4. Naniwala kami sa Panginoon sa loob ng maraming taon at palaging nagsumikap para sa Kanya, maingat na naghihintay sa Kanyang pagbabalik. Naniniwala kami na kami dapat ang unang tumanggap ng paghahayag tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Pinatototohanan mo ngayon na ang Panginoong Jesus ay bumalik na, kaya bakit hindi kami nakatanggap ng paghahayag tungkol dito? Pinatutunayan ng hindi namin pagtanggap ng pahayag na ang Panginoon ay hindi pa bumabalik. Mali bang isipin namin ito?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20).
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ipinahayag ni Jesus na ang Espiritu ng katotohanan ay ipagkakaloob sa tao sa mga huling araw. Ito na ang mga huling araw; nauunawaan mo ba kung paano nagpapahayag ng mga salita ang Espiritu ng katotohanan? Saan lumilitaw at gumagawa ang Espiritu ng katotohanan? Sa aklat ng propesiya ng propetang si Isaias, hindi binanggit kailanman na isang batang nagngangalang Jesus ang isisilang sa kapanahunan ng Bagong Tipan; nakasulat lamang na may isang sanggol na lalaking nagngangalang Emmanuel ang isisilang. Bakit hindi binanggit ang pangalang Jesus? Hindi lumilitaw ang pangalang ito kahit saan sa Lumang Tipan, kung gayon, bakit naniniwala ka pa rin kay Jesus? Siguradong hindi ka lamang nagsimulang maniwala kay Jesus matapos mo Siyang makita sa sarili mong mga mata, hindi ba? O nagsimula ka bang maniwala nang makatanggap ka ng isang paghahayag? Talaga bang pakikitaan ka ng Diyos ng gayong biyaya? Pagkakalooban ka ba Niya ng gayon kalalaking pagpapala? Ano ang batayan ng iyong paniniwala kay Jesus? Bakit hindi ka naniniwala na naging tao na ang Diyos ngayon? Bakit mo sinasabi na ang kawalan ng isang paghahayag sa iyo mula sa Diyos ay nagpapatunay na hindi Siya nagkatawang-tao sa laman? Kailangan bang magpaalam ang Diyos sa mga tao bago Niya simulan ang Kanyang gawain? Kailangan ba muna Niyang matanggap ang kanilang pagsang-ayon? Ipinahayag lamang ni Isaias na isisilang ang isang lalaking sanggol sa isang sabsaban; hindi niya ipinropesiya kailanman na si Maria ang magluluwal kay Jesus. Saan mo ba talaga ibinabatay ang iyong paniniwala na isisilang ni Maria si Jesus? Siguradong hindi magulo ang iyong paniniwala?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
Marami pa ngang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong patunayan ng mga propesiya, at na sa bawat yugto ng gayong gawain, lahat ng sumusunod sa Kanya nang may “tapat” na puso ay kailangan ding pakitaan ng mga paghahayag; kung hindi, ang gawaing iyon ay hindi maaaring maging gawain ng Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Dagdag pa ang kakatwang puso ng tao at ang likas niyang pagkasuwail sa pagpapahalaga sa sarili at kahambugan, lalong nagiging mas mahirap para sa kanya na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi sinisiyasat nang mabuti ng tao ang bagong gawain ng Diyos, ni hindi niya ito tinatanggap nang mapagkumbaba; sa halip, ugali niya ang manlait habang hinihintay niya ang mga paghahayag at patnubay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng mga naghihimagsik at lumalaban sa Diyos? Paano makakamit ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Ang Pagbabahagi ng Tao:
Ipinapalagay ng mga taong naniniwala sa Panginoon sa loob ng maraming taon, na palaging nagpapakapagod at nagtatrabaho nang husto at matiyagang hinihintay ang Kanyang muling pagparito, na sa Kanyang muling pagparito, matatanggap nila ang paghahayag mula sa Panginoon tungkol sa Kanyang pagbalik. Ito ay kuru-kuro at imahinasyon ng tao; hindi ito umaayon sa realidad ng gawain ng Diyos. Noong unang panahon, naglakbay nang napakalayo ang mga Fariseo ng Hudaismo upang ipalaganap ang ebanghelyo. Nagbigay ba ang Panginoong Jesus sa kanila ng paghahayag tungkol sa Kanyang pagparito? Dagdag pa rito, sino sa mga alagad na nagsisunod sa Panginoong Jesus ang gumawa ng gayon dahil nakatanggap sila ng paghahayag mula sa Kanya? Wala ni isa man! Bagaman natanggap ni Pedro ang paghahayag mula sa Diyos at nakilala niya na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos, nangyari ang lahat ng iyon pagkaraang sundan ni Pedro ang Panginoong Jesus nang ilang panahon at mapakinggan ang marami sa Kanyang mga sermon; nagkaroon nang kaunting kaalaman si Pedro tungkol sa Panginoong Jesus, at pagkatapos nito ay saka lamang niya natanggap ang paghahayag mula sa Banal na Espiritu at nakilala ang tunay na katauhan ng Panginoong Jesus. Mula rito, makikita na hindi talaga natanggap ni Pedro ang pagbubunyag bago ang pagsunod niya sa Panginoong Jesus; ito ay isang katotohanan. Ang lahat ng nakasunod sa Panginoong Jesus ay nakilala lamang Siya bilang ang Mesiyas na paririto dahil sa pakikinig sa Kanyang mga sermon; hindi nila Siya nakilala at hindi naging Kanyang mga alagad pagkatapos na unang matanggap ang paghahayag mula sa Diyos. Sa mga huling araw, palihim na dumating ang Makapangyarihang Diyos upang gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Tinanggap at sinusunod Siya ng milyun-milyong tao, subalit ni isa man sa kanila ay hindi ginawa iyon bunga ng pagkakatanggap ng pagbubunyag mula sa Banal na Espiritu; nakilala nating lahat ang tinig ng Diyos at nagpasya tayong sundin ang Makapangyarihang Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita at pagbabahagian ng katotohanan. Malinaw na ipinapakita ng mga katotohanan na, sa pagkakatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, lubusang hindi ibinibigay ng Diyos ang paghahayag sa sinuman upang sila ay maniwala sa Kanya at sumunod sa Kanya. Dagdag pa rito, nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw upang ipahayag ang katotohanan at isagawa ang gawain ng paghatol; ang Kanyang mga pagbigkas sa mga huling araw ay ang mga unang salita na hayagang winika Niya sa buong sansinukob at sa buong sangkatauhan mula pa noong pasimulan ang paglikha. Maririnig ng lahat ng tao ang tinig ng Diyos, kaya kung magagawa man nilang salubungin ang Panginoon o hindi ay depende kung makikilala nila ang tinig ng Diyos, gayundin kung iniibig at tinatanggap nila ang katotohanan o hindi. May kinalaman ito sa pansariling kapasyahan; hindi kailanman bibigyan ng Diyos ng paghahayag ang sinumang tao para lamang maniwala sila sa Kanya. Maraming beses na binanggit sa mga kapitulo 2 at 3 ng Aklat ng Pahayag na: “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7). At sa Pahayag 3:20 na “Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko” (Pahayag 3:20). Sinabi rin ng Panginoong Jesus na, “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27). Kung nagbibigay ang Panginoon ng paghahayag sa mga tao upang maniwala sa Kanya kapag naparito Siya, kung gayon bakit Niya sinabing tatayo Siya sa mga pintuan ng mga tao at kakatok, at na diringgin ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos? Hindi ba’t magiging salungat iyon sa Kanyang pahayag? Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas at mga pagpapahayag ng katotohanan upang hanapin ang Kanyang mga tupa. “Dinirinig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos”—ibig sabihin, ang mga nakikinig at nakauunawa sa tinig ng Diyos ay ang Kanyang mga tupa, sila ang matatalinong dalaga; samantalang ang mga nakakarinig subalit hindi nakakaunawa sa Kanyang tinig ay tiyak na tiyak na mga hangal na dalaga, at sa ganitong paraan, maigugrupo ang bawat isang tao ayon sa kanyang uri. Malinaw na naipapakita nito kung gaano katalino at kamatuwid ang Diyos!
Samakatwid, walang kinalaman ang pag-iimbestiga sa tamang daan kung natanggap ba o hindi ng isang tao ang paghahayag mula sa Diyos; ang pinakamahalagang punto rito ay kung nagagawa bang makilala o hindi ng isang tao ang tinig ng Diyos sa mga salitang sinambit ng Makapangyarihang Diyos. Sa mga huling araw, nagpahayag na ang Makapangyarihang Diyos ng milyun-milyong salita. Ang mga pagbigkas na ito ay ang katotohanan; ang mga ito ay tinig ng Diyos. Maraming tao na mula sa iba’t ibang mga denominasyon na taos-pusong naniniwala sa Panginoon ang nakarinig na sa tinig ng Diyos at nagbalik-loob sa Makapangyarihang Diyos. Ang mga taong ito mismo ay ang mga kayamanan na “ninakaw”; ang layunin ng Panginoon sa Kanyang lihim na pagparito ay upang makuha ang mga kayamanang ito, at gawing mananagumpay ang mga taong ito na mga unang iniakyat sa harapan ng luklukan ng Diyos bago ang mga sakuna. Gayunman, kapag hinihintay lamang ng mga tao na matanggap ang paghahayag mula sa Diyos at hindi naman nakikilala ang Kanyang tinig sa mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, naipapakita lamang nito na hindi nila iniibig ang katotohanan o nakikilala ang Panginoon, at walang pasubali na hindi sila mga tupa ng Diyos. Natural lamang na pupuntiryahin ng Diyos na itapon at alisin ang mga taong ito, at kabilang sila sa mga mahuhulog sa sakuna, na tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin. Ganito rin ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas: “Sapagka’t Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29).