1. Ang mga propesiya sa Biblia hinggil sa pagbabalik ng Panginoon ay malawakan na ngayong natutupad, at maaaring tunay ngang narito na ang Panginoon. Nakikita natin na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay hayagang nagpapatotoo online na ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, at maraming tao mula sa lahat ng relihiyon at denominasyon na tunay na naniniwala sa Panginoon at naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang bumalik sa Makapangyarihang Diyos. Nais lang naming malaman kung ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagpapakita ng Diyos o hindi.
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Nang pasimula Siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos” (Juan 1:1).
“Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa personal na pagparito ng Diyos sa lupa para gumawa, bumababa sa gitna ng sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan gamit ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa paraang likas sa Kanya. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang uri ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong pangrelihiyon. Sa halip, ito ay isang tunay at aktuwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang pabasta-basta, o alang-alang sa isang uri ng panandaliang gawain. Sa halip, ito ay alang-alang sa isang yugto ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na “pagpapakita” rito ay tiyak na naiiba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, pumapatnubay, at binibigyang-liwanag ang tao. Sa tuwing nagpapakita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao noon. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang mas bago at mas mataas na yugto ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan; higit pa rito, ito ay gawain na umaakay sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kahalagahan ng pagpapakita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Yamang hinahanap natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga bakas ng yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga bakas ng yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Sa buong sansinukob ay ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga pagdagundong ng mga tunog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking mga pagbigkas ang umakay sa lahat ng tao patungo sa kasalukuyang panahon. Idinudulot Ko na malupig ng Aking mga pagbigkas ang lahat ng tao, na mahulog sa daloy na ito, at na sumuko sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi balisang umaasa sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nag-aasam sa Aking pagiging kaibig-ibig? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi makakakita sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi humahanga sa Kanya na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan? Ang Aking mga pagbigkas ay ipapakalat sa buong mundo; higit Akong bibigkas at magsasabi ng mga salita sa Aking mga hinirang na tao, gaya ng isang malakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Nagliliwanag ang kidlat mula sa Silangan hanggang sa Kanluran. Gayon na lamang ang mga salita Ko, na ayaw mahiwalay ng mga tao sa mga ito, at ang mga ito ay hindi rin maaarok ng tao, at higit pa rito, nagdudulot ito ng kagalakan sa mga tao. Tulad ng mga bagong silang na sanggol, natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, at ipinagdiriwang ang Aking pagparito. Sa pamamagitan ng Aking mga pagbigkas, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Pagkatapos niyon, pormal Akong papasok sa gitna ng mga tao, at nang sa gayon, sila ay lumapit para magpatirapa sa Akin. Taglay ang kaluwalhatiang lumalabas sa Akin at ang mga salita mula sa Aking bibig, humaharap sa Akin ang lahat ng tao, at nakikita nila na nagliliwanag ang kidlat mula sa Silangan, na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan, at na matagal na Akong pumarito sa lupa, at na hindi na Ako ang Anak ng mga Hudyo, kundi ang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa gitna ng sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa gitna ng mga tao. Ako ang Siyang sinamba sa loob ng di-mabilang na panahon bago pa ang ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita sa loob ng di-mabilang na panahon bago pa ang ngayon. Higit pa rito, Ako ang puno-ng-kaluwalhatiang Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Hayaang lumapit ang lahat sa Aking luklukan at makita ang Aking maluwalhating mukha, marinig ang Aking mga pagbigkas, at makita ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking layunin; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang bigyang karangalan Ako ng di-mabilang na nasyon, kilalanin Ako ng di-mabilang na bibig, ang pagkatiwalaan Ako ng di-mabilang na tao, at sumuko sa Akin ang di-mabilang na mga taong hinirang Ko!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng Diyos ng katotohanan, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagama’t hindi mo makita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagiging puno ng poot ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang tao na kumilala, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao ngayon ay isang Diyos na katulad ng tao, isang Diyos na mayroong ilong at dalawang mata, at isang labis na hindi kapansin-pansing Diyos, sa huli, ipakikita sa inyo ng Diyos na kung hindi umiral ang taong ito, sasailalim ang langit at ang lupa sa napakatinding pagbabago; kung hindi umiral ang taong ito, magdidilim ang kalangitan, masasadlak sa kaguluhan ang lupa, at mamumuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung hindi pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw upang iligtas kayo, matagal na sanang winasak ng Diyos ang buong sangkatauhan sa impiyerno; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging mga pangunahing makasalanan kayo magpakailanman, at magiging mga bangkay kayo habang panahon. Dapat ninyong malaman na kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging imposible para sa sangkatauhan na matakasan ang isang malaking kalamidad, at magiging imposible para dito na makatakas sa mas matinding kaparusahang ipapataw ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, lahat sana kayo ay nasa kalagayan kung saan nagsusumamo kayo para sa buhay nang walang kakayahang mamuhay at magmakaawa para sa kamatayan nang hindi namamatay; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, hindi ninyo makakamit ang katotohanan at makakapunta sa harap ng trono ng Diyos ngayon, kundi sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa mabibigat ninyong kasalanan. Alam ba ninyong kung hindi dahil sa pagbabalik sa katawang-tao ng Diyos, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; at kung hindi dahil sa pagparito ng katawang-taong ito, matagal na sanang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan? Dahil dito, tatanggihan pa rin ba ninyo ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang napakalalaking pakinabang ang matatamo ninyo sa karaniwang taong ito, bakit hindi ninyo Siya malugod na tatanggapin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao
Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at ng maraming perspektiba upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin, habang kasabay nito, ipinapahayag ang tinig ng nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, binibigyan tayo ng mga ito ng daang dapat nating tahakin, at nagbibigay-kakayahan sa atin na maarok kung ano ba mismo ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magbigay-pansin sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi namamalayan, sinisimulan nating pansinin ang tinig ng puso ng hindi kapansin-pansing taong ito. Ibinubuhos Niya ang Kanyang puso at kaluluwa para sa atin, hindi makatulog at hindi makakain alang-alang sa atin, umiiyak para sa atin, bumubuntong hininga para sa atin, at dumaraing sa sakit para sa atin; nagtitiis Siya ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan; at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at paghihimagsik. Walang ordinaryong tao ang may pagiging ganito at mga ganitong pag-aari, at walang tiwaling tao ang maaaring magkaroon o magkamit ng mga ito. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na mayroon ang sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o makakakilala nang lubos sa ating kalikasan at diwa, o makakahatol sa paghihimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o makakakausap sa atin at makakagawa sa atin nang gaya nito nang kumakatawan sa Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at dignidad ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay lumalabas nang buong-buo sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagsisiwalat ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa panggagapos ni Satanas at sa ating sariling mga tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos; Ipinapahayag Niya ang boses ng puso ng Diyos, ang mga panghihikayat ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagbukas na Siya ng isang bagong kapanahunan, ng isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, naghatid Siya sa atin ng pag-asa, at winakasan Niya ang ating pamumuhay sa isang malabong kalagayan, at binigyang-kakayahan Niya ang ating buong pagkatao na ganap na mamasdan ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at nakamit ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamit ng kamalayan ang ating puso, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hindi kapansin-pansin na taong ito, ang taong ito na namumuhay kasama natin at tinatanggihan natin sa loob ng napakahabang panahon—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating inaasam-asam gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Binigyan Niya tayo ng kakayahang muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglalaboy-laboy. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap. Sa panahong ito, ganap na Niyang nalupig ang ating puso; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tayo kumokontra sa Kanyang gawain at Kanyang salita, at nagpapatirapa tayo sa Kanyang harapan. Wala tayong ibang ninanais kundi sundan ang mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating buhay, at upang magawa Niya tayong perpekto, at masuklian natin ang Kanyang biyaya, at masuklian ang Kanyang pagmamahal sa atin, at masunod ang Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos, at makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang matapos ang ipinagkakatiwala Niya sa atin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Kung mananatiling nakatali ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit hindi taglay ang daan ng buhay na magtutulot sa kanila na makilala ang Diyos o mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na makakamit kailanman sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng pananampalataya. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga pagnanais na taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang manampalataya sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga nakapagpapasakop sa katotohanan at nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagkakamit ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at pati na rin ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako ay lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako ay lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto; At sa gitna ng pitong kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na maipahayag nang malinaw gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha. Na ibig sabihin ay lahat ng nagpahalaga sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakita na ang tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagkat napakadakila ng Diyos at hindi maaaring lubos na mabigkas nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao. Kapag naranasan na ng tao ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang banggitin niya ang Anak ng tao sa gitna ng mga ilawan: “Ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi.” Sa panahong iyon, malalaman mo nang walang anumang pagdududa na ang ordinaryong katawan na ito na napakaraming nasabi ay hindi maikakailang ang pangalawang Diyos na nagkatawang-tao. Bukod pa riyan, madarama mo talaga kung gaano ka kapalad, at madarama mo sa sarili mo na ikaw ang pinakamapalad. Hindi ka ba handang tanggapin ang pagpapalang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita