25. Matapos Akong Isumbong
Isang araw noong 2016, bigla akong nakatanggap ng isang liham na isinusumbong ako. Isinulat iyon ng dalawang sister na dati kong pinaalis. Isinumbong nila na kumilos ako nang may pagkadominante at padaskol sa aking mga tungkulin sa kanilang iglesia, itinaas ko ng ranggo ang dalawang tao na mga huwad na lider pala, at na ang isa sa kanila na ang apelyido ay Zhang ay isang masamang tao, na nanggambala at nanggulo sa gawain ng iglesia matapos maging lider at halos iparalisa ang gawain ng buong iglesia. Sinabi rin sa liham na kung nakinig ako sa payo nila sa oras na iyon, o nagtanung-tanong pa sa ibang mga kapatid, hindi ko sana napili ang dalawang huwad na lider na iyon o nagsanhi ng malaking pinsala sa gawain ng iglesia. Nang mabasa ko ang liham na ito, natulala ako, at medyo natakot. Naisip ko, “Paano nangyari ito? Mali yata ito.” Hindi ko talaga puwedeng tanggapin ang pangyayaring ito. Hindi naging maganda ang opinyon ko sa dalawang sister na lumiham, at naisip ko na sinusubukan nilang paghigantihan ako. Dati silang mga lider ng iglesiang iyon, pero mahina ang kakayahan nila at hindi sila gumawa ng tunay na gawain. Ipinagtanggol at pinrotektahan nila ang mga huwad na lider, at kinondena at tinuligsa nila ang mga nagsumbong sa kanila, kaya pinalitan sila kalaunan. Naalala ko kung paano ko hiningi ang mga opinyon nila nang itaas ko ng ranggo si Zhang—ang sinabi lang nila ay na hindi maganda ang pagkatao ni Zhang at hindi kayang makipagtulungan sa iba. Hindi nila partikular na sinabi na isa siyang masamang tao. Pero ngayong nailantad na si Zhang, isinusumbong nila ako. Hindi kaya masama lang ang loob nila na tinanggal ko sila? Bukod diyan, noon, napakatindi ng mga pag-aresto ng CCP at napakahirap ng sitwasyon kaya hindi kami makapagdaos ng maayos na mga halalan, at sa loob ng maikling panahon ay walang matagpuang angkop na mga kandidato. Medyo mas may kakayahan si Zhang at mas may pagkakilala kaysa sa iba, kaya sa sitwasyong iyon, sino pa ang pipiliin ko? Kailangang may mapiling lider. Nagtanong din ako sa ilang kapatid nang itaas ko ang ranggo niya, at walang sinumang nagsabi na isa siyang masamang tao. Lahat ay nagkakamali sa kanilang mga tungkulin. Sino ang makakaintindi sa diwa ng isang tao sa unang tingin? Normal lang na mapili ang mga di-angkop na lider. Sino ang makakagarantiya na tamang tao palagi ang napipili? Hindi ba naghahanap lang sila ng mali? Patuloy kong sinikap na pangatwiranan ang sarili ko sa aking isipan. Tutol na tutol ako sa liham na nagsusumbong. Pero ang dalawang taong binanggit sa sumbong ay talagang naihayag na bilang mga huwad na lider, at si Zhang bilang isang masamang tao. Bilang mga lider, malubha ang pinsalang ginawa nila sa gawain ng iglesia at sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Walang paraan para maiwasan ang mga pangyayari nang maharap ako sa mga iyon. Atubili kong inamin na hindi ko nakilatis ang mga tao, na mayabang ako, mapagmagaling, at pikit-mata kong ginagamit ang mga tao. Pero hindi ko talaga naunawaan o pinagnilayan ang sarili kong mga problema, at kalaunan ay lumipas na ang usaping iyon.
Ang ikinagulat ko, nang malaman ito ng lider ko, inilantad din niya ako na sa paggamit ko ng isang masamang tao bilang isang lider, hindi nakikinig sa mga paalala, at nagiging mayabang at mapagmagaling ako. Noon lang ako nagsimulang magkaroon ng kaunting pagkatanto. Talaga bang nagkamali ako? Talaga bang napakayabang ko at napakamapagmagaling? Pero sa sitwasyong iyon, paanong hindi ko iyon magagawa? Hindi ko maunawaan kung saan ako nagkamali. Habang nagninilay, naalala ko ang salita ng Diyos: “Kapag mas nararamdaman mo na sa mga partikular na aspeto ay mahusay at tama ang ginawa mo, at kapag mas naiisip mong nabibigyang-kasiyahan mo ang kalooban ng Diyos o kaya mong magmalaki sa ilang aspeto, mas karapat-dapat na kilalanin ang iyong sarili sa mga aspetong iyon at mas karapat-dapat laliman pa ang pagsasaliksik sa mga iyon para makita kung anong mga karumihan ang nasa sa iyo, at kung anong mga bagay sa iyo ang hindi makakapagbigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. … Ito ay dahil ang iniisip mong mabuti ay ang matutukoy mong tama, at hindi mo pagdududahan iyon, pagninilayan iyon, o susuriin kung may anuman doon na lumalaban sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Pinukaw ako ng salita ng Diyos, at binigyan ako ng landas ng pagsasagawa. Pinag-isipan ko ang usapin tuwing magkakaroon ako ng oras, at sa pamamagitan ng paghahanap, natanto ko na talagang napakayabang ko at napakamapagmagaling. Mula nang matanggap ko ang liham, nangatwiran na ako—naging napakahirap ng sitwasyon noon, hindi kami makapagdaos ng normal na mga halalan, at walang angkop na mga kandidato. Si Zhang ang pinakamainam na kandidato noon, at, sa kontekstong iyon, hindi ako nagkamaling piliin siya. Walang sinumang makakahula na kalaunan ay mabubunyag na isa siyang masamang tao. Hindi ko talaga sinadyang hirangin ang isang masamang tao para gambalain ang gawain ng iglesia. Kaya nadama ko na wala akong nagawang mali at hindi ko pinagnilayan o sinikap na kilalanin ang sarili ko, at matindi kong nilabanan at kinamuhian ang mga sister na sumulat ng liham na nagsusumbong, at naghusga pa ako sa puso ko na sadya nila akong hinanapan ng mali. Kung iisipin ito ngayon, nang piliin ko si Zhang, sinabi nga ng dalawang sister na ito na hindi maganda ang pagkatao niya. Alam ko rin na nag-alala sila na ang pagpili ng isang masamang tao bilang lider ay makakasira sa gawain ng iglesia, pero noong panahong iyon ay hindi nila makita nang malinaw ang diwa ni Zhang, kaya hindi sila nangahas na tuwiran siyang kondenahin na isang masamang tao. Pero napakayabang ko at nag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba, at hinamak ko sila. Nadama ko na karamihan sa mga taong napili nila noong panahon nila bilang mga lider ay mahihina—kung hindi nila mahiwatigan ang mga tao, ano ang silbi ng payo nila? Pagkaraan ng malaking pagsisikap, nang sa wakas ay makakita ako ng isang taong hahalili sa kanilang gawain, hindi sila pumayag doon. Naisip ko na sadyang naghahanap sila ng mali, kaya hindi ko talaga sila pinakinggan. Ngayon, nang isantabi ko ang sarili ko, nagnilay, at hinanap ko ang katotohanan, natanto ko na talagang may mga problema sa pagpili ko ng mga lider. Kahit walang regular na halalan, dapat ay hiningi ko ang pagsang-ayon ng mga nakaunawa sa katotohanan bago ako pumili ng lider. Natalakay ko lang iyon sa kapartner kong sister, at tinanong ko ang ilan pang tao kung ano ang pakiramdam nila kay Zhang. Sa mga ito, hindi sumang-ayon sa pinili ko ang dalawang sister na lumiham para isumbong ako, pero dahil ayaw ko sa kanila, hindi na ako nag-imbestiga pa. Umasa lang ako sa sarili kong mga palagay sa pag-aakalang si Zhang ay isang angkop na lider. Sa bagay na ito, malinaw na nalabag ko ang mga prinsipyo ng pagtataas ng ranggo ng mga tao sa mga posisyon bilang lider sa sambahayan ng Diyos. Hindi na ako nagtanong sa mga nakakaalam para maunawaan at maliwanan ang karaniwang pagsasagawa ni Zhang, ni hindi ako nagtanong mula sa mga nakaunawa sa katotohanan. Ang mas mahalaga pa, nang ilahad sa akin ang magkakaibang opinyon, naging mayabang ako at inakalang mas matuwid ako kaysa sa iba. Tinanggihan ko at binalewala ang mga mungkahi ng iba, at may pagkadominanteng hinirang ko si Zhang bilang lider sa sarili kong kagustuhan. Talagang naging marahas ako. Paulit-ulit nang binigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na ang kabawal-bawalan sa pagpili ng mga lider ay ang pumili ng masasama at mapanlinlang ng mga tao. Nang sabihin ng dalawang sister na hindi maganda ang pagkatao ni Zhang, kung talagang may-takot-sa-Diyos na puso ako, tinanong ko sana ang iba pang mga taong lubos na nakakaalam bago ko siya pinili, nilinaw ang kundisyon ng pagkatao ni Zhang, at tinukoy kung siya ba ay isang masamang tao. Kung hindi pa rin ako sigurado matapos mag-imbestiga at wala nang iba pang angkop, nagamit ko sana siya habang inoobserbahan siya, tapos ay pinaalis siya kapag natuklasan ko na hindi siya mabuting tao at wala sa tamang landas. Hindi sana ito nakagambala sa gawain ng iglesia. Kung nagkaroon sana ako ng kaunting takot sa Diyos sa puso ko, hindi ko sana basta pinili ang isang tao bilang lider, at inakala na magiging maayos ang lahat at nakapaghugas ng mga kamay tungkol sa bagay na ito. Nakita ko na ngayon na ang inakala kong tama, ang pinanindigan kong tama, ay lubos na batay sa sarili kong mga ideya, mga haka-haka at imahinasyon ko. Naging mapagmagaling ako at matigas kong ipinagpilitan ang sarili kong mga ideya, at ang resulta ay na hinayaan kong maglingkod ang isang masamang tao bilang lider sa loob ng mahigit isang taon, na halos nagparalisa sa buong gawain ng iglesia. Noon ko natanto sa wakas na hindi lang ako nakagawa ng maliit na pagkakamali sa pagpili ng lider, nakagawa ako ng masama, isang bagay na lubhang kumalaban sa Diyos. Para sundin ng mga taong hinirang ng Diyos ang Diyos, hanapin ang katotohanan at maligtas, kailangan ay mayroon silang isang mabuting lider, pero hindi ko talaga sineryoso ang pagpili ng isang lider. Wala akong may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi lang ako nabigong pumili ng isang mabuting lider para sa aking mga kapatid, nagpuwesto pa ako ng isang masamang tao at hinayaan itong pinsalain ang mga taong hinirang ng Diyos. Hindi ko talaga pinagmalasakitan o inako ang responsibilidad para sa buhay ng aking mga kapatid. Sa saloobing ito sa aking tungkulin, paano ako magiging isang angkop na lider? Sa pagpili ng lider, naging mapusok ako, walang ingat at pabaya, at napakabayang at mapagmagaling kaya nang subukan ng iba na paalalahanan ako, hindi ko sila pinansin. Naging dominante ako at padalus-dalos, at dahil dito, lubhang napinsala ang gawain ng iglesia at ang pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Walang paraan para makabawi ako sa pinsalang iyon. Nakapili ako ng isang masamang lider para sa aking mga kapatid at nakagawa ng napakalaking kasamaan, at nang isumbong ako at ilantad ng dalawang sister, hindi ako nakonsensya o nagsisi, kundi sa halip ay tumutol ako at ipinagtanggol ko ang aking sarili. Napakatigas ng ulo ko at kasuklam-suklam ako!
Pagkatapos niyon, sinimulan kong pagnilayan kung bakit napakayabang at napakadominante ko na ayaw kong tumanggap ng payo o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Anong klaseng disposisyon ito? Ano ang tingin ng Diyos sa bagay na ito? Isang araw, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Ang pagiging mayabang at mapagmatuwid ay ang pinakakapansin-pansing satanikong disposisyon ng tao, at kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hinding-hindi nila malilinis ito. Ang lahat ng tao ay may mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, at palaging may labis na pagtingin sa sarili. Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. Posible na tama at makatwiran nga ang sinasabi mo, o na tama at walang mali ang ginawa mo, ngunit anong uri ng disposisyon ang naibunyag mo? Hindi ba’t iyon ay kayabangan at pagmamatuwid? Kung hindi mo iwawaksi ang mayabang at mapagmatuwid na disposisyong ito, hindi ba nito maaapektuhan ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Hindi ba nito maaapektuhan ang pagsasagawa mo sa katotohanan? Kung hindi mo lulutasin ang iyong mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, hindi ba ito magdudulot sa iyo ng malulubhang dagok sa hinaharap? Siguradong makararanas ka ng mga dagok, hindi ito maiiwasan. Sabihin mo sa Akin, nakikita ba ng Diyos ang gayong pag-uugali ng tao? Higit pa rito ang kayang makita ng Diyos! Hindi lamang sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, pinagmamasdan din Niya ang bawat salita at gawa ng mga ito sa lahat ng oras at lugar. Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: ‘Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!’ Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagpapamalas ng iyong disposisyon. Isang pagpapamalas ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan nayayamot ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at kamumuhian, tatanggihan, at babalewalain ka Niya. Mula sa perspektiba ng mga tao, ang pinakamasasabi nila ay: ‘Masama ang disposisyon ng taong ito, masyado siyang suwail, mapagmatigas, at mayabang! Mahirap pakisamahan ang taong ito at hindi siya nagmamahal sa katotohanan. Hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan at hindi niya isinasagawa ang katotohanan.’ Sa pinakamataas na antas, ito ang ibibigay na pagtatasa sa iyo ng lahat, ngunit mapagpapasyahan ba sa pagtatasang ito ang kapalaran mo? Hindi mapagpapasyahan sa pagtatasang ibinibigay sa iyo ng mga tao ang kapalaran mo, ngunit may isang bagay na hindi mo dapat kalimutan: Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa nila. Kung tinutukoy ka ng Diyos nang ganito, at sinasabing kinasusuklaman mo ang katotohanan, kung hindi lang Niya sinasabi na mayroon kang kaunting tiwaling disposisyon, o na medyo masuwayin ka, hindi ba’t isa itong napakalubhang problema? (Malubha ito.) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng problema, at ang problemang ito ay hindi nakasalalay sa pananaw ng mga tao sa iyo, o sa kung paano ka nila tinatasa, ito ay nakasalalay sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang iyong tiwaling disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan. Kaya, paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinukoy lang ba ng Diyos na napopoot ka sa katotohanan at na hindi mo minamahal ito, at iyon na iyon? Ganoon ba iyon kasimple? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kumakatawan ito sa Diyos.) Pagnilayan ito: Kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, paano Niya titingnan ang taong iyon? (Bilang kaaway Niya.) Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag napopoot sa katotohanan ang isang tao, napopoot siya sa Diyos! Bakit Ko sinasabi na napopoot siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Harap-harapan ba niyang kinontra ang Diyos? Palihim ba niyang hinusgahan o kinondena ang Diyos? Hindi ito tiyak. Kaya bakit Ko sinasabi na ang pagpapamalas ng isang disposisyon na napopoot sa katotohanan ay pagkapoot sa Diyos? Hindi ito pagpapalaki sa isang maliit na bagay, ito ang realidad ng sitwasyon. Katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo na nagpako sa Panginoong Jesus sa krus dahil kinapopootan nila ang katotohanan—ang mga sumunod na kahihinatnan ay kakila-kilabot. Ang ibig sabihin nito ay na kung ang isang tao ay may disposisyong nayayamot sa katotohanan at napopoot sa katotohanan, maaari itong lumitaw mula sa kanya anumang oras at saanmang lugar, at kung mamumuhay siya ayon dito, hindi ba’t kokontrahin niya ang Diyos? Kapag nahaharap siya sa isang bagay na may kinalaman sa katotohanan o sa paggawa ng desisyon, kung hindi niya matatanggap ang katotohanan, at namumuhay siya ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, likas niyang kokontrahin ang Diyos at ipagkakanulo ang Diyos, dahil napopoot sa Diyos at nayayamot sa katotohanan ang tiwaling disposisyon niya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Tinukoy ng salita ng Diyos ang diwa at buod ng problema, lalo na ang mga salitang ito: “Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagpapamalas ng iyong disposisyon. Isang pagpapamalas ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan nayayamot ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan.” Tumagos sa puso ko ang bahaging ito, at talagang tinamaan ako nang husto. Hindi ko inasahan na ang mayabang na disposisyong naipakita ko, para sa Diyos, ay kasuklam-suklam, kamuhi-muhi, at hindi tumatanggap sa katotohanan. Ito ang disposisyon ng isang masamang tao at isang anticristo! Kung inilarawan ako ng Diyos bilang isang taong nasusuklam at namumuhi sa katotohanan, gagawin ako nitong isang diyablo, isang Satanas, at hindi maliligtas. Takot na takot ako. Bagama’t alam ko na mayabang at mapagmagaling ang aking mga disposisyon, ayaw kong tanggapin kaagad ang payo ng iba, at nakagawa ako ng ilang paglabag dahil dito, inamin ko lang iyon. Kung minsan, inakala ko pa na ang kayabangan at pagiging mapagmagaling ko ay mga karaniwang ugali ng mga tiwaling tao at hindi madaling baguhin, kaya pinalayaw ko ang sarili ko at hindi ko iyon itinuring na mabigat na problema na kailangan kong lutasin. Dahil dito, sa aking tungkulin madalas kong ipinakita ang aking mayabang at mapagmagaling na disposisyon, pero binalewala ko iyon. Nainis lang ako at sumama ang loob ko nang pungusan at iwasto ako, tapos ay sadya kong pinipigilan ang sarili ko, pero madalas ko pa rin itong naihahayag muli nang di-sinasadya pagkatapos. Ang tingin ng mga nakakakilala sa akin ay mayabang ako at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at sa trabahong ibinigay sa akin ng lider ko, madalas niya akong paalalahanan at pagbilinan na huwag maging mayabang o mapagmagaling at mas makinig sa mga opinyon ng iba, kung hindi ay mapipinsala ng aking kayabangan at pagmamagaling ang gawain ng iglesia. Ngayon, sa pamamagitan ng inihayag ng salita ng Diyos, nakita ko na mayabang ako at mapagmagaling at hindi ko tinanggap ang katotohanan, kaya nga gaano man katama o kapaki-pakinabang ang payo ng iba sa gawain ng iglesia, matigas akong kumapit sa sarili kong mga ideya. Kung may nagbahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyo o nagbigay ng mga mungkahi, kinamuhian at nilabanan ko sila. Kinapootan ko at tinanggihang pahintulutan ang sinumang naglantad sa akin. Ipinakita nito na mayroon akong disposisyon ng anticristo na kamuhian at kasuklaman ang katotohanan. Sa simula pa lang ay pinaalalahanan na ako ng dalawang sister tungkol sa taong napili ko na hindi angkop, takot na mahayaan kong pinsalain ng isang masamang tao ang iglesia, pero hindi man lang ako nakinig sa payo nila at matigas kong iginiit ang sarili kong mga pananaw. Ngayong hindi na ramdam ng dalawang sister na napipigilan sila ng posisyon ko, sumulat sila ng isang liham para ilantad ako at isumbong ang mga problema ko. Ginawa nila ito para protektahan ang gawain ng iglesia, pero nagsilbi rin iyong isang babala sa akin. Pero hindi lang ako tumangging tanggapin iyon o nagsikap na kilalanin ang sarili ko, kinasuklaman ko sila sa puso ko, itinakwil sila, at hinusgahan ko pa sila at kinondena na sinisikap nilang makakuha ng isang bagay na maisisisi nila sa akin. Hindi ba ang saloobing ito ay walang iba kundi pagkasuklam at pagkamuhi sa katotohanan? Naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Sa tingin ninyo, anong uri ng mga tao ang mga nayayamot sa katotohanan? Sila ba iyong mga lumalaban at sumasalungat sa Diyos? Maaaring hindi sila hayagang lumalaban sa Diyos, subalit ang kanilang kalikasang diwa ay ang itatwa at labanan ang Diyos, na katumbas ng hayagang pagsasabi sa Diyos na, ‘Ayaw kong naririnig ang mga sinasabi Mo, hindi ko ito tinatanggap, at dahil hindi ko tinatanggap na katotohanan ang Iyong mga salita, hindi ako naniniwala sa Iyo. Naniniwala ako sa sinumang kapaki-pakinabang at makabubuti sa akin.’ Ganito ba ang saloobin ng mga hindi mananampalataya? Kung ganito ang saloobin mo patungkol sa katotohanan, hindi ka ba hayagang napopoot sa Diyos? At kung hayagan kang napopoot sa Diyos, ililigtas ka ba ng Diyos? Hindi ka Niya ililigtas. Iyan ang dahilan ng matinding galit ng Diyos sa mga nagtatatwa at lumalaban sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Sinasabi ng Diyos na ang saloobin natin sa katotohanan ay saloobin natin sa Kanya, kaya sa pagkamuhi at pagkasuklam sa katotohanan, hindi ko ba kinasusuklaman ang Diyos at itinuturing Siyang kaaway? Isang lubos na pagpapamalas iyon ng satanikong disposisyon! Ang mga namumuhi sa katotohanan ay masasamang tao, mga diyablo at Satanas! Kung ang payo ng aking mga kapatid ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, sang-ayon sa katotohanan, at naging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, pero naging napakayabang ko at mapagmagaling kaya hindi ako naghanap, tumanggap, o nagpasakop, sinasalungat ko ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at nilalabanan ko ang Diyos. Nang maunawaan ko ito, lalo pa akong natakot, dahil alam ko na napakalaki ng problema ko. Hindi iyon kasingsimple, tulad ng inakala ko, ng pagiging medyo mayabang at mapagmagaling at hindi pagtanggap sa payo ng iba. Sangkot sa problema ang saloobin ko sa gawain ng Banal na Espiritu at sa Diyos, gayundin sa aking paglaban sa Diyos.
Kalaunan, sinuri din ako ng lider ko tungkol sa bagay na ito, at sinabi, “Nang itaas mo ng ranggo ang masamang tao, ipinaalala sa iyo ng iba na mabigat ang mga problema ng taong ito, pero hindi ka nakinig, at nagtiwala ka lang sa sarili mong mga pananaw. Kung ang mga pananaw mo ay nakabatay sa salita ng Diyos, mapagkakatiwalaan mo ang sarili mo. Pero kung hindi, kung sarili mong mga kakatwang haka-haka ang mga iyon, ang tiwala mo sa sarili mo ay problema sa iyong pagkatao. Hindi ka kumikilos ayon sa mga prinsipyo, hindi ka makatarungan. Wala ka sa katwiran at hindi ka makatwiran.” Matapos marinig ang pagbabahagi ng lider ko, talagang tumagos iyon sa puso ko. Totoo iyon, hindi lang mayabang at mapagmagaling ang disposisyon ko, may mga problema rin ako sa pagkatao ko, at hindi ko matrato nang patas ang mga tao. Sa sandaling may napili na akong isang tao at nagplano na akong gamitin siya, hindi ko tinanggap ang puna ng iba sa kanya, lalo na kung ang mga iyon na nagmungkahi ay ang mga hinamak ko at napaalis. Nagmalaki ako at hindi ko pinansin ang payo nila. Naisip ko na ang mga napaalis dahil hindi nila ginampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin ay walang maibibigay na anumang magandang payo. Sa puso ko, lubos ko nang tinanggihan ang dalawang sister na iyon. Tinrato at pinili ko ang mga tao batay sa sarili kong mga emosyon at ideya. Hindi ko magawang tratuhin ang mga tao nang patas ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nagpapakita ito na ang aking pagkatao, ugali at disposisyon ay may mga problema lahat. Nang lalo akong magnilay-nilay, lalo kong nadama na mabigat ang problema ko. Dahil sa kayabangan ko at pagmamagaling ko, hindi ako nakinig sa payo ng aking mga sister tungkol sa mahalagang gawain sa iglesia, na nagsanhi ng napakalaking pinsala sa iglesia. Sa takbo ng paniniwala ko sa Diyos, isa pa itong masamang gawa, isa pang mantsa. Talagang sumama ang pakiramdam ko at nakonsensya ako, at nagsimula akong magtaka kung bakit gumagawa ako palagi ng kasamaan at lumalaban sa Diyos nang di-sinasadya? Ano ang pinag-ugatan nito? Ibinigay sa akin ng salita ng Diyos ang sagot. Sabi ng Diyos: “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Totoo ito. Ang likas na pagkatao ko ay napakayabang at masyadong hindi makatwiran. Palagi kong iniisip na tama ako, na para bang ang mga pananaw at opinyon ko ang katotohanan, at hindi ko tinulutan ang iba na kuwestiyunin ako, lalo na ang mag-alok ng ibang mga mungkahi. Patungkol sa pagpili ng lider, halimbawa, malinaw na ipinapahayag ng sambahayan ng Diyos na hindi maaaring piliin ang masama at mapanlinlang na mga tao. Bawal ito, at isang napakabigat na isyu. Nang ipaalala sa akin ng dalawang sister ang masamang pagkatao ni Zhang, tinanong ko lang nang pawalang-bahala ang ilang tao, at, gamit ang sarili kong mga palagay bukod pa roon, pikit-mata kong tinanggihan ang payo nila. Hindi ako humingi ng payo sa mga kapatid na nakaunawa sa katotohanan, ni hindi ko niliwanag ang pagkakaiba sa pagitan ng isang taong hindi maganda ang pagkatao at ng isang taong may diwa ng isang masamang tao, ni hindi ko sinubukang alamin ang partikular na dahilan kung bakit ayaw makipagtulungan ni Zhang sa iba—kung isa ba sa tiwaling disposisyon ang problema, o isang napakasamang pagkatao. Kung tiwaling disposisyon lang iyon at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, magbabago siya at hindi matutukoy na masama. Kung napakasama ng pagkatao niya na nasusuklam at namumuhi siya sa katotohanan, isa siyang masamang tao. Paano man siya iwinasto dahil sa masasamang bagay na ginawa niya, hindi niya tatanggapin iyon, ni hindi siya taos na magsisisi kailanman. Kung hinanap ko sana ang katotohanan noon, at sinuri ang tipikal na ugali ni Zhang ayon sa diwa at mga katangian ng mga masasamang tao, nagkaroon sana ako ng kaunting pagkakilala sa kanya, hindi ko sana ipinilit na gamitin siya, at naiwasan ko sanang magsanhi ng gayong pinsala sa gawain ng iglesia. Ang mga kinahinatnan ay lubos na dahil sa labis kong kayabangan at hindi paghahanap sa katotohanan. Kung nagkaroon sana ako ng kahit katiting na takot at pagsunod sa Diyos, hindi sana ako nakagawa ng gayon kalaking pagkakamali o ng gayong kasamaan. Pero naging mayabang ako at mapagmagaling ako, at sa seryosong bagay na ito ng pagpili ng isang lider, hindi ko hinanap ang katotohanan, ni hindi ako nakinig sa mga mungkahi ng aking mga sister. Napili ko ang isang masamang tao bilang lider, at naparalisa ko ang buong gawain ng iglesia. Napakaraming kapatid ang nagdusa at napinsala ang kanilang buhay, at nakagawa ako ng hindi matutubos na kasalanan. Napakatigas ng ulo ko at masyado akong sutil! Sa puso ko, kinasuklaman at isinumpa ko ang sarili ko. Nagdasal ako sa Diyos, na nagnanais na tunay na magsisi.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos at natagpuan ko ang isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos: “Paano mo ba dapat pagnilayan ang iyong sarili, at subukang kilalanin ang iyong sarili, kapag may nagawa kang isang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo at hindi nakalulugod sa Diyos? Nang gagawin mo na ang bagay na iyon, nanalangin ka ba sa Kanya? Kahit kailan ba ay inisip mong, ‘Naaayon ba sa katotohanan ang paggawa sa mga bagay na ito sa ganitong paraan? Paano titingnan ng Diyos ang bagay na ito kung iniharap ito sa Kanya? Masisiyahan ba Siya o maiinis kung malaman Niya ang tungkol dito? Kasusuklaman o kamumuhian ba Niya ito?’ Hindi mo hinanap iyon, hindi ba? Kahit pinaalalahanan ka ng iba, iisipin mo pa rin na ang usapin ay hindi malaking bagay, at na hindi iyon labag sa anumang mga prinsipyo at hindi iyon kasalanan. Dahil dito, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at ginalit mo Siya, hanggang sa puntong kamuhian ka Niya. Ito ay dulot ng pagrerebelde ng mga tao. Samakatuwid, dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ang dapat mong sundin. Kung taimtim kang makakalapit sa Diyos para manalangin muna, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka magkakamali. Maaaring mayroon kang ilang paglihis sa iyong pagsasagawa ng katotohanan, ngunit mahirap itong maiwasan, at magagawa mong magsagawa nang wasto matapos kang magtamo ng kaunting karanasan. Gayunman, kung alam mo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, subalit hindi mo ito isinasagawa, ang problema ay ang pag-ayaw mo sa katotohanan. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hinding-hindi ito hahanapin, anuman ang mangyari sa kanila. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag may mga nangyayaring bagay-bagay na hindi nila nauunawaan, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan. Kung hindi mo maintindihan ang kalooban ng Diyos at hindi mo alam kung paano magsagawa, dapat kang makipagbahaginan sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan. Kung hindi mo mahanap yaong mga nakauunawa sa katotohanan, dapat kang humanap ng ilang tao na may dalisay na pagkaunawa na makakasama mong manalangin sa Diyos nang may iisang isipan at iisang puso, maghanap sa Diyos, maghintay sa takdang oras ng Diyos, at hintaying magbukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Basta’t nananabik kayong lahat sa katotohanan, naghahanap ng katotohanan, at sama-samang nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, maaaring dumating ang oras na makakaisip ng magandang solusyon ang isa sa inyo. Kung sa tingin ninyong lahat ay angkop at magandang paraan ang solusyon, maaaring dahil ito sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Pagkatapos kung magpapatuloy kayo na sama-samang magbahaginan para makaisip ng isang mas tumpak na landas ng pagsasagawa, tiyak na aayon iyon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa iyong pagsasagawa, kung matuklasan mo na hindi pa rin gaanong angkop ang paraan ng iyong pagsasagawa, kailangan mong itama iyon kaagad. Kung magkamali ka nang kaunti, hindi ka kokondenahin ng Diyos, dahil tama ang mga layunin mo sa iyong ginagawa, at nagsasagawa ka ayon sa katotohanan. Medyo nalilito ka lang tungkol sa mga prinsipyo at nakagawa ng pagkakamali sa iyong pagsasagawa, na maaaring mapatawad. Ngunit kapag gumagawa ng mga bagay-bagay ang karamihan sa mga tao, ginagawa nila ang mga iyon batay sa kung paano nila naiisip na dapat gawin ang mga iyon. Hindi nila ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan ng pagninilay-nilay kung paano magsagawa ayon sa katotohanan o paano matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, iniisip lang nila kung paano sila makikinabang, paano sila titingalain ng iba, at paano sila hahangaan ng iba. Ginagawa nila ang mga bagay-bagay na ganap na nakabatay sa kanilang sariling mga ideya at para lang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili, na kaligaligalig. Hinding-hindi gagawin ng gayong mga tao ang mga bagay-bagay alinsunod sa katotohanan, at palagi silang kamumuhian ng Diyos. Kung talagang ikaw ay isang taong may konsensya at katwiran, anuman ang mangyari, dapat lumalapit ka sa Diyos para manalangin at maghanap, magawang seryosong suriin ang mga motibo at karumihan sa iyong mga kilos, magawang tukuyin kung ano ang tamang gawin ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at paulit-ulit na timbangin at pagnilayan kung anong mga kilos ang nakasisiya sa Diyos, anong mga kilos ang nakasusuklam sa Diyos, at anong mga kilos ang nagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Dapat mong pag-aralan nang paulit-ulit ang mga bagay na ito sa iyong isipan hanggang sa malinaw mong maunawaan ang mga ito. Kung alam mo na mayroon kang sariling mga motibo sa paggawa ng isang bagay, dapat mong pagnilayan kung ano ang iyong mga motibo, kung iyon ba ay para mapalugod ang sarili mo o mapalugod ang Diyos, kung kapaki-pakinabang ba iyon sa sarili mo o sa hinirang na mga tao ng Diyos, at kung ano ang mga kahihinatnan nito…. Kung mas maghahanap ka at magninilay nang ganito sa iyong mga panalangin, at magtatanong sa sarili mo ng mas maraming tanong para hanapin ang katotohanan, liliit nang liliit ang mga paglihis sa iyong mga kilos. Tanging ang mga kayang maghanap ng katotohanan sa ganitong paraan ang mga taong nagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos at may takot sa Diyos, dahil naghahanap ka alinsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos at nang may pusong masunurin, at ang mga konklusyon na naaabot mo sa paghahanap sa ganitong paraan ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng mga prinsipyo ng pagsasagawa: Anuman ang gawin ko, kailangan kong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, at hanapin ang katotohanan at mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Lalo na sa mga bagay na patungkol sa gawain at mga interes ng iglesia, hindi ako maaaring pikit-matang kumilos batay sa sarili kong mga ideya. Kung hindi, kapag lubha kong napinsala ang iglesia o nagambala ang gawain nito, nakagawa na ako ng kasamaan at nagkasala sa Diyos. Dagdag pa riyan, hindi ako maaaring magpasyang mag-isa kung paano gampanan ang aking mga tungkulin, ni hindi ko maaaring gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan at maging dominante. Kailangan kong talakayin ang mga bagay-bagay sa kapartner kong mga kapatid, maghanap pa at makipagbahaginan sa mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan, at makinig sa mga opinyon na naiiba sa sarili kong opinyon. Mayroon man ang isang tao ng katayuan, espesyal na mga kaloob o talento, dapat akong makinig nang mapagpakumbaba sa kanyang payo. Sa mga bagay na hindi ko nauunawaan, dapat akong humingi kaagad ng patnubay sa lider ko, liwanagin ang mga prinsipyong may kinalaman dito, at matutong kumilos alinsunod sa katotohanan at nang hindi nagkakasala sa Diyos bago kumilos. Kailangan ko ring matutong tanggihan ang sarili ko. Habang lalo kong iniisip na tama ang isang bagay, lalong hindi ako pwedeng kumapit dito, at kailangan akong maghanap kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Malulutas nito ang problema ng kayabangan at pagmamagaling, at mapoprotektahan ako sa paggawa ng kasamaan at pagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Dati-rati, hindi ko kilala ang sarili ko, wala akong kamalayan sa sarili ko at siguradung-sigurado ako sa sarili ko. Pagkaraan ng masakit na kabiguang ito, saka ko lang nakita na kapag sigurado ako sa sarili ko, kapag hindi ko inisip na posibleng mali ako, at maging kapag may matatag na batayan ako para isipin na tama ako, ipinakita ng mga tunay na pangyayari na hindi lang ako nagkamali, matindi, kakatwa, at nakamumuhi ang pagkakamali ko, at nakapanlulumo ang mga kinahinatnan nito. Sa nakalipas, nakagawa ako ng napakaraming kasalanan dahil sa aking kayabangan. Noong panahong iyon, inakala ko talaga na tama ako, at kung minsan ay ginamit ko pa ang mga salita ng Diyos bilang batayan. Gayunman, kalaunan, inihayag ng mga tunay na pangyayari na mali ako, dahil hindi ko talaga naunawaan ang salita ng Diyos o naintindihan ang mga prinsipyo. Sa halip, nagamit ko ang salita ng Diyos nang walang ingat at pikit-matang inangkop ang mga tuntunin. Nang matanto ko ito, inamin ko nang taos-puso na wala akong mga katotohanang realidad, hindi ko makita nang malinaw ang mga tao o bagay-bagay, at na ang ilan sa aking mga pananaw ay kakatwa at nakakatawa. Bukod pa riyan, mahina ang aking kakayahan, hindi ako bihasa, at hindi ko pinag-isipan o naunawaan ang katotohanan. Ang tanging alam ko ay ilang doktrina at mahigpit na sumunod sa ilang patakaran. Sa sandaling iyon, nakumbinsi ako na lubos akong walang halaga, na mahina ako at nakakaawa, at ayaw ko nang igiit ang sarili kong mga pananaw.
Pagkatapos niyon, kapag nagbibigay ang iba ng mga mungkahing naiiba sa akin, tuwing gusto kong igiit ang aking paraan, ginugunita ko ang masasakit na aral na ito. Naaalala ko kung ilang opinyon na pinaniwalaan kong talagang tama ang maling lahat kapag sinukat ayon sa katotohanan, at kinondena ng Diyos. Hindi na ako nangangahas na igiit ang sarili kong mga pananaw, at agad kong hinihingi ang mga pananaw at payo ng iba. Kung minsan kapag nagtatalakay ng mga bagay-bagay, hindi sinasadyang tinatanggihan ko ang mga mungkahi ng ibang mga tao, pero kapag natatanto ko ang nagawa ko, agad kong itinatanong kung ano ang palagay ng karamihan sa mga tao, kung hindi ay hindi ko masusunod ang tamang payo at mapipinsala ang gawain ng iglesia. Sa mga bagay kung saan iniisip kong tama ako, hindi na ako nangangahas na magpasyang mag-isa, at sadya na akong humihingi ng payo sa kapartner kong mga kapatid, o humihingi ako ng patnubay mula sa lider ko. Sa paggawa nito ay mas napapanatag ako, at naiiwasan ko ring mapinsala ang gawain ng iglesia sa pagkilos nang may pagkadominante. Ngayon, bagama’t maaari pa rin akong magpakita ng mayabang at mapagmagaling na disposisyon, mas nabawasan na iyon ngayon kaysa rati.
Isa akong napakayabang at napakamapagmagaling na tao. Kapag sa palagay ko ay tama ako, nahihirapan akong tanggihan ang sarili ko o makinig sa mga mungkahi ng iba. Kung hindi dahil sa paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos, dahil sa mga sumbong at paglalantad ng aking mga kapatid, at dahil sa paulit-ulit na paglalantad at pagwawasto sa akin ng Diyos, hinding-hindi ko makikilala ang sarili ko at matatanggihan ang sarili ko. Ang maliit na pagbabagong nagawa ko ngayon, ang katotohanan na mayroon akong kaunting katwiran at wangis ng tao, ay ganap na dahil sa napakaingat na gawain ng Diyos, at ito ang bunga ng kaliwanagan at patnubay ng Kanyang mga salita. Pinasasalamatan ko ang Diyos sa kaibuturan ng puso ko sa pagliligtas sa akin.