5. Pinatototohanan mo na ang Panginoon ay bumalik upang gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, ngunit sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagka’t kung hindi Ako yayaon, ang Mangaaliw ay hindi paririto sa inyo; nguni’t kung Ako’y yumaon, siya’y susuguin Ko sa inyo. At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol(Juan 16:7–8). Naniniwala kami na pagkatapos ng muling pagkabuhay at pag-akyat ng Panginoong Jesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba upang gumawa sa tao sa panahon ng Pentecostes, na sinasaway ang mundo sa kasalanan, at ng katuwiran, at ng paghatol. Hangga’t ipinagtatapat natin ang ating mga kasalanan at nagsisisi sa Panginoon, tayo ay masasaway at madidisiplina ng Banal na Espiritu, at ito ang paghatol sa atin ng Panginoon. Ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng paghatol sa mga huling araw na iyong binanggit, at ng gawain ng Panginoong Jesus?

Sagot:

Batay mismo sa mga salita ng Panginoong Jesus na “Sapagka’t kung hindi Ako yayaon, ang Mangaaliw ay hindi paririto sa inyo; nguni’t kung Ako’y yumaon, siya’y susuguin ko sa inyo. At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol(Juan 16:7–8), nangangahas ka bang sabihin na bumaba ang Banal na Espiritu sa araw ng Pentecostes upang gumawa sa tao at isagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw? May anumang batayan ba ito sa mga salita ng Diyos? Naaayon ba sa Kanyang kalooban ang gayong pagkaunawa sa mga salita ng Panginoon? Maliwanag ang pagkakasabi ng Panginoong Jesus na, “At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Ang nagtatakuwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:47–48). Walang malabo sa mga salita ng Panginoong Jesus: ang Kanyang mga ikinilos ay hindi ang gawain ng paghatol, at ipapahayag lamang Niya ang katotohanan at isasagawa ang gawain ng paghatol kapag muli Siyang naparito sa mga huling araw. Samakatuwid, ligtas na sabihing isang pagkakamali na isipin na tawaging gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ang gawain ng Banal na Espiritu sa Kapanahunan ng Biyaya. Kapag lumalapit tayo sa harapan ng Panginoon upang ikumpisal ang ating mga kasalanan at magsisi, na tumutulo ang mga luha ng paghihinagpis sa ating mga mukha, ito’y dahil lamang sa inaantig at sinasaway tayo ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito na naging mabisa ang gawain ng Banal na Espiritu sa Kapanahunan ng Biyaya. Ibang-iba ito sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Upang maunawaan kung ano ang paghatol, tingnan natin ang dalawang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Pagdating sa salitang ‘paghatol,’ malamang na maiisip mo ang mga salitang sinabi ni Jehova para turuan ang mga tao sa bawat rehiyon at ang mga salitang sinabi ni Jesus para tuligsain ang mga Fariseo. Bagama’t matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang na sinabi ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, sa magkakaibang konteksto. Ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinabi ni Cristo ng mga huling araw habang hinahatulan Niya ang tao. Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, walang pag-aalinlangan na magpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Nililinaw nang mabuti ng Makapangyarihang Diyos kung ano ang paghatol at kung ano ang epekto ng gawain ng paghatol: ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng paglilinis at pagliligtas sa tao na minsanan at ganap. Hindi lamang ito pagsasabi ng ilang salita na sumasaway at sumusumpa sa sangkatauhan, ni hindi ito pagpapahayag ng ilang mga sipi sa teksto. Sa halip, nagpapahayag ang Diyos ng sapat na dami ng mga salita. Ipinapahayag ng Diyos ang lahat ng sari-saring aspeto ng katotohanan na dapat maunawaan at pasukin ng tao para sa kanyang paglilinis at kaligtasan, at nagbubunyag ng lahat ng hiwaga ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala sa sangkatauhan. Ipinapahayag ng Diyos ngayon ang daan-daan at libu-libong beses na mas maraming salita kaysa sa ipinahayag ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa pinakasentro ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang pagpapahayag ng katotohanan at ang pagpapahayag ng mga salita ng paghatol sa sangkatauhan. Hinatulan at inilantad Niya ang makasalanan at lumalaban na satanikong kalikasan at disposisyon ng tao; ibinunyag Niya ang katotohanang ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; ipinakita Niya ang banal, matuwid at hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos; at sinabi Niya sa atin ang sari-saring aspeto ng katotohanan gaya ng kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, pati na kung sino ang maliligtas at kung sino ang mapaparusahan. Naranasan natin ang gawain ng paghatol ng Diyos ng mga huling araw, nauunawaan natin ang layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos, malinaw nating nakikita ang malademonyong mukha ng matinding paglaban ni Satanas sa Diyos, nauunawaan natin ang katotohanan at diwa ng ating matinding katiwalian na gawa ni Satanas, at nalalaman natin ang ating mga sariling satanikong kalikasan, na sumasalungat at nagtataksil sa Diyos. Mayroon din tayong kaunting totoong kaalaman sa matuwid na disposisyon ng Diyos, sa Kanyang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan, at kung anong mayroon Siya at kung ano Siya. May sumibol sa atin na isang pusong natatakot sa Diyos, at nagpapatirapa tayo sa lupa, na walang mapagkukublihan ng ating kahihiyan, nararamdaman na hindi tayo marapat na mamuhay sa harapan ng Diyos, kinamumuhian at tinatalikuran natin ang ating mga sarili sa ating mga puso. Unti-unti tayong pinapalaya mula sa mga gapos ng kasalanan, isinasabuhay natin ang tunay na wangis ng tao, at nagiging mga tunay na natatakot at sumusunod sa Diyos. Ganito ang epekto ng pagdanas natin sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw—at ang gawain na ito lamang ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw.

Ngayon ay tingnan naman natin ang Kapanahunan ng Biyaya. Bagamat nagsalita ang Panginoong Jesus ng ilang salita ng paghatol—mga salitang kumondena at sumumpa sa mga Fariseo—ginawa lamang Niya ang gawin ng pagtubos, kung saan sa pinakasentro nito ay pagpapatawad at pag-utos sa mga tao na magsisi, at pagpapakita ng awa sa tao, at paggawad ng biyaya sa tao. Hindi nakasentro ang gawaing ito sa paghatol at paglilinis ng kasalanan ng tao, kaya nagpahayag lamang ang Panginoong Jesus ng limitadong dami ng mga salita batay sa gawain ng pagtubos, na nagtuturo sa atin kung paano magsisi at magkumpisal, kung paano maging mapagpakumbaba at mapagpasensya, kung paano mabautismuhan, magpasan ng krus, at magdusa, at iba pa. Sa paniniwala sa Panginoon, kailangan lamang nating magkumpisal at magsisi alinsunod sa mga salita ng Panginoon upang mapatawad ang ating mga kasalanan at upang hindi tayo maparusahan sa pamamagitan ng batas at mapatay; samakatuwid, kwalipikado tayo na manalangin sa Diyos at magtamasa ng Kanyang biyaya at mga pagpapala. Ito ang epektong nakamit ng gawain ng pagtubos ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya, at labis na ibang-iba ito mula sa epektong nakamit ng gawain ng paghatol sa mga huling araw. Subalit may ilang naniniwala na ang maranasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa Kapanahunan ng Biyaya, ang maliwanagan, ang masisi, at madisiplina ng Banal na Espiritu, na tinutuluan ng mga luha ng paghihinagpis sa kanilang mga mukha habang nananalangin sa harapan ng Panginoon at ikinukumpisal ang kanilang mga kasalanan, at nagpapakita ng ilang partikular na mabubuting pag-uugali, ay ang pagdanas ng paghatol ng Diyos at pagiging nalinis. Kaya itinatanong namin sa iyo ito:”Alam mo ba ang ugat ng iyong mga kasalanan? Alam mo ba ang iyong satanikong kalikasang diwa na sumasalungat sa Diyos? Alam mo ba ang katotohanan ng matinding katiwalian ng sangkatauhan? Namalas mo ba ang masamang diwa ni Satanas? Alam mo ba ang matuwid, maharlika at hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos? Tunay nga bang natakasan mo na ang mga gapos at tanikala ng kasalanan? Nalinis na ba ang satanikong disposisyon mo? Ikaw ba’y naging isang tao na natatakot at sumusunod sa Diyos? Wala kang natamo ni isa sa mga bagay na ito, kaya paano mo masasabing nalinis ka na matapos maranasan ang paghatol ng Diyos? Samakatuwid, ang gawain na isinakatuparan ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya ay hindi ang gawain ng paghatol. Ang ginagawa lamang ng Makapangyarihang Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian ang maituturing na gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw.

Sinundan: 4. Sinasabi mo na kung hindi natin tatanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, hindi tayo malilinis, kaya hindi tayo magiging karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng Diyos. Hindi kami naniniwala rito. Kahit na tayo ay may kakayahan pa ring magkasala at nakagapos sa laman, malinaw na nakasaad sa Biblia na, “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka’t tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin” (1 Corinto 15:52). Naniniwala kami na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat: Ang isang pagpapahayag mula sa Diyos ay lumikha ng langit at lupa at lahat ng mga bagay, at ang isang pagpapahayag mula sa Diyos ay maaaring magpabangon ng mga tao mula sa kamatayan. Pagdating ng Diyos, mababago Niya agad ang ating anyo at itataas tayo sa kaharian ng langit. Samakatuwid ay hindi natin kailangan na magkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw at ipahayag ang katotohanan at isagawa ang gawain ng paghatol at pagdalisay.

Sumunod: 6. Sinasabi mo na ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan upang hatulan at linisin ang tao sa mga huling araw. Bumibigkas ang Diyos ng mga salitang humahatol sa sangkatauhan kapwa sa Luma at Bagong Tipan—hindi kailanman tumigil ang paghatol ng Diyos sa tao. Sinasabi mo ba na ang mga salitang ito ay walang kakayahang hatulan at linisin ang tao? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita ng paghatol na ipinahayag ng Diyos sa mga huling araw, at mga salita ng Diyos na humahatol sa tao tulad ng naitala sa Biblia?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito