17. Ano ang Nasa Likod ng mga Pagkaramdam ng Imperiyoridad?
Noong una akong maging lider, nakapareha ko si Sister Chen Xiao. Nang makita ko na may mahusay na kakayahan si Chen Xiao at matapang at determinado siya sa kanyang paggawa, samantalang ako ay hindi mahusay magsalita, may sunud-sunurang personalidad, at may nakakahiya na bahagyang pagkaunawa lang sa mga kasanayang kailangan para sa paggawa ko, nakaramdam ako ng imperiyoridad at pakiramdam na hindi ako akmang maging lider. Pagkatapos maobserbahan kung paanong mahusay na nagbahagi si Chen Xiao at nangasiwa sa lahat ng klase ng problema habang asiwang nakaupo lang ako sa tabi, lalo kong nasigurado na wala akong kakayahan at mas lalo akong nasiraan ng loob. Nanatili ako sa ganoong kalagayan ng maraming buwan. Kalaunan, nagpatuloy ako sa paglilingkod bilang lider sa iglesia, pero nabigyan ako ng bagong kapareha, si Li Xue. Nang makita ko si Li Xue na maganda, pino, mahusay, at sanay, at nagbibigay ng kabuuang impresyon ng pagiging isang matagumpay at propesyonal na babaeng magaling, samantalang ako ay nagsasalita nang walang kumpiyansa, walang paninindigan, madalas na balisa at umiiwas sa mga taong hindi ko kilala o sa mga sitwasyon na may mararaming tao, at wala kahit kaunting pagkakahawig sa isang lider, hindi ko maiwasang masiraan ng loob. Sa bawat pagkakataong bumabalik si Li Xue mula sa isang pagtitipon, prangkang tinatalakay niya kung paano siya nagtanong sa mga kapatid tungkol sa kanilang kasalukuyang kalagayan at nagbahagi siya gamit ang mga salita ng Diyos para malutas ang kanilang mga problema at binabanggit niya kung gaano kalaking respeto ang ibinibigay sa kanya ng mga kapatid. Kapag nagsasalita siya tungkol sa mga bagay na ito, parati siyang nagniningning sa tuwa. Kahit napuna ko na parang medyo mapagmalaki si Li Xue, pakiramdam ko ang paminsan-minsang pagbubunyag ng katiwalian ay hindi malaking problema lalo’t may mahusay siyang kakayahan at abilidad sa paggawa, at nalulutas niya ang mga problema. Wala akong panama sa kanya, at naisip ko na wala ako ng katatagan niya. Pagkatapos niyon, kapag nahaharap ako sa mga problema, nanliliit ako at lumalayo, iniisip na wala akong kakayahan, hindi ako nangangahas na magbahagi. Unti-unti, lumala nang lumala ang kalagayan ko, at lalo akong nakumbinsi na mahina ang kakayahan ko, na wala akong katotohanang realidad, at hindi ako akma para maging lider. Nagpakalunod ako sa emosyonal na pagkasira ng loob na kalagayang iyon at iniraos ko lang ang mga tungkulin ko. Dahil palagi akong nabibigong hanapin ang katotohanan at hindi ako makaahon sa negatibong pagkasadlak, hindi nagtagal ay tinanggal ako. Makalipas ang isang taon, pinili muli ako ng mga kapatid para maglingkod bilang lider. Nakapareha ko si Sister Wu Fan at napansin ko agad na may mahusay siyang kakayahan at abilidad sa paggawa, at madalas kapag magkasama kaming nagtatrabaho, siya ang gumaganap na gabay. Sa isang partikular na pagkakataon, noong nagsagawa kami ng isang pagtitipon, si Wu Fan ang gumawa ng karamihan sa mga pagbabahagi at masigasig na umaayon din sa kanya ang mga kapatid sa kanilang sari-sariling pagbabahagi. Ako naman, gusto kong magbahagi, pero nag-aalala ako na hindi ko magagawang magbahagi nang epektibo kaya sa huli, hindi na lang ako nagsalita ng kahit ano para makaiwas sa pagkapahiya. Nakaramdam ako ng pagkasira ng loob matapos ang pagtitipon at iniisip ko na hindi pa rin talaga ako akmang maging lider. Gusto ko na lang gumawa ng isang tungkulin na may kaugnayan sa mga pangkalahatang gawain bilang isang manggagawa at ayaw ko nang maging lider pa.
Isang araw, sinabi ko sa ilang kapatid ang kalagayan ko, pinaalalahanan ako ng isang kapatid na magiging mapanganib para sa akin kung hindi ko lulutasin agad ang kalagayan ko at na kailangan kong gumugol ng kaunting oras sa pagninilay. Noon lang ako nagkaroon ng kaunting kamalayan sa sarili: “Bakit ba ako sobrang nasiraan ng loob? Bakit ba wala ako kahit katiting na determinasyon para magsikap na bumuti?” Sa mga sumunod na araw, walang tigil akong nanalangin sa Diyos, nagmamakaawang gabayan Niya ako upang maunawaan ko ang aking kalagayan at makaahon ako sa pagkasira ng loob ko. Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “May ilang tao na noong bata pa, ordinaryo ang kanilang hitsura, hindi mahusay magsalita, at hindi masyadong mabilis mag-isip, kaya hindi naging kanais-nais ang mga komento sa kanila ng ilang miyembro ng kanilang pamilya at ng ibang tao sa lipunan, sinasabi ng mga ito na: ‘Mahina ang utak ng batang ito, matagal makaintindi, at hindi maayos magsalita. Tingnan ninyo ang mga anak ng iba, sa husay nilang magsalita ay madali nilang nakukumbinsi ang mga tao. Samantalang ang batang ito ay nakasimangot lang buong araw. Hindi niya alam ang sasabihin kapag nakakasalamuha ng mga tao, hindi alam kung paano ipapaliwanag o pangangatwiran ang sarili niya kapag may nagawa siyang mali, at hindi natutuwa sa kanya ang mga tao. Mahina ang utak ng batang ito.’ Ganito ang sinasabi ng mga magulang, kamag-anak at kaibigan at ng mga guro niya. Ang ganitong kapaligiran ay nagdudulot ng partikular at hindi nakikitang panggigipit sa gayong mga indibidwal. Sa pagdanas sa ganitong mga kapaligiran, hindi namamalayang nagkakaroon siya ng partikular na uri ng mentalidad. Anong uri ng mentalidad? Iniisip niya na hindi kaaya-aya ang kanyang hitsura, hindi gaanong kanais-nais, at na kahit kailan ay hindi natutuwa ang mga tao na makita siya. Naniniwala siya na hindi siya mahusay sa pag-aaral, na mahina ang utak niya, at palagi siyang nahihiya na buksan ang kanyang bibig at magsalita sa harap ng ibang tao. Sa sobrang hiya niya ay hindi siya nakapagpapasalamat kapag may ibinibigay sa kanya ang mga tao, iniisip niya, ‘Bakit ba laging umuurong ang dila ko? Bakit ang galing magsalita ng ibang tao? Hangal lang talaga ako!’ Hindi namamalayan, iniisip niya na wala siyang halaga pero hindi pa rin niya matanggap na ganoon siya ka-walang kwenta, na ganoon siya kahangal. Sa puso niya, palagi niyang tinatanong ang kanyang sarili, ‘Ganoon ba talaga ako kahangal? Ganoon ba talaga ako ka-hindi kanais-nais?’ Hindi siya gusto ng kanyang mga magulang, pati na rin ng kanyang mga kapatid, kanyang mga guro o mga kaklase. At paminsan-minsan, sinasabi ng kanyang mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan na ‘Pandak siya, maliit ang mga mata at ilong niya, at kung ganyan ang hitsura niya, hindi siya magtatagumpay paglaki niya.’ Kaya kapag tumitingin siya sa salamin, nakikita niyang maliit nga ang mga mata niya. Sa ganitong sitwasyon, ang paglaban, at kawalan ng kasiyahan at kagustuhan, at pagtanggap sa kaibuturan ng kanyang puso ay unti-unting nagiging pagtanggap at pagkilala sa kanyang sariling mga kapintasan, pagkukulang, at isyu. Bagamat natatanggap niya ang realidad na ito, isang palagiang emosyon ang lumilitaw sa kaibuturan ng kanyang puso. Ano ang tawag sa emosyong ito? Ang tawag dito ay pagiging mas mababa. Ang mga taong nakararamdam na mas mababa sila ay hindi alam kung ano ang kanilang mga kalakasan. Iniisip lang nila na hindi sila kanais-nais, palagi nilang nararamdaman na hangal sila, at hindi nila alam kung paano harapin ang mga bagay-bagay. Sa madaling salita, pakiramdam nila ay wala silang kayang gawin, na hindi sila kaakit-akit, hindi matalino, at mabagal silang makatugon. Ordinaryo lang sila kung ikukumpara sa iba at hindi matataas ang grado nila sa kanilang pag-aaral. Pagkatapos lumaki sa gayong kapaligiran, unti-unting nangingibabaw ang mentalidad na ito ng pagiging mas mababa. Nagiging palagiang emosyon ito na gumugulo sa puso mo at pumupuno sa iyong isipan. Ikaw man ay malaki na, marami nang karanasan sa mundo, may asawa na at matatag na sa iyong propesyon, at anuman ang iyong katayuan sa lipunan, itong pakiramdam ng pagiging mas mababa na itinanim sa iyong kapaligiran habang lumalaki ka ay imposibleng maiwaksi. Kahit matapos mong manampalataya sa Diyos at sumapi sa iglesia, iniisip mo pa rin na pangkaraniwan ang hitsura mo, mahina ang intelektuwal mong kakayahan, hindi ka maayos magsalita, at walang kayang gawin. Iniisip mo, ‘Gagawin ko na lang kung ano ang kaya ko. Hindi ko kailangang mag-asam na maging lider, hindi ko kailangang maghangad ng malalalim na katotohanan, magiging kontento na lang ako sa pagiging ang taong pinaka-hindi mahalaga, at hahayaan ko ang iba na tratuhin ako sa anumang paraang naisin nila.’ Kapag nagpakita ang mga anticristo at huwad na mga lider, pakiramdam mo ay hindi mo magawang kilatisin o ilantad ang mga ito, na hindi mo kayang gawin iyon. Pakiramdam mo na hangga’t ikaw mismo ay hindi isang huwad na lider o anticritso, sapat na iyon, na hangga’t hindi ka nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, ayos na iyon, at sapat na iyon basta’t nagagawa mo ang sarili mong tungkulin. Sa kaibuturan ng iyong puso, pakiramdam mo ay hindi ka sapat at hindi kasinghusay ng ibang tao, na marahil ang ibang tao ay maliligtas, pero ikaw ay hanggang tagapagserbisyo lang, kaya pakiramdam mo ay hindi mo kaya ang gawain ng paghahangad sa katotohanan. Ilang katotohanan man ang kaya mong maunawaan, pakiramdam mo pa rin na, dahil nakikita mong paunang itinadhana ng Diyos na magkaroon ka ng ganyang kakayahan at hitsura, kung gayon ay malamang na itinadhana ka Niya na maging isa lamang na tagapagserbisyo, at na wala kang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, pagiging lider, pagkakaroon ng responsableng posisyon, o sa pagkakaligtas; sa halip, handa kang maging ang pinaka-hindi mahalagang tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na nakatali ako sa mga pagkaramdam ng imperiyoridad. Mula pa noong bata pa ako, inisip ko nang pangkaraniwan lang ang hitsura ko, na hindi ako mahusay magsalita, sunud-sunuran ang personalidad ko, madalas ay sira ang loob ko at mahiyain ako at may matinding kaso ako ng inferiority complex. Nagkaroon din ako ng parehong problema noon sa aking makamundong trabaho—mahuhusay magsalita ang mga katrabaho ko, sanay sila sa pambobola, determinado sa pamamahala ng kanilang mga empleyado, at ang ilan ay nirerespeto maging ng mga nakatataas sa kanila. Sa kabaligtaran, ako naman ay hindi mahusay magsalita, hindi kayang magpanatili ng magandang ugnayan sa iba’t ibang departamento, kulang sa kumpiyansa at katatagan sa aking trabaho, at kapag may problemang nangyayari sa produksyon, ang iba ay gagamit ng kanilang mga koneksyon at sasabihin ang mga tamang bagay para malutas ang problema, pero ako hindi—hindi ko magawang magsalita, mananatiling hindi nalulutas ang problema, at magkukulong lang ako sa banyo at iiyak. Pagkatapos magsimulang manampalataya, nainggit ako sa mga kapatid na mas may pinag-aralan kaysa sa akin, may mahuhusay na kakayahan, at matatatag at matatapang sa kanilang paggawa. Pakiramdam ko hindi ako makakapantay sa kanila at naging pigil akong magpahayag ng sarili. Ang resulta, madalas akong negatibo, nakalayo, umiiwas at naghihirap dahil sa pagkaramdam ng imperiyoridad. Ganito ang nangyari noong makapareha ko si Chen Xiao at si Li Xue—dahil magagaling silang magsalita at may mahuhusay silang kakayahan at abilidad sa paggawa, pakiramdam ko ay mas mababa ako kaysa sa kanila. Ni hindi ko naisip na problema iyon nang maobserbahan ko ang pagiging mapagmalaki ni Li Xue, itinuring ko iyon bilang isang senyales ng kanyang katatagan sa gawain niya. Nasadlak ako sa pagkaramdam na ito ng imperiyoridad, patuloy na bumagsak ang kalagayan ko, hindi maayos ang paggawa ko ng aking tungkulin at sa huli ay tinanggal ako. Kahit na napili muli ako ng mga kapatid para maglingkod bilang lider, sa loob-loob ko, pakiramdam ko ay mababa pa rin ako at naniwala ako na mahina ang kakayahan ko, hindi ko kayang gawin nang maayos ang kahit ano, at nakatadhana na ako na maging trabahador at hindi ako magkakamit ng kaligtasan. Napagtanto ko na mahigpit akong nakagapos at nakatali sa mga pagkaramdam ng imperiyoridad. Naisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos at tiniis ang lahat ng klase ng paghihirap para mailigtas ang sangkautahan, patuloy na ipinahahayag ang katotohanan at dinidiligan at tinutustusan ang sangkatauhan upang mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang nagliligtas na biyaya, makamit ang kaligtasan at malampasan ang mga kalamidad. Kung mapapalampas ng mga tao ang pagkakataong ito, tiyak na haharap sila sa mga parating na kalamidad at walang hanggang kaparusahan. Hindi ko naunawaan ang mga layunin ng Diyos, nasadlak ako sa pagiging negatibo at maling pagkaunawa, at tinanggap ko nang hindi ko makakamit ang kaligtasan. Ni hindi ko na gustong pagsikapan at hangarin ang katotohanan—napakamapaghimagsik ko at nakakasakit sa Diyos ang mga ikinilos ko. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, labis akong nakonsensiya at nakaramdam ng pagkakautang sa Diyos—hindi ako puwedeng patuloy na magpakalunod sa pagkasira ng loob, kaya nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Handa na po akong magsisi sa Iyo. Pakigabayan Mo ako para maalis ako sa mga negatibong pagkaramdam na ito ng imperiyoridad.”
Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa panghuli, may nais Akong sabihin sa inyo: Huwag hayaan na guluhin ka ng isang maliit na damdamin o isang simple, di-mahalagang emosyon sa buong buhay mo na kung saan naaapektuhan na nito ang iyong pagkamit sa kaligtasan at nasisira na nito ang pag-asa mong mailigtas, nauunawaan mo ba? (Oo.) Itong emosyon mo na ito ay hindi lamang negatibo, upang maging mas tumpak, sa katunayan ay salungat ito sa Diyos at sa katotohanan. Maaaring isipin mo na isa itong emosyon sa loob ng normal na pagkatao, pero sa mga mata ng Diyos, hindi lang ito simpleng usapin ng emosyon, sa halip, isa itong pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos. Isa itong pamamaraan na may tanda ng mga negatibong emosyon na ginagamit ng mga tao para labanan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan. Kaya naman, umaasa Ako na, kung nais mo mang hangarin ang katotohanan, susuriin mo nang lubusan ang iyong sarili para makita kung kumakapit ka man sa mga negatibong emosyong ito at mapagmatigas, parang hangal na lumalaban at nakikipagkumpetensiya sa Diyos. Kung natuklasan mo ang sagot sa pamamagitan ng pagsusuri, kung may napagtanto ka at nagkaroon ka ng malinaw na kamalayan, kung gayon ay hinihiling Ko sa iyo na bitiwan muna ang mga emosyong ito. Huwag mong pahalagahan ang mga ito o huwag kang kumapit sa mga ito, dahil wawasakin ka ng mga ito, wawasakin ng mga ito ang iyong hantungan, at wawasakin ng mga ito ang iyong oportunidad at pag-asa na hangarin ang katotohanan at kamtin ang pagliligtas” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Ang siping ito ay nagkaroon ng malalim na epekto sa akin. Noon, hindi ko naisip na ang mga negatibong emosyon ay bumubuo ng isang seryosong problema. Sa pagbabasa ng paghihimay ng Diyos, napagtanto ko na ang diwa ng pamumuhay sa isang kalagayan ng negatibong emosyon ay salungat sa Diyos at sa katotohanan. Kung hindi ko lulutasin ang problemang ito, mawawala sa akin ang anumang pagkakataon para makamit ang kaligtasan. Pinagnilayan ko iyong mga taon na nabubuhay ako na may ganitong pagkaramdam ng imperiyoridad: Sa sandaling makatagpo ako ng isang kapatid na mas may talento, at may mas mahusay na kakayahan at abilidad sa paggawa kaysa sa akin, manliliit ako, babagsak sa pagkasira ng loob, lalaban at hindi magiging masaya sa realidad ng aking sitwasyon, aayawan kong harapin at kilalanin ang aking sitwasyon at makakaramdam ako na wala akong magagawa. Hindi ako nag-abalang pag-isipan kung paano ako matututo mula sa mga kalakasan ng iba o kung paano ako makikisama sa kanila para magawa ko nang maayos ang tungkulin ko, sa halip ay sinisi ko ang Diyos sa ibinigay Niya sa akin na kakayahan, mga kaloob, at kawalan ng tatag. Nabuhay ako sa walang katapusang kalagayan ng pagiging negatibo, tahimik na nagpoprotesta sa Diyos at minsan ayaw ko pa ngang gawin ang tungkulin ko. Nakatali ako sa pagkaramdam ng imperiyoridad sa aking pananampalataya sa loob ng mga taong ito at madalas akong mahulog sa pagkaramdam ng pagkasira ng loob at pagiging pasibo. Wala akong pagnanais na hangarin ang katotohanan at nasiyahan na akong magsikap lang nang kaunti at sumunod lang basta. Bilang resulta, sa kabila ng katunayan na palagi kong ginagampanan ang mga tungkulin ko habang nananampalataya ako sa Diyos at nagkaroon ako ng maraming pagkakataon para magsagawa, napakaliit ng aking pag-unlad sa aking buhay—nakakaawa at naghihikahos pa rin ako gaya ng dati. Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos at napalampas ko ang hindi mabilang na pagkakataon para makamit ang katotohanan at marami akong naging kawalan sa buhay ko. Kung hindi ko babaguhin ang kalagayan ko, masisira ko ang anumang pagkakataon ko para magkamit ng kaligtasan. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, naghahangad na maunawaan kung anong tiwaling disposisyon ang nasa likod ng pagkaramdam ko ng imperiyoridad.
Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa halip na hanapin ang katotohanan, karamihan sa mga tao ay may kani-kanilang sariling mga adyenda. Napakahalaga para sa kanila ng sarili nilang mga interes, reputasyon, at ang posisyon o katayuang pinanghahawakan nila sa isip ng ibang tao. Ang mga bagay na ito lamang ang pinakaiingat-ingatan nila. Napakahigpit ng pagkapit nila sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang sariling buhay. At hindi gaanong mahalaga sa kanila kung paano sila ituring o itrato ng Diyos; sa ngayon, binabalewala nila iyon; sa ngayon, isinasaalang-alang lamang nila kung sila ang namumuno sa grupo, kung mataas ba ang tingin sa kanila ng ibang tao, at kung matimbang ba ang kanilang mga salita. Ang una nilang inaalala ay ang pag-okupa sa posisyong iyon. Kapag sila ay nasa isang grupo, ang ganitong uri ng katayuan, at ganitong mga uri ng oportunidad ang hanap ng halos lahat ng tao. Kapag masyado silang talentado, siyempre gusto nilang maging pinakamataas sa grupo; kung medyo may abilidad naman sila, gugustuhin pa rin nilang humawak ng mas mataas na posisyon sa grupo; at kung mababa ang hawak nilang posisyon sa grupo, pangkaraniwan lamang ang kakayahan at mga abilidad, gugustuhin din nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, hindi nila gugustuhing maging mababa ang tingin sa kanila ng iba. Sa reputasyon at dignidad nagtatakda ng limitasyon ang mga taong ito: Kailangan nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Maaaring wala silang integridad, at hindi nila taglay ang pagsang-ayon ni pagtanggap ng Diyos, pero hinding-hindi maaaring mawala sa kanila ang respeto, katayuan, o paggalang na hinahangad nila mula sa iba—na siyang disposisyon ni Satanas. Pero walang kamalayan ang mga tao tungkol dito. Ang paniniwala nila ay dapat silang kumapit sa kapirasong reputasyong ito hanggang sa pinakahuli. Wala silang kamalay-malay na kapag ganap na tinalikdan at isinantabi ang mga walang kabuluhan at mabababaw na bagay na ito saka lamang sila magiging totoong tao. Kung iniingatan ng isang tao ang mga bagay na ito na dapat iwaksi bilang buhay, mawawala ang kanyang buhay. Hindi nila alam kung ano ang nakataya. Kaya, kapag kumikilos sila, lagi silang may reserbasyon, lagi nilang sinusubukang protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, inuuna nila ang mga ito, nagsasalita lamang para sa kanilang sariling kapakinabangan, upang huwad na ipagtanggol ang kanilang sarili. Lahat ng ginagawa nila ay para sa kanilang sarili. Sumusugod sila agad sa anumang bagay na nagniningning, ipinapaalam sa lahat na naging kabahagi sila nito. Ang totoo, wala naman itong kinalaman sa kanila, subalit ayaw na ayaw nilang mapag-iwanan, lagi silang natatakot na hamakin ng ibang tao, lagi silang nangangamba na sabihin ng ibang tao na wala silang kuwenta, na wala silang anumang kayang gawin, na wala silang kasanayan. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon? Kapag nagagawa mong bitiwan ang mga bagay na gaya ng reputasyon at katayuan, higit na mas magiging panatag at malaya ka; matatahak mo ang landas ng pagiging tapat. Ngunit para sa marami, hindi ito madaling makamit” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ako nakararamdam ng imperiyoridad dahil mababa ang kakayahan ko, o dahil hindi ako mahusay magsalita at pangkaraniwan lang ang hitsura ko, kundi dahil nalason na ni Satanas ang isip ko gamit ang ilang maling pananaw tungkol sa aking paghahangad. Labis kong pinahalagahan ang reputasyon at katayuan. Walang malay na naimpluwensiyahan na ako ng mga satanikong lason na gaya ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Para sa akin, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa reputasyon, katayuan at respeto ng iba; inakala ko na mabubuhay ako ng makabuluhan at may halagang buhay sa pamamagitan lamang ng pagkamit ng mga bagay na ito. Sa aking makamundong propesyon, palagi akong naiinggit sa mga kasamahan ko na matatalino, matatalas ang isip, mahuhusay magsalita, sanay makipag-ugnayan sa iba at nakakakuha ng pagkilala at pagpapahalaga ng mga nakakataas sa kanila. Ako man, gusto ko ring mapahalagahan ng mga nakakataas sa akin gaya ng mga kasamahan ko. Pero pakiramdam ko ay mas mababa ako dahil pangkaraniwan lang ang hitsura ko, hindi ako mahusay magsalita at hindi magaling bumuo ng mga koneksyon. Kapag nahaharap ako sa mga problema, hindi ko sinasabi sa mga kasamahan ko, sa halip ay pinipili kong magkulong sa banyo at umiyak mag-isa. Nag-aalala ako na kung may makakaalam ng problema ko, mamaliitin nila ako at bababa ang tingin nila sa akin—naghirap talaga ako nang matindi noong panahong iyon. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, nagpatuloy akong mabuhay nang ayon sa mga pananaw ng mga walang pananampalataya, iniisip na upang makapaglingkod bilang isang lider o superbisor ang isang tao, kailangang siya ay may awra ng isang lider, nagsasalita nang may tatag, kapansin-pansin, kayang magsaayos at may mahusay na abilidad sa paggawa, at na sa ganitong paraan, kahit saan siya pumunta ay irerespeto siya, magiging kilala siya, at lubos siyang igagalang. Kapag nakikita ko na ang mga kapatid na nakapareha ko ay mas magaling kaysa sa akin, nagsasalita nang may pananalig at may mahusay na abilidad sa paggawa, iniisip ko na lang na ako ay isang kabiguan sa lahat ng aspekto. Dahil nabigo akong makamit ang respeto ng iba, hindi tinitingala at ang pagnanasa ko para sa reputasyon at katayuan ay hindi nabigyang-kasiyahan, ayaw ko nang maglingkod bilang isang lider at hiniling ko na lang na umiwas sa kapaligirang iyon at sumama sa ibang grupo ng mga tao. Inakala ko na mapipigilan nitong maisiwalat ang aking mga kahinaan at kawalan ng kakayahan at hindi na ako mamaliitin ng mga kasamahan ko. Habang pinagninilayan ang lahat ng ito, napagtanto ko na ang mga lason ni Satanas ay nagkaugat na sa kaibuturan ng aking puso—naghangad ako ng katayuan at ng respeto at paghanga ng iba, itinuring ko ang mga ito bilang mga positibong bagay. Sa sandaling hindi nasiyahan ang aking mga personal na ninanasa, nawalan na ako ng ganang gawin ang aking tungkulin, naging negatibo at mapanlaban ako at hindi ko magawang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Napagtanto ko na malalim na akong nagawang tiwali ni Satanas at sobrang tindi ng pagnanasa ko para sa reputasyon at katayuan—kung magpapatuloy ako na ganito, masusuklam ang Diyos sa akin at aalisin Niya ako. Ayaw ko nang magpatuloy sa maling landas at handa na akong magsisi sa Diyos, gawin ang tungkulin ko nang talagang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.
Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag malalim na nakatanim sa iyong puso ang mga damdamin ng pagiging mas mababa, bukod sa may matinding epekto ito sa iyo, pinangingibabawan din ng mga ito ang iyong mga pananaw sa mga tao at bagay-bagay, at ang iyong asal at mga kilos. Kaya paano tinitingnan ng mga taong iyon na pinangingibabawan ng mga damdamin ng pagiging mas mababa ang mga tao at bagay-bagay? Itinuturing nila na mas mahusay ang ibang tao kaysa sa kanila, at iniisip din nilang mas mahusay sa kanila ang mga anticristo. Kahit na may masasamang disposisyon at masamang pagkatao ang mga anticristo, tinatrato pa rin nila ang mga ito bilang mga tao na dapat tularan at mga huwarang mapagkukuhanan ng aral. Sinasabi pa nga nila sa kanilang sarili, ‘Bagamat mayroon silang masamang disposisyon at pagkatao, matalino sila at mas mahusay sila sa gawain kaysa sa akin. Komportable nilang naipapakita ang kanilang mga kakayahan sa harap ng iba at nakapagsasalita sila sa harap ng napakaraming tao nang hindi namumula o kumakabog ang dibdib. Talagang malakas ang loob nila. Wala akong binatbat sa kanila. Hindi ako ganoon katapang.’ Ano ang nagdulot nito? Sa katunayan, dapat sabihin na ang isang dahilan ay na naapektuhan ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ang iyong paghusga sa mga diwa ng mga tao, pati na ang iyong perspektiba at pananaw pagdating sa pagturing sa ibang tao. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganoon nga.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga pagkaramdam ng imperiyoridad ay makakaimpluwensiya sa pagtingin natin sa mga tao at bagay. Pinagnilayan ko kung paanong nasadlak ako sa mga pagkaramdam ng imperiyoridad, nakatuon lang ako sa mga panlabas na naoobserbahang kaloob ng mga tao, sa kakayahan at husay nila sa pagsasalita at pagkilos nang may katatagan. Ang mga katangiang ito ang pamantayan na ginamit ko sa paghusga sa kakayahan ng mga tao, pero nabigo akong pahalagahan ang pagkilatis sa kanilang pagkatao, diwa at ang mga landas na kanilang tinatahak. Naisip ko na noong nakapareha ko si Li Xue, naobserbahan ko lang na mahusay siyang magsalita at matatag sa kanyang pagsasalita at pagkilos, pero nabigo akong pahalagahan ang pagkilatis sa kanyang pag-uugali. Naisip ko pa nga na hindi gaya ko, mahusay siya, kaya normal lang para sa kanya ang magmataas. Ako ay napakagulo!
Kalaunan, nagsimula kong kuwestiyunin kung ang pagsukat ba ng kakayahan ng mga tao batay sa husay nilang magsalita, mga kaloob, tatag sa pagsasalita, at abilidad sa paggawa ang pinakatumpak na paraan ng pagsukat. Pagkatapos, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Paano natin sinusukat ang kakayahan ng mga tao? Ang angkop na paraan para gawin ito ay sa pamamagitan ng pagtingin sa saloobin nila sa katotohanan at kung kaya nilang maunawaan ang katotohanan o hindi. Kaya ng ilang tao na napakabilis na matuto ng ilang kasanayan, ngunit kapag naririnig nila ang katotohanan ay naguguluhan sila at inaantok sila. Sa puso nila, nalilito sila, walang pumapasok sa naririnig nila, at hindi rin nila nauunawaan ang naririnig nila—iyan ang mahinang kakayahan. Sa ilang tao, kapag sinabi mong mahina ang kakayahan nila, hindi sila sumasang-ayon. Iniisip nila na ang pagiging mataas ang pinag-aralan at marunong ay nangangahulugang mabuti ang kakayahan nila. Ang isang mabuting edukasyon ba ay nagpapakita ng mataas na kakayahan? Hindi. Paano dapat sukatin ang kakayahan ng mga tao? Dapat itong sukatin batay sa antas ng pagkaarok nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang pinakawastong paraan ng paggawa nito. Ang ilang tao ay magaling magsalita, mabilis mag-isip, at bihasang-bihasa mangasiwa ng ibang tao—ngunit kapag nakikinig sila sa mga sermon, hindi nila kailanman nagagawang maintindihan ang kahit na ano, at kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, palagi silang bumibigkas ng mga salita at doktrina, ibinubunyag ang mga sarili nila bilang mga baguhan lamang, at ipinapadama sa iba na wala silang espirituwal na pang-unawa. Ang mga ito ay mga taong may mahinang kakayahan. Kaya, may kakayahan ba ang mga ganitong tao na gumawa ng gawain para sa sambahayan ng Diyos? (Wala.) Bakit? (Wala silang mga katotohanang prinsipyo.) Tama, ito ay isang bagay na dapat nauunawaan na ninyo ngayon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na hindi dapat sinusukat ang kakayahan ng isang tao ayon sa taas ng kanyang pinag-aralan, sa anumang panlabas na naoobserbahang kaloob na mayroon siya, kung gaano siya kabilis mag-isip, o kahusay magsalita, kundi sa kung nagagawa ba niyang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at kung nagagawa ba niyang maintindihan ang realidad ng mga salita ng Diyos—ibig sabihin, kung kaya ba niyang maintindihan ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at kung nalalaman ba niya ang kanyang tiwaling disposisyon at diwa sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Naisip ko kung paanong kahit na si Li Xue ay may ilang kaloob, mahusay magsalita at determinado kung kumilos, hindi niya nagawang talakayin ang tunay niyang pagkaunawa sa sarili o ang anumang patotoong batay sa karanasan ng mga salita ng Diyos. Pinuna ng mga kapatid ang kanyang mapagmataas na pag-uugali sa maraming pagkakataon, pero sa kabila ng pagkilala sa problema, hindi niya naintindihan kailanman ang kalikasan at mga seryosong kahihinatnan ng ganoong pag-uugali. Habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin, patuloy niyang ipinagmamalaki ang sarili niya at ibinababa pa nga ang iba habang itinataas ang sarili niya at hindi niya halos pinagnilayan o nalaman ang problemang ito kahit pa natanggal na siya. Mula rito, nakita ko na may ilang kaloob si Li Xue, pero hindi siya isang taong may mahusay na kakayahan. Naisip ko kung paano hinimay ng Diyos ang katauhan ni Pablo—may kaloob si Pablo, sumulat siya ng maraming liham, at ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa maraming tao, pero hindi niya naintindihan ang katotohanan at sa huli hindi niya nakilala ang kanyang kalikasan na sataniko at lumalaban sa Diyos. Kung kaya, hindi maituturing na may mabuting kakayahan si Pablo. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, naging mas malinaw ito sa akin. Nakita ko na hindi ko nauunawaan ang katotohanan at lagi kong iniisip na ang pagiging edukado, mahusay magsalita, at determinado ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng mahusay na kakayahan, at na ang kawalan ng mga katangiang ito ay senyales ng mahinang kakayahan. Bilang resulta, madalas kong tukuyin ang sarili ko bilang isang taong may mahinang kakayahan na hindi angkop para maging lider o manggagawa. Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na para sukatin ang kakayahan ng isang tao, dapat higit sa lahat ay tingnan ng isang tao kung gaano naiintindihan ng taong iyon ang mga salita ng Diyos, kung kaya ba niyang intindihin ang katotohanan, at kung kaya ba niyang gawin ang kanyang tungkulin nang ayon sa prinsipyo. Ang pinakatumpak na paraan para tingnan ang mga tao at bagay ay ayon sa mga salita ng Diyos.
Kalaunan, nakita ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kaya, paano mo tumpak na masusuri at makikilala ang iyong sarili, at paano ka makalalaya sa pakiramdam ng pagiging mas mababa? Dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagkilala sa iyong sarili, pag-alam sa kung ano ang iyong pagkatao, kakayahan, at talento, at kung anong mga kalakasan ang mayroon ka. Halimbawa, ipagpalagay na dati kang mahilig at magaling kumanta, pero palagi kang pinupuna at minamaliit ng ilang tao, sinasabing hindi ka makasabay sa tugtog at na wala ka sa tono, kaya ngayon ay nadarama mo na hindi ka magaling kumanta at hindi ka na naglalakas-loob na gawin ito sa harap ng ibang tao. Dahil mali kang sinuri at hinusgahan ng mga taong iyon na makamundo, ng mga taong magulo ang isip at pangkaraniwan, nabawasan ang mga karapatan na nararapat sa iyong pagkatao, at napigilan ang iyong talento. Bilang resulta, ni hindi ka na naglalakas-loob kumanta ng isang awitin, at matapang ka lang na nakakakanta nang malaya at malakas kapag walang tao sa paligid at nag-iisa ka. Dahil karaniwan ay nararamdaman mo na masyado kang napipigilan, kapag hindi ka nag-iisa, hindi ka nangangahas na kumanta ng awitin; nangangahas ka lang na kumanta kapag mag-isa ka, tinatamasa ang oras na nagagawa mong kumanta nang malakas at malinaw, at sobrang kaaya-aya at malaya ang pakiramdam mo sa oras na iyon! Hindi ba’t totoo iyon? Dahil sa pinsalang nagawa sa iyo ng mga tao, hindi mo alam at hindi mo malinaw na nakikita kung ano ba talaga ang kaya mong gawin, kung saan ka magaling, at kung saan ka hindi magaling. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong gumawa ng tamang pagsusuri at sukatin nang tama ang iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos. Dapat mong pagtibayin kung ano ang natutunan mo at kung saan nakasalalay ang mga kalakasan mo, at humayo ka at gawin mo ang anumang kaya mo; para naman sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ang iyong mga kakulangan at kapintasan, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang mga ito, at dapat din na tumpak mong suriin at alamin kung ano ang kakayahan mo, at kung mahusay o mahina ba ito. Kung hindi mo maunawaan o malinaw na makilala ang sarili mong mga problema, kung gayon, hilingin mo sa mga tao sa paligid mo na may pagkaunawa na kilatasin ka. Tumpak man o hindi ang sasabihin nila, kahit papaano ay mabibigyan ka nito ng pagbabatayan at pag-iisipan at mabibigyan ka nito ng kakayahan na magkaroon ng batayang pagsusuri o paglalarawan sa iyong sarili. Pagkatapos, malulutas mo na ang seryosong problema ng mga negatibong emosyon gaya ng pagiging mas mababa, at unti-unti kang makakaahon mula sa mga ito. Ang gayong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ay madaling lutasin kung magagawa ng isang tao na kilalanin ito, mamulat tungkol dito, at hanapin ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). “Ang gustong makita ng Diyos ay hindi ang bitiwan mo ang paghahangad mo sa katotohanan, at hindi rin Niya gustong makita ang saloobin ng isang taong tinatanggap na na wala na itong pag-asa. Gusto Niyang makita na kapag naunawaan mo na ang lahat ng katunayang ito ay mahahangad mo na ang katotohanan sa mas matatag, matapang at panatag na paraan, na malinaw mong kikilalanin na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos. Kapag narating mo na ang dulo, basta’t naabot mo na ang pamantayang itinakda ng Diyos sa iyo, at nasa landas ka ng kaligtasan, hindi ka susukuan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 2). Sa mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang landas para malutas ang mga pagkaramdam ko ng imperiyoridad. Kailangan kong tingnan ang mga bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos, magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa aking mga kalakasan at kahinaan, gawin ang makakaya ko sa kung ano ang kaya kong gawin, at mangasiwa nang tama at maghangad ng katotohanan para malutas ang hindi ko naarok o ang nabigo kong tuparin. Naalala ko noong una akong magsimula sa paglilingkod bilang isang lider at superbisor: Noong una, nakagawa ako ng kaunting aktuwal na gawain sa pamamagitan ng masigasig na pakikipagtulungan, pero kalaunan ay natanggal ako dahil ako ay negatibo, pabaya at hindi nagkaroon ng magagandang resulta sa aking tungkulin dahil namumuhay ako sa aking tiwaling disposisyon. Siguradong hindi ang mahinang kakayahan ko ang tanging dahilan kaya ako tinanggal. Sa katunayan, sinabi ng lahat ng kapatid na pangkaraniwan ang kakayahan ko, hindi mahina. Kung nagtrabaho ako nang masigasig noong nakapareha ko ang ibang mga kapatid, nakatapos pa sana ako ng ilang gawain. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nagkaroon ako ng tamang saloobin patungkol sa sarili ko—hindi ako ang may pinakamahusay na kakayahan, at medyo hindi ko maarok ang mga prinsipyo tungkol sa ilang problema, pero puwede akong humingi parati ng tulong sa mga kapatid para makabawi sa aking mga kakulangan at magsikap upang mapabuti ang aking kakayahan. Sa ganitong paraan, magkakaroon ako ng kaunting pag-unlad. Nang mapagtanto ko ang mga ito, nakahanap ko ng landas ng pagsasagawa at gumaan ang pakiramdam ko. Ayaw ko nang magapos ng mga pagkaramdam ng imperiyoridad at handa na akong gawin nang maayos ang aking tungkulin at magtuon sa pagsasagawa ng katotohanan upang mapaluguran ang Diyos.
Kalaunan, sa isang okasyon, dumalo ako sa isang maliit na pagtitipon kasama ang kapatid na si Xiaoye na naglilingkod bilang superbisor sa mga gawaing tekstuwal. Nagawa ni Xiaoye na talakayin ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at isama sa kanyang pagbabahagi ang mga natutunan niya mula sa kanyang sariling karanasan, at lahat iyon ay kinapulutan ng aral ng mga dumalo. Tumango ang lahat ng kapatid at nagsulat ng mga tala sa buong pagbabahagi niya. Pagkakita nito, nagsimula na naman akong makaramdam ng imperiyoridad, pakiramdam ko ay mas may kakayahan si Xiaoye kaysa sa akin at mas akma siyang maglingkod bilang isang lider. Gayunpaman, habang umuusbong ang mga pagkaramdam na ito ng imperiyoridad, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat mong pagtibayin kung ano ang natutunan mo at kung saan nakasalalay ang mga kalakasan mo, at humayo ka at gawin mo ang anumang kaya mo; para naman sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ang iyong mga kakulangan at kapintasan, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang mga ito, at dapat din na tumpak mong suriin at alamin kung ano ang kakayahan mo, at kung mahusay o mahina ba ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Tunay nga, ang lahat ay may iba’t ibang kakayahan at iba’t ibang kalakasan—ito ang bunga ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Anumang uri ng kakayahan ang mayroon ako, dapat palagi kong tuparin ang aking mga responsabilidad at tungkulin. Hindi ako ang may pinakamahusay na kakayahan at hindi ako kasinggaling magsalita ng iba, pero hangga’t mayroon akong kaunting pagkaunawa at karanasan sa mga salita ng Diyos, dapat magtakda ako ng mga tamang layunin at magbahagi tungkol sa aking pagkaunawa upang matupad ko ang aking responsabilidad. Iyon mismo ang dapat kong gawin. Matapos kong mapagtanto ito, bumuti nang husto ang pakiramdam ko, hindi na ako naiimpluwensyahan ng mga pagkaramdam ng imperiyoridad, handa na kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, magbahagi tungkol sa lahat ng bagay na nauunawaan ko at tuparin ang aking responsabilidad. Pagkatapos niyon, nagbahagi ako tungkol sa aking pagkaunawa at kaalaman sa mga salita ng Diyos. Nang makita ko na ang pagbabahagi ko ay kapaki-pakinabang at nakakatulong sa mga kapatid, nagpasalamat ako sa Diyos! Dahil sa pagbibigay-liwanag at paggabay ng salita ng Diyos kung kaya’t nagkaroon ako ng pag-unlad at nakamit ko kung ano ang nasa akin na.