13. Walang Pagkakaiba sa Katayuan sa Pagitan ng Iba’t Ibang Tungkulin
Sa paglaki ko, palaging mga lalaki ang nasusunod sa pamilya namin, at ang tatay ko ang may pinal na desisyon sa lahat ng bagay. Hindi siya gumawa ng anumang gawaing-bahay; ang mga gawaing tulad ng pagluluto, paglalaba, at paglilinis ay trabaho ng nanay at ate ko. Madalas niyang itinuturo sa aming magkakapatid na lalaki na “Dapat magtrabaho sa labas ng bahay ang mga lalaki at ang mga babae ang dapat humawak sa mga gawaing-bahay,” at na ang pagsasaka at paghahanapbuhay ay trabaho ng lalaki, samantala, ang pagluluto at paglalaba ay mga gawain para sa mga babae. Dahil sa mga sinabi at ginawa ng tatay ko, ang mga kuya ko ay naging mga ulo ng kani-kanilang pamilya matapos mag-asawa at hindi kailanman gumawa ng gawaing-bahay. Gusto kong maging katulad nila, dahil pakiramdam ko ay iyon lang ang paraan para magkaroon ng tamang tindig at dignidad ng isang lalaki. Nang mag-asawa ako, ang asawa ko ay isang napakabuti at may kakayahang maybahay na umako sa lahat ng gawaing-bahay. Minsan kapag oras ng pagkain, inihahain pa niya ang pagkain ko sa mismong harapan ko. Dahil dito, lalo kong naramdaman na bilang isang lalaki, hindi ko dapat gawin ang mga gawaing tulad ng paglalaba, pananahi, o pag-aalaga ng mga bata. Lahat ng iyon ay gawaing pambabae. Kung gagawin ko ito, kahiya-hiya ito at nakakababa ng aking dignidad. Kalaunan, pagkatapos manganak ng asawa ko, umuuwi ako galing sa trabaho at nakikita siyang nahihirapang magluto at gumawa ng gawaing-bahay habang karga ang sanggol. Gusto ko siyang tulungan, pero naiisip ko kung gaano nakakahiya kung malaman ng mga tao na ang isang lalaking tulad ko ay gumagawa ng ganoong klaseng trabaho. Kaya lumalabas na lang ako para maglaro ng baraha, imbes na tulungan ang asawa ko sa mga gawain. Pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, talagang nasiyahan ako sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Mula sa Kanyang mga salita, napagtanto ko na sa pananampalataya sa Diyos, kailangan kong isagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay at isabuhay ang normal na pagkatao. Hindi puwedeng hayaan ko lang na pagsilbihan ako ng iba—talagang hindi iyon makatwiran. Mula noon, sinimulan kong tulungan ang asawa ko sa ilang gawaing-bahay, nag-aaral na magluto, maghugas ng gulay, at maglinis.
Isang araw noong Enero 2023, sinabi ng lider na may ilang panganib sa seguridad ang isang tahanang matutuluyan at kailangang ilipat kaagad ang mga nakababatang sister na nakatira doon. Hiniling niya sa akin na pansamantala silang patuluyin, at sinabing lilipat sila pagkatapos ng Bagong Taon kapag may nahanap nang angkop na tahanang matutuluyan. Sa isip-isip ko, “Isa akong brother. Maghapon sa paligid ng kalan—nakakababa naman iyon at nakakaasiwa! Bakit naman isinaayos ng lider na ako ang magpatuloy sa bahay? Hindi ba’t pinapahirapan lang niya ako?” Pero naisip ko, “Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos. Kung tatanggihan ko ang tungkuling ito, hindi ba’t sasabihin ng lider na hindi ako isang taong naghahangad ng katotohanan? Isa pa, angkop naman talaga ang bahay ko para sa pagpapatuloy. At bagama’t inalis na sa iglesia ang asawa ko, sinusuportahan niya ako sa paggawa ng tungkulin ko, at hindi rin naman tumututol ang dalawa kong anak. Tamang-tama lang para sa mga nakababatang sister na sa bahay ko mag-Bagong Taon. Saka, hiniling lang