1. Ang Katolisismo na pinaniniwalaan natin ay ipinasa mula sa mga apostol, at ito ang pinakakinikilala sa lahat ng mga relihiyon. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay kabilang sa Kristiyanismo, at ang Kristiyanismo ay isang sanga ng Katolisismo. Kung naniniwala kami sa Makapangyarihang Diyos, hindi ba kami magpapalit sa Kristiyanismo? At sa paggawa nito, hindi ba namin tinatalikuran ang aming Diyos?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“At mayroon pa akong mga tupa, na wala sa kawang ito: kailangan Ko rin silang dalhin, at pakikinggan nila ang tinig Ko, at magkakaroon ng isang kawan at isang pastol” (Juan 10:16).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, at ang kanilang pag-iral ay hindi ginagabayan ng mga pinuno o lider ng relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-unlad ng mga sangay ng siyensya patungkol sa pisikal na mundo—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilalang sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang pinuno lamang, at hindi makakapantay sa Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at anuman ang relihiyon, bawat tao ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilalang ay kailangan ding bumalik sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang ibukod ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at ibinukod ang bawat isa ayon sa uri, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, na ibinubukod ang lahat ng bagay ayon sa uri—ang gawaing ito ay hindi magagawa ng sinuman maliban sa Diyos. Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay isinagawang lahat ng Diyos Mismo, at isinagawa ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod ayon sa uri at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatuwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at tinutulungan lamang ang tao na payabungin ang kanyang isipan, siguradong hindi siya ang Diyos, at siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain; isa lamang ang maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong mga kaaway at hindi ang Diyos. Lahat ng masamang relihiyon ay hindi nakaayon sa Diyos, at dahil hindi sila nakaayon sa Diyos, mga kaaway sila ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng isang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay inuutusan ng isang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon—ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos. Ngayon, dapat mong maunawaan na ang lahat ng gawain mula sa unang yugto hanggang sa ngayon ay ang gawain ng isang Diyos, ang gawain ng isang Espiritu. Ito ay hindi mapag-aalinlanganan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Kapag lumipas ang lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sinusundan ang gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayaring mag-isa; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Tuwing nagpapasimula ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, kailangan ay palaging may isang bagong simula at kailangang maghatid ito ng isang bagong kapanahunan. Mayroon ding mga kaukulang pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa paraan ng Kanyang paggawa, sa lokasyon ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit paano man Siya nilalabanan ng tao, laging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging inaakay ang buong sangkatauhan pasulong. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa rati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi sa halip ay pumarito Ako upang hatulan at kastiguhin nang tuwiran ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao ay hindi sumunod sa pagpapako sa krus, at ang Aking pagparito ngayon hindi sa paglilihi ng Banal na Espiritu, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Dahil ito mismo sa kaisa Ako ni Jesus kaya Ako pumarito upang tuwirang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay lubos na batay sa gawain sa naunang yugto. Iyan ang dahilan kaya ganitong klaseng gawain lamang ang maaaring maghatid sa tao, sa paisa-isang hakbang, tungo sa kaligtasan. Kami ni Jesus ay nagmumula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming katawang-tao, iisa ang Aming Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng Aming ginagawa at ang gawaing Aming ginagawa ay hindi magkapareho, magkatulad Kami sa diwa; ang Aming katawang-tao ay magkaiba ang anyo, ngunit dahil ito sa pagbabago sa kapanahunan at sa magkakaibang mga kinakailangan ng Aming gawain; hindi magkapareho ang Aming ministeryo, kaya magkaiba rin ang gawaing hatid Namin at ang disposisyong inihahayag Namin sa tao. Kaya nga ang nakikita at nauunawaan ng tao sa araw na ito ay hindi katulad noong araw, na dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan ay magkaiba Sila sa kasarian at sa anyo ng Kanilang katawang-tao, at hindi Sila isinilang sa iisang pamilya, at lalo nang hindi sa iisang panahon, magkagayunman ay iisa ang Kanilang Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao
Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang itinuturing na kahoy na imahen ang Diyos, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at kung ano ang Diyos na hindi talaga umiiral; at yamang natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagka-mapanghimagsik ng tao? Ang mga Kristiyano sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng ngayon ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, kung ipagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga kahilingan. Subali’t hindi nila masasabi nang tiyak kung bakit isasama sila ng Diyos sa ikatlong langit, o kung nakatitiyak ba sila kung paano sila tatanggapin ni Jesus na nakasakay sa puting ulap, lalong hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang naguguni-guni. Lahat sila ay nababahala, at nalilito; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay kukunin paitaas ng Diyos, ang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang kalooban ng Diyos—wala silang pagkaunawa sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang magagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Cordero hanggang sa katapus-tapusan ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang mga “tusong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos na wala naman talagang dahilan, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na isasama sila ng Diyos sa langit, silang “mayroong lubos na katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “lubos na katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang tinututulan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at masama. Yaong mga hindi sumusunod hanggang sa katapus-katapusan, na hindi sumasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at kumakapit lamang sa mga lumang gawain ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging yaong mga sumasalungat sa Diyos, naging yaong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at siyang mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensya. Ang mga taong ito, na ang tanging sinasambit ay “budhi,” at hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay maiwawala ang kanilang mga inaasam-asam ng kanila mismong mga konsensya. Ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa doktrina, at bagama’t maaaring ito ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Yaong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano ang dapat maalis ay inaalis. Ngunit inilalagay pa rin ng tao ang kanyang sarili sa galit sa Diyos sa pamamagitan ng pagkapit sa maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ba’t nakakatawa ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng pagpapala ng Diyos, mas hindi sila nagkakamit ng mas malalaking pagpapala, at pagtanggap ng pangwakas na pagpapala. Yaong mga tao na hamak na sumusunod sa kautusan ay nagpapakitang lahat ng kanilang sukdulang katapatan sa kautusan, at mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, sila ay mas mga suwail na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maaaring banggitin nang sabay, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi para kumapit sa kautusan o magpasan ng krus, kaya’t ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila rito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang karamihan sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Ang mga taong naniniwala sa Diyos sa bawat lupain ng sansinukob ay tatanggaping lahat ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, sapagkat sa iyong paniniwala sa Diyos hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at hindi ka karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Malalim man o mababaw ang iyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at lahat ng tao ay makikita ang kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilalang ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilalang ay sasambahin ang isang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos