2. Naniniwala kami na ang mga kasalanan ng tao ay nalilinis pagkatapos ng kamatayan sa Purgatoryo, pagkatapos ay makakapasok na ang mga tao sa kaharian ng langit. Gayunpaman ay nagpapatotoo kayo na ang mga hindi tumatanggap sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay hindi malilinis, at dahil dito ay hindi magiging karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng langit. Ano ang ibig mong sabihin dito? Paano ba talaga makakapasok ang mga tao sa kaharian ng langit?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Pabanalin sila sa katotohanan. Ang Iyong salita ay katotohanan. Kung paanong isinugo Mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. At para sa kanila’y pinapabanal ko ang aking sarili, nang sila rin ay pabanalin ng katotohanan” (Juan 17:17–19).
“Marami pa Akong sasabihin sa inyo: ngunit hindi ninyo matitiis ang mga ito ngayon. Ngunit kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ituturo Niya sa inyo ang lahat ng katotohanan. Dahil hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasabihin: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na darating” (Juan 16:12–13).
“At kung marinig ng sinuman ang Aking mga salita, at hindi sinusunod ang mga ito, hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ang mundo. Siya na nasusuklam sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay may isang hahatol sa kanya; ang salitang nasabi Ko, ito rin ang hahatol sa kanya sa huling araw” (Juan 12:47–48).
“Dahil dumating na ang panahon ng pagsisimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios” (1 Pedro 4:17).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Dapat ninyong makita ang kalooban ng Diyos, at dapat ninyong makita na ang gawain ng Diyos ay hindi kasing-simple ng paglikha sa mga kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay. Iyan ay dahil ang gawain sa ngayon ay ang pagbabago ng mga yaong nagawang tiwali, na naging labis na manhid, iyon ay para dalisayin yaong mga nilikha ngunit inimpluwensyahan ni Satanas. Hindi iyon ang paglikha kay Adan o kay Eba, lalong hindi iyon ang paglikha ng liwanag, o ang paglikha ng lahat ng halaman at hayop. Ginagawang dalisay ng Diyos ang lahat ng bagay na nagawang tiwali ni Satanas at pagkatapos ay muli silang inaangkin; nagiging mga bagay sila na pag-aari Niya, at nagiging Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito katulad ng inaakala ng tao, hindi ito kasing-simple ng paglikha ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay na naroon, o ang gawaing sumpain si Satanas sa walang-hanggang kalaliman; sa halip, ito ang gawaing baguhin ang tao—ang mga bagay na negatibo at hindi sa Kanya ay ginagawang mga bagay na positibo at Kanya nga. Ito ang katotohanan sa likod ng yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong maunawaan, at iwasan ang sobrang pagpapasimple ng mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang pagiging kamangha-mangha at karunungan nito ay hindi kayang isipin ng tao. Hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa yugtong ito ng gawain, ngunit hindi rin Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at dinadalisay ang lahat ng bagay na narungisan ni Satanas. Kaya nga sinisimulan ng Diyos ang isang napakalaking gawain, na siyang buong kabuluhan ng gawain ng Diyos. Nakikita mo ba sa mga salitang ito na talagang napakasimple ng gawain ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?
Sa gawain sa mga huling araw, ang salita ay mas makapangyarihan kaysa pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at ang awtoridad ng salita ay nahihigitan yaong sa mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Wala kang paraan para kilalanin ang mga ito sa iyong sarili lamang. Kapag ang mga ito ay naibunyag sa iyo sa pamamagitan ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; hindi mo maitatanggi ang mga iyon, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatuwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay nabibilang pa rin kay Satanas at ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, yaong hindi pa nagawang malinis ay kabilang pa rin sa kasalanan at karumihan. Tanging pagkatapos na magawang malinis ang tao sa pamamagitan ng salita na siya ay makakamit ng Diyos at magiging banal. Noong ang mga demonyo ay napalayas sa tao at siya ay natubos, ito ay nangangahulugan lamang na siya ay naagaw mula sa mga kamay ni Satanas at naibalik sa Diyos. Subalit, dahil hindi siya nalinis o nabago ng Diyos, siya ay nananatiling tiwaling tao. Sa loob ng tao ay umiiral pa rin ang karumihan, pagsalungat at pagiging mapanghimagsik; ang tao ay nakabalik lamang sa Diyos sa pamamagitan ng pagtubos, ngunit wala siya ni katiting na pagkakakilala sa Diyos at may kakayahan pa ring lumaban at magtaksil sa Kanya. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Dapat mong malaman na ang pagpeperpekto, paggawang ganap, at pagkakamit ng Diyos sa mga tao ay walang inihahatid kundi mga espada at paghampas sa kanilang laman, gayundin ang walang-katapusang pagdurusa, mapaminsalang pagsusunog, walang-habag na paghatol, pagkastigo, at mga sumpa, at walang-hangganang mga pagsubok. Gayon ang napapaloob na kasaysayan at katotohanan ng gawain ng pamamahala sa tao. Gayunpaman, ang lahat ng bagay na ito ay nakatuon sa laman ng tao, at lahat ng talim ng poot ay walang-awang nakatutok sa laman ng tao (dahil ang tao ay walang sala). Ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian at patotoo, at para sa Kanyang pamamahala. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay hindi lamang para sa kapakanan ng sangkatauhan, kundi para rin sa buong plano, gayundin ay upang tuparin ang Kanyang orihinal na kalooban nang Kanyang nilikha ang sangkatauhan. Kaya, marahil siyamnapung porsiyento ng dinaranas ng mga tao ay kinapapalooban ng mga pagdurusa at mga pagsubok ng apoy, at napakakaunti, o baka wala pa nga, ng matatamis at masasayang araw na ninanais ng laman ng tao. Lalo nang hindi nakakapagtamasa ang tao ng masasayang sandali sa laman, sa paggugol ng magagandang panahon sa piling ng Diyos. Ang laman ay marumi, kaya ang nakikita o tinatamasa ng laman ng tao ay walang iba kundi ang pagkastigo ng Diyos na hindi kinalulugdan ng tao, na para bang kulang ito sa normal na katinuan. Ito ay dahil ipamamalas ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi pinapaboran ng tao, hindi Siya kumukunsinti sa mga pagkakasala ng tao, at napopoot Siya sa mga kaaway. Lantarang ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa pamamagitan ng anumang paraan na kailangan, sa gayong paraan ay tinatapos ang gawain ng Kanyang anim na libong taong pakikipaglaban kay Satanas—ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan at ng pagwasak sa sinaunang Satanas!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Layunin ng Pamamahala sa Sangkatauhan
Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang mahalagang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay upang linisin ang sangkatauhan at upang ihanda sila para sa kanilang huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng mga masama at lahat ng mga hindi pa naililigtas sa sandaling ang banal na nasa sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naging masuwayin tungo sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya sa kalagitnaan nila. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang Gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala. Kung hindi winasak ng Diyos ang kasamaan, at sa halip ay pinayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa pahinga ang bawat tao, at hindi madadala ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan sa isang mas mabuting lugar. Hindi tapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na banal ang kabuuan ng sangkatauhan. Sa ganitong paraan lamang magagawang mamuhay ng Diyos sa mapayapang pamamahinga.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama