28. Kaya Ko Nang Harapin ang Kamatayan Nang May Panatag na Loob
Noon pa man, mahina na talaga ang katawan ko. Pagkatapos kong ikasal, naging abala ako sa pag-aasikaso sa pamilya at sa negosyo, at hindi ako nakakakain o nakapagpapahinga sa tamang oras araw-araw. Dahil sa maraming taon ng pagpapaikot-ikot at pagkapagod, lalong lumala ang kalusugan ko, at nagkaroon ako ng myocarditis, antral gastritis, cholecystitis, at vertigo. Nagkaroon din ako ng bone spurs, at madalas sumakit ang bandang itaas ng gulugod ko. Halos puro sakit na ang buong katawan ko. Partikular na malubha ang myocarditis ko, at kahit gumawa lang ako nang kaunti, hinihingal na ako at nahihirapang huminga. Sa mga taon na iyon, labis akong pinahirapan ng mga sakit ko. Kadalasan, nasa bahay lang ako at nagpapahinga, at pakiramdam ko, para akong walang silbi. Sobra akong naiinggit kapag nakakikita ako ng mga tao sa kalsada na puno ng sigla, at madalas kong naiisip, “Kailan kaya ako magkakaroon ng malusog na katawan na tulad nila?”
Noong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Mahigit isang taon pagkatapos niyon, halos gumaling na ang mga sakit ko, at talagang nagpapasalamat ako sa Diyos. Tahimik akong nagpasya: “Kailangan kong manampalataya sa Diyos nang buong puso para masuklian ang pag-ibig Niya!” Pagkatapos niyon, sa tuwing may nakikita akong mga kapatid na nahihirapan, ginagawa ko ang lahat para tulungan sila, at anuman ang itinalagang tungkulin sa akin, sinisikap kong gawin iyon nang buong makakaya ko. Noong 2009, nakipagbahaginan sa akin ang lider at hiniling na diligan ko ang mga baguhan. Sa isip-isip ko, “Ang negosyo namin sa bahay ay sa akin lang talaga nakasalalay, at ang paminsan-minsang paggawa ng tungkulin ay hindi naman nakaaapekto sa pagkita ko ng pera. Pero kung didiligan ko ang mga baguhan, mas kakain ito ng oras at lakas, at kung walang mag-aasikaso ng negosyo, hindi ba’t kakailanganin na itong isara?” Medyo nagtatalo ang loob ko. Pero naisip ko kung paano pinagaling ng Diyos ang mga sakit ko, at ang napakalaking biyayang ibinigay Niya sa akin; alam kong kailangan kong gawin nang wasto ang tungkulin ko para masuklian ang pag-ibig ng Diyos. Naisip ko na kung isusuko ko ang pagkita ng pera ngayon at mas magsisikap ako sa tungkulin ko, tiyak na poprotektahan ako ng Diyos at bibigyan ng magandang kalusugan, at kapag natapos na ang gawain ng Diyos, marahil ay poprotektahan pa ako ng Diyos mula sa pagdurusa sa mga sakuna at pahihintulutan akong pumasok sa kaharian ng langit para tamasahin ang malalaking pagpapala. Kaya tinanggap ko ang tungkuling ito at ipinasa ko sa asawa ko ang pamamahala sa negosyo. Kung minsan, naglalakad ako ng kilo-kilometro sa isang araw para ipangaral ang ebanghelyo, at pag-uwi ko, namamaga ang mga bukong-bukong ko. Pero hinding-hindi ako nagreklamo sa puso ko. Kapag naiisip ko na tatanggap ako ng mas marami pang biyaya at pagpapala ng Diyos sa hinaharap, at ang pagpasok sa kaharian ng langit, mas lalo akong ginaganahang gawin ang tungkulin ko.
Isang araw noong 2017, may nakapa akong matigas na bukol sa dibdib ko. Pagpunta ko sa ospital, sinabi ng doktor, “Kailangang i-biopsy ang bukol na ito para malaman kung benign o malignant. Kung malignant iyan, kailangan kang operahan.” Medyo natakot ako, iniisip na, “Kung malignant ito, hindi ba’t ibig sabihin nito ay katapusan ko na? Isa itong sakit na walang lunas!” Pero naisip ko, “Isa akong nilikha—kung mabubuhay man ako o mamamatay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung gusto ng Diyos na mabuhay pa ako, hindi ako mamamatay kahit may kanser ako.” Nang maisip ko iyon, nabawasan ang takot ko. Paglabas ng resulta ng biopsy, sinabi sa akin ng doktor na may breast cancer ako at iniskedyul niya ako para operahan. Naging matagumpay ang operasyon sa loob lang ng wala pang tatlong oras. Alam kong proteksyon ito ng Diyos at talagang nagpapasalamat ako sa Kanya. Naisip ko rin na sa kabila ng ganito kalubhang sakit, hindi ako nagreklamo sa Diyos, at na tiyak na aalisin Niya ang kanser ko. Pagkatapos ng operasyon, sumailalim ako sa chemotherapy. Akala ko, makalalabas na ako ng ospital pagkatapos nito, pero nagulat ako nang sabihin ng doktor na medyo malubha ang kondisyon ko, at kumalat na pala ang mga cancer cell sa mga kulani ko. Sinabi rin niya na hindi naging epektibo ang chemotherapy, at kailangan kong sumailalim sa radiation therapy. Hindi talaga ako makapaniwala. Narinig ko na sa ibang mga pasyente na partikular daw na masakit ang radiation therapy, at na isinusuka nila ang lahat ng kinakain nila at labis silang nanghihina. Ang ilan ay hindi na makalakad at kailangan pang itulak sa wheelchair ng kanilang pamilya. Ang iba naman, kahit nagpa-radiation therapy na, hindi pa rin nakontrol ang kanser at namatay rin sa huli. Takot na takot ako. Naisip ko, “Napakasakit ng radiation therapy—kakayanin ko ba itong tiisin? Kung hindi makontrol ang mga cancer cell pagkatapos ng radiation, mamamatay ba ako? Kung mamamatay ako nang ganito, hindi ba’t mawawala na ang pagkakataon kong maligtas? Kung ganoon, hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng taon ng pagsasakripisyo at paggugol ko? Bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos sa kabila ng lahat ng taon ng pagdurusa at paggugol ko? Ilang pasyente sa ward ang ni hindi man lang nananampalataya sa Diyos, pero pagkatapos ng chemotherapy, nakontrol ang kanser nila at nakalabas na sila sa ospital. Bakit ako na nananampalataya sa Diyos ay mas masama pa ang lagay kaysa sa mga walang pananampalataya? Posible kayang inabandona na ako ng Diyos?” Nang maisip ko ito, umiyak ako nang umiyak na parang bata at sa sobrang sama ng loob, hindi ako nakakain o nakatulog. Pinapasadahan ko lang ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ang mga ito, at wala na akong masabi kahit sa panalangin. Puno ng kadiliman at pasakit ang puso ko. Sa gitna ng kawalan ng pag-asa, lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “O Diyos, isipin ko pa lang na sasailalim ako sa radiation therapy, sobra na akong natatakot. Nangangamba ako na kapag namatay ako, mawawala na ang pagkakataon kong maligtas. O Diyos, napakahina ko po ngayon. Patnubayan Mo po ako para maunawaan ko ang layunin Mo at bigyan Mo ako ng lakas ng loob na maranasan ang sitwasyong ito.” Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Tama na sumunod ang mga tao sa Diyos, at habang mas malayo ang nararating mas lalo itong nagiging maliwanag. Hindi ka ililigaw ng Diyos, at kahit na dalhin ka Niya kay Satanas, ang Diyos ang responsable hanggang sa huli. Dapat kang magkaroon ng ganitong pananalig, at ito ang saloobing dapat taglayin ng mga nilikha tungo sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos). Nagbigay sa akin ng pananalig ang mga salita ng Diyos. Naalala ko si Job. Kahit na pinahintulutan ng Diyos na tuksuhin ni Satanas si Job, inutusan Niya si Satanas na huwag kunin ang buhay ni Job. Kaya kahit na labis na nagdusa ang laman ni Job, hindi siya namatay dahil sa pananakit ni Satanas. Kahit na may kanser ako at napakahina ng katawan ko, ang katunayang buhay pa rin ako at naging maayos ang operasyon ko, hindi ba’t dahil din iyon sa proteksyon ng Diyos? Dapat akong magkaroon ng pananalig sa Diyos.
Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Habang mas pinipino ng Diyos ang mga tao, mas lalong nagagawang mahalin ng puso ng mga tao ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging tahimik sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas makakaya nilang makita ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang pinakadakilang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa ilang pagsubok. Kung nais ninyong maperpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses—dapat kayong dumaan sa prosesong ito, at umasa sa hakbang na ito—saka lang ninyo magagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos at mapeperpekto kayo ng Diyos. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa puso ng mga tao. Kung walang pagdurusa, walang tunay na pagmamahal ang mga tao para sa Diyos; kung hindi susubukin ang kanilang kalooban, kung hindi sila isasailalim sa tunay na pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging mawawalan ng direksyon. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo, at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano ka naghimagsik. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na malaman ang kanilang totoong mga kalagayan; ang mga pagsubok ay lalong kayang perpektuhin ang mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). “Ang hinahangad ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay ang magtamo ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang layon sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong intensyon at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang aspekto na ang mga tao ay hindi nadalisay at nagbubunyag pa rin ng katiwalian, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang sumailalim sa pagpipino sa mga ito nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan magiging handa kang isuko ang iyong mga plano at mga pagnanais at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos kahit pa nangangahulugan ito ng pagkamatay. Samakatwid, kung ang mga tao ay hindi sasailalim sa ilang taon ng pagpipino, kung hindi sila magtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila mapapalaya ang sarili nila mula sa mga paglilimita ng katiwalian ng laman sa kanilang mga kaisipan at puso. Sa alinmang aspekto, ang mga tao ay nalilimitahan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspekto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanais at hinihingi, ito ang mga aspekto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang matututunan ng mga tao ang mga aral, na ang ibig sabihin ay nakakamit nila ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng pagdurusa at pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, nakakakilala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Iyon ay imposible!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, medyo mas naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Sinusubok at pinipino ng Diyos ang mga tao para dalisayin sila, pinipilit silang hanapin ang katotohanan at malaman ang kanilang katiwalian, mga karumihan, at mga intensyon. Nagbibigay-daan ito sa mga tao na magkaroon ng tunay na pagkaunawa sa Diyos at magkaroon ng tunay na pagmamahal para sa Kanya. Ang pagkakaroon ko ng kanser ay hindi dahil sinusubukan akong ibunyag at itiwalag ng Diyos, kundi dahil mayroon akong tiwaling disposisyon at mga karumihan sa aking pananampalataya. Sa pamamagitan lang ng ganitong uri ng sitwasyon maibubunyag ang mga bagay na ito. Dati, isinuko ko ang negosyo ko para manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko, at gaano man ako nagdusa sa tungkulin ko, hindi ako nagreklamo. Palagi kong itinuturing ang mga sakripisyo at paggugol na ito bilang puhunan sa harap ng Diyos, at inakala ko pa na isa akong taong nagpapasakop at nagmamahal sa Diyos. Pero ngayong may kanser na ako at kailangan kong magpa-radiation therapy, wala na akong pananalig sa Diyos kahit kaunti at mali ang pagkaunawa ko sa Kanya, iniisip na ayaw na Niya sa akin. Ginamit ko pa nga ang mga pagsisikap at paggugol ko bilang puhunan para subukang makipagtalo sa Diyos, nagrereklamo na hindi Niya ako pinoprotektahan. Nakita ko na talagang mapaghimagsik ako, at puno ng mga kahingian at inaasahan sa Diyos. Kung hindi ko naranasan ang sakit na ito, hinding-hindi ko sana makikilala ang tiwali kong disposisyon o ang mga maling intensyon ko sa pananampalataya sa Diyos. Kung hindi ako magbabago man lang pagsapit ng panahon na natapos ang gawain ng Diyos, tuluyan nang mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Sa sakit na ito na kinaharap ko, hindi sinusubukan ng Diyos na itiwalag ako, kundi iligtas ako! Pero hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos at nagkamali pa ako ng pagkaunawa at nagreklamo tungkol sa Kanya. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi at kahihiyan. Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, handang magsisi sa Kanya at hanapin ang katotohanan para pagnilayan ang tiwali kong disposisyon.
Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isang ugnayan lamang ng hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang sa magkapamilya sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang paglunok sa galit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang malaking agwat lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong kalakaran? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang ugnayang ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa kagalakan ng pagiging mapalad, walang sinuman ang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at kapangit tingnan ang gayong ugnayan sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). “Ano ang problema ng palaging paghingi sa Diyos ng mga tao? At ano ang problema sa palagi nilang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos? Ano ang nakapaloob sa kalikasan ng tao? Natuklasan Kong, anuman ang mangyari sa kanila, o anuman ang kanilang pinagdaraanan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling laman, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay pagbibigay-katwiran sa sarili nilang laman at pagpaplano para sa kapakanan ng sarili nilang kinabukasan. Humihingi silang lahat ng biyaya sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang taglay na anumang katwiran. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at adhikain, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang mamalimos ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na ‘ito ang kalikasan ng tao,’ na tama naman. Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na maluluhong pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi at namamalimos ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng mga dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay naging kalikasan na ng tao. Anong problema ang ipinapakita ng masyadong maraming paghingi sa Diyos ng mga tao? Ipinapakita nito na ang mga tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na punto, at sa kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi nila talaga Siya itinuturing na Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos). Inilalantad ng Diyos na ang kalikasan ng tao ay makasarili at kasuklam-suklam, at anuman ang gawin niya, para lang iyon sa sarili niyang kapakanan. Kahit ang pananalig niya sa Diyos ay may taglay na pansariling mga intensyon, at walang saysay siyang umaasa na maipagpapalit ang panlabas na pagdurusa at paggugol para sa isang magandang hantungan. Ang inilantad ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Bago ko natagpuan ang Diyos, punung-puno ako ng sakit, at pagkatapos kong matagpuan ang Diyos, gumaling ang mga sakit ko. Kaya nagpasalamat at nagpuri ako sa Diyos at nagpasyang suklian ang pag-ibig Niya, at anuman ang tungkuling isinaayos ng iglesia para sa akin, aktibo ko itong isinagawa. Isinantabi ko pa nga ang negosyo ko at ginugol ko ang sarili ko para sa Diyos nang full-time. Nang malaman kong may kanser ako, bagama’t sa panlabas ay tila mapagpasakop ako, ang totoo, sinusubukan kong ipagpalit ang “pagpapasakop” para sa proteksyon ng Diyos, umaasang pagagalingin Niya ang sakit ko. Nang makita kong gumagaling sa kanser ang mga walang pananampalataya habang ako ay kailangan pang magpa-radiation pagkatapos ng chemotherapy— na hindi lang pagdurusa ang hinaharap, kundi pati panganib sa aking buhay—nalantad ang tunay kong kulay. Nagsimula akong magreklamo na hindi ako pinrotektahan ng Diyos, at walang katwiran kong hiningi na alisin Niya ang sakit ko. Nakita ko na ang pananalig ko pala ay bunsod ng mga intensyong magkamit ng mga pagpapala, at ang lahat ng taon ng pagsisikap at paggugol ko ay hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, kundi para subukang ipagpalit ang pagdurusa at paggugol ko para sa biyaya, mga pagpapala, at mga gantimpala sa langit. Talagang makasarili ako at kasuklam-suklam. Nangaral ng ebanghelyo si Pablo sa halos buong Europa at labis na nagdusa, pero para iyon humingi ng mga gantimpala at korona mula sa Diyos. Sa huli, sinabi pa niya ang mga walang kahihiyang salitang ito, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ang mga pagsisikap at paggugol ko, tulad ng kay Pablo, ay puno ng mga intensyon, at wala akong anumang sinseridad o katapatan sa Diyos. Itinuring ko ang Diyos bilang huling takbuhan, bilang isang amo na nagbibigay sa akin ng mga gantimpala at sahod. Ang pagdurusa at paggugol ko ay para lang makakuha ng mga pakinabang mula sa Diyos. Sa ganito, sinusubukan kong linlangin at samantalahin ang Diyos. Talagang kasuklam-suklam ito sa Diyos. Kung hindi ko babaguhin ang mga maling perspektiba ko sa likod ng aking paghahangad at hahangarin ang pagbabago ng disposisyon, kung gayon, gaano man ako kaaktibong gumawa ng tungkulin, hindi ko pa rin makakamit ang kaligtasan sa huli. Sa puso ko, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, sa pamamagitan ng karanasang ito ng pagkakaroon ng kanser, nakita ko na bagama’t maraming taon na akong nananampalataya sa Iyo, wala akong sinseridad o katapatan sa Iyo. Kahit sa tungkulin ko, sinusubukan ko lang humingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Iyo. Nakikita ko na ngayon kung gaano ako kamakasarili at kasuklam-suklam. O Diyos, ayaw ko nang maghimagsik laban sa Iyo nang ganito. Anuman ang sitwasyong dumating sa akin, handa akong tumuon sa paghahanap ng katotohanan at magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.”
Sa isa sa aking mga debosyon, nabasa ko ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o dahilan. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik. Sa pamamagitan ng proseso ng paggampan ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagampanan mo ang iyong tungkulin, mas magagawa mong makamit ang mas maraming katotohanan, at magiging mas praktikal ang iyong pagpapahayag. Iyong mga pabasta-basta sa paggampan ng kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila iyong mga nananatiling hindi nagbabago at magdurusa sa kasawian. Hindi lamang hindi dalisay ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng tamang pagkaunawa sa kahulugan ng paggawa ng tungkulin. Tayo ay mga nilikha, kaya ang paggawa ng ating tungkulin ay ganap na likas at may katwiran. Ito ang dapat nating gawin. Hindi natin dapat gamitin ito bilang isang bentaha para makipagkasundo sa Diyos. Kung tayo man ay pagpapalain o magdurusa ng mga kasawian ay walang kinalaman sa paggawa natin ng ating tungkulin—hindi sa simpleng paggawa lang ng tungkulin ay garantisado na ang mga pagpapala sa huli. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung nagkaroon ba ng pagbabago sa ating disposisyon. Kung sasailalim tayo sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at magbabago ang ating tiwaling disposisyon, at magkakamit tayo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magagawang tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, saka lamang natin makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung hindi malilinis ang ating tiwaling disposisyon, kung gayon, gaano man tayo magpakaabala o gumugol ng ating sarili, hindi pa rin tayo magkakamit ng mga pagpapala. Naisip ko noong ang sakit na ito ay usapin na ng buhay at kamatayan. Ginamit ko ang aking nagdaang pagdurusa at paggugol bilang puhunan para hingiin sa Diyos na protektahan ako, maling iniisip na dahil nagbayad ako ng halaga, dapat akong pagkalooban ng Diyos ng biyaya. Napakarami kong natamasang biyaya at pagpapala ng Diyos, pero hindi ko itinuring ang tungkulin ko bilang sarili kong responsabilidad. Humihiling ako sa Diyos ng mga pagpapala at gantimpala para lang sa kaunting pagsisikap o paggugol. Talagang wala akong konsensiya at katwiran! Kinuha ako ng Diyos mula sa makapal na dagat ng mga tao pabalik sa Kanyang sambahayan at pinahintulutan akong gumawa ng tungkulin. Ang layunin ng Diyos ay para hanapin ko ang katotohanan habang ginagawa ang aking tungkulin, at para baguhin ko ang aking tiwaling disposisyon, upang sa ganito, ako ay madalisay at maligtas. Dapat akong magpasakop sa Diyos at hangaring palugurin Siya. Nang maisip ko ito, tahimik akong nagpasya, “Kung pagkatapos ng radiotherapy ay hindi gumaling ang kanser ko, kahit na mamatay ako, mananatili akong handang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hindi na ako muling magrereklamo sa Diyos. Kung magagamot ang kanser sa pamamagitan ng radiotherapy, kung gayon, mas taimtim ko pang hahangarin ang katotohanan pagkatapos nito, at tutuparin ko ang aking tungkulin para suklian ang pag-ibig ng Diyos.” Nang maunawaan ko ang mga bagay na ito, hindi na ako masyadong nag-isip, at nagpasama ako sa asawa ko sa ospital para sa radiotherapy. Sa ospital, sinabihan ako ng doktor na itaas ang braso ko para gumawa ng radiotherapy positioning mold. Pero sobrang sakit ng braso ko na hindi ko man lang ito maitaas hanggang sa may balikat. Hindi matarget ng makina ang apektadong bahagi, at hindi magawa ang mold. Walang nagawa ang doktor kundi pauwiin ako at pag-ehersisyuhin sa loob ng ilang araw, at pabalikin kapag kaya ko nang itaas ang braso ko. Pag-uwi sa bahay, hindi ako nangahas na mag-antala at patuloy akong nag-ehersisyo. Pero pagkatapos ng tatlong araw, hindi ko pa rin maitaas ang braso ko. Nakahiga ako sa kama at tahimik na nanalangin sa Diyos, “O Diyos, makapagpa-radiotherapy man ako nang maayos ngayon o hindi, handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos!” Hindi ko man lang namalayan, nagawa kong itaas ang braso ko at ipahinga sa likod ng ulo ko. Nang makita ito ng doktor, agad siyang gumawa ng mold para sa akin. Sa panahon ng radiotherapy, hindi ako gaanong nagdusa, at wala rin akong maraming side effect, at malinaw kong nalalaman na ito ay proteksyon ng Diyos para sa akin. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos. Sa ganitong paraan, pagkatapos ng labimpitong sesyon ng radiotherapy, nakontrol ang sakit ko. Pagkatapos niyon, ipinagpatuloy ko ang paggawa ng mga tungkulin kasama ng mga kapatid.
