c. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng paghatol mula sa malaking puting trono
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos na nasabi sa mga nagdaang panahon, ang “paghatol” sa mga salitang ito ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa mga gayong higit-sa-karaniwang imahinasyon gaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ilalantad Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay tutukuyin kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, hindi nito mababago ang diwa ng gawain ng Diyos. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi ang mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuod at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaganda ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang na karikatura, at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang malapantasya. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ang gawaing ito ay may pinakapambihirang sukat, at hindi mauunawaan ng mga mortal, at aalingawngaw hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi, papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong kapita-pitagan at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong mga tagpo ay tiyak na kagila-gilalas at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawat tao na mapaghimala ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na, noong matagal nang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa tao, nananatili kang tulog na tulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay pormal nang nagsimula, nabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang maiintindihan ang kahulugan ng buhay, ngunit ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Pagdating sa salitang “paghatol,” malamang na maiisip mo ang mga salitang sinabi ni Jehova para tagubilinan ang mga tao sa bawat rehiyon at ang mga salitang sinabi ni Jesus para tuligsain ang mga Pariseo. Bagama’t matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang ito na sinabi ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, sa magkakaibang konteksto. Ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinabi ni Cristo ng mga huling araw habang hinahatulan Niya ang tao. Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at pumupungos Siya nang pangmatagalan. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang tiyak na hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Binibigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, gayundin na matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Naniniwala ang ilan na maaaring pumarito sa lupa ang Diyos sa isang hindi pa batid na panahon at magpakita sa tao, kung saan hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, susubukan ang bawat isa nang walang sinumang naiiwan. Hindi alam ng mga nag-iisip sa ganitong paraan ang yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi sunod-sunod na hinahatulan ng Diyos ang mga tao, ni hindi sila paisa-isang idinudulot na ipasa ang isang pagsubok; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng lahat ng sangkatauhan? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang maliliit at mga di-mahalagang pagkakamali ng tao. Ang gawain ng paghatol ay kumakatawan, at hindi ito isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang pangkat ng mga tao, ginagamit ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain para sa buong sangkatauhan, pagkatapos ay unti-unti itong ipinalalaganap. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang partikular na uri ng tao o isang partikular na grupo ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan, tulad ng pagsalungat ng tao sa Diyos, o ng hindi pagkatakot ng tao sa Kanya, o ng panggugulo ng tao sa gawain ng Diyos. Ang hinahatulan ay ang diwa ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ng paghatol ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na kinimkim ng tao sa kanyang mga kuru-kuro sa mga nakaraang panahon. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang eksaktong paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang gawain, salita, at buong disposisyon ng lamang ito ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng gawain ng laman na ito, at hindi direktang nasasangkot ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang direktang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—hindi lamang alang-alang sa mga hinirang na tao sa Tsina, o alang-alang sa isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, bagama’t hindi ganap na kabilang ang buong sansinukob sa saklaw ng gawaing ito, kumakatawan ito sa gawain ng buong sansinukob, agad Niyang ipapalaganap ang gawaing ito saat pagkaraan Niyang tapusin ang gawain sa loob ng saklaw ng gawain ng Kanyang katawang-tao lahat ng lugar sa sansinukob, sa katulad na paraan na lumaganap ang ebanghelyo ni Jesus kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, gawain ito na isinasagawa sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapakita sa Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Espiritu man Siya o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Natutukoy ito ayon sa Kanyang gawain, at hindi natutukoy ayon sa Kanyang panlabas na kaanyuan o iba pang mga kadahilanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Higit ang Pangangailangan ng Tiwaling Sangkatauhan sa Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao
Ang gawain ngayon ng paglupig ay naglalayong ibunyag ang magiging kinalabasan ng tao. Bakit sinasabi na ang pagkastigo at paghatol ngayon ay paghatol sa harap ng malaking puting trono ng mga huling araw? Hindi mo ba nakikita ito? Bakit ang gawain ng paglupig ang huling yugto? Hindi ba’t ito mismo ay para ibunyag kung anong klase ng kinalabasan ang sasapitin ng bawat uri ng tao? Hindi ba’t ito ay para hayaan ang lahat, sa panahon ng gawain ng paglupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at pagkatapos ay maibukod-bukod ayon sa kanilang uri? Sa halip na sabihing ito ay paglupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ito ay pagbubunyag sa kung ano ang magiging uri ng kinalabasan para sa bawat klase ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay pagbubunyag sa iba’t ibang klase ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid. Pagkatapos ng gawain ng paglupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagparusa sa masama. Ang mga taong ganap nag nagpapasakop—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kapahamakan. Sa gayon, ang mga tao ay ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri, ang masama ay igugrupo sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay igugrupo sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mamuhay sa liwanag magpakailanman. Ang mga kinalabasan ng lahat ng bagay ay malapit na; ang mga kinalabasan ng mga tao ay maliwanag nang ipinakita sa kanilang mga mata, at ang lahat ng bagay ay ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri. Paano, kung gayon, makatatakas ang mga tao sa dalamhati ng pagkakabukod-bukod ng bawat isa ayon sa kanilang uri? Ang kinalabasan ng bawat uri ng tao ay ibinubunyag kapag ang mga kinalabasan ng lahat ng bagay ay nalalapit na, at ito ay ginagawa habang nasa gawain ng paglupig sa buong sansinukob (kabilang ang lahat ng gawain ng paglupig, simula sa kasalukuyang gawain). Ang pagbubunyag ng mga kinalabasan ng mga tao ay ginagawa sa harap ng luklukan ng paghatol, sa panahon ng pagkastigo, at sa panahon ng gawain ng paglupig sa mga huling araw. … Ang paglupig ng huling yugto ay naglalayong magligtas ng mga tao, at magbunyag din ng kanilang mga kinalabasan. Ito ay para ilantad ang pagkabulok ng mga tao sa pamamagitan ng paghatol, sa gayon ay nagsasanhi sa kanila na magsisi, bumangon, at maghangad ng buhay at ng tamang landas ng buhay ng tao. Ito ay upang gisingin ang puso ng mga manhid at mapurol na tao at upang ibunyag, sa pamamagitan ng paghatol, ang kanilang panloob na paghihimagsik. Subalit, kung ang mga tao ay hindi pa rin magawang magsisi, hindi pa rin magawang maghangad sa tamang landas ng buhay ng tao at hindi magawang iwaksi ang mga katiwaliang ito, kung gayon, sila ay magiging mga hantungan ng paglamon ni Satanas, na hindi na maililigtas. Ganoon ang kabuluhan ng paglupig: upang iligtas ang mga tao, at upang ibunyag din ang kanilang mga kinalabasan. Magagandang kinalabasan, masasamang kinalabasan—ang mga ito ay ibinubunyag lahat ng gawain ng paglupig. Kung ang mga tao ay maliligtas o isusumpa ay ibinubunyag lahat sa panahon ng gawain ng paglupig.
Ang mga huling araw ay kung kailan ang lahat ng bagay ay ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri sa pamamagitan ng paglupig. Ang paglupig ay ang gawain sa mga huling araw; sa ibang salita, ang paghatol sa mga kasalanan ng bawat tao ay ang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, paano maibubukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri? Ang gawain ng pagbubukod-bukod ng bawat isa ayon sa kanilang uri na ginagawa sa inyo ay ang umpisa ng gayong gawain sa loob ng buong sansinukob. Pagkatapos nito, yaong mga nasa lahat ng lupain at lahat ng mamamayan ay kakailanganin ding tanggapin ang gawain ng paglupig. Nangangahulugan ito na ang bawat tao sa sangnilikha ay kakailanganing ibukod-bukod ayon sa kanilang uri at sumuko sa harap ng luklukan ng paghatol upang mahatulan. Walang tao at walang bagay ang makakatakas sa pagdurusa ng pagkastigo at paghatol na ito, at wala ring sinumang tao o bagay ang hindi ibubukod-bukod ayon sa uri nito; ang bawat tao ay kaklasipikahin, dahil ang mga kinalabasan ng lahat ng bagay ay nalalapit na, at ang lahat ng langit at lupa ay nakarating na sa pagtatapos nito. Paano makatatakas ang tao sa araw kung kailan ang pag-iral ng tao ay magwawakas na?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Nagsimula Na ang Paghatol sa Harap ng Malaking Tronong Puti
Kaugnay na mga Himno
Ang Diyos ay Nagkatawang-tao sa mga Huling Araw Upang Hatulan ang Buong Sangkatauhan
Ang mga Tao ay Inuuri sa Panahon ng Gawain ng Panlulupig