25. Siniil ng Aking Pamilya: Isang Karanasang Nagbibigay-aral
Tinanggap ko ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong 2016, at ibinahagi ko ang ebanghelyo sa asawa ko. Matapos kong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, napansin niya na nagbago ang buong asal ko, at naging mas pasensyosa ako. Kaya nadama ng asawa ko na talagang mabuting bagay ang pananalig sa Diyos, at sinuportahan niya ang pananalig ko. Ngunit sinabi niya na siya mismo ay walang oras na manalig sa Diyos, at gusto lang niyang kumita ng pera. Pagkatapos isang araw, nang umuwi siya galing sa trabaho, tinanong niya ako, “Naniniwala ka sa ‘Kidlat ng Silanganan,’ hindi ba? Isinabay ko pauwi si Mike ngayong araw at sinabi niya sa akin na sinasabi ng lahat ng pastor at elder ng simbahan niya na ang Kidlat ng Silanganan ay hindi ang tunay na daan, matatayog ang mga sermon nito at madaling makalinlang. Hinimok ako ni Mike na paalalahanan ka na huwag makinig sa mga sermon ng Kidlat ng Silanganan.” Superiyor ng asawa ko si Mike, matagal na siyang mananampalataya sa Panginoon, at talagang may talento. Hinahangaan siya nang husto ng asawa ko. Nakita kong naniniwala ang asawa ko sa sinabi ni Mike, kaya sinabi ko sa kanya, “Hindi mo nauunawaan ang pananampalataya sa Diyos, kaya hindi mo pwedeng ulitin lang ang sinasabi ng ibang tao.” Nag-atubili siya sandali, at pagkatapos ay hindi umimik.
Paglipas ng ilang panahon, naging sobrang seryoso ang asawa ko isang araw at sinabi sa akin, “Nagsaliksik ako online, at ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan mo ay ang Kidlat ng Silanganan na tinutugis ng Chinese Communist Party (CCP). Maraming opinyon online tungkol sa Makapangyarihang Diyos, na nagsasabi na Siya ay isang tao lamang, hindi Diyos, at dinadala nila ang mga tao sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para mangikil ng pera mula sa mga ito. Kaya mula ngayon, hindi ka na pwedeng makisalamuha sa mga taong mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Natatakot ako na baka maloko ka.” Nang marinig kong sabihin iyon ng asawa ko, talagang nagalit ako at sinabing, “Marami sa mga online na tsismis na iyon ay gawa-gawa at ikinakalat ng CCP. Hindi mo pa nababasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at hindi mo nauunawaan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, kaya hindi ka dapat gumawa ng mga hindi makatwirang paghatol batay sa online na tsismis. Alam mo na nananalig ang lahat ng Kristiyano sa Panginoong Jesus at kinikilala na Siya ang tunay na Diyos. Pero dalawang libong taon ang nakararaan nang pumarito ang Panginoong Jesus upang gawin ang Kanyang gawain, maraming tao ang kumondena at tumatwa sa Kanya. Sinabi nilang isa lang Siyang ordinaryong tao, anak ng isang karpentero. Bagama’t mukhang isang ordinaryong tao ang Panginoong Jesus sa panlabas, mayroon Siyang banal na diwa, at kakayahang ipahayag ang katotohanan at tubusin ang sangkatauhan. Siya ang Espiritu ng Diyos na nakabihis ng katawang-tao, ang Manunubos ng sangkatauhan. Ayon sa CCP, ang sinumang mukhang ordinaryong tao sa panlabas ay hindi Diyos. Hindi ba’t itinatatwa rin niyon ang Panginoong Jesucristo? Tulad ng Panginoong Jesus, ordinaryong tao sa panlabas ang Makapangyarihang Diyos, pero kaya Niyang ipahayag ang katotohanan, ang tinig ng Diyos. Siya ang Tagapagligtas na pumarito sa lupa. Napakarami ko nang nabasang salita ng Makapangyarihang Diyos. Ibinubunyag Niya ang maraming misteryo sa Bibliya, at ipinapakita kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, ang ugat ng lahat ng kadiliman at kasamaan sa mundo, at ang katotohanan tungkol sa katiwalian ng sangkatauhan. Ipinapakita rin sa atin ng Kanyang salita ang landas para mapalaya sa kasalanan, matanggap ang kaligtasan ng Diyos, at makapasok sa kaharian ng langit. Walang sikat o dakilang tao ang kayang magpahayag ng mga katotohanang ito. Sa lahat ng sangkatauhan, sino ang kayang magpahayag ng katotohanan? Sino ang kayang tumubos at magligtas sa sangkatauhan? Walang sinuman. Nagpapatunay ito na ang Makapangyarihang Diyos ay talagang Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao na pumarito sa mundo ng mga tao, at na Siya ang nag-iisang tunay na Diyos. Sa online, sinasabi ng ilan na ang Makapangyarihang Diyos ay isang tao, at hindi Diyos. Ngunit ang lahat ng bagay na iyon ay mga tsismis at mga maladiyablong salita na lumalapastangan sa Diyos.” Sinabi ko rin sa asawa ko na ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hindi kailanman nanghingi ng mga kontribusyon. Ang lahat ng aklat ng salita ng Diyos na aming binabasa ay ipinapamahagi nang libre. Ang mga sinasabi ng CCP na ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nangingikil ng pera mula sa mga tao ay pawang mga tsismis at paninirang-puri. Sinabi ko sa kanya na huwag maniwala sa walang katuturang panlilinlang na iyon. Pero pagkatapos marinig ang sinabi ko, umalis siya nang walang sabi-sabi.