naman ng lider na pansamantala ko silang patuluyin. Lilipat din sila kapag may nahanap nang angkop na tahanang matutuluyan.” Nang maisip ko ito, pumayag ako. Pero nang oras na para magpatuloy, lumitaw na naman ang kaisipan na “Dapat magtrabaho sa labas ng bahay ang mga lalaki at ang mga babae ang dapat humawak sa mga gawaing-bahay.” Dahil nagtatrabaho ang asawa ko sa tindahan ng mga almusal, ako ang nagluluto ng almusal at tanghalian sa bahay araw-araw. Maraming beses akong pinaalalahanan ng asawa ko, “Dapat kang magsuot ng apron at mga oversleeve kapag nagluluto ka, kung hindi, madudumihan ang damit mo at magiging mahirap labhan.” Oo lang ako nang oo, pero hindi ko ginawa iyon ni minsan. Naisip ko, “Gusto pa niyang magsuot ako ng mga oversleeve at apron? Ano’ng magiging itsura ko? Magmumukha akong matandang maybahay! Kung makikita ako ng mga sister na ganoon, sobrang kahiya-hiya naman niyon! Ang pagluluto at paglalaba ay mga gawaing dapat ginagawa ng mga sister, hindi ng mga brother. Kung malalaman ng mga kapatid na nagpapatuloy ako sa bahay, tiyak na hahamakin nila ako. Hindi ako makapaniwala na ako, isang brother na gumagawa ng gawaing nakabatay sa teksto, ay isa na ngayong propesyonal na kusinero!” Pagkaraan ng ilang panahon, isinaayos ng lider na may isa pang nakababatang sister na lumipat sa bahay ko, at parang walang anumang balak na umalis ang mga sister. Sa isip-isip ko, “Hindi ba’t sabi nila ay lilipat sila pagkatapos ng Bagong Taon? Bakit may mga idinaragdag pang tao sa bahay ko? Ang araw-araw na paglulutong ito ay nakakababa ng dignidad. Kailan ba ito matatapos?” Nasasakal ako sa pagiging negatibo, at hindi ko na isinapuso ang pagluluto at naging pabasta-basta na lang ako. Ang sinaing ko ay masyadong matigas o kaya ay masyadong malambot, at ang mga niluluto kong ulam ay masyadong maalat o kaya ay wala namang lasa. Pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko kahit kaunti; pakiramdam ko pa nga na sapat na ang makapaghain lang ng pagkain sa mesa. Kalaunan, nagsimula silang magbigay sa akin ng puna, sinasabing hilaw ang luto ko sa noodles at hindi natunaw ang mga butil ng asin sa ensalada. Lalong sumama ang loob ko nang marinig ko ito. “Nakakababa na nga ng dignidad para sa isang lalaking tulad ko na magluto para sa inyo buong araw, tapos ngayon hinahanapan pa ninyo ng mali ang lahat? Hindi ko na ito matiis!” Sa puso ko, gusto ko na lang na umalis na sila agad. Kalaunan, napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos na gabayan akong maunawaan ang mga problema ko.
Noong panahong iyon, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos:
Ang Orihinal na Sangkatauhan ay mga Buhay na Katauhang may Espiritu
1 Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at larawan, na puno ng lakas, puno ng sigla, at, bukod pa riyan, kapiling ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao, kaya nga ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at puno ng Aking kaluwalhatian.
2 Si Adan ay orihinal na isinilang mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking larawan. Sa gayon ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha, puspos ng Aking masiglang lakas, puspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at larawan, may espiritu at hininga. Siya lamang ang nilalang, may angking espiritu, na may kakayahang kumatawan sa Akin, taglayin ang Aking larawan, at tanggapin ang Aking hininga.
3 Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking inorden, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilalang na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at bukod pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking larawan, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking larawan. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao, may espiritu, laman, at buto, ang ikalawang patotoo Ko at Aking ikalawang imahe sa gitna ng sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang dalisay at mahalagang kayamanan ng tao, at sila ay mga buhay na nilalang na may espiritu mula sa simula.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Habang pinagninilayan ko ang mga liriko, napagtanto ko na noong unang nilikha ng Diyos ang sangkatauhan—sina Adan at Eba—hindi Niya kailanman sinabi na mas marangal ang mga lalaki kaysa sa mga babae o na mas mababa ang katayuan ng mga babae kaysa sa mga lalaki. Sa mata ng Diyos, pantay-pantay ang mga lalaki at babae. Ganoon din sa sambahayan ng Diyos. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang ilang tungkulin ay dapat gawin ng mga brother at ang iba ay para lang sa mga sister. Pero tinuruan ako ng mga salita at gawa ng tatay ko mula pa noong bata ako, at namuhay ako ayon sa mga sobinismong kaisipan. Palagi kong minamaliit ang mga babae at mababa ang tingin sa mga gawain tulad ng pagluluto at paglalaba, iniisip na lahat ng iyon ay gawaing pambabae. Iyon ang dahilan kung bakit sobrang lumalaban ako sa aking tungkulin sa pagpapatuloy, at kahit na ginawa ko ito, pabasta-basta lang ako. Lahat ng inisip at ginawa ko ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ito, handa na akong magpasakop at masigasig na tuparin ang aking tungkulin ng pagpapatuloy. Pagkatapos niyon, kapag nagluluto ako ng noodles, pinapakuluan ko ito nang mas matagal, at mina-marinate ko na nang maaga ang mga ensalada. Sinimulan ko na ring isipin na iba’t ibahin ang mga putaheng ginagawa ko. Nang makita kong may sakit at umuubo ang ilan sa mga nakababatang sister, iginawa ko sila ng inumin na gawa sa peras at batong asukal. Noong nagsisimula na akong magbago, saka naman lumipat ang mga nakababatang sister.
Pagkaalis nila, madalas kong pinagninilayan, “Bakit ba ako nagpakita ng labis na paglaban noong nagpapatuloy ako?” Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa isyu ng sobinismo, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Iniisip ng maraming tao, ‘Ang paglalaba at pagsusulsi ay pawang gawain ng kababaihan. Hayaan na ang mga babaeng mag-asikaso ng mga ito. Naiinis talaga ako kapag kailangan kong gawin ang mga gawaing ito; pakiramdam ko ay nababawasan ang aking pagkalalaki.’ … Ang mga lalaki ay may mga ganitong sobenismong kaisipan, at minamaliit nila ang ilang gampanin tulad ng pag-aalaga ng mga bata, pagliligpit sa bahay, paglalaba, at paglilinis. Ang ilan ay talagang matindi ang sobenismo, at hinahamak ang mga gawaing-bahay na ito, ayaw nilang gawin ang mga ito, o kung gagawin man nila ang mga ito, ginagawa nila ito nang labag sa kanilang loob, natatakot na hahamakin sila ng iba. Iniisip nila, ‘Kung palagi kong ginagawa ang mga gawaing-bahay na ito, hindi kaya ako maging binabae?’ Anong kaisipan at pananaw ang kumokontrol nito? Hindi ba’t may problema sa kaisipan nila? (Oo, mayroon.) May problema ang kaisipan nila. … Sa ilang rehiyon kung saan talagang malubha ang sobenismo, hindi maikakailang pinalayaw sila ng pagkokondisyon at impluwensiya ng pamilya. Iniligtas o ipinahamak ba sila ng pagkokondisyong ito? (Ipinahamak sila nito.) Ito ay nakakasira sa kanila” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (14)). “Halimbawa, isa kang brother, at kung hihingin sa iyong magluto ng pagkain at maghugas ng mga pinggan para sa ibang kapatid araw-araw, magpapasakop ka ba? (Tingin ko, oo.) Siguro kaya mo iyon sa maikling panahon, ngunit kung hihingin sa iyong gawin ang tungkuling ito nang pangmatagalan, magpapasakop ka ba? (Puwedeng magpasakop ako paminsan-minsan, pero sa paglipas ng panahon, maaaring hindi ko na magawa iyon.) Ibig sabihin niyon ay hindi ka nagpasakop. Ano ang