “Kung direkta kong ilalantad at tutukuyin ang mga problema niya na magpapasama sa loob niya, paano na kami magtutulungan sa hinaharap?” Nang maisip ko ito, medyo nag-alinlangan ako. Kalaunan, naisip ko ang ilang salita ng Diyos na nabasa ko noon, at napagtanto kong sinusubukan ko na namang panatilihin ang relasyon ko sa iba sa pamamagitan ng pag-asa sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Gaano man kagaling kong panatilihin ang relasyon ko sa iba, hindi ito pagsasagawa ng katotohanan at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos na bigyan ako ng determinasyon na maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan. Kaya, tinukoy ko ang problema ng diyakono ng pagdidilig sa pagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin, at nakipagbahaginan tungkol sa kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging pabasta-basta. Pagkatapos ng aming pagbabahaginan, naunawaan niya ang kanyang problema, at naging handa siyang maghimagsik laban sa sarili niya at isagawa ang katotohanan. Naranasan ko na kapag nagagawa mong pakitunguhan ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, may katiwasayan sa iyong puso. Salamat sa Diyos!