Minsan nang bumalik ako mula sa pagbabahagi ng ebanghelyo, mukhang hindi natutuwa ang asawa ko at sinabi sa akin, “Nagsaliksik ako online, at nakita ko na inaabandona ng mga taong nananalig sa Makapangyarihang Diyos ang kanilang pamilya. Madalas kang lumalabas nitong huli. Nagpaplano ka na bang umalis?” Sabi ko, “Inaalagaan kong mabuti ang tahanan natin. Paanong aabandonahin ko ito? Lumalabas ako para ibahagi ang ebanghelyo, para malaman ng mga tao na pumarito na ang Tagapagligtas at matanggap nila ang Kanyang pagliligtas. Paanong nangangahulugan iyon na aabandonahin ko ang pamilya ko? Nakita mo na kung paanong palaging nagiging mas tiwali ang mga tao, sumusunod sa masasamang kalakaran at namumuhay sa kasalanan. Tingnan mo ang mga kaibigan mo—lahat sila ay kung hindi nagsusugal ay nagpupunta sa mga bayarang babae. Naging napakasama na ng mundo. Itinatatwa at nilalabanan ng sangkatauhan ang Diyos, at nasa pinakarurok ang katiwalian. Ipinopropesiya ng Bibliya na magkakaroon ng malalaking sakuna sa mga huling araw na wawasak sa tiwaling sangkatauhan. Sa kasalukuyang kapanahunan, patindi nang patindi ang mga sakuna. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Makapangyarihang Diyos, at pagwawaksi sa kasalanan at katiwalian, mapoprotektahan ng Diyos ang sangkatauhan, makaliligtas sa gitna ng sakuna, at makakapasok sa Kanyang kaharian. Kaming mga nananalig sa Makapangyarihang Diyos ay nauunawaan ang Kanyang agarang layunin na mailigtas ang sangkatauhan; tinatalikuran namin ang mga kasiyahan ng laman, at ipinapalaganap at pinatototohanan ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ito ay tama at makatarungan! Pero hindi pinapayagan ng CCP ang mga tao na manalig sa Diyos, magbahagi ng ebanghelyo, o magpatotoo sa Kanya. Parang baliw na inaaresto at inuusig ng CCP ang mga Kristiyano, nagsasanhi para iwan ng maraming Kristiyano ang kanilang pamilya, hindi makabalik, at ang ilan ay naaresto pa at nakulong, o nausig hanggang mamatay. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay resulta ng pang-uusig ng CCP sa mga Kristiyano? Pero gumagawa ng mga maling paratang sa mga biktima ang CCP, sinasabing inaabandona ng mga taong nananalig sa Diyos ang kanilang pamilya. Hindi ba iyon pagbaluktot sa mga katunayan, at pagbaligtad sa katotohanan? Masama ang CCP, at puro kasinungalingan lang ang sinasabi. Bukod sa hindi mo kinamumuhian ang CCP—pinaniniwalaan mo pa ang mga mga maladiyablong salita nila. Nakikiayon ka lang sa CCP, sinasabing kaming mga nananalig sa Diyos ay iniiwan ang pamilya namin. Pinalalabo niyan ang tama at mali.” Ngunit nalinlang ang asawa ko ng mga kasinungalingan ng CCP, at ayaw makinig sa anumang sinabi ko. Nagalit siya nang husto at sinabing, “Wala akong pakialam. Maaari kang maniwala sa anumang gusto mo, ngunit hindi ka pwedeng manalig sa Makapangyarihang Diyos.” Nang makita ko kung gaano kalupit ang ugali niya, nataranta ako. Mahigit isang dekada na kaming kasal, at pinagdaanan na namin ang maraming paghihirap nang magkasama. Anuman ang mga isyu na aming kinaharap, pinag-usapan namin nang magkasama, at sinuportahan ang isa’t isa, nang walang anumang malaking pagtatalo. Ngunit ngayon ay galit na galit siya sa akin dahil sa aking pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Nalungkot ako, at tahimik na nagdasal, umaasang gagabayan ako ng Diyos na maunawaan ang Kanyang layunin. Pagkatapos manalangin, naalala ko ito sa salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Tinulungan ako ng salita ng Diyos na maunawaan na sa panlabas, parang hinahadlangan ng asawa ko ang pananalig ko sa Diyos. Ngunit sa totoo lang, ang panghihimasok ni Satanas ang nasa likod ng lahat. Nais ni Satanas na pamunuan at angkinin ang mga tao magpakailanman, at ginawa nito ang lahat para hadlangan ako sa pananalig at pagsunod sa Diyos. Ginamit ni Satanas ang mga tsismis at kasinungalingan para ilihis ang asawa ko nang sa gayon ay hadlangan at usigin niya ako; bilang resulta, mapipigilan ako ng pagmamahal ko para sa aking asawa, at tatalikdan ko ang tunay na daan at ipagkakanulo ang Diyos. Napakamapanlinlang at malisyoso ni Satanas! Matapos maunawaan iyon, napagpasyahan ko na kahit gaano man manghimasok si Satanas, mananatili akong nakatuon sa pananalig at pagsunod sa Diyos, at hindi kailanman makikipagkompromiso kay Satanas! Kaya sinabi ko sa asawa ko, “Nananalig ako at sumusunod sa Diyos. Ito ang tamang landas ng buhay. Ito ang pasya ko, at wala kang karapatang makialam!” Walang masabi ang asawa ko. Galit na galit siya, at padabog na umalis.
Isang araw nang makita ako ng asawa ko na nakikinig sa mga himno ng salita ng Diyos, agad siyang sumimangot at galit na sinabi, “Hindi ba sinabi ko sa iyo na bawal kang manalig sa Makapangyarihang Diyos? Bakit hindi ka nakikinig? Maraming taon nang nananalig sa Panginoon si Mike, at isa siyang debotong Kristiyano. Sinabi niya sa akin na ang Kidlat ng Silanganan ay hindi ang tunay na daan. Kaya kung gusto mong manalig sa Diyos, pwede kang pumunta sa simbahan ni Mike. Malaki ito at may magandang reputasyon. Kung gusto mong pumunta, pwede kitang samahan. Puwede tayong magkasamang pumunta linggo-linggo, at maaaring sabihan ni Mike ang pastor niya na kausapin ka.” Sinabi ko sa kanya, “Bakit ka naniniwala sa sinasabi ni Mike at labis mong iginagalang ang pastor na iyon? Nakikita mo lang na ang pastor ay may mga kredensyal, at magandang reputasyon, ngunit hindi mo tinitingnan kung ano talaga ang kanilang ipinangangaral. Tinatalakay lang nila ang tungkol sa biblikal na kaalaman at mga doktrina, ang parehong mga lumang salaysay. Ngunit pagdating sa pagsasagawa ng mga salita ng Panginoon o paglutas sa problema ng mga taong namumuhay sa kasalanan, wala talaga silang nasasabi. Wala akong mapapala sa pagdalo sa simbahang iyon. Nakakakuha ako ng kasiyahan at panustos mula sa mga pagtitipon ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at mas nauunawaan ko ang katotohanan, at nalalaman kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Ikaw na mismo ang nagsabi na matapos akong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, medyo nagbago ako. Kaya bakit hindi ka magsalita batay sa mga katunayan, at tumigil na sa paniniwala sa mga tsismis at pagpigil sa akin na manalig sa Makapangyarihang Diyos?” Hindi niya iyon mapabulaanan, kaya binantaan na lang niya ako, sinasabing: “Sinusubukan kong hikayatin ka, ngunit hindi ka nakikinig. Kung ipipilit mong manalig sa Makapangyarihang Diyos, ibigay mo sa akin ang lahat ng pera at ipon mo sa bangko, at ilipat ang bahay na nasa ilalim ng pangalan mo sa pangalan ko.” Parang sinaksak ng kutsilyo ang puso ko nang marinig kong sinabi niya iyon. Sa buong panahon ng pagsasama namin, lagi akong nagtitipid at nagsusumikap para kumita ng pera. Hindi naging madali ang pag-iipon ng down payment at pagbili ng bahay. Nag-atubili pa nga akong bumili ng bagong damit. Lubos akong nakatuon sa aming tahanan, at hindi ko akalain na masasabi sa akin ng asawa ko ang gayong walang pusong mga bagay. Paano niya nababalewala ang lahat ng taon naming magkasama bilang mag-asawa dahil lang sa pananampalataya ko sa Diyos? Kung walang pera o ari-arian, kapag pinalayas niya ako, ano ang gagawin ko? Kapag naiisip ko ang lahat ng ito, parang sinasaksak ng kutsilyo ang puso ko. Pumasok ako sa kuwarto at nagsimulang umiyak, nagdarasal sa Diyos sa aking pagluha, “Diyos ko, nanghihina at nasasaktan po ako. Hindi ko alam kung paano lalampasan ang ganito. Pakiusap, gabayan Mo po ako na maunawaan ang layunin Mo.” Matapos kong magdasal, naisip ko ang salita ng Diyos: “Noong araw, lahat ng tao ay humaharap sa Diyos para gawin ang kanilang mga pagpapasya, at sinasabing: ‘Kahit wala nang ibang nagmamahal sa Diyos, kailangan ko Siyang mahalin.’ Ngunit ngayon, sumasapit sa iyo ang pagpipino, at dahil hindi ito nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, nawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos. Tunay na pagmamahal ba ito? Nabasa mo na nang maraming beses ang mga gawa ni Job—nalimutan mo na ba ang mga iyon? Ang tunay na pagmamahal ay nabubuo lamang kapag may pananampalataya. Nagkakaroon ka ng tunay na pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng mga pagpipinong pinagdaraanan mo, at sa pamamagitan ng iyong pananampalataya ay nagagawa mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos sa iyong mga praktikal na karanasan, at sa pamamagitan din ng pananampalataya ay naghihimagsik ka laban sa iyong sariling laman at hinahangad mo ang buhay; ito ang dapat gawin ng mga tao. Kung gagawin mo ito, makikita mo ang mga kilos ng Diyos, ngunit kung wala kang pananampalataya, hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos o mararanasan ang Kanyang gawain” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Binigyan ako ng lakas ng salita ng Diyos. Sa harap ng pang-aapi at mga paghihirap, ang nais ng Diyos ay tunay na pananampalataya at pagmamahal. Anuman ang pinagdaraanan natin, o gaano man tayo nagdurusa, hindi tayo pwedeng lumihis sa Kanya. Napakasuwerte ko na marinig ang tinig ng Diyos sa mga huling araw, masalubong ang pagbabalik ng Panginoon, masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, at matamasa ang panustos ng napakaraming katotohanan. Ito ang pagliligtas ng Diyos. May halaga at kabuluhan ang pagdurusa para makasunod kay Cristo. Ito ay pag-uusig alang-alang sa pagiging matuwid. Naisip ko ang mga apostol at disipulo ng Panginoong Jesus, na sumunod sa Diyos at nagpatotoo para sa Kanya. Brutal silang inusig ng pamahalaang Romano, kinondena at sinupil ng mga lider ng relihiyon, at nagpakamartir pa para sa Panginoon, nag-alay ng kanilang buhay. Kung ikukumpara sa mga santo noon, hindi man lang kabanggit-banggit ang pagdurusa ko ngayon. Hindi ako dapat maawa sa aking sarili, kundi dapat matuto ako mula sa kanila, at sundan ang Diyos hanggang sa huli gaano man katindi ang pagdurusa. Sa pag-iisip tungkol sa mga bagay na ito, pinunasan ko ang aking mga luha, lumabas ng kwarto, at sinabi sa asawa ko: “Mahigit isang dekada na tayong kasal, at tapat ako sa ating tahanan. Ngayon ay gusto mong kunin ang lahat ng pera at ari-arian ko, at pinansiyal akong kontrolin upang pilitin akong talikuran ang tunay na daan. Pero hindi ako makikinig sa iyo. Dapat akong manampalataya sa Diyos!” Nang marinig ng asawa ko ang sinabi ko, nagalit siya, na para bang nawala siya sa katinuan. Inagaw niya ang aking MP3 player, at pagkatapos ay kinalkal niya ang lahat ng personal kong gamit. Kinuha niya ang lahat ng dokumento ng pagkakakilanlan ko, ang mga alahas kong ginto at pilak, at ang mga bank card at pera ko. Hinablot din niya ang cellphone ko, inihagis iyon sa sahig, at pagkatapos ay kumuha siya ng isang bangkito at binasag ang cellphone, iniwan itong durog-durog. Ginawa niya iyon para putulin ang ugnayan ko sa mundo sa labas. Pagkatapos ay pinapunta niya sa bahay namin ang aking mga magulang, mga kapatid na babae at bayaw, at pinagkaisahan nila akong lahat.
Regular na nanonood ng Chinese news media ang mga kapamilya ko at wala silang pagkakilala tungkol sa CCP. Lubos lang nilang pinaniniwalaan ang pahayag ng CCP. Nakakita ang mga kapatid ko ng maraming mapanirang tsismis online na ginawa ng CCP tungkol sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at pinakitaan ako ng mga bagay na inimbento ng CCP tungkol sa kaso ng Zhaoyuan. Sinabi ko sa kanila, “Alam ko ang lahat ng iyan. Nilitis sa korte ng CCP ang kaso ng Zhaoyuan, at itinanggi ng lahat ng kriminal na kabilang sila sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sa korte, malinaw nilang sinabi na hindi sila kailanman nagkaroon ng anumang ugnayan sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, pero iginiit ng hukom ng CCP na sila ay mga kasapi ng iglesia. Hindi ba’t pagdidiin at paninisi iyon sa iglesia? Hindi ba’t isa itong huwad na legal na kasong gawa-gawa ng CCP? Alam ninyong lahat na isang ateistang partidong pampulitika ang CCP, at inuusig na nito ang mga relihiyosong paniniwala mula pa nang mapunta ito sa kapangyarihan. Kaya paano ninyo nagagawang maniwala sa anumang sinasabi ng CCP laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos?” Ngunit nalinlang na ng CCP ang aking dalawang kapatid na babae, at hindi gumamit ng anumang pangilatis tungkol sa mga tsismis na ikinakalat niyon. Sinabi nila sa akin, “Kung maraming kilalang news outlet ang nagsasabi niyan, paano ito magiging mali?” Sabi ko, “Lahat ng Chinese news media outlet ay kontrolado ng gobyerno ng CCP—mga tagapagsalita sila ng CCP. Kailangan nilang sabihin ang anumang sabihin sa kanila ng CCP, at hindi sila nangangahas na iulat ang mga tunay na pangyayari. Binayaran din ng CCP ang ilang dayuhang media outlet, at ang mga ito rin ay nagsasalita para sa CCP. Hindi ba malinaw sa inyo ang alinman dito? Mas malakas ang mga katunayan kaysa sa mga salita, at hinihimok ko kayong buksan ang inyong mga mata at itigil ang bulag na paniniwala sa mga tsismis na naririnig ninyo.” Nang matapos ako, wala na silang masabi. Nagalit ang aking ina, at sinabing, “Marami sa amin ang sumubok na kausapin ka, ngunit hindi ka nakikinig. Mahirap ba talaga para sa iyo na isuko ang Makapangyarihang Diyos? Nag-aalala sa iyo ang buong pamilya dahil sa pananampalataya mo. Bakit ayaw mong makinig sa payo namin?” Pagkatapos ay nagsimula siyang umiyak. Napakahirap sa akin na makitang malungkot ang mama ko. Siya ang nagpalaki sa aming tatlo nang mag-isa, at nagdusa siya nang husto. Ngayon ay matanda na siya, at binibigyan ko pa rin siya ng alalahanin. Maluha-luha ako sa isiping iyon. Pagkatapos ay sinabi ng aking nakababatang kapatid, “Ginagalit mo ba ang mama natin? Siya ba ang gusto mo, o ang Makapangyarihang Diyos?” Malamig na sinabi ng isa ko pang kapatid, “Kung ipagpipilitan mong manalig sa Makapangyarihang Diyos, huwag mo kaming sisihin sa hindi pagtrato sa iyo na kapamilya. Isusuplong ka namin sa pulisya, at sasabihing nanloko ka ng mga tao at kinuha mo ang kanilang pera. Pagkatapos ay ipapadeport ka nila sa Tsina. Baka nakakalimutan mo, ang tanging paraan kaya nakapag-apply ka papuntang Canada ay dahil inisponsoran kita.” Nang marinig ko iyon, galit na galit ako. Hindi ko akalain na makakagawa sila ng gayon kamalisyoso at kasuklam-suklam na mga taktika para bantaan ako, at pilitin akong talikuran ang aking pananampalataya sa Diyos. Pero hindi nila ako maloloko. Naturalized Canadian citizen na ako, kaya hindi nila ako pwedeng basta-bastang kasuhan ng isang krimen at ipadeport. Napakasakit na makita ang sarili kong pamilya na sinusupil ako nang ganoon, at hindi ko napigilan ang mga luha ko. Pero nang sandaling iyon, naalala ko ang isang himno ng iglesia, “Kasama Ka Hanggang Wakas”: “Ang Iyong mga salita’t gawain ay gumagabay sa akin, at ang Iyong pag-ibig ay umaakit sa aking sumunod sa Iyo. Kinakain, iniinom at tinatamasa ko ang Iyong mga salita araw-araw. Ikaw ang aking laging kasama. Kapag ako’y negatibo at mahina, ang Iyong mga salita ang aking panustos at lakas. Kapag ako’y dumaranas ng mga dagok at pagkabigo, ang Iyong mga salita ang tumutulong sa aking bumangon. Kapag ako’y sinasalakay ni Satanas, ang Iyong mga salita ang nagbibigay sa akin ng tapang at karunungan. Kapag nahaharap ako sa mga pagsubok at pagpipino, ginagabayan ako ng Iyong mga salita para manindigan sa aking patotoo. Sinasamahan at ginagabayan ako ng Iyong mga salita, at ang puso ko’y masigla at panatag. Totoong-totoo ang Iyong pag-ibig, at ang puso ko’y puno ng pasasalamat” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Kahit na hindi ako naiintindihan ng aking pamilya at sinisiil ako, ang Diyos ay laging nasa tabi ko, ginagamit ang Kanyang salita upang bigyan ako ng kaliwanagan at gabayan ako, at tulungan akong mahalata ang mga panlalansi ni Satanas. Ginamit din ng Diyos ang Kanyang mga salita para aliwin ako, at bigyan ako ng kumpiyansa at lakas. Sa pag-iisip ng mga bagay sa ganoong paraan, hindi na ako gaanong nakaramdam ng pagkalumbay. Naalala ko rin ang salita ng Diyos: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. … Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Sa pagninilay sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ang landas tungo sa kaharian ng langit ay puno ng mga paghihirap, na hindi maiiwasan ninuman. Ang panunupil at mga pag-atake ng pamilya ko ay binigyan ako ng pagkakataon na magpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas, magkamit ng patnubay at kaliwanagan ng Diyos, at magkaroon ng pananalig at pagkakilala. Hinding-hindi ko makukuha ang mga bagay na ito sa isang komportableng kapaligiran. Ang pagdurusang iyon ay may halaga at kabuluhan! Dahil matatag akong naniniwala na ito ang tunay na daan, at ang gawain ng Diyos, gaano man karaming panunupil at pagdurusa ang harapin ko, ipagpapatuloy ko ang pagsunod sa Kanya.
Nang makitang hindi ako makikipagkompromiso, nagalit ang asawa ko. Naging napaka-agresibo niya at sinabing, “Alam kong kaibigan mo ang nangumbinsi sa iyo na manalig sa Makapangyarihang Diyos. Kinaladkad ka niya papasok sa iglesia para maloko ka nila para sa pera mo. Labis ko siyang kinamumuhian. Maniwala ka man o hindi, papatayin ko siya, kahit na ibig sabihin niyon ay makukulong ako.” Nakakagulat at nakakatakot na marinig siyang sabihin ito, at hindi ko naiwasang magsimulang manginig. Kahit kailan ay hindi ko talaga inakala na ang lalaking kinasama ko sa loob ng mahigit sampung taon ay pwedeng biglang magbago at maging mapaghangad ng masama. Paanong siya ang asawa ko? Malinaw na isa siyang diyablo na kinamumuhian ang Diyos at ang katotohanan! Nakakapagsabi pa siya ng mga gayong malisyosong bagay para mapigilan ako sa pananalig sa Diyos. Nang makita ang napakalupit na katangian ng asawa ko, natakot akong papatayin niya talaga ang kaibigan ko. Bago pa ako magkaroon ng pagkakataong makabawi, sinabi sa akin ni mama, “Mukhang mag-aaway kayong dalawa. Kumuha ka ng ilang damit at tumuloy ka muna sa bahay ko ng ilang araw. Huwag kang makipag-ugnayan sa labas o pumasok sa trabaho. Manatili ka lang sa bahay, at pag-isipan mo ang nagawa mo.” Nag-alala ako nang marinig kong sabihin iyon ng mama ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng asawa ko kapag nagalit siya. Nadurog at wala nang silbi ang cellphone ko, at kapag nasa bahay ng mama ko, hindi ko makokontak ang sinuman, ni hindi ako makakapasok sa trabaho. Hindi ba’t pagkukulong iyon sa akin sa bahay? Paano ko mababalaan ang kaibigan ko, makikipag-ugnayan sa iglesia, o matatahak ang buhay-iglesia? Agad akong tumawag sa Diyos, humihiling sa Kanya na gabayan ako. Pagkatapos ay naalala ko na sa mga bansang Kanluranin, protektado ang mga paniniwalang panrelihiyon, at hindi sila nakikialam sa kalayaan sa paniniwala ng mga tao. Sinabi ng pamilya kong gusto nila akong isuplong sa mga pulis, at siraan ako. Pero pwede rin akong magsampa ng reklamo sa mga pulis, na magpoprotekta sa kaibigan ko, at magpapasangkot sa mga pulis para hindi na mangahas ang pamilya ko na gumawa ng anumang kapusukan. Kaya sabi ko sa mama ko, “Ayokong pumunta sa bahay mo. Gusto kong magsampa