nagdudulot sa mga tao na hindi magpasakop? (Ito ay dahil may mga tradisyonal na kuru-kuro sa puso ng mga tao. Iniisip nilang dapat magtrabaho ang mga lalaki sa labas ng bahay, at ang mga babae ang dapat na mag-asikaso ng mga gawaing bahay, na trabaho ng babae ang pagluluto at mapapahiya ang isang lalaki sa pagluluto. Iyon ang dahilan kung bakit hindi madaling magpasakop.) Tama iyan. May diskriminasyon sa kasarian pagdating sa hatian ng trabaho. Iniisip ng mga lalaki, ‘Kaming mga lalaki ay dapat na nasa labas at naghahanapbuhay. Ang mga bagay na tulad ng pagluluto at paghuhugas ay dapat na gawin ng mga babae. Hindi kami dapat piliting gawin ito.’ Ngunit ngayon ay mga espesyal na sitwasyon ito, at hinihingi sa iyong gawin ito, kaya ano ang gagawin mo? Anong mga emosyonal na balakid ang dapat mong malampasan bago ka makapagpasakop? Ito ang pinakapunto ng isyu. Dapat mong malampasan ang iyong pangkasariang diskriminasyon. Walang gawaing dapat gawin ng mga lalaki, at walang gawaing dapat gawin ng mga babae. Huwag mong hatiin ang trabaho sa ganitong paraan. Hindi dapat tukuyin ang tungkuling ginagampanan ng mga tao ayon sa kanilang kasarian” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok). Eksaktong inilantad ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Naisip ko kung paano, dahil sa impluwensiya ng mga salita at gawa ng aking ama at sa pagpapalaki ng aking pamilya mula pagkabata, palagi akong naniniwala na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae” at “Dapat magtrabaho sa labas ng bahay ang mga lalaki at ang mga babae ang dapat humawak sa mga gawaing-bahay.” Inakala ko na ang mga gawaing-bahay tulad ng paglalaba, pagluluto, at paglilinis ay pawang mga bagay na ginagawa ng mga babae, habang ang mga lalaki ay kailangan lang magsaka o magtrabaho para kumita ng pera. Naniniwala ako na mas mataas ang katayuan ng isang lalaki kaysa sa isang babae, kaya natural lang na dapat silang pagsilbihan ng kanilang mga asawa, at na kung ang isang lalaki ay gumawa ng gawaing-bahay, nakakababa iyon ng dignidad at mamaliitin sila. Samakatwid, bago ako manampalataya sa Diyos, hindi ako kailanman gumawa ng gawaing-bahay. Nang makita ko ang asawa ko na nagpaparoo’t parito, gumagawa ng mga gawain habang karga ang aming anak, nakonsensiya ako at ginusto kong tumulong, pero naalala ko na ang isang lalaking tulad ko ay dapat panindigan ang isang partikular na tindig at dignidad ng isang tunay na lalaki. Naisip ko kung gaano ako mapapahiya kung makita ako ng iba na gumagawa ng gawaing pambabae, kaya lumalabas ako para maglaro ng baraha at magsaya sa halip na tulungan siya sa mga gawain. Sa lahat ng mga taon na iyon, tahimik na nagdurusa ang asawa ko, namumuhay nang nakapapagod at mapait. Ang pinakamahalaga, dahil sa sobrang impluwensiya sa akin ng mga sobinismong kaisipan, hindi ako makapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Nang isaayos ng lider na pansamantala akong magpatuloy ng mga sister, itinuring kong trabaho ng babae ang gawaing-bahay at naramdaman kong kahiya-hiya ito at nakakababa ng dignidad, bilang isang brother, ang gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy. Para protektahan ang aking imahe bilang lalaki, hindi man lang ako nangahas na magsuot ng apron o mga oversleeve kapag nagluluto, sa takot na maliitin ako ng mga sister. Dahil sa paglaban sa aking kalooban, naging pabasta-basta ako sa aking tungkulin; hindi ko man lang maluto nang maayos ang noodles, at hindi natunaw ang asin sa mga ensalada. Nang bigyan ako ng mga mungkahi ng mga sister, inisip kong masyado silang mapaghanap at gusto ko na lang na umalis na sila sa lalong madaling panahon. Nakita ko na sa pamumuhay ayon sa mga tradisyonal na kultural na ideyang ito, upang maprotektahan ang aking diumano’y dignidad at katayuan bilang lalaki, ako ay naging napakamakasarili at napakalamig, walang anumang normal na pagkatao. Wala akong kahit kaunting pagpapasakop o debosyon sa aking tungkulin. Nang mapagtanto ito, nanalangin ako, hinihiling sa Diyos na gabayan akong maunawaan ang katotohanan at makalaya mula sa gapos at mga paglilimita ng aking mga sobinismong kaisipan.
Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat bang pag-ibahin ang mga responsabilidad sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan? Dapat bang magkaroon ng pantay na katayuan sa lipunan ang mga lalaki at babae? Makatarungan ba na masyadong itaas ang katayuan ng mga lalaki at maliitin ang kababaihan? (Hindi, hindi ito makatarungan.) Kaya, paano nga ba dapat tratuhin ang katayuan sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan sa paraang patas at makatwiran? Ano ang prinsipyo para dito? (Na ang mga lalaki at babae ay pantay at dapat tratuhin nang patas.) Ang patas na pagtrato ay ang teoretikal na basehan, ngunit paano ito dapat isagawa sa paraang nagpapakita ng pagiging patas at makatwiran? Hindi ba’t may kinalaman ito sa mga praktikal na problema? Una sa lahat, dapat nating matukoy na ang katayuan ng kalalakihan at kababaihan ay pantay—hindi ito mapag-aalinlanganan. Samakatuwid, ang hatian sa trabaho sa lipunan ng kalalakihan at kababaihan ay dapat ding maging pantay, at dapat isaalang-alang at isaayos ayon sa kanilang kakayahan at kapabilidad sa gawain. Dapat magkaroon ng pagkakapantay-pantay lalo na pagdating sa karapatang pantao, kung saan dapat natatamasa din ng mga babae ang natatamasa ng mga lalaki, upang matiyak ang pantay na katayuan ng mga kalalakihan at kababaihan sa lipunan. Ang sinumang kayang gumawa sa trabaho, o sinumang may kakayahang maging lider ay dapat tulutang gawin ito, lalaki o babae man siya. Ano ang palagay mo sa prinsipyong ito? (Mabuti ito.) Sinasalamin nito ang pagkakapantay-pantay ng kalalakihan at kababaihan. Halimbawa, kung may dalawang lalaki at dalawang babae na nag-a-apply para sa trabaho bilang isang bombero, sino ang dapat makuha? Ang patas na pagtrato ay ang teoretikal na batayan at ang prinsipyo. Paano nga ba dapat harapin ng isang tao ang ganitong sitwasyon? Gaya ng kasasabi Ko ngayon lang, hayaan na gawin ito ng sinuman na kaya ang trabaho, ayon sa kanyang abilidad at kakayahan. Pumili ayon sa prinsipyong ito, sa pamamagitan ng pagsusuri kung sino sa mga kandidatong ito ang may maayos na pangangatawan at hindi malamya. Ang mahalaga sa pag-aapula ng apoy ay ang mabilis na pagkilos sa panahon ng kagipitan. Kung masyado kang malamya, mabagal mag-isip, at matamlay, tulad ng isang pagong o ng isang matandang baka, maaantala mo ang mga bagay-bagay. Matapos matiyak ang mga katangian ng bawat kandidato, batay sa kanilang kakayahan, abilidad, karanasan, antas ng kakayahan sa pag-aapula ng apoy, at iba pa, ang naging kongklusyon ay talagang angkop ang isang lalaki at isang babae: Ang lalaki ay matangkad, malakas ang katawan, may karanasan sa pag-apula ng apoy, at lumahok siya sa ilang operasyon sa pag-apula ng sunog at pagsagip; ang babae ay maliksi, sumailalim sa mahigpit na pagsasanay, maalam siya tungkol sa pag-apula ng apoy at mga kaugnay na pamamaraan sa trabaho, may kakayahan siya, at naging kilala siya sa ibang trabaho at nakatanggap ng mga parangal. Kaya, sa huli, pareho silang napili. Tama ba iyon? (Oo.) Ito ay tinatawag na pagpili sa pinakamahusay sa lahat, nang hindi pinapaboran ang sinuman. … Unang-una sa lahat, kapag pinangangasiwaan ang isang bagay, wala kang pagkiling laban sa mga lalaki o babae. Naniniwala ka na maraming namumukod-tangi at mahuhusay na babae, at marami kang kilalang gayong mga tao. Kaya, nakukumbinsi ka ng iyong kabatiran na ang kapabilidad ng kababaihan sa gawain ay hindi mas mababa sa abilidad ng mga lalaki, at na ang halaga ng iniaambag ng kababaihan sa lipunan ay hindi mas mababa kaysa sa mga lalaki. Sa sandaling magkaroon ka ng ganitong kabatiran at pagkaunawa, gagawa ka ng mga tumpak na paghatol at pagpapasya batay sa katunayang ito sa tuwing kikilos ka sa hinaharap. Sa madaling salita, kung hindi mo papaboran ang sinuman, at wala kang anumang pagkiling sa alinmang kasarian, magiging normal ang pagkatao mo sa aspektong ito, at makakakilos ka nang patas. Ang mga pagbabawal ng tradisyonal na kultura, sa paraan na ang mga lalaki ay itinuturing na mas mataas kaysa sa mga babae, ay aalisin, hindi na makukulong ang iyong mga kaisipan, at hindi ka na maiimpluwensiyahan ng aspektong ito ng tradisyonal na kultura” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (11)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng malaking kalinawan, at naunawaan ko na para makalaya mula sa mga tanikala ng tradisyonal na kultural na mga ideya tulad ng “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae” at “Dapat magtrabaho sa labas ng bahay ang mga lalaki at ang mga babae ang dapat humawak sa mga gawaing-bahay,” kailangan ko munang tanggapin ang katunayan na pantay-pantay ang mga lalaki at babae. Hindi dapat magkaroon ng pagkiling ang mga lalaki laban sa mga babae, lalo pa ang maliitin o apihin sila. Iyan ay imoral at walang pagkatao. Dapat tratuhin nang patas ng mga lalaki ang mga babae at hindi ituring na natural na dapat gawin ng mga babae ang gawaing-bahay, habang itinuturing na trabaho para sa mga lalaki ang mga kilalang trabaho na nagdudulot ng katayuan. Ang gayong pananaw ay pananaw ng mga maling paniniwala at maling kaisipan ni Satanas, at ito ay ganap na salungat sa katotohanan. Walang tuntunin sa sambahayan ng Diyos na nagsasabi kung aling mga tungkulin ang dapat gawin ng mga brother at alin ang para sa mga sister. Sa sambahayan ng Diyos, hindi kailanman isinasaayos ang mga tungkulin batay sa kasarian, sa halip, makatwiran itong isinasaayos batay sa kakayahan, mga kalakasan, kapabilidad sa gawain ng bawat tao, at sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Halimbawa, isinaayos ng lider na gawin ko ang tungkulin ng pagpapatuloy dahil ang tahanang matutuluyan na tinitirhan ng mga sister ay may mga panganib sa seguridad, at walang mahanap na ligtas na bahay kaagad. Ang bahay ko naman ay angkop, at sinusuportahan ako ng aking asawa at mga anak sa paggawa ng aking tungkulin. Sa isang banda, dahil sa pagsasaayos ng lider, napanatiling ligtas ang mga sister, at sa kabilang banda, pinahintulutan sila nito na gawin ang kanilang mga tungkulin nang normal, na tinitiyak na hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Sa pagpapatuloy sa kanila, itinataguyod ko rin ang gawain ng iglesia at ginagawa ang aking tungkulin. Dapat ay tinanggap ko ang pagsasaayos at nagpasakop ako, binitiwan ang mga walang-katotohanang ideya at pananaw na “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae” at “Dapat magtrabaho sa labas ng bahay ang mga lalaki at ang mga babae ang dapat humawak sa mga gawaing-bahay,” at tinupad ang aking tungkulin ng pagpapatuloy ayon sa mga salita ng Diyos.
Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at natutunan kung paano harapin nang wasto ang aking tungkulin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang tungkulin mo, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, ‘Bagama’t ang gampaning ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay nakakagawa ng gawaing nagpapahintulot sa kanila na mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gampaning ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi nangangailangan ng pagsisikap ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong magpapatingkad sa akin sa harap ng iba at magbibigay-daan sa akin na gumawa ng pangalan para sa aking sarili—at kahit na hindi ako gumawa ng pangalan para sa aking sarili o magpatingkad, dapat pa rin akong makinabang mula rito at makaramdam ng pisikal na kaginhawahan.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas ng iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop. Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong tungkulin? Una, hindi mo ito dapat suriin, sinusubukang tukuyin kung sino ang nagtalaga nito sa iyo; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos bilang atas ng Diyos at bilang tungkulin mo, at dapat mong sundin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Diyos. Ikalawa, huwag mong diskriminahin kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo tungkol sa kalikasan nito, kung tinutulutan ka man nitong mamukod-tangi o hindi, kung ito man ay ginagawa sa harap ng publiko o nang hindi nakikita. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Mayroon pang ibang saloobin: pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Paggampan ng Isang Tao sa Kanyang Tungkulin nang Pasok sa Pamantayan?). “Halimbawa, sabihin nating responsabilidad mo ang magluto para sa iyong mga kapatid, at iyon ang tungkulin mo. Paano mo dapat tratuhin ang gampaning ito? (Dapat naming hanapin ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo? May kinalaman ito sa realidad at sa katotohanan. Kailangan mong pag-isipan kung paano isasagawa ang katotohanan at kung paano gampanan nang maayos ang tungkuling ito. Aling mga aspekto ng katotohanan ang nakapaloob dito? Ang unang hakbang, una sa lahat, ay kailangan mong malaman na, ‘Hindi ako nagluluto para sa sarili ko. Tungkulin ko ito.’ Kinapapalooban ito ng aspekto ng pangitain. Paano naman ang ikalawang hakbang? (Kailangan naming pag-isipan kung paano lulutuin nang maayos ang pagkain.) Ano ang pamantayan sa pagluluto nang maayos? (Kailangan naming hanapin ang mga hinihingi ng Diyos.) Tama iyan. Tanging ang mga hinihingi ng Diyos ang katotohanan, ang pamantayan, at ang prinsipyo. Gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos—ito ay isang aspekto ng katotohanan. Una sa lahat ay kailangan mong isipin ang aspektong ito ng katotohanan, at pagkatapos ay pagnilayan na, ‘Ibinigay sa akin ng Diyos ang tungkuling ito upang gampanan ko. Ano ang pamantayang hinihingi ng Diyos?’ Unang-una sa lahat, kailangan mong taglayin ang pundasyong ito. Kung gayon ay paano ka dapat kumilos upang maabot mo ang pamantayan ng Diyos? Ang pagkaing lulutuin mo ay dapat na masustansya, masarap, malinis, at hindi nakasasama sa katawan—ang mga ito ang mga detalyeng nakapaloob. Basta’t kumikilos ka alinsunod sa prinsipyong ito, ang pagkaing lulutuin mo ay maihahanda alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hinanap mo ang mga prinsipyo ng tungkuling ito, at hindi lumagpas ang mga kilos mo sa saklaw na itinakda ng Diyos. Tama ang paraan ng pagkilos mo. Ginampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at nagampanan mo ito sa isang paraan na pasok sa pamantayan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Sa sambahayan ng Diyos, walang tungkuling isinasaayos batay sa kasarian ng isang tao, at walang mataas o mababang mga tungkulin. Ang tamang saloobin sa iyong tungkulin ay tanggapin ito mula sa Diyos at magpasakop. Hindi alintana kung sino ang nagsaayos nito o kung ikaw ang sentro ng atensyon, dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Ito ang tamang paraan ng pagsasagawa, at ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Nang isaayos ng lider ang tungkulin ng pagpapatuloy para sa akin, hindi ako dapat nag-alala na baka maliitin ako, sa halip, dapat ay hinanap ko ang mga katotohanang prinsipyo at ginawa ang lahat ng aking makakaya upang matupad nang maayos ang aking tungkulin. Una, kinailangan kong gawin ang lahat para mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran para sa mga sister. Gayundin, kinailangan kong panatilihing malinis ang bahay, at kapag nagluluto, kinailangan kong isaalang-alang kung paano gawing masustansya at malusog ang mga pagkain. Sa isang banda, ang paggawa ng aking tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay ay nagwasto sa aking sobinismong walang-katotohanang pananaw, kaya hindi ko na tinitingnan ang mga babae sa pamamagitan ng tradisyonal na lente ng “Ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae.” Sa kabilang banda, napabuti rin nito ang aking mga kasanayan sa buhay. Mas sanay na ako ngayon sa paghuhugas at paghihiwa ng mga gulay, at sa bahay, karaniwan nang ako ang nagluluto at naglilinis. Naalala ko minsan habang nanananghalian, sinabi ng asawa ko nang nakangiti, “Dati, ako ang nagluluto para sa iyo, pero hindi ko akalain na magkakabaliktad na pala tayo ngayon.” Sinabi rin ng mga anak ko na nagbago na ako. Minsan, may ilang sister na pumupunta sa bahay ko para pag-usapan ang kanilang mga sermon, at kadalasan, ako ang nagluluto. Hindi ko na nararamdaman na ito ay nakakababa ng dignidad o kahiya-hiya. Sinasabi pa nga ng mga sister na masarap daw ang luto kong isda. Ang makalaya mula sa mga tradisyonal na sobinismong kaisipan na ito at maisabuhay ang kaunting normal na pagkatao ay pawang resulta na nakamit sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!