16. Ang Makita ang mga Pastor ng Relihiyon na Malantad bilang Masasamang Lingkod
May nakilala akong sister online noong Setyembre 2020. Sinabi niya sa akin na nagbalik na ang Panginoong Jesus bilang ang Makapangyarihang Diyos, at nagpapahayag Siya ng mga katotohanan para gawin ang gawain ng paghatol. Natuwa ako nang marinig ko ang tungkol sa pagbabalik ng Panginoon at nagsimula akong dumalo sa mga online na pagtitipon at siyasatin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos. Sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nalaman ko ang ugat ng paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao, ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos para iligtas ang tao, ang mga hiwaga ng pagkakatawang-tao, ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, at iba pang katotohanang ni hindi ko pa narinig kahit kailan. Sa pagdanas ng panahon ng paghahanap at pagsisiyasat, nakatiyak ako na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, at sumapi ako sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Gustung-gusto ko ang pagtutustos ng araw-araw na pagbabasa ng mga salita ng Diyos at nadama ko ang espirituwal na kabusugan na hindi ko pa naranasan noon. Kung ihahambing ito, ang lahat ng sermon ng pastor ay tungkol sa paulit-ulit na mga bagay, puro walang buhay at nakakainip, at walang anumang liwanag. Hindi talaga nakakapagpalakas ang mga ito, kaya tumigil na ako sa pagdalo sa mga pagtitipon sa simbahan.
Pagkatapos noong Pebrero 2021, nagkaroon ng kudeta ng militar sa Myanmar, at pinutol ang internet. Hindi na ako nakadalo sa mga online na pagtitipon. Hindi nagtagal, dalawang brother ang pumunta sa nayon namin at nagsabing gusto nilang magdaos ng mga lokal na pagtitipon. Mayroong 20 dumadalo noong panahong iyon. Nakakagulat na pagkatapos lang ng ilang pagtitipon, may nagsumbong sa amin sa aming lokal na pastor. Nagsimula siyang sabihin sa mga tao sa simbahan na dumadalo kami sa mga online na pagtitipon sa halip na sa simbahan, at ayaw naming makinig sa pinuno ng simbahan. Nagsinungaling siya at sinabing bumubuo kami ng sarili naming grupo. Sinabi niya sa lahat na huwag nang makipag-ugnayan sa amin. Halos lahat ng mga tao sa nayon namin ay Kristiyano, at kinagigiliwan nilang lahat ang pastor at nakinig sila sa kanya. Dahil sa mga pagbatikos niya at paghatol, kumalat sa nayon ang balita tungkol sa pananalig namin sa Makapangyarihang Diyos, at ang lahat, kabilang na ang mga kamag-anak, kaibigan, at kapitbahay namin, ay nagsimulang pangaralan kami dahil sa hindi na namin pagdalo sa simbahan o pakikinig sa pastor, sinasabi nilang napakasama nito. Saanman ako magpunta, pinangangaralan ako ng mga tao at nakisama rin ang pamilya ko sa pagtutol sa paniniwala ko sa Makapangyarihang Diyos. Nabagabag talaga ako, iniisip na, “Noon, maganda ang ugnayan ko sa mga kaibigan at kapitbahay ko, palagi naming tinutulungan ang isa’t isa, pero tinatrato na nila ako ngayon na parang isang tinik sa lalamunan, gaya ng isang kaaway. Ang pananalig ay isang personal na kalayaan. Isinasagawa lang naman namin ang aming pananalig nang hindi gumagawa ng anumang bagay na ilegal. Bakit kami hinatulan at kinondena ng pastor at hinimok pa ang mga taganayon na itakwil kami?” Bago ko pa namalayan, naging negatibo ako, at nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, hinahatulan at inaatake kami ng pastor at maging ang mga pamilya, kamag-anak, at kaibigan namin ay kumokontra at nagtatakwil sa amin. Talagang miserable ako. Diyos ko, hindi ko nauunawaan kung bakit nila kami tinatrato nang ganito. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo po ako para maunawaan ito at matakasan ang pagiging negatibo ko.” Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagmamasid sa taong ito, at kapag pinapaboran at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang iligaw ang taong ito at ilagay sa kapahamakan. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang buktot na kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang layunin ni Satanas? … Sa pakikipagdigma sa Diyos at pagsunud-sunod sa likuran Niya, ang layunin ni Satanas ay ang buwagin ang lahat ng gawain na nais gawin ng Diyos, ang sakupin at kontrolin ang mga nais na makuha ng Diyos, ang ganap na puksain ang mga nais na makuha ng Diyos. Kung hindi sila mapupuksa, sila kung gayon ay aangkinin ni Satanas upang magamit nito—ito ang layunin nito” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Tinulungan ako nito na makita na ang pagsisikap ng pastor na hadlangan kami sa pagsunod kay Cristo ng mga huling araw ay isa talagang espirituwal na pakikidigma. Nagpapahayag ang Diyos ng mga katotohanan para hatulan at linisin ang mga tao sa mga huling araw. Ito’y para iligtas at makamtan ang isang grupo ng mga tunay na nananalig. Ngunit si Satanas ay kalaban ng Diyos, at gumagamit ito ng lahat ng klase ng taktika para hadlangan at pinsalain ang gawain ng Diyos upang lisanin ng mga tao ang Diyos, pagtaksilan Siya, at mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Nang sa gayo’y makontrol sila nito at sa huli’y maparusahan sila sa impiyerno kasama nito. Nakita ko na ang mga lider ng simbahan ay mga kampon talaga ni Satanas. Narinig nila na nagbalik na ang Panginoon, ngunit sa halip na siyasatin ito, pinigilan nila ang iba na magsiyasat. Hindi nagbibigay ng espirituwal na kabusugan ang kanilang mga sermon, ngunit hindi nila hinahayaan ang mga tao na hanapin ang tunay na daan. Nang makita na tumigil na kami sa pagsisimba at pagsunod sa kanila, tinuligsa at siniraan nila kami, nagnanais na pagtaksilan namin ang Makapangyarihang Diyos at bumalik kami sa kanilang simbahan, bumalik sa ilalim ng kanilang kontrol. Kung gayo’y mawawala sa amin ang pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw. Nang matanto ito, sinabi ko sa sarili ko na hindi ako pwedeng mahulog sa taktikang ito ni Satanas. Hindi ko pwedeng isuko ang Makapangyarihang Diyos at sundin sila, kundi kailangan kong maging matatag.
Pagkatapos niyon, ang ilan sa mga bagong mananampalataya at iyong mga kasisimula lang magsiyasat sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nanghina at umatras. Bagama’t lahat ng nakapaligid sa amin ay kumokontra sa amin, ang nalalabi sa amin ay hindi huminto sa pagkakaroon ng mga pagtitipon. Galit na galit ang pastor nang malaman niya ito at sinabihan ang ilang kasamahan sa simbahan na paulit-ulit na pumunta sa bahay ko, at igiit na pumunta ako sa bahay ng pastor. Nagalit ako dahil doon, iniisip na kalayaan ko ang makinig sa mga salita ng Diyos at magbahagi tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon. Bakit patuloy na sinusubukan ng pastor na hadlangan ako? Parang gusto kong marinig ang panig niya, at makita kung ano ang iniisip niya na nagawa kong mali. Isang gabi, pinuntahan ko ang bahay ng pastor kasama ang ilang kapatid. Nandoon ang iba pang lider ng simbahan. Sinabi ng pastor, “Narinig ko ang tungkol sa mga online na pagtitipon ninyo. Bilang lider ninyo, responsibilidad kong balaan kayo laban sa pagtahak sa maling landas.” Sumagot ako, “Nakikinig kami sa kanilang mga sermon, pero hindi namin pinagtataksilan ang Panginoon. Ang Panginoong Jesus ay nagbalik na at ginagawa ang isang bagong hakbang ng gawain—” Bago pa ako makatapos, galit siyang sumabat ng, “Tama na iyan! Hindi kami makikinig sa ni isa pang salita tungkol dito. Kailangan ninyong pumili ngayon. Patuloy ba kayong maniniwala sa isa pang Diyos, o babalik sa ating simbahan?” Habang nagsasalita siya, naglabas siya ng isang notebook kung saan nakasulat ang lahat ng pangalan namin. Pautos niyang sinabi na, “Kung patuloy kayong makikinig sa mga sermon nila, lagyan ninyo ng ekis ang pangalan ninyo, kung hindi, lagyan ninyo ng tsek. Mahihirapan lang kayo nang husto kung hindi kayo makikinig sa akin! Wala na kaming gagawing anuman para sa kasal, kamatayan, o kapanganakan sa pamilya ninyo, alinman sa mga bagay na iyon. Hindi kami tutulong sa anumang pagsasaayos.” Walang sinumang nagsalita ng kahit ano. Medyo nag-alinlangan ako, iniisip na kung hindi ako susulat ng anuman, makakahanap pa rin ang pastor ng mga paraan para hadlangan ang aking pananalig. Kung lalagyan ko ng ekis ang pangalan ko, hindi na tutulungan kahit kailan ng mga lider ng simbahan ang pamilya ko sa anumang mga pagsasaayos. Ang mga ito’y mga lumang kaugalian sa kanayunan, at mahalaga talaga ang mga ito sa lahat, at hindi maaaring balewalain, at ang lahat ng tao sa nayon ay nakikinig sa mga lider ng simbahan. Kung hindi sila magpapakita, hindi na rin magpapakita ang sinumang iba pa, at walang sinumang tutulong. Hindi ba’t itatakwil ako ng lahat? Ngunit alam kong nagbalik na ang Panginoon, kaya kung lalagyan ko ng tsek ang pangalan ko at sasaping muli sa simbahan, hindi ba’t pagtatatwa at pagtataksil iyon sa Diyos? Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, kaya nagdasal ako para sa patnubay ng Diyos. Pagkatapos ay naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Walang tao, ang humahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos” (Lucas 9:62). Totoo iyan. Isa akong mananampalataya sa Diyos. Sa pananalig, kailangan nating kilalanin ang Diyos bilang dakila, magpasakop tayo sa Kanyang gawain, at makisabay sa Kanya. Paano ko matatawag ang sarili ko na isang nananalig kung mas pinahahalagahan ko ang pastor kaysa sa Diyos? Paano ako magiging karapat-dapat para sa kaharian? Sa pagkakataong iyon, nagdasal ako, “O Diyos, gusto ko pong manindigan ngayon sa aking patotoo para sa Iyo. Anuman ang mangyari, gusto ko pong sumunod sa Iyo.” Mas lalo akong kumalma pagkatapos at desidido kong nilagyan ng ekis ang pangalan ko. Ang ilan sa iba ay naglagay din ng ekis sa kanilang pangalan, at isang sister lang ang nag-tsek sa pangalan niya. Sa galit, sinabi ng pastor, “Pinili ninyo iyan, at mula ngayon ay magkahiwalay na tayo ng landas. Hindi na namin pakikialaman ang mga gawain ninyo ngayon.”
Nang makauwi na ako, muling bumalik ang mga alalahanin ko. Kadalasan, anuman ang mangyari sa mga pamilya sa nayon namin, hinihiling namin sa pastor na ipagdasal kami o pamunuan ang mga ritwal na pangrelihiyon. Hindi namin magagawa ang anuman sa mga iyon kung hindi kami bibigyang-pansin ng pastor at itataboy at aatakihin kami ng lahat. Hindi ko alam kung ano pang ibang mga taktika ang gagamitin nila para hadlangan kaming isagawa ang pananampalataya namin, o kung kailan matatapos ang lahat ng ito. Napakasakit talaga para sa akin na isipin ang lahat ng ito at hindi ko alam kung paano ito malalampasan. Agad akong nagdasal, “Diyos ko, nakikita ko po kung gaano kababa ang tayog ko. Palagi ko pong inaalala ang paninira at pagtanggi ng iba. Natatakot akong harapin ito at nanghihina po ako. Diyos ko, pakigabayan po ako na malampasan ito.” Pagkatapos niyon, hinanap ko ang sister online na nagdilig sa akin at sinabi ko sa kanya ang pinagdaraanan ko. Pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pagkatapos makatanggap ng patotoo mula kay Job kasunod ng pagwawakas ng kanyang mga pagsubok, nagpasya ang Diyos na Siya ay makakakuha ng isang grupo—o higit pa sa isang grupo—ng mga tao na kagaya ni Job, ngunit nagpasya Siya na hindi na kailanman muling payagan si Satanas na atakihin o abusuhin ang sinumang tao gamit ang mga paraan kung paano nito tinukso, inatake, at inabuso si Job, sa pamamagitan ng pakikipagpustahan sa Diyos; hindi na kailanman pinahintulutan ng Diyos si Satanas na muling gawin ang mga ganoong bagay sa tao, na mahina, hangal, at mangmang—sapat na ang panunukso ni Satanas kay Job! Ang hindi pagpapahintulot kay Satanas na abusuhin ang mga tao sa anumang paraan na nais nito ay ang awa ng Diyos. Para sa Diyos, sapat na ang pagdurusa ni Job sa tukso at pang-aabuso ni Satanas. Hindi na kailanman pinahintulutan ng Diyos si Satanas na muling gawin ang mga ganoong bagay, dahil ang mga buhay at lahat ng bagay sa mga taong sumusunod sa Diyos ay pinamamahalaan at pinangangasiwaan ng Diyos, at si Satanas ay walang karapatan na manipulahin ang mga hinirang ng Diyos sa anumang paraang gusto nito—dapat malinaw sa inyo ang puntong ito! Nagmamalasakit ang Diyos sa kahinaan ng tao, at nauunawaan ang kanyang kahangalan at kamangmangan. Bagama’t upang ang tao ay ganap na mailigtas, kailangan siyang ibigay ng Diyos kay Satanas, ayaw makita ng Diyos na pinaglalaruan na parang isang hangal at inaabuso ni Satanas ang tao, at hindi Niya nais na makita ang tao na laging nahihirapan. Ang tao ay nilalang ng Diyos, at na ang Diyos ang namumuno at nagsasaayos sa lahat ng bagay na tungkol sa tao ay ganap na likas at may katwiran; ito ay ang responsibilidad ng Diyos, at ang awtoridad kung saan pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay! Hindi pinahihintulutan ng Diyos si Satanas na abusuhin at tratuhin ang tao nang masama kung kailan nito gusto, hindi Niya pinahihintulutan si Satanas na gumamit ng iba’t ibang paraan upang iligaw ang tao, at higit pa rito, hindi Niya pinahihintulutan si Satanas na makialam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa tao, at hindi niya pinahihintulutan si Satanas na tapakan at sirain ang mga batas kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, bukod pa sa dakilang gawain ng Diyos na pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan! Ang sinumang nais na iligtas ng Diyos, at ang mga taong nagawang magpatotoo sa Diyos, ay ang kaibuturan at tiyak na pagpapalinaw sa gawain ng anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, pati na rin ang halaga ng Kanyang mga pagsusumikap sa Kanyang anim na libong taong gawain. Paano magagawa ng Diyos na basta na lamang ibigay ang mga taong ito kay Satanas?” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na anuman ang hinaharap natin, palaging hinahayaan itong mangyari ng Diyos, at ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot Niya, gaano man kabagsik si Satanas o gaano man nito kanais na saktan tayo, hindi ito makagagawa ng anuman. Hinahayaan ng Diyos na mangyari ang lahat ng mga nakakagambalang bagay na iyon. Sinusubukan Niya ako, at inililigtas din. Umasa Siyang magiging tulad ako ni Job, at na maninindigan ako sa aking patotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng sitwasyong iyon. Ito’y para din umasa ako sa Diyos sa kalagayang iyon, at maranasan ang Kanyang gawain at mga salita para magkaroon ako ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Pero nahuli ako sa bitag ni Satanas. Gusto kong protektahan ang mga ugnayan ko sa mga tao at hindi matanggihan at masiraan ng iba. Palagi akong natatakot na may mangyaring masama. Hindi ko pa naunawaan ang layunin ng Diyos. Kumalma ako at nagdasal, “O Diyos ko, ngayo’y nauunawaan ko na na pinahihintulutan Mo po na mangyari ang lahat ng ito. Ang lahat ng ito’y para iligtas at dalisayin ako, para gawing perpekto ang pananalig ko. Handa po akong manindigan sa aking patotoo para sa Iyo. Pero napakababa ng tayog ko, pakitulungan po akong palakasin ang pananalig ko para malampasan ko ito.”
Naisip kong yamang pinili ko nang sundin ang Makapangyarihang Diyos, pababayaan na ako ng pastor at normal na akong makakadalo ng mga pagtitipon. Sa halip, dahil sa pagbatikos at mga paghatol ng pastor, patuloy na hinahadlangan ng iba pang mga taganayon ang aming pananalig. Pinagtawanan nila kami, siniraan kami, at inatake kami sa harap ng mga pamilya namin, sinasabing hindi kami sumusunod sa mga ritwal na pangrelihiyon at lumalabag kami sa mga panuntunan ng nayon. Sinabi nila na kung magpapatuloy kami sa aming pananalig, isusumbong nila kami sa pamahalaan at ipaaaresto kami. Hindi makayanan ng pamilya ko ang stress. Palagi silang nagsisimula ng mga pagtatalo, hinihimok akong isuko ang pananampalataya ko. Ginipit din ang iba ng kanilang mga pamilya. Ang ilan ay pinalayas, at hindi man lang makapasok sa sarili nilang tahanan. Nagkalat din ng mga kasinungalingan ang pastor, sinasabing nagkakaroon kami ng napakaraming problema sa bahay dahil lamang sa ayaw naming makinig sa mga lider ng simbahan o magsimba. Gusto rin niyang pagtatanungin ang dalawang brother na pumunta para diligan kami. Galit na galit ako. Labis-labis ang pagsisinungaling ng mga lider ng simbahan. Kung hindi dahil sa mga pagbatikos nila, hindi sana kami magkakaroon ng gano’ng mga problema. Sinabi kalaunan ng isang sister sa dalawang brother na iyon na nagdidilig na huminto na sa pagpunta para makaiwas sa panganib. Ang lahat ay negatibo at nanghihina noong panahong iyon at wala nang motibasyon na magkaroon ng mga pagtitipon o gumawa ng tungkulin. Medyo nanghina rin ako nang makita kong mangyari ito. Hindi ko alam kung paano tulungan o suportahan ang mga kapatid, at bigla kong nadama na ang landas ng pananampalataya ay napakahirap. Hindi ko ito maunawaan. Mga mananampalataya lang kami na nagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Bakit ayaw nila kaming tantanan, kundi determinado silang pilitin kami sa landas na walang patutunguhan? Sa aking hinagpis, nanawagan ako sa Diyos, “Diyos ko, labis po akong nanghihina at hindi po ako mapanatag. Paano po ako makakapanatili sa landas na ito ng pananampalataya? Pakibigyang-liwanag at patnubayan po Ninyo ako.” Pagkatapos ay naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, alam niyo na Ako’y unang kinapootan nito bago kayo. Kung kayo’y sa sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang sa kanya: ngunit sapagkat kayo’y hindi sa sanlibutan, kundi kayo’y hinirang Ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan” (Juan 15:18–19). Bigla kong naunawaan na kinamumuhian at pinagmamalupitan nila kami dahil kinamumuhian talaga nila ang pagparito ng Diyos, at nilalabanan talaga nila ang Diyos. Sa mga huling araw, nagpahayag ang Diyos ng mga katotohanan para sa Kanyang gawain ng paghatol, ibinubunyag ang lahat ng tao. May ilang tao na nominal na nananampalataya sa Diyos, ngunit hindi nila mahal ang katotohanan, sa halip ay kinamumuhian nila ito. Kapag nagsasalita ang nagkatawang-taong Diyos at gumagawa paraipahayag ang mga katotohanan sa lupa, hinuhusgahan at kinokondena nila Siya. Tulad lang noong pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa, tumanggi ang mga pinunong Hudyo na tanggapin ang mga katotohanang ipinahayag Niya, ginagawa ang lahat ng makakaya nila para tuligsain at lapastanganin Siya. Nakisama sa kanila ang mga nananalig na Hudyo, tinanggihan nila ang Panginoon, at ipinapako nila Siya sa krus sa huli. Talagang napakasama ng mundong ito! Ngunit habang mas dumarami ang makamundong pagtakwil at pagkondena ng mga puwersang pangrelihiyon, mas nagiging malinaw na ito ang tunay na daan at ang gawain ng Diyos. Dinoble nito ang pagnanais kong manatili sa landas na ito!
Hindi nagtagal, nang malaman ng mga kapatid ang nangyayari, pinadalhan nila ako ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. Ang mga pagsubok ay pagpapala mula sa Akin, at ilan sa inyo ang malimit na lumalapit sa Aking harapan at nakaluhod na nagmamakaawa para sa Aking mga pagpapala? Mga hangal na bata! Lagi ninyong iniisip na ang ilang mapapalad na salita ay maibibilang na Aking pagpapala, gayunman ay hindi ninyo kinikilala ang kapaitan bilang isa sa Aking mga pagpapala. Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo. Huwag kayong mag-atubiling kumain at uminom at tamasahin ang Aking mga salita. Kapag dumaraan ang kadiliman, naiipon ang liwanag. Pinakamadilim bago magbukang-liwayway; pagkatapos nito ay unti-unting nagliliwanag ang kalangitan, at sumisikat ang araw. Huwag kayong matakot o mahiya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Labis akong naantig nang mabasa ko ito. Sinusunod natin ang bagong gawain ng Diyos, hinahadlangan tayo ng mga lider ng simbahan at hindi patas na tinatrato ng ibang taganayon. Hindi maiiwasan iyon. Dahil ang mga tao ay labis na ginawang tiwali ni Satanas, at ang mundo ay napakadilim at napakasama. Wala sa kanila ang sumalubong sa pagparito ng Diyos. Ang pagsunod sa Diyos ay hindi madali. Upang makapasok sa kaharian ng Diyos at makuha ang Kanyang pagsang-ayon, kailangan nating maranasan ang ganoong uri ng pag-uusig at paghihirap. Ang Diyos ang lakas na sumusuporta sa atin at laging kasama natin. Wala akong dapat ikatakot. Kailangan ko lang magdasal at magtiwala sa Diyos, at tiyak na gagabayan Niya tayo para malampasan ang mga panhahadlang at panggugulo ng pastor. Naisip ko ang mga karanasan ng mga kapatid na Chinese na nakita ko sa mga pelikula at video. Sila’y inaapi, tinutugis, at minamanmanan ng pamahalaan ng Tsina, at nahaharap sila sa posibleng pag-aresto sa anumang oras. Dinadamay din ang mga pamilya nila, at inaalisan sila ng mga ari-arian at trabaho. Marami sa kanila ang ikinukulong at brutal na pinahihirapan. Labis silang nagdurusa, pero nagagawa nilang sumandig sa Diyos at magpatotoo sa paggapi kay Satanas. At pagkatapos ay naisip ko kung paano nagdusa ang Diyos sa dalawang pagkakatawang-tao Niya. Nang pumarito sa lupa ang Panginoong Jesus sa katawang-tao para tubusin ang sangkatauhan, kinondena at nilapastangan Siya ng mga Hudyo, at sa huli’y ipinako. Sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao ang Diyos, at nagpapahayag Siya ng mga katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Siya’y nilalabanan, kinokondena, itinatakwil, at sinisiraan ng rehimen ni Satanas at ng mga puwersang anticristo ng mundo ng relihiyon. Labis na nagdurusa ang Diyos para iligtas ang sangkatauhan at ang napakaliit kong pagdurusa ay ni hindi kabanggit-banggit. Ang Diyos ay banal, at ang lahat ng Kanyang pagdurusa ay para sa kapakanan ng ating kaligtasan. Nagdusa ako para matamo ko ang katotohanan at maligtas, kaya isang bagay ito na dapat kong pagtiisan. Bagama’t ang karanasang iyon ay napakahirap para sa akin, nagkaroon ako ng kaunting pagkakilala sa mga lider ng simbahan at nagkaroon ako ng mas matibay na pananampalataya sa Diyos. Gumagamit talaga ang Diyos ng mga mapanghamon na kalagayan para magbahagi sa atin ng katotohanan, para gawing perpekto ang ating pananampalataya. Isa itong pagpapalang mula sa Diyos! Naging mas kalmado ako pagkatapos malaman ang layunin ng Diyos, at nakawala ako sa aking pagiging negatibo. Pagkatapos ay agad kong isinaayos ang isang pagtitipon para sa lahat ng aking kapatid na nasasadlak pa rin sa negatibong kalagayan. Naunawaan ng lahat ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagian namin, nagkaroon sila ng pananalig na patuloy na sumunod sa Diyos, at hindi na maging negatibo. Nagsimula kaming mamuhay ng normal na buhay-iglesia, nagbabahagi ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos, at ang lahat ay ganado.
Pero nagpatuloy ang mga lider ng simbahan na subukan ang lahat para pigilan kami. Minsan, nang mamatay ang asawa ng isang sister dahil sa sakit, pinilit siya ng buong pamilya niya na humingi ng paumanhin sa pastor para matulungan sila nito sa mga panalangin at ritwal sa libing. Sinamantala ng mga lider ng simbahan ang pagkakataong iyon para gipitin siya na isuko ang kanyang pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at bumalik sa simbahan. Galit na galit ako. Nagluluksa na nga siya sa pagkamatay ng asawa niya, pinahihirapan pa siya ng lider ng simbahan at ginigipit siya na isuko ang pananalig niya. Gumamit sila ng anumang kasuklam-suklam na paraan para lang mapabalik kami sa simbahan at sundin sila. Isang mas nakakataas na pastor ang nakipag-usap sa amin, at marami siyang sinabi na tumutuligsa at lumalapastangan sa Diyos. Paulit-ulit niya kaming hinimok na isuko ang pananampalataya namin. Pero nakakakilala na kami, kaya hindi kami naapektuhan. Nang makita ng mga pastor at lider ng bayan na matatag kami, sinabihan nila ang ibang taganayon na ihiwalay at ibukod kami, sabi nila, “Ang mga taong ito’y tumatangging makinig sa amin, kaya hayaan niyo lang silang magkaroon ng sarili nilang pananampalataya. Bantayan ninyo ang mga anak ninyo, ilayo ninyo sila nang husto sa mga taong ito. Madadamay ang buong pamilya ng sinumang nakikipag-ugnayan sa kanila o nagtatanong tungkol sa kanilang pananampalataya, at hindi namin sila tutulungan sa anumang bagay.” Pinapasubaybayan pa nga nila kaming mga nanampalataya sa Makapangyarihang Diyos sa mga kabataan sa simbahan. Ang sinumang makipag-ugnayan sa amin ay ipatatawag sa bahay ng pastor para masiyasat. Natulungan ako nitong makita nang mas malinaw ang tunay nilang mukhang lumalaban sa Diyos. Labis na kinokontrol ng mga kamay nila ang mga nananalig, at hindi sila pinapayagang pumunta sa harapan ng Diyos at marinig ang Kanyang tinig. Naisip ko ang mga Pariseo. Nang dumating ang Panginoong Jesus, talagang may awtoridad ang Kanyang gawain at mga salita, pero hindi sila naghanap o nagsiyasat. Sa takot na sundin ng mga nananalig ang Panginoong Jesus at mawala ang kanilang katayuan at ikinabubuhay, ibinuhos nila ang lahat sa pagtuligsa sa Kanya at ipinapako pa nga Siya sa krus. Hawak nila sa leeg ang mga nananalig, pinahihintulutan lamang ang mga tao na sambahin sila, at tumatangging ibalik ang mga tupa ng Diyos sa Kanya. Sila’y masasamang lingkod, at hindi naiiba sa kanila ang mga pastor at elder sa kasalukuyan. Naalala ko ang mga salita ng Panginoon na tumutuligsa sa kanila: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo ay hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok” (Mateo 23:13). “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya ay magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili” (Mateo 23:15). Ang mga lider ng simbahan sa kasalukuyan ay tulad lamang ng mga Pariseo noon. Sila’y masasamang lingkod na humahadlang sa landas na patungo sa kaharian. Tulad lamang ito ng inilalantad ng Makapangyarihang Diyos: “Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila’y tila may ‘maayos na pangangatawan,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos). Ang mga lider ng simbahan ay hindi lamang ayaw magsiyasat tungkol sa bagong gawain ng Diyos, kundi kapag nalaman nilang sinisiyasat ito ng isang tao, ginagawa nila ang lahat para hadlangan ito. Sa takot na susunod ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at titigil sa pagsamba at pagsunod sa kanila, o sa pagbibigay sa kanila ng mga handog, ginagamit nila ang mga lumang kaugalian at tradisyunal na ritwal ng nayon para kontrolin ang mga tao, pinipilit silang bumalik sa simbahan. Sinasabi nilang sila’y mga mananampalataya, pero wala sila ni katiting na takot sa Diyos sa puso nila. Likas silang mga demonyo na nasusuklam sa Diyos at sa katotohanan. Sila’y mga hadlang sa ating landas patungo sa kaharian. Alam kong pinahintulutan ng Diyos ang lahat ng pang-aaping ito para magkaroon kami ng kakayahang makakilala, para tunay naming matakasan ang pagkontrol ng mga lider ng relihiyon. Hindi ako patuloy na naisadlak sa negatibong kalagayan ng mga pagbatikos ng mga lider ng simbahan kundi pinalakas ng mga ito ang pananampalataya ko. Natakasan ko rin ang mga pagpipigil nila at nagpatuloy na magbahagi ng ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos. Paglipas ng panahon, nagsimula ring makilala ng ilan sa mga kaibigan at kamag-anak ko ang ugali ng mga lider ng simbahan, at tinanggap ng ilan sa kanila ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ipinakita nito sa akin na ang karunungan ng Diyos ay ginagamit batay sa mga panlalansi ni Satanas. Ang pang-aapi at paghadlang ng mga pastor ay tumulong na paghiwalayin ang mga kambing at mga tupa. Nakisama ang ilan sa mga lider ng simbahan sa pagkontra sa amin, pero nakilala naman ng ilan ang tunay nilang diwa. Narinig nila ang tinig ng Diyos at bumaling sila sa Diyos. Kamangha-mangha ang gawain ng Diyos! Itinuro sa akin ng karanasang ito na ang mabuting kalooban ng Diyos ay nasa anumang sitwasyon. Ito lamang ang kailangan natin, at ang lahat ng ito’y para iligtas tayo at gawin tayong perpekto. Nagpasya ako na anuman ang suungin ko sa hinaharap, handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at umasa sa Kanya para malampasan ito. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!