14. Mga Pagninilay Matapos Pagtakpan ang Isang Pagkakamali

Ni Theodore, Italya

Palagi akong gumagawa ng tungkulin ng pag-e-edit ng video sa iglesia. Noong Mayo 2022, pagkatapos makunan ang isang pelikula, pumasok ito sa isang matinding yugto ng post-production, at kailangang matapos agad ang pag-e-edit para isumite sa lider para sa pagsusuri. Matapos gumugol ng mahabang oras sa pag-e-edit ng bawat eksena, hindi ko sinasadyang napindot ang delete key, at agad na nabura ang footage mula sa unang limang eksenang na-edit ko na. Awtomatiko kong sinubukang i-undo ang huling ginawa ko, pero hindi na nga ito naibalik ng software—tuluyan pa itong nag-hang. Nang makita ko ang walang lamang timeline, ganap na nablangko ang isip ko. Nang matauhan ako, nagmamadali kong sinubukan ang lahat ng paraan para ma-recover ang proyekto, at habang naghahanap, patuloy kong iniisip, “Wala na; ano ang gagawin ko ngayon? Hindi pa naman ako nakapag-back up nitong mga nakaraang araw—siguradong nawala na ang proyekto. Bihira naman akong magkamali sa tungkulin ko dati, at pinagkakatiwalaan ako ng superbisor. Bakit naman sa lahat ng pagkakataon, sa pinakakritikal na sandali pa nagkaproblema bago ito isumite sa lider para sa pagsusuri? Kapag nalaman ng lahat na nakagawa ako ng pagkakamali na para lang sa baguhan pagkatapos ng matagal na pagiging editor, ano na lang ang iisipin nila sa akin? Kahit baguhan alam na dapat mag-back up araw-araw para maiwasan ang aksidenteng pagkawala ng datos, pero inisip ko na dahil ilang taon ko nang ginagawa ito nang hindi nawawalan ng proyekto, hindi na kailangan ang araw-araw na pagba-back up. Bakit ba sobra ang tiwala ko sa sarili ko?” Dati, kapag may ibang mga kapatid na nakagagawa ng pagkakamali dahil sa maling operation, buong kumpiyansa kong sasabihin, “Maiiwasan naman ang ganitong problema kung medyo mag-iingat pa.” Nang maisip ko iyon, nag-init ang mukha ko. Sumablay ako sa pinakamahalagang sandali at nakagawa ng isang bagay na napakairesponsable. Siguradong bababa ang tingin ng lahat sa akin kapag nalaman nila. Hindi ba’t masisira nang tuluyan ang magandang reputasyon at imahe ko? Hindi, maliban na lang kung talagang kinakailangan, hindi ko puwedeng ipaalam sa mga kapatid ang tungkol dito. Tiningnan ko ang backup mula sa ilang araw na nakalipas, at natuklasan kong dalawang eksena lang na kinunan kamakailan ang kailangang palitan. Kaya kong magdamag na magtrabaho at halos maaayos ko ito, at kapag naayos ko na ang lahat, hinding-hindi na malalaman ng mga kapatid na nawala ko ang proyekto, at mapapanatili ko ang magandang imahe ko. Nang maisip ko iyon, nagmadali akong i-restore ang proyekto, pero habang ginagawa ko iyon, napansin ko na kailangang ulitin ang color grading at audio ng buong pelikula. Pagtingin ko sa dami ng trabahong nasa harapan ko, alam kong hindi ito maibabalik sa loob lang ng isang araw at isang gabi. Talagang nanghina ang loob ko. Naging malinaw sa akin na hindi ko kayang tapusin nang mag-isa ang proyektong ito, at ang magagawa ko lang ay ang humingi ng tulong sa iba. Naisip ko, “Kung magtatanong ako ngayon, hindi ba’t malalaman nila na nawala ko ang proyekto? Kung malalaman nila, bababa ang tingin ng lahat sa akin. Pero kung hindi ako magsasalita, mas lalo lang maaantala ang gawain. Isa pa, walang lihim na hindi nabubunyag.” Napagtanto kong hindi ito isang bagay na nagkataon lang nangyari, at may aral akong kailangang matutunan. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, hindi ako nag-back up ng proyekto, at natakot akong harapin ang pagkakamaling ito na para lang sa isang baguhan. Takot na takot akong malaman ng iba kaya palagi ko na lang itong gustong pagtakpan. Hindi ako isang matapat na tao. O Diyos, pakiusap, gabayan Mo ako, at tulungan akong maging simple at makapagtapat sa mga kapatid tungkol sa problemang ito at makahingi ng tulong.” Pagkatapos magdasal, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hinihingi ng Aking kaharian ang mga matapat, at mga hindi mapagpaimbabaw o mapanlinlang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 33). Gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Malinaw na nagkamali ako, at dapat sana ay naging simple at nagtapat ako, inamin ang pagkakamali ko, at humingi ng tulong. Pero ang iniisip ko pa rin ay kung paano ito pagtatakpan para walang sinuman ang makaalam. Napakadilim at napakamapanlinlang ng puso ko! Sa totoo lang, kapag nagawa na ang isang pagkakamali, dapat ko muna itong aminin, at kahit ano pa ang maging tingin sa akin ng mga kapatid o kahit pa mapuna ako o mapungusan, nararapat lang sa akin iyon. Sa pagharap sa kanilang mga pagkakamali, ang matatapat na tao ay kayang maglakas-loob na aminin ang mga ito at may tapang na managot. Bakit hindi ko kayang magsagawa nang ganito? Saka lang ako nagsimulang humingi ng tulong mula sa lahat. Isa-isa kong pinadalhan ng mensahe ang mga brother na baka may alam kung paano ito lulutasin. Nakita kong halos natanong ko na ang lahat, pero wala pa ring paraan para ma-recover ang proyekto. Sakto namang pumasok sa kuwarto ang brother na responsable sa pagre-record ng audio at nagtanong, “Nahanap mo na?” Sumagot ako nang nanlulumo, “Hindi.” Pagkatapos, sabi niya, “Kaba-back up ko lang ng proyekto sa editing kahapon.” Nang marinig ko iyon, halos maiyak ako. Ang nangyari, pagkatapos ko palang magtrabaho noong nakaraang gabi, pumasok sa studio kinaumagahan ang kapatid na gumagawa ng pagre-record ng audio at gumawa ng backup. Iyon mismo ang naiwala ko. Tiningnan ko ang backup na proyekto sa harapan ko. Walang sira lahat ang editing, color grading, at audio. Hindi ko mapigilang mag-alay ng pasasalamat at papuri sa Diyos sa puso ko. Natapos na ang isyu sa nawawalang proyekto. Kasunod ng luwag ng kaloobang ito, nagsimula akong magnilay sa aking sarili, “Bakit palagi kong sinusubukang pagtakpan ang mga bagay-bagay kapag nagkakamali ako sa aking tungkulin at ayaw kong malaman ng iba?”

Habang nagninilay ako, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga tiwaling tao ay mahusay magpanggap. Anuman ang ginagawa nila o anumang katiwalian ang ibinubunyag nila, palagi nilang sinusubukan na magbalatkayo. Kung may mangyaring mali o may ginawa silang mali, gusto nilang isisi iyon sa iba. Gusto nilang mapunta sa kanila ang kredito sa mabubuting bagay, at masisi ang iba sa masasamang bagay. Hindi ba maraming ganitong pagpapanggap sa tunay na buhay? Napakarami. Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng mga tiwaling disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na kinamumuhian ng Diyos. Sa katunayan, kapag nagpapanggap ka, nauunawaan ng lahat ang nangyayari, pero akala mo hindi iyon nakikita ng iba, at ginagawa mo ang lahat para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo sa pagsisikap na hindi ka mapahiya at isipin ng lahat na wala kang ginawang mali. Hindi ba kahangalan ito? Paano ito hinuhusgahan ng iba? Ano ang nadarama nila? Pagkasuklam at pagkamuhi. Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, magkomento rito, at kilatisin ito, at kaya mo itong himayin at isiwalat para makita ng iba, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Tiyak na sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos, at kaya nilang makita ang iyong puso sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin nila sa iyo, at sasabihin nila na ikaw ay hangal at hindi matalinong tao. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong pagkakamali, sasabihin ng lahat na matapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Lahat ay may mga pagkukulang at kapintasan. At lahat ay may pare-parehong mga tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; ang pag-iisip nang ganyan ay labis na wala sa katwiran! Sa sandaling malinaw mo nang makita ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang tunay na mukha ng kanilang tiwaling diwa, at hindi mo sinusubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, at hindi mo ginagamit ang mga pagkakamali ng ibang tao laban sa kanila, at kaya mong harapin nang tama ang dalawa, saka mo lang makikita ang mga bagay-bagay nang malaliman at hindi ka gagawa ng mga kahangalan, at magiging isa kang matalinong tao. Lahat ng wala sa katwiran ay hindi matatalinong tao, sila ay mga hangal. Sa tuwing nagkakamali sila o gumagawa ng isang bagay na katawa-tawa at pinupungusan sila, dinidibdib nila ito, at palagi nilang sinusubukang bigyang-katwiran at ipagtanggol ang kanilang sarili, habang kumikilos nang patalikod. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa nila, subalit lantaran pa rin silang nagpapanggap. Nagmumukha silang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito. Walang anumang karunungan ang mga hangal na tao. Kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan ang katotohanan o makita ang anumang bagay sa kung ano talaga ito. Palagi silang nagmamataas, iniisip na naiiba sila sa lahat, at mas marangal sila; ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili, ito ay pagiging hangal. Ang mga hangal ay walang espirituwal na pagkaunawa, hindi ba? Ang mga bagay kung saan hangal ka at hindi madunong ay ang mga bagay kung saan wala kang espirituwal na pagkaunawa, at hindi madaling maunawaan ang katotohanan. Ito ang realidad ng usaping ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi maiiwasan na magkaroon ng ilang pagkakamali o paglihis sa ating mga tungkulin, pero ang hinihingi ng Diyos ay harapin nang tama ng mga tao ang kanilang mga pagkakamali, at huwag subukang pagtakpan at pagbalatkayuhan ang mga ito. Ang pagtatakip at pagbabalatkayo ay isang satanikong disposisyon ng kabuktutan at panlilinlang—isang bagay na kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kapag nagkakamali ako sa aking tungkulin, ang una kong iniisip ay ang pagtakpan ang mga ito—ito ay inudyukan ng isang buktot at mapanlinlang na satanikong disposisyon. Sa isip-isip ko, matagal na akong gumagawa ng mga tungkulin ng pag-e-edit ng video, may kaunti nang karanasan, at medyo maganda naman ang tingin sa akin ng lahat, kaya pakiramdam ko ay hindi ako puwedeng magkamali, lalo na sa mahahalagang sandali. Pakiramdam ko, dapat ay mas maaasahan at mas mapagkakatiwalaan ako kaysa sa iba. Kaya kapag nagkakamali, nag-aalala akong masisira ang imahe ko at mawawalan ako ng katayuan, at ginagawa ko ang lahat para pagtakpan ang mga iyon at hindi ipaalam sa kaninuman. Lalo na kapag ganitong pagkakamali na para lang sa baguhan, mas lalo akong natatakot na kapag nalaman ng iba, bababa ang tingin nila sa akin, at babagsak nang husto ang katayuan ko sa paningin nila. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong hindi magawang harapin nang tama ang pagkakamali ko. Gusto kong magbalatkayo bilang isang taong walang kapintasan, at hindi ako nangahas na aminin ang pagkakamali ko o humingi ng tulong. Gusto ko pa ngang palihim itong ayusin nang walang nakaaalam, para hindi ako mapahiya. Ang katotohanan ay na nangyari na ang pagkakamali, at sana ay nagtapat na lang ako, inako ko ito, at natuto ako mula rito. Pero ginawa ko ang lahat para pagtakpan ito at gumamit ng panlilinlang. Sinisiyasat ng Diyos ang lahat—kahit maloko ko ang mga tao, maloloko ko ba talaga ang Diyos? Hindi ba’t nagbubulag-bulagan lang ako? Talagang naging hangal ako! Lahat ng tao ay nagkakamali—hindi ito isang bagay na dapat ikahiya, at saka, sa aktuwal ay isang mahalagang paalala ito para sa akin, para mas maging maingat ako sa paggawa kong muli ng aking tungkulin. Pero kapag nagkakamali ako, pinipiga ko ang utak ko para mag-isip ng mga paraan para pagtakpan ang mga ito. Sa mata ng Diyos, mas malubha pa itong mapanlinlang na pagtatakip kaysa sa mismong mga pagkakamali. Habang mas pinagtatakpan ko ang mga pagkakamali ko, mas lalo lang nitong pinatutunayan kung gaano kabuktot at kamapanlinlang ang disposisyon ko. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong nararamdaman na ako ay mapagpaimbabaw at talagang karumal-dumal at kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. Naisip ko rin kung paano na lang kaya kung nagawa kong ma-recover nang mag-isa ang proyekto sa pagkakataong ito, siguradong hinding-hindi ko talaga sasabihin kaninuman at hinding-hindi ako hihingi ng tulong sa iba, at dahil lang wala akong paraan para ayusin ito kaya nagsabi ako ng totoo sa mga kapatid. Kaya para sa mga ordinaryong pagkakamali na karaniwan ay kaya kong pagtakpan, hindi ba’t mas lalo ko pang pagtatakpan ang mga ito? Hindi ko maiwasang alalahanin ang mga tagpo mula sa paggawa ko ng tungkulin noon. Minsan kapag nag-e-edit ako ng maiikling video, mas mahalaga sa akin ang bilis at dami ng natatapos para lang magkamit ng paghanga, at bilang resulta, madalas nagsasanhi ng pag-uulit at mga rebisyon ang mga isyu sa maliliit na detalye. Noong tinanong ako ng iba kung bakit lumitaw ang mga problemang ito, natatakot akong sabihin ng iba na walang-ingat at pabaya ako. Kaya, gumagawa ako ng mga obhetibong dahilan, sinasabing dahil ito sa yugto ng pagpi-film, o kaya ay sasabihin kong nagka-glitch ang software ko, lahat, para lang makapagpalusot. Palagi kong nabubunyag ang mga bagay na ito. Nang maisip ko ito, napagtanto ko kung gaano karami ang mga pagpapanggap ko at panlilinlang ko sa iba. Hindi na ako puwedeng patuloy na mamuhay ayon sa mapanlinlang na disposisyong ito, at kailangan kong magsimulang magsagawa at pumasok sa pamantayan ng isang matapat na tao. Ang sumunod na nangyari ay nagtulak sa akin na magnilay-nilay nang mas malalim at magkaroon ng kaalaman sa aking sarili.

Hindi nagtagal, ipinasa na sa lider ang pelikula para sa pagsusuri. Pero napansin ng isang brother na sa isang eksena, wala sa timing ang audio sa loob ng labintatlong frame, at hindi siya sigurado kung kailangan ba itong i-render ulit. Nagsimulang mabagabag ang puso ko, “Bakit hindi ko napansin iyan? Kung titingnang mabuti, halatang-halata naman ito. May kalahating segundong delay ang video at audio, hindi sila sabay. Pinatingnan ko pa nga sa isang sister ang parteng iyan. Bakit hindi rin niya napansin? Aabutin ng ilang oras ang pagre-render—magdudulot ito ng malaking pagkaantala! Siguro huwag ko na lang sabihin sa lahat. Hindi naman ito malaking isyu—karamihan ng tao ay ni hindi ito mapapansin. Isa pa, kung malaman ng lahat na may ganitong problema ang video, ano na lang ang iisipin nila sa akin? Sasabihin kaya nila na hindi ako maaasahan o iresponsable ako? Paulit-ulit akong nakagagawa ng mga pagkakamaling para lang sa baguhan nitong mga nakaraang araw; kung magpapatuloy ako nang ganito, sino pa ang magtitiwala sa akin?” Walang kapayapaan ang puso ko at nakadama ako ng pag-aakusa sa loob-loob ko. Pero pagkatapos itong pag-isipan nang paulit-ulit, nagpasya pa rin akong huwag na lang magsabi ng anuman. Pagkatapos kong mapagdesisyunan iyon, pakiramdam ko ay kabadong-kabado akong nakaupo sa harap ng kompyuter, hindi mapakali ang puso ko, at nakaramdam ako ng matinding kadiliman sa kalooban ko. Napagtanto kong pinagtatakpan ko na naman ang isang pagkakamali, kaya nagdasal ako sa Diyos sa puso ko: “O Diyos, ngayon ko lang talaga naramdaman kung gaano kahirap magsabi ng totoo at maging isang matapat na tao. Sa tuwing pride o banidad ko ang nakataya, hindi ko mapigilang protektahan ang sarili ko, gusto kong magsinungaling at manlinlang. Ayoko nang mamuhay nang ganito. Pakiusap, bigyan Mo ako ng tapang at lakas ng loob para maisagawa ang pagiging matapat ayon sa Iyong mga salita.” Pagkatapos magdasal, nagkaroon ako ng kaunting lakas sa aking puso, at nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa isyu. Kalaunan, mayroon pa ring ibang mga isyu sa video, kaya sabay-sabay kong inayos ang lahat ng iyon, sinuri ang lahat, at saka ipinadala pabalik sa lider.

Dahil sa karanasang iyon, nagsimula akong magnilay-nilay, “Bakit palagi kong gustong pagtakpan ang mga pagkakamali? Ano ba talaga ang ugat ng isyung ito?” Nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ipagpalagay na hinihingi sa iyo ng Diyos ngayon na maging isang matapat na tao at sabihin ang totoo tungkol sa isang bagay, na kinasasangkutan ng mga katunayan, o ng iyong kinabukasan at iyong kapalaran. Ang mga kahihinatnan ng paggawa mo nito ay maaaring hindi pabor sa iyo: Maaaring hindi na maging mataas ang tingin sa iyo ng iba, at pakiramdam mo ay nasira na ang iyong reputasyon. Sa gayong mga sitwasyon, kaya mo bang maging prangka, at sabihin ang totoo? Kaya mo bang maging matapat? Ito ang pinakamahirap na gawin, mas mahirap pa kaysa sa pagbuwis ng iyong buhay. Maaari mong sabihin, ‘Kaya kong mamatay para sa Diyos, pero kung ipapasabi sa akin ng Diyos ang totoo, hindi ko ito kakayanin. Ayaw ko talagang maging isang matapat na tao. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa hayaang maliitin ako ng lahat, kaysa hayaang makita ng lahat na isa lang akong ordinaryong tao.’ Mula rito, makikita na ang pinakapinapahalagahan pa rin ng mga tao ay ang katayuan at reputasyon—pinapahalagahan nila ang mga bagay na ito nang higit pa sa sarili nilang buhay. Malinaw na namumuhay pa rin sila sa gitna ng mga satanikong disposisyon, at na ang kanilang puso ay kontrolado pa rin ni Satanas. Kung makaharap sila ng malaking panganib, maaaring magawa nilang isugal ang kanilang buhay sa isang bugso ng pagsisikap, ngunit hindi madali para sa kanila na isuko ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong nananampalataya sa Diyos, ang paghahandog ng kanilang buhay ay hindi ang pinakamahalaga. Hinihingi ng Diyos na tanggapin ng mga tao ang katotohanan, at tunay na maging matatapat na tao na sinasabi kung ano man ang nasa puso nila, nagbubukas at nagsisiwalat ng sarili sa lahat. Madali bang gawin ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo. Hindi ba’t bigay sa iyo ng Diyos ang buhay mo? Ano ang pakinabang ng buhay mo sa Diyos? Hindi ito gusto ng Diyos. Ang gusto Niya ay magsalita ka nang totoo, sabihin mo kung anong uri ka ng tao at ano ang nilalaman ng puso mo. Masasabi mo ba ang mga bagay na ito? Dito, nagiging mahirap ang mga bagay-bagay, at maaari mong sabihing, ‘Pagawin mo ako ng ilang pisikal na trabaho, at magkakaroon ako ng lakas na gawin iyon. Ipasakripisyo sa akin ang lahat ng pag-aari ko, at magagawa ko ito. Madali kong matatalikuran ang aking mga magulang, anak, buhay may-asawa, at propesyon. Ngunit ang pagpapasabi sa akin ng isang bagay mula sa puso, o pagpapasabi sa akin ng isang matapat na pangungusap—iyan ang isang bagay na hindi ko magagawa.’ Bakit hindi mo magagawa iyon? Dahil kapag ginawa mo iyon, sinumang nakakakilala sa iyo o pamilyar sa iyo ay mag-iiba ang tingin sa iyo. Hindi ka na nila titingalain. Mapapahiya ka na at ganap na mahahamak, at maglalaho ang iyong integridad at dignidad. Mawawala ang matayog na katayuan at katanyagan mo sa puso ng iba. Kaya nga, sa gayong sitwasyon, anuman ang mangyari, hindi mo sasabihin ang totoo. Kapag nakahaharap ito ng mga tao, nagtatalo ang kalooban nila. Kapag lumipas na ang pagtatalong iyon ng kalooban nila, sa huli ay napagtatagumpayan ng ilan ang kanilang mga paghihirap, samantalang ang iba ay hindi pa napagtagumpayan ang gapos at mga limitasyon ng kanilang mga satanikong disposisyon hanggang sa araw na ito, at nananatili silang kontrolado ng kanilang sariling katayuan, pride, banidad, at tinatawag na dangal. Mahirap ito, hindi ba?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). “Gusto mong maging isang matapat na tao, ngunit hindi mo mabitiwan ang pride, banidad, at mga personal na interes mo. Maaari ka lang magsinungaling, gumamit ng mga kabulaanan para mapanatili ang mga bagay na ito. Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, magagawa mong tiisin ang iba’t ibang uri ng pagdurusa upang maisagawa ang katotohanan. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay mawala ang iyong reputasyon at katayuan, at magtiis ng pamamahiya at pangungutya ng iba, hindi mo ito iindahin, at iisipin mo na basta’t nagagawa mong isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sapat na ito. Pinipili ng mga nagmamahal sa katotohanan na isagawa ang katotohanan at maging matatapat na tao. Ito ang tamang landas at ito ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, ano ang pinipili niya? Pinipili niyang gumamit ng mga kasinungalingan para mapanatili ang kanyang reputasyon, katayuan, dignidad, at ang isang balatkayo ng integridad. Mas pipiliin niyang maging mapanlinlang na tao, at kasuklaman at itakwil ng Diyos kaysa isagawa ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay iyong mga tutol sa katotohanan at nagtatakwil sa Diyos. Pinipili niya ang sarili niyang reputasyon at katayuan; nais niyang maging mapanlinlang na tao. Wala siyang pakialam kung nalulugod ang Diyos o hindi o kung ililigtas siya ng Diyos. Maliligtas pa rin ba ng Diyos ang gayong tao? Tiyak na hindi, dahil pinili niya ang maling landas. Makapamumuhay lang siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at panlilinlang; kaya lamang niyang palipasin ang masasakit na araw ng pagsisinungaling at pagtatakip sa mga ito at pagpipiga sa kanyang utak upang pangatwiranan ang sarili niya araw-araw. Kung iniisip mong mapapanatili ng mga kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na ninanais mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang dignidad at integridad mo, pero ang mas malala pa ay napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao. Kahit na magawa mong panatilihin ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride sa sandaling iyon, naiwaksi mo ang katotohanan at naipagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at isang walang hanggang pagsisisihan. Hindi ito kailanman makikilatis ng mga mapanlinlang(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lang ng Pagiging Isang Matapat na Tao Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao ang Isang Tao). Tumimo sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Itinuring kong mas mahalaga ang aking katayuan sa puso ng mga tao kaysa sa anupaman, at para protektahan ang mga bagay na ito, hindi ako makapagsabi kahit isang matapat na salita. Mas pinili kong maging mapanlinlang at pagtakpan ang mga pagkakamali ko kaysa maging isang matapat na tao na simple at nagtatapat, at nagsasagawa ng katotohanan. Ipinakita nitong wala akong pagmamahal sa katotohanan kahit katiting. Kayang harapin nang direkta ng matatapat na tao ang kanilang mga kakulangan at problema, at para maisagawa ang katotohanan, handa silang tiisin ang lahat ng uri ng kahihiyan at pasakit. Pero ang kailangan ko lang gawin ay maging simple at magtapat tungkol sa mga pagkakamali at problema ko, at kahit hindi pa ako napapahiya o tinutuya, hindi ko pa rin magawa. Kapag may mga problemang lumilitaw, palagi akong naghahanap ng mga dahilan para ipangatwiran at ipagtanggol ang sarili ko, sinusubukang pagtakpan ang mga isyu ko. Sinisisi ko ito sa mga isyu sa panahon ng mga unang yugto ng pagfi-film, o sa kagamitan o software. Ngayong nagkaisyu sa pelikula, gusto ko pa ngang ipasa ang sisi, at nagreklamo ako sa loob-loob ko tungkol sa sister dahil hindi niya napansin ang pagkakamali. Talagang wala akong katwiran at mapanlinlang ako! Napagtanto ko na para maprotektahan ang aking dangal at katayuan, nagawa kong mag-isip ng kahit anong dahilan. Napagtanto kong ginawa akong tiwali at naimpluwensiyahan ng mga satanikong lason tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pride, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Ang dangal ay hindi matutumbasan ng halaga.” Naniniwala akong mayroon lang halaga ang buhay ko kung tinitingala at sinasang-ayunan ako ng iba, at kung walang paghanga mula sa iba, walang kabuluhan ang buhay. Sa simula’t simula pa, palagi kong iniisip ang aking dangal at katayuan sa aking tungkulin, at sa sandaling lumitaw ang isang pagkakamali, takot na takot akong matuklasan ito ng iba. Ang maingat at mapagbantay kong pag-uugali ay nagpapakita na mas pinahahalagahan ko ang katayuan at reputasyon kaysa sa anupaman. Tinalikuran ko ang aking pamilya at karera para gawin ang aking tungkulin, at nagtrabaho ako ng lampas sa oras at nagbayad ng halaga, pero kapag oras na para aminin ang aking mga pagkakamali, magsalita nang totoo, at magtapat at maglantad ng aking katiwalian at mga pagkukulang, hindi ko talaga magawa. Sa pagitan ng pagpapanatili ng aking dangal at katayuan o pagiging isang matapat na tao, paulit-ulit kong pinipili ang nauna. Nakita ko kung gaano kahigpit akong iginapos at kinontrol ng dangal at katayuan. Maaaring napagtakpan ko ang aking mga pagkakamali, pero nilinlang ko ang mga kapatid ko at namuhay ako nang walang integridad o dignidad, at namuhay pa rin ako sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Malinaw na ginawa akong tiwali ni Satanas, puno ng mga satanikong disposisyon at lahat ng uri ng satanikong lason, pero sinubukan ko pa ring itanghal ang sarili ko bilang isang santo na hindi nagkakamali at walang kapintasan. Napakahuwad at napakamapagpaimbabaw ko! Kahit pa mapagtakpan ko ang mga pagkakamali ko, ano ba talaga ang mapapala ko? Paulit-ulit akong gumamit ng panlilinlang at pandaraya para lang hindi mapahiya, sinasayang ko ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao. Sa mata ng Diyos, ang ganitong pag-uugali ay panlilinlang at pagpapaimbabaw, at kung magpapatuloy ako nang hindi iwinawaksi itong tiwaling disposisyon ng panlilinlang at pagbabalatkayo, tiyak na itataboy at ititiwalag ako ng Diyos, at magiging napakalaking kawalan nito! Nang maisip ko ito, ayoko nang mamuhay para sa dangal, at naging handa akong hanapin ang katotohanan para lutasin ang aking pagbabalatkayo at panlilinlang.

Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos at natagpuan ko ang isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang mga problemang kinakaharap mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, hinding-hindi ka dapat magbalatkayo o magpakita ng huwad na imahe sa iba. Maging ito man ay ang mga pagkukulang mo, mga kakapusan mo, mga kapintasan mo, o mga tiwaling disposisyon mo, dapat kang maging bukas at makipagbahaginan tungkol sa lahat ng bagay na ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong magbukas-loob ay ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang hadlang, na pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ang hadlang na ito, magiging madali nang pumasok sa katotohanan. Kapag ginawa mo ang hakbang na ito, ano ang ipahihiwatig nito? Ipahihiwatig nito na binubuksan mo ang iyong puso, at inilalantad at binubuksan ang tungkol sa bawat bahagi mo—mabuti man o masama, positibo o negatibo—at hinahayaan itong makita ng ibang tao at ng Diyos, hindi nagtatago o naglilihim ng anumang bagay mula sa Diyos, hindi gumagamit ng anumang pagbabalatkayo, panlilinlang, o pandaraya sa Diyos, at gayundin ay nagiging matapat ka sa ibang tao. Sa ganitong paraan, mamumuhay ka sa liwanag; hindi ka lang sisiyasatin ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang tao na may mga prinsipyo at pagiging hayag sa iyong mga kilos. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni kailangan mong magsagawa ng anumang pagtatago o pagtatakip sa mga pagkakamali mo. Hindi mo kailangang makibahagi sa mga walang silbing pagsisikap na ito. Kung kaya mong bitiwan ang mga bagay na ito, magiging napakagaan ng buhay mo, malaya sa mga paglilimita at pasakit, at ganap kang mamumuhay sa liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang unang hakbang para maging isang matapat na tao ay ang maging simple at magtapat. Dapat maglakas-loob na magtapat tungkol sa sariling mga pagkukulang at katiwalian. Lalo na kapag nagkamali ka at ayaw mong malaman ng iba, doon mo kailangang ilantad ang iyong sarili at maging matapat tungkol dito. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay ang pusong nagmamahal sa katotohanan at ang saloobin na nagsisikap maging matapat, kahit pa kapalit nito ang pagkapahiya. Nakita ko na napakalayo ko pa para maging isang matapat na tao, pero handa akong magsanay at magsagawa sa larangang ito. Sa hinaharap, kung magkakaroon ako ng anumang pagkakamali o kamalian sa aking tungkulin, sadya akong magtatapat sa iba tungkol dito, at noong gawin ko ito, hindi bumaba ang tingin sa akin ng mga kapatid. Sa halip, natanggap ko ang kanilang taos-pusong tulong. Unti-unti, hindi na ako nababalisa, natatakot, o nagtatangkang magtakip kapag nagkakamali ako tulad ng dati. Sa pagbabalik-tanaw noong hindi ako nangahas na magtapat pagkatapos magkamali, para akong daga na nagtatago sa madilim na sulok, takot na lumabas sa liwanag. Ngayon, pagkatapos kong magtapat sa mga kapatid, nakaramdam ako ng kalayaan, na parang nabunutan ako ng tinik. Kalaunan, pinagnilayan ko ang mga problema tulad ng nawawalang file ng proyekto at mga isyu sa audio-video sync. Pangunahing nangyari ito dahil naging pabaya ako sa aking tungkulin, at umasa sa karanasan, at dahil sa sobra ang kumpiyansa ko sa sarili. Para maiwasan ang mga problemang ito sa hinaharap, regular na akong magba-back up ng mga proyekto at hindi na masyadong magtitiwala sa sarili ko, sa halip, maingat kong gagawin ang aking tungkulin.

Minsan, dahil sa maling pag-aasikaso, nabura ko ang ilang video project na na-upload na. Sinabi ng mga kapatid na seryosong bagay ito at kailangang iulat sa lider. Pero nag-alala talaga ako na baka maging mababa ang tingin sa akin ng lider kapag nalaman niya, kaya gusto kong paliitin ang isyu. Gumugol ako ng ilang panahon sa pag-restore sa mga proyekto, iniisip na ang paglutas sa problema ay magiging sapat, kaya hindi ko agad sinabi sa lider. Pero pagkatapos, labis akong nakonsensya. Sa isang pagtitipon, gusto kong magtapat sa lider tungkol sa pagkakamaling nagawa ko, pero labis ko pa ring iniisip ang dangal ko para ibuka ang aking bibig. Sakto namang nabasa namin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na lubos na umantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang tiwaling sangkatauhan ay may isa pang kapintasan: Gusto nilang ilarawan ang kanilang sarili na tila sila ay labis na marangal at dakila, na talagang matalas ang pang-unawa at mayaman, at nagtataglay ng isang tiyak na katayuan at pinagmulan. Hindi nila kailanman binabanggit ang marurumi o mga hangal na bagay na ginawa nila nang palihim, ang mga pagkakamaling nagawa nila, o ang mga kapintasan at depekto na mayroon sila—hindi sila nagsasabi ng ni isang salita o hindi nila pinapalusot ang kahit katiting na detalye, natatakot na malaman ng iba ang gayong mga bagay, na makikita ng iba kung ano talaga sila. Hindi ba’t ito ay pagpapakitang-tao? Hindi ba’t ito ay pagsisinungaling at panlilinlang? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (25)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong sinusubukan ko na namang pagtakpan ang aking pagkakamali para protektahan ang aking dangal at katayuan. Bagama’t na-restore ko ang lahat ng proyekto, at walang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia, nagpapakita pa rin ako ng tendensiya na pagtakpan ang mga pagkakamali ko sa bagay na ito, at ayaw kong makita ng iba ang mga pagkukulang ko. Isa itong tiwaling disposisyon, at ang bagay na ito ay isang problemang lumitaw habang ginagawa ko ang aking tungkulin, kaya kailangan kong malinaw at matapat na iulat sa lider ang lahat ng detalye. Kaya, tahimik akong nagdasal sa puso ko: “O Diyos, ayokong mamuhay ayon sa aking mapanlinlang na tiwaling disposisyon. Pakiusap, siyasatin Mo ang puso ko. Handa akong maging simple, magtapat, at maging isang matapat na tao.” Pagkatapos magdasal, ibinahagi ko ang katiwaliang ibinunyag ko sa bagay na ito at ang pagkaunawang mayroon ako sa aking sarili. Pagkatapos kong magsalita, parang nabunutan ako ng tinik. Kahit na medyo napahiya ako noong oras na iyon, mas gumaan ang pakiramdam ko nang ako ay nagtapat at nakipagbahaginan. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 13. Walang Pagkakaiba sa Katayuan sa Pagitan ng Iba’t Ibang Tungkulin

Sumunod: 15. Ang Pagpili ng Isang Sales Manager

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito