7. Ang Kaibhan sa Pagitan ng Nakikitang Mabubuting Gawa at ng mga Pagbabago sa Disposisyon
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumutukoy sa pagbabago sa kalikasan ng isang tao. Ang mga bagay tungkol sa kalikasan ng isang tao ay hindi makikita mula sa panlabas na mga paggawi; ang mga ito ay tuwirang may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng kanyang pag-iral. Iyan ay, tuwirang nakapaloob sa mga ito ang pananaw ng isang tao sa buhay at sa kanyang mga pinahahalagahan, sa mga bagay na nasa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, at kanyang esensya. Kung ang isang tao ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan, hindi siya sasailalim ng pagbabago sa mga aspetong ito. Sa pamamagitan lamang ng pagdaranas sa gawain ng Diyos, pagpasok nang lubusan sa katotohanan, pagbabago sa mga pinahahalagahan ng isa at mga pananaw ng isa tungkol sa pag-iral at buhay, pag-aayon ng pananaw ng isa sa pananaw ng Diyos, at pagiging may-kakayahang ganap na magpasakop at pagiging nakatalaga sa Diyos, saka masasabing nagbago na ang disposisyon ng isa. Maaaring ikaw ay lumilitaw na nagsisikap nang kaunti, maaaring ikaw ay matatag sa harap ng paghihirap, maaaring nagagawa mong magsakatuparan ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, o maaaring nagagawa mong pumunta saanmang dako ka pinapupunta, subali’t ang mga ito ay maliliit na pagbabago lamang ng gawi, at hindi sapat upang ibilang na pagbabago ng iyong disposisyon. Maaaring nakakaya mong tumahak sa maraming landasin, magdusa ng maraming mga kahirapan at magtiis ng matinding kahihiyan; maaaring nadarama mo na napakalapit mo sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay maaaring gumagawa sa iyo nang kaunti. Gayunpaman, kapag hinihingi ng Diyos sa iyo na gumawa ng isang bagay na hindi kaayon sa iyong mga kuru-kuro, maaaring hindi ka pa rin nagpapasakop; sa halip, maaring naghahanap ka ng mga dahilan, naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, kahit hanggang sa puntong pinupuna mo na Siya at nagproprotesta laban sa Kanya. Ito ay magiging isang malalang suliranin! Makikita rito na mayroon ka pa ring kalikasan na lumalaban sa Diyos, at na hindi ka napasailalim sa anumang pagbabago kahit na kaunti.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Maaaring magpakabait ang mga tao, nguni’t hindi ito nangangahulugan na taglay nila ang katotohanan. Ang pagkakaroon ng sigasig ay magagawa lamang na sumunod sila sa doktrina at sundin ang patakaran; ang mga tao na walang katotohanan ay walang pag-asa sa paglutas ng mga makabuluhang suliranin, at hindi mapapalitan ng doktrina ang katotohanan. Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naiiba; naunawaan na nila ang katotohanan, naiintindihan nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ipinapakita. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang makakilala at tinatalikuran ang laman. Ganito ipinahahayag ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing bagay tungkol sa mga taong dumaraan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may kaugnay na kawastuhan at hindi sila nagbubunyag ng katiwalian nang madalas. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay nagiging makatwiran at maunawain, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagpapakita ng pagmamataas o kayabangan. Nauunawaan at nahihiwatigan nila ang marami sa katiwaliang naibunyag sa kanila, kaya hindi sila nagyayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang nasusukat na pagkaunawa sa kung ano ang kalagayan ng tao, kung paano gumawi nang may katwiran, kung paano maging masunurin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa alin mang mga tao. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi na ang mga taong gaya nito ay medyo makatwiran. Ang mga tao na dumaraan sa pagbabago ng disposisyon ay tunay na namumuhay na kawangis ng tao, at taglay nila ang katotohanan. Lagi nilang nasasabi at nakikita ang mga bagay alinsunod sa katotohanan, at may prinsipyo sila sa lahat ng ginagawa nila; hindi sila sumasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao o bagay, at lahat sila ay may sariling pananaw at kaya nilang panatilihin ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, nauunawaan nila kung paano isagawa nang wasto ang kanilang tungkulin at kung paano umasal na ikalulugod ng Diyos. Yaong nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin upang mapaganda ang kanilang mga sarili sa mababaw na antas—natamo nila ang panloob na kaliwanagan sa kung ano ang gagawin upang mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila ganoon kasigasig o parang hindi sila nakagawa ng anumang totoong dakila, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng praktikal na mga resulta. Yaong nagbago ang mga disposisyon ay nakatitiyak na magtataglay ng napakaraming katotohanan, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga maprinsipyong pagkilos. Yaong mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay tiyak na hindi pa nagtamo ng anumang pagbabago sa disposisyon. Ang isang pagbabago ng disposisyon ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon nang husto at napapanahong pagkatao; pangunahin itong tumutukoy sa lahat ng mga pagkakataon kung kailan ang ilan sa napakasasamang lason ni Satanas sa loob ng kalikasan ng tao ay nagbabago bunga ng pagtatamo ng kaalaman tungkol sa Diyos at pag-unawa sa katotohanan. Ibig sabihin, ang napakasasamang lason ni Satanas na iyon ay nalinis na, at ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ay nag-uugat sa kalooban ng gayong mga tao, nagiging buhay nila, at nagiging pundasyon ng kanilang pamumuhay. Saka lamang sila nagiging bagong tao, at dahil doon, nakararanas ng pagbabago ng kanilang disposisyon. Ang isang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangangahulugan na ang panlabas na mga disposisyon ng mga tao ay mas mapagpakumbaba kaysa rati, na dati silang mayabang ngunit ngayo’y makatwiran nang magsalita, o na dati ay wala silang pinakikinggan ngunit ngayo’y kaya na nilang makinig sa iba; hindi masasabi na ang nakikitang mga pagbabagong ito ay mga pagbabago sa disposisyon. Mangyari pa, ang mga pagbabago sa disposisyon ay kinabibilangan ng mga estado at pagpapahayag na ito ngunit ang pinakamahalagang bagay ay na nagbago na ang kanilang kalooban. Ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ang nagiging buhay nila mismo, ang napakasasamang lason sa kalooban ay naalis na, at ang kanilang mga pananaw ay ganap nang nagbago—at wala sa kanila ang nakaayon sa mga pananaw ng mundo. Nakikita ng mga taong ito nang malinaw ang mga pakana at lason ng malaking pulang dragon sa kung ano ang mga ito; naunawaan na nila ang tunay na esensya ng buhay. Kaya nagbago na ang kanilang mga pagpapahalaga sa buhay—ito ang pinakapangunahing pagbabago, pati na ang esensya ng isang pagbabago ng disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, habang nakatuon sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at talikuran ang kanilang laman. Kapuri-puri ang sigla nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang ugaling pangkaisipan, at tunay ngang ang dati nilang likas na pagkatao, ay hindi pa napakitunguhan kahit kaunti. Wala silang tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili. Ang larawan ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyunal at malabong Diyos. Ang matibay na pasiya nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting katangian ng kanilang pagkatao. Kahit naniniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang kalooban. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagtukoy, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang kalooban ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang orihinal na larawan, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang walang katuturan ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa kalooban ng Diyos. Gaano kasaya man silang nagdurusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang larawan ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila nagdaraan sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng walang pinipiling paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa lahat ng dako; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano ang sinasabi nito tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pakikitungo o pagtatabas, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya nang sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagtatabas at pakikitungo, at hindi pa nagbago—hindi ba lahat sila ay hindi pa lubusang nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong pag-iisip, iyong kaalaman tungkol sa buhay, at iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang pambihira sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang paraan ng pagsunod mo sa Diyos kung gayon ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa maliit na patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay buong buhay na nagdusa at gumugol ng oras sa bilangguan; lagi silang matiisin, mapagmahal, at nagpapasan ng krus, nililibak sila at itinatakwil ng mundo, nagdaranas ng lahat ng hirap, at bagama’t masunurin sila hanggang sa huli, hindi pa rin sila nalulupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating pag-iisip, mga kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at mga ideya ng tao ang napakitunguhan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa kalooban ng Diyos. May silbi ba ito sa Diyos? Anuman ang kaalaman mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at ideya anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at kung nabigo kang malaman ang tunay na larawan at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at nagmumula pa rin sa mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, hindi ka pa nalulupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para malaman mo na upang maakay ka ng kaalamang ito sa isang bago at tumpak na kaalaman; ang mga ito ay para alisin rin ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong masunurin, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay unti-unting makakaayon sa layunin, unti-unting magagawang tuparin ang kalooban ng Diyos. Kung mababago mo ang iyong pamumuhay, ang iyong kaalaman tungkol sa buhay ng tao, at ang iyong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unting mababawasan ang iyong naturalesa. Ito, at wala nang iba, ang epekto kapag nilupig ng Diyos ang mga tao, ito ang pagbabagong nangyayari sa mga tao. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos, ang tanging alam mo ay supilin ang iyong katawan at magtiis at magdusa, at hindi mo alam kung iyan ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito ginagawa, paano maaaring humantong sa pagbabago ang gayong uri ng pagsasagawa?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3
Sa tuwing nagtitipun-tipon ang mga naturang relihiyosong tao, maaaring itanong nila, “Kapatid, kumusta ka na sa mga araw na ito?” Maaaring sumagot siya, “Pakiramdam ko ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko nabibigyang-lugod ang Kanyang kalooban.” Maaaring sabihin ng isa pa, “Pakiramdam ko rin ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko Siya nabibigyang-kasiyahan.” Sa ilang pangungusap at salitang ito pa lang ay nahahayag na ang kasuklam-suklam na mga bagay na nasa loob nila; ang mga naturang salita ay lubhang nakapandidiri at lubos na kasuklam-suklam. Ang kalikasan ng mga ganitong tao ay sumasalungat sa Diyos. Ang mga nakatuon sa realidad ay ipinapahayag kung anuman ang nasa kanilang mga isip at binubuksan ang kanilang mga puso sa pagbabahagi. Hindi sila nakikibahagi sa isa mang bulaang gawa, walang pinapakitang pagkamagalang o mga hungkag na pakikitungo. Lagi silang prangka at walang mga sinusunod na sekular na patakaran. May mga taong may pagkahilig sa pagkukunwari, maging hanggang sa kawalan ng anumang katuturan. Kapag kumakanta ang isa, nagsisimula silang sumayaw, ni hindi man lang napapansin na sunog na ang kaning nasa kanilang palayok. Ang mga naturang uri ng tao ay hindi maka-Diyos o kagalang-galang, at masyadong mababaw. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng kakulangan ng realidad. Kapag ang ilang tao ay nagbabahagi tungkol sa mga bagay sa espiritwal na buhay, bagaman hindi nila binabanggit ang pagkakautang sa Diyos, pinananatili naman nila ang tunay na pagmamahal sa Kanya sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ang iyong pagkaramdam ng pagkakautang sa Diyos ay walang kinalaman sa ibang tao; may utang na loob ka sa Diyos, hindi sa sangkatauhan. Kaya anong silbi na parati mo itong binabanggit sa iba? Kailangang bigyan mo ng halaga ang pagpasok sa realidad, hindi ang panlabas na sigasig o pakitang-tao.
Ano ang kinakatawan ng panlabas na mabubuting gawa ng mga tao? Kinakatawan ng mga ito ang laman, at kahit na ang pinakamagagandang panlabas na gawi ay hindi kumakatawan sa buhay; tanging ang iyong sariling indibidwal na pag-uugali ang maipapakita ng mga ito. Hindi kayang tuparin ng mga panlabas na gawi ng tao ang nais ng Diyos. Lagi mong binabanggit ang iyong pagkakautang sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tustusan ang buhay ng iba o pukawin sila na mahalin ang Diyos. Naniniwala ka bang ikalulugod ng Diyos ang mga naturang kilos mo? Naniniwala kang nakaayon sa kalooban ng Diyos ang iyong mga kilos, na ang mga ito ay sa espiritu, ngunit ang totoo ay pawang kabaliwan ang mga ito! Naniniwala ka na kung ano ang kasiya-siya sa iyo at kung ano ang nais mong gawin ay iyon ngang mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Kaya bang katawanin ng mga kagustuhan mo ang Diyos? Kaya bang katawanin ng karakter ng isang tao ang Diyos? Ang kasiya-siya sa iyo ay iyon ngang kinasusuklaman ng Diyos, at ang iyong mga gawi ay siyang pinandidirihan at inaayawan ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay may utang na loob ka, kung gayon ay manalangin ka sa Diyos. Hindi mo kailangang banggitin ito sa iba. Kung hindi ka nananalangin sa Diyos at sa halip ay laging umaakit ng pansin sa iyong sarili sa presensya ng iba, kaya ba nitong bigyang-kaluguran ang kalooban ng Diyos? Kung laging panlabas lamang ang iyong mga kilos, nangangahulugan ito na ikaw ay sukdulan sa pagkahambog. Anong uri ng mga tao silang pakitang-tao lamang ang paggawa ng mabuti at salat sa realidad? Ang mga naturang tao ay mga mapagpaimbabaw na Fariseo at mga relihiyosong tao! Kung hindi ninyo iwawaksi ang inyong mga panlabas na gawi at hindi ninyo kayang gumawa ng mga pagbabago, lalong lalago sa inyo ang mga elemento ng pagpapaimbabaw. Habang mas higit ang mga elemento ng pagpapaimbabaw sa inyo, mas higit ang pagsalungat sa Diyos. Sa katapusan, ang mga naturang tao ay siguradong aalisin!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa Realidad—Ang Pagsali sa mga Pangrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananampalataya
Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:
Sa relihiyosong mundo, maraming banal na tao na nagsasabing, “Nagbago na kami dahil sa aming pananampalataya sa Panginoong Jesus. Kaya naming gumugol para sa Panginoon, gumawa para sa Panginoon, tiisin ang bilangguan para sa Panginoon, at hindi namin ikinakaila ang Kanyang pangalan. Kaya naming gumawa ng maraming mabubuting bagay, magbigay sa kawanggawa, bigyan at tulungan ang mahihirap. Malalaking pagbabago ang mga ito! Kaya karapat-dapat kaming madala sa kaharian ng langit.” Ano ang palagay ninyo sa mga salitang ito? Mayroon ba kayong anumang pagkaunawa pagdating sa mga salitang ito? Ano ang ibig sabihin ng malinis? Sa tingin ba ninyo kung nagbago na ang inyong pag-uugali at gumagawa kayo ng mabubuting gawain ay nalinis na kayo? May nagsabi, “Iwinaksi ko na ang lahat. Iwinaksi ko ang aking trabaho, ang aking pamilya at mga ninanais ng aking laman upang gumugol para sa Diyos. Hindi ba ito katumbas ng pagkakalinis?” Kahit nagawa mo na ang lahat ng ito, hindi ito matibay na ebidensiya na nalinis ka na. Kaya, ano ang pangunahing punto? Sa aling aspeto kayo makakatamo ng paglilinis na maituturing na tunay na paglilinis? Ang paglilinis ng malasatanas na disposisyon na lumalaban sa Diyos ang nangangahulugan ng tunay na paglilinis. Ano ang mga palatandaan ng malasatanas na disposiyon na lumalaban sa Diyos? Ang mga pinakahalatang palatandaan ay ang kahambugan, pagiging mapagmataas, mapagmagaling at palalong pagpapahalaga sa sarili ng isang tao, pati na ang kanyang kabuktutan, kataksilan, pagsisinungaling, panlilinlang at pagpapaimbabaw. Kapag hindi na bahagi ang mga satanikong disposisyon na ito ng isang tao, kung gayon tunay silang nalinis na. Nasabi nang mayroong 12 pangunahing palatandaan sa malasatanas na disposisyon ng tao, gaya ng pagturing sa sarili bilang pinakakagalang-galang; pagpapahintulot sa paglago ng mga sumusunod sa akin at pagkapahamak ng mga lumalaban; pag-iisip na tanging ang Diyos lamang ang nakatataas sa iyo, hindi pagpapasakop sa sinuman, kawalan ng paggalang sa iba; paglikha ng hiwalay na kaharian sa sandaling magkaroon ka ng kapangyarihan; pagnanais na maging siyang tanging gumagamit ng kapangyarihan at ang panginoon ng lahat ng bagay at ipasya ang lahat ng bagay nang nag-iisa. Ang lahat ng ito’y palatandaan ng mga malasatanas na disposisyon. Ang mga malasatanas na disposisyong ito ay kailangang malinis bago makaranas ang isang tao ng pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Ang pagbabago sa disposisyon sa buhay ng isang tao ay isang muling pagkapanganak dahil nagbago na ang kanyang diwa. Dati, noong binigyan siya ng kapangyarian, nagawa niyang likhain ang kanyang sariling kaharian. Ngayon, kapag binibigyan siya ng kapangyarihan, naglilingkod siya sa Diyos, sumasaksi sa Diyos at nagiging lingkod para sa piniling bayan ng Diyos. Hindi ba ito isang tunay na pagbabago? Dati, ipinagyabang niya ang kanyang sarili sa lahat ng sitwasyon at ninais na hangaan at sambahin siya ng ibang mga tao. Ngayon, sumasaksi siya para sa Diyos sa lahat ng dako at hindi na pinangangalandakan ang kanyang sarili. Kahit paano siya tratuhin ng mga tao, ayos lang. Kahit gaano siya punahin ng mga tao, ayos lang. Wala siyang pakialam. Nakatuon lamang siya na parangalan ang Diyos, sumaksi para sa Diyos, tulungan ang mga iba na magkamit ng pagkaunawa sa Diyos, at tulungan ang mga iba na sumunod sa presensya ng Diyos. Hindi ba ito isang pagbabago sa disposisyon sa buhay? “Tatratuhin ko nang may pagmamahal ang mga kapatid. Magiging maunawain ako sa iba sa lahat ng sitwasyon. Hindi ko iisipin ang sarili ko, at magbibigay ako ng pakinabang sa iba. Tutulungan ko ang iba na isulong ang kanilang mga buhay at tuparin ang aking sariling mga responsibilidad. Tutulungan ko ang iba na maintindihan ang katotohanan at matamo ang katotohanan.” Ito ang ibig sabihin ng magmahal sa iba tulad sa iyong sarili! Pagdating kay Satanas, magagawa mong mauunawaan ito, magkaroon ng mga prinsipyo, gumuhit ng linya ng hangganan dito at ganap na ibunyag ang mga kasamaan ni Satanas upang iligtas ang piniling bayan ng Diyos mula sa pinsalang dulot nito. Ito ang pagprotekta sa piniling bayan ng Diyos, at lampas pa ito sa pagmamahal sa iba tulad sa iyong sarili. Dagdag pa, dapat mong mahalin ang minamahal ng Diyos at kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Ang kinamumuhian ng Diyos ay ang mga anticristo, masasamang espiritu at masasamang tao. Ibig sabihin nito na kailangan din nating kamuhian ang mga anticristo, masasamang espiritu at masasamang tao. Kailangan nating pumanig sa Diyos. Hindi tayo maaaring makipagkasundo sa kanila. Sino ang minamahal ng Diyos? Minamahal ng Diyos ang mga gusto niyang iligtas at pagpalain. Para sa mga taong ito, kailangan tayong maging responsable, tratuhin sila nang may pagmamahal, tulungan, gabayan, paglaanan at suportahan sila. Hindi ba ito pagbabago sa disposisyon sa buhay ng isang tao? Dagdag pa, kapag nakagawa ka ng ilang paglabag o pagkakamali, o napabayaan mo ang mga prinsipyo sa paggawa ng isang bagay, matatanggap mo ang puna, pangungutya, pakikitungo at pagtatabas ng mga kapatid; matratrato mo ang lahat ng mga bagay na ito nang tama at makakamtan sila mula sa Diyos, tatanggapin ito nang may pagpapaubaya, hindi nagtatanim ng poot, at hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong sariling katiwalian. Hindi ba ito pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay? Oo. …
Maaari bang ang pagbabago sa pag-uugali ng isa na pinag-uusapan sa relihiyosong mundo ang kumatawan sa pagbabago sa disposisyon sa buhay? Sinasabi ng lahat na hindi maaari. Bakit? Ang pangunahing dahilan ay dahil nilalabanan pa rin niya ang Diyos. Kagaya lang ng mga Fariseo na napakabanal sa panlabas. Madalas silang nagdasal, ipinaliwanag nila ang banal na kasulatan at sinunod nilang mabuti ang mga alituntunin ng batas. Masasabi na sa panlabas, walang makukutya sa kanila. Walang makita ang mga tao na mga pagkukulang. Gayunpaman, bakit nagawa pa rin nilang labanan at kondenahin si Cristo? Ano ang ipinahihiwatig nito? Gaano man kabuting tingnan ang mga tao, kung hindi nila taglay ang katotohanan at sa gayon ay hindi nila kilala ang Diyos, lalabanan pa rin nila ang Diyos. Sa panlabas, napakababait nila, nguni’t bakit hindi ito maituturing na pagbabago sa disposisyon sa buhay? Ito’y dahil ang kanilang tiwaling disposisyon ay hindi nagbago ni katiting, at hambog pa rin sila, palalo at lalong mapagmagaling. Naniwala sila sa kanilang sariling kaalaman, mga teoriya at naniwala sila na mayroon silang pinakamabuting pagkaunawa sa mga banal na kasulatan. Naniwala sila na naintindihan nila ang lahat at mas magaling sila kaysa sa mga ibang tao. Ito ang dahilan kaya nilabanan at kinondena nila ang Panginoong Jesus noong nangangaral Siya at ginagawa ang Kanyang gawain. Iyan ang dahilan kaya kapag naririnig ng relihiyosong mundo na ipinahayag ni Cristo ng mga huling araw ang lahat ng katotohanan, kinokondena nila Siya kahit na alam nilang ito ang katotohanan.
—Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay