56. Isang Sandali ng Pagpili
Isinilang ako sa isang nayon na sakahan at lumaki ako sa isang mahirap na pamilya. Mga simpleng magsasaka lang ang aking mga magulang na madalas apihin. Noong bata pa ako, isinumpa ko na paglaki ko, magiging matagumpay ako at babaguhin ko ang tingin ng ibang taga-nayon sa amin para matigil na ang pangmamaliit at pang-aapi nila sa amin. Nagsimula akong mag-aral ng martial arts noong 11 taong gulang ako, at kahit nakakapagod ito at madalas akong nasasaktan, hindi ako kailanman sumuko gaano man iyon kahirap. Kalaunan, sa pagnanais kong makapagnegosyo at mamukod-tangi sa karamihan, kung saan-saan ako napadpad para mangutang, magbigay ng mga regalo, at makipag-ugnayan. Sa wakas, noong 1999, nagawa kong iparehistro ang isang paaralan ng martial arts.
Pagkatapos magbukas ang paaralan, lumago ito sa ilalim ng masigasig kong pamamahala na may kitang palaki nang palaki. Tinangkilik ito ng mga lokal at ipinagmalaki ako ng mga magulang ko, na pakiramdam nila ay nakapagdala ako ng karangalan sa aming pamilya. Kinagiliwan ako ng mga estudyante at mga magulang nila, at pinahalagahan ako nang husto at kinaaliwan ng Kawanihan ng Palakasan ng Lungsod at ng alkalde ng bayan. Ang makita ang paghanga ng lahat ay nagparamdam sa akin na mahalaga ako at labis na iginagalang, at lubos na natupad ang inaasam kong katayuan. Masayang-masaya ako, pakiramdam ko ay nagtagumpay na ako sa buhay sa wakas. Nakibahagi ako sa maraming okasyong may pagtitipon para tulungan ang paaralan na magkaroon ng matibay na suporta, nagbibigay ng mga suhol sa iba’t ibang departamento at nagpapadala ng mga regalo sa mga pinuno tuwing may kapistahan para parangalan nila ako at maitaguyod ang paaralan. Para magpalakas sa kanila, nakapagsabi at nakagawa ako ng hindi mabilang na bagay na salungat sa sarili kong mga paniniwala, sa takot na kung pumalpak ako sa isang opisyal, maglalaho sa isang iglap ang negosyo, katayuan, at reputasyon na pinagsikapan kong pagyamanin nang husto. Palagi akong balisa at hindi makampante. Nakakapanghina ito ng katawan at isipan—isang mahirap at nakakapagod na paraan para mabuhay. Noong panahong iyon, naguguluhan ako: Matagumpay ang negosyo ko at pareho kong nakuha ang karangalan at pakinabang, kaya bakit napakahirap at nakakapagod ng buhay?
Pagkatapos, noong Mayo ng 2012, tinanggap ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pakikipagtipon at pakikisalamuha ko sa mga kapatid sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, nakita kong isa itong lugar na walang panlilinlang, walang transaksyon ng kapangyarihan at pera. Nakatuon lang ang lahat sa paghahangad ng katotohanan. Kapag nagpapakita sila ng tiwaling disposisyon, nakapagtatapat sila sa bahaginan tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga isyu. Isang bagay iyon na hindi ko nakita sa lipunan. Naramdaman kong ang landas ng pananampalataya ang tamang landas na dapat tahakin sa buhay. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagparusa sa masama. Tanging ang mga tunay na nananalig sa Diyos at naghahangad ng katotohanan ang magkakaroon ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at maliligtas sila sa huli at mapoprotektahan sa gitna ng matitinding sakuna. Para sa mga walang pananampalataya o hindi naghahangad ng katotohanan, gaano man sila kahusay magpatakbo ng negosyo o gaano man karami ang pera nila, mawawalan ng saysay ang lahat ng ito sa huli, at hindi nito maililigtas ang sarili nilang buhay. Nang maunawaan ko na ang lahat ng iyon, hindi na ako gaanong nakatuon sa pag-unlad ng paaralan. Sa halip, kapag may sobra akong oras ay lumalabas ako at nagbabahagi ng ebanghelyo.
Suportado ng pamilya ko ang pananalig ko noong una. Pero kalaunan, nakita ng panganay kong anak na lalaki sa balita na inaapi at inaaresto ng gobyerno ang mga mananampalataya. Sa takot na manganganib ang paaralan dahil sa pananalig ko, nagsimulang tumutol ang anak kong lalaki sa aking pananampalataya, nagbanta pa nga siyang isusumbong niya ako sa pulis. Pinayuhan din ako ng isang opisyal ng pamahalaan na naging kasundo ko, “Hindi pinapayagan ang pananampalataya sa bansang ito. Dapat mong isuko ang pananalig mo. Kung maaaresto ka, hindi ka lamang masesentensiyahan, maipapasara din pati ang paaralan mo. Hindi ba nun sisirain ang pamilya mo?” Sinabi ko sa kanya na ang pananampalataya ko ang tunay na daan at determinado akong panatilihin ito hanggang sa huli. Nang hindi niya ako makumbinsi, sinabi niya sa asawa ko ang ilang kasinungalingan ng Partido Komunista na paninira sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sinabi rin niya na pangunahing target ng pag-aresto ng pamahalaan ang mga mananampalataya ng “Kidlat ng Silanganan,” at na negatibong maaapektuhan ang mga susunod na henerasyon ng kanilang mga pamilya, hindi pahihintulutan ang kanilang mga anak na magkolehiyo, pumasok sa militar o maging opisyal ng pamahalaan. Nang marinig ito ng asawa ko, nagsimula siyang matakot na negatibong maaapektuhan ng pananampalataya ko ang aming mga anak. Nagpasimula siya ng malaking pakikipagtalo sa akin, pinagbantaan pa niya akong makikipagdiborsiyo. Napakasakit ng lahat ng iyon para sa akin: “Nakahanap ng napakagandang trabaho ang ikalawa kong anak na lalaki nang magtapos siya sa kanyang master’s degree. Kung mawawala sa kanya ang lahat ng iyon dahil sa pananampalataya ko, tiyak na kokomprontahin niya ako. Isa pa, umaasenso na ngayon ang paaralang pinaghirapan kong maitayo. Kung maipasara ito dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, hindi ba mauuwi sa wala ang lahat ng mga taong iyon ng pagtatrabaho ko? Ano ang iisipin ng mga kapitbahay ko tungkol sa akin?” Noong panahong iyon, nawalan ako ng ganang kumain at hindi ako makatulog. Sobra ang pighati ko na naisipan ko pa ngang talikuran ang pananampalataya ko, pero kasabay niyon ay alam kong ang pananampalataya lamang ang landas tungo sa kaligtasan, kaya hindi pwedeng hindi ako manampalataya.
Ipinagtapat ko ang aking kalagayan sa isang pagtitipon. Nagbahagi sa akin ang lider ng maraming salita ng Diyos, pati na ang siping ito: “Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Nagbahagi siya: “Nasa mga kamay ng Diyos ang ating kapalaran. Mula sa sandaling isilang ang bawat isa sa atin, ang lahat ng mararanasan natin sa buhay na ito, ang mga balakid at paghihirap na haharapin natin, ay pauna nang itinakdang lahat ng Diyos. Na nagagawa nating manampalataya at tanggapin ang kaligtasan ng Diyos ngayon ay paunang itinakda rin Niya. Ang katunayan na tayo ay nasa Tsina at sumasailalim sa gayong pang-aapi at paghihirap para sa ating pananampalataya ay may pahintulot ng Diyos, at ginagamit Niya ang pang-aapi na ito upang gawing perpekto ang pananampalataya at katapatan ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung maaaresto ka man, kung maipapasara man ang paaralan mo, anuman ang magiging hinaharap ng mga anak mo—ang lahat ng ito ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos. Walang taong makapagpapasya noon, at wala rin sa pamahalaan ang huling salita.” Nagbigay-liwanag sa akin ang mga salita ng Diyos at ang pagbabahagi ng lider: “Totoo iyon. Naipamuhay ko na ang kalahati ng buhay ko at nakaranas na ako ng maraming bagay, at napagtanto ko na walang nangyayari na talagang nasa kontrol ko. Noong nasa militar ako, halimbawa, nagsanay ako nang husto at naging mahusay. Tataas dapat ang ranggo ko bilang opisyal, pero may ibang kumuha ng posisyon ko nang hindi patas. Sa kabilang banda, nakaranas ako ng iba’t ibang klase ng paghihirap habang itinatayo ang paaralan ko, pero sa huli, naitatag ko ito at napatakbo nang maayos, at ngayon ay maganda na ang lagay nito. Ang mga tagumpay at kabiguang ito ay hindi saklaw ng kontrol ng tao.” Habang iniisip ang lahat ng ito, napagtanto ko na lahat ng nararanasan natin sa buhay ay itinakda ng pamumuno ng Diyos, at hindi natin ito kontrolado. Walang silbi ang pag-aalala ko kung maaaresto ako o hindi. Matagal nang napagpasyahan iyon ng Diyos, kaya kailangan kong ipaubaya ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Pagkatapos ay nagbahagi sa akin ang lider tungkol sa ibang bagay: “Mula pa noong unang panahon ay sinusupil na ang tunay na daan. Kapag mas tunay itong daan, mas malupit itong inuusig ng mga puwersa ni Satanas. Paanong hahayaan ni Satanas na iligtas ng Diyos ang mga tao? Nang pumarito ang Panginoong Jesus upang gumawa, matindi Siyang nilabanan at inusig ng pamahalaang Romano at ng mundo ng relihiyon, gayundin ang Kanyang mga tagasunod. Ngayon, nananalig tayo sa tunay na Diyos, kaya hindi maiiwasan na maaaresto at mauusig tayo ng satanikong rehimen ng Partido Komunista. At ginagamit ng Diyos ang pag-uusig na ito para tulungan tayong magkaroon ng pagkakilala, para makita natin nang malinaw ang malademonyo at laban sa Diyos na diwa ng Partido.”
Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang Partido Komunista ay isang partidong ateista, kaaway ng Diyos na hindi pinahihintulutan ang pag-iral ng Diyos. Sinasabi nito na pinapayagan ang kalayaan sa relihiyon, pero isa lamang iyong mapanlinlang na kasinungalingan. Natatakot ito na kung ang mga tao ay mananampalataya, babasahin ang mga salita ng Diyos, at malalaman ang katotohanan, mapagtatanto nila na ang partido ay si Satanas mismo na nananakit ng mga tao, maghimagsik sila laban dito at tatanggihan nila ito. Kung magkagayon, ang ambisyon at mithiin nito na habambuhay na kontrolin ang mga tao ay mawawasak. Kaya, para mapigilang manalig at sumunod ang mga tao sa Diyos, matindi nitong inaaresto at inuusig ang mga taong hinirang ng Diyos at ginagamit ang media para batikusin at siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Tinatakot pa nga nito ang mga pamilya ng mga mananampalataya, hinihikayat ang mga itong apihin at salungatin ang mga mananampalataya hanggang sa isuko nila ang kanilang pananampalataya, maiwala ang kaligtasan ng Diyos, at mapuksa sa impiyerno kasama ng partido. Ang Partido Komunista ay lubhang napakasama at kasuklam-suklam! Ang pamilya ko ay nalinlang nito at sinimulan akong apihin. Kung magpapadala ako sa pang-aapi ng pamilya ko, malalansi lang ako ni Satanas. Hindi ako pwedeng maloko nito. Paano man ako hadlangan ng pamilya ko, alam kong kailangan kong panatilihin ang aking pananampalataya at patuloy na gawin ang aking tungkulin.
Nang makita kung gaano ako kadeterminado na sundin ang Diyos, lalong tumindi ang pag-uusig ng panganay kong anak sa akin. Isang araw, itinaboy pa nga niya ako palabas ng paaralan sa harap mismo ng mga estudyante ko. Galit niya akong sinigawan, “Hindi pinahihintulutan ng gobyerno ang relihiyon, pero pinipilit mong manalig! Kung maaaresto ka, madadamay ang buong pamilya, pati mga anak ko. Katanggap-tanggap ba iyon? Kung gusto mong manatili sa pananampalataya mo, umalis ka dito sa paaralan at huwag mo na kaming idamay pa!” Hindi talaga ako makapaniwala sa mga narinig ko, nagawa ng sarili kong anak na magbitiw ng mga masasakit na salita sa akin, ipinagtabuyan ako dahil lang sa pananalig sa Diyos. Sobra akong nasaktan: “Kung palalayasin ako sa sarili kong paaralan, hindi ba’t ibig sabihin niyon na ang dugo, pawis, at luha ng buong buhay ko ay mawawalan ng kabuluhan? Sino pa ang tatawag sa akin na ‘Headmaster,’ at sino pa ang rerespeto sa akin? Hindi ko na matatamasa ang mga bagay na iyon. Magiging isang karaniwang magsasaka na lang uli ako. Paano ko haharapin ang mga kaibigan at kakilala ko?” Napakasakit sa akin na isipin ang mga ito. “Saan ako pupunta kung palalayasin ako ng anak ko? Dapat bang makinig na lang ako sa kanya?” Habang naiisip ko ang lahat ng ito, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung ang mga tao ay walang anumang tiwala, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, at bagamat maaaring kilalanin ng mga tao na ang mga ito ay ang katotohanan, malamang pa ring lumitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ito, dapat silang magkaroon ng tiwala at determinasyon na manindigan sa nakita na nila at sa natutuhan na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Nakatulong ang mga salita ng Diyos na pakalmahin ako. Totoo iyon, ang landas ng pananampalataya sa Diyos ay hindi madali. Kailangan nating tiisin ang mga paghihirap, at kung walang pananalig, mahirap manatili sa landas na iyon. Kung naging negatibo ako at umatras dahil sa pang-aapi na ito, nasaan ang pananalig ko? Bago ako nanalig sa Diyos, noong ako ay nagpupunyaging umangat sa mundo sa lahat ng mga taong iyon, isa iyong mahirap, nakapapagod, at walang pag-asang paraan para mabuhay. Ngayon, napakapalad kong magkaroon ng ganitong oportunidad na minsan lang sa buhay—ang pagparito ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan. Paano ko magagawang basta na lang itong isuko? Paano ako maliligtas ng Diyos kung gagawin ko iyon? Sinabi ng Panginoong Jesus: “Masdan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: sapagkat ang mga ito’y hindi naghahasik, ni umaani, ni nagtitipon man sa mga kamalig; ngunit ang mga ito’y pinakakain ng inyong Ama sa langit. Hindi ba lalong higit ang halaga ninyo kaysa sa mga ito?” (Mateo 6:26). Nilikha ng Diyos ang mga ibon, na hindi nagpupunla o nag-aani, pero hinahayaan Niya pa ring mabuhay ang mga ito. Ngayong nananalig na ako sa Diyos at ginagawa ko ang tungkulin ko, magbubukas ang Diyos ng landas para sa akin. Kung palalayasin ako ng anak ko sa bahay, naniniwala akong aakayin ako ng Diyos, at wala akong dapat ipag-alala. Binuhay ng kaisipang ito ang pananalig ko at hindi na ako nakaramdam na napipigilan niya ako. Nang makita niyang nananatili akong matatag sa aking pananampalataya, galit niya akong itinulak papunta sa entrada ng paaralan. Wala akong nagawa kundi umalis sa paaralan at tumuloy sandali sa bahay ng mga magulang ko.
Noong gabing iyon, miserable ako habang iniisip ang aking kalagayan. Nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, hindi ko alam kung ano ang Iyong layunin dito. Alam kong sa pananalig sa Iyo ay tinatahak ko ang tamang landas, kaya bakit ganito ang pakikitungo sa akin ng anak ko? Patnubayan Mo sana ako na maunawaan ang layunin Mo.” Pagkatapos, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na ibinahagi sa akin ng ilang kapatid: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos ay nakikita ko na sa tingin, ang isyung ito ay para bang nalilinlang ang anak ko ng mga kasinungalingan ng Partido Komunista, sinusupil at hinahadlangan ang pananampalataya ko, at pinapalayas ako sa sarili kong paaralan. Pero sa totoo lang, si Satanas ito na nanggugulo, nanlilihis, at nagmamanipula ng sitwasyon para lamang makita kung ano ang pipiliin ko—papanatilihin ko ba ang aking relasyon sa pamilya, poprotektahan ang aking karangalan at katayuan, at ipagkakanulo ang Diyos? O bibitiwan ko ba ang mga pansariling interes na ito at patuloy na susundan ang Diyos? Nag-aalala at nalungkot ako sa sitwasyon ko, dahil wala akong tunay na pananampalataya sa Diyos, at walang determinasyon na isuko ang lahat para sa Kanya. Tinatarget ni Satanas ang mga kahinaan ko—ang pagnanasa ko para sa reputasyon at katayuan, at ang pagmamalasakit ko para sa pamilya ko—para mahikayat akong ipagkanulo ang Diyos, para iwan ko Siya. Pagkatapos, sa huli, wawasakin ako nito at lalamunin ako. Lubos na nakakatakot at masama si Satanas! Nakaramdam ako nang kaunting ginhawa nang maunawaan ko ito. Napagdesisyunan ko na kahit anong gawin ng pamilya ko para pigilan ako at kahit anong mga paghihirap ang haharapin ko sa buhay kalaunan, mananatili akong matatag sa aking pananampalataya at susundan ko ang Diyos hanggang sa huli, ipapahiya si Satanas.
Dahil hindi ako pwedeng magtagal sa bahay ng mga magulang ko, kinailangan kong bumalik sa paaralan. Nang makabalik ako, patuloy akong dumadalo sa mga pagtitipon at nagbabahagi ng ebanghelyo. Lalong pinag-igihan ng panganay kong anak na lalaki at ng asawa niya ang pang-aapi nila nang makita nilang hindi ko isinuko ang aking pananampalataya. Madalas silang nagsasabi ng masasakit na bagay sa akin, minumura ako at pinapalayas ako. Kinuha rin nila ang kontrol sa pananalapi ng paaralan ko, iniwan ako na walang kahit isang sentimo. Madalas silang nagsasabi ng masasakit na bagay para lang pasamain ang loob ko, at sa loob ng maikling panahon, palagi akong galit at nahihirapang kumain, kaya sumama ang lagay ng kalusugan ko. Nagdidilim ang paningin ko kapag naglalakad ako, at halos himatayin ako nang ilang beses. Nagkaroon ako ng gastritis, at sobrang sakit ng tiyan ko tuwing gabi na ang tanging paraan para maginhawahan nang kaunti ay ang pagdiin ng unan sa tiyan ko. Kapag hindi ako makatulog sa gabi ay lalabas ako at pupunta sa school grounds at titingnan ang gusali ng pagsasanay, mga opisina, kapiterya at mga dormitory. Ang bigat talaga sa pakiramdam ko habang pinagmamasdan ang paaralang pinaghirapan kong itatag. Napaisip ako kung gaano karaming daan ang nalakbay ko, kung gaano karaming ugnayan ang nabuo ko, at kung gaano ako nagdusa para lamang mabuksan ang paaralang ito. Ngayong nagkamit ako ng kaunting tagumpay, kinukuha naman ito sa akin ng sarili kong anak. Buong buhay kong pinagtrabahuhan iyon. Ngayon, kung pananatilihin ko ang aking pananampalataya, baka mawala ang lahat ng ito. Parang sinasaksak ang puso ko nang maisip ko ito. Sobrang nanghihina ako noong panahong iyon, laging umiiyak nang palihim sa gabi. Lumuluha akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos ko, mawawala sa akin ang negosyong ito na buong buhay kong itinayo, at hindi ko talaga ito kayang bitawan. Gabayan Mo sana ako na malampasan ang sitwasyong ito.”
Kalaunan, ibinahagi sa akin ng mga kapatid ko ang ilang salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas sa pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o maging negatibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus). Namulat ako nang mapag-isipan ko ang mga salita ng Diyos. Noon, dinanas din ni Pedro ang pang-aapi ng kanyang pamilya dahil sa kanyang pananampalataya. Gusto ng pamilya niya na maging tanyag siya at magdala ng karangalan sa pamamahay nila, pero hindi siya napigilan ng mga ito. Nang tawagin siya ng Panginoong Jesus, isinuko niya ang lahat para sundin ang Panginoon at hangarin ang buhay na may kabuluhan. Nagbigay-liwanag sa akin ang karanasan ni Pedro. May tunay na pananampalataya si Pedro sa Diyos at nagawa niyang isuko ang lahat para sumunod sa Kanya. Hinangad niya ang katotohanan, nakilala at minahal niya ang Diyos, sa huli ay nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Maikling panahon pa lang akong mananampalataya at mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan, pero habang iniisip ko ang paghihirap na idinulot sa akin ng nakaraan kong paghahangad ng karangalan at katayuan, at kung titingnan ang landas na tinahak ni Pedro na nagkamit ng pagsang-ayon ng Diyos, tunay na nagbigay-inspirasyon iyon sa akin. Gusto kong tularan ang halimbawa ni Pedro, bitawan ang karangalan at reputasyon, at hangarin ang katotohanan. Kalaunan ay nagpasya akong umalis sa paaralan at patuloy na isagawa ang aking pananampalataya at gawin ang aking tungkulin.
Makalipas ang ilang araw, nagalit nang husto ang ilan sa mga dati kong kaibigan sa militar nang malaman nila ang tungkol sa pagpapalayas sa akin ng anak ko sa paaralan, at kung anu-ano ang inisip nilang paraan para mabawi ko iyon. Tinutuligsa ng lahat ng kaibigan at kamag-anak ko ang kawalan ng katarungan, at tinulungan ako ng kalihim ng nayon sa pamamagitan ng pagbibigay ng opisyal na sertipikasyon na mag-isa kong itinayo ang paaralan, at walang ibang sangkot dito. Nang marinig ko ang lahat ng sinabi nila, naisip ko: “Ngayon, sa sertipikasyong ito, kung tutulungan ako ng mga kaibigan kong militar na mabawi ang paaralan, maibabalik ko ang lahat ng karangalan na nawala sa akin.” Pero napagtanto kong gusto ko na namang hangarin ang karangalan at katayuan, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, humiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas na maghimagsik laban sa laman. Naisip ko ang karanasan ni Job pagkatapos ng aking panalangin. Ang lahat ng kanyang ari-arian ay kinuha sa kanya sa magdamag, at kahit na napakasakit niyon, hindi siya umasa sa sarili niya para bawiin ang mga iyon. Bagkus, nanalangin siya at nagpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang mga ari-arian ko ay malayo sa kabuuan ng kayamanan ni Job, pero kung hindi ako mananalangin at maghahanap sa Diyos sa sitwasyong ito, sa halip ay gugustuhin kong mabawi iyon nang mag-isa, paano iyon naging pagpapasakop sa Diyos? Dagdag pa, kung mabawi ko nga ang paaralan at kailanganin kong gugulin ang buong araw sa pagpapatakbo nito, hindi ako magkakaroon ng lakas na isagawa ang aking pananampalataya at gawin ang tungkulin ko. Ngayong kinuha ng anak ko ang paaralan mula sa akin, maisasagawa ko na ang aking pananampalataya at magagawa ang tungkulin ko nang buong-puso. Magandang bagay iyon. Lubos na pinaaliwalas ng kaisipang ito ang puso ko. Napagtanto ko na kaya hindi ko mabitawan ang paaralan ay dahil lubos akong nagawang tiwali at masyado kong pinahalagahan ang reputasyon at katayuan.
Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos kalaunan: “Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Mula pa noong maliit ako, itinuro na sa akin ng mga magulang ko at mga guro ang mga bagay na tulad ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Kung walang hirap, walang sarap,” “Mamukod-tangi sa lahat,” at “Magbigay karangalan sa iyong mga ninuno.” Malalim na nag-ugat sa puso ko ang mga satanikong pilosopiyang ito, kaya nagkakaroon ako ng baluktot na pananaw sa buhay at sa mga pagpapahalaga nito. Inakala ko na ang pagiging matagumpay, pagiging mas mahusay kaysa sa iba, at pagkakamit ng reputasyon at katayuan ang tanging paraan para maipamuhay ang isang buhay na may integridad at saysay. Handa akong tiisin ang anumang paghihirap para maging tanyag ako. Noong pinamamahalaan ko ang paaralan ng martial arts, ang bawat araw ay nakakapagod. Ginamit ko ang perang pinaghirapan kong kitain para magpalakas sa mga opisyal ng gobyerno, sumisipsip at binobola sila, at namumuhay akong walang dignidad. Kinailangan kong maagang padalhan ng pang-okasyong regalo ang mga pinuno ng pamahalaan, takot na malagay sa alanganin para sa kahit kaunting pagpapabaya. Nakakapanghina ng isipan at katawan ang pagpapanatili ng mga komplikadong relasyon na iyon sa ibang tao, pero nasadlak ako nang husto rito at hindi ko na maialis ang sarili ko. Walang ingat na gumawa ng kung anu-anong masamang gawa ang mga tao sa paligid ko pagkatapos nilang magkaroon ng karangalan at katayuan, nakikisangkot sa katiwalian at panunuhol, nakikipagkita sa mga bayarang babae, at nagsusugal—wala silang limitasyon. Ganyang-ganyan ginagawang tiwali at pinipinsala ni Satanas ang mga tao. Ang pang-aagaw ng anak ko sa paaralang ako mismo ang nagtayo ay dahil din nadaig siya ng tukso ng pakinabang at katayuan. Binalewala niya ang pagmamahalan ng mag-ama para sa pakinabang na iyon. Ipinaalala nito sa akin ang mga sinaunang maharlikang pamilya kung saan nagpapatayan ang magkakapatid, mga ama at mga anak para agawin ang trono. Iyan ang mga maling paniniwala at maladiyablong salita ni Satanas na gumagawang tiwali sa mga tao hanggang sa puntong lubos na silang nawawalan ng pagkatao at katwiran. Sa puntong iyon ay nakita ko kung paanong ang reputasyon at katayuan ay mga kadenang pinanggagapos ni Satanas sa sangkatauhan. Kung tayo ay mamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, maghahanap ng reputasyon at katayuan, lalo’t lalo lang tayong magiging tiwali at magiging pasakit nang pasakit ang mabuhay. Ayaw na ng Diyos na nakikita akong ginagawang tiwali ni Satanas, kung kaya nang lubog na lubog ako sa reputasyon at katayuan, ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang paghahangad sa katotohanan ang tamang landas, ang tanging paraan para mamuhay ng isang makabuluhang buhay. Ako ay iginapos at pinigil ng mga satanikong pilosopiya, kaya nang mawala ang ligaya ng pera, reputasyon, at katayuan, nahirapan akong pakawalan ang mga ito, at naging miserable ako. Ginusto ko pa ngang magsampa ng kaso para mabawi ang mga bagay na iyon. Napakahangal ko. Kung ganoon ang ginawa ko, patuloy ko lang hahayaan si Satanas na pinsalain ako, at sa huli ay mawawasak ako kasama nito. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?” (Mateo 16:26). Totoo iyon. Kahit gaano pa karami ang pera o gaano kataas ang reputasyon ng isang tao, hindi nito mabibili ang katotohanan o ang buhay! Ngayon, nawala sa akin ang mga ari-arian, reputasyon at katayuan na binuo ko sa halos buong buhay ko, pero sa pamamagitan ng karanasang ito ay natutuhan ko kung paano nakakapinsala sa mga tao ang mga bagay na ito, at kung gaano kanakakatakot ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Natutuhan ko rin ang kahulugan at halaga ng paghahangad ng katotohanan, at nagawang bitiwan ang mga materyal na pag-aari para sundin ang Diyos at gawin ang tungkulin ko. Ito ang dakilang pagliligtas ng Diyos sa akin. Sa sandaling naunawaan ko na ang layunin ng Diyos, hindi ko na nais pang makipag-away sa aking anak o kasuhan siya. Tumuon na lang ako sa pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, wastong paghahangad sa katotohanan, at paggawa ng tungkulin ko.
Simula noon, ibinabahagi ko na ang ebanghelyo sa iglesia at ginagawa ang tungkulin ko. Bagamat hindi na ako hinahangaan ng iba, mas payapa na ang pakiramdam ko kaysa noon, at ang bawat araw ay kasiya-siya. Natitiyak ko sa aking puso na ang pananampalataya at pagsunod sa Diyos ang pinakamagandang pasya at ang pinakamakabuluhang paraan para mabuhay. Salamat sa Diyos!