12. Ang Pagdanas sa Pagpapahirap ng Sakit ay Nagturo sa Akin na Magpasakop
Isang araw noong Hunyo 2021, nahilo ako at masama ang pakiramdam, kaya sinuri ko ang presyon ng dugo ko. Nasa mahigit 200 ang systolic at 120 naman ang diastolic. Kalaunan, uminom ako ng gamot at bumaba naman ito, pero minsan ay pumapalo pa rin sa 160 ang systolic pressure ko, kaya sumasakit ang ulo ko at nahihilo ako. Nagsimula akong mag-alala. Dahil sobrang taas ng presyon ng dugo ko at kailangan kong magtrabaho sa kompyuter araw-araw, naisip ko, “Kung magtutuloy-tuloy ito, paano kung lumala ang kondisyon ko at hindi ko na magawa ang tungkulin ko? Maliligtas pa kaya ako kapag nagkagayon?” Kaya naman, ayaw kong sagarin masyado ang sarili ko. Noong panahong iyon, isa akong lider ng iglesia at kailangan kong subaybayan ang gawain araw-araw. Isa pa, kasisimula pa lang magsanay ng dalawang kapatid na nakakatuwang ko, kaya kailangan kong magdala ng mas mabigat na pasanin. Nagsimula akong makaramdam ng kaunting paghinanakit, nag-aalalang lalong patataasin ng lahat ng stress na ito ang presyon ng dugo ko. Palagi akong nag-aalala tungkol sa sakit ko, kaya hindi ko inilalagay ang puso ko sa tungkulin ko. Pahapyaw ko lang na binabasa ang iba’t ibang prinsipyo, at ang literal na kahulugan lang ang nauunawaan ko, pero hindi ko talaga mailapat ang mga ito sa tungkulin ko. Nang makita kong hindi nagbubunga ng magagandang resulta ang gawain namin, hindi ako tunay na nagsikap na hanapin kung paano lutasin ang mga isyu namin, dahil palagi akong takot na kung maglalaan ako ng maraming lakas dito ay tataas bigla ang presyon ng dugo ko.
Noong Pebrero 2023, dahil sa madalas na pagsakit ng ulo at pagkahilo ko, hinimok ako ng brother mula sa pamilyang nagpapatuloy sa akin na magpa-checkup sa ospital. Pagkatapos, sinabi sa akin ng doktor na nagkaroon ako ng cerebral infarction at kailangan ng agarang paggamot. Nagbabala siya na kung lumala ito, maaari itong humantong sa pagkaparalisa o maging banta pa sa buhay. Nag-alala ako na kung talagang lumala ito, hindi ko na magagawa ang tungkulin ko, at pagkatapos, hindi ba’t mawawala ang lahat ng pag-asa kong maligtas? Gusto ko sanang magpagamot agad, pero nakatanggap ako ng liham na nagsasabing may isang lider ng iglesia na naaresto at naging Hudas, at na kailangan kong lumipat kaagad. Pagkatapos niyon, hindi na ako naglakas-loob na bumalik sa ospital. Kalaunan, nagsimula akong gumawa ng tungkuling nakabatay sa teksto. Isang umaga, sinubukan kong bumangon at bigla akong nakaramdam ng matinding pagkahilo at pagduduwal kaya hindi man lang ako makatayo. Kinailangan kong humiga ulit. Sa isip-isip ko, “May altapresyon na ako at cerebral infarction. Maaari kayang lumala na ang cerebral infarction at nabarahan ang ugat?” Gusto ko sanang umuwi para magpagamot, pero tinutugis pa rin ako ng mga pulis. Hindi ako makauwi. Kaya nagdasal ako sa Diyos at binasa ang mga salita ng pagbabahaginan Niya tungkol sa kung paano danasin ang sakit. Kinabukasan, medyo nabawasan ang pagkahilo ko. Makalipas ang dalawang buwan, medyo nakabawi na ang kalusugan ko, pero namumuhay pa rin ako sa pag-aalala at pagkabalisa. Natatakot ako na ang labis na paggamit ng isip ay umubos ng lakas ko at magpalala sa kondisyon ko, kaya ayaw ko nang magbayad ng malaking halaga sa tungkulin ko. Iniraraos ko lang ang mga bagay para matapos ang gawaing hawak ko. Hindi ako masusi sa pagsusuri ng mga artikulo, kaya hindi maganda ang kalidad ng mga napili ko. Noong Abril 2024, sumali si Brother Zheng sa grupo ko para makipagtulungan sa akin, at naramdaman kong gumaan nang kaunti ang pasanin ko. Nang makita ko siya roon, na nakatuon talaga sa tungkulin niya, napuno ako ng inggit. “Kung malusog lang sana ako gaya niya!” naisip ko. “Sobrang lumala ang kalusugan ko nitong nakaraang ilang taon. Hindi lang altapresyon at cerebral infarction; may tinnitus din ako. Madalas akong nahihilo at parang lutang habang ginagawa ang tungkulin ko. Medyo namamanhid din ang kanang braso ko—baka dahil ito sa mahinang sirkulasyon ng dugo. Mahigit sisenta anyos na ako, at mahina na rin ang immune system ko. Sa ganitong kalusugan, kung isang araw ay maparalisa ako at hindi ko na magawa ang tungkulin ko, hindi ba’t mawawalan na ako ng silbi, at mawawala ang pagkakataon kong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit? Hindi ba’t mawawalan ng saysay ang halagang ibinayad ko at ang pagdurusang tiniis ko sa loob ng maraming taon?” Nang maisip ko iyon, medyo nasiraan ako ng loob. Ibinahagi sa akin ni Brother Zheng na kapag humaharap tayo sa sakit, dapat nating hanapin ang layunin ng Diyos. Medyo sumama ang loob ko, iniisip na imposibleng maintindihan niya ang pinagdaraanan ko. Pero pagkatapos ay naisip ko kung paanong patuloy akong namumuhay sa pagkabalisa at pag-aalala sa loob ng maraming taon dahil sa kalusugan ko, nang hindi man lang inilalagay ang puso ko sa paghahanap sa layunin ng Diyos. Alam kong hindi tama ang kalagayan ko, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, alam kong may layunin Ka sa pagdating ng sakit na ito sa akin. Patnubayan Mo sana akong maunawaan ang katotohanan at matuto ng aral.”
Pagkatapos, nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos at nagsimula akong medyo mas maunawaan ang Kanyang layunin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi para iparanas sa iyo ang lahat ng aspekto ng pagkakasakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga abala at paghihirap na idinudulot ng sakit sa iyo, at ang samu’t saring damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na maunawaan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman ang mga tiwaling disposisyon na iyong nahahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matutuhan mong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at magawa mong manindigan sa iyong patotoo—ito ay lubhang mahalaga. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga pagnanais at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, paghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na pagnanais sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong sariling saloobin sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang para sa iyo na inihanda ng Diyos ang mga sitwasyon ng karamdaman o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na dumarating sa atin ang mga sakit nang may mabubuting layunin Niya, para baguhin at dalisayin tayo. Ang mga naghahangad ng katotohanan ay maaaring matuto ng mga aral sa pamamagitan ng sakit at magkamit ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Pero nang dumating sa akin ang sakit, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos o pinagnilayan at kinilala ang sarili ko. Palagi lang akong namumuhay sa gitna ng sakit ko, nag-aalala na kung mapaparalisa ako at hindi ko magagawa ang tungkulin ko, o mamatay pa nga, lubusang mawawasak ang pag-asa kong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Dahil nag-alala ako na baka lumala ang kondisyon ko, hindi ako nagdala ng pasanin sa tungkulin ko, takot na sagarin ang katawan ko. Nang makipagbahaginan sa akin ang mga kapatid tungkol sa pagkatuto ng mga aral mula sa sakit, ayaw ko pa ring tanggapin iyon. Sa isip-isip ko, “Madali lang sa inyong sabihin iyan; hindi naman kayo ang may sakit at nasasaktan.” Palagi akong naiinggit sa magandang kalusugan ng iba at nagrereklamo na hindi ako binigyan ng Diyos ng malusog na pangangatawan. Hindi ako naghahanap ng katotohanan o sumusubok na matuto ng mga aral kahit kaunti. Paano ako makakaasa kailanman na magkakamit ako ng katotohanan, madadalisay, o mababago?
