3. Pinatototohanan mo na nagbalik na sa katawang-tao ang Panginoong Jesus. Kung gayon nasaan ang Panginoon ngayon? Bakit hindi pa namin Siya nakikita? Pinaniniwalaan lamang ang isang bagay kapag nakita na ito, kaya ang katotohanan na hindi pa namin Siya nakikita ay nagpapatunay na hindi pa nagbabalik ang Panginoon. Maniniwala ako kapag nakita ko ito.
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, ‘Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay ’di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko. Kung Ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon Siya’y inyong mangakikilala, at Siya’y inyong nakita. Sinabi sa Kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama, at sapat na ito sa amin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong Ako’y inyong kasama, at hindi Mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama? Hindi ka baga nananampalataya na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin? Ang mga salitang Aking sinasabi sa inyo’y hindi Ko sinasalita sa Aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa Akin ay gumagawa ng Kaniyang mga gawa. Magsisampalataya kayo sa Akin na Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin: o kundi kaya’y magsisampalataya kayo sa Akin dahil sa mga gawa rin’” (Juan 14:6–11).
“At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang Kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas: pagkatapos ay dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, ‘Kapayapaan ang sumainyo.’ Nang magkagayo’y sinabi Niya kay Tomas, ‘Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang Aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa Aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.’ At sumagot si Tomas at sa Kaniya’y sinabi, ‘Panginoon ko at Diyos ko.’ Sinabi sa kaniya ni Jesus, ‘Tomas, sapagka’t Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya’” (Juan 20:26–29).
“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).
“Kaya nga ang paniniwala’y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (Roma 10:17).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ipinahayag ni Jesus na ang Espiritu ng katotohanan ay ipagkakaloob sa tao sa mga huling araw. Ito na ang mga huling araw; nauunawaan mo ba kung paano nagpapahayag ng mga salita ang Espiritu ng katotohanan? Saan lumilitaw at gumagawa ang Espiritu ng katotohanan? Sa aklat ng propesiya ng propetang si Isaias, hindi binanggit kailanman na isang batang nagngangalang Jesus ang isisilang sa kapanahunan ng Bagong Tipan; nakasulat lamang na may isang sanggol na lalaking nagngangalang Emmanuel ang isisilang. Bakit hindi binanggit ang pangalang Jesus? Hindi lumilitaw ang pangalang ito kahit saan sa Lumang Tipan, kung gayon, bakit naniniwala ka pa rin kay Jesus? Siguradong hindi ka lamang nagsimulang maniwala kay Jesus matapos mo Siyang makita sa sarili mong mga mata, hindi ba? O nagsimula ka bang maniwala nang makatanggap ka ng isang paghahayag? Talaga bang pakikitaan ka ng Diyos ng gayong biyaya? Pagkakalooban ka ba Niya ng gayon kalalaking pagpapala? Ano ang batayan ng iyong paniniwala kay Jesus? Bakit hindi ka naniniwala na naging tao na ang Diyos ngayon? Bakit mo sinasabi na ang kawalan ng isang paghahayag sa iyo mula sa Diyos ay nagpapatunay na hindi Siya nagkatawang-tao sa laman? Kailangan bang magpaalam ang Diyos sa mga tao bago Niya simulan ang Kanyang gawain? Kailangan ba muna Niyang matanggap ang kanilang pagsang-ayon? Ipinahayag lamang ni Isaias na isisilang ang isang lalaking sanggol sa isang sabsaban; hindi niya ipinropesiya kailanman na si Maria ang magluluwal kay Jesus. Saan mo ba talaga ibinabatay ang iyong paniniwala na isisilang ni Maria si Jesus? Siguradong hindi magulo ang iyong paniniwala?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
Sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas: “Sapagka’t Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya” (Juan 20:29). Ipinahihiwatig ng mga salitang ito na siya ay kinondena na ng Panginoong Jesus. Hindi ito tungkol sa pagiging pinagpala o hindi pinagpala. Ito ay tungkol sa katotohanang hindi ka tatanggap ng anuman kung hindi ka naniniwala; makatatanggap ka lamang kung ikaw ay naniniwala. Maniniwala ka lang ba sa anuman kung personal na magpakita sa iyo ang Diyos, tulutan kang makita Siya, at kumbinsihin ka? Bilang tao, ano ang mga katangiang taglay mo para hilingin sa Diyos na personal na magpakita sa iyo? Ano ang mga katangiang taglay mo para magawa mong hilingin sa Diyos na kausapin ang isang tiwaling tao na katulad mo? Maliban pa riyan, ano ang nagpaging dapat sa iyo para kailanganin ng Diyos na ipaliwanag nang malinaw sa iyo ang lahat ng bagay bago ka maniwala? Kung ikaw ay may talino, kung gayon maniniwala ka kahit matapos mo pa lang mabasa ang mga salitang sinambit ng Diyos. Kung totoong may pananampalataya ka, kung gayon hindi na mahalaga kung ano ang ginagawa ng Diyos o kung ano ang sinasabi Niya. Sa halip, isandaang porsyento ka na makukumbinsi na ito ay sinabi ng Diyos o ginawa ng Diyos sa sandaling makita mo na ang mga salitang ito ang katotohanan, at ikaw ay magiging handa nang sundin Siya hanggang huli. Hindi mo kailangang pagdudahan ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago
Bago ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, palaging nagdududa si Tomas na siya ang Cristo, at hindi magawang maniwala. Ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay naitatag lang sa batayan ng kung ano ang kanyang nakikita sa kanyang sariling mga mata, kung ano ang kanyang nahahawakan sa kanyang sariling mga kamay. May mabuting pagkaunawa ang Panginoong Jesus sa pananampalataya ng ganitong uri ng tao. Naniniwala lang sila sa Diyos na nasa langit, at hindi talaga naniwala sa Isa na ipinadala ng Diyos, o sa Cristo na nasa katawang-tao, at hindi rin nila matatanggap Siya. Upang kilalanin at paniwalaan ni Tomas ang pag-iral ng Panginoong Jesus at na tunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, pinahintulutan Niya si Tomas na idaiti ang kanyang kamay at hawakan ang Kanyang tadyang. May pinagkaiba ba sa pagdududa ni Tomas bago at pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesus? Palagi siyang nagdududa, at maliban sa personal na pagpapakita sa kanya ng espirituwal na katawan ng Panginoong Jesus at pagpapahintulot sa kanya na mahawakan ang mga bakas ng pako sa Kanyang katawan, walang paraan na malulutas ng sinuman ang kanyang mga pagdudua at mapangyaring alisin niya ang mga ito. Kaya, mula sa sandaling pinahintulutan siya ng Panginoong Jesus na hawakan ang Kanyang tadyang at hayaan siyang tunay na madama ang pag-iral ng mga bakas ng pako, naglaho ang pagdududa ni Tomas, at tunay na nalaman niya na ang Panginoong Jesus ay nabuhay na mag-uli, at kinilala at pinaniwalaan niya na ang Panginoong Jesus ang tunay na Cristo at ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa sandaling ito ay hindi na nagduda si Tomas, nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makipagkita kay Cristo. Nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makasama Siya, na sumunod sa Kanya, na makilala Siya. Nawala niya ang pagkakataon na magawa siyang perpekto ni Cristo. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang mga salita ay nagbigay ng katapusan at ng hatol sa pananampalataya niyaong puno ng mga pagdududa. Ginamit Niya ang Kanyang aktwal na mga salita at mga pagkilos upang sabihin sa mga mapagduda, upang sabihin sa mga naniwala lang sa Diyos sa langit nguni’t hindi naniwala kay Cristo: Hindi pinuri ng Diyos ang kanilang paniniwala, ni pinuri Niya ang mga ito para sa kanilang pagsunod sa Kanya habang nagdududa sa Kanya. Ang araw na lubos silang naniwala sa Diyos at kay Cristo ay ang araw lang na natapos na ng Diyos ang Kanyang dakilang gawain. Mangyari pa, ang araw na iyon ay ang araw rin na nabuo ang hatol sa kanilang pagdududa. Ang kanilang saloobin tungo kay Cristo ang tumukoy sa kanilang kapalaran, at nangahulugan ang kanilang matigas na pagdududa na hindi nagbunga ang kanilang pananampalataya, at nangangahulugan ang kanilang katigasan na nawalan ng saysay ang kanilang mga pag-asa. Sapagka’t bunga ng mga ilusyon ang kanilang paniniwala sa Diyos sa langit, at ang kanilang pagdududa tungo kay Cristo ay ang kanila talagang tunay na saloobin tungo sa Diyos, kahit na nahawakan nila ang mga bakas ng pako sa katawan ng Panginoong Jesus, wala pa ring silbi ang kanilang pananampalataya at mailalarawan lang ang kanilang kahihinatnan bilang pagsalok ng tubig gamit ang isang basket na kawayan—lahat ay walang saysay. Ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas ay napakalinaw rin na Kanyang paraan ng pagsasabi sa bawa’t isang tao: Ang Panginoong Jesus na nabuhay na muli ay ang Panginoong Jesus, na gumugol ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na gumagawa sa gitna ng sangkatauhan. Bagaman napako Siya sa krus at naranasan ang libis ng lilim ng kamatayan, at bagaman naranasan Niya ang mabuhay na mag-uli, hindi Siya sumailalim sa anumang pagbabago sa anumang aspeto. Bagaman mayroon na Siya ngayong mga bakas ng pako sa Kanyang katawan, at bagaman nabuhay Siya na mag-uli at lumabas mula sa libingan, ang Kanyang disposisyon, ang Kanyang pagkaunawa sa sangkatauhan, at ang Kanyang mga intensyon tungo sa sangkatauhan ay hindi nagbago kahit na kaunti. Gayundin, sinasabi Niya sa mga tao na bumaba Siya mula sa krus, napagtagumpayan ang kasalanan, napagtagumpayan ang mga paghihirap, at napagtagumpayan ang kamatayan. Ang mga bakas ng pako ay ang katunayan lang ng Kanyang tagumpay kay Satanas, katunayan ng pagiging isang handog para sa kasalanan upang matagumpay na matubos ang buong sangkatauhan. Sinasabi Niya sa mga tao na inako na Niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan at natapos na Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos. Nang bumalik Siya upang makita ang Kanyang mga disipulo, sinabi Niya sa kanila ang mensaheng ito sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita: “Ako ay buhay pa rin, umiiral pa rin Ako; sa araw na ito ay talagang nakatayo Ako sa inyong harapan nang makita at mahawakan ninyo Ako. Ako ay palaging sasainyo.” Ninais din ng Panginoong Jesus na gamitin ang kaso ni Tomas bilang isang babala para sa mga tao sa hinaharap: Bagaman hindi mo nakikita ni nahahawakan ang Panginoong Jesus sa iyong pananampalataya sa Kanya, pinagpala ka dahil sa iyong tunay na pananampalataya, at makikita ang Panginoong Jesus dahil sa tunay na pananampalataya, at pinagpala ang ganitong uri ng tao.
Ang mga salitang ito na naitala sa Biblia na sinabi ng Panginoong Jesus nang Siya ay magpakita kay Tomas ay malaking tulong sa lahat ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang pagpapakita kay Tomas at ang mga salitang sinabi Niya sa kanya ay mayroong malaking epekto sa sumunod na mga salinlahi, taglay ng mga ito ang walang hanggang kahalagahan. Kumakatawan si Tomas sa isang uri ng tao na naniniwala sa Diyos subali’t pinagdududahan ang Diyos. Sila ay likas na mapagduda, may masasamang puso, mga mapandaya, at hindi naniniwala sa mga bagay na kayang gawin ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at hindi rin sila naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesus ay tahasang sumasalungat sa mga katangiang ito na mayroon sila, at nagbigay rin ito ng pagkakataon sa kanila upang matuklasan ang kanilang sariling pagdududa, upang makilala ang kanilang sariling pagdududa, at upang makilala ang kanilang sariling kataksilan, sa gayon ay tunay na maniwala sa pag-iral at sa pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesus. Ang nangyari kay Tomas ay isang babala at isang pag-iingat para sa susunod na mga salinlahi upang mas maraming tao ang makapagbababala sa kanilang mga sarili na huwag maging mapagduda gaya ni Tomas, at na kung punuin nila ang kanilang mga sarili ng pagdududa, lulubog sila sa kadiliman. Kung sumusunod ka sa Diyos, nguni’t gaya ni Tomas, na laging ninanais na mahawakan ang tadyang ng Panginoon at madama ang Kanyang mga bakas ng pako upang makatiyak, upang mapatunayan, upang magpalagay kung umiiral ba o hindi ang Diyos, tatalikdan ka ng Diyos. Kaya, hinihingi ng Panginoong Jesus sa mga tao na huwag maging gaya ni Tomas, pinaniniwalaan lang kung ano ang kanilang nakikita sa kanilang sariling mga mata, bagkus ay maging dalisay, tapat na tao, na huwag magkimkim ng mga pagdududa tungo sa Diyos, bagkus ay manampalataya at sumunod lang sa Kanya. Pinagpala ang mga taong gaya nito. Isang napakaliit na kahilingan ito ng Panginoong Jesus sa mga tao, at isang babala ito para sa Kanyang mga tagasunod.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng pagkontra ng mga Fariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila pinagsisikapan ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapitlamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mayabang, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kinalaban si Cristo? Nagagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kinalaban mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay may kakayahang lahat na kinalaban si Jesus, na tanggihan si Jesus, na siraan Siya. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang itatwa at laitin. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Narinig ni Job ang Diyos sa pamamagitan ng Pagdinig ng Tainga
Job 9:11 Narito, Siya’y dumaraan sa siping ko, at hindi ko Siya nakikita: Siya’y nagpapatuloy rin naman, nguni’t hindi ko Siya namamataan.
Job 23:8–9 Narito, ako’y nagpapatuloy, nguni’t wala Siya; at sa dakong likuran, nguni’t hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, nguni’t hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya.
Job 42:2–6 Nalalaman ko na magagawa Mo ang lahat ng mga bagay, at wala Kang akala na mapipigil. Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman? Kaya’t aking sinambit na hindi ko nauunawa, mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman. Dinggin Mo, isinasamo ko sa Iyo, at ako’y magsasalita; ako’y magtatanong sa Iyo, at magpahayag Ka sa akin. Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; nguni’t ngayo’y nakikita ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.
Bagama’t Hindi Ibinunyag ng Diyos ang Sarili Niya kay Job, si Job ay Naniniwala sa Dakilang Kapangyarihan ng Diyos
Ano ang isinusulong ng mga salitang ito? Nakikita ba ninyo na may isang katotohanan dito? Una, paano nalaman ni Job na may Diyos? At paano niya nalaman na ang mga langit at lupa at lahat ng bagay ay pinamamahalaan ng Diyos? Narito ang isang sipi na sumasagot sa dalawang katanungang ito: “Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; nguni’t ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo” (Job 42:5–6). Mula sa mga salitang ito ay nalaman natin, na sa halip na makita ang Diyos sa kanyang sariling mga mata, natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos mula sa alamat. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, siya ay nagsimulang lumakad sa landas ng pagsunod sa Diyos, matapos nito ay nakumpirma niya ang pag-iral ng Diyos sa kanyang buhay, at sa lahat ng bagay. May isang hindi maikakailang katotohanan dito—at ano ito? Sa kabila ng kakayahang sundin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos. Dito, hindi ba siya kapareho ng mga tao sa ngayon? Hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos, at ipinapahiwatig nito na bagama’t narinig niya ang tungkol sa Diyos, hindi niya alam kung nasaan ang Diyos, o kung ano ang katulad ng Diyos, o kung ano ang ginagawa ng Diyos. Lahat ng mga ito ay mga pansariling kadahilanan; sa isang walang kinikilingang pananalita, bagama’t sinunod niya ang Diyos, ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya o nakipag-usap sa kanya. Hindi ba ito isang katotohanan? Kahit na hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job o kaya ay nagbigay sa kanya ng anumang utos, nakita ni Job ang pag-iral ng Diyos, at napagmasdan niya ang Kanyang dakilang kapangyarihan sa gitna ng lahat ng bagay at sa mga alamat kung saan natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig, at pagkatapos nito ay sinimulan niya ang buhay na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Ganito ang simula at proseso kung paano sumunod si Job sa Diyos. …
Ang Pananampalataya ni Job sa Diyos ay Hindi Nayayanig ng Katotohanan na ang Diyos ay Nakatago sa Kanya
Sa sumusunod na sipi ng kasulatan, nagsabi si Job, “Narito, ako’y nagpapatuloy, nguni’t wala Siya; at sa dakong likuran, nguni’t hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, nguni’t hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya” (Job 23:8–9). Sa salaysay na ito, nalalaman natin na sa buong karanasan ni Job, ang Diyos ay nakatago sa kanya; ang Diyos ay hindi lantarang nagpakita sa kanya, at hindi rin Siya lantarang nangusap ng anumang salita sa kanya, gayunman sa kanyang puso, si Job ay may tiwala sa pag-iral ng Diyos. Palagi siyang naniniwala na ang Diyos ay maaaring naglalakad sa harap niya, o maaaring kumikilos sa kanyang tabi, at kahit na hindi niya nakikita ang Diyos, ang Diyos ay nasa tabi niya, pinamamahalaan ang lahat tungkol sa kanya. Hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos, ngunit nagawa niyang manatiling totoo sa kanyang pananampalataya, na walang ibang taong nakagawa. Bakit hindi ito magawa ng ibang tao? Ito ay dahil sa hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job, o nagpakita sa kanya, at kung siya ay hindi tunay na naniwala, hindi niya magagawang magpatuloy, o mananatili sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Hindi ba ito totoo? Ano ang nararamdaman mo kapag nababasa mo na sinasabi ni Job ang mga salitang ito? Nararamdaman mo ba na totoo ang pagka-perpekto at pagkamatuwid ni Job, at ang kanyang pagkamakatuwiran sa harap ng Diyos, at na hindi ito isang kalabisan sa panig ng Diyos? Kahit na itinuring ng Diyos si Job katulad ng pagturing Niya sa ibang tao, at hindi nagpakita o nakipag-usap sa kanya, naging matatag pa rin si Job sa kanyang katapatan, naniwala pa rin siya sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at, bukod pa rito, madalas siyang nag-alay ng mga sinusunog na handog at nanalangin sa harap ng Diyos bilang bunga ng kanyang takot na magkasala sa Diyos. Sa kakayahan ni Job na magkaroon ng takot sa Diyos nang hindi pa nakikita ang Diyos, nakikita natin kung gaano niya kamahal ang mga positibong bagay, at kung gaano katatag at katotoo ang kanyang pananampalataya. Hindi niya ikinaila na may Diyos dahil ang Diyos ay nakatago mula sa kanya, at hindi nawala ang kanyang pananampalataya at hindi niya itinakwil ang Diyos dahil hindi pa niya kailanman nakita ang Diyos. Sa halip, sa gitna ng mga nakatagong gawain ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay, naunawaan niya ang pag-iral ng Diyos, at nadama ang dakilang kapangyarihan at lakas ng Diyos. Hindi niya isinuko ang pagiging matuwid dahil ang Diyos ay nakatago, at hindi rin niya itinakwil ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan dahil ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya. Hindi kailanman hiningi ni Job na lantarang magpakita ang Diyos sa kanya upang patunayan ang Kanyang pag-iral, dahil nakita na niya ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at naniwala siya na natanggap niya ang mga pagpapala at biyaya na hindi nakamit ng iba. Bagama’t ang Diyos ay nanatiling nakatago sa kanya, ang pananampalataya ni Job sa Diyos ay hindi kailanman nayanig. Kaya, inani niya ang hindi pa nakukuha ng iba: Ang pagsang-ayon ng Diyos at biyaya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang mukha at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang mga palatandaan tungkol sa Kanyang tunay na identidad? Hindi ba kinontra ng mga sinaunang Fariseo si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila isinapuso ang mga salitang nagmula sa Kanyang bibig?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita