23. Kung Paano Ko Nilutas ang Aking Pagseselos

Ni Wang Shen, Tsina

Noong 2019, nahalal ako bilang lider ng pangkat ng mga gumagawa ng video. Sa isip-isip ko, “Mukhang medyo mahusay ako, kung hindi, hindi naman nila ako ihahalal.” Kasabay nito, nagpasya akong ibubuhos ko ang puso ko sa paggawa nang maayos sa tungkulin ko. Noong panahong iyon, talagang bukod-tangi ang mga kasanayan ni Sister Xiao Ya sa 3D, at lumalapit sa kanya ang lahat kapag mayroon silang anumang mga problemang teknikal. Kapag nakikita kong palaging nakapalibot ang lahat kay Xiao Ya para magtanong, nakararamdam ako ng kaunting inggit, pero nagagawa ko naman itong harapin nang tama. Tutal, 2D animation naman ang linya ko, at wala akong masyadong alam sa teknolohiyang 3D, kaya normal lang na sa kanya humingi ng tulong ang mga tao. Isa pa, madalas magtanong sa akin si Sister Su Jie ng ilang teknikal na katanungan, na nakatulong para mabalanse ang mga bagay-bagay para sa akin. Pero kinalaunan, lumapit ang mga sister kay Xiao Ya hindi lang para sa mga isyung teknikal, kundi para din magbahagi ng tungkol sa mga problema at paghihirap sa kanilang buhay pagpasok. Doon na ako nagsimulang talagang mainggit. “Ako ang lider ng pangkat, kaya bakit walang lumalapit sa akin? Sa tingin ba nila ay hindi ako kasinggaling ni Xiao Ya? Kung ganoon ay bakit pa nila ako inihalal bilang lider sa simula pa lang? Hindi ba’t inilalagay lang ako nito sa isang nakahihiyang sitwasyon?” Tuwing nakikita kong nagbabahaginan ang mga sister, gusto kong sumali, pero kapag nakikita kong nakapalibot silang lahat kay Xiao Ya, agad na nagbabago ang isip ko. “Nasa iyo na ang lahat ng atensyon. Kung lalapit ako diyan bilang lider ng pangkat, hindi ba’t lalo ka pang magmumukhang magaling at mistulang mas may kakayahan, habang magmumukha naman akong walang kuwenta?” Kaya, tumatalikod ako at pumupunta sa kabilang kuwarto para mapag-isa sa aking espirituwal na debosyon. Mula sa labas, paminsan-minsan kong naririnig ang tawa ni Xiao Ya, at talagang masakit iyon sa tainga ko, na para bang sinasadya niyang ipangalandakan ang kanyang “katanyagan.” Pagkatapos niyon, lalo akong hindi nasiyahan sa kanya. “Malinaw na ako ang lider ng pangkat, pero sa iyo nakapalibot ang lahat ng tao. Paano ako hindi mapapahiya niyan? Hindi mo man lang isinaalang-alang ang nararamdaman ko. Inaya mo man lang sana akong sumali sa inyo, para hindi naman ako mapahiya! Nakikita kong wala ka talagang respeto sa akin bilang lider mo sa pangkat.” Kalaunan, nagsimula akong mapaisip, kung mas may liwanag ang pakikipagbahaginan ko sa mga pagtitipon, magsisimula kayang lumapit sa akin ang mga tao para magbahagi tungkol sa mga problema nila? Sa ganoong paraan, mababawi ko ang kahihiyan ko kahit paano. Kaya, sa mga pagtitipon, piniga ko ang utak ko sa kaiisip kung paano mas mapapansin ang pakikipagbahaginan ko, pero habang lalo ko itong sinusubukan, lalo namang nabablangko ang isip ko. Naging kainip-inip at walang laman ang pagbabahaginan ko, at pagkatapos, wala pa ring lumapit para makipagbahaginan sa akin. Unti-unti, naging negatibo ang tingin ko sa ibang mga sister. Ayaw ko silang kausapin, at partikular nang ayaw kong pansinin si Xiao Ya. Kinakausap ko lang siya nang napipilitan kapag kailangang-kailangan lang para pag-usapan ang gawain, at kahit ganoon, ginagawa ko iyon nang walang ekspresyon sa mukha at sa napakasungit na tono. Dahil nakikita akong ganoon, hindi nangangahas si Xiao Ya na kausapin ako.

Isang gabi, nakapalibot na naman ang lahat kay Xiao Ya para magtanong, at nakisali pa si Su Jie. Habang pinanonood silang nagsasalita at nagtatawanan habang nag-uusap-usap, bigla kong naramdamang naetsapuwera ako at inisip kong sinasadya ito ni Xiao Ya para inisin ako. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nagagalit. Maya-maya niyon, tinanong ako ni Xiao Ya. Wala akong balak na sagutin siya, kaya nagbingi-bingihan ako. Nagtanong siya uli, at iritado ko siyang sinagot nang pabalang. Medyo nagulat si Xiao Ya at nagtanong, “Ano ang problema?” Galit akong sumagot nang pabalang, “Wala!” Dahil nakikita akong ganoon, walang nagawa si Xiao Ya kundi bumalik sa upuan niya. Sobrang sama ng loob ko at nasasakal ako kaya pumunta ako sa kabilang kuwarto at umiyak. Lumapit si Xiao Ya para tingnan kung kumusta ako, pero hindi ko siya pinansin, dahil pakiramdam ko ay kasalanan niya ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Pagkatapos niyon, nagsimula akong lihim na makipagkumpitensya sa kanya sa puso ko. Tuwing umaga sa aming espirituwal na debosyon, sasang-ayon ako pagkatapos ng pagbabahaginan ng ibang mga sister, pero kapag si Xiao Ya ang nakatatapos, nananahimik lang ako. Sa isip-isip ko, “Paghihintayin lang kita diyan, at ipararanas ko sa iyo kung ano ang pakiramdam ng mapahiya.” Kapag tinatalakay namin ang gawain, mabilis kong idinaragdag ang mga opinyon ko pagkatapos magsalita ng iba, pero kapag nakatatapos nang magsalita si Xiao Ya, umaakto ako na parang wala akong narinig, at hindi ko siya pinapansin. Dahil sa laki ng kaibahan ng trato ko kay Xiao Ya at sa ibang mga sister, nagsimula na ring bahagyang malimitahan ang ibang mga sister. Hindi sila makapangahas na malayang sabihin ang nasa isip nila sa mga pag-uusap-usap sa gawain, na pinababa ang pagkaepektibo at mga resulta sa mga pagtitipon namin. Akala ko, sa pag-asal ng ganito ay maibababa ko nang kaunti si Xiao Ya, pero hindi naman pala talaga siya naapektuhan. Maganda pa rin ang ugnayan niya sa lahat, at sa kanya pa rin sila lumalapit para sa mga problema nila. Galit na galit ako dahil dito. Kalaunan, hindi na ako nagkusang talakayin ang mga bagay na may kinalaman sa tungkulin namin. Ayaw kong kausapin si Xiao Ya, at ayaw ko na ring makialam sa iba pang mga sister. Nagsosolo ako araw-araw, at sikil na sikil at miserableng-miserable ang loob ko.

Sa loob ng isang panahon pagkatapos niyon, nagsimulang manigas ang tiyan ko tuwing gabi pagkatapos ng hapunan, at lubha itong hindi komportable. Sinubukan ko ang lahat ng klase ng lunas, pero walang gumana. Isang gabi, ipinaalala sa akin nina Xiao Ya at ng sister na nagpapatuloy na kapag nakararanas ako ng ganitong karamdaman, kailangan kong pagnilayan ang sarili ko at matuto ng mga aral. Noon lang ako nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan akong kilalanin ang sarili ko. Habang nagdadasal ako, sunod-sunod na sumagi sa isip ko ang mga eksena ng pagseselos ko kay Xiao Ya, at napagtanto kong kailangan kong pagnilayan ang isyung ito.

Sa panahon ng espirituwal na debosyon ko, nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay binabatikos at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay isang malupit na disposisyon. Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga makasariling pagnanais, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at hindi sila gusto ng Diyos. Kung talagang kaya mong magpakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang magsanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng isang taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magiging deboto ka sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay kayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong namumuhay pala ako sa kalagayan ng pagseselos. Mula noong dumating si Xiao Ya, kapag nakikita kong sa kanya lumalapit ang lahat para sa mga problema nila sa halip na sa akin, na lider ng pangkat, hindi mapakali ang puso Pakiramdam ko ay inagaw niya sa akin ang atensyon, at nagseselos at naghihinanakit ako. Para maisalba ang tinatawag kong dignidad bilang lider ng pangkat, piniga ko ang utak ko sa mga pagtitipon, sinusubukang malaman kung paano magiging maliwanag ang pananaw ko sa pagbabahaginan para tingalain ako ng mga sister. Sa ganoong paraan, sa akin sila lalapit para makipagbahaginan at lutasin ang anumang mga problema o paghihirap na mayroon sila sa kanilang buhay pagpasok. Pero habang lalo ko itong sinusubukan, lalo namang wala akong maibahagi. Pagkatapos, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko; sa halip, lalo pang tumindi ang hinanakit ko kay Xiao Ya. Sa mga pagtitipon man o pag-uusap-usap sa gawain, masigasig akong tumutugon sa anumang sabihin ng iba, pero kapag si Xiao Ya ang nagsasalita, hindi ko siya pinapansin, sadyang gumagawa ng nakaiilang na katahimikan para ilagay siya sa nakahihiyang sitwasyon. Iyon ang pailalim kong pag-atake at pambubukod sa kanya. Pero laking gulat ko, nanatiling maganda ang ugnayan ng lahat kay Xiao Ya. Galit na galit ako na ayaw kong kausapin ang kahit sino, at ibinunton ko pa ang mga sama ng loob ko sa tungkulin ko. Dahil sa pagseselos sa mga mas mahusay ang kakayahan kaysa sa akin, naging makitid ang isip ko at naging mababaw; hindi ko matanggap na makakita ng iba na mas magaling kaysa sa akin. Sa sandaling may makita akong mas malakas kaysa sa akin, sinusubukan ko ang lahat ng paraan para atakehin at ibukod sila. Kapag hindi nasusunod ang gusto ko, nagiging negatibo ako at nagsisimulang magpakatamad, pinababayaan ang tungkulin ko. Lubos kong pinababayaan ang wastong gawain ko! Sa realidad, may magagandang kasanayang propesyonal si Xiao Ya, at kaya niyang magbahagi tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema. Kapaki-pakinabang para sa tungkulin namin at sa buhay pagpasok ng mga sister kapag lumalapit sila sa kanya para sa mga isyu nila. Isinaayos ng Diyos na nasa tabi ko ang mga taong mas magaling kaysa sa akin para matuto kami sa kalakasan ng isa’t isa para mapunan ang sarili naming mga kahinaan, tulungan ang isa’t isa na magawa nang maayos ang tungkulin namin, at kasabay nito, maaari akong patuloy na lumago. Dapat sana ay nakikipagtulungan ako kay Xiao Ya, hindi nagseselos sa kanya o ibinubukod siya. Pagkatapos niyon, nagbukas ako ng damdamin sa lahat at ibinahagi ang tungkol sa kalagayan ng pagseselos ko kay Xiao Ya noong panahong iyon. Hindi lang sa hindi nagtanim ng sama ng loob sa akin si Xiao Ya, kundi naghanap pa siya ng ilang salita ng Diyos para tulungan ako. Hiyang-hiya ako at medyo nagsisisi, at naisip kong dapat akong magsimulang makipagtulungan nang maayos sa kanya para matupad nang maayos ang tungkulin namin. Hindi ko inaasahan, mula noong araw na iyon, nawala ang paninigas ng tiyan ko. Pagkatapos niyon, kapag nakikita kong nakapalibot ang lahat kay Xiao Ya para magtanong, hindi na ganoon kasama ang loob ko, at nakakaya ko nang makipagtulungan nang maayos sa mga sister ko.

Dahil masyadong mababaw ang pagkaunawa ko sa tiwali kong disposisyon, makalipas ang ilang panahon, bumalik na naman ako sa dati kong gawi. Kapag nakikita ko ang ilang sister na laging nakapalibot kay Xiao Ya para magtanong, nagsisimula na namang umiral ang pagnanais ko sa katayuan. Noong panahong iyon, nagkaroon ng masamang palagay si An Jie kay Xiao Ya dahil sa ilang isyu. Dapat sana ay tumulong ako na lutasin ang problema at alisin ang harang sa pagitan nila. Pero habang nagmumukhang nakikipagbahaginan ako kay An Jie, ginamit ko talaga ang pagbabahaginan namin bilang pagkakataon para sadyang tukuyin ang mga pagkakamali ni Xiao Ya. Naging dahilan ito para lalo pang tumindi ang maling palagay ni An Jie kay Xiao Ya, at pagkatapos niyon, tumigil na si An Jie sa paglapit kay Xiao Ya para sa mga problema niya at sa halip ay nagsimulang lumapit sa akin. Gayumpaman, laging may dalawang sister na nakapalibot kay Xiao Ya, kaya kung ikukumpara, dehado pa rin ako. Pagkatapos nakaisip ako ng taktika: “Kung magkukunwari akong ibinababa ang pride ko sa harap niya, at ‘magkakaayos’ kami, susuportahan niya ang gawain ko. Hindi ba’t masisiguro na ang katayuan ko bilang lider ng pangkat?” Kaya sinabi ko kay Xiao Ya, “Alam mo, kahit na ako ang lider ng pangkat, hindi ako kasinggaling mo sa maraming paraan. Halos katulad ka na rin ng isang lider ng pangkat, wala lang sa iyo ang titulo. Mula ngayon, magtulungan tayo para magawa nang maayos ang gawain ng pangkat.” Pagkatapos niyon, nagkusa akong talakayin kay Xiao Ya ang lahat ng bagay na may kinalaman sa tungkulin namin. Tuwing mayroon siyang anumang mga ideya o suhestiyon tungkol sa tungkulin namin, nagkukusa rin siyang hingin muna ang opinyon ko, at saka ako makikipag-usap sa ibang mga sister. Nang makita kong nagkukusang sumangguni sa akin si Xiao Ya sa lahat ng bagay, tuwang-tuwa ako sa loob-loob ko. “Sa wakas ay nagawa kong maging tauhan ang karibal ko at nararapat na nakuha ang dominanteng katayuan.” At sa ganoon lang, “nagkaisa kami sa pagtutulungan” nang mahabang panahon. Kalaunan, nagkahiwalay kami ni Xiao Ya dahil sa pagbabago sa pagkakatalaga ng tungkulin ko.

Hindi nagtagal, nagkataong nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad kung paano umaatake at nambubukod ng mga hindi sumasang-ayon ang mga anticristo, at agad nitong ipinaisip sa akin kung paano ako kumilos noon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maraming instrumento at paraan ang anticristo para batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon. Maliban sa lantarang komprontasyon at pagpapabulaanan, ang pinakamakapangyarihang instrumento niya ay may kaakibat na pang-aakit at panghahatak sa mga hindi sumasang-ayon na kumampi sa kanya, para ang lahat ng ito ay makinig sa kanya. Kung hindi makikinig ang mga hindi sumasang-ayon, susupilin at pipigilin ng anticristo ang mga ito, at sisirain ng anticristo ang reputasyon ng mga ito katulad ng paraan ng pakikitungo ng mga walang pananampalataya sa mga kalaban ng mga ito sa politika. Ganito kabuktot at kalupit ang mga anticristo. Ngunit minsan, ang mga anticristo ay gagamit ng malumanay na paraan upang akitin ang mga tao. Halimbawa, kung may isang hindi sumasang-ayon na ang opinyon ay iba sa kanila, titingnan nila kung ano ang hilig ng taong iyon at kung ano ang mga kahinaan nito, gagamit sila ng lahat ng uri ng kasuklam-suklam na paraan upang mapasunod ang taong iyon. O kaya ay magpapanggap silang nagpapasakop at umaamin sa mga pagkakamali nila sa harap ng hindi sumasang-ayon, o gagawin nila ang lahat upang magdulot ng mga pakinabang sa hindi sumasang-ayon at bigyang-kasiyahan ito, o marahil ay hihikayatin ang malalapit nilang kaibigan na himukin ang hindi sumasang-ayon; at pagkatapos, magkukunwari silang nagbabahagi tungkol sa katotohanan sa hindi sumasang-ayon na iyon, sasabihing: ‘Perpekto talaga ang pagtatambal natin para sa gawain ng iglesia; maaari nating paghatian nang patas ang iglesiang ito sa hinaharap. Kahit na ako ang lider, pakikinggan ko ang anumang mungkahi mo. Sa katunayan, ako ang makikipagtulungan sa iyo.’ Kung ang hindi sumasang-ayon ay isang taong hindi nakauunawa sa katotohanan, magiging madali para sa anticristo na makuha ang loob niya. Mapapansin agad ito ng mga nakakakilatis sa katotohanan at sasabihing, ‘Ang taong ito ay mapagpakana, tiyak iyon; hindi siya lantarang nang-aatake, kundi nanlalansi—sa halip na matitinding taktika, malumanay ang diskarte niya.’ Para sa isang anticristo, ang hindi sumasang-ayon ay isang banta sa kanyang katayuan at kapangyarihan. Sa magbabanta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, maging sinuman ito, gagawin ng mga anticristo ang lahat para ‘maasikaso’ siya. Kung talagang hindi mapapasunod o makukuha ang loob ng mga taong ito, pababagsakin o paaalisin sila ng mga anticristo. Sa huli, makakamit ng mga anticristo ang kanilang layon na magkaroon ng lubos na kapangyarihan, at maging ang mismong batas. Ito ang isa sa mga diskarte na madalas gamitin ng mga anticristo para mapanatili ang kanilang katayuan at kapangyarihan—binabatikos at inihihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nabigla ako. Hindi ba’t iyon din ang pandarayang ginamit ko kay Xiao Ya noon? Napagtanto kong noong nagkunwari akong ibinaba ko ang pride ko sa harap niya, sinusubukan ko talaga siyang makuha, na isang pamamaraan ng pag-atake at pambubukod sa mga hindi sumasang-ayon. Sa pagbabalik-tanaw sa panahong iyon, nakita kong laging may mga sister na nakapalibot kay Xiao Ya, at ang lahat, may mga problema man sila sa gawain o paghihirap sa kanilang buhay pagpasok, ay gustong lumapit sa kanya. Pakiramdam ko ay hinding-hindi ako mananalo laban sa kanya. Kaya, para masiguro ang katayuan ko bilang lider ng pangkat, gumamit ako nang mas banayad na pamamaraan. Sadya akong nagkunwaring nagpapakumbaba sa harap niya, sinasabi ang mga bagay na gaya ng “Hindi ako kasinggaling mo” at “Halos katulad ka na ng isang lider ng pangkat.” Sa panlabas, nagmukha akong napakamapagpakumbaba, pero sa realidad, gusto ko siyang makuha sa panig ko, gawin siyang katulong ko, at makipagtulungan siya sa gawain ko. Sa ganoong paraan, sa akin papalibot ang lahat. Sa panlabas, mukhang “magkasundo” kami, pero ang mga motibo ko sa likod niyon ay kasuklam-suklam at napakarumi, at kamuhi-muhi ang mga iyon sa Diyos. Naisip ko iyong mga politiko sa mundong walang pananampalataya na gumagamit ng lahat ng klase ng pamamaraan para makipaglaban sa mga karibal nila sa kapangyarihan. Sinisiraan nila ang mga kalaban nila o nagpapakana para makuha ang mga ito at magamit. Para protektahan ang sarili kong katayuan, piniga ko rin ang utak ko, handang gumamit ng anumang kasuklam-suklam at maruming paraan. Paano naging pag-uugali iyon ng isang mananampalataya? Wala akong ipinagkaiba sa isang hindi mananampalataya! Talagang kasuklam-suklam ako!

Nagsimula akong magnilay-nilay kung bakit lagi akong nakikipagkumpitensya kay Xiao Ya. Ito ay pangunahing dahil pakiramdam ko, bilang lider ng pangkat, kailangan kong maging numero uno sa lahat, at wala dapat miyembro ng pangkat ang magiging mas magaling o nakahihigit sa akin. Pagkatapos ay nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, palagi kang mangangailangan ng isang taong tutulong sa iyo, para bigyan ka ng mga paalala at payo, o para gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan para masigurong magagawa mo ang mga bagay-bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito. Ang paglilingkod sa Diyos, sa partikular, ay isang malaking bagay, at ang hindi paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib! Ang mga tao ay may mga satanikong disposisyon, at maaaring maghimagsik at sumalungat sa Diyos anumang oras at saanmang lugar. Ang mga taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay maaaring itatwa, salungatin, at ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Napakahangal ng mga anticristo, hindi nila ito napagtatanto, iniisip nila na, ‘Ang dami ko nang problemang pinagdaanan para magkaroon ng kapangyarihan, bakit ko ito ibabahagi sa iba? Ang pagbibigay nito sa iba ay nangangahulugang wala nang matitira para sa sarili ko, hindi ba? Paano ko maipakikita ang aking mga talento at abilidad nang walang kapangyarihan?’ Hindi nila alam na ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ay hindi kapangyarihan o katayuan, kundi isang tungkulin. Ang tinatanggap lamang ng mga anticristo ay kapangyarihan at katayuan, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, naghahangad lamang sila ng kasikatan, pakinabang at katayuan, at gusto lamang nilang kumamkam ng kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang na tao ng Diyos, at magpakasasa sa mga benepisyo ng katayuan. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay lubhang mapanganib—ito ay pagsalungat sa Diyos! Sinumang naghahangad lang ng kasikatan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanyang tungkulin ay naglalaro ng apoy at naglalagay ng kanyang buhay sa panganib. Ang mga naglalaro ng apoy at ng kanilang buhay ay maaaring magpahamak sa kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa sinumang tao, lalong hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. Sa partikular, ang tungkuling ito ay nagmula sa atas ng Diyos. Kaya ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na kailangan mong panagutan sa Diyos ang iyong tungkulin, gawin mo man ito nang maayos o hindi; sa huli, dapat kang managutan sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ito ay dahil ang tinanggap mo ay atas ng Diyos, isang banal na responsabilidad, at gaano man kahalaga o kaliit ang responsabilidad na ito, ito ay isang seryosong bagay. Gaano ito kaseryoso? Sa maliit na antas, kinapapalooban ito ng kung makakamit mo ba ang katotohanan sa buhay na ito at kinapapalooban ito ng kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong mga kinabukasan at kapalaran, sa iyong kalalabasan; kung gagawa ka ng kasamaan at sasalungatin mo ang Diyos, kokondenahin at parurusahan ka. Ang lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may sarili Niyang mga prinsipyo at pamantayan kung paano ito mamarkahan at susuriin; itinatakda ng Diyos ang iyong kalalabasan batay sa kabuuan ng paggampan mo ng iyong tungkulin. Seryosong usapin ba ito? Talagang seryoso ito! Kaya, kung itinalaga sa iyo ang isang gawain, sariling usapin mo ba ito para pangasiwaan? (Hindi.) Ang gawaing iyon ay hindi isang bagay na kaya mong kompletuhin nang mag-isa, subalit hinihingi nitong akuin mo ang responsabilidad para dito. Ang responsabilidad ay sa iyo; dapat mong kompletuhin ang atas na iyon. Ano ang tinatalakay nito? Tinatalakay nito ang pagtutulungan, kung paano makikipagtulungan sa pagseserbisyo, kung paano makikipagtulungan para magampanan ang iyong tungkulin, kung paano makikipagtulungan para makompleto ang iyong atas, kung paano makikipagtulungan nang sa gayon ay masusunod mo ang kalooban ng Diyos. Tinatalakay nito ang mga bagay na ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na noong ihalal ako ng mga kapatid bilang lider ng pangkat, hindi nila ako binibigyan ng katayuan, kundi isang responsabilidad. Dapat sana ay nakikipagtulungan ako nang maayos sa lahat, at sinuman ang may mga kalakasan, dapat sana ay hinayaan ko silang gamitin nang husto ang mga kalakasang iyon. Tanging sa pagkatuto sa mga kalakasan ng isa’t isa para mapunan ang mga kahinaan namin kami makatutupad nang maayos sa aming tungkulin. Halimbawa, magaling ang kasanayang teknikal ni Xiao Ya at seryoso rin siya sa kanyang buhay pagpasok. Dapat ay hinayaan ko siyang mas gamitin ang mga kalakasan niya. Hindi lang ito naging kapaki-pakinabang sana para sa gawain ng iglesia, kundi nakatulong din sana ito sa akin sa pagtupad nang maayos sa sarili kong tungkulin. Pero mula noong maging lider ako ng pangkat, itinaas ko ang sarili ko sa katayuan ng isang lider ng pangkat. Sa maghapon, ang laman ng isipan ko ay hindi ang kung paano makipagtulungan nang maayos sa lahat para magampanan nang maayos ang aming tungkulin; sa halip, masyado akong hibang sa sarili kong katayuan at imahe. Itinuring kong karibal ang sinumang nahihigitan ako at sinubukan ang lahat ng paraan para supilin sila, nang hindi man lang isinasaalang-alang kung makapipinsala ba sa kanila ang mga kilos ko o makaaapekto sa pag-usad ng gawain namin. Paggampan ba iyon sa tungkulin ko? Malinaw na ginugulo ko ang gawain ng iglesia! Naisip ko kung paanong hindi kailanman pinapayagan ng mga opisyal sa bansa ng malaking pulang dragon ang mga nasasakupan nila na maging mas magaling sa kanila o masapawan sila. Sa sandaling maramdaman nilang banta ang isang tao sa katayuan nila, sinusupil at pinapahirapan nila ito, at hindi tumitigil hangga’t hindi napababagsak ang taong iyon. At nariyan ang mga anticristo sa iglesia na nakikipag-agawan sa katayuan. Itinuturing nilang tinik sa lalamunan ang sinumang mas magaling sa kanila, sinusupil at ibinubukod ang mga ito, seryosong ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos nang walang anumang pagsisisi, at sa huli ay pinatatalsik sa iglesia. Nakita ko na nakakikilabot ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa katayuan! Noong panahon ko bilang lider ng pangkat, palagi akong nakikipagkumpitensya para sa kasikatan at pakinabang. Kahit na kumapit ako sa katayuan ko bilang lider ng pangkat, hindi ko natupad nang maayos ang tungkulin ko. Inatake at ibinukod ko pa nga ang mga mas magaling sa akin at ginulo ang gawain ng iglesia. Ang natira lang sa akin ay mga pagsalangsang na kasuklam-suklam sa Diyos. Talagang pinagsisihan ko ito. Kung maibabalik lang ang panahon, gustong-gusto ko sanang makipagtulungan nang maayos kay Xiao Ya at sa iba pa para matupad nang maayos ang tungkulin namin.

Kalaunan, nanood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan, at angkop na angkop sa kalagayan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na sinipi roon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Upang magkamit ng kapangyarihan at katayuan, ang unang ginagawa ng mga anticristo sa iglesia ay ang subukang kunin ang tiwala at pagpapahalaga ng ibang mga tao, para makakumbinsi sila ng mas maraming tao, at mahikayat ang mas maraming tao na tingalain at sambahin sila, nang sa gayon ay makamit ang kanilang layon na magkaroon ng huling salita, at humawak ng kapangyarihan sa iglesia. Pagdating sa pagkakaroon ng kapangyarihan, pinakabihasa sila sa pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban sa ibang tao. Yaong mga naghahangad sa katotohanan, yaong mga may katanyagan sa iglesia, at yaong mga minamahal ng mga kapatid, ay ang kanilang pangunahing katunggali. Ang sinumang tao na nagbabanta sa kanilang katayuan ay ang kanilang katunggali. Nakikipagkompetensiya sila sa mga mas malakas sa kanila nang hindi natitinag; at nakikipagkompetensiya sila sa mga mas mahina sa kanila, nang walang anumang nararamdaman na awa. Ang puso nila ay puno ng mga pilosopiya ng pakikipagkompetensya at pakikipaglaban. Naniniwala sila na kung ang mga tao ay hindi nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban, hindi sila makakakuha ng anumang pakinabang, at na makukuha lamang nila ang mga bagay na gusto nila sa pamamagitan ng pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban. Upang magtamo ng katayuan at makakuha ng nangungunang posisyon sa isang grupo ng mga tao, gagawin nila ang lahat para makipagkompetensiya sa sinuman, at hindi nila pinapalampas ang kahit isang tao na nagsisilbing banta sa kanilang katayuan. Kahit sino ang kanilang nakakasalamuha, ang mga pakikisalamuhang ito ay puno ng pakikipagkompetensiya at pakikipaglaban, at patuloy silang nakikipagkompetensya at nakikipaglaban hanggang sa katandaan. Madalas nilang sinasabi na: ‘Kaya ko bang talunin ang taong iyon kung makikipaglaban ako sa kanya?’ Ang sinumang mahusay magsalita at kayang magsalita sa isang lohikal, nakabalangkas, at sistematikong paraan ay nagiging puntirya ng kanilang inggit at panggagaya. Dagdag pa rito, nagiging katunggali nila ito. Ang sinumang naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pananalig, at kayang tumulong at sumuporta sa mga kapatid nang madalas, at nakapagpapaahon sa mga ito mula sa pagiging negatibo at mahina, ay nagiging katunggali rin nila, pati na rin ang sinumang mahusay sa isang partikular na propesyon, at medyo pinahahalagahan ng mga kapatid. Ang sinumang nakakakuha ng mga resulta sa kanilang gawain at nagtatamo ng pagkilala ng ang Itaas ay natural na nagiging mas malaki pang katunggali para sa kanila. … Hindi kinakailangang naisin ng mga anticristo na mag-okupa ng pinakamataas na posisyon saanman sila naroroon. Sa tuwing pumupunta sila sa isang lugar, mayroon silang disposisyon at mentalidad na pumupuwersa sa kanila na kumilos. Ano ang pag-iisip na ito? Ito ay ‘Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!’ Bakit tatlong ‘makipagkompetensiya,’ bakit hindi iisang ‘makipagkompetensiya’? (Kompetisyon na ang naging buhay nila; namumuhay sila ayon dito.) Ito ang kanilang disposisyon. Isinilang sila na may disposisyon na napakayabang at mahirap pigilan, ibig sabihin, ang pagturing nila sa kanilang sarili bilang pinakamagaling sa lahat, at pagiging lubhang mapagmataas. Walang makapipigil sa kanilang napakayabang na disposisyon; sila rin mismo ay hindi ito makontrol. Kaya, ang buhay nila ay tungkol lamang sa pakikipaglaban at pakikipagkompetensiya. Ano ang ipinaglalaban at pinagkokompetensiyahan nila? Likas na nakikipagkompetensiya sila para sa kasikatan, pakinabang, katayuan, dangal, at sarili nilang mga interes. Anumang mga pamamaraan ang kailangan nilang gamitin, basta’t nagpapasakop ang lahat sa kanila, at basta’t natatamo nila ang mga pakinabang at katayuan para sa kanilang sarili, nakamit na nila ang kanilang layon. Ang kagustuhan nilang makipagkompetensiya ay hindi isang pansamantalang libangan; ito ay isang uri ng disposisyon na nagmumula sa isang satanikong kalikasan. Katulad ito ng disposisyon ng malaking pulang dragon na nakikipaglaban sa Langit, nakikipaglaban sa lupa, at nakikipaglaban sa mga tao. Ngayon, kapag nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya ang mga anticristo sa iba sa iglesia, ano ang gusto nila? Walang duda, nakikipagkompetensiya sila para sa reputasyon at katayuan. Ngunit kung magkamit sila ng katayuan, ano ang silbi nito sa kanila? Anong buti ang idudulot sa kanila kung pakinggan, hangaan, at sambahin sila ng iba? Ni hindi nga ito maipaliwanag ng mga anticristo mismo. Ang totoo, gusto nilang magtamasa ng reputasyon at katayuan, na ngitian sila ng lahat ng tao, at batiin sila nang may pambobola at paninipsip. Kaya, tuwing pumupunta sa iglesia ang isang anticristo, isa lang ang ginagawa niya: nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya sa iba. Kahit magkaroon siya ng kapangyarihan at katayuan, hindi pa siya tapos. Para maprotektahan ang kanyang katayuan at masiguro ang kanyang kapangyarihan, patuloy siyang nakikipaglaban at nakikipagkompetensiya sa iba. Gagawin niya ito hanggang sa mamatay siya. Kaya, ang pilosopiya ng mga anticristo ay, ‘Hangga’t buhay ka, huwag kang tumigil sa pakikipaglaban.’ Kung may isang masamang taong katulad nito sa loob ng iglesia, makakagulo ba ito sa mga kapatid? Halimbawa, sabihin nang ang lahat ay tahimik na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at ang atmospera ay payapa at masaya ang lagay ng loob. Sa panahong ito, magngingitngit sa kawalang-kasiyahan ang isang anticristo. Maiinggit siya sa mga nagbabahaginan tungkol sa katotohanan at kamumuhian niya ang mga ito. Sisimulan niyang batikusin at husgahan ang mga ito. Hindi ba nito magugulo ang payapang kapaligiran? Masamang tao siya na dumating para guluhin ang iba at maging kasuklam-suklam sa kanila. Ganyan ang mga anticristo. Kung minsan, walang balak ang mga anticristo na sirain o talunin ang mga kinokompetensiya at sinusupil nila; basta’t nagtatamo sila ng reputasyon, katayuan, banidad, at dangal, at napapahanga nila ang mga tao, nakamit na nila ang kanilang layon. Habang nakikipagkompetensiya sila, nagbubunyag sila ng isang uri ng malinaw na satanikong disposisyon. Anong disposisyon ito? Ibig sabihin, sa anumang iglesia man sila naroroon, palagi nilang gustong makipagkompetensiya at makipaglaban sa ibang tao, palagi nilang gustong makipagkompetensiya para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at nararamdaman lamang nila na naisakatuparan na nila ang kanilang layon kapag nasadlak ang iglesia sa kaguluhan at kaligaligan, at kapag nagkamit na sila ng katayuan at ang lahat ay sumuko na sa kanila. Ito ang kalikasan ng mga anticristo, ibig sabihin, ginagamit nila ang kompetisyon at pakikipaglaban para matamo ang kanilang mga layon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang patuloy na pakikipag-away sa iba alang-alang sa reputasyon at katayuan, at panggugulo nang husto sa iglesia, ay paglakad sa landas ng mga anticristo, na kinokondena at itinitiwalag ng Diyos. Sa paglingon sa nakaraan, naniwala ako noon pa man na bilang lider ng pangkat, dapat na pinakamataas ang katayuan ko sa pangkat at na dapat sa akin pumalibot ang lahat. Nang makita kong nakapalibot ang lahat kay Xiao Ya para magtanong, naniwala akong ninakaw niya ang katayuan ko. Kinontrol ako ng lason ni Satanas na “Isa lang ang lalaking maaaring manguna.” Pinuntirya ko si Xiao Ya sa bawat pagkakataon at patalikod pang gumawa ng gulo sa pagitan nila ni An Jie. Nang mapagtanto kong hindi ako mananalo, hinila ko si Xiao Ya sa panig ko. Sa panlabas, tinawag ko itong pakikipagtulungan, pero sa realidad, gusto kong makinig siya sa akin at magamit ko siya, para sa akin pumalibot ang lahat. Sa ganoong paraan, masisiguro ko ang posisyon ko bilang lider ng pangkat. Sa pakikipaglaban ko para sa kasikatan at pakinabang, hindi ko lang nasaktan si Xiao Ya, kundi naging dahilan din para malimitahan ang ibang mga sister at hindi makapagsalita nang malaya kapag tinatalakay ang gawain, na nakaapekto sa pag-usad ng gawain. Ang buong dahilan kung bakit inihalal ako bilang lider ng pangkat ay para pangunahan ang lahat sa pagtupad nang maayos ng tungkulin namin, pero sa halip, abalang-abala ako sa pakikipagkumpitensya para sa katayuan, pagsisimula ng selos at mga alitan, panghuhusga sa iba nang patalikod, at pag-uudyok ng hidwaan sa mga sister ko. Ginulo ko nang husto ang pangkat. Hindi ba’t umaakto lang ako bilang isang alipin ni Satanas? Nakita ko ang sarili ko bilang isang mabahong langaw na gumagambala sa puso ng mga tao, iniinis ang lahat. Tinalikuran ko ang pamilya at karera ko para gawin ang tungkulin ko upang hangarin ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan. Pero, itinuring kong pinakamahalagang bagay ang paghahangad sa katayuan, walang tigil na nakikipaglaban para sa kasikatan at pakinabang. Bilang resulta, ginambala at ginulo ko ang gawain ng iglesia at lumakad sa landas ng isang anticristo nang wala man lang kamalay-malay. Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasama ang pakiramdam ko. Naisip ko si Pablo. Noon, nang makita niya ang mataas na katanyagan ni Pedro sa mga mananampalataya, nagselos siya. Kahit na alam na alam niyang si Pedro ang itinalaga ng Panginoong Jesus na magpastol sa iglesia, ginawa niya ang lahat para hamakin si Pedro at itaas ang sarili niya, sinasabing siya ang pinuno ng mga apostol, para tingalain at hangaan siya ng lahat. Kalaunan, nanatili siyang matigas na hindi nagsisisi at sinubukan pa ngang makipag-agawan ng katayuan sa Diyos, walang kahihiyang sinasabi na para sa kanya ang mabuhay ay cristo. Malubha niyang sinalungat ang disposisyon ng Diyos at pinarusahan siya ng Diyos. Lumalakad ako sa parehong landas gaya ng kay Pablo. Kung hindi ako magsisisi, kasusuklaman at ititiwalag ako ng Diyos, tulad niya.

Kinalaunan, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat mong matutuhang talikuran at bitiwan ang mga bagay na ito, matutuhang irekomenda ang iba, at hayaang mamukod-tangi ang iba kapag may magagandang pagkakataon. Huwag makipag-agawan o makipagkompetensya para sa mga pagkakataong mamukod-tangi at sumikat sa tuwing makakaharap mo ang mga ito. Dapat magawa mong isuko ang iyong mga personal na interes, pero hindi mo rin dapat maantala ang paggampan sa iyong tungkulin. Maging isang taong gumagawa nang hindi napapansin, hindi nagpapasikat, at deboto ring ginagampanan ang kanyang tungkulin. Habang mas tinatalikuran mo ang iyong pride at katayuan, at habang mas isinusuko mo ang iyong mga interes, mas magiging payapa ang pakiramdam mo, mas magkakaroon ng liwanag sa iyong puso, at mas bubuti ang iyong kalagayan. Habang mas nakikipag-agawan at nakikipagkompetensya ka, mas magiging madilim ang iyong kalagayan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo at tingnan! Kung gusto mong baguhin ang ganitong uri ng tiwaling kalagayan, at hindi makontrol ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, dapat mong hanapin ang katotohanan, makilatis ang diwa ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at pagkatapos ay bitiwan at talikuran ang mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). “Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-asal? Dapat kayong umasal ayon sa inyong posisyon, hanapin ang inyong tamang lugar, at gawin nang mabuti ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan; saka lang kayo isang taong may katwiran. Bilang halimbawa, kung mahusay ka sa mga partikular na propesyonal na kasanayan at may pagkaarok sa mga prinsipyo, dapat mong akuin ang iyong responsabilidad at magsakatuparan ng maayos na pagsusuri sa larangang iyon; kung makapagbibigay ka ng mga ideya at kabatiran, nagbibigay-inspirasyon sa iba para mapabuti ng mga ito ang kanilang paggampan sa kanilang mga tungkulin, dapat kang magbigay ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang lugar para sa iyo at magagawa mong makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iyong mga kapatid, magiging pagtupad mo iyon sa iyong tungkulin—ito ang ibig sabihin ng pag-asal nang ayon sa posisyon mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Pagkatapos basahin ang Kanyang mga salita, naunawaan ko na kung gusto kong makalaya mula sa mga limitasyon at gapos ng reputasyon at katayuan, dapat akong matutong tumalikod at bumitaw sa mga bagay na ito, at unahin ang tungkulin ko. Sinuman ang may mga kalakasan, dapat hayaan ko silang gamitin nang husto ang mga kalakasang iyon, para matuto kami sa isa’t isa upang mapunan ang aming mga kahinaan at matupad nang maayos ang tungkulin namin. Magiging kapaki-pakinabang ito para sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at maaari din akong matuto mula sa mga kalakasan ng iba para mapunan ang sarili kong mga kakulangan. Nang maunawaan ito, sinabi ko sa sarili ko: Mula ngayon, anuman ang tungkuling gawin ko, kapag nakatagpo ako ng mga kapatid na mas magaling sa akin, dapat akong matuto nang higit mula sa kanila at makipagtulungan sa kanila nang maayos.

Noong 2025, nakikipagtulungan ako kina Li Bing at Su Ting sa tungkuling nakabatay sa teksto. Nang makita kong madalas na nagtatanong si Li Bing kay Su Ting tungkol sa mga prinsipyo sa pagsusuri ng mga artikulo, medyo hindi ako komportable. “Alam ko rin naman ang mga prinsipyong iyon. Sa tingin ba ni Li Bing ay hindi ako kasinggaling ni Su Ting, kaya hindi man lang sumagi sa isip niya na tanungin ako?” Napagtanto kong umiiral na naman ang pagseselos ko, at naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). Si Su Ting ang pinakamatagal nang gumagawa ng tungkuling ito sa aming lahat at mas naaarok niya ang mga prinsipyo. Kung mas magbabahagi siya, mas marami kaming makakamit, na magiging kapaki-pakinabang para sa amin sa paggawa nang maayos sa tungkulin namin. Isa pa, hindi mahalaga kung sino ang tanungin ng mga kapatid, basta’t nalulutas ang problema. Hindi kailangang makipagkumpitensya para sa walang kuwentang katayuang iyon; kailangan kong unahin ang tungkulin ko. Nang maisip ko ito, hindi na ganoon kasama ang loob ko. Kalaunan, tumuon ako sa pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Tuwing may nakikita akong kapatid na mas magaling sa akin sa isang larangan, sinisiguro kong natututo ako sa kanila, para mapakinabangan namin ang mga kalakasan ng isa’t isa at makapagtulungan para magawa nang maayos ang tungkulin namin. Unti-unti, naramdaman kong mas lumawak ang isip ko, at hindi na ako sobrang nalilimitahan ng reputasyon at katayuan. Pabuti nang pabuti ang kalagayan ko. Lalo ko pang napagtanto na walang kabuluhan ang pakikipagkumpitensya para sa kasikatan at pakinabang at itinutulak lang nitong mamuhay ang isang tao sa pasakit at pagkasikil. Tanging ang paghahangad ng katotohanan at paggampan nang maayos sa tungkulin ang may tunay na halaga at kabuluhan.

Sinundan: 22. Hindi Na Ako Sumusuko sa Sarili Ko Dahil sa Mahina Kong Kakayahan

Sumunod: 24. Ang Mahirap na Landas ng Pananalig ng Isang Babaeng Indian

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito