24. Ang Mahirap na Landas ng Pananalig ng Isang Babaeng Indian

Ni Lydia, India

Isinilang ako sa isang Kristiyanong pamilya. Isang pastor ang tatay ko, at nagsisilbi rin sa simbahan ang nanay ko. Simula noong bata pa ako, kasama na nila ako sa pananampalataya sa Panginoon. Ang mga magulang ko ay napakadebotong mananampalataya sa Panginoon at napakapalakaibigan din sa iba. Magkasundong-magkasundo ang aming pamilya. Naiinggit sa akin ang lahat ng kaibigan ko noong bata pa ako dahil may masaya akong pamilya, at pakiramdam ko rin ay napakaswerte ko. Habang lumalaki ako, nakita kong madalas magkasala ang mga tao sa paligid ko, at namumuhay rin ako sa gapos ng kasalanan. Para protektahan ang sarili kong mga interes, nagsisinungaling ako at kumikilos nang may pagkamainitin ng ulo, at naiinggit at namumuhi rin ako sa iba. Sobra akong nabagabag. Kahit ako, hindi ko gusto ang sarili ko, paano pa kaya ako magugustuhan ng Diyos? Madalas akong umiiyak at nagtatapat ng mga kasalanan ko sa Diyos, pero pagkatapos, hindi ko pa rin mapigilang magkasala. Sobra akong nag-alala—kung magpapatuloy ako nang ganito nang hindi nagsisisi at nagbabago, makakapasok pa kaya ako sa kaharian ng langit sa huli? Kaya tinanong ko ang tatay ko, “Lagi akong nagkakasala—patatawarin kaya ako ng Panginoon? Ano ang magagawa ko para magkamit ng tunay na pagsisisi?” Sabi ng tatay ko, “Huwag kang mag-alala. Basta’t nagtatapat at nagsisisi tayo sa Panginoon, patatawarin Niya ang mga kasalanan natin. Hindi tayo aabandonahin ng Panginoon.” Hindi talaga nalutas ng sagot ng tatay ko ang pagkalito ko.

Noong Marso 2020, lalong lumubha ang pandemya, at inutusang magsara ang lahat ng institusyon. Noong panahong iyon, nag-aaral ako para sa bachelor’s degree sa nursing, at umuwi rin ako dahil nagsara ang eskuwelahan namin. Noong Abril, nakatanggap ako ng imbitasyon sa Facebook mula sa kaibigan kong si Ella na dumalo sa isang online na pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Pagkatapos ng isang panahon ng pagsisiyasat, naunawaan ko ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at nalaman ko na gumawa ang Diyos ng tatlong yugto ng gawain para iligtas ang sangkatauhan, at na ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay para linisin at baguhin ang mga satanikong disposisyon ng mga tao, palayain sila mula sa gapos ng kasalanan, at lubusan silang iligtas. Ito mismo ang landas para makawala sa kasalanan na hinahanap ko. Pinawi ng mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang pagkalito na bumabagabag sa akin sa loob ng maraming taon, at mula sa puso ko, natiyak ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Pagkatapos niyon, madalas na akong dumalo sa mga pagtitipon. May nauunawaan akong ilang katotohanan sa bawat pagtitipon, at talagang natutustusan ang puso ko. Kalaunan, nagbahagi ako sa Facebook ng mga himno ng mga salita ng Diyos mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nakita iyon ng isang pastor. Pagkatapos ay sinabi niya sa tatay ko ang tungkol sa pananampalataya ko sa Makapangyarihang Diyos. Tinanong ako ng tatay ko, “Dumadalo ka ba sa mga online na pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos? May nagsabi sa akin na naniniwala ka raw sa isang maling pananampalataya. Alam mo ba iyon? Ang daang ipinapangaral ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hindi naaayon sa Bibliya. Bawal ka nang manampalataya riyan! Paano nagawa ng anak ko na suwayin ako at manampalataya sa ibang daan?” Sobrang nag-aalala ang tatay ko na hindi mapahiya, at sinabi pa nga niya, “Ang sarili kong anak ay ayaw makinig sa mga turo ko. Paano pa ako makapagtuturo sa iba?” Sinabi ko, “Tay, alam mo rin na lahat tayo ay namumuhay sa kasalanan at madalas na hindi mapigilang magkasala, at hindi tayo nakakawala kahit gustuhin pa natin. Ito ay dahil hindi pa nalulutas ang makasalanang kalikasan sa kalooban natin. Sa mga huling araw, ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol, para mismo lutasin ang ating makasalanang kalikasan, para linisin at iligtas tayo mula sa kasalanan.” Pagkarinig nito, galit na galit na sinabi ng tatay ko, “Imposibleng gumawa ang Diyos ng bagong gawain! Kahit hindi pa tayo nalilinis, kung mananalangin at magtatapat tayo sa Panginoon, patatawarin Niya tayo. Hindi na kailangan pa ng anumang gawain ng paghatol at paglilinis.” Sinabi ko sa tatay ko, “Maraming propesiya sa mga kasulatan na nagsasabing gagawa ang Panginoon ng isa pang yugto ng gawain pagbalik Niya. Sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). ‘Gawin Mo silang banal sa pamamagitan ng Iyong katotohanan: ang salita Mo’y katotohanan(Juan 17:17). Sinasabi nito sa atin na dumarating ang Diyos sa mga huling araw upang ipahayag ang katotohanan at linisin ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Lubos na tinutupad ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ang mga propesiyang ito. Banal ang Panginoon. ‘Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon(Mga Hebreo 12:14). Lahat tayo ay namumuhay sa kasalanan ngayon: Tayo ay makasarili, sakim, mayabang, mapagmagaling, at madalas na nagpapakitang-gilas; nagsisinungaling tayo, nanloloko, nag-aagawan para sa kasikatan at pakinabang, at iba pa. Kung hindi maiwawaksi ang mga kasalanang ito, talagang hindi tayo karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng langit!” Pero hindi talaga nakinig sa akin ang tatay ko. Para mahikayat akong itatwa ang Makapangyarihang Diyos, sinabi niya sa akin ang lahat ng walang batayang tsismis na ginagamit ng CCP para siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at sinabi niya nang may malungkot na mukha, “Kasalanan ko ang lahat. Hindi kita naalagaang mabuti, kaya ka nila nailigaw.” Sobra akong nalungkot nang marinig ko ang mga salitang ito, at medyo naapektuhan ako. Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, nagmamakaawang gabayan Niya ako. Naisip ko kung paanong, sa dalawang buwan kong pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, marami na akong nabasang salita ng Diyos at nakitang ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay pawang katotohanan. Ginagabayan ako ng mga iyon na iwaksi ang aking tiwaling disposisyon at isabuhay ang normal na pagkatao. Binigyan din ako ng mga iyon ng kaunting kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Talagang pinanabikan ko sa puso ko ang mga salita ng Diyos, at sa tuwing kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos, natatamasa ko ang presensya ng Banal na Espiritu. Natutustusan ang puso ko at nagkakaroon ako ng kapayapaan at kagalakan. Ito ang personal kong naranasan. Malinaw kong alam na tanging ang mga katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang makapaglilinis ng tiwali kong disposisyon, at makapagliligtas sa akin mula sa gapos ng kasalanan. Anuman ang sabihin ng tatay ko, kailangan kong magpatuloy sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Gusto kong ipakita sa tatay ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa cellphone ko, pero ayaw niyang ilabas ko ito, at sinigawan niya ako, “Kung may gusto kang malaman, basahin mo ang Bibliya. Kung hindi mo maintindihan, lumapit ka at magtanong sa akin. Huwag kang basta-basta na lang nakikinig sa ibang mga turo!” Labis akong nanlumo na kumakapit ang tatay ko sa literal na mga salita ng Bibliya at hindi tinatanggap ang katotohanan. Noong oras na iyon, kinuha ng tatay ko ang cellphone ko, at hindi ko alam kung ibabalik niya pa ba ito sa akin, o kung makakadalo pa ba ako sa mga online na pagtitipon. Alam kong hindi madaling maranasan ang pag-uusig ng aking pamilya, at nag-alala ako na baka hindi ako makapanindigan dahil sa mababa kong tayog. Tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, nagmamakaawang gabayan at protektahan Niya ako.

Pagkalipas ng ilang panahon, muling hiniling sa akin ng tatay ko na iwanan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nang makita niyang hindi ako umiimik, labis siyang nagalit, at tinanong niya ako, “Susundin mo ba ang mga turo ko, o susundan mo ang mga Tsinong iyon na nangangaral ng pagbabalik ng Panginoong Jesus?” Sumagot ako, “Susunod ako sa Diyos.” Pagkasabing-pagkasabi ko niyon, sinampal ako ng tatay ko. Dalawang beses pa niya akong tinanong, at sa parehong pagkakataon ay hindi nagbago ang sagot ko. Sa tuwing sumasagot ako, sinasampal niya ako. Sabi ng nakababata kong kapatid, “Ate, bakit ba ang tigas ng ulo mo? Makinig ka na lang kay Tatay, para manatiling magkakasundo ang pamilya natin gaya ng dati.” Hindi ako nagsalita, at galit na pumunta ang tatay ko sa kabilang kuwarto. Naalala ko na sinabi ng Panginoong Jesus: “Huwag ninyong isiping Ako ay naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi Ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. Sapagkat Ako ay naparito upang paglabanin ang lalaki at ang kanyang ama, at ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae(Mateo 10:34–35). Alam kong nagbalik na ang Panginoon, at na may ilang taong nakakakilala sa tinig Niya at sumusunod sa Kanya, samantalang ang ibang hindi nakakakilala sa tinig Niya ay lalaban sa Kanya. Bagama’t iisang pamilya kami, mahahati kami dahil dito. Isa itong bagay na kailangan kong harapin. Makalipas ang dalawa o tatlong minuto, tinawag ako ng tatay ko sa kabilang kuwarto. Hawak ang isang mahaba at makapal na patpat, kinuwestiyon niya ako, sinasabing, “Sabihin mo sa akin! Sino ang pakikinggan mo?” Sinabi ko, “Nakikinig ako sa Diyos!” Sumabog sa galit ang tatay ko, tinusok niya ang balikat ko gamit ang dulo ng patpat, na naglagay ng pasa sa balikat ko. Sumigaw din ang kapatid ko mula sa gilid, sinasabihan akong huwag manampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Sabi ng tatay ko, “Sa ngayon, ako si Satanas! Kung hindi ka makikinig sa akin, papatayin kita!” Sa sandaling iyon, labis akong nagulat. Hindi ko kailanman inakala na ang tatay ko, na dati kong pinagkakatiwalaan at iginagalang, isang taong mukhang napakabait at mapagpakumbaba sa kanyang pananalig sa Panginoon, ay makapagsasabi ng gayong mga bagay. Maraming taon na siyang mananampalataya at isa siyang mahusay na pastor na nangaral na sa kung saan-saang lugar. Siya ay ganap na nabunyag sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nang marinig niya ang balita ng pagbabalik ng Panginoong Jesus, wala siyang anumang puso na maghanap. Sa diwa, isa siyang hindi mananampalataya! Noong una, akala ko ay makikinig ang tatay ko sa aking pagpapatotoo sa Diyos, ngunit sa sandaling iyon, nalaman ko na kahit isa siyang pastor, wala siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Isa siyang huwad na pastol na nagsilbi sa Diyos pero lumaban sa Kanya. Hindi niya minahal ang katotohanan; ang mahalaga sa kanya ay ang reputasyon niya. Mukha lang siyang deboto sa panlabas, pero sa kaibuturan, kinamumuhian niya ang katotohanan. Sinabi ko kay tatay, “Hindi ko isusuko ang tunay na daan.” Galit na galit ang tatay ko at inutusan akong burahin ang contact information ng lahat ng kapatid sa cellphone ko. Patuloy rin niya akong pinagbantaan at sinimulan akong sampalin sa mukha. Nang makita kong ganito ang tatay ko, labis akong natakot at medyo nanghina. Hindi ko kailanman inakala na daranas ako ng ganitong pag-uusig dahil sa pananampalataya sa Diyos. Hindi ko alam kung ano pa ang kakaharapin ko. Kung kailangan kong dumanas ng higit pang pasakit o humarap sa kamatayan sa hinaharap, makakapanindigan pa kaya ako sa aking patotoo? Sa sandaling iyon, naisip ko ang mga karanasan ng mga kapatid sa Tsina na nagdusa sa pang-uusig ng CCP. Nagawa nilang manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos sa gitna ng lahat ng uri ng pagpapahirap. Ano namang binatbat nitong maliit na pag-uusig na pinagdurusahan ko? Nagbigay ng biyaya sa akin ang Diyos sa pagdadala sa akin sa Kanyang harapan at pagtutustos sa akin ng katotohanan. Dapat akong manindigan sa aking patotoo. Hindi ko puwedeng isuko ang tunay na daan dahil lang sa kaduwagan. Nang makita ang matigas kong paninindigan, biglang pinalo nang malakas ng tatay ko ang ulo ko gamit ang patpat. Dahil nag-alala ang kapatid ko na baka mabiyak ang ulo ko, lumapit siya para pigilan ang tatay ko, at sinigawan ako, “Gusto mo bang mamatay sa kamay ni Tatay? Bakit ba ang tigas ng ulo mo? Bakit hindi mo na lang aminin na mali ka?” Hinablot ng tatay ko ang buhok ko at itinulak-tulak ako, habang patuloy na tinutusok ang balikat ko gamit ang dulo ng patpat. Hindi siya tumigil hangga’t hindi nangingitim sa mga pasa ang balikat ko. Nang makita kong ganito ang tatay ko, medyo nanghina ang puso ko.

Kalaunan, may nabasa akong sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng pananalig at lakas. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat mong maabot ang isang punto kung saan, anumang mga pangyayari ang nakahaharap mo, hindi mababago ang determinasyon mo. Saka ka lang magiging isang taong tunay na nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung ikaw ay umaatras, nagiging negatibo at nalulumbay, at sinusukuan mo ang iyong determinasyon kapag may nangyayari sa iyo at nakatatagpo ka ng kaunting paghihirap, hindi ito maaari. Dapat mong taglayin ang determinasyon na itaya ang iyong buhay, at sabihin na, ‘Anuman ang mangyari—kahit na ibig sabihin nito ay mamamatay ako, hindi ko susukuan ang katotohanan o ang aking layon na hangarin ang katotohanan.’ Pagkatapos ay wala nang paghihirap ang makakapigil sa iyo. Kung talagang makatatagpo ka ng mga paghihirap, at maiipit sa isang mahirap na sitwasyon, kikilos ang Diyos. Bukod dito, kailangang mayroon ka ng pagkaunawang ito: ‘Anuman ang mararanasan ko, ang lahat ng ito ay mga aral na dapat kong matutunan sa aking paghahangad sa katotohanan—isinaayos ang mga ito ng Diyos. Maaaring mahina ako, pero hindi ako negatibo, at nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong matutunan ang mga aral na ito. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa paghahanda ng sitwasyong ito para sa akin. Hindi ko puwedeng sukuan ang aking determinasyon na sundan ang Diyos at kamtin ang katotohanan. Kung susukuan ko ang aking determinasyon, katulad lang iyon ng pagsuko kay Satanas, pagpapahamak sa aking sarili, at pagkakanulo sa Diyos.’ Ito ang uri ng determinasyon na dapat mayroon ka. Anuman ang maliliit na bagay na nararanasan mo, lahat ito ay maliliit na kaganapan sa pag-unlad ng iyong buhay. Hindi mo dapat hayaan ang mga ito na harangan ang direksyon ng iyong pag-usad. Kapag nakatatagpo ka ng mga paghihirap, maaari kang maghanap at maghintay, ngunit hindi dapat magbago ang direksyon ng pag-usad mo, hindi ba’t tama iyon? (Tama.) Anuman ang sabihin ng iba, o paano ka man nila tratuhin, at paano ka man tratuhin ng Diyos, hindi dapat magbago ang determinasyon mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na umaasa ang Diyos na magpapatuloy ako sa pagsunod sa Kanya. Kahit walang susuporta sa akin at itatakwil ako ng lahat, hindi ko puwedeng ipagkanulo ang Diyos. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo. Dati, kapag naririnig kong ibinabahagi ng mga kapatid na ang mga paghihirap at pagsubok ay mga pagpapala ng Diyos, hindi ko naunawaan kung ano ang ibig sabihin niyon. Pero sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa. Sa pamamagitan ng pag-uusig ng pamilya ko, nakita ko ang kapangitan at kabuktutan ni Satanas. Gusto ni Satanas na gamitin ang pamilya ko para puwersahin akong ipagkanulo ang Diyos at mawala ang pagkakataon kong magkamit ng kaligtasan, pero palagi akong pinoprotektahan ng Diyos, binibigyan ako ng pananalig, at ginagabayan ako na malagpasan ang sunod-sunod na mga paghihirap. Pinahintulutan ng Diyos na dumating sa akin ang pag-uusig mula sa aking pamilya upang maperpekto ako, para maunawaan ko ang katotohanan at magkamit ako ng pagkilatis. Nadama kong tanging ang Diyos ang pinakanagmamahal sa mga tao. Nagpasya ako, “Gaano man kahina ang laman ko, hindi ako kailanman susuko sa paghahangad sa katotohanan.” Kalaunan, nabawi ko ang cellphone ko dahil kinailangan kong kumuha ng nursing exam online. Pero dahil nag-aalala ang mga magulang ko na baka magpatuloy ako sa pagdalo sa mga online na pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, mahigpit nila akong binantayan. Madalas akong pagalitan, at malamig at masakit ang pananalita sa akin ng pamilya ko. Nakaramdam ako ng matinding pasakit at panghihina, at madalas akong manalangin sa Diyos na bigyan ako ng pananalig at palakasin ang puso ko.

Isang araw noong Nobyembre 2020, dumadalo ako sa isang online na pagtitipon, at biglang pumasok si nanay, sinasabing, “May nakakaalam na nananampalataya ka sa Makapangyarihang Diyos at tinatanong nila ang tatay mo tungkol dito.” Pagkatapos ay tinawag ako ng tatay ko sa kusina at tinanong kung dumadalo pa rin ako sa mga pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sumagot ako, “Opo.” Sinabi ng tatay ko sa malumanay na tono, “Mahal kong anak, bakit dumadalo ka pa rin sa mga pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos? Binalaan na kita noon, hindi iyan ang tunay na daan. Sinabi ko sa mga katrabaho ko na umalis ka na sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, pero dumadalo ka pa rin sa mga pagtitipon nila. Labis akong nadidismaya sa iyo!” Sinubukan kong magpaliwanag, pero dinuraan ako ng tatay ko sa mukha at sinuntok ako sa mata. Pumagitna si nanay para pigilan siya, at sinubukan akong sabunutan ng tatay ko, sinasabing kung hindi ko siya susundan sa pananampalataya sa Panginoon sa simbahan, papatayin niya ako. Labis akong natakot noon, at tahimik akong nanalangin sa Diyos sa puso ko. Nang makitang hindi ko itinatatwa ang Makapangyarihang Diyos, sumubok ng ibang taktika ang tatay ko. Sinabi niya, “Napakaraming taon ko nang nangangaral, at wala pang sinumang nagsabi na may problema sa mga sermon ko, pero ngayon ay kinokontra ako ng sarili kong anak. Dahil ayaw mong makinig sa mga sermon ko at iniisip mong tama ang mga sermon ng iba, magbibitiw ako bilang pastor. Mag-impake ka na, uuwi na tayo sa probinsya natin ngayong gabi!” Umiyak si nanay at ang mga kapatid ko, nagmamakaawang magbago ako ng isip. Galit na galit ang tatay ko, hindi lang ako pinagbantaan at sinubukang bugbugin, kundi galit ding sinuntok ang pader. Sinabi niyang magmamaneho siya sa mismong gabing iyon para wakasan ang buhay niya. Takot na takot ako. Kung talagang may mangyaring masama sa tatay ko, mararamdaman ko na labis ko siyang binigo. Bagama’t napagtanto ko na pagsubok sa akin ang kapaligirang ito, takot na takot pa rin ako. Pinilit ako ng nanay ko na humingi ng tawad sa tatay ko, sinabi niya na kung may anumang mangyari sa tatay ko, magiging pananagutan ko ang lahat ng iyon, at na hindi niya ako mapapatawad, at gayundin ng mga kapatid ko. Sinabi rin niyang napakatigas ng kalooban ko at hindi ko isinasaalang-alang ang nararamdaman nila. Nang makita kong labis na nasasaktan at nalulungkot ang pamilya ko, labis akong nanghina. Noong oras na iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos na naglalarawan sa mga paraang ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao: “Ang una ay pagkokontrol at pamumuwersa. Iyon ay, gagawin ni Satanas ang lahat ng maaaring gawin upang kontrolin ang iyong puso. Ano ang ibig sabihin ng ‘pamumuwersa’? Nangangahulugan ito ng paggamit ng pagbabanta at sapilitang taktika upang pilitin kang sumunod dito, na pinag-iisip ka sa mga kahihinatnan kung hindi ka susunod. Natatakot ka at hindi nangangahas na salungatin ito, kaya sumusuko ka(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na sa likod ng lahat ng ito ay ang panlalansi ni Satanas. Gumagamit si Satanas ng iba’t ibang paraan at diskarte para kontrolin at puwersahin ang mga tao, idinudulot na ipagkanulo nila ang Diyos. Sa buhay ko, napakahalaga sa akin ng pamilya ko. Kung may mangyaring masama sa kanila dahil sa akin, hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Nang sabihin ng tatay ko na magmamaneho siya para kitilin ang buhay niya, at sinabi ng nanay ko na hindi niya ako mapapatawad, pakiramdam ko na kung magpapatuloy ako sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, susumbatan ako at palalayasin sa bahay ng lahat ng kapamilya ko. Dahil dito ay nanghina ako. Pero dahil sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ginagamit ni Satanas ang pagmamahal sa pamilya para pagbantaan ako sa pagtatangka nitong ipagkanulo ko ang Diyos. Kapag sinunod ko ang tatay ko at ipinagkanulo ko ang Diyos, mawawalan ako ng patotoo. Nagpasya akong kailangan ko talagang sumunod sa Makapangyarihang Diyos, at na hindi ko sila puwedeng sundin.

Noong gabing iyon, kinuha na naman ng tatay ko ang cellphone ko, at tinabihan ako ng nanay ko sa pagtulog para bantayan ako. Sinabi rin nilang ibabalik nila ako sa kolehiyo sa lalong madaling panahon, dahil doon, hindi ako papayagang gumamit ng telepono ko at halos hindi ako papayagang makalabas, kaya magiging napakahirap para sa akin na dumalo sa mga pagtitipon o makipagkita sa mga kapatid. Habang nakahiga sa kama, hindi ko mapigilang umiyak. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas at tapang. Alam ko na kung gusto kong patuloy na manampalataya sa Diyos at gumawa ng tungkulin ko, ang tanging pagpipilian ko ay umalis ng bahay. Kung hindi, tiyak na ibabalik nila ako sa eskuwelahan para pagbawalan ang pananampalataya ko sa Diyos. Pero estudyante lang ako; saan naman ako pupunta? Wala akong pera, kaya paano ako mabubuhay sa hinaharap? Pero kung mananatili ako sa bahay, hindi nila ako hahayaang sumunod sa Diyos. Ano ang dapat kong gawin? Sa loob ng ilang araw na iyon, hindi ako makatulog, at gulong-gulo ang puso ko. Minsan, naiisip ko na dahil ako ang panganay na anak na babae, dapat ay maging responsable ako sa pagtulong sa mga magulang ko na mag-alaga sa mga nakakabatang kapatid ko. Sumasailalim ako sa propesyonal na pagsasanay sa eskuwelahan at makakahanap ako ng trabaho pagkagradweyt. Labis ang pag-asa ng mga magulang ko sa akin. Paano ko magagawang sumuko sa pag-aaral ko? Pero bilang isang nilikha, biniyayaan ako ng Diyos ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko sa Kanyang sambahayan. Ito ay pagtataas sa akin ng Diyos, at higit pa rito, ito ang responsabilidad na dapat kong tuparin nang maayos. Paano ako pipili sa pagitan ng pag-aaral at pananalig ko? Paulit-ulit ko itong pinag-isipan, at labis na nagtatalo ang kalooban ko at nasasaktan ako. Noong oras na iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang bawiin ang nasayang na panahon ay pagliligtas sa buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kang mag-aral para dito nang paulit-ulit. Gayumpaman, hindi na maaantala pa ang Aking araw. Tandaan! Tandaan! Ito ang mabubuting salita Ko ng panghihikayat. Nalantad na sa inyo ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at malapit nang dumating ang malalaking kalamidad. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang inyong pagkain at inumin at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito! Huwag nang magduda pa! Masyado kayong natatakot na seryosohin ang mga bagay na ito, hindi ba?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos na nagsimula na ang mga sakuna. Noong 2016, may 6.7 magnitude na lindol sa lugar kung saan ako nakatira, at noong 2020, naganap ang pandaigdigang pandemya ng COVID-19. Palaki nang palaki ang mga sakuna. Malapit nang magwakas ang lihim na pagdating ng Diyos para gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at labis na limitado na ngayon ang oras. Kung ipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko, maaantala nito ang paghahangad ko sa katotohanan at ang paglago ng buhay ko, kaya ayaw ko nang ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Alam kong marami akong haharaping paghihirap sa hinaharap, pero naniniwala akong bubuksan ng Diyos ang isang daan para sa akin.

Noong panahong iyon, minsan ay ginagamit ko ang cellphone ng nakababata kong kapatid na babae para mag-log in sa Facebook account ko para tingnan ang mga mensahe. Madalas akong padalhan ng mga kapatid ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos para tulungan ako. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Iyong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay iyong mga nagagawa pang manindigan sa kanilang patotoo at mapanatili ang kanilang orihinal na pananalig at kanilang katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensiya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay naninindigan sa iyong patotoo sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay.’ Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magtukoy man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kalalabasan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang pagiging taos ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Debosyon sa Diyos). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga taong nais ng Diyos na gawing mga mananagumpay ay yaong mga kayang ibigay ang kanilang tunay na puso sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok. Habang mas matindi ang mga pagsubok na nararanasan ng mga taong ito, mas lalong tumitibay ang kanilang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Nakita ko na ginagamit ng Diyos ang mga pagsubok para gawing perpekto ang mga tao. Kung iisipin, totoo nga ito. Sa tuwing nakararanas ako ng pag-uusig, medyo mas tumitibay ang pananalig ko sa Diyos. Ang paulit-ulit na pag-uusig na ito ay ang praktikal na pagsasaayos ng Diyos ng mga kapaligiran ayon sa aking tayog para gawing perpekto ang aking pananalig at tulutan ang paglago ng aking tayog. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa aking puso. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas ng loob na panghawakan ang tunay na daan. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Diyos na tulungan ako, para magawa kong magpasakop sa Diyos at manindigan sa aking patotoo para sa Kanya, at hindi magreklamo tungkol sa Diyos anuman ang pasakit na maaari kong harapin sa hinaharap. Isang gabi, naalala ko ang mga karanasan ni Pedro, na napagbahaginan na namin dati sa isang pagtitipon. Noong 18 taong gulang siya, tinalikuran ni Pedro ang kanyang mga magulang, pamilya, at mga makamundong kinabukasan para lumakad sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Kalaunan, nang marinig niya ang tawag ng Panginoon, sumunod siya sa Panginoon, isinasantabi ang iba pa. Napaisip ako nang husto dahil dito. Alam kong ang Makapangyarihang Diyos ang tunay na Diyos, ang Panginoong Jesus na nagbalik, pero wala pa akong anumang halagang ibinayad para sa pagsunod sa Diyos. Hindi ko magawang sundan ang Diyos nang determinado. Talagang nahiya ako. Nang maisip ko ito, lumiwanag ang puso ko, at nadama kong ginagabayan ako ng Diyos para gumawa ng pagpili. Kinailangan kong magpursige sa pagsunod sa Diyos at paggawa ng tungkulin ko. Kaya, ginamit ko ang cellphone ng kapatid ko para makipag-ugnayan sa mga kapatid, sinasabi sa kanila na gusto ko nang isuko ang aking pag-aaral at sumunod sa Diyos, at na kung susubukan na naman akong pigilan ng mga magulang ko, tatakas ako sa bahay. Isang sister ang nakipagbahaginan sa akin, sinasabing, “Babae ka, at mag-aalala ang pamilya mo kung tatakas ka nang ganyan. Ganap na likas at may katwiran na sumunod tayo sa Diyos. Maaari mong ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay sa mga magulang mo, sinasabi sa kanila na pinipili mong sumunod sa Diyos. Kung susubukan ka pa rin nilang pigilan, kailangan mo nang piliin ang landas sa buhay na dapat mong tahakin.” Nadama kong tama ang sinabi ng sister, at nagsimula akong mag-isip kung paano ko ipapahayag ang aking paninindigan kay tatay.

Sa hindi inaasahan, sa mga sumunod na araw, biglang naging napakabuti ng pakikitungo sa akin ng mga magulang ko. Sinabi nila sa akin kung gaano sila nagsikap para alagaan ako mula pa noong ipinanganak ako. Madalas sabihin ng tatay ko, “Mahal kong anak, alam mo ba kung gaano ka namin kamahal? May hika ka noong bata ka, at sa gabi, nahihirapan kang huminga. Kinakarga ka namin ni nanay mo sa aming kandungan at pinapainom ka ng gamot. Sa gabi, nagsasalitan kami sa pagkarga sa iyo, tinutulungan kang baguhin ang posisyon mo sa pagtulog. Kung hindi ka namin inalagaan nang ganoon, paano ka gagaling? Nagtipid kami para mabigyan ka ng pinakamagandang edukasyon para mamukod-tangi ka sa iba sa hinaharap. Lahat ng pera namin ay ginastos sa iyo. Hindi mo maaaring kalimutan ang kabutihan namin!” Nang marinig ko ang mga salita ng mga magulang ko, kumirot ang puso ko, at naramdaman kong may pagkakautang ako sa kanila. Kalaunan, sa isang pagtitipon, nagtapat ako sa pagbabahaginan tungkol sa aking kalagayan. Isang sister ang nagbasa sa akin ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—ang mga ito ay hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos; sadya lang na ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, at ang mga anak natin ay isinilang natin, gayumpaman, ang mga kapalaran nila ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin sa Diyos na nararapat mong tuparin bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ito ang pangunahing bagay at pangunahing usapin na pinakanararapat na tapusin ng mga tao sa buhay nila. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi tumupad sa mga obligasyon o tungkulin niya sa anumang paraan, isang tumanggap ngunit hindi tumapos sa atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong mali ang paniniwala ko na napakaraming naibigay para sa akin ng mga magulang ko at na sila ang pinakanagmamalasakit sa akin at na ang pagpili kong sumunod sa Diyos ay nangangahulugang may pagkakautang ako sa kanila. Sa katunayan, ang Diyos ang nagkaloob ng lahat ng ito sa akin. Ang buhay ko at lahat ng kailangan ko para lumaki ay ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Ang pagpapalaki sa akin ng mga magulang ko ay dahil din sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa Diyos ako may pagkakautang, hindi sa mga magulang ko. Naisip ko kung paanong sinabi ng mga magulang ko na ibinigay nila sa akin ang lahat ng magagandang bagay para matamasa ko at ang isang magandang edukasyon, at na mahal na mahal nila ako. Sa katunayan, sa panlabas lang sila naging mabuti sa akin. Nang maharap sa napakahalagang bagay ng pagbabalik ng Panginoon, palagi nila akong sinusubukang pigilan na tanggapin ang tunay na daan. Pagmamahal ba iyon? Sinabi nila ang gayong mga bagay para tuksuhin akong ipagkanulo ang Diyos! Nagpasalamat ako sa gabay ng mga salita ng Diyos sa pagpapahintulot sa akin na makita ang mga pakana ni Satanas. Kalaunan, ginugol ko ang isang buong gabi sa pagsusulat ng liham para sa tatay ko, kung saan muli akong nagpatotoo sa kanya tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos. Isinulat ko rin ang tungkol sa naramdaman ko nang hindi ko magawang basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at ipinahayag ko ang aking matatag na pasya na sumunod sa Makapangyarihang Diyos. Sa dulo ng liham, isinulat ko, “Ang mga propesiya ng pagbabalik ng Panginoon ay natupad na. Ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Marami na akong ibinahagi sa iyo, pero ayaw mong makinig at inuusig at hinahadlangan mo pa ako. Hinihiling ko na ngayon na bigyan mo ako ng kalayaan sa paniniwala at na tulutan mo akong dumalo sa mga pagtitipon. Kung patuloy mo akong hahadlangan, isang araw ay aalis ako sa bahay. Namumuhay tayo sa isang demokratikong bansa, pero inalis mo ang karapatan ko sa kalayaan sa paniniwala. Determinado akong palaging sumunod sa Makapangyarihang Diyos; hindi mo ako mapipigilan.” Pagkatapos ay ipinakita ko ang liham sa tatay ko. Pagkatapos niyang basahin ito, sinabi sa akin ni tatay, “Pinagbabawalan na kitang manampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Tatlong beses na kitang binalaan. Bakit ba ipinagpipilitan mo pa ring manampalataya? Bakit mo paulit-ulit na binabanggit ito? Bakit gusto mo pa ring sumali sa iglesia nila?” Sinabi ko sa tatay ko, “Nasabi ko na sa iyo ang dapat sabihin. Anuman ang mangyari, hindi ko isusuko ang pagsunod sa Makapangyarihang Diyos!” Sandaling natahimik ang tatay ko, tapos sinabi niya, “Pinag-aral kita para matulungan mo ako sa iba’t ibang paraan, pero mas higit na ang kaalaman mo ngayon kaysa sa akin, at bukod sa hindi mo ako tinutulungan, sinasabi mo pang mali ang mga turo ko. Paano pa ako makakapangaral sa iba? Paano pa ako magiging pastor? Kung mahal mo ang Tatay, dapat mong gawin ang sinasabi ko. Sinasabi ng Bibliya na dapat sumunod ang mga anak sa mga magulang nila. Tanging sa pagsunod sa akin mo mapapatunayan na ang landas na pinaniniwalaan mo ay tama.” Alam kong takot ang tatay na ang pagsunod ko sa Makapangyarihang Diyos ay makakaapekto sa kanyang katayuan bilang pastor at makakasira sa reputasyon niya sa mga mananampalataya. Sinabi ko, “Napakapalad ko na isinilang ako sa isang Kristiyanong pamilya at na makilala ang Diyos simula pagkabata. Pero hindi lahat ng tinuturo mo ay tama. Susundin ko ang mga tamang bagay na sinasabi mo, pero hindi ko puwedeng sundin ang mga maling bagay na sinasabi mo. Tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at sinalubong ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Sa pamamagitan ng paghadlang sa akin, pinipigilan mo akong marinig ang tinig ng Diyos at magpasakop sa Diyos. Paano ko magagawang makinig sa iyo?” Nang makitang hindi ako makikipagkompromiso, nagpatuloy ang tatay ko, “Hindi kita pipilitin. Maaari mong piliin ang sarili mong landas. Pero dapat mong malaman na kung makikinig ka sa akin, maaari tayong magkasamang mamuhay nang magkasundo. Kung pipiliin mong sumunod sa Makapangyarihang Diyos, masisira ang pamilya natin, dahil magkaiba ang mga daan na sinusunod natin. Ibig sabihin, kailangan na nating maghiwa-hiwalay ng landas mula ngayon!” Medyo natakot ako, at naisip ko, “Kung mahihiwalay ako sa pamilya ko, saan ako pupunta? Paano ako mamumuhay nang mag-isa?” Pero alam kong kahit mawala sa akin ang lahat, hindi ko maaaring ipagkanulo ang Diyos. Kaya muli kong mariing sinabi sa tatay ko, “Gusto kong sumunod sa Makapangyarihang Diyos at tahakin ang tamang landas!”

Pagkatapos nito, nakituloy ako sa bahay ng isang kaibigan sa ibang lugar. Kahit hindi nananampalataya sa Diyos ang kaibigan ko, naunawaan niya ako nang marinig niya ang karanasan ko sa pag-uusig. Kalaunan, humingi ako ng tulong sa isang organisasyon para sa mga karapatang pantao. Sinabi sa akin ng mga staff, pagkatapos marinig ang pahayag ko, na kung makikialam ang pamilya ko sa aking kalayaan sa paniniwala, maaari silang magsampa ng kaso at magbigay ng babala sa mga magulang ko. Pagkatapos, dinala nila ako sa isang bahay-kanlungan. Dito, mayroon ako ng mga kailangan ko para mabuhay, pero hindi ako makapamuhay ng buhay iglesia o makapagbasa ng mga salita ng Diyos, at labis pa ring nasasaktan ang puso ko. Kalaunan, ginamit ko ang cellphone ng ibang tao para makipag-ugnayan sa mga kapatid. Sinabi sa akin ni Sister Sylvia na ang mga magulang ko, para mahanap ako, ay nakipagsabwatan sa mga pulis, na inaresto ang tatlong kapatid na nakipag-ugnayan sa akin. Nagulat ako. Hindi ko kailanman inakala na gagawin ng mga pulis ang ganoong bagay. Kaya pumunta ako sa organisasyon para sa mga karapatang pantao para humingi ng tulong. Sa hindi inaasahan, nang hapong iyon, dinala ng mga magulang ko ang maraming pulis sa lokasyon ng organisasyon para sa mga karapatang pantao. Umiyak ang nanay ko at nagmakaawang umuwi ako, sinasabi sa akin na hindi nila pakikialaman ang pananalig ko. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng kasunduan, at pinapirma ng organisasyon para sa mga karapatang pantao ang nanay ko sa kasunduan. Nilinlang ako ng mga pulis, sinasabing pinalaya na nila ang mga kapatid. Pero pagdating ko sa istasyon ng pulis, nakakulong pa rin sa detention center ang mga kapatid, at brutal silang binugbog. Isang sister pa nga ang binugbog hanggang sa mawalan ng malay. Sinabi ko sa mga pulis kung bakit ako umalis ng bahay, at kung paano ako inusig ng pamilya ko, at ipinaliwanag ko na ang India ay isang demokratikong bansa kung saan protektado ng batas ang kalayaan sa paniniwala, at na ang paulit-ulit na pagtatangka ng mga magulang ko na pilitin akong isuko ang aking pananalig ay hindi naaayon sa batas ng India. Isang lalaking pulis ang galit na sumigaw sa akin, “Anong pananalig? Itigil mo na iyan! Ipinagkanulo mo ang mga magulang mo para sa pananalig mo. Anuman ang mangyari, dapat kang sumunod sa mga magulang mo!” Natakot ako sa pagsigaw ng pulis. Dati, ang alam ko lang ay nilalabanan ng gobyerno ng CCP ang Diyos. Ngayon, nakita ko na marami ring pulis dito ang lumalaban at namumuhi sa Diyos. Sa huli, sinabi ng hepe ng pulisya, “Kailangan nating magkaroon ng kasunduan. Uuwi ka at maninirahan kasama ng mga magulang mo, at hindi ka na maaaring usigin ng mga magulang mo o pigilan sa pananampalataya sa Diyos. Ayon sa mga Artikulo 25-28 ng Konstitusyon ng India, may kalayaan sa relihiyon ang mga Indian. Dapat ninyong lahat na tandaan ito.” Sumang-ayon si nanay.

Sa ikatlong araw pagkatapos bumalik mula sa istasyon ng pulis, nilinlang ako ng mga pinsan ko, sa pakikipagsabwatan sa mga magulang ko, para bumalik sa aming bayan at pumunta sa isang simbahan doon. Ipinadasal nila ako sa pastor doon para palayasin ang tinatawag nilang “mga demonyo.” Sinubukan kong tumangging pumunta, pero wala akong laban sa kanila. Kaya, maingat kong pinagmasdan kung ano ang gagawin nila. Sabay-sabay silang umawit, parang napakalungkot ng tinig nila, nakapikit ang kanilang mga mata, nakataas ang kanilang mga kamay, at lumuluha. Isang babae ang nahimatay, at binuhat nila siya papunta sa isang bangko, sinasabing pumanaw na siya pero magigising din. Naniniwala sila na magdadala ng balita mula sa langit ang babae. Pagkatapos ay nagsimula silang magsalita ng walang katuturan, sinasabing nailigaw ako. Mula sa kanilang mga kilos, nakita ko kung paano niloloko ng mga relihiyosong taong ito ang iba, at naunawaan ko rin na pinahintulutan ng Diyos na maranasan ko ang mga bagay na ito para lumago ako sa pagkilatis, makita nang malinaw ang kabuktutan ni Satanas, at makita nang malinaw kung paano nililinlang at nililigaw ng mga relihiyosong taong ito ang ibang mga tao. Sa loob lang ng ilang oras, marami na silang nalokong tao. Tahimik kong sinabi sa sarili ko, “Anuman ang sabihin nila, anuman ang mangyari, dapat akong manindigan sa aking posisyon.” Sa huli, kahit pinagtulungan nila ako, hindi ako naapektuhan. Nang makitang matatag pa rin ang pananalig ko sa Makapangyarihang Diyos, may ginawa ang pamilya ko na mas hindi kapani-paniwala. Kinabukasan, sapilitan akong dinala ng mga pinsan at magulang ko sa isang lugar kung saan nagsasagawa ng pangkukulam. Ito ay isang bagay na hindi ko kailanman inakala—ang mga magulang ko pa mismo, na maraming taon nang nananampalataya sa Panginoong Jesus, ay gagawa ng ganoong bagay! Narinig ko na noon na kapag kinulam ng isang mangkukulam ang isang tao, maaaring mabaliw ang taong iyon. Medyo natakot ako sa puso ko. Pero pagkatapos ay naalala ko ang isang pelikula na pinamagatang Isang Bagong Buhay Mula sa mga Pagpapahirap sa website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sa pelikula, dinroga ng mga pulis ang isang sister para pilitin siyang ipagkanulo ang Diyos, sa pagtatangkang sirain ang kanyang pag-iisip. Pero umasa ang sister sa mga salita ng Diyos para malampasan ang mga kalupitan at pagpapahirap ng mga pulis, at sa huli ay nanindigan sa kanyang patotoo, na nagpahiya kay Satanas. Nang maisip ko ito, medyo lumakas ang loob ko. Nagpadala ako ng text message kay Sister Sylvia, sinasabi sa kanya ang lahat ng nangyari. Sinabi niya sa akin na umasa sa Diyos at pinadalhan din niya ako ng ilang salita ng Diyos. Pinalakas ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at binigyan ako ng higit na pananalig para harapin ang mga darating na pangyayari. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag pinipili ng Diyos ang isang tao at inaakay ito palabas sa kapangyarihan ni Satanas at patungo sa sambahayan ng Diyos, naglalakas-loob ba si Satanas na magtakda ng anumang kondisyon para sa Diyos? Hindi ito naglalakas-loob na magtakda ng anumang kondisyon, ni naglalakas-loob na magsalita ng anumang bagay. Kung sasabihin ng Diyos, ‘Akin ang taong ito, hindi ka na pinahihintulutang galawin siya,’ masunuring isusuko ni Satanas ang taong iyon. Ang pagkain, damit, tirahan, transportasyon, at bawat galaw ng taong ito ay nasa ilalim lahat ng pangangalaga at pagmamasid ng Diyos, at hindi maglalakas-loob si Satanas na galawing muli ang taong iyon nang walang pahintulot ng Diyos. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang ibig sabihin nito ay ganap nang namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos ang taong iyon, nang hindi napapakialaman o nasisira ng anumang mga panlabas na puwersa, at na ang pang-araw-araw na kagalakan, kalungkutan, at pasakit nito ay lahat nasa ilalim ng pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos, at nasa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paggampan Lamang Nang Maayos sa Tungkulin ng Isang Nilikha Mayroong Halaga ang Pamumuhay). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na si Satanas ay nasa mga kamay rin ng Diyos, at na kung walang pahintulot ng Diyos, hindi nangangahas si Satanas na gumawa ng kahit ano. Hindi na ako natakot sa anumang paraan na maaaring subukan ng pamilya ko para takutin ako, o sa anumang taktikang maaaring gamitin nila para pilitin akong ipagkanulo ang Diyos. Nang makitang sila, bilang mga Kristiyano, ay kayang humayo at sumamba sa masasamang espiritu, at na pagkatapos manampalataya sa Panginoon sa loob ng maraming taon, nagawa nilang gumawa ng mga bagay na nagkakanulo at nagpapahiya sa Diyos, labis akong nadismaya sa kanila. Dahil lang tinanggap ko ang Makapangyarihang Diyos, gumamit sila ng mga paraang ito para guluhin ako at pilitin akong ipagkanulo ang tunay na daan. Sobra ang pagkamuhi nila sa katotohanan! Sinabi ko kay nanay, “Bakit mo ito ginagawa? Hindi mo ba alam na pangkukulam ito, na ito ay si Satanas at masasamang espiritu? Mga mananampalataya kayo sa Panginoon, pero, para pigilan akong tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, bumaling pa talaga kayo kay Satanas at sa masasamang espiritu!” Sabi ng nanay ko, “Ginagawa namin ito para sa ikabubuti mo. Hindi ka nabago ng mga panalangin namin sa Diyos, pero makakatulong si Satanas dito. Hindi kami naparito para sumamba sa kanila.” Labis akong nalungkot nang makita ko ang mga tunay nilang kulay. Wala silang ipinagkaiba sa mga hindi mananampalataya. Ang hindi ko inaasahan ay na ang mangkukulam, na alam ang layunin ng pamilya ko sa pagdala sa akin doon, ay nagsabi sa akin, “Mahal, magdasal ka sa Diyos na sinasampalatayanan mo. Mayroon lang iisang Diyos, at ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay ang tamang Diyos.” Labis akong natuwa, at tunay kong nakita ang proteksyon ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay. Pagkatapos ng lahat ng kanilang pagtatangka, nakita ng mga magulang ko na wala silang magagawa sa akin, kaya pumayag silang hindi na pagbawalan ang aking pagdalo sa mga pagtitipon, na itigil na ang pakikialam sa aking pananalig, at huwag nang pakialaman kung mag-aaral pa ako o hindi. Noong Enero 12, 2021, sa wakas ay hayagan na akong nakadalo sa mga pagtitipon online sa bahay. Bagama’t minsan ay pinapagalitan pa rin ako ng mga magulang ko at sinusubukang hikayatin na bumalik sa eskuwelahan para tapusin ang pag-aaral ko kapag nakikita nila akong dumadalo sa mga pagtitipon, hindi na ako naapektuhan. Kalaunan, umalis ako sa bahay at nagsimula nang gawin ang tungkulin ko nang full-time sa iglesia.

Nang mapagdaanan ko ang karanasang ito, tunay kong nadama na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang mahihirap na sitwasyong ito para gawing perpekto ang pananalig ko at para din tulutan akong lumago sa pagkilatis ko sa pamilya ko at sa mga relihiyosong tao. Maraming henerasyon nang nananampalataya sa Panginoon ang pamilya ko, at marami sa kanila ay mga pastor. Dati ay inakala kong sinsero silang naglilingkod sa Diyos at nagmamahal sa Diyos, pero inihayag silang lahat ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ngayon ay malinaw kong nakikita ang diwa nila ng pagkamuhi sa katotohanan. Hindi talaga sila sinserong nananampalataya sa Diyos. Nilalabanan nila ang Diyos. Ang pamumuno at paggabay ng mga salita ng Diyos ang nagbigay-kakayahan sa akin na manindigan sa gitna ng mga pag-atake ng pamilya ko mula sa lahat ng panig. Salamat sa Diyos! Hindi ko kailanman pagsisisihan ang pagsunod sa Makapangyarihang Diyos.

Sinundan: 23. Kung Paano Ko Nilutas ang Aking Pagseselos

Sumunod: 25. Nang Malaman Kong Paaalisin ang Nanay Ko

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito