91. Hangarin ang Katotohanan Anuman ang Edad
Sa mga nagdaang taon, nagdusa ako sa altapresyon at mahinang kalusugan, madalas akong nasa bahay nagpapahinga, at ginagampanan ko lang ang mga tungkuling kaya ko. Noong Hulyo ng nakaraang taon, nabalitaan ng aming superbisor sa pagdidilig na dati akong nagdidilig ng mga baguhan, at itinalaga niya ako sa tungkulin ng pagdidilig. Sabik na sabik akong magampanang muli ang tungkuling ito at determinado akong gawin nang maayos ang aking tungkulin. Nang makita ko na ang dalawang superbisor ay mga nasa edad trenta, na may mahusay na kakayahan, at mabilis na natutunan ang mga prinsipyo, at na si Sister Xin Xin ay masigla at mabilis matuto, masayang-masaya ang puso ko. Animnapung taong gulang ako noon, at mayroon pa rin akong pagkakataong gampanan ang tungkulin ko kasama ang mga bata pang kapatid na ito—Pakiramdam ko ay nakakabata rin ito. Nagbibisikleta ako papunta sa mga pagtitipong hinohost ko para sa mga baguhan, at palagi akong umaawit ng mga himno habang naglalakad—talagang masigasig ako noon sa tungkulin ko. Makalipas ang ilang panahon, pakiramdam ko ay lumago ako kapwa sa aking pagkaunawa sa prinsipyo at sa aking pag-usad sa buhay. Mas lalo kong nagustuhan ang tungkuling ito. Subalit kasunod ng aking pananabik, lumitaw ang ilang bagong isyu. Talagang tumaas ang presyon ng dugo ko, humina ang kalusugan ko, at hapong-hapo ako pagkatapos ng buong araw na trabaho, wala na kong ibang gustong gawin kundi ang humiga at magpahinga. Kaya ni Xin Xin at ng iba na magpatuloy sa pagbubuod ng mga naging paglihis sa kanilang tungkulin pagkatapos ng mga pagtitipon, at gumawa ng mga pagsasaayos para sa susunod na araw. Gusto ko na marami akong matapos, katulad ng aking mga nakababatang katrabaho, pero pagkatapos ng hapunan, agad akong inaantok at nagsisimulang maidlip, kaya’t maaga akong napapahiga sa kama. May isang puntong hindi ako nakatulog nang maayos sa loob ng tatlong magkakasunod na araw, at sadyang hindi ito kinaya ng katawan ko. Alam kong hindi ko magagampanan nang maayos ang aking tungkulin, kaya’t kinailangan kong hilingin kay Xin Xin na mag-host ng pagtitipon sa halip na ako. Labis akong nalungkot pagkatapos niyon—hindi ko man lang magampanan ang aking mga regular na tungkulin at kinailangan kong humingi ng tulong sa iba; tila malamang na malapit na akong matanggal. Minsan, kapag nagbabahagi ang aming superbisor tungkol sa mga prinsipyo ng pagdidilig ng mga baguhan at sa magagandang landas ng pagsasagawa, agad itong naiintindihan ni Xin Xin at ng iba pa, nagagawa nilang ilapat ang mga prinsipyo sa iba’t ibang sitwasyon at gamitin ang mga ito nang praktikal sa kanilang mga tungkulin, samantalang kinakailangan ko pang pag-isipan ang mga ito nang matagal-tagal, at minsan kinakailangan kong mas magbahagi pa sa akin ang superbisor. Noong mga panahong iyon, palagi akong hindi mapalagay at hindi ako makapagpahinga nang mapayapa sa gabi. Nag-aalala ako na dahil sa aking katandaan, mahinang kalusugan, kabagalan sa pag-intindi ng mga bagay-bagay at sa aking pagkamalilimutin, kung dumating ang araw na hindi ko na kayang gampanan ang aking tungkulin, iyon na ba ang magiging katapusan ko bilang isang mananampalataya? Makakamit ko pa ba ang kaligtasan? Palagi akong nakararamdam ng kawalan ng pag-asa, at hindi ako makatuon sa aking tungkulin. Hindi ako ganoon kagaling kumpara kay Xin Xin sa aking tungkulin. Talagang yamot na yamot na ako sa pagiging matanda, tinukoy ko ang sarili ko bilang matanda at walang silbi, at palaging akong nag-aalala na malilipat ako. Kinainggitan ko ang lahat ng kabataang iyon, at naisip ko kung gaano kaganda kung maibabalik ko lang ang dalawampung taon at magkakaroon ulit ako ng sigla ng kabataan! Kung magkagayon, maigugugol ko ang sarili ko para sa Diyos hanggang sa wakas, at hindi ba’t magkakaroon ako ng pag-asa na makapasok sa kaharian ng Diyos? Kapag naiisip ko ang mga bagay na ito, hindi ko maiwasang mag-alala tungkol sa hantungan ko.
Isang araw, binisita ako ng aking lider sa aking tinutuluyan at sinabi niya sa akin: “Dahil sa iyong katandaan at altapresyon, ililipat ka namin sa mga pangkalahatang gawain, sa ganoong paraan hindi mo na kailangang maglibot-libot palagi.” Nahirapan akong tanggapin ang balita—gusto ko talaga ang gawain ko sa pagdidilig at hindi ko kailanman naisip na bibitiwan ko ito, pero ngayon, bigla na lang akong inililipat. Patanda na ako nang patanda, at mas malamang na hindi na ako makagagawa ng pagdidilig sa hinaharap. Parang may nagbuhos ng isang timba ng malamig na tubig sa ulo ko, pinapatay ang apoy ng kasigasigan sa puso ko. Binasa sa akin ng aking mga kapatid ang mga salita ng Diyos at ibinahagi sa akin ang Kanyang kalooban, pero hindi ako nakikinig. Para akong paralisado habang nakaupo roon, at halos hindi ako makaupo nang diretso. Noong gabing iyon, pabaling-baling ako habang nakahiga sa kama. Naisip ko kung gaano kasigla at kapuno ng lakas ang mga batang kapatid, kung gaano kabilis nilang nauunawaan ang katotohanan at mga prinsipyo, karapat-dapat silang linangin—malayo pa ang mararating ng mga kabataang ito sa kanilang hinaharap. Samantalang para sa isang matandang katulad ko, hinadlangan ako ng aking kalusugan sa paggugol ng aking sarili para sa Diyos. Hindi ako makaunawa ng maraming katotohanan, at hindi ako ganoon kakarapat-dapat na linangin. Higit pa roon, may sakit din ako at maaaring bumigay ang katawan ko anumang oras. Tiyak na hindi maganda ang tingin ng Diyos sa isang matandang katulad ko, at hindi malinaw kung magkakaroon ba ako ng magandang hantungan. Kung mas bata lang sana ako ng dalawampung taon at kaya kong ganap na ilaan ang sarili ko sa paggugol ng aking sarili para sa Diyos! Habang mas iniisip ko ito, mas lalong lumalala ang pakiramdam ko, talagang nanlumo ako. Parang may mabigat na batong nakadagan sa dibdib ko, naninikip ang dibdib ko na halos hindi na ako makahinga. Masyado akong nabagabag sa pagkakalipat ko kaya’t hindi ako makatulog buong gabi.
Nagkataong may pagtitipon para sa mga tagadilig kinabukasan, at nakita ko ang superbisor, si Zhao Liang, na dumaan sa bahay ko. Nang makita ko siyang dumaan papunta sa pagtitipon, labis akong nadismaya. Kung hindi ako inilipat, pupunta sana ako roon kasama niya, pero wala na ang oportunidad na iyon ngayon. Bakit ba kasi matanda na ako at may sakit pa? Habang iniisip ang lahat ng iyon, napakahungkag ng pakiramdam ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko magmula noon. Nakaupo lang ako roon nang walang ginagawa, nakatitig sa langit sa labas ng bintana. Ang aking mga inaasam-asam bilang isang mananampalataya, naisip ko, ay hindi mabuti at wala akong pag-asang makapasok sa kaharian ng Diyos. Habang mas iniisip ko ito, mas lalong lumalala ang pakiramdam ko, at umaagos ang mga luha sa mukha ko. Kaya, nagdasal ako sa Diyos: “O Diyos! Hindi ko pa talaga nagawang magpasakop at tumanggap sa pagkakalipat na ito. Alam kong ito ay pagiging mapanghimagsik sa Iyo at kinasusuklaman Mo ito. O Diyos! Pakiusap, gabayan Mo po ako para makilala ang aking sarili at makapagpasakop.” Nang maglaon, nakita ni Zhao Liang na nasa masamang kalagayan ako, at binasahan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Dapat kang matutong magpasakop kapag pinapalitan ang iyong tungkulin. Pagkatapos mong makapagsanay sa iyong bagong tungkulin sa loob ng ilang panahon at makapagtamo ng mga resulta sa paggampan nito, makikita mo na mas angkop kang gumampan sa tungkuling ito, at mapagtatanto mo na mali ang pumili ng mga tungkulin batay sa sarili mong kagustuhan. Hindi ba’t nilulutas nito ang isyu? Ang pinakamahalaga, isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gampanan ng mga tao ang ilang tungkulin nang hindi batay sa kagustuhan ng mga tao, kundi batay sa mga pangangailangan ng gawain at kung makakapagkamit ba ng mga resulta ang paggampan ng isang tao sa tungkuling iyon. Masasabi ba ninyo na nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos ng mga tungkulin batay sa mga indibidwal na kagustuhan? Dapat bang italaga ang mga tao sa mga tungkulin nang batay sa kondisyon na matutugunan ang mga personal nilang kagustuhan? (Hindi.) Alin sa mga ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao? Alin ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ay ang pagtalaga sa mga tao ayon sa mga pangangailangan ng gawain sa sambahayan ng Diyos at sa mga resulta ng pagtupad ng mga tao sa kanilang mga tungkulin. Mayroon kang mga libangan at hilig, at mayroon kang kaunting pagnanais na magampanan ang iyong mga tungkulin, ngunit dapat bang mauna ang iyong mga pagnanais, hilig, at libangan kaysa sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Kung nagmamatigas ka sa paggigiit nito, sinasabing, ‘Dapat kong gawin ang gawaing ito; kung hindi ako tutulutan na gawin ito, ayaw ko nang mabuhay, ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin. Kung hindi ako tutulutan na gawin ang gawaing ito, hindi na ako gaganahang gumawa ng iba pa, hindi ko na rin ibibigay ang aking buong pagsusumikap dito,’ hindi ba’t ipinapakita nito na may problema sa iyong saloobin sa paggampan ng tungkulin? Hindi ba’t iyon ay lubusang kawalan ng konsensiya at katwiran? Upang matugunan ang iyong mga personal na pagnanais, hilig, at libangan, hindi ka nag-aatubiling guluhin at antalain ang gawain ng iglesia. Naaayon ba ito sa katotohanan? Paano dapat tratuhin ng isang tao ang mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan? Sinasabi ng ilan na: ‘Dapat isakripisyo ang indibidwal na sarili alang-alang sa kapakanan ng kolektibo.’ Tama ba ito? Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Anong uri ng pahayag ito? (Ito ay isang satanikong maling paniniwala.) Ito ay isang maling pahayag, isang pahayag na nakapanlilinlang at kasuklam-suklam. Kung gagamitin mo ang pariralang ‘Dapat isakripisyo ang indibidwal na sarili alang-alang sa kapakanan ng kolektibo’ sa konteksto ng paggampan sa iyong mga tungkulin, kung gayon, nilalabanan at nilalapastangan mo ang Diyos. Bakit nito nilalapastangan ang Diyos? Dahil ipinipilit mo ang iyong sariling kagustuhan sa Diyos, at iyon ay kalapastanganan! Sinusubukan mong ipagpalit ang iyong personal na sakripisyo para sa pagpeperpekto at mga pagpapala ng Diyos; ang layunin mo ay makipagkasundo sa Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na magsakripisyo ka ng anuman mula sa iyong sarili; ang hinihingi ng Diyos ay na isagawa ng mga tao ang katotohanan at talikuran ang laman. Kung hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, ibig sabihin ay naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos. Hindi mo magampanan nang maayos ang iyong tungkulin dahil mali ang iyong mga layunin, hindi tama ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay, at lubusang sumasalungat sa katotohanan ang iyong mga pahayag. Ngunit hindi ka inalisan ng sambahayan ng Diyos ng karapatan na gumampan ng tungkulin; sadyang pinalitan lang ang iyong mga tungkulin dahil hindi ka angkop para sa tungkuling ito, at inilipat ka sa isang tungkuling angkop para sa iyo. Napakanormal lang nito at madaling unawain. Dapat tratuhin ng mga tao nang tama ang usaping ito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Matapos basahin ang sipi, nagbahagi nito si Zhao Liang: “Kapag inililipat ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, hindi ito pagkakait sa kanila ng pagkakataong magawa ang kanilang tungkulin at mailigtas, bagkus, ito ay paggawa lamang ng mga makatwirang pagsasaayos batay sa mga pangangailangan ng iglesia. Hindi maayos ang pakiramdam mo, mas nagkakaedad ka na at may altapresyon ka. Kung may mangyari sa iyo habang nasa biyahe ka para gampanan ang iyong tungkulin o habang patungo ka sa iba’t ibang pagtitipon, hindi lamang ito makakasama sa iglesia, kundi para din sa iyo. Pinakamabuting bumalik ka sa iyong bahay-iglesia at gawin ang iyong tungkulin doon. Magpasakop muna tayo, tanggapin natin ito mula sa Diyos at matuto ng leksyon.” Hiyang-hiya ako matapos marinig ang pagbabahagi ni Zhao Liang. Kahit na matagal na akong nananampalataya sa Diyos, hindi pa rin ako nagpapasakop kahit kaunti. Natutuwa akong tuparin ang aking tungkulin sa pagdidilig at kasingmasigasig ako ng mga kabataan, ngunit dahil lampas sesenta na ang edad ko at nagkasakit ako, sadyang wala na akong lakas, memorya, o abilidad na matuto ng mga bagong bagay na mayroon sila. Kung pinahintulutan akong patuloy na magdilig, ito ay negatibong makakaapekto sa mga resulta ng pagdidilig sa mga baguhan. Inilipat ako ng iglesia sa isang mas angkop na tungkulin batay sa mga resulta ng aking gawin at mga isyung pangkalusugan. Kailangan kong maging makatwiran at tumanggap at magpasakop. Kaya, nagdasal ako sa Diyos, sinabi kong handa akong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at gagawin ko ang aking makakaya para makipagtulungan sa aking bagong tungkulin. Kalaunan, nagsimula akong magtaka, bakit hindi ako nagpasakop noong inilipat ako? Bakit masyado akong nalumbay? Sa aking paghahanap, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Mayroon ding matatandang kapatid na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, ‘Hindi na masyadong malakas ang katawan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking magagampanan. Kung gagampanan ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na naaalala ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ito at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi maayos ang pagsasalita ko, at wala akong karanasan na karapat-dapat na ibahagi. Matanda na ako at kulang na ako sa enerhiya, malabo na ang aking paningin at hindi na ako malakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Maliban sa hindi ko magampanan ang aking tungkulin, madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Gusto kong makamtan ang kaligtasan at mahangad ang katotohanan ngunit napakahirap nito. Ano ang puwede kong gawin?’ Kapag iniisip nila ang mga ito, nagsisimula silang mabahala, iniisip na, ‘Bakit ba kung kailan matanda na ako ay saka lang ako sumampalataya sa Diyos? Bakit ba hindi ako katulad niyong mga nasa edad 20 at 30, o maging niyong mga nasa edad 40 at 50? Bakit ba natagpuan ko lang ang gawain ng Diyos kung kailan napakatanda ko na? Hindi naman sa masama ang aking kapalaran; kahit papaano ngayon ay natagpuan ko na ang gawain ng Diyos. Maganda ang kapalaran ko, at naging mabuti ang Diyos sa akin! May isang bagay lang na hindi ako nasisiyahan, at iyon ay ang masyado na akong matanda. Hindi na matalas ang aking memorya, at hindi na rin malakas ang kalusugan ko, ngunit matatag ang kalooban ko. Kaya lang ay hindi na ako sinusunod ng katawan ko, at inaantok ako pagkatapos kong makinig nang matagal-tagal sa mga pagtitipon. Minsan ay pumipikit ako upang magdasal at nakakatulog ako, at lumilipad ang isip ko kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Matapos magbasa nang kaunti, inaantok ako at nakakatulog, at hindi ko nauunawaan ang mga salita. Ano ang magagawa ko? Nang may ganitong mga praktikal na suliranin, mahahangad at mauunawaan ko pa ba ang katotohanan? Kung hindi, at kung hindi ako makapagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng aking pananampalataya? Hindi ba’t mabibigo akong makamtan ang kaligtasan? Ano ang puwede kong gawin? Nag-aalala ako nang husto! Sa ganitong edad, wala nang mahalaga pa. Ngayong nananalig na ako sa Diyos, wala na akong mga inaalala o ikinababalisa, at malalaki na ang aking mga anak at hindi na nila ako kailangan para alagaan o itaguyod sila, ang pinakahinihiling ko sa buhay ay ang mahangad ang katotohanan, magampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at sa huli ay makamtan ang kaligtasan sa mga taon na natitira sa akin. Gayunpaman, kung titingnan ngayon ang aking aktuwal na sitwasyon, malabo ang mata dahil sa katandaan at magulo ang isip, mahina ang kalusugan, hindi magampanan nang maayos ang aking tungkulin, at minsan ay nagdudulot ng mga problema kapag sinusubukan kong gawin ang lahat ng aking makakaya, tila ba hindi magiging madali para sa akin na makamit ang kaligtasan.’ Paulit-ulit nilang iniisip ang mga bagay na ito at nababalisa sila, at pagkatapos ay iniisip nila, ‘Tila ba ang magagandang bagay ay nangyayari lamang sa mga kabataan at hindi sa matatanda. Mukhang kahit gaano pa kaganda ang mga bagay, hindi ko na matatamasa pa ang mga ito.’ Habang lalo nilang iniisip ang mga bagay na ito, lalo silang nababahala at lalo silang nababalisa. Hindi lamang nila inaalala ang kanilang sarili, kundi nasasaktan din sila. Kung umiyak sila, nararamdaman nilang hindi ito karapat-dapat na iyakan, at kung hindi sila umiyak, palagi nilang nadarama ang kirot at ang sakit. Kaya ano ang dapat nilang gawin? Partikular na may matatandang nais gumugol ng kanilang buong oras para sa Diyos at gumanap ng kanilang tungkulin, ngunit mahina ang kanilang katawan. Mayroong may altapresyon, mataas ang blood sugar, may problema sa gastrointestinal, at hindi sapat ang kanilang lakas para matugunan ang mga hinihingi ng kanilang tungkulin, kaya nababahala sila. Nakikita nila ang mga kabataan na nakakakain at nakakainom, nakakatakbo at nakakatalon, at naiinggit sila. Habang mas nakikita nila ang mga kabataan na nagagawa ang gayong mga bagay, mas lalo silang nababagabag, iniisip na, ‘Nais kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at hangarin at unawain ang katotohanan, at nais ko ring isagawa ang katotohanan, kaya bakit napakahirap nito? Napakatanda ko na at wala akong silbi! Ayaw ba ng Diyos sa matatanda? Talaga bang walang silbi ang matatanda? Hindi ba kami makapagkakamit ng kaligtasan?’ Malungkot sila at hindi nila magawang maging masaya paano man nila ito pag-isipan. Ayaw nilang palampasin ang gayon kagandang panahon at pagkakataon, ngunit hindi nila magugol ang kanilang sarili at magampanan ang kanilang tungkulin nang buong-puso at kaluluwa gaya ng mga kabataan. Nahuhulog sa malalim na pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ang matatandang ito dahil sa kanilang edad. Sa tuwing nahaharap sila sa ilang pagsubok, kabiguan, paghihirap, o hadlang, sinisisi nila ang kanilang edad, at napopoot pa nga sila sa kanilang sarili at hindi nila gusto ang kanilang sarili. Pero anut anuman, wala itong saysay, walang solusyon, at wala silang daan pasulong. Posible nga talaga kayang wala silang daan pasulong? May solusyon ba? (Dapat pa ring magampanan ng matatanda ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.) Katanggap-tanggap naman na gampanan ng matatanda ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, tama ba? Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan?” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Binigyang-boses ng Diyos ang iniisip ng bawat matatanda sa kanilang kaloob-looban. Gusto rin ng matatanda na igugol ang kanilang sarili para sa Diyos sa lahat ng oras, ngunit hindi ito kaya ng kanilang katawan. Wala silang lakas o memorya na matuto tulad ng mga kabataan, kaya’t magagawa lamang nila ang mga tungkuling kaya nila, pero nag-aalala sila na napakakaunti ng kanilang ginagawa at hindi ito maaalala ng Diyos. At dahil may edad na sila, malabo ang paningin at hindi makaunawa ng maraming katotohanan, sila ay nalulumbay, nababalisa at nag-aalala tungkol sa kanilang kinabukasan at hantungan. Ako ay nasa mismong uri ng kalagayan na inilantad ng Diyos. Nakita ko na karamihan sa mga taong nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mga bata pa, may mahusay na kakayahan, masigla at mabilis matuto, samantalang ako ay mas matanda, at sa kabila ng pagkakaroon ng motibasyong gawin ang aking tungkulin, ang aking sigla at memorya ay hindi kapantay ng sa mga kabataan. Matapos gampanan ang kanilang mga tungkulin sa buong araw, ang mga kabataan ay puno pa rin ng sigla, at nagagawa nilang suriin ang mga problema at paglihis sa kanilang gawain, pati na rin ang kanilang landas ng pagsasagawa, samantalang kinakailangan kong matulog nang maaga. Minsan, kapag hindi kaya ng katawan