15. Mga Karumihan sa Aking mga Sakripisyo Para sa Diyos
Isang araw ng Abril 2020, bigla akong nakaramdam ng matinding kirot sa bandang kanan ng likod ko. Akala ko naipitan ako ng ugat nang hindi sinasadya kaya hindi ko ito masyadong pinansin, na iniisip na baka sakaling mawala iyon kapag tinapalan ko ng pantapal na gamot. Pero sa gulat ko, lumala lang ang sakit ng likod ko. Para iyong tinutusok ng karayom—tumatagos ang kirot mula sa dibdib hanggang sa likod ko. Nang lumala iyon, parang may kumakalmot sa laman at mga buto ko. Napakatindi ng sakit, hindi ko talaga ito maipaliwanag. Ilang gabi akong hindi nakatulog dahil sa sobrang sakit. Pakiramdam ko hindi ko na kaya iyon at ginusto ko nang magpasugod sa doktor, pero katatakda ko pa lang ng isang pulong para ibahagi ang ebanghelyo sa ilang tao. Tiyak na maaantala iyon kapag nagpasuri ako. Naisip ko na pupunta na lang ako pagkaraan ng ilang araw, matapos ko silang pulungin, at maliban doon, nasa mga kamay ng Diyos ang lahat. Kinailangan ko lang patuloy na gawin ang aking tungkulin, at baka sakaling bumuti ang pakiramdam ko pagkaraan ng ilang araw. Kaya tiniis ko ang sakit, at nagpunta ako sa ospital matapos kong ipalaganap ang ebanghelyo. Napakaseryosong sinabi sa akin ng doktor, “Bakit ngayon ka lang nagpatingin? Hindi ito maliit na bagay. Shingles ito na dala ng isang virus, kung lumubha ito maaari pa itong makamatay.” Talagang natigilan ako. Wala sa hinagap ko na napakalubha niyon, na maaari ko pa iyong ikamatay kung hindi iyon magagamot! Aktibo akong nagbabahagi ng ebanghelyo at gumagawa ng aking tungkulin, kaya paano ako nagkaroon ng gayon kalubhang sakit? Sa nakalipas na ilang taong ito nagsakripisyo ako at gumugol ng aking sarili, at nagdusa ako at nagpakahirap. Hindi ko kailanman pinagtaksilan ang Diyos, kahit noong arestuhin at malupit na pinahirapan ng Communist Party, at patuloy kong ginawa ang tungkulin ko matapos akong makulong. Kaya paanong nagkasakit pa rin ako? Lalong sumama ang loob ko nang maisip ko iyon. Pakiramdam ko malapit na akong umiyak, at nakaramdam ako ng kahungkagan sa puso ko.
Noong panahong iyon, medyo abala rin sa iglesia, kaya patuloy kong ginawa ang tungkulin ko habang nagpapagamot. Kapag nagbibisekleta ako, nasasaktan ako nang husto sa anumang lubak. Kung minsan ay bigla akong inaatake ng matinding sakit at ni hindi pa nga ako mapirmi ng upo. Humihiga ako pagkauwi ng bahay mula sa tungkulin ko, na ubos na ang lakas at ayaw ko man lang magsalita. Alam ko na nangyayari ito sa akin sa pahintulot ng Diyos. Nagdarasal ako at naghahanap, at nagninilay kung may nagagawa ba ako na hindi naaayon sa layunin ng Diyos, at naisip ko na basta’t nakita ko ang aking pagkakamali at patuloy kong ginagawa ang tungkulin ko, baka gumaling ako sa sakit ko. Pero dalawang buwan ang mabilis na lumipas, at hindi bumubuti ang lagay ko. Nag-alala ako kung hanggang kailan tatagal ang karamdamang ito—ano ang gagawin ko kung hindi na ako gumaling kahit kailan? Sa loob ng nagdaang ilang taon hindi ako kailanman tumigil sa paggawa ng tungkulin ko. Patuloy akong nagbabahagi ng ebanghelyo kahit may sakit ako, kaya bakit hindi bumubuti ang lagay ko? Lalo pa akong nasaktan at nainis nang isipin ko ito. Naisip ko, “Kung hindi ako gumaling kailanman, maaaring dumating ang araw na ni hindi na ako makagawa ng tungkulin at hindi na ako makagawa ng mabubuting gawa. Maliligtas kaya ako noon? Wala bang kabuluhan ang lahat ng naibigay ko sa nakalipas na mga taon. Dapat kong ipunin ang lakas ko para sa aking kalusugan at tingnan kung ano ang nangyayari sa aking karamdaman.” Hindi ko na isinapusong masyado ang tungkulin ko pagkatapos niyon. Sa mga pagtitipon ng aming grupo, nagtatanong lang ako