2. Kamakailan, nabasa ko ang maraming mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at nalaman na nagtataglay ang mga ito kapwa ng kapangyarihan at awtoridad. Ang bawat isa sa Kanyang mga pagpapahayag ay ang katotohanan, ang mga ito ay tinig nga ng Diyos, at ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Ngunit may isang bagay na hindi ko maintindihan: Mayroong ilang tao ngayon na nagpapanggap bilang ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, at sila, ay bumigkas din ng mga salita. Ang ilan sa kanilang mga salita ay ginawang aklat, at maraming tao ang nalinlang sa pagsunod sa kanila. Paano natin malalaman kung ano talaga ang mga salita ng mga huwad na Cristo?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang kalabisan tungkol dito, sapagka’t Siya ay may taglay ng diwa ng Diyos, at may taglay ng disposisyon ng Diyos, at may karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Yaong mga Cristo ang tinatawag sa mga sarili nila, subalit hindi kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi pati na rin ang partikular na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain kasama ng tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit sinumang tao, kundi isang katawang-taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at katawanin nang mahusay ang Diyos, at makapagbigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak lahat yaong mga nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t inaangkin nilang sila si Cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na hindi kayang tukuyin ng tao ang pagiging-tunay ni Cristo, ngunit sinasagot at pinagpapasiyahan ng Diyos Mismo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:
Malinaw sa lahat ng nakararanas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw ang tungkol sa isang katotohanan: Sa tuwing gumagawa ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, malapitang nakasunod sa Kanya si Satanas at ang lahat ng uri ng masasamang espiritu, ginagaya at pinapasinungalingan ang Kanyang gawain upang linlangin ang mga tao. Nang pagalingin ng Panginoong Jesus ang mga maysakit at palayasin ang mga demonyo, nagpagaling ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo si Satanas at ang masasamang espiritu; nang bigyan ng Banal na Espiritu ang tao ng kaloob na ibang wika, pinagsalita rin ng masasamang espiritu ang mga tao ng “ibang wika” na hindi kayang maunawaan ng sinuman. Bagama’t kayang gumawa ni Satanas at ng masasamang espiritu ng lahat ng uri ng bagay na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga tao—halimbawa, ang pagpapamalas ng ilang bagay na higit sa karaniwan upang linlangin ang mga tao—dahil si Satanas at ang masasamang espiritu ay hindi nagtataglay ng katotohanan, hindi nila kailanman mabibigyan ang mga tao ng katotohanan, at ito ang nagdudulot na maging posible na masabi ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay na Cristo at mga huwad na Cristo.
Sa mga huling araw, matagal nang nanatiling mapagpakumbaba at nakatago ang Diyos matapos maging tao upang gumawa; nagpatotoo lamang ang Banal na Espiritu kay Cristo nang umabot sa rurok ang Kanyang mga salita at nalupig ang mga tao. Hindi kailanman sinabi ni Cristo sa harap ng iba na Siya si Cristo. Hindi Niya kailanman pinangaralan ang mga tao mula sa posisyon ni Cristo, ni hindi Niya sila pinilit na tanggapin at kilalanin Siya; mapagpakumbaba lamang Siya at nakatago, ipinahahayag ang katotohanan, ibinibigay kung ano ang kailangan ng mga tao sa buhay, at binabago ang kanilang mga disposisyon sa buhay. Hindi kailanman nagyabang o nagpakitang-gilas si Cristo; nanatili Siyang mapagpakumbaba at nakatago sa buong panahong ito. Walang nilikha ang maaaring ihambing dito. Hindi kailanman ginamit ni Cristo ang Kanyang posisyon o pagkakakilanlan upang patalimahin at pasunurin sa Kanya ang mga tao. Sa halip, ipinahahayag Niya ang katotohanan upang hatulan, kastiguhin, at iligtas ang mga tao, sa pamamagitan ng mga ito ay tinutulungan Niya ang mga taong makilala ang Diyos, sumunod sa Diyos, at makamit ng Diyos—na nagpapakita kung gaano karangal at kabanal ang Diyos. Samantala, ang napakaraming huwad na Cristo at masasamang espiritu ay ang mismong kabaligtaran: Palagi nilang pinatototohanan ang kanilang sarili na sila ang Cristo, at sinasabi pa na ang mga hindi nakikinig sa kanila ay hindi maaaring makapasok sa kaharian ng langit. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang magyabang, magpakitang-gilas, at purihin ang kanilang sarili upang mapapunta ang mga tao at makipagkita sa kanila, o maaari silang gumawa ng ilang palatandaan at kababalaghan upang linlangin ang mga tao. At sa sandaling nalinlang ang mga tao, kung walang sinuman na magbabahagi ng katotohanan at lulutas sa panlilinlang na ito, natutumba sila. Napakaraming halimbawa nito. Dahil ang mga huwad na Cristo ay hindi ang katotohanan, ang daan, at ang buhay at wala silang iniaalok na landas, hindi magtatagal, ang mga sumusunod sa kanila ay mapapahiya. Samakatuwid, ang pinakamahalaga sa pagtukoy ng pagkakaiba sa pagitan ng tunay na Cristo at mga huwad na Cristo ay ang makilala na si Cristo lamang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Si Cristo lamang ang kayang magpahayag ng katotohanan; ang mga huwad na Cristo ay lubos na nagkukulang sa katotohanan, gayundin ang napakaraming masasamang espiritu, at gaano man karami ang sabihin nila o gaano man karaming aklat ang isulat nila, wala sa mga ito ang naglalaman ng anumang katotohanan—ito ay walang pasubali. Bukod dito, para sa mga sumusunod kay Cristo, ang pagkaunawa nila sa katotohanan ay nagiging lubhang mas malinaw, at ang daan ay lubhang mas maliwanag, na nagpapatunay na si Cristo lamang ang makapaglilitas sa mga tao, at na si Cristo ang katotohanan. Ang mga huwad na Cristo ay kaya lamang magsalita ng ilang ginayang salita o mga bagay na binabaligtad ang katotohanan. Wala silang katotohanan, at ang dinadala lamang nila sa mga tao ay kadiliman, sakuna, at ang gawain ng masasamang espiritu. Ang mga sumusunod sa mga huwad na Cristo ay tiyak na hindi maliligtas; maaari lamang silang mas malalim na magawang tiwali ni Satanas, nagiging lalong manhid at mapurol ang utak, hanggang sa sila ay mawasak. Ang mga sumusunod sa mga huwad na Cristo ay tulad ng mga taong bulag na sumasakay sa isang barko ng pirata at ipinagkakatiwala ang kanilang sarili sa dagat ng pagkalimot!
—Ang Pagbabahagi mula sa Itaas
Ang tunay na Diyos na nagkatawang-tao ay tiyak na may taglay na pagpapahayag at diwa ng Diyos. Kung sinasabi ng isang tao na siya si Cristo, na siya ang pagkakatawang-tao ng Diyos, suriin natin ang kanyang diwa mula sa kanyang gawain, mga salita, at disposisyon na kanyang inihahayag, upang matukoy kung siya ba si Cristo, kung siya ba ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa pamamagitan ng paggamit ng ating kakayahang makakilala mula sa ilang aspeto na ito, mahahanap natin ang tamang kasagutan; kung hindi natin gagamitin ang ating pagkakilala mula sa mga aspetong ito, madali tayong malilinlang. Kaya paano natin partikular na masasabi ang pagkakaiba? Una, maaari silang makilala mula sa aspeto ng kanilang gawain. Kung gawain ito ng Diyos, maipahahayag nila ang mga salita ng Diyos, kung ano ang mayroon at ano ang Diyos, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Kung gawain ito ng tao, masasabi lamang nila ang kung ano ang mayroon at ano ang tao, at ang mga karanasan at kaalaman ng tao; wala silang masasabing anuman tungkol sa kung ano ang mayroon at ano ang Diyos, ni anumang tungkol sa gawain ng Diyos, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, ang Kanyang disposisyon, lalong hindi sila makapagsasalita tungkol sa plano ng pamamahala ng Diyos at sa mga misteryo ng Kanyang gawain. Ito ang pagtingin sa mga bagay na patungkol sa gawain. Pangalawa, maaari silang makilala mula sa aspeto ng kanilang sinasabi. May mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita ng tao at mga salita ng Diyos: Ang mga salita ng Diyos ay kumakatawan sa kung ano ang mayroon at ano ang Diyos, habang ang mga salita ng tao ay kumakatawan sa kung ano ang mayroon at ano ang tao; ang mga salita ng Diyos ay kumakatawan sa disposisyon ng Diyos, habang ang mga salita ng tao ay kumakatawan sa pagkatao ng tao; ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, habang ang mga salita ng tao ay walang kinalaman sa katotohanan. Ito ang pagkakaiba batay sa mga salita. Pangatlo, maaari silang makilala mula sa aspeto ng disposisyon. Kayang ipahayag ng gawain ng Diyos ang disposisyon ng Diyos, habang ang gawain ng tao ay walang kakayahang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at kaya lamang ilarawan ang katangian ng isang tao. At ano ang nasa loob ng katangian ng isang tao? Mayroon bang pagiging matuwid, pagiging maharlika, at poot? Mayroon bang katotohanan? Hindi nagbibigay ng anumang palatandaan ang katangian ng tao ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at kaya ang gawain ng tao ay ganap na walang kaugnayan sa disposisyon ng Diyos. Ang paggamit sa mga aspetong ito upang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita at gawain ng Diyos at ng tao ay nagdudulot na maging posible na matukoy kung sino ang pagkakatawang-tao ng Diyos, at kung sino ang hindi. Kung hindi kayang masabi ng mga tao ang pagkakaiba, nagiging madali para sa kanila na malinlang ng mga huwad na Cristo.
—Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay
Sinumang nagpapanggap na Cristo upang magsalita para linlangin ang mga tao ay isang huwad na Cristo. Lahat ng huwad na Cristo ay sinasaniban ng masasamang espiritu, at sila’y mga manloloko. Paano mo makikilala ang isang huwad na Cristo na patuloy na nagsasalita para linlangin ang mga tao? Kung titingin ka lang sa ilan sa kanilang mga salita, mapapakamot ka siguro ng ulo at hindi mo lubusang mauunawaan kung ano talaga ang nilalayong gawin ng masamang espiritu. Kung patuloy mong susubaybayan ang masamang espiritung ito at kikilalanin ang lahat ng sinabi nito bilang isang kabuuan, nagiging napakadaling makita kung anong klaseng bagay talaga ito, kung ano ang ginagawa nito, kung ano ang talagang sinasabi nito, kung ano ang binabalak nitong gawin sa mga tao at anong landas ang iniaalok nito sa mga tao; nagiging madaling makilala ang mga bagay na ito. Makikita natin na halos magkakatulad ang mga katangiang nasa mga salita ng masasamang espiritu. Maaari lang nitong gayahin ang mga salita at ekspresyon ng Diyos; hindi ito nagtataglay ng diwa ng mga salita ng Diyos. May konteksto at layunin ang mga salita ng Diyos. Ang pangunahing layunin at mga epekto ng mga pagbigkas ng Diyos ay napakalinaw at makikita ng mga tao na ang Kanyang mga salita ay nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan, kaya nitong maaantig ang puso at mapukaw ang kaluluwa ng isang tao. Ngunit ang mga salita ng masasamang espiritu at ni Satanas ay walang konteksto ni epekto—para lang itong lawa ng tubig na hindi umaagos, at malabo ang pakiramdam ng mga tao sa kanilang puso matapos itong basahin. Wala silang napapala rito. Kaya, lahat ng klase ng masasamang espiritu ay walang taglay na katotohanan at siguradong malabo at madilim ang kalooban. Ang mga salita nito ay hindi makapagdadala ng liwanag sa mga tao at hindi maipapakita sa kanila ang landas na dapat nilang sundan. Hindi masasabi nang malinaw ng masasamang espiritu ang kanilang layon ni ang sinisikap nilang isakatuparan; walang binabanggit na anuman tungkol sa pinakadiwa o pinag-ugatan ng katotohanan. Wala talaga. Walang anuman na dapat maunawaan at matamo ng mga tao ang matatagpuan sa mga salita ng masasamang espiritu. Samakatwid, ang mga salita ng masasamang espiritu ay makapanlilinlang lamang ng mga tao at maghahatid ng kalabuan at kadiliman sa kanilang kalooban, pagiging negatibo at kalungkutan. Hindi nito mabibigyan man lang ang mga tao ng anumang panustos. Mula rito’y makikita natin na ang likas na diwa ng masasamang espiritu ay kasamaan at kadiliman, at wala silang sigla, sa halip ay amoy-patay sila. Talagang mga negatibong bagay sila na dapat isumpa. Ni walang katotohanan sa kanilang pananalita; walang-wala itong kabuluhan at maladiyablong pagsasalita ito na nagdudulot ng pagkainis at pag-ayaw ng mga tao na para bang nakakain sila ng patay na langaw. Kung ang mga tao ay naghahangad ng katotohanan at nagtataglay ng kakayahang maunawaan ang mga salita ng Diyos, makikilala nila ang mga salita ng masasamang espiritu pagkatapos nilang basahin ang mga ito. Ang mga hindi nauunawaan ang mga usaping espirituwal at walang taglay na kakayahan na maunawaan ang mga salita ng Diyos ay tiyak na malilinlang ng mga maladiyablong salita ng masasamang espiritu. Ang lahat ng mga tao na binigyang-liwanag at tinanglawan ng Banal na Espiritu, na may pagkaunawa ukol sa mga salita ng Diyos at nauunawaan ang ilang katotohanan ay likas na makakakilala sa mga maladiyablong salita ng masasamang espiritu. Makikita nilang ang anuman sa mga salitang sinasabi ng masasamang espiritu ay lubos na walang katotohanan, ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, o ng ni katiting na kapangyarihan o awtoridad. Kung ihahambing sa mga salita ng Diyos, ang pagkakaiba ay tunay na tulad ng pagkakaiba ng langit at lupa.
—Mga Plano ng Gawain