ko ang bigat ng trabaho, kinakailangan kong hilingin sa iba na diligan ang mga baguhan. Kapag nagbabahagi ang mga superbisor ng mga kapaki-pakinabang na prinsipyo at pamamaraan, naiintindihan ito agad ng mga nakababata at inilalapat nila ang lahat sa kanilang mga tungkulin, samantalang mas matagal bago ako makaunawa. Kung ikukumpara sa mga nakababatang kapatid, ang pagtupad sa mga tungkulin ay mas mahirap para sa akin. Hindi talaga ako nasisiyahan sa sitwasyon, at sinisisi ko ang sarili ko sa pagiging matanda at walang gaanong magawa sa aking tungkulin. Kahit na hinahangad ko ang katotohanan, wala akong gaanong nauunawaan at tiyak na hindi nasisiyahan ang Diyos. Namumuhay ako sa maling pagkaunawa sa Diyos, at hindi ko maiwasang mag-alala sa magiging hantungan ko. Ngayon, napagtanto ko na maaaring may iba’t ibang antas ng sigla at memorya ang matatanda at mga bata, subalit pareho lang sila pagdating sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga bata at matatanda ay parehong mayabang. Ang mga bata at matatanda ay parehong makasarili. Kapag nahaharap tayo sa isang sitwasyong pinangangasiwaan ng Diyos na hindi natin gusto, lahat tayo ay nagpapakita ng ating mga mapaghimagsik na disposisyon. Hindi natin magawang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Palagi nating inuunang alagaan ang ating sarili pagdating sa mga bagay na nauukol sa ating mga sariling interes, at ipinapakita natin ang ating mga makasarili, kasuklam-suklam, at tiwaling disposisyon. Ang matatanda at mga bata ay parehong lubos na ginawang tiwali ni Satanas. Lahat tayo ay kailangang madalas na magnilay-nilay sa ating sarili, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang ating katiwalian. Akala ko na ang edad ko at ang dami ng gawaing nagawa ko sa aking tungkulin ay ang pamantayang ginagamit ng Diyos para magpasya kung dapat ba akong purihin. Akala ko na ayaw lang ng Diyos sa matatanda at na maliit ang tsansa kong maligtas. Napakahangal ng mga pananaw at kuru-kuro ko! Ngayon, alam ko nang dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, gawin ang aking makakaya para tuparin ang aking tungkulin, at tumuon sa pagninilay-nilay at pagkilala sa aking sarili, at paghahangad ng disposisyonal na pagbabago sa aking tungkulin, sapagkat ito ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Nalinawan ako matapos ko itong mapagtanto.
Isang umaga sa mga debosyonal, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na nakaantig sa akin, at nakatulong sa akin na mas maunawaan ang kalooban ng Diyos. “Sa sambahayan ng Diyos at pagdating sa katotohanan, ang matatanda ba ay isang espesyal na grupo? Hindi. Ang edad ay walang kinalaman sa katotohanan, gayundin sa iyong mga tiwaling disposisyon, sa lalim ng iyong pagkatiwali, kung ikaw ay kwalipikado bang hangarin ang katotohanan, kung makakamtan mo ba ang kaligtasan, o kung ano ba ang tsansa na ikaw ay maliligtas. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Maraming taon na nating pinagbabahaginan ang katotohanan, pero hindi tayo kailanman nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang uri ng katotohanan ayon sa iba’t ibang edad ng mga tao. Kailanman, hindi pa napagbahaginan ang katotohanan o nalantad ang mga tiwaling disposisyon nang eksklusibo para sa mga kabataan o matatanda, hindi rin kailanman sinabi na dahil sa kanilang katandaan, saradong isipan, at kawalan ng kakayahan na tanggapin ang mga bagong bagay, ay natural na bumababa at nagbabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon—hindi kailanman sinabi ang mga bagay na ito. Wala ni isang katotohanan ang pinagbahaginan nang partikular na ayon sa edad ng mga tao at nang hindi isinasama ang matatanda. Ang matatanda ay hindi isang espesyal na grupo sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, o sa harap ng Diyos, kundi pareho lang sila sa iba pang mga grupo ng edad. Walang espesyal sa kanila, sadya lamang na mas matagal na silang nabubuhay kaysa sa iba, na sila ay dumating sa mundong ito nang mas maaga nang ilang taon kaysa sa iba, na ang kanilang buhok ay medyo mas maputi kaysa sa iba, at ang kanilang katawan ay medyo tumanda nang mas maaga kaysa sa iba; maliban sa mga bagay na ito, wala nang pagkakaiba” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na sa sambahayan ng Diyos, ang matatanda ay hindi isang grupo na dapat ihiwalay. Medyo mas matanda lang sila at mahina na. Marahil ay hindi nila taglay ang lakas at sigla ng mga kabataan, at maaaring nagdurusa sila sa ilang karamdaman, ngunit sa harap ng katotohanan, walang mga pagkakaiba sa edad. Habang ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita at ginagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, hindi Niya tinutukoy ang kaibahan ng mga bata at matatanda. Matatanda man o mga bata, lahat sila ay labis na ginawang tiwali ni Satanas, at lahat ay nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos. Kung ang isang tao ay maliligtas o hindi, ay hindi nadidiktahan ng kanyang edad, o ng kanyang tungkuling ginagampanan; ang mahalaga ay kung tinatahak ba niya o hindi ang landas ng paghahangad sa katotohanan, Ito ay pinagpapasyahan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa sekular na mundo, ang matatandang manggagawa ay madalas na hindi pinapaboran. Sa tingin ng mga tao, sila ay hindi madaling makaintindi, mahina at malabong makagawa ng bagay na may halaga, kaya karamihan sa mga amo ay gusto ang mga batang manggagawa at hindi pabor sa matatanda. Nilimitahan ko ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng mga hindi mananampalataya, iniisip na sapagkat natutupad ng mga batang kapatid ang maraming tungkulin at napakarami rin nilang naiaambag, sila ang may pinakamalaking tsansa na mailigas, samantala, hindi gaanong mahalaga ang mga tungkuling ginagawa ng matatanda at kaunti lamang ang naisasakatuparan nila, kaya hindi pabor ang Diyos sa kanila, at maliit ang kanilang tsansang mailigtas ng Diyos. Hindi ko naunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos at hinusgahan ko Siya batay sa aking sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Ito ay kalapastanganan sa Diyos! Naunawaan ko rin na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan, na sinusuri ng Diyos ang bawat kilos ng tao batay sa katotohanan. Katulad ito ng kung paano ko nakilala ang sister na ito, siya ay bata pa at matalino, at naglingkod siya bilang lider, subalit nilabag niya ang mga pagsasaayos sa gawain at ginambala at ginulo ang gawain ng iglesia, at gumanti rin siya at pinigilan ang mga nagbigay sa kanya ng mga mungkahi. Sa huli ay itinuring siyang isang masamang tao at itiniwalag sa iglesia. Ngunit pagkatapos, nakilala ko ang isa pang nakatatandang sister, na hindi edukado at may pangkaraniwang kakayahan, ngunit tuloy-tuloy niyang ginagawa ang kanyang tungkulin—mayroon siyang tunay na pananalig sa Diyos at tapat siya sa kanyang tungkulin. Ang matatandang kapatid na ito ay maaaring hindi gaanong malakas o hindi nagtataglay ng napakatalas na memorya, pero ginagawa nila ang kanilang makakaya sa kanilang mga tungkulin, at tumutuon sila sa pagninilay-nilay at pagkilala sa kanilang sarili at naghahangad ng disposisyonal na pagbabago sa kanilang mga tungkulin. Maaaring pupurihin din sila ng Diyos at may pagkakataong maligtas. Napagtanto ko rin na ang pagtanda ay isang natural at hindi nababagong proseso na pauna nang itinakda ng Diyos, at kaya, dapat akong magpasakop dito at tuparin na lang ang mga tungkuling kaya ko sa aking kasalukuyang edad. Sa totoo lang, hangga’t tama ang aking saloobin, at nakatuon ako sa paghahanap sa katotohanan sa aking bagong tungkulin, hindi ba’t makakamit ko rin ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos? Hindi ba’t makikilala ko rin ang aking katiwalian at mga kakulangan? Hindi ba’t magagawa ko pa ring hangarin ang katotohanan? Hindi ipinagkait ng Diyos sa akin ang aking karapatang gawin ang aking tungkulin at makamit ang kaligtasan, lalong hindi iba ang pakikitungo niya sa akin dahil lang sa edad ko. Ngunit wala akong pasasalamat sa Diyos at nagkamali pa nga ako sa pag-aakalang ayaw Niya sa matatanda, nilalabag ang Kanyang mga pagsasaayos at pangangasiwa. Lubos akong hindi makatwiran! Nang napagtanto ko ang lahat ng ito, nakaramdam ako ng labis na pagsisisi. Hindi ako pwedeng patuloy na maghimagsik at magkamali ng pag-unawa sa Diyos, kailangan kong isantabi ang aking mga pangamba at pag-aalala, at makipagtulungan nang maayos sa aking bagong tungkulin upang hindi maantala ang gawain ng iglesia.
Pagkatapos niyon, nagsimula akong magtaka kung bakit kahit na alam ko na walang kinalaman sa mga pagpapala o kasawian ang tungkulin ng isang tao, hindi ko pa rin mapigilang mag-alala tungkol sa aking hantungan matapos akong maitalaga sa isang tungkuling hindi ako nasisiyahan. Ano ang ugat ng problema ko? Sa isang pagtitipon, binasa ng mga kapatid ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos para sa akin at natukoy ko ang pinagmulan ng aking problema sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para gantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa: Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Bago magpasyang gampanan ang kanilang mga tungkulin, punong-puno ang mga anticristo ng mga ekspektasyon sa kaibuturan ng kanilang puso—tungkol sa kanilang mga oportunidad, mga pagpapala, magandang hantungan, at maging sa kanilang korona. Malaki ang kanilang kumpiyansa. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gampanan ang kanilang mga tungkulin nang may gayong mga layunin at ambisyon. Kaya, nakapaloob ba sa paggampan nila ng tungkulin ang sinseridad, tunay na pananalig at katapatan na hinihingi ng Diyos? Sa puntong ito, hindi pa makikita ng isang tao ang kanyang tunay na katapatan, pananalig, o sinseridad, dahil nagkikimkim siya ng isang ganap na transaksyunal na pag-iisip bago niya gawin ang kanyang mga tungkulin; nagdedesisyon siyang gampanan ang kanyang mga tungkulin nang dahil sa kanyang mga hilig, at batay rin sa paunang kondisyon ng kanyang nag-uumapaw na mga ambisyon at pagnanais. Ano ang layunin ng mga anticristo sa paggampan sa kanilang mga tungkulin? Ito ay upang makipagkasundo, para makipagpalitan. Masasabi na ito ang mga kondisyon na itinatakda nila para sa paggampan ng tungkulin: ‘Kung tutuparin ko ang aking tungkulin, dapat akong magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungan. Dapat kong makamit ang lahat ng pagpapala at pakinabang na sinabi ng Diyos na inihahanda para sa sangkatauhan. Kung hindi ko makakamit ang mga ito, hindi ko gagampanan ang tungkuling ito.’ Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para gampanan ang kanilang mga tungkulin nang may mga gayong layunin, ambisyon, at pagnanais. Tila mayroon silang kaunting sinseridad, at siyempre, para sa mga bagong mananampalataya at sa mga kakasimula pa lang gumampan ng mga tungkulin, maaari din itong tawagin na kasigasigan. Ngunit walang tunay na pananalig o katapatan dito; mayroon lamang antas ng kasigasigan. Hindi ito matatawag na sinseridad. Batay sa saloobin ng mga anticristo sa paggampan ng kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan, ito ay ganap na transaksyunal at puno ng kanilang mga pagnanais sa mga pakinabang tulad ng pagtanggap sa mga pagpapala, pagpasok sa kaharian ng langit, pagkakamit ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko na wala akong pinagkaiba sa isang anticristo, at nananampalataya at tumutupad lang ako sa aking tungkulin para magtamo ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng Diyos. Bago manalig sa Diyos, namumuhay lang ako ayon sa mga satanikong lason tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” at “‘Wag tumulong kung walang kapalit.” Inakala ko na tama at nararapat lang na isaalang-alang ang sarili kong mga interes. Hangga’t kapaki-pakinabang sa akin ang isang bagay, ginagawa ko ito kahit gaano man ako magdusa o ano man ang halagang kailangan kong bayaran. Matapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, nalaman ko na maaari akong magkamit ng buhay na walang hanggan at makapasok sa kaharian ng Diyos kung igugugol ko ang aking sarili para sa Diyos at tutuparin ang aking tungkulin. Nang makitang hindi nabibili ng pera o mahahalagang bagay ang dakilang pagpapalang ito, tinalikuran ko ang aking pamilya, huminto ako sa aking trabaho at sinimulan kong sundin ang Diyos at tuparin ang aking tungkulin. Nang italaga sa akin ng sambahayan ng Diyos ang tungkulin ng pagdidilig, naisip ko: Sa tungkulin ng pagdidilig, marami akong mababasang salita ng Diyos, at maraming pagkakataon na makapagbahagi sa katotohanan, lahat ng ito ay magbibigay sa akin ng magandang pagkakataon na makamit ang katotohanan at matamo ang kaligtasan. Kaya, nagkaroon ako ng motibasyon na gawin nang maayos ang aking tungkulin, umaasa na makakamit ko ang kaligtasan at makapapasok ako sa kaharian ng Diyos. Ganoon din ang saloobin ko sa aking tungkulin, katulad ng sa isang anticristo. Ginagawa ko lang ito para magkamit ng mga pagpapala at nakikipagtawaran ako sa Diyos. Tiyak na nasusuklam ang Diyos! Puno ako ng motibasyon sa aking tungkulin, pero mahina ang kalusugan ko at hindi na ako bumabata. Talagang wala akong sigla, lakas o memorya na taglay ng mga kabataan, at kinakailangan ko pa ang tulong ng iba para magawa ang aking tungkulin. Mapapabagal ko lang ang gawain kung magpapatuloy ako sa tungkulin ng pagdidilig, at maaapektuhan ang mga resulta ng pagdidilig. Kung nagkaroon ako ng kamalayan sa sarili at katwiran, binitawan ko na sana ang pagnanais ko para sa mga pagpapala at hinayaan ang mga nakababatang kapatid na tuparin ang kanilang tungkulin. Makabubuti ito para sa gawain ng iglesia. Pero ang inisip ko lang ay kung paano magtamo ng mga pagpapala. Ginagamit ko ang tungkuling ibinigay sa akin ng Diyos para matugunan ang aking pagnanais para sa mga pagpapala. Nang wala akong makitang pag-asa na magtamo ng mga pagpapala mula sa bago kong tungkulin, nabigo akong magpasakop, nagkamali ako ng pag-unawa sa Diyos at sinisi ko pa Siya. Paanong maituturing ako na isang taong tunay na nagpapasakop at may pananalig sa Diyos? Lubos akong naapektuhan ng satanikong lason na ito ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Anuman ang sitwasyong nakakaharap ko, iniisip ko muna kung makakakuha ako ng pakinabang o mga pagpapala mula rito, inuuna ang sarili kong mga interes bago ang katotohanan. Hindi ko man lang isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, iniisip lamang ang sarili kong mga interes. Ang katunayan na hinirang ako ng Diyos, na labis kong natamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng Kanyang mga salita sa mga taong nananampalataya ako, na naunawaan ko ang kaunting katotohanan, at nagampanan ang aking tungkulin bilang isang nilikha, lahat ng ito ay ang napakalaking biyaya ng Diyos. Subalit hindi ako nagpasalamat sa Diyos o nag-isip kung paano ko masusuklian ang Kanyang pagmamahal. Kung hindi nasusunod sa gusto ko ang isang bagay, nagkakamali ako ng pag-unawa sa Diyos at sinisisi ko Siya. Lubos akong hindi makatwiran! Salamat sa Diyos sa paglalantad sa akin sa tamang oras, kung hindi, kung pinananatili ko itong transaksyonal na saloobin sa aking tungkulin, bukod sa hindi ko makakamit ang katotohanan at matatamo ang kaligtasan, kamumuhian at palalayasin din ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nakaramdam ako ng pagsisisi at panunumbat sa aking sarili, kaya nagdasal ako sa Diyos, sinasabing: “O Diyos! Sinundan Kita nang maraming taon, pero hindi ako nakapagpasakop sa Iyo kahit kaunti at nagkamali ako ng pag-unawa sa Iyong kalooban. Ang tungkuling dapat kong gampanan bilang isang nilikha ay itinuring ko na isang bagay na pamalit para sa mga pagpapala. Tiyak na lubos Mong kinamumuhian ito! O Diyos! Handa po akong magsisi sa Iyo, pakiusap, gabayan Mo po ako na mamuhay ayon sa Iyong mga salita.”
Sa mga debosyonal, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. “Habang sila ay nabubuhay, ang matatanda ay mas lalong dapat na magsumikap na hangarin ang katotohanan, hangarin ang pagpasok sa buhay, at makipagtulungan nang matiwasay sa mga kapatid upang magampanan ang kanilang tungkulin; sa ganitong paraan lang maaaring lumago ang kanilang tayog. Ang matatanda ay hinding-hindi dapat na isiping mas senior sila kaysa sa iba at ipagmalaki ang kanilang katandaan. Ang mga kabataan ay maaaring maghayag ng lahat ng uri ng tiwaling disposisyon, at ganoon ka rin; ang mga kabataan ay maaaring makagawa ng lahat ng klase ng kahangalan, at ganoon ka rin; ang mga kabataan ay nagkikimkim ng mga kuru-kuro, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay maaaring magrebelde, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay maaaring maghayag ng anticristong disposisyon, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay may malalaking ambisyon at pagnanais, at gayundin ang matatanda, nang walang anumang pinagkaiba; ang mga kabataan ay maaaring magdulot ng pagkagambala at panggugulo at mapaalis sa iglesia, at gayundin ang matatanda. Samakatuwid, bukod sa kakayahan nilang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, marami pa silang magagawa. Maliban na lamang kung ikaw ay hangal, may problema sa isip, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, at maliban na lamang kung hindi mo na kayang alagaan ang iyong sarili, marami kang dapat gawin. Katulad ng mga kabataan, maaari mong hangarin ang katotohanan, maaari mong hanapin ang katotohanan, at maaari kang madalas na lumapit sa Diyos upang manalangin, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, sikaping tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang landas na dapat mong tahakin, at hindi ka dapat mabagabag, mabalisa, at mag-alala dahil matanda ka na, dahil marami kang sakit, o dahil tumatanda na ang iyong katawan. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi ang tamang gawin—ito ay mga hindi makatwiran na pagpapamalas” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na anuman ang tungkuling italaga sa akin ng iglesia, kalooban ng Diyos na hanapin ko ang katotohanan sa pamamagitan ng aking tungkulin, gamitin ang katotohanan upang malutas ang aking tiwaling disposisyon, harapin ang mga usapin sa aking tungkulin ayon sa prinsipyo, at sa huli ay tumuntong sa landas tungo sa kaligtasan. Ngayon, bukod sa ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya sa aking tungkulin, pinagninilayan ko ang anumang pagpapamalas ng katiwalian sa tuwing may pagkakataon ako, at nagsusulat ako ng mga artikulo ng patotoo batay sa karanasan. Kapag nakikipagkita ako sa mga kapatid, tinatalakay namin kung ano ang mga kuru-kuro ng mga baguhan at nagbabahagi ako sa abot ng nauunawaan ko. Napakapayapa at napakapanatag ng pakiramdam ko sa pagsasagawa nang ganito. Ang pinakamalaki kong natutunan mula sa karanasang ito ay na tinatrato ng Diyos ang bawat isa nang patas. Sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay gamit ang katotohanan, wala Siyang pakialam kung ilang taon ka na o kung anong tungkulin ang ginagawa mo. Ang iniisip lang Niya ay kung tinatahak mo ba ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hangga’t hinahanap mo ang katotohanan at tumatahak ka sa tamang landas, mayroon kang pagkakataong makamit ang kaligtasan. Hindi inaayawan ng Diyos ang matatanda. Sa tuwing naaalala ko kung paanong nagkamali ako ng pag-unawa sa Diyos, pakiramdam ko ay napakalaki ng utang ko sa Kanya at napapaluha ako. Sa edad na ito, may pagkakataon pa akong salubungin ang Lumikha, at naging mapalad ako na marinig ang tinig ng Diyos, matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, at maigugol ang sarili ko para sa Kanya sa aking mga tungkulin. Napakalaking pagpapala nito! Hindi mahalaga kung makakamit ko man o hindi ang mga pagpapala o kung ano man ang magiging kahihinatnan ko, masigasig kong hahangarin ang katotohanan at gagawin ang lahat ng aking makakaya sa aking tungkulin para masuklian ang pagmamahal ng Diyos.