Kalaunan, nagsimula akong hanapin ang katotohanan tungkol sa mga problema ko. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Pagdating sa matandang laman na ito ng tao, hindi mahalaga kung ano ang magiging sakit ng mga tao, kung maaari ba silang gumaling, o kung gaano sila magdurusa, hindi sila ang magpapasya sa mga bagay na ito—lahat ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Kapag ikaw ay nagkasakit, kung magpapasakop ka sa mga pamamatnugot ng Diyos, at magiging handa kang tiisin at tanggapin ang katunayang ito, mananatili ka pa ring may ganitong sakit; kung hindi mo naman tatanggapin ang katunayang ito, hindi mo pa rin maiwawaksi ang sakit na ito—ito ay isang katunayan. Pwede mong harapin nang positibo ang iyong sakit sa loob ng isang araw, o harapin ito nang negatibo sa loob ng isang araw. Ibig sabihin, anuman ang iyong saloobin, hindi mo mababago ang katunayang may sakit ka” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). “Kapag nagkakasakit ang mga normal na tao, palagi silang nagdurusa at nalulungkot, at may limitasyon ang kaya nilang tiisin. Subalit may isang bagay na dapat tandaan: Kung palagi na lang iniisip ng mga tao na umasa sa kanilang sariling lakas kapag may sakit sila para mawala ang kanilang sakit at maalpasan nila ito, ano ang magiging resulta sa huli? Bukod sa kanilang pagkakasakit, hindi ba’t mas lalo pa silang magdurusa at malulungkot? Kaya habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat nilang hanapin ang katotohanan, at mas dapat nilang hanapin ang paraan ng pagsasagawa upang maging ayon sa mga layunin ng Diyos. Habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat silang lumapit sa Diyos at kilalanin ang kanilang sariling katiwalian at ang mga hinihingi nila sa Diyos na hindi makatwiran. Habang mas nababalot ka ng sakit, mas nasusubok ang iyong tunay na pagpapasakop. Kaya naman, kapag ikaw ay may sakit, ang iyong abilidad na patuloy na magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos at maghimagsik laban sa iyong mga reklamo at hindi makatwirang mga hinihingi ay nagpapakita na ikaw ay tunay na naghahangad sa katotohanan at tunay na nagpapasakop sa Diyos, na ikaw ay nagpapatotoo, na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay totoo at makapapasa sa pagsubok, at na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay hindi lamang mga islogan at doktrina. Ito ang dapat isagawa ng mga tao kapag sila ay nagkakasakit. Kapag ikaw ay may sakit, ito ay upang ilantad ang lahat ng iyong hindi makatwirang mga hinihingi at iyong hindi makatotohanang mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ito rin ay upang subukin ang iyong pananampalataya sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya. Kung papasa ka sa pagsubok na may ganitong mga bagay, mayroon kang tunay na patotoo at tunay na ebidensya sa iyong pananampalataya sa Diyos, katapatan sa Kanya, at pagpapasakop sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, at ito ang dapat taglayin at ipamuhay ng isang nilikha. Hindi ba’t pawang positibo ang mga bagay na ito?” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (4)). Itinuro ng mga salita ng Diyos ang tamang perspektiba at landas ng pagsasagawa kapag humaharap tayo sa sakit: ang tunay na manampalataya at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at huwag subukang alisin ang sakit sa sarili nating paraan—magdadala lang iyon ng higit pang pagdurusa. Ako mismo ay mayroong kaunting praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos. Nang lumampas sa 200 mmHg ang presyon ng dugo ko, takot na takot ako. Naisip ko na kung hindi ako tutuon sa pag-aalaga sa sarili ko o kung aksidente akong matumba, baka maparalisa ako o mamatay pa nga. Natakot ako na kung gagamitin ko nang husto ang isip ko sa tungkulin ko, palalalain nito ang kondisyon ko at hahantong sa malulubhang kahihinatnan, kaya patuloy akong namuhay sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag at pagkabalisa. Nagdulot ito ng matinding presyur at pagdurusa sa katawan at isip ko, at nakaapekto sa tungkulin ko. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil wala akong kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Ang totoo, malubha man o hindi ang kondisyon ko, o kung kailan ako maaaring mamatay—wala sa mga iyon ang mababago sa pamamagitan ng pag-aalala o pagkabagabag. Ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Halimbawa, matapos akong magkaroon ng altapresyon, may isang linggo na dalawang beses akong nahulog sa bisikleta, at talagang masama ang pagkakabagsak ko. Noong oras na iyon, naisip ko, “Naku, ito na, malamang ay mapaparalisa na ako.” Pero lumabas na nagkaroon lang ako ng kaunting mga gasgas; hinding-hindi ito kasinglala ng inakala ko. Hindi ba’t proteksyon iyon ng Diyos? Kailangan kong baguhin ang maling perspektiba ko at harapin nang tama ang sakit ko. Dapat akong magpagamot kapag kailangan, pero kung gagaling ako o kung mabubuhay ako o mamamatay, hindi ako maaaring gumiit sa Diyos, at siguradong hindi ako dapat magkaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya o magreklamo tungkol sa Kanya. Kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at, sa gitna ng sakit, mas hanapin ang katotohanan at magnilay at kilalanin ang sarili ko. Iyon lang ang tanging paraan para magkaroon ng tunay na mga pakinabang.
Pagkatapos, ipinagpatuloy ko ang pagninilay sa ugat na dahilan kung bakit ako namuhay sa mga negatibong emosyon. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Nananampalataya ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t umiiral ito sa puso ng lahat? Isang katunayan na umiiral nga ito. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at ninanais na magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay palaging hindi matitinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitiwan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung aalisin ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). “Bago magpasyang gawin ang kanilang tungkulin, sa kaibuturan ng kanilang puso, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon tungkol sa kanilang kinabukasan, pagtatamo ng mga pagpapala, magandang hantungan, at maging ng isang korona, at mayroon silang napakalaking kumpiyansa na matamo ang mga bagay na ito. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may gayong mga intensyon at adhikain. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita sa kanila ang tunay nilang katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim ang lahat ng isang ganap na transaksiyonal na pag-iisip bago nila gawin ang kanilang mga tungkulin; lahat ay nagdedesisyon na gawin ang kanilang tungkulin batay sa kanilang mga interes, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanilang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang intensyon ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin? Ito ay upang makipagkasunduan, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggawa ng tungkulin: ‘Kung gagawin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng diyos na inihanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagawin ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gawin ang kanilang tungkulin nang may mga gayong intensyon, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang na gawin ang kanilang tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Kung pagbabatayan ang saloobing ito ng mga anticristo sa paggawa sa kanilang tungkulin, ito ay ganap na transaksiyonal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtatamo ng mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na pumupunta ang mga anticristo sa iglesia para gawin ang tungkulin nila alang-alang lang sa pagtatamo ng mga pagpapala. Para magkamit ng mga pagpapala, kayang talikuran ng isang anticristo ang lahat, gugulin ang sarili niya, at magbayad ng halaga, pero sa sandaling maramdaman niyang hindi siya makakakuha ng mga pagpapala, kaya niyang ipagkanulo ang Diyos. Sa pagninilay sa sarili ko, napagtanto kong ang sarili kong mga intensyon at layon sa pananampalataya sa Diyos ay parehong-pareho: para magkamit ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lahat ng taon ng pananampalataya, hindi ako nalimitahan ng pag-uusig ng CCP o ng panlilibak at paninirang-puri ng mundo, at nagpursigi ako sa pagsunod sa Diyos at paggawa ng tungkulin ko. Ginawa ko ang lahat ng ito sa pag-aakalang sa pamamagitan ng halagang ibinayad ko at ng paggugol ko ay magkakamit ako ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at titiyak sa pagpasok ko sa kaharian ng langit. Nang magkaroon ako ng altapresyon at cerebral infarction, nag-alala ako na kung tumaas ang presyon ng dugo ko, baka maparalisa ako kahit hindi ako mamatay, at kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko, mawawala sa akin ang pagpapala ng pagpasok sa kaharian ng langit. Iyon ang dahilan kaya palagi akong nasisiraan ng loob. Nang makita kong hindi nagbubunga ng magagandang resulta ang tungkulin ko, hindi ako nababalisa tungkol doon; sa halip, nag-aalala ako na ang labis na paggamit ng isip ay magpapalala sa kondisyon ko at mawawala ang pagkakataon kong magkamit ng mga pagpapala. Nakita ko na ang lahat ng iniisip at ginagawa ko ay para sa sariling pakinabang ng aking laman. Ako ay nanampalataya, tumalikod sa lahat ng bagay, at gumugol, lahat ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala. Namumuhay ako ayon sa satanikong patakaran ng pamumuhay na, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Para magkamit ng mga pagpapala, kaya kong tumalikod sa lahat ng bagay at gumugol nang hindi iniintindi ang iba pang bagay, pero kung walang mga pagpapala rito para sa akin, nagiging negatibo lang ako at nagpapakatamad. Hindi ba’t ibinubunyag ko ang disposisyon ng isang anticristo? Sa mga huling araw, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Hindi layunin ng Diyos na sumunod ako sa Kanya at gawin ang tungkulin ko para lang makakuha ng mga pagpapala. Umaasa Siya na sa proseso ng paggawa ng tungkulin ko, hahangarin ko ang katotohanan para lutasin ang mga tiwali kong disposisyon, babaguhin ang mga maling pananaw ko sa pananalig, iwawaksi ang mga bagay na kay Satanas, at magiging isang tao na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa gayon ko lang matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa kabaligtaran, palagi akong namumuhay sa isang makasarili at mapagsilbi-sa-sariling satanikong disposisyon, naghahangad lang ng mga pagpapala. Hindi ba’t lumalakad lang ako sa landas ni Pablo? Nanampalataya si Pablo sa Diyos pero hindi naghangad ng katotohanan at buhay. Itinuring niya ang lahat ng gawain at pagtatrabaho niya para sa Diyos bilang kapital para magkamit ng korona at mga pagpapala, sinusubukang makipagtransaksyon sa Diyos. Matapos ang maraming taon ng pananampalataya, walang ipinagbago kahit kaunti ang mga sataniko at tiwali niyang disposisyon. Mapangahas siyang nagprotesta laban sa Diyos, humihingi ng korona, at sa paggawa niyon, sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos at pinarusahan siya. Kung nananampalataya ako sa Diyos pero hindi ako naghahangad ng katotohanan at buhay, at palaging naghahangad ng mga pagpapala at sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, parurusahan din ako kung hindi ako magsisisi. Nang mapagtanto ko ang mga kahihinatnan ng pagpapatuloy sa landas na ito, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, alam kong nasa likod ng sakit na ito ang Iyong mabubuting layunin. Ito ay para ibunyag at iligtas ako. Ito ang pagmamahal Mo sa akin, na nagtutulot sa aking makita nang malinaw na sa buong panahong ito, naghahangad lang ako ng mga pagpapala at lumalakad sa maling landas. O Diyos, handa akong magsisi. Mula ngayon, tutuon na ako sa paghahangad ng katotohanan.” Pagkatapos magdasal, naramdaman kong mas payapa at panatag ang puso ko.
Kalaunan, pinagnilayan ko ang isa pang maling pananaw na pinanghawakan ko: ang ideya na kung lumala ang sakit ko at hindi ko magawa ang tungkulin ko, hindi ako maliligtas. Ipinagpatuloy ko ang paghahanap ng katotohanan para lutasin ito. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang maligtas ay nangangahulugang, unang-una, na makalaya mula sa kasalanan, makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, at tunay na bumaling sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Ano ang dapat ninyong taglayin para makalaya mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas? Ang katotohanan. Kung hangad ng mga taong matamo ang katotohanan, dapat silang masangkapan ng marami sa mga salita ng Diyos, dapat magawa nilang maranasan at maisagawa ang mga ito, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad. Saka lamang sila maaaring maligtas. Kung maliligtas man o hindi ang isang tao ay walang kinalaman sa kung gaano katagal na siyang nananampalataya sa Diyos, kung gaano karaming kaalaman ang mayroon siya, kung nagtataglay siya ng mga kaloob o kalakasan, o kung gaano siya nagdurusa. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa kaligtasan ay kung kaya bang matamo ng isang tao ang katotohanan o hindi” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Ginawa ng Diyos na napakalinaw ang pamantayan para maligtas. Pangunahin Niyang tinitingnan kung kaya ng mga taong isabuhay ang realidad ng Kanyang mga salita; kung, sa lahat ng bagay, tumigil sila sa pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya at sa halip ay tinitingnan ang mga tao at mga bagay, umaasal, at kumikilos nang ayon sa Kanyang mga salita at sa mga katotohanang prinsipyo; kung mayroon silang takot, pagpapasakop, katapatan, at pagmamahal sa Kanya; at kung isinasabuhay nila ang isang tunay na wangis ng tao. Ang mga nagtataglay lang ng mga katotohanang realidad na ito ang ililigtas ng Diyos. Pero para sa akin, matapos ang lahat ng taon ng pananampalataya ko, hindi ko iwinaksi ang anuman sa mga tiwali kong disposisyon gaya ng kayabangan, kapalaluan, pagkamakasarili, o pagiging kasuklam-suklam. Bagama’t nakaya kong magdusa nang kaunti at magbayad ng kaunting halaga sa paggawa ng tungkulin ko, ang totoo ay sinusubukan kong makipagtransaksyon sa Diyos gamit ang pagnanais kong magkamit ng mga pagpapala. Namumuhay pa rin ang buong pagkatao ko sa ilalim ng madilim na impluwensiya ni Satanas, ni hindi malapit sa pagkaligtas. Kung hindi ko lulutasin ang mga tiwaling disposisyong ito, kung nasa puso ko pa rin ang pagnanais na iyon para sa mga pagpapala, kung ganoon, kahit na gumagawa ako ng tungkulin, hindi pa rin ako maliligtas sa huli. Kailangan kong tumuon sa paghahangad ng katotohanan. Iyon lang ang tanging paraan para magkaroon ng pagkakataong maligtas.
Isa pa, ang palagian kong pag-aalala na kung lulubha ang sakit ko at mamatay ako, hindi ako maliligtas—nanggaling din iyon sa hindi pagkaunawa sa katotohanan. Kaya naghanap ako ng mga nauugnay na salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung sa sandaling babawiin na ang iyong buhay, panatag ang loob mo, nakahanda ka, at nagpapasakop nang walang anumang reklamo, pakiramdam mo ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin hanggang sa huli, at maligaya at payapa ang iyong puso—kung papanaw ka nang ganito—kung gayon, para sa Diyos, hindi ka talaga pumanaw. Sa halip, nabubuhay ka sa ibang mundo at sa ibang anyo. Ang tanging nangyari ay nagbago ang paraan ng iyong pamumuhay—hindi ka tunay na patay. Sa paningin ng tao, ‘Napakabata pang namatay ng taong ito, nakakaawa naman!’ Pero sa mga mata ng Diyos, hindi ka namatay o nagdusa; sa halip, nakapagtamasa ka ng mga pagpapala at lalo kang napalapit sa Diyos. Ito ay dahil, bilang isang nilikha, pasok ka na sa pamantayan ng paggampan ng iyong tungkulin sa paningin ng Diyos, natapos mo na ang iyong tungkulin, at hindi na kailangan ng Diyos na gampanan mo pa ang tungkuling ito sa hanay ng mga nilikha. Para sa Diyos, ang ‘pagpanaw’ mo ay hindi tinatawag na ‘pagpanaw,’ ikaw ay ‘inakay,’ ‘dinala,’ o ‘kinuha,’ at isa itong mabuting bagay” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang ilang tao, habang nabubuhay sila, ay nakakayang panghawakan nang matibay ang tungkulin nila anuman ang harapin nila—pag-uusig man, kapighatian, pagpapahirap ng sakit, o kahirapan sa pera—nang hindi nagrereklamo tungkol sa Diyos o nagkakanulo sa Diyos. Ang gayong mga tao ay nagbigay ng tunay na patotoo. Kahit na mamatay ang laman nila, ang totoo ay kinukuha sila ng Diyos para mabuhay sa ibang dako. Palagi akong nag-aalala na ang pagkamatay ay nangangahulugan ng pagkawala ng pagkakataon kong maligtas, pero ang realidad, ang kalalabasan ng isang tao pagkatapos mamatay ay pinagpapasyahan ng saloobin niya sa Diyos at sa katotohanan habang nabubuhay siya. Naisip ko si Job. Naniwala siya na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay. Sa buong buhay niya, sumunod siya sa Diyos at lumakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Nang harapin niya ang kamatayan, wala siyang pag-aalala o takot, dahil naniwala siya na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ng buhay at kamatayan ng isang tao. Samakatwid, nakaya niya itong harapin nang mahinahon. Si Job ay isang taong may takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nanindigan siya sa patotoo sa panahon ng mga tukso ni Satanas, at kahit namatay siya, iniligtas siya ng Diyos. Dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan, at hindi ko matarok ang mga usapin tungkol sa buhay, kamatayan, at kaligtasan, palagi akong nag-aalala na ang pagkamatay ay nangangahulugang hindi ako maliligtas. Napakahangal ko! Sa realidad, kahit na buhay ako, kung hindi ako naghahangad ng katotohanan, hindi lumalakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at sa pananalig ko sa Diyos ay tumatalikod ako at gumugugol ako ng sarili para lang makakuha ng korona at mga pagpapala, kung ganoon, sa mga mata ng Diyos, walang pagkakaiba ang pagiging buhay o patay ko. Wala itong kinalaman sa kaligtasan. Iyon ay dahil ang gayong paggugol ay para sa pakinabang ng laman; makasarili ito, at hindi tumutupad sa tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha. Ngayon, binibigyan pa rin ako ng Diyos ng pagkakataong mabuhay. Hindi na ako maaaring lamunin ng mga alalahanin tungkol sa buhay, kamatayan, o mga pagpapala. Habang nabubuhay ako, dapat akong taimtim na maghangad ng katotohanan at gawin nang maayos ang tungkulin ko bilang isang nilikha para palugurin ang Diyos. Iyon ang dapat kong alalahanin at pagtuunan ng pansin nang higit sa lahat. Sa pamamagitan lang ng pagtatamo ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad magkakaroon ng galak at kapayapaan ang puso ko; saka lang ako hindi matatakot sa kamatayan.
Sa ngayon, sumasakit pa rin ang ulo ko at nahihilo kapag matagal kong ginagawa ang tungkulin ko, pero hindi na ako masyadong namumuhay sa gitna ng sakit. Kung sumakit ang ulo ko, nagpapahinga ako sandali. Sa pang-araw-araw na buhay ko, sinusubukan ko ring mag-ehersisyo nang higit pa, at hindi na ako nag-aalala o nababalisa tungkol sa kung ano ang mangyayari sa katawan ko at kung mabubuhay ba ako o mamamatay. Sa bawat araw na nabubuhay ako, gagawin ko ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Salamat sa Diyos!