ng police report.” Natigilan sila nang marinig iyon. Agad akong umalis at pumunta sa himpilan ng pulisya, at sinabi ko sa mga pulis na inuusig ako ng pamilya ko dahil sa pananalig ko sa Diyos. Matapos marinig ng mga pulis ang kuwento ko, halos hindi nila akalain na pwedeng mangyari ang ganoong bagay sa isang bansang Kanluranin. Nakisimpatya sila, at hinatid ako pauwi sa bahay. Binalaan ng mga pulis ang asawa at pamilya ko, sinasabing, “Sa mga bansang Kanluranin, mayroon tayong kalayaan sa paniniwalang panrelihiyon. Hindi ninyo pwedeng pakialaman ang kanyang paniniwala o paghigpitan ang kanyang personal na kalayaan. Kung gusto niyang pumasok sa trabaho, hindi ninyo siya pwedeng pigilan. Dagdag pa riyan, ang mga dokumento ng pagkakakilanlan ay personal na pag-aari, at dapat ninyong ibalik ang mga ito sa kanya.” Matapos marinig ang sinabi ng mga pulis, hindi na sila nangahas na subukang pilitin ako. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos, at pinasalamatan ko Siya sa pagbibigay sa akin ng daan palabas.
Napapailalim sa mga legal na limitasyon ang asawa ko, kaya hindi siya nangahas na direkta akong pilitin o pigilang manalig sa Diyos. Ngunit matibay siya, at patuloy na nag-isip ng mga paraan para pilitin akong isuko ang pananampalataya ko sa Diyos. Makalipas ang dalawang araw, ginipit niya ako na ilipat sa pangalan niya ang bahay. Medyo nabahala ako nang sabihin niya iyon. Dalawang araw lang ang nakararaan, kinumpiska niya ang lahat ng pera at alahas kong ginto at pilak, at ngayon gusto niyang ilipat ko sa pangalan niya ang bahay. Kaya kung pipilitin niya akong umalis sa bahay namin, walang matitira sa akin. At hindi ako tatanggapin ng mga magulang at kapatid ko. Sa pag-iisip sa lahat ng iyon, ang hirap tanggapin, pero naalala ko ang salita ng Diyos: “Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagmamasid sa taong ito, at kapag pinapaboran at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang iligaw ang taong ito at ilagay sa kapahamakan. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang buktot na kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang layunin ni Satanas?” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). “Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na nailigtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong nailigtas ng Diyos ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila tinatalikdan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga taong nailigtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may pagkaunawa sila sa hustisya at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang magmalasakit sa Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas; sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Si Job ay may tunay na pananalig sa Diyos, masunurin, at may takot sa Diyos, kaya nagawa niyang manindigan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas, at mapalaya ang sarili sa mga gapos at akusasyon ni Satanas. Naniwala si Job na pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, at na ang lahat ng pag-aari niya ay ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Kaya nagbigay man o nag-alis ang Diyos, nagawa ni Job na tumanggap at magpasakop. Nang mawala kay Job ang kanyang pag-aari at mga anak, at kahit nang magkaroon ng mga pigsa ang buong katawan niya, hindi pa rin siya nagreklamo sa Diyos, bagkus ay pinuri niya ang pangalan ng Diyos gaya ng dati. Sinabi ng asawa niya kay Job, “Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). At kinagalitan ito ni Job, sinasabing, “Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng isa sa mga hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Talagang naging inspirasyon sa akin ang patotoo ni Job, at gusto ko siyang tularan. Paano man ako supilin ng asawa ko, o gaano man karaming pag-aari ang kunin niya sa akin, at kahit pa palayasin niya ako sa bahay at walang itira sa akin, aasa pa rin ako sa aking pananampalataya na sumunod sa Diyos, maninindigan sa aking patotoo, at ipapahiya si Satanas.
Kinabukasan nang pumunta kami sa bangko upang ilipat ang mortgage sa aming bahay, sinabi sa amin ng empleyado ng bangko na ang mortgage namin ay isang bagong utang. Kaya kung gusto naming makakuha ng bagong mortgage, talagang magiging kumplikado ang proseso at malulugi kami nang husto. Iminungkahi ng empleyado ng bangko na kung posible, maghintay pa kami ng limang taon, at gawin ang paglilipat kapag nag-expire na ang orihinal na haba ng pagbabayad ng mortgage. Walang magawa ang asawa ko, kaya sumuko na siya. Pagkatapos niyon, muli akong nakipag-ugnayan sa aking mga kapatid. Nang malaman ng asawa ko, tinanong niya ako, “Patuloy ka bang dadalo sa mga pagtitipon?” Sumagot ako, “Gusto mo pa rin bang pigilan ako sa pagdalo sa mga pagtitipon? Kung gayon, maaari akong umalis at tumira sa ibang lugar. Hindi ba lagi kang nag-aalala na kung mananalig ako sa Makapangyarihang Diyos ay may manlilinlang sa akin, at iiwan ko ang aking pamilya? Sa buong panahon na naging mananampalataya ako, nilinlang ba ako ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para sa anumang pera? Iniwan ko ba ang ating pamilya gaya ng sinasabi ng mga tsismis tungkol sa mga mananampalataya?” Natigilan ang asawa ko. Pagkaraan ng ilang sandali ay sinabi niya, “Tama ka. Hindi ko nakita na nilinlang ka para sa anumang pera ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at hindi mo pinabayaan ang ating pamilya. Masyado akong nagpauto sa mga tsismis na iyon, at gusto ko lang pigilan ka dahil natatakot akong maloloko ka. Mula ngayon, maaari ka nang maniwala sa anumang gusto mo.” Tuwang-tuwa ako na hindi na susubukan ng aking asawa na kontrolin ang aking pananampalataya sa Diyos o pigilan akong muli na dumalo sa mga pagtitipon. Kalaunan, nagsimula niyang maramdaman na ang pamamahala sa pera ay hindi niya kalakasan, at ang pag-aasikaso sa aming mga pananalapi ay nangangailangan ng maraming oras at pagsisikap, kaya ibinigay niya ang lahat ng aming pondo at hinayaan akong pamahalaan ang mga ito. At hindi na niya binanggit muli ang paglilipat ng mortgage sa kanyang pangalan.
Sa pagdanas ng paniniil ng aking pamilya, nakita ko kung gaano talaga kasama ang CCP. Hindi lamang naghuhuramentado ang CCP sa pagsupil, pag-uusig, at pag-aresto sa mga Kristiyano sa Tsina, ngunit walang pakundangan ding gumagawa ng mga tsismis online upang siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nais ng CCP na ilihis ang buong mundo na mapoot sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, pumanig dito at lumaban sa Diyos, at makondena sa impiyerno at parusahan kasama nito. Ang CCP ay isang demonyo, isang masamang espiritu na lumalaban sa Diyos, at nililihis at nilalamon ang mga tao. Bagama’t si Satanas ay masama at kasuklam-suklam, isinasagawa ang karunungan ng Diyos batay sa mga pakana ni Satanas. Nais ni Satanas na gamitin ang paniniil ng aking pamilya upang ipagkanulo ko ang Diyos at maiwala ang aking pagkakataong maligtas, ngunit hindi nito naisip na magagamit ko ang karanasang iyon upang magkaroon ng pagkakilala, at talagang makita ang kapangitan ni Satanas. Sa puso ko, isinumpa at tinalikdan ko na si Satanas, at lalo pang lumakas ang pananampalataya ko sa Diyos. Salamat sa Diyos!