Noong 2020, ginagawa ko ang tungkulin ng pagpapatuloy. Dahil kailangan sa gawain, paminsan-minsan ay kailangan kong lumabas para may asikasuhin, at kung minsan, pagkatapos ng mga lakad, pag-uwi ko sa gabi ay pagod na pagod ako. Naalala ko na sinabi minsan ng isang kapwa pasyente, “Pagkatapos magkakanser, hinding-hindi ka dapat magpakapagod nang husto, kung hindi, madali itong babalik. Kapag bumalik ang kanser, baka hindi na ito malunasan.” Pinayuhan din ako ng doktor na mas magpahinga at huwag magpakapagod nang husto. Lalo na kapag naiisip ko ang lahat ng kaso ng pagkamatay dahil sa pagbalik ng sakit na narinig ko habang nasa ospital, medyo natakot ako. Paano kung bumalik ang kanser? Mamamatay ba ako dahil dito? Pero noong panahong iyon, walang habas ang pag-aresto ng CCP sa mga kapatid, at kailangan kong pangalagaan ang kapaligiran at ingatan sila, kaya wala talaga akong oras para pumunta sa ospital para sa follow-up na pagsusuri. Bagama’t tila nagpupursige ako sa aking tungkulin, madalas akong nag-aalala sa sakit ko, at paminsan-minsan, naiisip ko, “Kahit mahina ang katawan ko, hindi ako tumigil sa paggawa ng tungkulin sa lahat ng taong ito. Siguro naman ay hindi papayagan ng Diyos na bumalik ang kanser ko, hindi ba?” Napagtanto kong nakikipagkasundo na naman ako sa Diyos, kaya agad akong nanalangin sa Diyos para maghimagsik laban sa intensyong ito. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at mas naging malinaw sa akin ang usapin ng buhay at kamatayan. Sabi ng Diyos: “Ang isang tao na nagkamit, sa kanyang mga dekada ng karanasan sa buhay ng tao, ng kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay isang tao na may tamang pagpapahalaga sa kahulugan at halaga ng buhay. Ang taong ito ay may malalim na kaalaman sa layunin ng buhay, may tunay na karanasan at pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at higit pa riyan ay may kakayahan na magpasakop sa awtoridad ng Lumikha. Nauunawaan ng ganoong tao ang kahulugan ng paglikha ng Lumikha sa sangkatauhan, nauunawaan niya na dapat sambahin ng tao ang Lumikha, na ang lahat ng pag-aari ng tao ay nagmumula sa Lumikha at babalik sa Kanya balang-araw sa hindi malayong hinaharap. Nauunawaan ng ganoong tao na ang Lumikha ang nagsasaayos ng kapanganakan ng tao at may kataas-taasang kapangyarihan sa kamatayan ng tao, at ang kapwa buhay at kamatayan ay pauna nang itinadhana ng awtoridad ng Lumikha. Kaya, kapag tunay na naaarok ng isang tao ang mga bagay na ito, siya ay natural na makakaharap sa kamatayan nang mahinahon, isinasantabi ang lahat ng panlabas na bagay niya nang mahinahon, tinatanggap at masayang nagpapasakop sa lahat ng kasunod, at malugod na tinatanggap ang huling sugpungan ng buhay na isinaayos ng Lumikha sa halip na walang taros na katakutan at labanan ito” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Pagkabasa ko ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay ay nasa mga kamay lahat ng Diyos, at na ang oras ng kamatayan ng isang tao ay itinakda na ng Diyos. Hindi ito tulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, na ang sobrang pagod ay nagiging sanhi ng pagbalik ng kanser na humahantong sa kamatayan. Kung itinakda ng Diyos na mabubuhay lang ako hanggang sa isang tiyak na edad, kung gayon, kahit na magpahinga ako araw-araw sa higaan at hindi magpakapagod nang husto, hindi ko pa rin matatakasan ang kamatayan. Kung hihinto ako sa paggawa ng aking tungkulin dahil takot akong bumalik ang kanser ko, kung gayon, isa itong tunay na paghihimagsik laban sa Diyos. Kahit na hindi bumalik ang kanser ko sa huli, kung hindi ko naman natupad ang aking tungkulin, magiging walang kabuluhan ang buhay ko, at kasusuklaman ako ng Diyos. Naunawaan ko rin na kung mabubuhay ako o mamamatay ay nakasalalay sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi iyon mababago ng aking mga pag-aalala. Ang dapat kong gawin ay magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at tuparin ang aking tungkulin. Sa gayon, kahit na isang araw ay lisanin ko ang mundong ito, naging makabuluhan naman ang buhay ko. Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako nag-alala kung babalik ba ang kanser ko at kung mamamatay ba ako.
Pagkatapos ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at mas lalo pang naging malinaw ang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung, sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, ‘Anumang karamdaman o hindi kaaya-ayang pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilikha. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,’ hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng determinasyon at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, ‘Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.’ Paano kaya kung sa ganitong paraan ka mag-isip? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, ‘Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging deboto. Paano ako magiging deboto kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilikha?’ Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi magbigay ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing ‘Oo’ ngayon, ngunit hindi iyon magiging napakadali kapag nangyayari talaga ito sa iyo. Kaya nga, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip ng, ‘Paano ko matutugunan ang mga layunin ng Diyos? Paano ko masusuklian ang pagmamahal ng Diyos? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilikha?’ Ano ang isang nilikha? Ang responsabilidad ba ng isang nilikha ay makinig lamang sa mga salita ng Diyos? Hindi—iyon ay ang isabuhay ang mga salita ng Diyos. Binigyan ka na ng Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming daan, at napakaraming buhay, para maisabuhay mo ang mga bagay na ito, at magpatotoo ka sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha, at ito ang responsabilidad at obligasyon mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Naunawaan ko na napakasimple lang pala ng mga hinihingi ng Diyos sa atin, at iyon ay ang isabuhay ang realidad ng pagpapasakop, at na kahit anuman ang sakit o iba pang paghihirap ang harapin natin, dapat nating tuparin ang ating tungkulin. Ang buhay ko ay bigay ng Diyos, at sa hinaharap, kung babalik man ang sakit ko o kung mamamatay man ako, nasa mga kamay na lahat iyon ng Diyos, at handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Medyo pagod lang ang katawan ko, pero hindi ibig sabihin nito ay bumalik na ang kanser ko, at hindi naman ako pagod na pagod na hindi na ako makabangon sa kama. Lalo na sa walang habas na pag-aresto ng CCP sa mga kapatid, dapat kong ituon ang puso ko sa aking tungkulin, at dapat akong manalangin at umasa sa Diyos para protektahan ang mga kapatid upang magawa nila nang mapayapa ang kanilang mga tungkulin. Pagkatapos niyon, nagpatuloy lang ako sa paggawa ng tungkulin ko gaya ng dati. Minsan, mas nagpapahinga ako kapag hindi komportable ang katawan ko, at kapag bumuti na ang pakiramdam ko, bumabangon ako at nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kapag kailangan kong lumabas para may asikasuhin, lumalabas ako gaya ng dati, nang hindi masyadong iniisip ang sakit ko. Pagkaraan ng ilang panahon, pumunta ako sa ospital para sa follow-up na pagsusuri, at hindi bumalik ang kanser. Ipinagpatuloy ko lang ang paggawa ng tungkulin ko nang ganito, pumupunta sa ospital para sa follow-up na pagsusuri kada ilang buwan, at ngayon, ilang taon na ang lumipas at hindi pa rin bumabalik ang kanser ko. Talagang nagpapasalamat ako sa proteksyon at patnubay ng Diyos.
Sa pamamagitan ng sakit na ito, mas naunawaan ko ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at nakita ko na anuman ang mga sitwasyong inihanda ng Diyos, lahat ng iyon ay para dalisayin ang tao at alisin ang tiwaling disposisyon ng tao at ang mga karumihan sa kanilang pananalig. Kasabay nito, naunawaan ko rin na habang nabubuhay ang isang tao, dapat niyang hangarin ang katotohanan, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at tuparin ang kanyang tungkulin. Ito ang tanging paraan para mamuhay nang may kabuluhan at halaga. Mula ngayon, taimtim kong hahangarin ang katotohanan, hahangarin ang pagbabago ng disposisyon, at tutuparin ang aking tungkulin para mapalugod ang Diyos. Salamat sa Diyos!