3. Kinikilala ko na ang ipinangangaral ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay ang tunay na daan, ngunit dahil ang mga tao sa ating simbahan ay nalinlang ng mga kasinungalingan at kamalian na ikinalat ng mga pastor at elder, lahat sila ay galit sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nag-aalala ako na pagkatapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, tatanggihan ako at sisiraan ng aking mga kapatid mula sa aking dating simbahan. Napakababa ng aking tayog, at hindi ako ganoon katapang na harapin ang lahat ng ito—ano ang dapat kong gawin?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Gayon man maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa Kaniya; datapuwa’t dahil sa mga Fariseo ay hindi nila Siya ipinahayag, baka sila’y mapalayas sa sinagoga: Sapagka’t iniibig nila nang higit ang papuri ng mga tao kaysa sa papuri ng Diyos” (Juan 12:42–43).
“Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katuwiran: sapagka’t kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinag-uusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sari-saring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa Akin. Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo” (Mateo 5:10–12).
“Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagka’t makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon” (Mateo 7:13–14).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Hindi ka dapat matakot dito at doon; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; kung hindi ay mapapasaiyo ang Aking poot, at gagawin Ko ito sa pamamagitan ng Aking kamay…. Pagkatapos ay magtitiis ka ng walang-hanggang pagdurusa ng isipan. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang gugulin ang lahat ng mayroon ka. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa tulong Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking mabuting hangarin, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?
Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Para sa Aking kapakanan ay hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga pwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaang ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari. Ibuhos ang lahat ng iyong pagsisikap sa paglalagay ng iyong puso sa Aking harapan, at pagiginhawahin Kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kaligayahan. Huwag magsikap na maging isang bagay sa harap ng ibang mga tao; hindi ba’t mas mahalaga at matimbang ang bigyan Ako ng kasiyahan? Sa pagbibigay ng kasiyahan sa Akin, hindi ka ba higit na magkakaroon ng walang-hanggan at panghabambuhay na kapayapaan at kaligayahan? Ang kasalukuyang pagdurusa mo ay indikasyon kung gaano kalaki ang iyong magiging mga pagpapala sa hinaharap; hindi kayang isalarawan ang mga ito. Hindi mo nalalaman kung gaano kalaki ang mga pagpapala na iyong makakamtan; hindi mo man lamang ito kayang pangarapin. Ngayon ang mga iyon ay nagkatotoo; talagang totoong-totoo! Hindi ito napakalayo—nakikita mo ba ito? Bawat huling himaymay nito ay nasa loob Ko; kay liwanag ng hinaharap! Pahirin ang iyong mga luha, at huwag nang masaktan o magdalamhati. Ang lahat ng bagay ay isinaayos ng Aking mga kamay, at ang Aking layunin ay ang gawin kayong mga mananagumpay at dalhin kayo sa kaluwalhatian kasama Ko. Dapat kang maging mapagpasalamat at puno ng papuri para sa lahat ng nangyayari sa iyo; iyan ay magbibigay sa Akin ng malaking kasiyahan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10
Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok ng kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa pagpapasya ng tao mismo. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang tao kung kailan Niya gusto; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi mapagpapasyahan ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi pagmamalabisan ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi sila minamahal ng Diyos, at wala silang masyadong maaasahan. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, wala kang kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakatayog ng kalooban ng Diyos, na hindi ito kayang abutin ng tao. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat ng kaya ko sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong lalaki ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananampalataya at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kung mahal ng tao ang Diyos, hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong kaguluhan, sa mga panahong ito tunay kang aasa sa Diyos, at sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaliwin, at madarama mo ang katiyakan, at na mayroon kang isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo; nanaisin mong umawit, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagniig, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, usapin, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo, walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu kundi magiging api-apihan ka, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad na lumigaya, kundi mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay ginagamit ang pagmamahal sa Diyos upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa iyong kalooban ay may puso pa ring nagmamahal sa Diyos, na lubhang nasasabik at nangungulila sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng iyong pagmamahal sa Diyos, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit ka sa isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katotohanan ay magpapakita kung gaano mo talaga kamahal ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang tagubilin, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasing masunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na humarap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang tagubilin, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layunin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan