18. Nang Alisin ang mga Magulang Ko sa Iglesia
Isang araw noong Oktubre 2018, sinabi sa akin ng isang lider, “Inalis ang mga magulang mo sa iglesia.” Nabigla ako—hindi ko talaga ito mapaniwalaan. Nakagawa ang mga magulang ko ng nakagagambalang bagay, alam ko, pero siguradong hindi gayon kalala para alisin sila. Naupo lamang ako roon nang gulung-gulo ang puso ko. Ang nakatatanda kong kapatid na babae ay pinatalsik na ng iglesia noon dahil sa pakikipagsabwatan sa isang anticristo at pagkabigong magsisi sa kabila ng lahat ng pagsusumikap ng pakikipagbahaginan sa kanya. Ngayon ang mga magulang ko ay inalis din, at ako na lang ang natitirang mananampalataya sa aming pamilya. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay mag-isa lang ako. Mahigit dalawang dekada na mula nang umanib sa pananampalataya ang pamilya namin at nagtiis kami sa pang-aapi ng CCP sa buong panahong iyon. Dalawang beses na inaresto ang ama ko dahil sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at gumugol ng limang taon sa kulungan. Kami ng ina at kapatid kong babae ay nabuhay nang walang permanenteng tahanan, nagpapalipat-lipat kung saan-saan para makaiwas sa pag-aresto. Napagdaanan namin ang lahat ng uri ng magaganda at masasamang pangyayari, at ngayon ay malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Kaya paanong pinaalis sila sa iglesia? Talagang dumanas sila ng paghihirap at nagdusa nang husto. Wala bang kabuluhan ang lahat? Sa isiping iyon, hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Sinubukan kong mangatwiran sa Diyos sa puso ko: Marahil ay hindi nagkamit ang mga magulang ko ng pagkilala, pero masyado silang nagdusa. Kung isasaalang-alang ang lahat ng kanilang mga taon ng sakripisyo, hindi ba at nararapat silang bigyan ng isa pang pagkakataon na magsisi? Kahit man lang manatili sila bilang mga trabahador! Habang mas nag-iisip ako nang gayon, mas lalong masakit at malungkot ito para sa akin, at nawalan ako ng lakas na gawin ang tungkulin ko. Pinaalalahanan ako ng sister na kapareha ko: “Kapag nangyayari ang isang bagay tulad nito, kailangan mo itong tanggapin mula sa Diyos—hindi ka pwedeng magreklamo. Anuman ang gawin ng Diyos ay matuwid.” Kahit na naunawaan ko ang katwiran niya noong panahong iyon, hindi ko talaga mabago ang pag-iisip ko.
Pagkalipas ng dalawang linggo ay nabasa ko ang mga papeles sa pagpapaalis sa mga magulang ko. Sinabi nila na partikular na mayabang ang ama ko, laging sinusunod ang gusto niya kapag nag-aasikaso siya ng mga pangkalahatang gawain, kaysa gawin ang kanyang tungkulin ayon sa prinsipyo. Hindi siya tumatanggap ng mga mungkahi mula sa mga kapatid, na naging sanhi ng malaking kawalan ng pera ng iglesia. Bukod pa roon, ipinagpatuloy niya ang paghahatid ng mga aklat ng mga salita ng Diyos kahit alam na alam niya mismo ang panganib sa kanyang kaligtasan. Hindi man lang niya pinakinggan ang payo ng mga kapatid at nagpatuloy pa rin, na nagresulta sa pagkaaresto at pagkakulong niya at nasamsam ang mga aklat. May nakapipinsala itong kapalit sa iglesia. Binaluktot din ng aking ama ang mga bagay-bagay nang patalsikin ang kapatid kong babae, sinasabing nangyari lamang iyon dahil may isyu rito ang lider. Pinalaki rin niya ang ilang katiwalian na naipakita ng lider, nagbanta na sisiraan ito at pababagsakin ito. Ang ilan sa iba pa, na nalihis na pumanig sa kanya, ay nagkaroon ng pagkiling laban sa lider, at naging hadlang ito sa lider na gawin nang normal ang kanyang tungkulin. Ang gawain ng iglesia ay malubhang nagambala ng mga kilos at pag-uugali ng aking ama, at hindi siya nagpakita ni katiting na pagsisisi o pagkakonsensya para sa kasamaan na ginawa niya. Sa huli ay naging klasipikado siya bilang isang masamang tao at inalis sa iglesia. Para sa bahagi ng aking nanay, naalis siya—ayon din sa prinsipyo—dahil hindi siya tumigil sa pakikipagtalo laban sa pagpapatalsik sa kapatid ko. Patuloy siya sa pagrereklamo tungkol sa lider sa harap ng iba pang mga kapatid, na nag-udyok ng kawalan ng tiwala sa magkabilang panig, at binaluktot ang mga tunay na pangyayari sa panahon ng mga pagtitipon, kinampihan ang kaso ng ilang tao na natiwalag at sinasabi na kagagawan ito ng lider para gantihan sila. Iyon din ay malubhang nakagambala sa buhay ng iglesia. Sa kabila ng maraming pagsisikap ng mga kapatid na magkipagbahaginan sa kanya, matatag siyang tumanggi na tanggapin ang katotohanan. Hindi niya nakikita ang mga bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at pumanig sa masasamang tao sa paggambala sa gawain ng iglesia. Nang walang nadaramang pagsisisi, kalaunan ay inalis siya sa iglesia. Dahil sa lahat ng kanilang masasamang gawa, alam kong tama sa prinsipyo na alisin ang aking ama at ina, ngunit kapag naiisip ko na nangyayari na nga talaga ito, hindi ko alam kung paano ko kakayanin. Lubha talaga itong nakababalisa. Nanamlay ako nang mabasa ko ang papeles tungkol sa pagpapaalis sa kanila, at hindi ko napigilan ang pag-iyak. Nagsimula akong mangatwiran sa Diyos: “Diyos ko, mahal Mo ang sangkatauhan. Mahigit 20 taon nang mananampalataya ang aking mga magulang at napakaraming hirap ang pinagdaanan. Hindi ba sila nararapat sa kaunting pagkilala sa lahat ng kanilang isinakripisyo?” Nabubuhay ako sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa. Sa pagpapaalis sa buong pamilya ko, na ako na lang ang natitirang mananampalataya, pinag-isipan ko kung paano ako makapagpapatuloy sa landas na ito. Sa loob ng mahigit dalawang taon ay nanatili ako sa magulong kalagayang ito, at sa huli ay natanggal ako dahil wala akong natatamong anuman sa aking tungkulin. Lubha akong nahirapan, at paulit-ulit akong nagdasal habang umiiyak, “O Diyos! Naghinanakit ako at nagkaroon ng maling pagkaunawa sa Iyo dahil sa pagpapaalis sa mga magulang ko sa iglesia. Alam kong mapanganib mapunta sa kalagayang ito, pero wala akong lakas na iwaksi ito. Diyos ko, gabayan at iligtas Mo po sana ako.”
Pagkatapos, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nang malaman na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, itinuturing nila Siya na isang simbolo ng pagmamahal: Naniniwala sila na anuman ang ginagawa ng mga tao, paano man sila kumikilos, paano man nila tinatrato ang Diyos, at gaano man sila kamapaghimagsik wala sa mga ito ang mahalaga, sapagkat ang Diyos ay may pagmamahal, at ang Kanyang pagmamahal ay walang hangganan at hindi masusukat; ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging mapagparaya sa mga tao; at ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging maawain sa mga tao, maawain sa kanilang pagiging isip-bata, maawain sa kanilang kamangmangan, at maawain sa kanilang paghihimagsik. Ganito ba talaga ito? Para sa ilang tao, kapag naranasan na nilang minsan o kahit ilang beses ang pasensya ng Diyos, ituturing nila ang mga karanasang ito bilang puhunan sa kanilang sariling pagkaunawa sa Diyos, naniniwala na magiging mapagpasensya at maawain Siya sa kanila magpakailanman, at pagkatapos, habang nabubuhay sila, itinuturing nila ang pasensyang ito ng Diyos at isinasaalang-alang bilang pamantayan ng Kanyang pagtrato sa kanila. May mga tao rin na, matapos maranasan nang minsan ang pagpaparaya ng Diyos, ay magpakailanmang ipapakahulugan ang Diyos na mapagparaya—at sa kanilang isipan, ang pagpaparayang ito ay walang hangganan, walang kondisyon, at lubos pa ngang walang prinsipyo. Tama ba ang ganitong mga paniniwala?” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). “Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ay mapagmahal, pero nakatayo sa prinsipyo ang pagmamahal ng Diyos sa tao. Hindi ito bulag at walang prinsipyo, gaya ng uri ng pagmamahal na mayroon ang mga tao. Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at naninindigan Siya sa mga kilos at pag-uugali ng bawat tao. May pagmamahal at awa ang Diyos para sa mga nagmamahal sa katotohanan, ngunit lumabag. Ngunit pagdating sa mga masasamang tao na tutol sa katotohanan at gumagambala sa gawain ng iglesia, kinokondena at tinitiwalag Niya ang mga ito. Hindi dahil sa mapagmahal ang Diyos ay nangangahulugang Siya ay may habag at pagpaparaya sa masasamang tao, at pinahihintulutan silang guluhin ang gawain ng iglesia. Mali ang pagkaunawa ko sa disposisyon at diwa ng Diyos at tinukoy ko Siya ayon sa sarili kong mga kuro-kuro. Ipinagpalagay ko na dahil mahal ng Diyos ang mga tao ay patuloy Niya tayong bibigyan ng pagkakataong magsisi, gaano man kalaking kasamaan ang ginagawa natin, basta at sumusunod tayo at nagsasakripisyo para sa Kanya. Iyon ang dahilan kaya hindi ko nagawang tanggapin ang pagpapaalis sa mga magulang ko, at nagsimula akong mangatwiran sa Diyos at lumaban sa Kanya. Sa paggunita, binigyan ng iglesia ng maraming pagkakataon ang mga magulang ko bago sila inalis, at dahil lang sa hindi sila kailanman nagsisi kaya naman umabot sa puntong iyon. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal. Hangga’t handang magsisi ang mga tao sa kanilang mga paglabag at pagpapakita ng katiwalian, labis na mahabagin at mapagparaya ang Diyos. Pero ang mga taong katulad ng mga magulang ko, na gumawa ng napakaraming kasamaan nang hindi tunay na nagsisisi at mas lumala pa sa paggawa ng masama, ay talagang masasamang tao, at hindi magagawa ng Diyos na patuloy na magpakita ng awa at pagpaparaya sa gayong klase ng mga tao. Sa partikular, hindi Siya magiging maluwag sa kanila dahil lang sa matagal na silang mananampalataya at nagdusa nang matindi para sa pananampalataya.
Isang araw, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kwalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo na silang taglay; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, ‘Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.’ Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagiging matuwid ng Diyos ay hindi tulad ng inakala ko—na ang makukuha natin ay nakasalalay sa kung gaano ang ibinigay natin. Hindi kailangang paboran ng Diyos ang mga taong maraming ginagawa sa paggugol ng kanilang sarili, gumagawa at nagdurusa para sa Kanya. Para sa Diyos, walang anumang “May merito pagsisikap nang husto, anuman ang kontribusyon.” Hindi pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa kung gaano katindi ang kanyang pagdurusa para sa gawain, o gaano kataas ang kanyang ranggo. Hindi Niya tinitingnan kung gaano katindi ang kanyang ipinagsakripisyo sa panlabas. Ang mahalaga ay kung hinahangad niya ang katotohanan at isinasagawa ito, at kung may pagbabago ang kanyang buhay disposisyon. Hindi niya kailanman makukuha ang pagsang-ayon ng Diyos kung hindi niya isinasagawa ang Kanyang mga saltia, gaano man kalaki ang kanyang senyoridad o gaano man siya nagdusa para sa gawain. Siya ay matuwid na parurusahan ng Diyos dahil sa kasamaan na nagawa niya. Sinusukat ko ang katwiran ng Diyos sa isang transaksyonal na pag-iisip. Naisip ko na dahil nagsakripisyo at nagdusa nang husto ang mga magulang ko sa mga taon ng kanilang pananampalataya, dapat silang magkaroon ng mas maraming pagkakataong magsisi at makapanatili sa iglesia, gaano man karami ang kanilang ginawang kasamaan. Kung hindi, hindi ito magiging patas sa kanila. Pero mali lahat ang paraan ng pag-iisip ko. Naisip ko si Pablo, na patawid-tawid sa Europa para ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon. Ilang beses siyang naaresto at nagdusa nang husto, ngunit kahit saan siya magpunta ay tumayo siya nang matatag at nagpatotoo sa kanyang sarili. Sa huli, sinabi niya na nabuhay siya bilang Cristo, at ang mamatay ay isang pakinabang. Bilang resulta ay iginalang siya sa loob ng dalawang libong taon. Sa isip ng mga tao ay kumuha siya ng isang lugar na mas mataas kaysa sa Panginoong Jesus, at sa huli ay pinarusahan siya ng Diyos dahil sa paglaban sa Kanya. Nakita ko mula rito na hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano karami ang nagawa ng mga tao at napagdusahan sa panlabas. Nagpapataw Siya ng kaparusahan, ayon sa kanilang mga gawa, laban sa mga gumagawa ng masama at lumalabag sa Kanyang disposisyon pero matigas na tumatangging magsisi. Halimbawa, ang aking mga magulang, ay gumawa, nagdusa at nagsakripisyo nang husto para sa sa Diyos, ngunit hindi nila kailanman tinanggap ang katotohanan. Ang lahat ng ginawa nila ay nagsilbi upang guluhin ang gawain ng iglesia at pahinain ang normal na buhay-iglesia, na puminsala sa buhay ng mga kapatid at nakasira sa mga interes ng iglesia. Ang pag-alis sa kanila sa iglesia ay sunod sa prinsipyo at ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Sa hindi pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos, kumapit ako sa transaksyonal na kuru-kuro na “Mayroong merito sa pagsisikap nang husto, anuman ang kontribusyon.” Sinubukan kong mangatwiran sa Diyos tungkol dito, at gumawa ng kaguluhan, habang nabubuhay sa negatibong kalagayan at lumalaban sa Diyos. Napakarebelde ko! Nang mapagtanto ito, sumama ang pakiramdam ko at nagsisi, at nanalangin ako nang umiiyak, “Diyos ko! Nanalig ako sa Iyo sa lahat ng mga taong ito nang hindi Ka man lang nakikilala. Sinukat ko ang Iyong pagmamahal at pagiging matuwid ayon sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, lagi Kang nilalabanan, at sinusubukang mangatwiran sa Iyo. O Diyos, nakikita ko na ngayon na ang pagpapaalis sa mga magulang ko ay pagiging matuwid Mo.” Labis-labis akong napanatag pagkatapos manalangin nang gayon.
Kalaunan, naisip ko na dahil ito sa tindi ng pagmamahal ko para sa aking mga magulang kaya labis akong nagdamdam sa pagpapaalis ng iglesia sa kanila. Pinaalala nito sa akin ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng kanyang pag-iral, at na mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, kaya nga inaaksaya niya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). “Walang ni isang walang pananampalataya ang nananalig na mayroong Diyos, o na Siya ang lumikha ng langit at lupa at ng lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May iba pa nga na nagsasabi, ‘Ang buhay ay ibinigay sa tao ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang.’ Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Nanggaling ba ito kay Satanas? Ang libo-libong taon ng tradisyonal na kultura ang nagturo at naglihis sa tao sa ganitong paraan, na nagdudulot sa kanila na itanggi ang paglikha at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi dahil sa panlilihis at pagkontrol ni Satanas sa mga tao, sisiyasatin ng tao ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nilang sila ay nilikha ng Diyos, na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang dapat nilang pasalamatan. Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, upang gugulin ang sarili niya para sa Diyos, ang taong iyon ay mas lalakas at higit na magkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao, at ang lahat ng mayroon tayo ay ipinagkaloob sa atin ng Diyos; na umabot lang tayo sa kinalalagyan natin ngayon sa pamamagitan ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at na iyong naging mabait o matulungin sa atin ay gayon dahil sa pagsasaayos ng Diyos. Dapat nating tanggapin ang mga ito mula sa Diyos at maging mapagpasalamat sa Diyos para sa Kanyang pagmamahal. Napagtanto ko na sa halip na sumunod sa mga salita ng Diyos, ang iniisip ko lang ay ang kabutihang ipinakita sa akin ng aking mga magulang. Hindi ko nakita kung paanong ang pamamahala at pagsasaayos ng Diyos ay nasa likod ng lahat ng ginawa ng mga magulang ko, at na ang pangangalaga, proteksyon, at patnubay ng Diyos ang nagdala sa akin hanggang sa araw na ito. Hindi ako nagpasalamat sa Diyos para sa pangangalaga at proteksyon Niya o sinuklian ang Kanyang pagmamahal. Sa halip, naging mapaghimagsik at mapanlaban ako sa Diyos. Habang mas pinagninilayan ko ito, mas lalo kong naramdamang naging wala akong konsensiya. Binigo ko ang Diyos!
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan: “Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila mapag-iba ang mabuti sa masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hangarin ang mga layunin ng Diyos o magawang kunin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa pagpapahalaga sa katarungan? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba mapaghimagsik kung gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Hinihingi ng Diyos na mahalin natin ang minamahal Niya at kamuhian ang kinamumuhian Niya. Ang mga napopoot sa katotohanan at lumalaban sa Diyos ay talagang masasamang tao na kinasusuklaman at kinapopootan ng Diyos, kaya dapat din tayong mapoot sa kanila. Hindi ko kinilatis ang diwa ng mga magulang ko alinsunod sa mga salita ng Diyos. Gaano man nila napinsala ang gawain ng iglesia, kumampi ako sa kanila, nangangatwiran sa Diyos at nilalabanan Siya. Pinanghinaan pa nga ako ng loob sa paggawa sa tungkulin ko. Ngunit ngayon ay naunawaan ko kung bakit sinabi ng Diyos: “Ang mga damdamin ay kaaway Niya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 28). Dahil sa mga damdamin, nagkaroon ako ng pagmamahal at awa sa masasamang tao. Umasa pa nga akong bibigyan sila ng Diyos ng isa pang pagkakataon para magsisi at manatili sa iglesia. Naging napakahangal ko! Ang masasamang tao ay hindi kailanman tunay na magsisisi, anuman ang mangyari. Ito ay isang bagay na natutukoy sa kanilang diwa. Ang hayaang manatili ang aking mga magulang sa iglesia ay pagpapalampas sa kasamaang patuloy nilang ginagawa at sa paggambala nila sa gawain ng iglesia. Ito’y pagpanig sa masasamang tao laban sa Diyos!
Isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko kalaunan ang medyo nagbigay-liwanag sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Balang araw, kapag nauunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, at na pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang tanging nagbubukod sa kanila ay na magkadugo kayo. Kung hindi sila naniniwala sa Diyos, kapareho sila ng mga walang pananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong ugnayan sa laman, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspetong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw tungkol sa paglutas ng mga problema, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung sisiyasatin mo nang tumpak ang mga aspetong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. Isang araw ay maaaring malinaw mong makita na sila ay mga taong may mga tiwaling disposisyon katulad mo. Maaari pa ngang maging mas malinaw na hindi sila ang mababait na tao na may tunay na pagmamahal sa iyo na tulad ng inaakala mo, at na hindi ka nila talaga maaakay sa katotohanan o sa tamang landas sa buhay. Maaaring malinaw mong makita na ang nagawa nila para sa iyo ay walang gaanong pakinabang sa iyo, at na wala itong silbi sa pagtahak mo sa tamang landas sa buhay. Maaaring makita mo rin na marami sa kanilang mga pagsasagawa at opinyon ay salungat sa katotohanan, na sila ay makalaman, at na hinahamak, kinasusuklaman at tinututulan mo sila dahil dito. Kung makikita mo ang mga bagay na ito, matatrato mo na nang tama ang iyong mga magulang sa puso mo, at hindi ka na mangungulila at mag-aalala sa kanila, at makakaya mo nang mamuhay nang malayo sa kanila. Nakumpleto na nila ang kanilang misyon bilang mga magulang, kaya hindi mo na sila ituturing na pinakamalapit na mga tao sa iyo o iidolohin sila. Sa halip, ituturing mo silang mga ordinaryong tao, at sa panahong iyon, hindi ka na magpapaalipin nang lubusan sa iyong mga damdamin at talagang makakahiwalay ka na sa iyong mga damdamin at pagmamahal sa pamilya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago). Lubos na nakaaantig na mabasa ito. Dahil sa tindi ng pagmamahal ko para sa mga magulang ko, ang nakita ko lang ay kung gaano sila kabuti sa akin, at hindi ang kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Hindi ko malinaw na nakita ang diwa nila o ang landas na tinatahak nila, at kaya hindi ko maharap nang tama ang usapin ng pag-aalis sa kanila. Puno ng damdamin, sinubukan kong mangatwiran sa Diyos, at sa loob ng mahigit dalawang taon ay naging negatibo at mapanlaban ako. Malubhang napinsala ang buhay ko, at nakagawa ako ng mga paglabag. Paunti-unti, sa pamamagitan ng pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos, ang aking matigas at suwail na puso ay nagising at nabura ang aking maling pagkaunawa sa Diyos. Ngayon ay mas malaya na ang pakiramdam ko at nabawi ko na ang lakas ko para gawin ang aking tungkulin. Salamat sa Diyos sa pagliligtas Niya.