2. Sa Paghahanap sa Tunay na Daan, Kailangan ay May Taglay Kang Katwiran

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at Kanyang gawain ay pinakamahirap na maarok at maintindihan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa gitna ng sangkatauhan, kung gayon, anuman ang mangyari, hindi mauunawaan ng tao ang mga layunin ng Diyos kailanman. Kaya nga, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala ang lahat ng iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi maaarok ng sinumang tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga nagsasabing “lubos na nauunawaan” nila ang Diyos at ang Kanyang gawain ay lubhang walang kakayahan; lahat sila ay hambog at mangmang. Hindi dapat nililimitahan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi kayang limitahan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay sadyang mas maliit kaysa sa isang langgam; kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga gustong maglitanya na, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan,” o “Ang Diyos ay ganito o ganoon”—hindi ba sila mayabang magsalita? Dapat alam nating lahat na ang tao, na kontrolado ng laman, ay nagawang tiwali ni Satanas. Ang pinaka-kalikasan ng sangkatauhan ay ang paglaban sa Diyos. Hindi maaaring pumantay ang sangkatauhan sa Diyos, lalong hindi maaaring hangarin ng sangkatauhan na magpayo sa gawain ng Diyos. Patungkol sa kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao, ito ang gawain ng Diyos Mismo. Akma na dapat magpasakop ang tao, nang hindi nagpapahayag ng ganito o ganoong pananaw, sapagkat ang tao ay alabok lamang. Yamang ang ating layunin ay hanapin ang Diyos, hindi natin dapat pangibabawin ang ating mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos para isaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin ang ating tiwaling disposisyon para sadya at mapuwersang labanan ang gawain ng Diyos. Hindi ba tayo gagawin niyan na mga anticristo? Paanong ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos? Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at ang daan ng pagiging kaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang maaaring idulot ng gayong mga pagkilos?

Ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila hindi pangkaraniwan ang mga ito sa iyo, ngunit ang ipapayo Ko sa iyo ay huwag ilantad ang iyong naturalesa sa ngayon, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magkamit ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na deboto ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi sa pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi Kong “ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinasusuklaman mo ang mga ito; o marahil pa nga ay may malaking interes ka sa mga iyon. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at mabigyan ito ng kanilang maingat na pagsusuri, sa halip na magsalita nang patapos tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang matalinong tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong arbitraryong gumawa ng agarang kongklusyon; higit pa riyan, huwag kayong maging kaswal at pabasta-basta sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na gumagawa ng agarang kongklusyon o kinokondena ito ay mayayabang na tao. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang kalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging mga taong may katwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at mabasa ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga pananaw at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag mong masyadong itaas ang sarili. Sa munting may-takot-sa-Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Napakakaunti ng nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kitang magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba iyon magiging lubhang nakakapanghinayang? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalos-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang pananampalataya sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong mga kinabukasan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Yamang hinahanap natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga bakas ng yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga bakas ng yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.

Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang nasyonalidad, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling nasyonalidad, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa pagkakakilanlan ng isang nilikha. Sa ganitong paraan, hindi mo lilimitahan ang mga yapak ng Diyos sa anumang partikular na saklaw. Ito ay dahil, ngayon, maraming tao ang nag-iisip na imposibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng mga tao sa partikular na bayan. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga kuru-kuro at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga kuru-kuro tungkol sa nasyonalidad o katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi magagapos ng sarili mong mga kuru-kuro; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o bayan, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo, bansa, o bayan. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil ay pagtatatwa ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa o bayan kung saan nagpapakita ang Diyos ay nagkataon lamang na dinidiskrimina ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Ngunit ang Diyos ay may karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na matapos matiis ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga pagdurusa at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, na hindi limitado sa anumang anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong lahi ng tao. Nguni’t naniwala ang mga Hudyo na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng maging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni’t kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao ang tumawa nang walang habas at napakalakas matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni’t hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Hudyo? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobin ng pananabik. Ang ginagawa lamang ninyo ay pursigidong nagsusuri, at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo makilatis ang mga pagbigkas ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipapahayag ang katotohanan, at naroon ang tinig ng Diyos. Tanging ang mga nagagawang tanggapin ang katotohanan ang makakarinig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao lang ang kalipikadong makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga kuru-kuro! Patahimikin ang iyong sarili at basahing mabuti ang mga salitang ito. Hangga’t mayroon kang pusong nananabik sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos para maunawaan mo ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga salita. Bitiwan na ninyo ang mga argumento ninyo ng pagiging “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga pag-iisip ng Diyos ay higit pa sa mga pag-iisip ng tao, at ginagampanan ng Diyos ang gawain Niya nang lampas sa mga hangganan ng pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroong katotohanang mahahanap dito; habang mas hindi kayang maisip ng mga kuru-kuro ng tao ang isang bagay, lalong naglalaman ito ng mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Siya nagpapakita, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hinding-hindi magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi magbabago saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito, Siya ang nag-iisa at natatanging Diyos sa itaas at kabuuan ng sansinukob. Kaya hanapin natin ang mga layunin ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagbigkas at salita, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay hayagang ipinakikita sa sangkatauhan sa lahat ng oras. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyong lahat ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong makasabay sa Kanyang mga yapak at humakbang pasulong tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sinundan: 1. Pagkaalam sa Pinagmumulan ng Pagkontra ng mga Tao sa Bagong Gawain ng Diyos sa Kanilang Pananalig sa Diyos

Sumunod: 3. Sa Pananalig sa Diyos, Dapat Kang Magbuo ng Normal na Relasyon sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito