26. Natutuhan Kong Gampanan ang Tungkulin Ko nang Praktikal
Noong Abril 2023, nakatanggap ako ng liham mula sa mga lider na nagsasabing may mapagmataas akong disposisyon, na hindi ko hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag pumipili at nagtatalaga ng mga tao, at palaging pumipili ng mga hindi angkop na tao batay sa sarili kong kalooban, nagdudulot ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Sinabi rin nito na hindi ako nagbago kahit pagkatapos ng pagbabahaginan, at na sa loob ng taon ko bilang isang lider, hindi ako gaanong umusad. Sa kabuuan, tinasa ako na mayroong karaniwang kakayahan at hindi angkop para sa karagdagang paglilinang bilang isang lider o manggagawa. Dahil mayroon akong kaunting talento sa pagsusulat, itinalaga ako sa tungkuling nakabatay sa teksto. Isang matinding dagok sa puso ko ang mabasa ang liham ng mga lider. Ang ibig sabihin ng mga lider ay na dahil sa mahina kong kakayahan, hindi ako angkop sa tungkulin ng pamumuno. Ibig sabihin nito ay hindi na ako puwedeng maglingkod bilang isang lider o manggagawa. Dahil dito, hindi lang mawawala sa akin ang paghanga ng mga kapatid, kundi mawawalan din ako ng maraming pagkakataong magkamit ng katotohanan, at magiging malabo ang pag-asa kong maligtas. Sa isiping ito, nakaramdam ako ng matinding panlulumo. Sa gabi, pabiling-biling ako sa kama, talagang hindi makatulog, iniisip ko, “Inilipat ako dahil sa mahina kong kakayahan. Hindi na ako magkakaroon ng pagkakataong umangat ulit kailanman; magiging hamak na tao na lang ako habambuhay. Kapag ginagawa ang tungkuling nakabatay sa teksto, ang gagawin ko lang araw-araw ay magsuri ng mga artikulo at sumagot sa mga liham. Hindi ito katulad ng pagiging isang lider na nakakapagsaayos at nakakapagpasya ka sa lahat ng aspekto ng gawain, o nakakapagdaos ng mga pagtitipon kasama ang mga kapatid para gabayan ang gawain. Hindi ko na ulit matatamasa ang paghanga at suporta nila. Isa pa, siguradong sasabihin ng mga lider sa mga kapatid na nakakakilala sa akin kung bakit ako natanggal. Baka kilatisin pa nila ako. Pagkatapos ay masisira na ang reputasyon ko, at mapapahiya ako sa napakaraming tao!” Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong nararamdamang madilim ang buhay ko at talagang walang pag-asa ang kinabukasan ko, at hindi ko mapigilang tumulo ang mga luha sa mukha ko. Napagtanto kong mali ang mga isiping ito, at ginusto kong tatagan ang loob ko at ilaan ang puso ko sa tungkulin ko. Pero tuwing naaalala kong inilipat ako dahil sa mahina kong kakayahan, para itong kutsilyong pinipilipit sa puso ko. Hindi ko mapatahimik ang puso ko sa paggawa ng tungkulin ko, at minsan ay nagtatago na lang ako at umiiyak nang palihim. Noong panahong iyon, iniraraos ko lang ang tungkulin ko araw-araw, kontento na sa pangangasiwa ng sarili kong mga gampanin nang hindi masyadong nagmamalasakit sa pangkalahatang gawain. Nang makita kong pabaya sa trabaho nila ang mga kapatid sa pangkat ko, at na walang pasanin sa tungkulin niya ang lider ng pangkat at hindi gumagawa ng makatwirang mga plano para dito, hindi ako nakikipagbahaginan para lutasin ito, dahil pakiramdam ko ay wala itong kinalaman sa akin. Dahil wala akong pasanin sa tungkulin ko, wala itong naging mga resulta. Pagkatapos lang tukuyin ng superbisor ang mga problema ko at pungusan ako saka ko napagtanto ang kalubhaan ng isyu. Nag-alala akong baka matanggal ako kung magpapatuloy ako nang ganito, kaya ginusto kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ko. Nagdasal ako, “O Diyos, talagang nasa masamang kalagayan ako at hindi ko kailanman magawang humugot ng lakas, pero hindi ko alam kung ano ang dahilan nito. Bigyang-liwanag Mo sana ako para maunawaan ko ang sarili kong mga problema at matuto ako ng mga aral.”
Habang nagdedebosyon, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na tuwirang tumutukoy sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Kapag natatanggal ang ilang tao mula sa kanilang posisyon bilang lider at naririnig nilang sinasabi ng ang Itaas na hindi na sila lilinangin o gagamitin ulit, labis silang nalulungkot, at umiiyak nang mapait, na para bang itinitiwalag na sila—anong problema ito? Ang hindi ba paglinang o paggamit ulit sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag na sila? Ibig bang sabihin nito ay hindi na sila maaaring magtamo ng kaligtasan? Napakahalaga ba talaga para sa kanila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Kung mga tao silang naghahangad sa katotohanan, dapat silang magnilay-nilay sa kanilang sarili kapag nawala ang kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at maramdaman ang tunay na pagsisisi; dapat nilang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magbagong-buhay, at huwag masyadong sumama ang kanilang loob o umiyak nang husto. Kung alam nila sa kanilang puso na tinanggal sila ng sambahayan ng Diyos dahil hindi sila gumawa ng tunay na gawain at hindi nila hinangad ang katotohanan, at naririnig nilang sinasabi ng sambahayan ng Diyos na hindi na sila muling iaangat o gagamitin, dapat silang mahiya, na may utang na loob sila sa Diyos, at na binigo nila ang Diyos; dapat alam nila na hindi sila karapat-dapat na gamitin ng Diyos, at sa ganitong paraan maituturing silang may kaunting katwiran. Gayumpaman, nagiging negatibo sila at sumasama ang loob nila kapag naririnig nilang hindi sila lilinangin o gagamitin ulit ng sambahayan ng Diyos, at ipinapakita nitong naghahangad sila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na hindi sila taong naghahangad sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Hiyang-hiya ako at naantig din nang sobra. Sa pagbabagong ito ng pagkakatalaga ng tungkulin, isang matinding dagok ang marinig ang pagtasa ng mga lider sa akin na mayroon akong karaniwang kakayahan at hindi angkop linangin bilang isang lider. Pakiramdam ko na dahil inilipat ako dulot ng mahina kong kakayahan, hindi na ako kailanman makapagsasanay bilang isang lider o makakaangat ulit. Pakiramdam ko ay madilim ang buhay ko at walang pag-asa ang kinabukasan ko, at nanlamig ako sa tungkulin ko. Nakita kong masyadong matindi ang pagnanais ko sa katayuan. Noong lider pa ako, punong-puno ako ng sigla. Abala ako sa pag-aasikaso ng gawain ng iglesia mula umaga hanggang gabi, at kapag may nakikita akong problema, nakikisangkot ako para lutasin ito. Pakiramdam ko ay may tunay akong pasanin at isa akong taong nagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Pero pagkatapos mawala ang tungkulin ko sa pamumuno, para akong lobong nawalan ng hangin at hindi ako makahugot ng lakas kahit kaunti. Iniraraos ko lang ang tungkulin ko araw-araw. Kapag nakikita kong walang pasanin ang lider ng pangkat sa tungkulin niya at magulo ang gawain ng pangkat, umaakto ako na parang hindi ko ito nakikita. Gaya ng isang tagalabas, hinahayaan ko lang na maantala ang gawain. Sa paggawa ng tungkulin ko nang ganito, hindi talaga ako naging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; nagpapakapagod at nagtatrabaho lang ako. Nakita kong ang dati kong sigla at ang pasaning dinala ko ay pawang para lang sa reputasyon at katayuan, at na hindi ako lumalakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa totoo lang, isang dahilan lang ang mahina kong kakayahan kaya ako natanggal; ang pangunahing dahilan ay ang mapagmataas kong kalikasan at ang pagtanggi kong tanggapin ang katotohanan. Dapat ay ginamit ko ang pagkatanggal na ito para maayos na pagnilayan at unawain ang tiwali kong disposisyon at magkamit ng tunay na pagsisisi, sa halip na laging nalulumbay dahil sa pagkawala ng katayuan ko, na nakaantala sa gawain ng iglesia. Paggawa ito ng masama at kasuklam-suklam sa Diyos. Pagkatapos niyon, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na nauugnay sa mga problema ko para mapagnilayan at makilala ang sarili ko. Nakita ko na noon, ginagawa ko ang tungkulin ko batay sa mapagmataas kong disposisyon, pumipili at nagtatalaga ng mga tao batay lamang sa talino at mga kaloob nila. Kapag ibinabahagi ng mga lider ang mga katotohanang prinsipyo sa akin, sadyang ayaw kong makinig. Bilang resulta, pumili ako ng maling mga tao, na nagdulot ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia at halos naparalisa ang iba’t ibang gawain. Tama lang na tanggalin ako ng mga lider; pinoprotektahan nila ang gawain ng iglesia. Binigyan pa rin ako ng iglesia ng pagkakataong gumawa ng tungkulin, kaya dapat ko itong pahalagahan at maayos na magsisi. Pagkatapos niyon, inilaan ko ang puso ko sa tungkulin ko at nagkusa akong makisangkot sa gawain ng pangkat. Maingat kong pinag-isipan ang mga dahilan ng mabagal naming pag-usad, at kapag nakakahanap ako ng mga problema, hinahanap ko ang nauugnay na mga katotohanang prinsipyo para ibahagi at lutasin ang mga iyon. Nang makita kong hindi nagdadala ng pasanin ang lider ng pangkat, tinukoy ko ito at nakipagbahaginan ako sa kanya. Nagkaroon siya ng kaunting pagkaunawa sa sarili niyang mga problema at handang magbago at magsisi. Pagkatapos, magkasama naming pinlano ang gawain, sinusubaybayan ang isa’t isa at natututo mula sa mga kalakasan ng isa’t isa. Makalipas ang ilang panahon, nagsimulang magpakita ng kaunting pagbuti ang mga resulta ng gawain.
Isang araw noong Hunyo, biglang itinanong ng mga nakatataas na lider kung payag ba akong gumawa ng tungkulin sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto ng sambahayan ng Diyos. Nang marinig ito, halo-halo ang naramdaman ko. Sa pag-iisip sa kalagayan ko ng pagkasira ng loob pagkatapos italaga sa tungkuling nakabatay sa teksto, pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat na maiangat. Kasabay nito, medyo nag-alala rin ako, “Kung pipiliin kong gumawa ng tungkuling nakabatay sa teksto sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto, baka hindi na ako kailanman magkaroon ng pagkakataong maging lider ulit. Hindi ba’t mahihirapan na akong mamukod-tangi niyon?” Sa isiping ito, ginusto ko talagang tumanggi, pero alam ko ring laging isinasaayos ng iglesia ang mga tungkulin batay sa mga pangangailangan ng gawain, at na ang katwirang dapat taglayin ng isang nilikha ay ang magpasakop, kaya pumayag akong pumunta. Noong una, mayroon akong pagnanais na gawin nang maayos ang tungkulin ko, pero dahil hindi pa talaga nagbabago ang kalagayan ko, nabunyag na naman ako sa sandaling may nangyari. Minsan, nalaman kong ang isang sister na natanggal bilang lider ay nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa sarili niya at nagsisi, at di-nagtagal ay nahalal na maging lider ulit. Inggit na inggit ako, “Bakit siya biniyayaan nang husto ng Diyos at binigyan ng ganoon kahusay na kakayahan? Halos magkaedad lang kami, pero dahil sa mahina kong kakayahan, nawalan na ako ng pagkakataong maging lider habambuhay. Maaari na lang akong maging isang hamak na miyembro ng pangkat mula ngayon. Bakit hindi ako binigyan ng Diyos ng mahusay na kakayahan?” Nang maisip ko ito, pakiramdam ko ay hindi ako itinataas o pinapaboran ng Diyos, ni hindi ako tinitingala ng iba, at nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na lungkot at kawalan. Minsan sinusubukan kong pigilan ang sarili ko na isipin ang mga bagay na ito, pero tuwing natatapos ako sa tungkulin ko at humihinto sandali, hindi mapigilang lumabas ang mga isiping ito. Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong nararamdamang nababagabag ang puso ko. Kahit na hindi ako nangahas na talikuran ang tungkulin ko, wala akong mahugot na lakas para sa anumang ginagawa ko. Iniraraos ko lang ang mga bagay araw-araw, at wala akong nakamit na mga resulta.
Isang araw habang nagdedebosyon, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at medyo bumuti ang kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang mga problema ng mga nananampalataya sa Diyos, maging sila man ay naghahangad ng katayuan, kasikatan, pakinabang, at kayamanan, o na mapunan ang kanilang personal na mga ambisyon at pagnanais, anuman ang sitwasyon, ang lahat ng problema ay kailangang malutas sa pamamagitan ng paghahangad ng katotohanan. Walang problemang makalalampas sa katotohanan. Walang bagay na nakahiwalay sa katotohanan. Sa sandaling mawala ang isang tao sa katotohanan sa kanyang pananampalataya sa Diyos, ang kanyang pananampalataya ay walang saysay. Walang silbi ang paghahangad sa ibang bagay. Ang ilang tao ay kuntento na sa paggawa ng mga kahanga-hanga at kapuri-puring tungkulin, na nagiging dahilan para tingalain at kainggitan sila ng iba. Kapaki-pakinabang ba ito? Hindi ito ang iyong kalalabasan sa huli, at hindi rin ito ang iyong huling gantimpala, at lalong hindi ito ang iyong hantungan. Dahil dito, anuman ang tungkuling ginagampanan mo, ito ay pansamantala lamang, hindi ito walang hanggan. Ito ay hindi isang pagsang-ayon na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, o isang gantimpala na Kanyang ibinigay sa iyo. Sa huli, kung magtatamo man ng kaligtasan ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang pamamatnugot, huwag isaalang-alang ang kanilang hinaharap at kapalaran, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Matuwid at banal ang Diyos, at ito ang mga pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang mga pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan. Ikintal mo ang mga pamantayan na ito sa iyong isipan, at kahit kailan, huwag mong isipin na maghanap ng ibang landas upang hangarin ang ilang bagay na hindi totoo. Ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos para sa lahat ng nais magtamo ng kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman. Nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man. Makakamit mo lamang ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos ayon sa mga hinihinging pamantayan ng Diyos. Kung may nakita kang iba pang landas sa paghahangad ng mga bagay na malabo, at iniisip mong magtatagumpay ka dala ng suwerte, isa kang taong lumalaban at nagkakanulo sa Diyos, at tiyak na isusumpa at parurusahan ka ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos magbasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagiging lider o manggagawa ay hindi nangangahulugang magkakaroon ang isang tao ng magandang kalalabasan sa huli. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao batay sa kung nagkamit ba siya ng katotohanan at kung nagbago ba ang tiwali niyang disposisyon. Hindi ko naunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Palagi kong nararamdaman na ang pagiging isang lider ay hindi lang nagdadala ng katanyagan at mataas na pagtingin ng iba, kundi nagbibigay rin ng mas maraming pagkakataong magkamit ng katotohanan at mas malaking pag-asa na maligtas, kaya nainggit ako sa mga lider. Ang pananaw kong ito ay hindi naaayon sa katotohanan. Naisip ko ang maraming tao na naging lider pero nabunyag at natiwalag sa huli dahil hindi sila naghangad ng katotohanan at lumakad sa maling landas. Gamitin nating halimbawa si Yang, na kakilala ko. Hinangad niya ang kasikatan, pakinabang, at katayuan noong lider siya dahil sa mapagmataas niyang kalikasan; nakipagkompetensiya siya sa mga kapatid para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa pa nga ng mga bagay na tulad ng paninira nang patalikod at pagtatakwil sa mga hindi sumasang-ayon sa kanya. Sa huli, malubha niyang nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia at ibinukod siya. Nariyan din si Dan, na palaging lider o manggagawa. Namumukod-tangi ang mga kaloob at talento niya, pero sa tungkulin niya, madalas niyang itinataas ang sarili niya, nagpapasikat, nagmomonopolisa ng kapangyarihan, at isinasantabi ang mga kapatid na nakikipagtulungan sa kanya. Gumawa siya ng maraming masamang gawa at inilarawan na isang anticristo at pinatalsik. Mula sa mga halimbawa ng mga bigong indibidwal na ito, nakita kong ang pagiging isang lider ay hindi garantiya na maliligtas at mapeperpekto ka. Ang susi ay kung hinahangad mo ang katotohanan at lumalakad ka sa tamang landas. Mas maraming nakakaharap na mga tao, pangyayari, at bagay ang mga lider at manggagawa, kaya siguradong mas marami silang pagkakataong magsanay. Kung kaya nilang tumuon sa paghahangad ng katotohanan para lutasin ang mga tiwali nilang disposisyon, siguradong magkakamit sila ng mas maraming katotohanan, na kapaki-pakinabang para magawang perpekto. Pero kung hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi nagbabago ang mga tiwali nilang disposisyon, hindi sila maaaring maligtas kahit na mga lider pa sila. Kung, batay sa mga tiwali nilang disposisyon, gumagawa sila ng masama at nagdadala ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, mabubunyag at matitiwalag sila sa huli. Hindi ang tungkuling ginagawa mo ngayon ang tumutukoy sa kalalabasan at hantungan mo sa hinaharap. Sa pamamagitan lang ng paghahangad ng katotohanan at pagwawaksi ng tiwali mong disposisyon ka makapananatiling buhay. Nagdala ng matinding liwanag sa puso ko ang pagkatanto rito, at nakita ko na hindi ko dapat hinahangad ang mga tungkuling nagdadala ng katanyagan at nagiging dahilan para tingalain at kainggitan ako ng mga tao. Dapat kong hangarin ang katotohanan para magkamit ng pagbabago sa disposisyon ko; iyon ang pinakamahalaga. Pagkatapos niyon, medyo nagbago ang mentalidad ko tungkol sa tungkulin ko. Tuwing may libreng oras ako, pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos at nagsusulat ako ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Mas tumuon ako sa tungkulin ko kaysa dati, at nagsimula itong magbunga ng ilang resulta.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos, na malaki ang naitulong sa pag-unawa sa sarili kong mga problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan; ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang makamit ang katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang kasikatan, pakinabang, o katayuan, na walang tumitingala sa kanila, nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Hindi ba’t wala na akong pag-asa?’ Madalas na kinakalkula nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso. Kinakalkula nila kung paano sila makalilikha ng sariling puwang sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, kung paano nila mapapakinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at mapapasuporta sa kanila kapag kumikilos sila, kung paano nila mapapasunod sa kanila ang mga tao nasaan man sila, at kung paano sila magkakaroon ng maimpluwensiyang tinig sa iglesia, at ng kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Anuman ang direksyon o layon ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad ng katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ito, maaapektuhan niyon ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, ganap itong magkakaroon ng kapabilidad na kontrolin at impluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang layon ng paghahangad mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman magawang isuko ang paghahangad mo ng katayuan, maaapektuhan nito ang abilidad mong gawin ang iyong tungkulin sa paraan na pasok sa pamantayan, kaya talagang mahihirapan kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng katiwalian ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hahatulan at lilinisin ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay antagonistiko sa Diyos? Hindi inorden ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libo-libong tao. Kung kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, ang paghahangad ng katayuan ay isang daan tungo sa pagkawasak. Gaano man kamakatwiran ang iyong pagdadahilan para maghangad ng katayuan, mali pa rin ang landas na ito, at hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos. Gaano ka man magpakahirap o gaano man kalaki ang halagang bayaran mo, kung nagnanais ka ng katayuan, hindi ito ibibigay sa iyo ng Diyos; kung hindi ito ibinibigay ng Diyos sa iyo, mabibigo ka sa pakikipaglaban para matamo ito, at kung patuloy kang makikipaglaban, isa lamang ang kalalabasan nito: Mabubunyag at matitiwalag ka—mapupunta ka sa daan patungo sa pagkawasak” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)).
Inilalantad ng Diyos na itinuturing ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan bilang mas mahalaga kaysa sa sarili nilang buhay. Ginagawa nilang layon ng paghahangad nila ang pagtatamo ng magandang reputasyon at mataas na katayuan, at palagi silang nagpapakana sa puso nila kung paano magkakaroon ng puwang sa sambahayan ng Diyos at paano sila titingalain ng iba. Sa sandaling mawala sa kanila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at wala na sa kanila ang paghanga at pagsamba ng mga kapatid, nawawalan sila ng lahat ng lakas at pakiramdam nila ay walang kabuluhan ang buhay. Nang ikumpara ko ang sarili ko rito, nakita kong parehong-pareho sa isang anticristo ang pag-uugali ko. Namuhay ako ayon sa mga satanikong lason na tulad ng “Mamukod-tangi,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Ang isang sundalo na hindi nais maging heneral ay hindi isang mabuting sundalo.” Naniwala ako na kailangan kong mamukod-tangi para mamuhay nang makabuluhan at may halaga. Sa paaralan, nag-aral ako nang mabuti. Pagkatapos kong mahalal na class monitor, tiningala at pinuri ako ng lahat ng kaklase ko. Naging sobrang mapagmalaki ako at naisip kong sulit ang anumang pagdurusa. Nang manampalataya ako sa Diyos, nakita kong nagdadala ng katayuan at katanyagan ang pagiging isang lider, kaya lagi kong hinahangad na maging isang lider. Nang mahalal ako bilang isang lider at nakuha ko ang paghanga ng mga kapatid, kasingtamis ng pulot ang pakiramdam ng puso ko. Pakiramdam ko ay may dapat pagsikapan sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ko kaya aktibo akong lumahok sa lahat ng aspekto ng gawain, nagpupuyat araw-araw at hindi kailanman napapagod dito. Nang marinig ko ang mga nakatataas na lider na nagsasabing hindi ako angkop na maging lider, pakiramdam ko ay para akong pinukpok ng maso. Ang isiping hindi na ako puwedeng maging lider at hindi na muling tatanggap ng pagtingin at pagsamba ng mga kapatid, at baka makilatis pa nila ako, ay nagparamdam sa akin na parang bumagsak na nang todo ang buhay ko. Nagdurusa nang matindi ang isip ko, at nawalan ako ng ganang gawin ang kahit ano. Nagreklamo pa nga ako na hindi ako binigyan ng Diyos ng mahusay na kakayahan, at pinalipas ang mga araw ko nang wala sa sarili, namumuhay sa maling pagkaunawa at pagkasira ng loob, hindi nagdadala ng pasanin sa tungkulin ko at walang nakakamit na mga resulta sa gawain ko. Itinuring ko ang reputasyon at katayuan bilang sarili kong buhay, itinuturing ang mga itong mas mahalaga kaysa sa paghahangad ng katotohanan at paggawa nang maayos sa tungkulin ko. Noong may katayuan ako, ganadong-ganado akong maghangad; pero nang mawala ang reputasyon at katayuan ko, para akong binunutan ng kaluluwa, at naging negatibo at pabaya ako sa tungkulin ko. Sobrang tindi ng pagnanais ko sa katayuan! Malinaw na mahina ang kakayahan ko at mapagmataas ako, na walang kahit katiting na katotohanang realidad, at talagang hindi angkop sa tungkulin ng pamumuno. Pero hindi ko pa rin mapigilang isipin ang pagiging lider, at ayaw kong maging isang ordinaryong manggagawang nakabatay sa teksto. Nangangarap ako nang gising na balang-araw ay puwede akong maging lider ulit at tamasahin ang paghanga at pagsamba ng mga kapatid. Napakamapagmataas ko at palalo, at talagang walang katwiran. Ang pagnanais kong maging lider ay hindi tungkol sa pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos o pagpapalugod sa Diyos, ni hindi ito tungkol sa tunay na paghahangad ng katotohanan para maligtas. Ang lahat ng ito ay para lang bigyang-kasiyahan ang sarili kong banidad at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Lumalakad ako sa landas ng isang anticristo! Kung patuloy akong magmamatigas na maghangad sa ganitong paraan, lalo lang akong magiging mapaghimagsik at lalaban sa Diyos, sa huli ay sumasalungat sa disposisyon ng Diyos at ibubunyag at ititiwalag Niya, katulad lang ng isang anticristo. Natakot ako nang mapagtanto ko ito. Pakiramdam ko ay masyadong malubha ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad ng reputasyon at katayuan. Ang hindi ko pagiging lider ngayon ay paraan ng Diyos ng pagpupungos sa pagnanais ko sa katayuan, tinuturuan akong magpasakop sa Kanya, na tumayo sa posisyon ng isang nilikha nang masunurin, at gawin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Proteksyon at pagliligtas ito ng Diyos sa akin. Napuno ng pasasalamat sa Diyos ang puso ko, at ayaw ko nang hangarin ang reputasyon at katayuan.
Pagkatapos, nagbasa pa ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos, at nakahanap ako ng mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao sa paraang magagamit ang bawat isa sa pinakamainam na paraan, dinidisenyo ang mga tungkulin para umangkop sa bawat tao, at ginagawa ito sa paraang nararapat lang. Kung mayroon kang mabuting pagkatao pero mahina ang iyong kakayahan, dapat mong gawin nang maayos ang tungkulin mo nang buong puso at lakas; hindi ito nangangahulugan na dapat kang maging isang lider o manggagawa para masang-ayunan ng Diyos. Kahit na handa kang mag-abala, pero hindi mo magawang mag-abala sa paraang dapat gawin ng isang lider, at hindi ka nagtataglay ng kakayahang dapat mayroon ka para maging isang lider, at hindi mo ito maabot, ano ang puwede mong gawin, kung gayon? Huwag mong puwersahin o pahirapan ang iyong sarili; kung kaya mong magbuhat ng 25 kilo, magbuhat ka ng 25 kilo. Huwag mong subukang magpakitang-gilas sa pamamagitan ng pagpilit sa sarili mo nang lampas sa iyong limitasyon, sinasabi, ‘Hindi sapat ang 25 kilo. Gusto kong magbuhat ng mas mabigat pa. Gusto kong magbuhat ng 50 kilo. Handa akong gawin ito kahit mamatay ako sa sobrang pagod!’ Hindi mo kayang maging lider o manggagawa, pero kung patuloy mo pa ring pipilitin ang sarili mo nang lampas sa iyong limitasyon para magpakitang-gilas, bagama’t hindi ka mapapagod, magdudulot ka ng mga pagkaantala sa gawain ng iglesia, makakaapekto ka sa pag-usad at kahusayan ng gawain, at maaantala mo ang pag-usad ng buhay ng maraming tao—hindi ito isang pananagutan na kaya mong pasanin” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). “Kung mahina ang iyong kakayahan subalit ginugugol pa rin ang lahat ng oras mo sa kagustuhan na maging lider, o tumanggap ng ilang mahahalagang gampanin, o maging responsable sa pangkalahatang gawain, o gumawa ng isang bagay na nagtutulot sa iyo na maitangi ang iyong sarili, sinasabi Ko sa iyo: Ito ay ambisyon. Maaaring magdala ng sakuna ang ambisyon, kaya dapat kang mag-ingat dito. Lahat ng tao ay may pagnanais na umusad at handang magpunyagi tungo sa katotohanan, na hindi naman problema. Ang ilang tao ay may kakayahan, nakatutugon sa mga pamantayan ng pagiging mga lider, at nagagawang magpunyagi tungo sa katotohanan, at mabuting bagay ito. Ang iba ay walang taglay na kakayahan, kaya dapat silang tumuon sa sarili nilang tungkulin, gampanan nang maayos ang tungkuling nasa harapan nila mismo at gawin ito ayon sa prinsipyo, at ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos; para sa kanila, mas mabuti iyon, mas ligtas, mas makatotohanan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). “Para maging isang lider o manggagawa, kinakailangang may taglay ang isang tao ng partikular na antas ng kakayahan. Ang kakayahan ng isang tao ang nagtatakda ng kapabilidad niya sa gawain at kung gaano niya naaarok ang mga katotohanang prinsipyo. Kung medyo kulang ang kakayahan mo at hindi sapat ang lalim ng pagkaarok mo sa katotohanan, pero nagagawa mong isagawa ang kaya mong maunawaan, at kaya mong isagawa ang nauunawaan mo, at sa puso mo ay dalisay at matapat ka, at hindi ka nagpapakana para sa sarili mong kapakinabangan o naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ikaw ay isang tamang tao” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20)). Pagkatapos magbasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa sambahayan ng Diyos, ang pagiging lider o manggagawa ay nangangailangan hindi lang ng paghahangad ng katotohanan kundi pati na rin ng partikular na kakayahan at kapabilidad sa gawain. Sa gayon mo lang magagawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Binigyan ako ng iglesia ng mga pagkakataong magsanay bilang lider noon, at nagsikap ako sa paghahangad ko. Kahit na kaya kong lutasin ang mga problema at paghihirap ng mga kapatid ayon sa mga salita ng Diyos, pagdating sa mahahalagang bagay gaya ng pagpili at pagtatalaga ng mga tao o gawain ng pagpapasya, hindi ako marunong kumilatis ng mga tao o pumili nang naaangkop. Alam ko ang ilang prinsipyo bilang doktrina, pero lagi akong nagkakamali kapag isinasagawa na ang mga iyon. Mapagmataas din ako at ayaw makinig sa mga suhestiyon ng iba, laging pumipili at nagtatalaga ng mga hindi angkop na tao, na nagdulot ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Nakita kong talagang mahina ang kakayahan ko. Kung magpapatuloy ako bilang lider, hindi ko lang mapipinsala ang mga kapatid kundi magagambala at magugulo ko rin ang gawain ng iglesia. Ngayon, itinalaga ako ng iglesia sa tungkuling nakabatay sa teksto batay sa kakayahan at mga kalakasan ko, na pinakamainam na gumagamit sa mga abilidad ko at akma sa sukat ko. Nagsisilbi rin itong proteksyon para sa akin. Napakatindi ng pagnanais ko sa reputasyon at katayuan na kung magiging lider ako, hindi ko mapipigilang magpakapagod para sa katayuan, nagpapasikat sa bawat pagkakataon sa gawain at mga sermon ko, at hindi mapatahimik ang sarili ko sa harap ng Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Magdudulot din ako ng paggambala at panggugulo para bigyang-kasiyahan ang ambisyon ko sa katayuan at lalakad sa landas ng isang anticristo. Kaya, ang hindi pagiging lider ay talagang mabuting bagay para sa akin. Ngayon, sa tungkulin kong nakabatay sa teksto, mas napapatahimik ko ang puso ko para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at pagnilayan ang katotohanan. Nakakatulong ito sa akin na pagnilayan at kilalanin ang sarili ko at kapaki-pakinabang para sa buhay pagpasok ko. Pumipigil din ito sa pagmamataas at ambisyon ko, at napoprotektahan ako nito. Ito ang masisidhing layunin ng Diyos. Dapat akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia, lumugar nang tama, at gawin nang maayos ang tungkulin kong nakabatay sa teksto. Nang isipin ko ito nang ganito, nagliwanag nang husto ang puso ko. Pakiramdam ko ay naibaba ko ang isang mabigat na pasanin, at naramdaman kong mas labis na akong napalaya.
Isang araw, nalaman kong nahalal si Sister Qi Ya bilang lider ng iglesia, at nakaramdam ako ng inggit. “Mahusay ang kakayahan niya at kaya niyang gumanap ng malaking papel bilang lider sa iglesia, pero ang kaya ko lang gawin ay tungkuling nakabatay sa teksto. Hindi na ako kailanman magkakaroon ng pagkakataong maging lider at tingalain ulit.” Nang lumabas ang mga isiping ito, mabilis kong napagtanto na lumilitaw na naman ang pagnanais ko sa katayuan, kaya naghimagsik ako laban sa mga naiisip ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Bilang isang miyembro ng nilikhang sangkatauhan, kailangan mong manatili sa iyong wastong posisyon, at umasal nang maayos. Matapat na panghawakan ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag hangarin na maging isang dakilang tao, isang superman, o isang engrandeng indibidwal, at huwag hangarin na maging Diyos. Ang lahat ng ito ay kahilingan na hindi dapat taglayin ng mga tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa sa inyo ay dapat gawin ang kanyang tungkulin, at ang bawat isa sa inyo ay dapat nasa kanyang lugar nang ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab ay dapat may isang kislap ng liwanag—at dapat kang maghangad ng kahinugan sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Binibigyan ng Diyos ang bawat tao ng magkakaibang kakayahan at nagsasaayos ng magkakaibang tungkulin para sa kanila; walang mga tungkuling may mataas na katayuan o mababang katayuan. Dapat akong lumugar sa sarili kong posisyon, hangarin ang katotohanan, at gawin nang maayos ang tungkulin ko para aliwin ang puso ng Diyos. Iyon ang pinakamakabuluhan. Sa pag-iisip nito, napatahimik ko ang puso ko para sa tungkulin ko. Minsan, kapag hindi ko nagagawa nang maayos ang tungkulin ko, pinagninilayan ko kung saan ako nagkulang at kung paano ako bubuti at paano ko lalagpasan ang partikular na limitasyon. Pagkatapos magsagawa sa ganitong paraan nang ilang panahon, nagawa kong magkamit ng ilang magandang resulta sa tungkulin ko. Salamat sa Diyos sa pag-akay sa akin na magkaroon ng mga pagbabagong ito!