90. Pagyakap Sa Aking Tungkulin Nang Walang Takot
Sa katapusan ng Mayo 2023, humarap sa pag-aresto mula sa CCP ang mga iglesia na ako ang responsable, at kailangang mailipat agad ang mga libro ng mga salita ng Diyos. Matapos itong malaman ng mga nakatataas na lider, inutusan nila kami ni Sister Song En upang agarang ikoordina ang paglilipat ng mga libro. Gayumpaman, minanmanan ng pulisya ang paglilipat, at kinumpiska nila ang lahat ng libro. Nang marinig ko ang balita, hindi ako makapaniwala at para akong nahulog sa hukay ng kawalan ng pag-asa. Bilang isang lider ng iglesia, nabigo akong protektahan ang mga libro ng mga salita ng Diyos at nagdulot ng malaking kawalan. Isa itong ganap na sakuna. Hindi ako makapaniwala. Habang nag-aalala akong baka matanggal ako, mas lalo akong nabahala na baka tuluyan akong mawalan ng pagkakataong magawa ang mga tungkulin ko, at kapag nangyari iyon, hindi ba’t lubusang mawawala ang pagkakataon ko para sa kaligtasan? Iniisip ko pa lang iyon ay nadudurog na ang puso ko sa agam-agam. Madalas akong napapabuntonghininga sa kawalan ng pag-asa, at kapag naiisip ko kung gaano kalaking pagsalangsang ang nagawa ko, nagiging napakanegatibo ng pakiramdam ko, at pinipilit ko lang ang sarili kong gawin ang mga tungkulin ko. Isang araw, habang nakikipagkuwentuhan kay Sister Song En, napag-usapan namin ang tungkol sa pagpapabaya ni Ye Qian sa mga tungkulin niya noong lider pa siya, na humantong sa pagkakakumpiska ng pulisya sa maraming libro ng mga salita ng Diyos at pagpapaalis sa kanya. Lalong bumigat ang mga alalahanin ko, habang iniisip ko kung paanong isa rin akong lider ng iglesia, na direktang responsable para sa paglilipat ng mga libro, kaya walang duda na ako ang may pinakamalaking responsabilidad para sa lahat ng ito. Mukhang siguradong matatanggal ako. Kung alam ko lang na darating ang araw na ito, mas gugustuhin kong hindi na lang ako naging lider para hindi ko kailangang pasanin ang ganito kabigat na responsabilidad. Noong panahong iyon, sa tuwing naiisip ko ang tungkol dito, nawawalan ako ng pag-asa, at nakikita ko ang sarili ko na laging napupuno ng kalungkutan. Kahit tila hindi ako sumuko, iniisip ko pa lang ang posibleng pagtatanggal sa akin ay nawawala na ang pagpapahalaga ko sa pananagutan para sa mga tungkulin ko, at humantong ito sa pagpapabasta-basta ko.
Sa kalagitnaan ng Hulyo, inimbestigahan ng mga nakatataas na lider ang sitwasyon tungkol sa mga kinumpiskang libro, at sinabing isa itong espesyal na pangyayari na hindi namin inaasahan, at na hindi ito sanhi ng pagkakamali ng isang tao, kaya hindi nila kami pinanagot para dito, at ipinaalala lang sa amin na maging masigasig sa pagbubuod ng mga karanasan namin at sa mga aral na natutunan namin at masikap na gawin ang aming mga tungkulin sa hinaharap. Kahit na alam kong dapat kong pahalagahan ang tungkulin ko, naisip ko pa rin, “Hindi inaasahan ang pangyayaring ito, at hindi nila ako pinanagot, pero maraming gawain ang nauugnay sa pagiging lider, at nagdadala ng malalaking responsabilidad. Kung magkamali ako sa pag-aayos ng mga isyu sa hinaharap at magdulot ng malaking kawalan, baka matanggal ako, o mas masama pa ay mapaalis. Nangangahulugan iyon na tuluyan akong mawawalan ng pag-asa sa kaligtasan.” Habang iniisip ito, ginusto kong lumipat sa isang tungkulin na nagdadala ng mas kaunting responsabilidad at talikuran ang tungkulin ko sa pamumuno. Pero alam ko na sa pagsuko ko sa tungkulin ko, ipagkakanulo ko ang Diyos, at ito ay isang mas malala pang problema. Kung makatwirang iisipin, pinilit kong magpasakop at patuloy na gawin ang tungkulin ko. Sa simula ng Agosto, sa panahon ng halalan ng iglesia para sa mga mangangaral, narinig ko na may ilang mga kapatid na gustong imungkahi ako at si Sister Gu Nan, at biglang bumigat ang puso ko, at tumindi ang mga alalahanin ko, “May pananagutan na ako para sa isang iglesia, at kasama rito ang pagkakaroon ng maraming responsibilidad. Kung mahahalal ako bilang mangangaral at mangangasiwa ng maraming iglesia, hindi ba’t mas higit pa ang magiging responsabilidad at panganib nito? Paano kung hindi ko magawa nang maayos ang trabaho ko at magdulot ng malalaking kawalan? Kung mapaalis ako dahil dito, hindi ba’t wala akong magandang kalalabasan at kahahantungan?” Sa pag-iisip nito, takot na takot akong mahalal. Napagtanto kong mapanganib ang hindi pagtugon sa kalagayan ko at nakakaapekto sa pagganap ko ng tungkulin ko, kaya sinimulan kong hanapin ang mga kasagutan sa mga salita ng Diyos.
Isang araw habang nagdedebosyon ako, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pumarito kayo para gawin ang tungkulin ninyo. Kahit gaano pa kayo magpakahirap magtrabaho, o gaano man kayo magdusa, o gaano man kayo mapungusan, dapat kayong magpasalamat sa Diyos. Ibinigay sa inyo ng Diyos ang pagkakataong ito para maranasan ninyo ang iba’t ibang uri ng sitwasyon at magkaroon kayo ng sari-saring personal na karanasan. Isang mabuting bagay ito, at lahat ng ito ay ginagawa para maunawaan ninyo ang katotohanan. Kaya, ano ba ang pinag-aalala ninyo? Laban kanino ba kayo nagbabantay? Hindi na kailangang maging ganoon. Normal lang ninyong hangarin ang katotohanan, hanapin mo ang tamang lugar para sa iyo, at gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin at ang gawaing napupunta sa iyo, at sapat na iyon. Hindi masyadong malaki ang hinihingi sa inyo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). “Huwag na ninyong patuloy na isipin ang pag-alis, kailangan ninyong buong-pusong mag-ugat dito at gampanan nang maayos ang tungkulin ninyo. Kaya man ninyo o hindi na gawin nang maayos ang inyong tungkulin, kahit paano man lang ay isapuso ninyo ang inyong ginagawa, at siguraduhing natapos ninyo ang lahat ng inyong gampanin sa huli. Huwag ninyong takasan ang tungkulin. May ilang taong nagsasabi, ‘Mahina ang kakayahan ko, hindi ako gaanong nakapag-aral at wala akong talento. May mga depekto sa aking personalidad at palagi akong nahihirapan sa tungkulin ko. Ano ang gagawin ko kung hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko at matanggal ako?’ Ano ba ang ikinakatakot mo? Kaya mo bang tapusing mag-isa ang gawaing ito? Ginagampanan mo lang ang isang bahagi, hindi naman hinihingi na ikaw ang gumampan ng lahat. Gawin mo lang ang mga bagay na dapat mong gawin, sapat na iyon. Hindi ba’t natupad mo na ang mga responsabilidad mo kapag nagkagayon? Napakasimple lang nito; bakit ba laging sobra kang naghihinala? Natatakot kang malaglagan ng dahon ang ulo mo at mabiyak ito, at inuuna mong isipin ang sarili mong mga plano para sa maaaring mangyari—hindi ba’t wala itong kuwenta? Ano ang ibig sabihin ng ‘walang kuwenta’? Ibig sabihin nito ay hindi pagsusumikap para sumulong, hindi pagiging handang ibigay ang lahat, kagustuhan palagi na makalibre at magtamasa ng magagandang bagay—mga basura ang ganitong mga tao. May ilang taong napakakitid ng isip. Paano natin mailalarawan ang mga ganitong tao? (Sobrang babaw nila.) Ang taong sobrang kitid ng utak ay isang taong ubod ng sama, at ang sinumang ubod ng sama ay sinusukat ang pagkatao ng isang maginoo ayon sa sarili niyang ubod ng samang pamantayan at itinuturing niya ang iba bilang kasingmakasarili at kasimbaba niya. Ang mga ganitong tao ay mga walang kwenta, at kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, hindi magiging madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Ano ang dahilan kung bakit napakaliit ng pananalig ng isang tao? Dahil ito sa hindi niya pagkaunawa sa katotohanan. Kung masyadong kakaunti lang ang mga katotohanang nauunawaan mo at napakababaw ng pagkakaunawa mo sa mga ito, at dahil dito ay hindi mo maunawaan ang bawat gawaing ginagawa ng Diyos, ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at ang bawat hinihingi ng Diyos sa iyo, kung hindi mo kayang matamo ang ganitong pagkaunawa, magkakaroon ka ng iba’t ibang uri ng pagdududa, imahinasyon, maling pagkaunawa, at kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung ang puso mo ay puno ng walang iba kundi ganitong mga bagay, magkakaroon ka ba ng tunay na pananalig sa Diyos? Wala kayong tunay na pananalig sa Diyos, kaya palagi kayong hindi mapakali, at nag-aalala na hindi ninyo alam kung kailan kayo matatanggal. Natatakot kayo at iniisip ninyo, ‘Baka biglang pumarito ang Diyos para magsagawa ng isang inspeksyon.’ Huminahon lang kayo. Hangga’t ginagawa ninyo nang maayos ang mga gawaing ipinagkatiwala sa inyo ng sambahayan ng Diyos, kahit pa medyo kulang kayo sa inyong paghahangad sa katotohanan at sa buhay pagpasok, palalampasin Ko na iyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, lubha akong naantig, na para bang direktang nakikipag-usap sa akin ang Diyos. Nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na pagkaantig sa kaibuturan ko. Sinisiyasat ng Diyos ang bawat iniisip at ideya ko, at alam Niya na hindi ko naiintindihan ang mga prinsipyo kung paano pinangangasiwaan ng iglesia ang mga tao, at palagi akong mapagbantay at mali ang pagkaunawa, kaya ginamit Niya ang mga salita Niya para bigyang-liwanag at gabayan ako, taimtim na sinasabi sa akin na huwag akong mag-alala o matakot, at na pinangangasiwaan ng sambahayan Niya ang mga taong may mga prinsipyo, at hindi basta-basta aalisin ang sinumang tunay na mananampalataya na gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Hinihikayat tayo ng Diyos na huwag matakot na tumanggap ng mga responsabilidad, at mahinahong harapin ang mga sitwasyon sa bawat araw, hinahanap ang katotohanan para maunawaan ang mga layunin Niya. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos para sa akin. Umaasa lang Siyang magagawa kong pasanin ang mga responsabilidad na dapat kong pasanin at maging tapat sa aking tungkulin, at maging isang tapat na tao na may katauhan. Ayaw ng Diyos na mamuhay ako sa takot at pagkabalisa, nababagabag. Pero napakamapanlinlang ko, at pagkatapos ng pangyayari kung saan kinumpiska ang mga libro ng mga salita ng Diyos, patuloy akong nag-aalala na baka tanggalin ako, o kaya ay mapaalis, at mawawalan ako ng pag-asa na magkaroon ng magandang kalalabasan at kahahantungan. Kalaunan, nang hindi ako pinanagot ng sambahayan ng Diyos, sa halip na magpasalamat sa awa ng Diyos at gawin ang mga tungkulin ko para suklian ang pagmamahal Niya, naging mapagbantay ako at hindi ko Siya naunawaan, mas natakot akong gawin ang mga tungkulin ko sa pamumuno, at ginusto kong lumipat sa isang “mas ligtas” na tungkulin. Idagdag pa, sa panahon ng halalan ng iglesia para sa mga mangangaral, bago pa man ako mahalal, nagsimula na akong mag-alala na sa mas malawak na saklaw ng pangangasiwa, magkakaroon ako ng mas malalaking responsabilidad at mas mabilis na maibubunyag, kaya ayaw kong sumali sa halalan. Patuloy akong naghinala at nagbantay laban sa Kanya. Napakamapanlinlang ko!
Kalaunan, patuloy kong binasa ang mga salita ng Diyos para maresolba ang mga problema ko. Nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Natatakot ang ilang tao na umako ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na umako sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa pagganap ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakapapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang aakuing anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba ito isang hindi mapagkakatiwalaang, mapanlinlang na tao? Ayaw niyang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga niya na mababasag ng mga dahon ang kanyang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang niya sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na umako ng responsabilidad? Nagpapalaganap ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga video, at iba pa—anuman ang iyong gawain—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang umako ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanyang disposisyon? Dapat ay masasabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Tatanggapin niya ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala siyang tinatanggap na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin ay walang ni katiting na sinseridad sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita niya ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakauunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas. … Kung pinoprotektahan mo ang iyong sarili sa tuwing may mangyayari sa iyo at nag-iiwan ka para sa iyong sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, isinasagawa mo ba ang katotohanan? Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan—pagiging mapanlinlang ito. Gumaganap ka ngayon ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Ano ang unang prinsipyo sa pagtupad ng isang tungkulin? Ito ay na kailangan mo munang gampanan ang tungkuling iyon nang buong puso, lubos na pagsikapan, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ay isang katotohanang prinsipyo, isa na dapat mong isagawa. Ang pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pag-iiwan para sa sarili ng isang ruta ng pagtakas, isang madayang pamamaraan, ay ang prinsipyo ng pagsasagawa na sinusunod ng mga walang pananampalataya, at ang pinakamataas nilang pilosopiya. Ang pagsasaalang-alang sa sarili muna sa lahat ng bagay at ang paglalagay sa sariling interes bago ang lahat, hindi iniisip ang iba, hindi nagkakaroon ng kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at mga interes ng iba, iniisip muna ang mga sariling interes at pagkatapos ay nag-iisip ng isang ruta sa pagtakas—hindi ba’t iyon ay kung ano ang isang walang pananampalataya? Ito eksakto ang isang walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay hindi karapat-dapat na gumanap ng isang tungkulin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Isinisiwalat ng Diyos na talagang makasarili, kasuklam-suklam, mapanlinlang, at taksil ang kalikasan ng tao, na anuman ang tungkulin nila, isasaalang-alang muna ng mga tao ang sarili nilang mga interes, at na gusto lang nilang gampanan ang mga responsabilidad para sa mga gampaning kapaki-pakinabang sa kanila, pero nag-aatubiling kunin ang mga gampaning nagdadala ng mga responsabilidad o panganib. Sa pagninilay-nilay ko habang isinasaalang-alang ang mga salita ng Diyos, nakita ko na partikular na halata ang pag-uugali ko sa bagay na ito. Halimbawa, nang makumpiska ang mga libro ng mga salita ng Diyos, hindi ko inisip kung paano makakabawi para sa mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip, nagsisi ako na kung alam ko lang na dapat ko palang pasanin ang ganoon kalaking responsabilidad, hindi ko na sana tinanggap ang tungkulin ng pamumuno. Kahit tila hindi ako umiiwas sa mga tungkulin ko, talagang napanghinaan ako ng loob. Dahil lamang sa takot kong ipagkanulo ang Diyos at magkaroon ng hindi magandang kalalabasan o kahahantungan kaya hindi ako nangahas na talikuran ang mga tungkulin ko. Napagtanto kong napakamakasarili at napakakasuklam-suklam ko, talagang isang taong hindi nagmamahal sa Diyos o tapat sa Kanya. Higit pa rito, pagkatapos kong malaman na hindi ako pinananagot ng sambahayan ng Diyos sa mga bagay na ito, hindi ko lang hindi pinahalagahan ang mga tungkulin ko, pero lalo akong naging mapagbantay laban sa Diyos at hindi ko Siya naunawaan. Para akong isang gulat na ibon, nag-iisip nang talikuran ang mga tungkulin ko bago pa man mapunta ang mga ito sa akin. Sariling mga interes ko lang ang iniisip ko, hindi man lang isinasaalang-alang kung naaayon ang mga pag-uugali ko sa mga prinsipyo o kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia. Umasta akong parang isang hindi mananampalataya. Paano ko aasahang maliligtas ako sa paniniwala ng ganito? Patuloy akong naging mapagbantay laban sa Diyos at ayaw kong pasanin ang mga responsabilidad, at matagal nang inilagay ang sarili ko sa labas ng sambahayan ng Diyos. Hindi sa gusto ng Diyos na alisin ako, kundi ako mismo ang gumagawa ng paraan para alisin ako. Sa pag-iisip tungkol dito, napagtanto ko kung gaano kabigat ang problema ko, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, palagi kong iniisip ang tungkol sa sarili kong mga interes at sinusubukan kong mag-iwan ng puwang para sa sarili kong mga plano. Napakamapanlinlang ko. Diyos ko, alam ko na ngayong mali ako, at mula ngayon, mahalal man ako o hindi bilang isang mangangaral, handa akong magpasakop. Pakiusap, gabayan mo ako para pagnilayan at kilalanin ang sarili ko nang mas malalim.”
Kalaunan, habang nanonood ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng lalo pang pang-unawa sa mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kinikimkim ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa kanilang puso, na pawang maling pagkaunawa, pagkontra, paghatol, at pagtutol laban sa Diyos. Wala silang anumang kaalaman sa gawain ng Diyos. Habang inuusisa ang mga salita ng Diyos, inuusisa ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos, nakakabuo sila ng mga gayong kongklusyon. Itinatago ng mga anticristo ang mga bagay na ito sa kailaliman ng kanilang puso, pinapaalalahanan ang kanilang sarili: ‘Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan; mas mabuting lumipad nang walang nakakapansin; ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril; at malungkot sa itaas! Kailanman, huwag na huwag kang maging ang ibon na nag-uunat ng kanyang leeg, huwag umakyat nang masyadong mataas; kapag mas mataas ang inaakyat mo, mas masakit ang pagbagsak.’ Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matuwid at banal ang Kanyang disposisyon. Tinitingnan nila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at hinaharap nila ang gawain ng Diyos gamit ang mga perspektiba, kaisipan, at tusong pag-iisip ng tao, gumagamit ng lohika at pag-iisip ni Satanas para tukuyin ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos. Maliwanag na hindi lang hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang disposisyon, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos; sa kabaligtaran, puno sila ng mga kuru-kuro, pagkontra, at paghihimagsik laban sa Diyos at wala silang kahit katiting na tunay na pagkakilala sa Kanya. Isang tandang pananong ang depinisyon ng mga anticristo sa gawain ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa pagmamahal ng Diyos—puno ng pagdududa, at puno sila ng pag-aalinlangan at puno ng pagtatatwa at paninirang-puri dito; kung gayon, ano naman ang tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan? Kumakatawan sa Kanyang pagkakakilanlan ang disposisyon ng Diyos; sa gayong pagtrato sa disposisyon ng Diyos, maliwanag ang kanilang pagtrato sa pagkakakilanlan ng Diyos—direktang pagtatatwa. Ito ang diwa ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaanim na Bahagi)). Isinisiwalat ng Diyos na itinatanggi ng mga anticristo ang diwa ng Diyos, at na puno sila ng mga paghihinala at itinatanggi at sinisiraan nila ang Diyos. Hindi naniniwala ang mga anticristo na matuwid ang Diyos, o na ang ginagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay pag-ibig at kaligtasan. Mayroon din akong malubhang anticristong disposisyon. Tulad na lang nang matapos kumpiskahin ang mga libro ng mga salita ng Diyos sa pagkakataong ito, palagi akong nabubuhay sa kalagayan ng pagkanegatibo at pag-aalala, natatakot na baka paalisin ako mula sa iglesia at mawalan ng magandang kalalabasan o kahahantungan. Kalaunan, nang marinig ko na pinaalis si Ye Qian dahil sa pagpapabaya niya sa mga tungkulin niya at pagdudulot ng malalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos, nadama kong ang tungkulin ng isang mangangaral ay may kasamang napakalaking responsabilidad, at patuloy akong naging mapagbantay at may maling pagkaunawa, natatakot na mapili bilang isang mangangaral, nang hindi man lang hinahanap ang konteksto o mga prinsipyo na inilalapat ng sambahayan ng Diyos kapag nangangasiwa sa mga tao. Ang tingin ko rito, ang sambahayan ng Diyos ay tulad ng mundo ng mga walang pananampalataya, kulang sa pagkamakatarungan at pagkamakatwiran, at kung gaano kalaki ang tungkulin na ginawa ko, gayundin kalaki ang responsibilidad na pinapasan ko, at samakatuwid ay mas matindi ang mga kahihinatnang darating sa akin kung hindi ko maasikaso nang tama ang mga sitwasyon. Namuhay ako sa mga maling paniniwala tulad ng, “Malungkot sa itaas,” “Kapag mas malaki sila, mas mahirap kapag sila’y nahulog,” patuloy akong nanghuhula at nagbabantay laban sa Diyos sa bawat sitwasyon. Nagpapakita ito ng kawalan ng pang-unawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos at isang anyo ng kalapastanganan laban sa Diyos. Ang totoo, pinaalis si Ye Qian dahil talaga sa napabayaan niya ang tungkulin niya, dahil naging sanhi ito ng pagkumpiska ng pulisya ng CCP sa maraming libro ng mga salita ng Diyos, na nagdulot ng malalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Ang hindi nila pagpaparusa sa akin sa pagkakataong ito ay dahil lang talaga sa isinasaalang-alang ng iglesia na ang mga kawalan ay hindi dulot ng sinuman na nagpabaya o naging iresponsable, kaya walang may pananagutan para dito. Ipinakita nito na talagang tinitimbang ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay-bagay batay sa konteksto at mga dahilan sa likod ng mga kawalan kapag nagtatalaga ng responsabilidad. Pero nabigo akong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at nang makita kong inalis si Ye Qian, hindi ko naunawaan ang Diyos, na para bang ang paggawa ng pagkakamali sa mga tungkulin ko at pagdudulot ng mga negatibong kahihinatnan ay hahantong sa pagpapaalis at pagtitiwalag sa akin. Puno ng pagdududa at pagtanggi sa katuwiran ng Diyos ang isipan ko. Kahit na naging mapagbantay ako at hindi naunawaan ang Diyos, hindi tumuon ang Diyos sa mga pagkukulang at katiwalian ko at binigyan pa rin ako ng pagkakataong gampanan ang mga tungkulin ko, gamit ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay para ipaalala sa akin na pagnilayan at kilalanin ang sarili ko upang matauhan ako at makabalik sa tamang oras, maiiwasan ang tuluyang paglakad sa landas ng isang anticristo. Nang maisip ko ito ay naramdaman kong talagang nagkasala ako at may malaking utang na loob sa Diyos. Nadama ko ang taimtim na pagnanais ng Diyos na iligtas ang mga tao at lalo kong kinamuhian ang sarili kong pagkamakasarili at panlilinlang. Ayaw ko nang mamuhay pa sa isang kalagayan ng pagiging mapagbantay at pagkakaroon ng maling pagkaunawa, at kung mahahalal ako ay handa akong tanggapin ang tungkuling ito. Kalaunan, nahalal ako bilang isang mangangaral, pero medyo nakaramdam pa rin ako ng pag-aalala, dahil pakiramdam ko ay hindi ko nauunawaan ang marami sa mga prinsipyo at medyo seryoso ang tiwaling disposisyon ko, at ngayong responsable na ako sa ilang mga iglesia, pakiramdam ko, kapag nakagawa ako ng mali at nagdulot ng mga kawalan sa mga gawain ng iglesia, mawawala sa akin ang pagkakataon para sa isang magandang kalalabasan at kahahantungan. Pero sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga karanasan ko sa panahong ito, napagtanto kong hangga’t kaya kong tanggapin ang katotohanan, kahit na sumalangsang man ako, basta’t taos-puso akong nagsisi, hindi ako hahatulan at ititiwalag ng Diyos dahil sa panandaliang pagsalangsang ko. Nang maunawaan ito, naging handa akong isantabi ang sarili ko at magpasakop, at tanggapin nang mahinahon ang tungkuling ito.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat. … Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa kapag nagawang perpekto at nagtamasa ng mga biyaya ng Diyos ang isang tao matapos magdanas ng paghatol. Ang magdusa sa kasawian ay tumutukoy sa kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbago matapos siyang magdanas ng pagkastigo at paghatol; hindi niya nadanas na magawang perpekto kundi maparusahan. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto kong lagi akong natatakot na tumanggap ng mga responsabilidad, natatakot na magbakasakali at matiwalag, at ito ay dahil lang sa labis na pagnanais ko sa mga pagpapala, at dahil lagi kong iniuugnay ang tungkulin ko sa kalalabasan at kahahantungan ko. Sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paggawa ko ng tungkulin ko ay walang kinalaman sa pagtatamo ng mga pagpapala o pagdurusa. Responsabilidad ng mga nilikha ang mga tungkulin, at ang mga ito ay mga responsabilidad at obligasyon na dapat gampanan ng mga tao. Sa takbo ng ating mga tungkulin, nakikilala rin natin ang sarili natin at ang Diyos, at natatamo natin ang katotohanan. Katulad na lang sa karanasang ito, napagtanto ko na ang tungkulin sa pamumuno ay may kasamang mahahalagang responsabilidad, at ang pangangasiwa sa mga gawain pagkatapos ng isang insidente ay nangangailangan nang higit pa sa madaliang pagkilos at bilis, at hinihingi rin nito na kumilos ang isang tao nang may mga prinsipyo, magkaroon ng karunungan, at manalangin at maghangad nang higit pa. Dagdag pa, sa pamamagitan ng pagbubunyag na ito, napagtanto kong talagang makasarili ako, kasuklam-suklam, mapanlinlang, at taksil, at kung nahaharap sa mga sitwasyon, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes, na tinatahak ang landas ng pagsalungat sa Diyos. Natamo ko ang lahat ng ito sa pamamagitan ng paggawa ng tungkulin ko. Kung iuugnay ko ang tungkulin ko sa pagkakamit ng mga pagpapala o pagdurusa, kung gayon, kapag naharap ako sa mga isyu, magdadalawang-isip ako at gugustuhing talikuran ang tungkulin ko, at magbibigay-daan ito para mawalan ako ng maraming pagkakataon upang makamit ang katotohanan. Tunay na isang kaso iyan ng hindi pagkain dahil sa takot na mabulunan, ang sinumang gumagawa nito ay lubos na hangal at duwag. Nang mapagtanto ko ito, hindi ko na tinanggihan ang tungkulin ko dahil sa mga pagkukulang ko, at sa halip ay tinanggap ko ang tungkulin ko nang may tapat na puso. Pagkatapos noon, tumuon ako sa pagtukoy ng mga isyu sa mga tungkulin ko at sa paghahanap ng katotohanan para maresolba ang mga ito. Kahit na mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, nagawa kong makabawi mula sa mga pagkukulang ko sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa lahat. Minsan, kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko nauunawaan, inilalabas ko ang mga isyung ito at naghahanap ng mga solusyon kasama ang lahat, at kung hindi ako sigurado sa isang bagay, humihingi ako ng patnubay mula sa nakakataas na pamunuan. Kung mayroon kaming anumang mga pagkakasalungat, agad naming itinatama ang mga ito, at kung nabigo kami, ibubuod namin ang mga pagkabigo na ito. Sa paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan, hindi ako nakaramdam ng matinding pagkagipit at mas naging panatag ako. Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na sa pagtuon lang sa paghahanap ng katotohanan, pagpapasakop sa mga sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, at pagkatuto ng mga aral mula sa mga bagay na ito, makakamit ng isang tao ang tunay na kalayaan at liberasyon.