nang walang gana tungkol sa mga potensyal na target ng ebanghelyo, at kung wala, umuuwi ako at nagpapahinga. Takot talaga akong mapagod nang sobra at lalong magkasakit. Noong panahong iyon, naligalig ako nang husto sa karamdaman ko, at talagang nanlulumo ako. Wala akong nakakamit na kaliwanagan mula sa mga salita ng Diyos, at talagang matamlay ang pagbabahagi ko sa mga pagtitipon. Pakiramdam ko ay talagang napakalayo ko sa Diyos. Sa aking pasakit, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Miserable ako dahil sa karamdamang ito, may mga reklamo ako, at wala akong gana na gawin ang tungkulin ko. Liwanagan Mo sana ako para maunawaan ko ang mga layunin Mo. Nais kong pasakop, pagnilayan ang sarili ko, at matuto ng aral.”
Nabasa ko ang mga salita ng Diyos sa aking paghahanap: “Una, kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga layunin, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang paniniwala sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pangunahing layunin sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. Sa mga karanasan ng tao sa kanilang buhay, madalas nilang naiisip sa kanilang sarili: ‘Isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong makita ang kabuuan nito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging katapusan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? …’ Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng mga bagay na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling katapusan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, negatibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘paniniwala sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Nakonsensya talaga ako nang pagbulayan ko ang mga salita ng Diyos. Nalaman ko na hindi ko talaga tinatratong Diyos ang Diyos sa aking pagsampalataya. Noon ko pa tinatrato ang Diyos na parang isang Swiss Army knife, parang isang palamuting sungay ng kambing, na iniisip na basta’t patuloy kong ginugol ang sarili ko para sa Diyos, tiyak na pananatilihin Niya akong ligtas at maayos ang kalagayan, na hindi ako kailanman daranas ng karamdaman o trahedya, at na matatakasan ko ang lahat ng uri ng sakuna, at maliligtas at magtatamo ako ng magandang hantungan sa huli. Sa nakalipas na huling ilang taong ito napalayo ako sa aking pamilya at tinalikuran ko ang propesyon ko para gawin ang tungkulin ko, marami akong napagdusahan at naibigay, at hindi ako umatras kailanman noong arestuhin ako at pahirapan. Pero nang magkasakit ako, lalo na noong makita ko na tumatagal ang mga problema ko sa kalusugan, sinisi ko ang Diyos at sinubukan kong mangatwiran sa Kanya. Kinalkula ko ang lahat ng pinagdusahan ko sa nakalipas na mga taon, at akala kong masasayang ang lahat ng naibigay ko kung hindi ako maliligtas, at nagsimula akong magpabaya sa aking tungkulin. Nakita ko na ang pagsampalataya ko ay hindi para matamo ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, kundi para ipagpalit ang paghihirap at pagsisikap ko sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba pandaraya at paggamit lang iyon sa Diyos? Para mailigtas ang sangkatauhan, binigyan na tayo ng Diyos ng napakaraming salita para diligan at tustusan tayo. Pero hindi ko sinuklian ang pagmamahal ng Diyos; sa halip, tinangka kong makipagtransaksiyon sa Kanya. Nang hindi Niya tinupad ang gusto ko, sinimulan kong gawin ang aking tungkulin nang padalus-dalos, at walang pagmamalasakit. Hindi man lang ako naging tapat sa Diyos. Wala talaga akong konsensya o katwiran! Humarap ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko, ginagamit at dinadaya Kita sa aking pananampalataya. Halos hindi na ako tao! Gusto kong magsisi sa Iyo. Gabayan Mo sana ako.”
Pagkatapos ay nabasa ko ang salita ng Diyos: “Sa maraming pagkakataon, ang mga pagsubok ng Diyos ay mga pasaning ibinibigay Niya sa mga tao. Gaano man kabigat ang pasaning ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, iyon ang bigat ng pasaning dapat mong isagawa, sapagkat nauunawaan ka ng Diyos, at alam Niya na kakayanin mo iyon. Ang pasaning bigay sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit sa iyong tayog o sa mga limitasyon ng iyong pagtitiis, kaya walang duda na makakayanan mong tiisin iyon. Anumang uri ng pasanin ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, anumang uri ng pagsubok, tandaan mo ang isang bagay: Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos at binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka man o hindi ng Banal na Espiritu pagkatapos mong manalangin, dinidisiplina o binabalaan ka man ng Diyos sa pagsubok na ito o hindi, hindi mahalaga kung hindi mo ito nauunawaan. Basta’t hindi ka nagpapaliban sa pagganap sa iyong tungkulin at tapat mong napanghahawakan ang iyong tungkulin, malulugod ang Diyos, at maninindigan ka sa iyong patotoo. … Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, ‘Anumang karamdaman o kasuklam-suklam na pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,’ hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, ‘Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin’” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang Kanyang layunin. Anumang klaseng paghihirap ang nararanasan ko, lahat ng iyon ay pinahintulutan ng Diyos. Ang karamdamang ito ay pagbibigay sa akin ng pasanin ng Diyos na dapat kong tanggapin at tiisin, at dapat akong tumayong saksi. Naisip ko si Pedro, na naghangad na magpalugod at magpasakop sa Diyos. Nagdusa siya sa pamamagitan ng karamdaman at namuhay sa kasalatan, pero nagawa niyang tanggapin ang mga bagay na ito at hindi nagreklamo kailanman. Hindi nabago ng mga bagay na ito ang pagmamahal niya sa Diyos. Kinailangan kong lumugar bilang isang nilalang na kagaya ni Pedro, at talagang matuto ng aral mula sa sitwasyong ito. Patuloy akong uminom ng gamot habang ginagawa ko rin ang aking tungkulin, at hindi ko nadama na napipigilan ako ng aking karamdaman. Makalipas ang ilang buwan ng unti-unting paggaling, bumuti ang aking kalagayan. Lubos akong nagpasalamat sa Diyos.
Isang araw ng Setyembre, umuwi ako mula sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at seryosong sinabi sa akin ng asawa ko na nagpatingin siya noong nakaraang araw, at sinabihan siya ng doktor na bumalik kinabukasan para magpa-MRI. Nang marinig kong sabihin ito ng asawa ko, talagang naligalig ako, at nag-isip ako kung may malubha siyang karamdaman. Pabiling-biling ako sa kama nang gabing iyon at hindi ako nakatulog. Sinubukan kong aluin ang sarili ko, na iniisip na hindi naman siguro iyon malaking bagay. Mananampalataya rin siya, at may tungkulin akong ginagawa na malayo sa bahay, kaya dapat siyang protektahan ng Diyos. Sinamahan ko siya sa ospital kinabukasan. Ang nakakagulat, lumabas na mayroon siyang cancer sa lapay. Talagang natulala ako nang marinig ko ang balita. Narinig ko na talagang mahirap gamutin ang ganitong klase ng cancer at na kung hindi ito magamot kaagad ay maaari itong lumala nang napakabilis, at na kung malubha rin ito, maaari itong makamataysa loob lang ng ilang buwan. Naisip ko kung paanong tila puno siya ng buhay, pero maaaring ilang maikling panahon na lang ang nalalabi sa kanya. Parang binagsakan ako ng langit. Naisip ko, “Halos kagagaling ko pa lang at ngayon ay may cancer ang asawa ko. Bakit nangyayari ito?” Sa tuwing naiisip ko ang tungkol sa cancer ng asawa ko, iyak lang ako nang iyak. Nanalangin ako sa Diyos habang nasasaktan, na hinihiling sa Kanya na bantayan ang puso ko, at gabayan ako para maunawaan ko ang Kanyang layunin.
Nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Sa kanilang pananalig sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang mithiin sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong hangarin at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang mga aspeto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagpipigil ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspeto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng masasakit na pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Magiging imposible iyan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pinagnilayan ko ang sarili ko ayon sa mga salita ng Diyos. Noong may sakit ako dati, sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng mga salita Diyos, nakita kong mali ang pananaw kong maghangad ng mga pagpapala, at na handa akong magpasakop gumaling man ako o hindi. Akala ko nawalan na ako ng ganang maghangad ng mga pagpapala, pero nang magka-cancer ang asawa ko, hindi ko napigilang sisihin at hindi maunawaan ang Diyos. Pakiramdam ko dapat kaming protektahan ng Diyos, dahil mga mananampalataya kami. Nakita ko kung gaano kalalim ang pagnanasa ko para sa mga pagpapala. Kung hindi ako ibinunyag ng Diyos sa ganoong paraan, mahihirapan akong matukoy ang layunin na magkamit ng mga pagpapala at engrandeng pagnanais na malalim na nakaugat sa puso ko, at lalong magiging mas mahirap para sa akin na madalisay at magkamit ng pagbabago. Tapos ay natanto ko na may aral akong kailangang matutunan mula sa karamdaman ng asawa ko, at kinailangan kong itigil ang paninisi sa Diyos.
Nang huminahon ako, pinagnilayan ko kung bakit hindi ko napigilang magreklamo at magkamali ng pag-unawa sa Diyos nang magka-cancer ang asawa ko. Nabasa ko sa salita ng Diyos: “Sa mga mata ng mga anticristo, at sa kanilang mga kaisipan at pananaw, dapat mayroong ilang pakinabang sa pagsunod sa Diyos; hindi sila mag-aabalang kumilos kung walang mga pakinabang. Kung walang matatamasang kasikatan, pakinabang, o katayuan, kung hindi nila makukuha ang paghanga ng iba sa mga gawaing ginagawa nila o mga tungkuling ginagampanan nila, kung gayon, walang saysay na manampalatayag sa Diyos at gawin ang kanilang mga tungkulin. Ang unang mga pakinabang na dapat nilang makuha ay ang mga pangako at pagpapala na binanggit sa mga salita ng Diyos, at dapat din nilang matamasa ang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa loob ng iglesia. Iniisip ng mga anticristo na sa pananampalataya sa Diyos, kailangang maging nakatataas ang isang tao sa iba, kailangang hangaan, kailangang maging espesyal—sa pinakamababa, kailangang matamasa ng mga mananampalataya sa Diyos ang mga bagay na ito. Kung hindi, may kuwestiyon kung ang tunay na Diyos itong Diyos nasinasampalatayanan nila. Hindi ba’t ang lohika ng mga anticristo ay na itinuturing nilang ang katotohanan ang mga salitang ‘Ang mga mananampalataya sa diyos ay dapat magtamasa ng mga pagpapala at biyaya ng Diyos’? Subuking suriin ang mga salitang ito: Katotohanan ba ang mga ito? (Hindi.) Ngayon ay malinaw na hindi katotohanan ang mga salitang ito, maling paniniwala ang mga ito, lohika ni Satanas ang mga ito, at walang kaugnayan sa katotohanan ang mga ito. Sinabi na ba ng Diyos na, ‘Kung mananampalataya sa Akin ang mga tao, tiyak na pagpapalain sila, at hindi kailanman magdurusa ng paghihirap’? Aling linya sa mga salita ng Diyos ang nagsasabi nito? Hindi kailanman sinabi o ginawa ng Diyos ang mga ganitong salita. Pagdating sa mga pagpapala at paghihirap, may katotohanan na dapat hanapin. Ano ang matalinong kasabihan na dapat sundin ng mga tao? Sinabi ni Job, ‘Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?’ (Job 2:10). Katotohanan ba ang mga salitang ito? Mga salita ito ng isang tao; hindi pwedeng itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan, bagamat medyo naaayon sa katotohanan ang mga ito. Sa anong paraan naaayon sa katotohanan ang mga ito? Nasa mga kamay ng Diyos kung pagpapalain o magdurusa man ng paghihirap ang mga tao, nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng ito. Ito ang katotohanan. Pinaniniwalaan ba ito ng mga anticristo? Hindi, hindi nila ito pinaniniwalaan. Hindi nila ito kinikilala. Bakit hindi nila ito pinaniniwalaan o kinikilala? (Ang pananampalataya nila sa Diyos ay para pagpalain sila—gusto lamang nilang mapagpala.) (Dahil masyado silang makasarili, at hinahangad lamang nila ang mga interes ng laman.) Sa kanilang pananampalataya, nais lamang ng mga anticristo na mapagpala, at ayaw nilang magdusa ng paghihirap. Kapag nakikita nilang pinagpala ang isang tao, nakinabang, nabiyayaan, at nakatanggap ng higit pang materyal na kasiyahan, malalaking bentaha, naniniwala silang ito ay ginawa ng Diyos; at kung hindi sila nakakatanggap ng mga gayong materyal na pagpapala, kung gayon ay hindi ito gawa ng Diyos. Ang pahiwatig nito ay, ‘Kung talagang ikaw ay diyos, pwede mo lang pagpalain ang mga tao; dapat mong iiwas ang mga tao sa paghihirap at hindi sila hayaang magdusa. Sa gayon lamang magkakaroon ng halaga at saysay ang pananampalataya ng mga tao sa iyo. Kung, pagkatapos sumunod sa iyo, patuloy pa ring nakakaranas ng paghihirap ang mga tao, kung patuloy silang nagdurusa, ano pa ang saysay na manampalataya sa iyo?’ Hindi nila kinikilala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. At bakit hindi nila ito kinikilala? Dahil natatakot ang mga anticristo na magdusa ng paghihirap. Gusto lamang nilang makinabang, magsamantala, magtamasa ng mga pagpapala; ayaw nilang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan o pamamatnugot ng Diyos, kundi gusto lamang nilang makatanggap ng mga pakinabang mula sa Diyos. Ito ang makasarili at kasuklam-suklam na pananaw ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaanim na Bahagi)). “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para pa rin magantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatitiis sila ng matinding pagdurusa. Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ibinubunyag ng mga salita ng Diyos ang pananaw ng mga anticristo sa mga pagpapala at kasawian. Naghahabol sila sa mga pagpapala sa kanilang pagsampalataya, at iniisip nila na dapat silang pagpalain dahil sa kanilang pananampalataya. Kung hindi mangyari iyon, iniisip nila na walang kabuluhan ang pagkakaroon ng pananampalataya, at maaari pa nga nilang pagtaksilan ang Diyos at talikuran Siya anumang sandali. Nakita ko na gayon din ang pananaw ko sa pananampalataya. Akala ko dahil nagawa ko ang lahat ng sakripisyong iyon, dapat akong iligtas ng Diyos at ang aking pamilya, malaya sa karamdaman at kalamidad. Kaya ako man o ang asawa ko ang maysakit, nagkamali ako ng pag-unawa sa Diyos at sinisi ko Siya. Humingi pa nga ako sa Kanya ng mga bagay na hindi makatwiran, na ninanais na pagalingin Niya ang virus ko at ang cancer ng asawa ko. Nang hindi nabigyang-kasiyahan ng Diyos ang aking mga pagnanasa, hindi ko na ginustong gugulin ang sarili ko para sa aking tungkulin. Lubhang naging kakatwa ang pananaw ko tungkol sa pananampalataya! Ang totoo ay hindi kailanman sinabi ng Diyos na walang mangyayaring masama sa mga mananampalataya. Siya ang naghahari sa lahat. Ang pagsilang, kamatayan, sakit at kalusugan ay nasa mga kamay Niyang lahat, hindi lang tumatanggap ang mga tao ng mga pagpapala mula sa Diyos, kundi kasawian din, at hindi eksepsyon ang mga mananampalataya. Paggawa ng tungkulin ang pinakaangkop at natural na bagay na dapat gawin ng isang nilalang at wala itong kinalaman sa pagiging pinagpala o hindi pinagpala. Pero labis akong nagawang tiwali ni Satanas kaya ang mga bagay na gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at “Huwag tumulong kung walang gantimpala” ay mga satanikong lason na aking ipinamuhay. Lagi ko lang iniisip ang sarili kong mga interes, na itinuturing ang Diyos na isang bagay na maaari kong gamitin. Ginusto kong gamitin ang aking pagdurusa, mga sakripisyo, at pagsusumikap para dayain ang Diyos na bigyan ako ng mga pagpapala. Nang gumawa ang Diyos ng isang bagay na nagkompromiso sa aking mga personal na interes, napuno ako ng mga reklamo at maling pagkaunawa sa Kanya, at nagdahilan pa nga ako sa Kanya at kinalaban ko Siya. Anong klaseng mananampalataya ako? Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Naisip ko si Pablo, nagdusa rin siya nang husto para sa Panginoon, pero hindi niya talaga hinangad na matamo ang katotohanan o kaalaman tungkol sa Diyos. Ginamit niya ang kanyang mga sakripisyo, kontribusyon, at pagsusumikap para lang ipagpalit ang mga bagay na ito sa mga gantimpala at isang korona. Sabi niya, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ang ibig niya talagang sabihin doon ay na kung hindi siya kinoronahan at ginantimpalaan ng Diyos, hindi matuwid ang Diyos. Nais niyang gamitin ang sarili niyang mga pagsisikap at pagdurusa bilang kapital para pilitin ang Diyos, para labanan ang Diyos. Kalaunan ay pinarusahan siya ng Diyos. Talagang natakot ako nang matanto ko ito. Nakita ko na hindi ako nakatuon sa paghahanap sa katotohanan sa aking pananampalataya, kundi sa paghahanap lang ng biyaya at mga pagpapala. Nasa landas ako na laban sa Diyos. Hindi ko kailanman natamo ang katotohanan sa ganoong paraan, at hindi magbabago ang aking tiwaling disposisyon. Matitiwalag lang ako sa bandang huli! May nabasa akong isa pang sipi ng salita ng Diyos kalaunan: “Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong mga kahilingan, inaasahan, at kuru-kuro. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihingi ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos kung ano ang dapat kong hangarin. Hindi ako dapat maghabol sa mga pagpapala o anumang klase ng pakinabang sa aking pagsampalataya, sa halip, dapat kong hangaring makilala at mapalugod ang Diyos, na maging tulad ni Job na walang anumang mga hiniling o hiningi sa Diyos. Naniwala si Job na lahat ng mayroon siya ay bigay ng Diyos, kaya may ibinigay man o binawi ang Diyos, nagkaroon man siya ng mga pagpapala o kasawian, nagpasakop siya sa Diyos nang walang pasubali at pinuri ang Kanyang pagiging matuwid. Kaya nang tinukso ni Satanas si Job, nang nakawin ang lahat ng kanyang ari-arian, namatay ang kanyang mga anak, at napuno siya ng mga pigsa sa buong katawan, hindi siya nagreklamo kailanman tungkol sa Diyos, at patuloy niyang pinuri ang Kanyang pangalan. Anuman ang ginawa ng Diyos, nanatili si Job sa lugar ng isang nilalang, nagpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Pinuri ng Diyos ang pananampalataya ni Job. Ang pagkaunawang ito ay nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Umigi man ang lagay ng asawa ko o hindi, kinailangan kong magpasakop sa Diyos at tuparin ang aking tungkulin.
Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos kalaunan: “Lubos nang naiplano ng Diyos ang simula, pagdating, haba ng buhay, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha, gayundin ang kanilang misyon sa buhay at ang tungkuling ginagampanan nila sa buong sangkatauhan. Walang sinumang maaaring bumago sa mga bagay na ito; ito ang awtoridad ng Lumikha. Ang pagdating ng bawat nilikha, ang kanilang misyon sa buhay, kung kailan matatapos ang kanilang buhay—lahat ng batas na ito ay matagal na panahon nang inorden ng Diyos, tulad nang iorden ng Diyos ang orbit ng bawat bagay na selestiyal; aling orbit ang sinusundan ng mga bagay na ito, ilang taon, paano nag-oorbit ang mga ito, anong mga batas ang sinusunod ng mga ito—lahat ng ito ay inorden ng Diyos noong unang panahon, hindi nagbago sa loob ng libu-libo, sampu-sampung libo, at daan-daang libong taon. Ito ay inorden ng Diyos, at ito ang Kanyang awtoridad” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang ating tadhana, haba ng buhay, at kahihinatnan ay nasa mga kamay na lahat ng Panginoon ng Paglikha. Ang ating pagsilang, kamatayan, sakit, at kalusugan ay itinalagang lahat ng pamamahala ng Diyos. Itinatakda ng Diyos kung kailan tayo mamamatay, at walang isa man sa atin ang makakatakas doon. Pero kung hindi pa dumarating ang oras na ipinasya ng Diyos para sa atin, kahit magka-cancer pa tayo, hindi pa rin tayo mamamatay. Ito ang awtoridad ng Diyos, at hindi ito mababago ng sinuman. Medyo napanatag ako nang maunawaan ko iyan. Alam ko na ang kalusugan ng asawa ko ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang magagawa ko lang ay magpasakop sa isinaayos ng Diyos at tuparin ang aking tungkulin.
Patuloy na nagpa-chemotheraphy sandali ang asawa ko sa ospital, at ang nakakagulat, ang mga cancer cell sa kanyang dugo ay nawala. Lahat ng indicator ay normal. Nawala rin ang kalahati ng tumor. Sinabi ng doktor na bihirang-bihira siyang makakita ng kasong katulad ng sa kanya. Sabi ng anak naming lalaki, nagkaroon ng gayon ding cancer ang tatay ng kasamahan niya. Nagpa-chemo ito nang minsan at hindi iyon nakayanan, tapos ay namatay makalipas ang ilang buwan. Labis akong nagpasalamat sa Diyos nang umigi nang napakabilis ang lagay ng asawa ko. Ang nagpasaya sa akin sa lahat ay na noon pa man ay naging mananampalataya ang asawa ko sa pangalan lang, at palaging naghahabol sa pera, pero matapos siyang magka-cancer, nagkaroon siya ng kaunting pagkaunawa sa pagiging makapangyarihan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at pagkatapos ay ipinalaganap niya ang ebanghelyo at pinatotohanan ang mga gawa ng Diyos sa mga kaibigan at kamag-anak.
Bagama’t masakit para sa akin ang danasin ito, nagtamo ako ng kaunting pagkaunawa tungkol sa pagnanasa ko para sa mga pagpapala at sa mga maling pananaw ko tungkol sa paghahanap, at itinama ko ang mga layon ng paghahangad ko nang may pananampalataya. Ang lahat ng ito ay aral na natutunan ko sa karanasang ito. Nakita ko na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay napakapraktikal!