2. Pinatototohanan mo na ang nagbalik na Diyos ng mga huling araw ay tinatawag na Makapangyarihang Diyos. Naniniwala kami na ang pangalang “Makapangyarihang Diyos” ay tumutukoy sa pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos at hindi isang bagong pangalan para sa Diyos. Bakit mo nasabi na ang “Makapangyarihang Diyos” ay ang bagong pangalan ng Diyos?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Ang magtagumpay, ay gagawin Kong haligi sa templo ng Aking Diyos, at hindi na siya’y lalabas pa doon: at isusulat Ko sa kaniya ang pangalan ng Aking Diyos, at ang pangalan ng bayan ng Aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa Aking Diyos, at ang Aking sariling bagong pangalan” (Pahayag 3:12).
“Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Diyos, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 1:8).
“At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, ‘Mga dakila at kagila-gilalas ang Iyong mga gawa, Oh Panginoong Diyos, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang Iyong mga daan, Ikaw na Hari ng mga bansa. Sinong hindi matatakot, Oh Panginoon, at luluwalhatiin ang Iyong pangalan?’” (Pahayag 15:3–4).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nakarating na ang papuri sa Sion at lumitaw na ang tirahan ng Diyos. Ang maluwalhating banal na pangalan, na pinupuri ng lahat ng bayan, ay lumalaganap. Ah, Makapangyarihang Diyos! Ang Pinuno ng sansinukob, ang Cristo ng mga huling araw—Siya ang sumisikat na Araw na sumikat sa Bundok ng Sion, na nangingibabaw sa kamahalan at karangyaan sa buong sansinukob …
Makapangyarihang Diyos! Tumatawag kami sa Iyo sa kagalakan; sumasayaw at umaawit kami. Tunay na Ikaw ang aming Manunubos, ang dakilang Hari ng sansinukob! Nakagawa Ka na ng isang pangkat ng mga mananagumpay at natupad Mo na ang plano ng pamamahala ng Diyos. Magsisiparoon sa bundok na ito ang lahat ng bayan. Luluhod ang lahat ng bayan sa harapan ng luklukan! Ikaw ang kaisa-isang tunay na Diyos at karapat-dapat Ka sa kaluwalhatian at karangalan. Buong kaluwalhatian, papuri, at awtoridad ang mapasa-luklukan! Dumadaloy mula sa luklukan ang bukal ng buhay, dinidiligan at pinakakain ang maraming tao ng Diyos. Nagbabago ang buhay araw-araw; sinusundan tayo ng bagong liwanag at mga paghahayag, patuloy na nagdudulot ng mga bagong kabatiran tungkol sa Diyos. Sa gitna ng mga karanasan, nagiging lubos na tiyak tayo tungkol sa Diyos. Ang Kanyang mga salita ay patuloy na naipapakita, naipapakita sa mga taong tama. Tunay ngang labis tayong pinagpala! Nakikipagkita sa Diyos nang harapan araw-araw, nakikipag-ugnayan sa Diyos sa lahat ng bagay, at ibinibigay sa Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Pinagbubulay-bulayan nating mabuti ang salita ng Diyos, payapang nakahimlay ang ating mga puso sa Diyos, at sa paraang ito ay lumalapit tayo sa harapan ng Diyos, kung saan tinatanggap natin ang Kanyang liwanag. Sa bawat araw, sa ating buhay, mga kilos, salita, kaisipan, at ideya, nabubuhay tayo ayon sa salita ng Diyos, kayang kumilala sa lahat ng oras. Ginagabayan ng salita ng Diyos ang sinulid papasok sa karayom; nang di-inaasahan, nalalantad sa liwanag ang mga bagay na nakatago sa ating kalooban, nang sunud-sunod. Ang pakikisalamuha sa Diyos ay hindi nagpapaantala; inilalantad ng Diyos ang ating mga kaisipan at ideya. Sa bawat sandali nabubuhay tayo sa harap ng luklukan ni Cristo kung saan sumasailalim tayo sa paghatol. Nananatiling sakop ni Satanas ang bawat bahagi sa loob ng ating katawan. Ngayon, upang mabawi ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kailangang linisin ang Kanyang templo. Upang ganap na maangkin ng Diyos, kailangan nating makibaka sa pagitan ng buhay at kamatayan. Kapag naipako na sa krus ang dati nating sarili, saka lamang maghahari nang kataas-taasan ang nabuhay na mag-uling Cristo.
Naghahanda ngayon ng isang pagsalakay ang Banal na Espiritu sa bawat sulok natin upang makidigma para mabawi tayo! Basta’t handa tayong itakwil ang ating sarili at makipagtulungan sa Diyos, tiyak na paliliwanagin at dadalisayin ng Diyos ang ating kalooban sa lahat ng oras, at babawiing muli yaong nasakop na ni Satanas, upang magawa tayong ganap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Huwag mag-aksaya ng panahon—mabuhay sa bawat sandali ayon sa salita ng Diyos. Mapatatag na kasama ng mga banal, madala sa kaharian, at pumasok sa kaluwalhatian kasama ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 1
Mula pa noong panahong ang Makapangyarihang Diyos—ang Hari ng kaharian—ay nasaksihan, ang saklaw ng pamamahala ng Diyos ay ganap nang nabunyag sa buong sansinukob. Hindi lamang sa Tsina nasaksihan ang pagpapakita ng Diyos, kundi nasaksihan ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos sa lahat ng bansa at lahat ng lugar. Silang lahat ay tumatawag sa banal na pangalang ito, naghahangad na makisalamuha sa Diyos sa anumang posibleng paraan, inuunawa ang kalooban ng Makapangyarihang Diyos at nagkakaisang naglilingkod sa Kanya sa loob ng iglesia. Ganito ang kahanga-hangang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu.
Ang mga wika ng iba’t ibang bansa ay magkakaiba, ngunit iisa lamang ang Espiritu. Pinagsasama ng Espiritung ito ang mga iglesia sa buong sansinukob at lubos na kaisa sa Diyos, nang walang kahit kaunting pagkakaiba. Ito ay isang bagay na hindi mapagdududahan. Tinatawag na sila ngayon ng Banal na Espiritu at ginigising sila ng Kanyang tinig. Ito ang tinig ng habag ng Diyos. Tumatawag silang lahat sa banal na pangalan ng Makapangyarihang Diyos! Nagpupuri rin sila at umaawit. Hindi kailanman maaaring magkaroon ng anumang paglihis sa gawain ng Banal na Espiritu; gagawin ng mga taong ito ang lahat upang sumulong sa tamang landas, hindi sila umuurong—nagpapatung-patong ang mga kababalaghan. Ito ay isang bagay na mahirap isipin at imposibleng alamin ng mga tao.
Ang Makapangyarihang Diyos ang Hari ng buhay sa sansinukob! Nakaupo Siya sa maluwalhating trono at hinahatulan ang sanlibutan, nangingibabaw sa lahat, at pinaghaharian ang lahat ng bansa; lumuluhod ang lahat ng lahi sa Kanya, nananalangin sa Kanya, lumalapit sa Kanya at nakikipag-usap sa Kanya. Gaano katagal man kayong naniniwala sa Diyos, gaano man kataas ang inyong katayuan o gaano man kalayo ang agwat ng inyong paglilingkod, kung sumasalungat kayo sa Diyos sa inyong mga puso, kailangan kayong hatulan at kailangan kayong magpatirapa sa harapan Niya, nang dumaraing ng masakit na pagsusumamo; ito talaga ang pag-aani ng mga bunga ng inyong sariling mga gawa. Ang tunog ng pagtangis na ito ang tunog ng pinapahirapan sa lawa ng apoy at asupre, at ito ang iyak ng kinakastigo ng bakal na pamalo ng Diyos; ito ang paghatol sa harap ng luklukan ni Cristo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 8
Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
“Jehova” ang pangalang ginamit Ko noong panahon ng Aking gawain sa Israel, at ang ibig sabihin nito ay ang Diyos ng mga Israelita (mga taong hinirang ng Diyos) na maaaring maawa sa tao, sumpain ang tao, at gabayan ang buhay ng tao; ang Diyos na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at puspos ng karunungan. Si “Jesus” ay si Emmanuel, na ang ibig sabihin ay ang handog dahil sa kasalanan na puspos ng pagmamahal, puspos ng habag, at tumutubos sa tao. Ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at kumakatawan Siya sa Kapanahunan ng Biyaya, at maaari lamang Niyang katawanin ang isang bahagi ng gawain ng plano ng pamamahala. Ibig sabihin, si Jehova lamang ang Diyos ng mga taong hinirang sa Israel, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ang Diyos ni Moises, at ang Diyos ng lahat ng tao sa Israel. Kaya nga, sa kasalukuyang kapanahunan, lahat ng Israelita, maliban sa mga Judio, ay sumasamba kay Jehova. Nag-aalay sila sa Kanya ng mga hain sa altar at naglilingkod sa Kanya sa templo na suot ang balabal ng mga saserdote. Ang inaasahan nila ay ang pagpapakitang muli ni Jehova. Si Jesus lamang ang Manunubos ng sangkatauhan, at Siya ang handog dahil sa kasalanan na tumubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan. Ibig sabihin, ang pangalan ni Jesus ay nanggaling sa Kapanahunan ng Biyaya at umiral dahil sa gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalan ni Jesus ay umiral upang tulutan ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya na muling maisilang at maligtas, at isang partikular na pangalan para sa pagtubos sa buong sangkatauhan. Sa gayon, ang pangalang Jesus ay kumakatawan sa gawain ng pagtubos, at ipinahihiwatig ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang pangalang Jehova ay isang partikular na pangalan para sa mga tao ng Israel na namuhay sa ilalim ng kautusan. Sa bawat kapanahunan at bawat yugto ng gawain, ang Aking pangalan ay hindi walang batayan, kundi may kinakatawang kabuluhan: Bawat pangalan ay kumakatawan sa isang kapanahunan. Ang “Jehova” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan at ito ang pamimitagan na ipinantawag ng mga tao ng Israel sa Diyos na kanilang sinamba. Ang “Jesus” ay kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya, at ito ang pangalan ng Diyos ng lahat ng tinubos noong Kapanahunan ng Biyaya. Kung nananabik pa rin ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas sa mga huling araw, at inaasahan pa rin na darating Siya sa imaheng Kanyang tinaglay sa Judea, tumigil na sana ang buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala sa Kapanahunan ng Pagtubos, at hindi na susulong pa. Ang mga huling araw, bukod diyan, ay hindi sana darating, at hindi sana nawakasan ang kapanahunan kailanman. Iyon ay dahil si Jesus na Tagapagligtas ay para lamang sa pagtubos at pagliligtas sa sangkatauhan. Ginamit Ko ang pangalang Jesus para lamang sa kapakanan ng lahat ng makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya, at hindi ito ang pangalang gagamitin Ko upang wakasan ang buong sangkatauhan. Bagama’t ang Jehova, Jesus, at Mesiyas ay kumakatawang lahat sa Aking Espiritu, ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig lamang ng iba’t ibang kapanahunan ng Aking plano ng pamamahala, at hindi Ako kinakatawan sa Aking kabuuan. Ang mga pangalang itinatawag sa Akin ng mga tao sa lupa ay hindi maipaliwanag nang malinaw ang Aking buong disposisyon at ang Aking kabuuan. Iba’t ibang pangalan lamang ang mga iyon na itinatawag sa Akin sa iba’t ibang kapanahunan. Kaya nga, kapag ang huling kapanahunan—ang kapanahunan ng mga huling araw—ay sumapit, magbabagong muli ang Aking pangalan. Hindi Ako tatawaging Jehova, o Jesus, lalo nang hindi Mesiyas—tatawagin Akong ang Makapangyarihang Diyos Mismo, at sa ilalim ng pangalang ito ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
Maaaring tawagin sa iba’t ibang pangalan ang Diyos, ngunit sa mga pangalang ito, walang kahit isa ang makakayang lumagom sa kabuuan ng Diyos, walang kahit isa na maaaring lubos na kumatawan sa Diyos. At kaya, maraming pangalan ang Diyos, ngunit ang mga pangalang ito ay hindi maaaring ganap na maipahayag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang disposisyon ng Diyos ay napakasagana at lumalampas sa kakayahan ng tao na kilalanin Siya. Walang paraan ang tao, gamit ang wika ng tao, na ganap na mabuod ang Diyos. Ang tao ay mayroon lamang limitadong talasalitaan na magagamit upang ibuod ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos: dakila, iginagalang, mahiwaga, hindi maarok, pinakamataas, banal, matuwid, marunong, at iba pa. Napakaraming salita! Ang limitadong talasalitaang ito ay walang kakayahan na mailarawan kung gaano kaliit ang nasaksihan ng tao sa disposisyon ng Diyos. Kinalaunan, maraming tao ang nagdagdag ng mga salita na sa tingin nila ay mas mahusay na makapaglalarawan ng alab sa kanilang mga puso: Ang Diyos ay napakadakila! Ang Diyos ay napakabanal! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig! Sa kasalukuyan, ang mga kasabihan ng tao kagaya nito ay umabot na sa kanilang sukdulan, ngunit ang tao ay wala pa ring kakayahan na malinaw na maipahayag ang sarili niya. At kaya, para sa tao, ang Diyos ay mayroong maraming pangalan, ngunit wala Siyang isang pangalan, at iyon ay sapagkat ang kung ano ang Diyos ay masyadong masagana, at ang wika ng tao ay masyadong salat. Ang isang partikular na salita o pangalan ay walang kakayahan na kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan, kaya sa tingin mo ba ay maaaring gawing permanente ang Kanyang pangalan? Ang Diyos ay napakadakila at napakabanal, ngunit hindi mo Siya hahayaang magpalit ng Kanyang pangalan sa bawat bagong kapanahunan? Samakatuwid, sa bawat kapanahunan na personal na isinasagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, gumagamit Siya ng isang pangalan na naaangkop sa kapanahunan upang lagumin ang gawain na Kanyang balak gawin. Ginagamit Niya ang partikular na pangalang ito, isa na nagtataglay ng pansamantalang kahalagahan, upang kumatawan sa Kanyang disposisyon sa kapanahunang iyon. Ito ang paggamit ng Diyos ng wika ng tao upang ipahayag ang Kanyang sariling disposisyon. Gayunpaman, maraming tao na nagkaroon na ng mga karanasang espirituwal at personal nang nakita ang Diyos ang nakakaramdam pa rin na ang partikular na pangalan na ito ay walang kakayahang kumatawan sa Diyos sa Kanyang kabuuan—sa kasamaang palad, hindi ito mapipigilan—kaya hindi na tinatawag ng tao ang Diyos sa anumang pangalan, kundi basta na lamang Siyang tinatawag na “Diyos.” Ang puso ng tao ay parang puno ng pag-ibig, ngunit mukhang naliligiran din ito ng mga pagkakasalungatan, dahil hindi alam ng tao kung paano ipaliwanag ang Diyos. Kung ano ang Diyos ay napakasagana, na talagang walang paraan para ilarawan ito. Walang nag-iisang pangalan na kayang ibuod ang disposisyon ng Diyos, at walang nag-iisang pangalan na kayang maglarawan ng lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kung may magtatanong sa Akin, “Ano ba talaga ang pangalang ginagamit Mo?” Sasabihin Ko sa kanila, “ang Diyos ay Diyos!” Hindi ba iyan ang pinakamainam na pangalan para sa Diyos? Hindi ba iyan ang pinakamainam na paglagom sa disposisyon ng Diyos? Kaya bakit kayo gumugugol ng napakatinding pagsisikap sa paghahanap sa pangalan ng Diyos? Bakit kayo mag-iisip nang napakatindi, nang hindi kumakain at natutulog, para lamang sa isang pangalan? Darating ang araw na ang Diyos ay hindi na tatawaging Jehova, Jesus, o ang Mesiyas—Siya ay tatawagin na lamang na Lumikha. Sa oras na iyon, ang lahat ng mga pangalan na Kanyang ginamit sa lupa ay magtatapos, dahil ang Kanyang gawain sa lupa ay nagtapos na, pagkatapos nito, wala na Siyang pangalan. Kapag ang lahat ng bagay ay napasailalim na sa kapamahalaan ng Lumikha, bakit Niya kakailanganing magkaroon ng labis na naaangkop ngunit hindi ganap na pangalan? Hinahanap mo pa rin ba ang pangalan ng Diyos ngayon? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay tinatawag lang na Jehova? Nangangahas ka pa rin bang sabihin na ang Diyos ay matatawag lang na Jesus? Matitiis mo ba ang kasalanan ng paglapastangan sa Diyos? Dapat mong malaman na ang Diyos sa simula ay walang pangalan. Gumamit lang Siya ng isa o dalawa, o maraming pangalan dahil mayroon Siyang gawaing kailangang isagawa at kailangan Niyang pamahalaan ang sangkatauhan. Anumang pangalan ang itinatawag sa Kanya, hindi ba’t ito ay Kanyang pinili nang malaya? Kakailangan ka ba Niya—na isa Niyang nilalang—na pagpasyahan ito? Ang pangalan kung saan tinatawag ang Diyos ay umaayon sa kung ano ang kayang maunawaan ng tao, sa wika ng tao, ngunit ang pangalang ito ay hindi isang bagay na kayang lagumin ng tao. Maaari mo lang sabihin na mayroong Diyos sa langit, na Siya ay tinatawag na Diyos, na Siya ang Diyos Mismo na makapangyarihan, na napakarunong, napakadakila, labis na kamangha-mangha, labis na mahiwaga, at labis na makapangyarihan sa lahat, at pagkatapos ay wala ka nang masasabi pang iba; iyon lang katiting na iyon ang kaya mong malaman. Dahil dito, maaari bang kumatawan ang pangalan lang na Jesus sa Diyos Mismo? Kapag dumating na ang mga huling araw, kahit na ang Diyos pa rin ang nagsasagawa ng Kanyang gawain, kailangang magbago ang Kanyang pangalan, dahil ito ay panibagong kapanahunan na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3