6. Pagkilala sa Pagkakaiba ng Tunay na Pinuno sa mga Huwad na Pinuno, at ng Tunay na Pastol sa mga Huwad na Pastol

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga tagasunod kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na tagasunod. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilinlang. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa tungkol sa maraming kalagayang kalalagyan ng mga tao kapag isinasagawa ng Banal na Espiritu ang gawain sa kanila. Partikular na, yaong mga nag-uugnayan sa paglilingkod sa Diyos ay kailangang magkaroon ng mas matinding pagkaunawa tungkol sa maraming kalagayang dulot ng gawaing isinasagawa ng Banal na Espiritu sa mga tao. Kung nagsasalita ka lamang tungkol sa maraming karanasan o pamamaraan para makapasok, ipinakikita nito na ang karanasan mo ay masyadong may pinapanigan. Kung hindi mo alam ang iyong tunay na kalagayan at hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan, hindi posibleng magkamit ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi mo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu o nauunawaan ang ibinubunga nito, mahihirapan kang mahiwatigan ang gawain ng masasamang espiritu. Kailangan mong ihayag ang gawain ng masasamang espiritu, pati na rin ang mga kuru-kuro ng tao, at tumbukin ang pinakabuod ng usapin; kailangan mo ring banggitin ang maraming paglihis sa pagsasagawa ng mga tao at ang mga problemang maaaring umiiral sa kanilang pananampalataya sa Diyos, upang mapansin nila ang mga ito. Kahit paano, huwag mo silang bigyan ng dahilan para maging negatibo o walang kibo. Gayunpaman, kailangan mong maunawaan ang mga paghihirap na talagang umiiral para sa karamihan, hindi ka dapat maging hindi makatwiran o “tangkaing turuan sila ng isang bagay na ayaw nilang matutuhan”; kahangalan iyan. Para malutas ang maraming paghihirap na nararanasan ng mga tao, kailangan mo munang maunawaan ang pag-unlad ng gawain ng Banal na Espiritu; kailangan mong maunawaan kung paano isinasagawa ng Banal na Espiritu ang gawain sa iba’t ibang mga tao, kailangan mong maunawaan ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga tao at ang kanilang mga pagkukulang, at kailangan mong makita nang malinaw ang mga pangunahing usapin ng problema at malaman ang pinagmulan nito, nang hindi lumilihis o nagkakamali. Ang ganitong uri lamang ng tao ang karapat-dapat na makipag-ugnayan sa paglilingkod sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Nararapat na Isangkap sa Isang Katanggap-tanggap na Pastol

Ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan ng sukdulang katapatan sa Diyos. Kumikilos ka man sa pribado o sa harap ng publiko, nagagawa mong makamit ang kagalakan ng Diyos sa harap ng Diyos, nagagawa mong manindigan sa harap ng Diyos, at paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, lagi mong tinatahak ang landas na dapat mong tahakin, at masusing pinangangalagaan ang pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nagagawa ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang atas ng Diyos at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang damahin ang puso ng Diyos bilang kanila, at akuin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang mga inaasahan sa hinaharap: Kahit na wala silang mga inaasahan, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging maniniwala sa Diyos nang may mapagmahal na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga pinagkakatiwalaan; ang mga pinagkakatiwalaan lamang ng Diyos ang maaaring makibahagi sa Kanyang pagkabalisa, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay makirot at mahina, natitiis nila ang kirot at tinatalikdan iyong gustung-gusto nila upang mapasaya ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan sa patotoo ng ganoong mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga tagapaglingkod ng Diyos na kaayon ng Kanyang sariling puso, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos

Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbabago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas matigas ang ulo mo dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa pamumuhay sa mundo. Ang mga taong tulad nito ay maitutulad sa mga Fariseo at mga pinuno ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na Cristo at mga anticristo sila na manlilinlang sa mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na Cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang pagkatao at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang mapalayas anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng mga karanasan nila sa loob ng maraming taon upang makuha ang puso ng ibang tao, mapangaralan at makontrol sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga benepisyo ng posisyon—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kuwalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay humahadlang sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, magiging hadlang ang mga ito sa buong buhay mo. Hindi ka pupurihin ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa paggawa, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang masamang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Sa palagay mo, ang pagkakaroon ba ng kaalaman ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng katotohanan? Hindi ba ito isang magulong pananaw? Nagagawa mong magsabi ng kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, subalit wala sa mga ito ang nagtataglay ng anumang tunay na landas. Hindi ka ba nagtatangkang linlangin ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi ka ba gumagawa ng isang walang kabuluhang palabas na walang anumang diwang sumusuporta rito? Ang lahat ng ganitong pag-uugali ay nakapipinsala sa mga tao! Kapag mas mataas ang teorya at mas walang katotohanan, mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad. Kapag mas mataas ang teorya, mas ginagawa ka nitong suwail at salungat sa Diyos. Huwag mong tangkilikin ang espirituwal na teorya—wala itong kabuluhan! Pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa espirituwal na teorya sa loob ng mga dekada, at sila’y naging mga bigatin sa larangan ng pagiging espirituwal, subalit sa huli, bigo pa rin silang makapasok sa realidad ng katotohanan. Dahil hindi nila isinagawa o naranasan ang mga salita ng Diyos, wala silang mga prinsipyo o landas sa pagsasagawa. Walang realidad ng katotohanan ang mga taong kagaya nito, kaya paano nila maaakay ang ibang tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Ang kaya lamang nila ay iligaw ang mga tao. Hindi ba ito pagpinsala sa iba at sa kanilang sarili? Kahit papaano man lang, dapat magawa mong lutasin ang mga totoong problema na nasa harapan mo mismo. Ibig sabihin, dapat magawa mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan. Ito lamang ang pagsunod sa Diyos. Magiging kwalipikado ka lamang magtrabaho para sa Diyos kapag nakapasok ka na sa buhay, at sasang-ayunan ka lamang ng Diyos kapag taos-puso kang gumugol para sa Diyos. Huwag kang laging magbitiw ng matatayog na salita at magsalita ng mabulaklak na teorya; hindi ito totoo. Ang pagmamarunong sa espirituwal na teorya para hangaan ka ng mga tao ay hindi pagpapatotoo sa Diyos, kundi pagpapakitang-gilas. Hinding-hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao at hindi nakapagpapatibay sa kanila, at madali silang maibubuyo nito para sumamba sa espirituwal na teorya at hindi tumuon sa pagsasagawa ng katotohanan—at hindi ba ito pagliligaw sa mga tao? Kung magpapatuloy nang ganito, lilitaw ang napakaraming walang kabuluhang teorya at tuntunin na pipigil at sisilo sa mga tao; ito’y tunay na pasakit.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad

Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay sumasalungat sa Kanya, at ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang higit na ituturing na kalaban ng Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Biblia sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may “mahuhusay na konstitusyon,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Sinundan: 5. Ang Kaibhan sa Pagitan ng Pagsunod sa Diyos at ng Pagsunod sa mga Tao

Sumunod: 7. Ang Kaibhan sa Pagitan ng Nakikitang Mabubuting Gawa at ng mga Pagbabago sa Disposisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito