26. Pinaghahanap Ngunit Inosente
Noong Mayo 2014, inimbento ng Partido Komunista ng Tsina ang Zhaoyuan Case sa Shandong para i-frame at siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at agad itong naglunsad ng “Isandaang Araw ng Pagpuksa” sa buong bansa para arestuhin ang mga miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Maraming kapatid ang inaresto. Sa loob lamang ng dalawang buwan, mula Setyembre hanggang Nobyembre, mahigit tatlumpung mga kapatid sa aking probinsya ang sunod-sunod na inaresto. Noong panahong iyon, ako ang namamahala sa gawain ng ilang iglesia, at araw-araw, sa ilalim ng mapagbantay na mga mata ng mga pulis, inayos ko ang paglipat ng mga nanganganib na kapatid sa ibang lugar at ang paglilipat ng mga aklat tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sa bawat sandali, nanganganib akong maaresto. Isang gabi, isang brother na inaresto at pinalaya ang nagsabi sa akin na nang tanungin siya ng mga pulis, binanggit ng mga ito ang aking personal na impormasyon, at ipinakita pa sa kanya ang aking larawan at tinanong kung kilala niya ako. Sinabi ng brother na ako ang pangunahing target ng pag-aresto at pinayuhan akong umalis kaagad. Naisip ko, “Napakaraming kapatid ang inaresto, at marami pang gawaing dulot nito ang kailangang asikasuhin. Bukod dito, ang ilang kapatid ay nanghihina dahil sa pag-aresto at pang-uusig ng malaking pulang dragon, at kailangan nila ng suporta at tulong. Aalis ako pagkaraan ng ilan pang araw.” Pero mariin akong hinimok ng brother, “Makabubuting umalis ka na ngayong gabi. Huwag kang manatili rito. May mga camera sa lahat ng dako ng kalsada, at mahahanap ka ng mga pulis sa sandaling suriin nila ang surveillance records.” Nang marinig ko iyon, bigla akong natakot, at nagsimula akong mataranta. Kaya, agad kong isinaayos ang natitirang gawain sa iglesia at tumakas sa isang kalapit na probinsya.
Isang matandang brother at sister ang nangahas na tanggapin ako. Dahil may mga camera sa labas, hindi ako makalabas, kaya kinailangan kong manatili sa bahay nila. Ang kanilang anak na lalaki ay nagtatrabaho sa isang paaralan, at ang gobyerno ay naglabas ng paskil na nagsasabing ang lahat ng kawaning nagtuturo at mga miyembro ng kanilang pamilya ay hindi maaaring magkaroon ng mga relihiyosong paniniwala, kung hindi ay patatalsikin sila sa kanilang posisyon, kaya natakot ang kanilang anak na ang kanyang kinabukasan ay maaapektuhan, at sumalungat siya sa paniniwala ng kanyang mga magulang sa Diyos. Natakot ang sister na makita ako ng anak niya sa bahay at isumbong ako nito sa mga pulis, kaya kinailangan niyang isaayos na manirahan ako sa attic. Sa tuwing babalik ang anak ng kapatid, sobra akong kinakabahan. Minsan, umakyat ang anak niya para kumuha ng isang bagay. Natakot akong matagpuan niya, kaya nagtago ako sa likod ng pinto at hindi nangahas gumalaw. Nagkataon na noong sandaling iyon, ang usok ng langis mula sa kusina ay lumalabas sa tsimenea at hindi ko napigilang umubo. Tinakpan ko ng kubrekama ang aking ulo at bibig, at halos hindi ako makahinga. Ang aking sister ay may isa pang anak na lalaki na nakatira sa katabing bahay, at naririnig ko ang tunog ng kanyang TV, kaya upang manatiling nakatago, hindi ako nangahas na buksan ang mga ilaw sa attic, at madalas kong hinihinaan ang aking boses. Taglamig noon, at napakaginaw sa silid, pero hindi ko tinangkang lumabas para maarawan. Pagkaraan ng mahabang panahon, nagsimula akong makaramdam ng labis na lungkot, iniisip na, “Kailan kaya ako makakahinto sa pamumuhay nang ganito? Kailan ko makakasamang muli ang aking pamilya at makakalabas kasama ang mga kapatid upang tuparin ang aking tungkulin?” Noong panahong iyon, madalas akong manalangin sa Diyos, humihiling sa Kanya na gabayan at liwanagan ako upang maunawaan ko ang Kanyang kalooban at malaman kung paano ko malalampasan ang sitwasyong iyon.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag ang isang tao ay naniniwala sa Diyos sa bansang pinamumunuan ng CCP, ang pag-uusig ay hindi maiiwasan, subalit ginagamit ng Diyos ang gayong kapaligiran upang gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao. Inalala ko noong wala pa ako sa ganoong kapaligiran, akala ko na kaya kong tiisin ang hirap at may pananalig ako sa Diyos. Subalit, noong sandaling tinugis ako hanggang sa puntong wala na akong matitirhan, nagtatago, at tuluyang nawalan ng kalayaan, at kinailangan kong tunay na magdusa, nagkimkim ako ng mga reklamo sa aking puso, at ang gusto ko lang ay makatakas. Sa pamamagitan lamang ng mga inihayag ng katotohanan ko napagtanto na wala pala akong tunay na pananalig sa Diyos, walang pagsunod, at napakababa ng aking tayog. Sa loob ng ilang buwang ito, galit na galit na hinalughog ng CCP ang mga tahanan at inaresto ang mga tao, kinamkam ang pera ng iglesia, at nagsanhing umalis ang maraming kapatid mula sa kanilang mga tahanan, na ganap na ginulo ang kanilang buhay at iniwan silang wala man lang matirahan. Napakatinding kasamaan ang ginawa ng CCP, inaaresto at inuusig ang mga tao. Hindi ba’t ang layunin ay para lang ilayo ang mga tao sa Diyos at gawin silang ipagkanulo ang Diyos? Kung ako ay nanghina, umatras, o nagreklamo sa gayong kapaligiran, mahuhulog ako sa mga panlilinlang ni Satanas at mawawala ang aking patotoo. Sa sandaling napagtanto ko ito, naibsan ang sakit at paghihirap sa aking puso. Naisip ko, “Gaano katagal man ako kailangang manatili rito o gaano man ako magdusa, gusto kong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos.”
Pagkaraan ng ilang buwan, tila hindi na gaanong mahigpit ang mga imbestigasyon, kaya nagpunta ako sa ibang lungsod upang gampanan ang aking tungkulin. Para maging ligtas, ginupit ko ang aking mahabang buhok, at nagsusuot ako ng sombrero, maskara, at salamin kapag pumupunta ako sa mga pagtitipon. Dumaraan ako sa makikitid na kalye at mga paikot-ikot na daan, nag-iingat na hindi mapansin. Naisip ko na hangga’t nag-iingat ako, magagawa ko pa rin ang aking tungkulin. Nagulat ako nang isang gabi, pagkaraan ng ilang buwan, sumugod sa akin ang lider ko at sinabing, “Naipost ng pulisya ang iyong impormasyon sa internet. Hinahanap ka nila. Ang wanted notice ay ipinadala sa cellphone ng mga residente sa sentro ng ating lungsod at ilang nakapaligid na distrito upang ipaalam sa kanila na magsumbong kapag nakita ka nila. Nalaman ng mga pulis na ipinangaral sa iyo ng iyong tiyuhin ang ebanghelyo, at naaresto na nila ang iyong tiyuhin at tiyahin. Para sa kaligtasan, hindi ka na pwedeng lumabas para gawin ang iyong tungkulin.” Kalaunan, nakatanggap ako ng balita na natagpuan ng mga pulis ang aking 80-anyos na lolo at tinanong siya tungkol sa aking kinaroroonan. Isinara na rin nila ang physiotherapy center ng aking tiyuhin. Higit pa roon, hinahanap ng mga pulis ang aking ina at kapatid, kaya hindi sila makauwi. Nang marinig ko ang balitang ito, labis akong nagalit. Ang pananalig ko sa Diyos ay tama at wasto. Bakit malupit na inaapi ng Partido Komunista ang mga taong naniniwala sa Diyos? Bakit walang pagkamakatarungan at kalayaan sa paniniwala sa Tsina? Noong una ay nagplano akong palihim na bumalik at makipagkita sa aking pamilya, ngunit hindi ko inaasahan na ako’y nakalista bilang wanted, o na pagbabantaan at tatakutin nila ang aking pamilya. Kahit na mayroon akong tahanan, hindi ako pwedeng bumalik, at nasangkot at naaresto ang aking pamilya. Napagtanto ko na ngayon, ako’y isang wanted na kriminal, at napaisip ako kung ano ang sasabihin ng mga kamag-anak at kaibigan ko tungkol sa akin. Iisipin ba nilang gumawa ako ng masama? Paano ko sila mahaharap sa darating na panahon? Habang iniisip ko iyon, hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha ko. Habang lalo kong pinag-iisipan iyon, mas lalo akong nalulungkot. Nadama ko na napakahirap manalig sa Diyos sa Tsina. Sa pasakit, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Hindi ko alam kung paano danasin ang ganitong kapaligiran. Pakiusap bigyan Niyo po ako ng tiwala at lakas, at patnubayan ako sa pag-unawa ng Inyong kalooban.” Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang himno ng salita ng Diyos na “Ang Pinakamakabuluhang Buhay,” na nagsasabing: “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Napaluha ako sa narinig ko. Tama at nararapat na ang mga nilikha ay nananalig sa Diyos at sumasamba sa Diyos, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Naisip ko si Job, na may takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kahit na nawalan siya ng kanyang mga anak at ari-arian, dumanas siya ng mga pigsa sa buong katawan, at hinusgahan siya at hindi naunawaan ng kanyang asawa at mga kaibigan, pinanatili pa rin niya ang kanyang pananalig sa Diyos, pinuri ang Diyos sa kanyang pagdurusa, tumayong matatag at nagpatotoo para sa Diyos, at pinahiya si Satanas. Nariyan din si Pedro, na hinangad na makilala at mahalin ang Diyos sa buong buhay niya, nakaranas ng daan-daang pagsubok at pagpipino, nagtiis ng matinding pasakit, at sa huli ay ipinako nang patiwarik para sa Diyos, sa gayon ay lumikha ng maganda at matunog na patotoo. Bilang isang nilikha, napakamakabuluhan na makatayo nang matatag at makapagpatotoo para sa Diyos at makamit ang pagsang-ayon ng Lumikha! Ngayon, ako ay pinaghahanap at hinahabol ng Partido Komunista dahil sa aking pananalig sa Diyos. Kahit pa hindi ako maintindihan ng aking mga kamag-anak at kaibigan at talikuran nila ako, hindi ito dapat ikahiya, dahil tinatahak ko ang tamang landas sa buhay at ginagawa ang pinakamatuwid na bagay. Habang pinag-iisipan ko ito, nabawasan ang sakit na nararamdaman ko, at sa halip ay nakaramdam ako ng pagmamalaki sa aking sarili dahil nagawa kong magdusa sa ganitong paraan.
Isang araw noong Enero 2016, inabot sa akin ng isang sister ang isang deck ng mga baraha. Kinuha ko ito at nakita kong naka-print dito ang aking larawan at impormasyon ng pagkakakilanlan. Ang aking pangalan, ID number, at ang nakarehistrong tirahan ng aming pamilya ay naroon lahat, at nakasulat doon na inilista ako online ng Public Security Bureau bilang isang pugante, bilang isang “kriminal na pinaghihinalaang nag-oorganisa at gumagamit ng isang organisasyon ng kulto upang pahinain ang pagpapatupad ng batas.” Mayroon ding reporting sa baraha na hotline number para sa mga magsusumbong, at ang pahayag na maaaring mabigyan ng pabuya ang mga impormante. Sinabi ng sister na ang mga pulis ay namamahagi ng mga set ng baraha na naglalaman ng mga larawan at impormasyon tungkol sa akin at sa tatlo pang sister na namamahala sa gawaing iglesia, kasama ng mga mamamatay-tao at magnanakaw. Kalaunan, narinig ko mula sa aking mga kapatid na nakakita sila ng wanted notice para sa akin sa malalaking screen sa labas ng istasyon ng tren at sa bulletin board sa pasukan ng Public Security Bureau. Nakapagtataka para sa akin na marinig ang lahat ng ito. Gusto ko silang tanungin, “Anong batas ang nilabag ko? Ano ang ginawa ko na lumabag sa batas? Bakit kayo gumagamit ng mga walang prinsipyong paraan para tugisin at hulihin ako?” Hindi ko maiwasang maalala ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang tunay na kalikasan ng malaking pulang dragon. Ang CCP ay kaaway ng Diyos, isang diyablo na lumalaban at napopoot sa Diyos, at ang lugar na pinamumunuan nito ay ang pugad ng diyablong si Satanas. Sadyang tumatanggi ito na payagang umiral ang Diyos, at lalong hindi pinapayagan ang mga tao na manalig sa tunay na Diyos at tahakin ang tamang landas. Ito ang dahilan kung bakit tinutukoy nito ang Kristiyanismo bilang isang “kulto” at ang Bibliya bilang panitikan ng “kulto,” at labis na di-makatwirang hinuhuli ang mga Kristiyano. Ngayon, upang itaboy ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, gumagawa ito ng lahat ng uri ng sabi-sabi at lumilikha ng mga huwad na kasong kriminal upang i-frame at siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, tinutugis at sinusubaybayan nito ang mga mananampalataya sa Diyos na para bang sila ang pinakakasuklam-suklam na kriminal, at nililinlang at inuudyukan nito ang mga taong hindi nakakaalam ng mga katotohanan na kapootan ang mga mananampalataya sa Diyos at kasabay na labanan ang Diyos. Talagang sinasabi ng Partido Komunista ang lahat ng klase ng kasinungalingan at ginagawa ang lahat ng klase ng kasamaan! Noong sandaling napagtanto ko ito, pinalakas nito ang aking determinasyon na talikdan ang malaking pulang dragon at sundin ang Diyos hanggang wakas! Kalaunan, narinig ko mula sa aking lider na ang dalawang sister na inilista sa baraha na wanted gaya ko ay inaresto at sinentensyahan ng apat na taon sa bilangguan.
Makalipas ang apat na buwan, nag-alok ang pulisya ng karagdagang 10,000 yuan na pabuya para sa pag-aresto sa akin. Isang sister sa aking bayan ang nagpadala sa akin ng sulat at sinabi na ang kalihim ng Partido ng nayon ay nagkakalat ng tsismis na dahil nananalig ako sa Diyos, hindi ko na gustong makita ang aking pamilya o mga kamag-anak, at na lumalaban ako sa gobyerno. Noong tumagal, lumala nang lumala ang mga tsismis, at ang iba ay nagsimulang magsabi na ako ay nabaliw na o na nagbebenta ng droga. Nang marinig ng mga tao sa kalapit na mga nayon ang mga sabi-sabing ito, lahat sila ay siniraan at kinondena ako. Hindi nakayanan ng aking nakababatang kapatid na lalaki ang mga tsismis at labis siyang nag-alala para sa akin, na siya’y napaiyak at ginustong hanapin ako. Nang marinig ko ang balitang ito, hindi ko mapakalma ang sarili ko at mapigilan ang pag-agos ng aking mga luha. Ginusto ko talagang tumayo sa harap ng aking mga kamag-anak at kaibigan at ipaliwanag na nananalig ako sa tunay na Diyos, tumatahak sa tamang landas, at wala akong ginawang labag sa batas. Nais kong pumunta diretso sa aking kapatid, aluin siya, at ipaalam sa kanya na huwag mag-alala sa akin. Pero kung babalik ako nang ganito, tiyak na huhulihin ako ng mga pulis, at ilalagay ko rin sa panganib ang mga kapatid na nakausap ko. Balisa akong nagpabalik-balik sa silid. Habang lalo kong iniisip ang mga bagay na ito, mas lalo akong hindi mapakali. Sa huli, kahit mapanganib, nagpasya akong tawagan ang aking kapatid.
Alam kong malamang na sinusubaybayan ng mga pulis ang cellphone ng kapatid ko, pero ang gusto ko lang gawin sa sandaling iyon ay kausapin siya, kaya hindi ko na pinag-alala ang aking sarili. Nagbalatkayo ako at nagbisikleta patungo sa isang lugar na dose-dosenang milya ang layo para tawagan siya, pero hindi nakapasok ang tawag. Ayaw kong sumuko, kaya sinubukan ko ulit, pero ganoon pa rin ang resulta. Bigla akong nagkaroon ng pakiramdam na marahil paghahadlang ito ng Diyos. Kung sinusubaybayan ang cellphone ng aking kapatid, pareho kaming malalagay sa panganib. Habang iniisip ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Muntik na akong mahulog ngayon sa isa sa mga pakana ni Satanas. Kung hindi Niyo ako pinigilan sa oras, baka nasa panganib na ako. Diyos ko, alam Niyo ang aking mga kahinaan. Pakiusap gabayan at patnubayan Niyo po ako, at bigyan ako ng tiwala at lakas….” Pagbalik ko sa tahanan ng aking host para sa mga espirituwal na debosyonal, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay’” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ay gumagawa ng isang grupo ng mga mananagumpay sa mga huling araw. Gaano mang pasakit at pagpipino ang tinitiis nila, o gaano man sila ginagambala at inaatake ng mga puwersa ni Satanas, nagagawa nilang mapanatili ang kanilang pananalig sa Diyos at sundin Siya hanggang wakas. Pagkatapos naisip ko kung paano noong siniraan at pinaratangan ako, naging negatibo at mahina ako dahil natakot akong masira ang aking reputasyon. Natakot din akong hindi mauunawaan ng aking nakababatang kapatid na lalaki, kaya para mapayapa ko ang isip niya, hindi ko inisip ang kaligtasan ng aking mga kapatid. Nakita ko na wala akong pananalig o katapatan sa Diyos. Hindi ba’t naiwawala ko ang aking patotoo? Tinutugis ako ngayon ng malaking pulang dragon na para bang isa akong kriminal, inuudyukan ang lahat na atakihin at siraan ako, at nagiging dahilan para hindi ako maunawaan ng mga kamag-anak ko. Tinitiyak nitong gawin ang mga bagay na ito dahil gusto nitong maging negatibo at mahina ako, at pilitin akong ipagkanulo ang Diyos. Hindi ko hahayaang magtagumpay ang mga panlilinlang ng malaking pulang dragon. Sa sandaling napagtanto ko ito, nagpasya ako: Magpapatotoo ako sa ilalim ng paglusob ni Satanas upang mabigyang-kasiyahan ko ang Diyos, at ipapahiya ko ang malaking pulang dragon!
Ang pagkakasakit ay isa ring problema na gumambala sa akin noong mga araw na nagtatago ako. Nagkaroon ako ng left lung resection noong ako’y 15 taong gulang, at hindi rin gaanong maayos ang kanang baga ko. Noong panahong iyon, sinabihan ako ng doktor na lumanghap ng mas maraming sariwang hangin at mag-ehersisyo nang maayos para madagdagan ang kapasidad ng aking baga. Pero dahil pinaghahanap ako ng pulisya, napilitan akong magtago sa loob ng bahay nang mahabang panahon. Hindi ako makalabas para makalanghap ng sariwang hangin. Ni wala akong pagkakataong tumayo sa balkonahe para mag-ehersisyo. Kailangan kong maging napakaingat kapag paminsan-minsan kong binubuksan ang bintana para makalanghap ng sariwang hangin, dahil kung matutuklasan ako ng mga kapitbahay, hindi lang ako ang manganganib, ilalagay ko rin sa panganib ang mga kapatid na nag-host sa akin. Matapos manatili sa ganitong uri ng kapaligiran sa mahabang panahon, nagsimulang lumala ang aking pisikal na kondisyon. Hindi ko mapaikot ang hangin sa loob ng bahay, kaya lumala ang aking paghinga, sumikip ang aking dibdib, at kalaunan, nagsimulang sumakit ang aking baga, at madalas akong umuubo. Kapag lumuluhod ako at nagdarasal, nararamdaman kong lalabas na ang likido sa aking bibig. Kapag natutulog ako nang nakatagilid, nararamdaman ko ang pagdaloy ng likido sa aking baga. Kalaunan, nang lumala ito, nagsimula akong umubo ng dugo. Pinayuhan ako ng mga kapatid na pumunta sa ospital, ngunit para makapunta sa ospital at magpatingin sa isang doktor, kailangan kong magparehistro gamit ang aking ID card. Ako ay isang pugante, kaya kung may mangyari, aarestuhin ako at ang mga kapatid na nag-aalaga sa akin ay madadawit, kaya hindi ako nangahas na pumunta sa ospital. Dinalhan ako ng ilang kapatid ng mga tradisyunal na gamot na Tsino, ngunit hindi bumuti ang aking kalagayan pagkatapos inumin ang mga iyon. Umuubo pa rin ako ng dugo. Hindi ako makakain, at nanghina nang nanghina ang aking katawan. Medyo natakot ako, dahil kung patuloy kong hahayaan ang aking kalagayan na hindi magamot at lumala ito, hindi ba ako malalagutan ng hininga sa huli? Hindi ba iyon mangangahulugan na ang aking pag-asa para sa kaligtasan at magandang destinasyon ay mawawala na? Hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang mga taon ng pagtalikod, paggugol, at pagsisikap na ginawa ko sa aking pananalig sa Diyos? Hindi ko talaga gustong mamatay. Nang makita kong lumalala ang aking kalagayan sa bawat araw at umuubo ako ng dugo, hindi ko napigilang umiyak, at sobrang miserable ng pakiramdam ko.
Nang maglaon, naghanap ako ng mga bahagi ng salita ng Diyos na angkop sa aking kalagayan, at nabasa ko ang siping ito: “Si Job ay hindi nakipagpalitan sa Diyos, at hindi humiling o humingi sa Diyos. Ang kanyang pagpupuri sa pangalan ng Diyos ay dahil sa dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamumuno sa lahat ng bagay, at hindi nakasalalay sa kung siya ay nagkamit ng pagpapala o hinagupit ng kalamidad. Naniwala siya na kung magbibigay man ng pagpapala ang Diyos sa mga tao o kaya ay magdudulot ng kapahamakan sa kanila, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi magbabago, at dahil dito, anuman ang kalagayan ng isang tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na purihin. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinagpala ang tao, at kapag dumating ang sakuna sa tao, ito ay dahil din sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay namamahala at nagsasaayos ng lahat tungkol sa tao; ang pabago-bagong kapalaran ng tao ay pagpapamalas ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at kung anuman ang pananaw ng tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na papurihan. Ito ang naranasan at nalaman ni Job sa mga taon ng kanyang buhay. Ang lahat ng mga inisip at ikinilos ni Job ay umabot sa mga tainga ng Diyos, at dumating sa harap ng Diyos, at itinuring na mahalaga ng Diyos. Itinangi ng Diyos ang kaalamang ito ni Job, at pinahalagahan Niya si Job sa pagkakaroon ng ganitong puso. Ang pusong ito ay palaging naghihintay sa utos ng Diyos, at sa lahat ng lugar, at kahit ano pa ang oras o lugar, tinanggap nito ang anumang dumating sa kanya. Walang hiniling si Job sa Diyos. Ang hiningi niya sa sarili niya ay ang maghintay, tumanggap, humarap at sumunod sa lahat ng pagsasaayos na nanggaling sa Diyos; naniwala si Job na ito ang kanyang tungkulin, at ito mismo ang nais ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko nang kaunti ang kalooban ng Diyos. Ang katotohanan na lumalala ang aking sakit ay pinahintulutan ng Diyos. Ito ay pagsubok ng Diyos sa akin upang makita kung ako ay may tunay na pananalig at pagsunod. Ngunit noong ako ay nasasaktan, ang tanging iniisip ko ay ang sarili kong buhay, kamatayan, at huling hantungan. Natakot akong mawala ang aking kaligtasan kapag namatay ako. Nakita ko na nananalig ako sa Diyos para lamang magkamit ng mga pagpapala, na sinusubukan kong makipagtawaran sa Diyos, na wala akong konsensya at katwiran na dapat taglay ng isang nilikha, at na wala akong anumang pagsunod sa Diyos. Naalala ko si Job. Hindi mahalaga kung binigyan siya ng Diyos ng malaking kayamanan o pinahintulutan si Satanas na ipagkait sa kanya ang lahat, pinuri niya ang pangalan ng Diyos, at naniwala na magbigay man o mag-alis ang Diyos, ang Diyos ay matuwid. Ang pananalig ni Job sa Diyos ay walang personal na motibo, hindi niya isinaalang-alang ang sarili niyang mga interes, pakinabang, kawalan, at anuman ang ginawa ng Diyos, kaya niyang tumayo sa posisyon ng isang nilikha at sundin lamang ang Diyos. Itinuring niya na mas mahalaga ang pagsunod sa Diyos kaysa sarili niyang buhay. Lalo akong napahiya dahil sa pagkatao at konsensya ni Job. Sa buong panahon ng aking pananalig sa Diyos hanggang sa puntong ito, sinisikap kong makipagtawaran sa Diyos, at napakarebelde at tiwali ko pa rin. Kahit pa ako ay talagang mamatay sa aking sakit, iyon ay pagiging matuwid ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nalaman ko kung paano harapin ang sakit at kamatayan, kaya naisip ko, “Maging gaano man kalubha ang aking karamdaman, ipagkakatiwala ko ang aking sarili sa mga kamay ng Diyos at magpapasakop sa mga pagsasaayos Niya.”
Isang umaga noong Nobyembre 2016, kung kailan gusto ko nang bumangon, nagsimulang sumakit ang aking baga. Inabot ako ng mahigit-kumulang sampung minuto at kinailangan ko ang buong lakas ko para bumangon at sumandal sa headboard. Noong sandaling iyon, pumasok sa bintana ang napakalamig na hangin, at sobra akong nadesperado. Hindi ko napigilan ang sarili kong umiyak. Maya-maya, nagsimula akong huminga nang mabilis, bumilis ang tibok ng puso ko, naninigas ang buong katawan ko, nahihirapan akong huminga, at ang buong katawan ko’y hindi mapakali. Pakiramdam ko ay malalagutan ako ng hininga anumang oras, at naisip ko na sa pagkakataong ito, baka hindi na ako makaligtas. Nang makita nila ako sa ganitong kalagayan, ang mga kapatid na kasama ko ay labis na nabalisa at hindi nila alam kung ano ang gagawin, kaya tinawagan nila ang isang sister na may-ari ng clinic para puntahan ako. Nagkandarapa siya sa pagbigay sa akin ng IV infusion, subalit kahit naipasok na niya ang karayom, hindi dumaloy ang infusion dahil halos huminto na ang pagdaloy ng aking dugo. Nawawalan ng pag-asang pumunta siya sa pintuan ng silid, umiling, at sinabing, “Wala na tayong magagawa.” Ilang sister ang tumalikod at tahimik na nagpunas ng luha. Alam kong malapit na akong mamatay, at medyo natakot ako. Natakot ako na kung mamamatay na ako, hindi ko makikita ang pagsasakatuparan ng kaharian. Sa sandaling ito, ang mga salita ni Job ay paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Naalala ko rin ang sipi ng salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Lubos na nagbigay inspirasyon sa akin ang mga salita ng Diyos. Takot ako sa kamatayan noon, kaya hindi ko sinunod ang Diyos, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ko na kayang sumuway sa Diyos. Mamatay man ako, wala akong reklamo. Isa akong nilikha, kaya dapat kong sundin ang Diyos. Higit pa rito, masuwerte akong nakatanggap ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw at narinig ang mga katotohanang hindi kailanman narinig ng mga banal sa lahat ng nagdaang kapanahunan. Ito ay biyaya at pabor na ng Diyos sa akin. Kahit na ako ay nahaharap sa kamatayan, kailangan ko pa ring magpasalamat sa Diyos! Kaya, kahit nahihirapan, bumigkas ako ng dalawang salita—papel, panulat. Mabilis itong dinala ng mga sister, at sumandal ako sa mga sister at ginamit ko ang buong lakas ko para isulat sa kuwaderno ang: Ang Diyos ay matuwid magpakailanman! Siya ay palaging karapat-dapat sa ating papuri! Noong sandaling tumigil ako sa pagsusulat at bumitaw, unti-unting nagdilim ang aking paningin.
Nag-iyakan ang mga sister at hinawakan ang aking kamay, hinihikayat akong umasa sa Diyos at magpatuloy, ngunit sa pagdanas ng mga katotohanang nasa harapan ko, nadama kong hindi ko na talaga kayang kumapit pa. Naramdaman kong imposible nang mabuhay. Noong oras na iyon, pakiramdam ko ay unti-unting lumulubog ang aking puso sa karagatan, at naglalaho ang mga tunog sa paligid ko. Subalit kung kailan nararamdaman kong wala nang pag-asa, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang lumitaw nang napakalinaw sa aking isipan: “Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung walang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Ang kaliwanagan sa salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng malaking kaginhawahan at pampatibay-loob. Ang aking buhay ay nagmula sa Diyos, at kung mabuhay o mamatay man ako sa araw na iyon ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, ni mga puwersa ng kasamaan ni Satanas o karamdaman ay maaaring kumitil sa buhay ko. Hangga’t may isa pang hiningang natitira sa akin, hindi ako maaaring sumuko, at hindi ako dapat panghinaan ng loob o makaramdam ng pagkabigo sa Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Bagama’t nahaharap ako sa kamatayan ngayon, lubos kong nadama na Kayo ay laging nasa tabi ko. Diyos ko, nais kong ipagkatiwala ang aking sarili nang buong-buo sa Inyo, at ipinauubaya ko sa Inyo ang aking buhay at kamatayan! Naniniwala ako na kahit anong gawin Niyo, Kayo ay matuwid. Ako ay nakaharap na sa Inyo sa buhay na ito at nakakuha ng kaunting kaalaman tungkol sa Iyo, kaya kahit pa mamatay ako, hindi ako magrereklamo at magsisisi. Kung hindi ako mamamatay ngayon, kung magagawa kong patuloy na mabuhay, handa akong hanapin ang katotohanan, gampanan nang mabuti ang aking tungkulin, at suklian ang Inyong dakilang pagmamahal.” Noong oras na iyon, pinatugtog ng isang sister ang himno na “Dalisay na Pag-ibig na Walang Dungis”: “Ang ‘pagmamahal,’ ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso para magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan. Kung nagmamahal ka, masaya mong ilalaan ang iyong sarili, masaya mong titiisin ang hirap, makakasundo mo Ako…” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang). Matapos marinig ang mga liriko na ito, labis akong nakonsensya. Matapos kong maniwala sa Diyos nang napakatagal, hindi ko naisagawa ang anumang salita ng Diyos, lalo na ang talagang mahalin ang Diyos. Ngayon, mabuhay man ako o mamatay, gusto ko lang ituloy ang pagsunod sa Diyos. Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, isang himala ang nangyari. Bago ko pa namalayan, unti-unting lumuwag ang paghinga ko, hindi na gaanong mabilis ang paghinga ko, at naging mas kalmado ang puso ko. Nang makita ng mga sister na bumuti ako, nagpasalamat sila sa Diyos nang may pananabik, at talagang nakita ko ang mga mahimalang gawa ng Diyos. Bagama’t nakahinga na ako nang normal, ang katawan ko’y said na said na, kaya pinayuhan pa rin ako ng aking mga kapatid na maospital. Ibinigay sa akin ng isa sa kanila ang kanyang ID card, ngunit natatakot akong idawit siya. Hinawakan niya ang kamay ko at sinabing, “Sama-sama tayong manalangin sa Diyos. Ang mahalaga ngayon ay makarating sa ospital. Ipagdasal mo lang sa Diyos na makapagpatuloy ka at magiging maayos ito.” Labis akong naantig na hindi ko alam kung ano ang sasabihin, ni wala akong lakas magsalita, kaya’t ang tanging nagawa ko na lang ay tumango, alam kong ang lahat ng ito ay pag-ibig ng Diyos. Pagdating sa ospital, bagama’t may mga pagdududa ang doktor tungkol sa aking ID card, hindi na nila tiningnan nang detalyado ang aking tunay na identidad, at naging medyo maayos naman ang proseso ng paggamot. Unti-unting bumuti ang kalagayan ko, at nakalabas na ako sa ospital pagkalipas ng isang linggo.
Pagkatapos kong ma-discharge sa ospital, nagpatuloy ako sa pamumuhay nang patago. Dahil madalas na arestuhin ang mga kapatid na nasa paligid ko, madalas kong kinailangang lumipat kaagad sa isang bagong lugar, na naging isang napakahirap na gawain para sa akin. Kinailangan kong magsuot ng maskara kapag nagpupunta ako kung saan-saan upang maiwasang mahuli sa camera, ngunit pinahirapan ako nitong huminga. Minsan, habang naglalakad ako sa kalsada nang may suot na maskara, hindi ako makahinga. Napakahirap sumakay sa bus, at nang makasakay na ako, maraming tao sa loob, at kulang sa hangin kaya’t humihinga ako nang malalim. Nanikip at sumakit ang dibdib ko, at kusang nanlaki ang mga mata ko. Naramdaman ko na kapag hindi ako bumaba ng bus, baka mamatay ako sa loob nito. Paulit-ulit akong nanalangin at tumawag sa Diyos sa aking puso, at pagkaraan ng ilang sandali ay bumuti na ang pakiramdam ko. Matapos lumipat nang napakaraming beses, nakaramdam ako ng panghihina, at takot akong hindi ito kakayanin ng aking katawan, at na papatayin ako ng paghihirap na ito kung magpapatuloy ito. Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay masunurin hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Totoo na ang landas ng pagsunod sa Diyos ay likas na malubak at mahirap. Ang pag-uusig ng Partido Komunista sa mga Kristiyano ay hindi tumigil kailanman. Kung nananalig tayo sa Diyos, nanganganib tayong arestuhin, pahirapan, o patayin pa anumang oras, ngunit ginagamit ng Diyos ang gayong mga sitwasyon upang gawing perpekto ang pananalig ng mga tao. Ngayon, pagkatapos maranasan ang mga pag-uusig at kapighatiang ito, alam kong ito rin ang pagdurusa na dapat kong tiisin bilang isang taong nananalig at sumusunod sa Diyos. Kapag naiisip ko ito, nanunumbalik ang aking pananalig.
Sa pagbabalik-tanaw sa mga taon ng aking pananalig sa Diyos, nakita ko na ang Partido Komunista ng Tsina ay gumagamit ng iba’t ibang paraan upang itulak ako, paunti-unti, hanggang sa hindi na ako makalabas, ngunit ang mga salita ng Diyos ay palaging umaakay at nagbibigay-liwanag sa akin. Ngayon, nakikita ko na ang malademonyong diwa ng CCP, at medyo nauunawaan ko na ang karumihan ng paghahanap ng mga pagpapala sa aking pananampalataya, at natutunan ko na kung paano maging makatwiran sa harap ng Diyos. Nakita ko rin ang mga mahimalang gawa ng Diyos. Noong nasa bingit na ako ng kamatayan, ginabayan ako ng Diyos tungo sa mahigpit na pagkapit para makaligtas, at mas malakas na ang aking pananampalataya sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga bagay na hindi ko kailanman makakamit sa isang komportableng kapaligiran. Nagpasya ako na gaano man ako usigin ng CCP, o maging gaano man kabigat o kahirap ang mga bagay na darating, susundin ko ang Diyos, gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin, at susuklian ko ang pagmamahal ng Diyos.