60. Ang Diyos ay Napakamatuwid

Ni Zhang Lin, Japan

Noong Setyembre 2012, ako ang namamahala sa gawain sa iglesia nang makilala ko ang pinuno kong si Yan Zhuo. Nalaman kong hiniling niya sa mga kapatid na ipangaral ang ebanghelyo sa mga bahay-bahay. Isa iyong seryosong paglabag sa mga prinsipyo. Kaya sinabi namin sa kanya ng kasamahan ko sa gawain, “Kailangan nating sumunod sa mga prinsipyo ng bahay ng Diyos sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Salungat doon ang ginagawa mo ngayon at kapag napunta sa Iglesia ang mga di-mananamplataya’t masasama, magagambala noon ang gawain sa bahay ng Diyos. Gayunpaman, mapanganib na mangaral ng ebanghelyo nang ganoon. Kapag may taong tumawag ng pulis, parang itinapon mo ang iyong mga kapatid sa mga leon.” Hindi na nga siya nakinig, inakusahan pa kami na labis na metikuloso sa mga panuntunan. Sa mga pagtitipon, madalas niya kaming pagalitan ng kasamahan ko, hinaharang daw namin ang gawaing pang-ebanghelyo ng bahay ng Diyos. Naramdaman namin na talagang pinipigil niya kami. Noong Disyembre nang taong iyon, lumabas ang mga kaanib namin sa rehiyon para mangaral gaya ng sinabi ni Yan Zhuo at mahigit isandaang katao ang naaresto. Isa itong malaking dagok sa gawain ng bahay ng Diyos, pero ganap na walang pagsisisi si Yan Zhuo. Hindi ko rin siya nakitang nagsuri o malalim na nagnilay sa kayabangan o pagkawalang-ingat niya. Noong Nobyembre 2013, ako ang namahala sa paggawa ng mga video ng iglesia. Napansin kong mayabang niya pa ring ginagawa ang anumang bagay na gusto niyang gawin. Pinapagalitan at kinokondena niya ang sinumang nagpapahayag ng ibang opinyon. Pinigilan niya ang mga video na ipinasa ng mga kapatid para masuri, kaya hindi nakatanggap ang mga kapatid ng payo o tulong mula sa bahay ng Diyos. Binanggit ko sa kanya ang ilang kulang sa kung paano niya ginagawa ang tungkulin niya at nagbigay ng ilang suhestiyon, pero nagpatuloy lang siya gaya ng dati. Hindi siya nakinig, at sinabing ako ang mayabang. Kaya naman noong Mayo 2014, ipinatanggal niya ako at pinauwi sa amin. Pagkauwi ko sa bahay, nagkataong nabasa ko ang ilang prinsipyo tungkol sa pagkilala sa mga anticristo at huwad na pinuno. Habang kinukumpara ko sa kanila ang ugali ni Yan Zhuo, napagtanto ko kung gaano kayabang at malisyoso siya. Palagi siyang walang puso at mapandikta sa kanyang tungkulin. Hindi niya tinanggap ang katotohanan o suhestiyon mula sa mga kapatid, sa halip, kinondena niya ang mga tao. Hindi ba ipinapakita ng asal niya na isa siyang anticristong namumuhi sa katotohanan? Nagulat talaga ako nang makita ko ang asal niya sa kung ano iyon. Sa mahigit dalawang taong gumawa kami nang magkasama, nakita ko ang asal at pamamaraan niya, ngunit itinuring iyon na katiwalian. Hindi ko ginamit ang mga salita ng Diyos para suriin ang likas, diwa, o ang landas niya. Kaya tuwing kasama ko siya, kinailangan ko lang maging mapagparaya at matiyaga, na nakaantala at naka-apekto sa gawain ng bahay ng Diyos. Naisip ko, “Kung magpapatuloy si Yan Zhuo bilang pinuno ng iglesia, mas lalo niyang magagambala ang gawain ng bahay ng Diyos.” Nagpasya akong isumbong ang mga problema niya. Bumigkas ako ng panalangin sa Diyos at sumulat ng liham para isumbong siya. Sa dulo ng sulat, nagdagdag ako ng isang huling bagay. Alam ko noong panahong iyon na may isang video na may ilang problema, kaya hiniling ko sa bahay ng Diyos na siyasatin at suriin iyon.

At noong ipapadala ko na iyong natapos na sulat, nagkaroon ako ng mga pagdadalawang-isip. Naisip ko, “Binigyan ko na siya ng mga suhestiyon noon at ipinunto ko na rin ang mga problema sa kanyang tungkulin, pero hindi iyon naging maayos at pinauwi niya ako. Hindi ko man lang magawa ang tungkulin ko. Kung ipapadala ko ang sulat na ito para isumbong siya tapos nabasa niya ito, aakusahan niya akong nang-aatake ng mga pinuno, ano’ng mangyayari sa akin? Dapat ko na itong kalimutan. Dahil nasa labas na ako, mas mabuting huwag ko nang guluhin ang mga bagay.” Pero naisip ko: “Ginabayan ako ng Diyos na makita na tinatahak ni Yan Zhuo ang landas ng mga anticristo. Kung hindi ko isusumbong ito, ang gawain ng bahay ng Diyos at ang mga kapatid ang pinakamagdurusa. Hindi ba ako magiging katulong ni Satanas at isang masamang tao?” Talagang naglaban ang isip ko sa pagitan ng mga interes ng bahay ng Diyos at ng mga kapatid sa isang panig at sa mga hinahangad ko sa hinaharap sa kabila. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Sa loob ng ilang araw, madalas akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako. Hanggang may nabasa akong mga salita Niya: “Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng lakas ng loob upang ikaw ay magawang perpekto, at hindi mo dapat laging isipin na hindi kaya ng iyong sarili. May pinapanigan ba ang katotohanan? Kaya bang sadyain ng katotohanan ang pagsalungat sa mga tao? Kung hahangarin mo ang katotohanan, kaya ka ba nitong madaig? Kung maninindigan ka para sa katarungan, pababagsakin ka ba nito? Kung tunay ngang ang hangarin mo ay pagsikapang matamo ang buhay, kaya ka bang iwasan ng buhay? Kung wala sa iyo ang katotohanan, hindi ito dahil sa hindi ka pinapansin ng katotohanan, kundi dahil sa lumalayo ka mula sa katotohanan. Kung hindi mo kayang manindigan nang matatag para sa katarungan, hindi ito dahil sa may kamalian ang katarungan, kundi dahil sa naniniwala kang nalilihis ito sa mga katunayan. Kung hindi mo natamo ang buhay matapos mong pagsumikapang hanapin ito sa loob ng maraming taon, ito ay hindi dahil sa ang buhay ay walang konsensya ukol sa iyo, kundi dahil sa wala kang konsensya ukol sa buhay, at naitaboy mo ang buhay. Kung namumuhay ka sa liwanag, at hindi mo nakayang makamit ang liwanag, ito ay hindi dahil sa hindi nagagawa ng liwanag na liwanagan ka, kundi dahil sa hindi mo nabigyang-pansin ang pag-iral ng liwanag, kung kaya’t tahimik kang nilisan ng liwanag. Kung hindi ka naghahangad, masasabi na lamang na ikaw ay walang-halagang basura, at walang lakas ng loob sa iyong pamumuhay, at hindi mo taglay ang espiritu para labanan ang mga puwersa ng kadiliman. Masyado kang mahina! Hindi mo kayang tumakas mula sa mga puwersa ni Satanas na umaatake sa iyo, at ang nais mo lamang ay magpatuloy sa ganitong uri ng ligtas at panatag na buhay at mamatay sa kamangmangan. Ang dapat mong makamit ay ang iyong pagsisikap na malupig. Ito ang iyong nakatakdang tungkulin. Kung sapat na para sa iyo ang malupig, itinataboy mo ang pag-iral ng liwanag. Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Binigyan ako ng pananalig at lakas ng siping ito. Naisip ko. “Hindi ako magpapatalo sa maitim na puwersang ito.” Hindi ako nagkaroon ng pagkilala kay Yan Zhuo noon. Pero ngayon, isinaayos ng Diyos ang mga bagay para makita ko ang likas, diwa at ang sinusundan niyang landas. Dapat nanindigan ako at inilantad ang lahat, pero pinakinggan ko ang pilosopiya ni Satanas na “Hayaang umagos ang mga bagay kung wala naman itong personal na naaapektuhan” alang-alang sa kinabukasan ko. Nakita ko kung gaano ako kasakim, walang konsensya o katinuan. Inisip ko ang mga taong nanampalataya ako sa Diyos at tinamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita Niya. Ngunit ngayon, hindi ko pinapansin ang budhi ko para protektahan ang mga interes ko at nagbubulag-bulagan pa ako sa mga interes ng bahay ng Diyos. Wala akong utang na loob, masama, at kasuklam-suklam! Kaya naisip ko: “Dapat akong kumilos nang may konsiyensiya at pagpapahalaga sa hustisya, isagawa ang katotohanan at protektahan ang gawain ng Diyos.” Kaya lumapit uli ako sa Diyos nang maraming beses para manalangin at ginawa ang resolusyong ito: “Anuman ang maging kalalabasan ng pagsusulat ko ng ulat na ito, hindi ako pwedeng maging katulong ni Satanas para lang sa mga interes ko. Nakita ko ang mga problema kay Yan Zhuo, kaya dapat akong manindigan, ilantad ang kasamaan niya at protektahan ang gawain.” Pinadala ko ang sumbong sa bahay ng Diyos pagkatapos. Napakagaan ng pakiramdam ko pagkatapos noon at nagkaroon ako ng kapayapaan sa puso ko. Balisa akong naghintay araw-araw para magpadala ang bahay ng Diyos ng sisiyasat sa sitwasyon ni Yan Zhuo at para makita ng mga kapatid kung ano talaga ang anticristong iyon at tanggihan siya. Sa kasamaang palad, mas lumala ang sitwasyon ko dahil sa sulat na iyon.

Nung Agosto 2014, pumayag ang iglesia na gampanan ko ulit ang tungkulin. Pero noong kalagitnaan ng Oktubre, dumating ang pinuno na si Li sa tahanang tinutuluyan ko. Tinanong niya nang may masungit na mukha, “Gumawa ka ba ng isang ulat na liham dati?” Sinabi kong oo. Hindi nasisiyahan niyang sinabi, “Si Yan Zhuo ang namamahala sa gawain ng iglesia at madalas ko siyang makausap. Wala akong napansing indikasyon na kumikilos siya gaya ng isang huwad na pinuno o anticristo. Ang ginawa mong sulat ay atake sa mga pinuno at manggagawa.” Hindi ako makapaniwala sa narinig ko nang sinabi niya iyon. Hindi ko inakala ang ganoong kalalabasan matapos maghintay ng apat na buwan. Nanatili akong kalmado sa kabila ng mga sinabi niya. Alam kong ginawa ko ang sulat na iyon tungkol sa kanya alinsunod sa mga katotohanan at prinsipyo. Hindi iyon isang maling akusasyon. Tapos, sinabi ni Pinunong Li, “Nabanggit sa ulat na liham mo ang pagsusuri sa ilang video, kaya gumugol ng dalawang buwan ang bahay ng Diyos sa mga pagsisiyasat at pagsusuri. Malubhang nagambala noon ang gawain ng bahay ng Diyos at nagkasala sa disposisyon Niya.” Sinabi niya rin na iyon ang sinabi ng mga matataas na pinuno. Naiwan akong nanginginig sa pagkabigla dahil sa mga sinabi niya. Hindi ko inakala na magdudulot ang sulat ko ng matinding gambala sa gawain ng bahay ng Diyos at nagkasala sa disposisyon Niya. Kung gaya ng sinabi niya ang mga bagay, nakagawa nga ako ng malaking kasamaan. Naramdaman kong bigla akong naubusan ng lakas at hindi ko mapigilan ang pag-iyak ko. Tapos, sinabi ni Pinunong Li, “Kunin mo ang mga gamit mo, umuwi ka, at magnilay ka. Kapag tapos ka nang magnilay, puwede ka na ulit gumawa.” Naupo ako sa bus habang pauwi ako nang mayroong magulong pag-iisip at may matinding bigat sa puso ko. Napakaraming taon kong nanampalataya sa Diyos, pero naging masamang tao ako na malubhang gumambala sa gawain ng bahay ng Diyos. Napuno ako ng paninisi sa sarili at panghihinayang at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin. Tinawag ko ang Diyos at hiniling na protektahan Niya ang puso ko. Paano man Niya ako pakikitunguhan, susundin ko ang mga pagsasaayos Niya. Hindi ko Siya sisisihin. Matapos magdasal, unti-unti akong kumalma. Tatlong araw pagkauwi ko, pinag-isipan ko ang tungkol sa sinabi ni Li at nagkaroon ako ng ilang tanong: Si Cristo at ang katotohanan ang namumuno sa bahay ng Diyos, at may mga prinsipyo sa ginagawa nito, at sa paghawak nito sa mga tao. Hindi iyon basta susunod sa ilang pansamantalang ugali ng isang tao. Kaya ano ba ang mga prinsipyo nila para ganituhin ako? Totoo ba talaga ang mga sinabi ni Pinunong Li? Hindi ko talaga malaman iyon, pero alam kong anuman ang katotohanan, pinahihintulutan ng Diyos na mangyari ang lahat ng iyon kaya kailangan kong magpasakop. Hindi nagtagal bago ako inilipat sa isang grupo para sa mga pagtitipon. Matapos ang mahigit isang buwan, inatasan akong dumalo sa mga pagtitipon sa bahay kasama ang mama ko, at hindi na kami pinayagang gumawa. Alam ko na noon na iniitsapwera na nila kami. Inisip ko kung paanong nanampalataya ako sa Diyos sa buong panahong ito, pero ngayon hindi lang ako ihinihiwalay sa bahay, ni hindi man lang ako makagawa ng tungkulin. Pakiramdam ko, nawalan talaga ako. Halos gabi-gabi akong nananaginip ng pakikipagtipon at paggawa ng tungkulin ko kasama ang mga kapatid ko. Nagigising ako at hindi na makatulog. Parang napakahaba ng bawat gabi ko, napakahirap tiisin. Kasama kong nagdusa ang mama ko noong mga panahong iyon. Lalo na kapag naririnig ko siyang umiiyak habang nananalangin siya sa Diyos, sinisisi ko ang sarili ko at nakakaramdam ng labis na lungkot. Pakiramdam ko, idinulot ko iyon sa kanya. Ang mga araw na iyon ang pinaka mahirap na pinagdaanan ko mula nang manampalataya ako sa Diyos. Bukod sa patuloy na pananalangin, wala na akong paraan para paginhawahin ang sakit sa puso ko. Kalaunan tinanong ko ang pinuno ng iglesia ko kung puwede na ba akong gumawa uli ng tungkulin ko. Sinabi niya, “Gusto mo pa ring gumawa ng tungkulin mo? Kung hindi ka magninilay gaya ng dapat mong gawin, patatalsikin ka!” Nang marinig ko ito, nakaramdam ako ng labis-labis na kawalan ng pag-asa. Nalaman kong ang paggawa ko sa tungkulin ko’y isang pangarap na lang. Linggu-linggong pumunta sa bahay namin ang mga pinuno para sa isang pagpupulong, pero pumupunta lang sila para magtanong tungkol sa akin kung nagpapalaganap ba ako ng negatibo o bumubuo ng grupo. Kaya sa tuwing pumupunta sila para magtanong tungkol sa akin, nakakaramdam ako ng kalungkutan. Minsan, gusto ko silang tanungin, “Bakit niyo ba ako tinatrato nang ganito? Nagawa kong isumbong si Yan Zhuo batay sa mga prinsipyo. Pero sa halip na imbestigahan siya, ang ginawa niyo’y panatilihin ako sa bahay. May mali ba sa pagsasagawa ng katotohanan?” Talagang sumama ang loob ko. Minsan nga, naiisip ko: “Bakit humantong sa ganito ang pagsasagawa ng katotohanan? Naniniwala akong matuwid ang Diyos pero hindi ko makita ang pagkamakatuwiran Niya sa nangyayari ngayon.” Tunay nga na litung-lito ako. Ginagawa ko na lang ang dapat kong gawin, hindi nagsasalita ng makasalanan o sinisisi ang Diyos. Madalas akong lumapit sa Kanya para manalangin, hinihiling na patnubayan akong maunawaan ang kalooban Niya at hindi magkamali ng pagkaunawa sa Kanya.

Doon sa pinakamahirap, pinakamasakit na panahon ko nabasa ang mga salita ng Diyos. “Paano ba talaga dapat malaman at maunawaan ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Kapag natanggap ng mga matuwid ang Kanyang mga pagpapala at kapag isinumpa Niya ang masasama—ito ang mga halimbawa ng katuwiran ng Diyos. Tama ba ito? Sinasabi na ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama, at na ginagantimpalaan Niya ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Tama iyon, hindi ba? Gayunman, sa mga panahong ito, yaong mga sumasamba sa Diyos ay pinapatay o isinusumpa, o hindi Niya napagpala o kinilala kailanman; gaano man nila Siya sinasamba, hindi Niya sila pinapansin. Hindi pinagpapala ng Diyos ang masasama, ni pinarurusahan sila, subalit sila ay mayayaman at maraming supling, at lahat ay maayos para sa kanila; tagumpay sila sa lahat ng bagay. Ito ba ang katuwiran ng Diyos? Dahil dito, sinasabi ng ilang tao, ‘Hindi matuwid ang Diyos. Sinasamba namin Siya, ngunit hindi Niya kami napagpala kailanman, samantalang sa lahat ng bagay, mas nakakalamang ang masasamang lumalaban at hindi sumasamba sa Kanya at mas mataas ang mga katungkulan kaysa sa amin. Hindi matuwid ang Diyos!’ Ano ang ipinapakita nito sa inyo? Dalawang halimbawa lamang ang ibinigay Ko sa inyo. Alin dito ang bumabanggit sa katuwiran ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao, ‘Parehong nagpapakita ng katuwiran ng Diyos ang mga ito!’ Bakit nila sinasabi ito? Mali ang kaalaman ng mga tao sa disposisyon ng Diyos; umiiral ito sa kanilang sariling isipan at pananaw, sa loob ng isang transakyonal na pananaw, o sa loob ng isang pananaw tungkol sa mabuti at masama, isang pananaw tungkol sa tama at mali, o isang lohikal na pananaw. Ang mga ito ay mga pananaw na hatid nila sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos; ang gayong mga tao ay hindi kaayon ng Diyos, at malamang na labanan Siya nila at magreklamo sila tungkol sa Kanya(“Paano Mauunawaan ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Gagawin ng Diyos ang dapat Niyang gawin, at matuwid ang Kanyang disposisyon. Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito katuwiran. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: magiging matuwid din ang Diyos noon. Bakit ito tinatawag na katuwiran? Mula sa pananaw ng isang tao, kung nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao ang isang bagay, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. … Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? ‘Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong matatalinong gawa?’ Ngayon, dapat mong makita na hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas upang ipakita sa mga tao kung gaano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung paano sila inililigtas ng Diyos; sa huli, dahil sa antas na nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, mamamasdan nila ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, at kapag pinuksa ng Diyos si Satanas, mamamasdan nila ang katuwiran ng Diyos at makikita na kinapapalooban ito ng disposisyon ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi mo ito maarok, hindi ka dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi makatwiran para sa iyo, o kung mayroon kang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at hinihikayat ka nitong sabihin na hindi Siya matuwid, masyado kang hindi makatwiran. Nakikita mo na nakakita si Pedro ng ilang bagay na hindi maunawaan, ngunit sigurado siya na naroon ang karunungan ng Diyos at na nasa mga bagay na iyon ang Kanyang kabutihang-loob. Hindi maaarok ng mga tao ang lahat ng bagay; napakaraming bagay silang hindi nauunawaan. Sa gayon, hindi madaling malaman ang disposisyon ng Diyos(“Paano Mauunawaan ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nagliwanag ang mga salita ng Diyos na parang isang ilaw sa dilim at bigla kong naunawaan ang lahat ng ito. Hindi ko makita ang katuwiran ng Diyos dahil sinusubukan kong unawain iyon gamit ang mga kuru-kuro at haka-haka ko. Nang makita ko ang mga anticristo’t huwad na pinuno na ginagambala ang gawain ng bahay ng Diyos, naniwala akong ang tapat na pagsusumbong sa kanila’y mabuti at matuwid na gawain na makakapagbigay sa akin ng pabor at proteksyon ng Diyos. Inakala kong agad-agad silang pakikitunguhan, at iyon lang ang katuwiran ng Diyos. Pero matapos kong iulat ang mga isyung ito ay nagpatuloy sila sa mga posisyon nila at kumilos pa rin nang walang habas, samantalang ako ang pinigilan at saka nilayuan ng mga tao. Sinimulan kong pagdudahan ang katuwiran ng Diyos sa puntong iyon. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na matuwid ang diwa Niya. Sang-ayon man o hindi ang mga kilos Niya sa mga kuru-kuro natin, lagi noong ipinapahayag ang Kanyang katuwiran. Kagaya lang iyon ng mga pagsubok ni Job. Isa siyang perpektong tao sa mga mata ng Diyos, pero ibinigay siya ng Diyos kay Satanas at kinuha ang lahat ng kayamanan at mga anak niya. Ito ang katuwiran ng Diyos. Natakot si Job sa Diyos at umasa sa kanyang pananalig para matibay at malakas na magpatotoo sa Diyos. Kaya pinagpala siya ng mahabang buhay, mas maraming kayamanan, at mas mabuting mga anak. Katuwiran din ito ng Diyos. Ipagpalagay na matapos sumaksi si Job sa Diyos, hindi siya pinagpala ng Diyos, sa halip ay winasak siya. Iyon ay katuwiran din Niya. Likas na matuwid ang diwa at disposisyon ng Diyos kaya lahat ng ginagawa Niya ay matuwid. Naisip ko si Pedro na sumailalim sa maraming pagsubok at pagpipino, ngunit pinuri pa rin niya ang katuwiran ng Diyos. Hindi niya maunawaan ang lahat ng nangyari pero nagtiwala siya na ang katuwiran at karunungan ng Diyos ang nasa likod noon. Tapos ako naman—hindi ko tunay na naunawaan ang katuwiran ng Diyos sa halip, kinilatis iyon ayon sa anyo ng mga bagay-bagay, kung ang kinalabasan ba’y ayon sa mga kuru-kuro ko. Kapag ang ginawa ng Diyos ay akma sa mga kuru-kuro ko at pinakinabangan ko, naniniwala ako sa katuwiran Niya. Pero kapag naghanda Siya ng mga sitwasyon na hindi ko pinakinabangan, nagsimula akong magduda sa katuwiran Niya, naniniwalang hindi patas ang mga bagay na inihanda Niya. Kahit hindi ko kailanman hayagang sinisi ang Diyos, patuloy akong nakikipagtalo sa Kanya sa puso ko. Nakita ko kung gaano ako naging walang isip. Hindi naging di-matuwid ang Diyos. Ako ang hindi nakaunawa sa Diyos. Naging napakasakim ko at mapanlinlang. Hindi ko hinahanap ang katotohanan o natututo sa sitwasyong inihanda Niya para sa akin. Sa halip, nahumaling ako sa sarili kong kinabukasan at mga interes, kaya paanong hindi ako makakaramdam ng hirap at mahuhulog sa dilim? Naunawaan ko sa wakas ang kalooban ng Diyos. Ginagamit Niya ang sitwasyong ito para baguhin ang mga mali kong pananaw para hindi ko na subukang unawain ang katuwiran Niya sa pamamagitan ng mga kuru-kuro ko. Ramdam kong naunawaan ko na sa wakas ang nangyayari. Nanalangin ako sa Diyos, handang magpasakop sa mga pagsasaayos Niya at unawain Siya sa sitwasyong ito.

Tapos, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Halos lahat ng tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos. Hindi talaga iyon isang bagay na madaling unawain; kailangan munang malaman ng isang tao na may isang plano sa lahat ng gawain ng Diyos at ginagawang lahat iyon sa takdang panahon ng Diyos. Palaging hindi naaarok ng tao kung ano ang ginagawa ng Diyos at kung kailan Siya gumagawa; ginagampanan ng Diyos ang isang gawain sa isang partikular na panahon, at hindi Siya nagpapaliban; walang sinumang makakasira sa Kanyang gawain. Ang gumawa ayon sa Kanyang plano at ayon sa Kanyang layunin ang siyang prinsipyong sinusunod Niya sa pagganap sa Kanyang gawain, at hindi ito mababago ng sinumang tao. Sa gayong paraan, dapat mong makita ang disposisyon ng Diyos(“Tanging sa Pamamagitan ng Pagkilala sa Pagkamakapangyarihan ng Diyos Magkakaroon Ka ng Totoong Paniniwala” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang layunin ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang layunin ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, mga kinakailangan ng Diyos, at ang kalooban ng Diyos para sa tao, Sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na sundin ang dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang hambingan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, pakikialam, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman at pagsunod sa Diyos, at ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Kanya, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa nasasakupan ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na kumikilos Siya nang may prinsipyo at laging sa sarili Niyang panahon, at ang katuwiran at karunungan Niya ang nasa likod nito. Inakala kong ang katuwiran ng Diyos ay nangangahulugan ng agarang pagganti at dapat maparusahan agad ang lahat ng masasamang tao. Pero kung nangyari iyon gaya ng inakala ko, paano Niya ilalantad ang lahat ng uri ng tao at tutulutan ang mga pinili Niya na magkamit ng pagkilala? Pinahihintulutan Niya ang mga anticristo at huwad na pinuno na lumitaw sa iglesia para gamitin ang mga taong ito na tulungan tayong lumago sa buhay, para itulak tayong hanapin ang katotohanan. Kapag nakilala na natin sila gamit ang mga prinsipyo ng katotohanan, doon na natin nauunawaan at napapasok ang katotohanan. Kapag nangyari iyon, nagawa na ng mga anticristo’t huwad na pinuno ang layunin nila. Kahit na ilang mga anticristo at huwad na pinuno ang nasa kapangyarihan sa simbahan noong panahong iyon at tila nagagawang kontrolin at linlangin ang tao, si Cristo at ang katotohanan pa rin ang naghari sa buong iglesia kaya malalantad at mapapatalsik din silang lahat kalaunan.

Napagtanto ko rin kung gaanong mapanira at malisyoso ang likas ng mga anticristo, at sila’y lubusang walang pagkatao. Reputasyon at katayuan lang ang iniintindi nila at hindi ang tungkol sa pinili ng Diyos. Ang sinumang manghimasok sa kanilang mga interes ay nagiging isang tinik sa kanilang tagiliran. Aatakihin at paghihigantihan nila ang taong iyon, hindi titigil hanggang sa mapagod sila. Kumikilos sila gaya ng ginagawa ng demonyong si Satanas. Hangga’t hindi napapatalsik ang mga anticristo, hindi magkakaroon ng kaginhawahan ang mga pinili ng Diyos para mamuhay ng buhay-iglesia at gawin ang tungkulin nila. Pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito sa akin para talagang makita ko sa mga taong ito kung gaano nila nilinlang at pininsala ang iba, makilala ang likas at diwa nila, maintindihan ang mga erehe nilang kamalian at matakasan ang kanilang panloloko. Gusto rin Niyang matuto ako sa mga mali nila para hindi ko tahakin ang maling landas. Pinakita sa akin na talagang inaayos Niya ang sitwasyong ito para iligtas at gawin akong perpekto. Gaya ng sabi ng mga salita ng Diyos: “Sa pamamagitan ng maraming salungat at negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapakita ni Satanas—mga kilos nito, mga paratang, mga paggambala at panlilinlang—malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang nakakatakot na mukha ni Satanas, at sa gayo’y ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at talikuran ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Salamat sa gabay ng Diyos na maunawaan ko ang mga pagsisikap Niya at sa pag-akay Niya sa akin palabas ng kadiliman.

Noong Enero 2015, sumulat ako ng isa pang liham na nagsusumbong kay Yan Zhuo. Araw-araw akong balisang naghintay na magpadala ang bahay ng Diyos ng magsisiyasat sa kanya. Pero dalawang buwan ang lumipas at naghihintay pa rin ako ng taong magsisiyasat noon. Dumating ang pinuno ng iglesia namin para paulit-ulit akong kwestyunin, “Mayroon ka bang problema sa Diyos o kaya’y sa bahay ng Diyos?” Nagsimula akong mag-alala nang sinabi niya iyon, at bigla ko tuloy naisip kung ano’ng mangyayari sa akin ngayong ginawa ko ang sulat na iyon. Naisip ko, “Nakahiwalay na nga ako mula sa iba, kaya kapag may nangyari pa, mapapatalsik na ako sa iglesia.” Bigla ko na lamang napagtanto na nagsimula na naman akong magduda sa katuwiran ng Diyos. Dali-dali akong nanalangin sa Diyos, ang sabi ko, “Diyos ko, kinikilala ko sa salita ang katuwiran Mo at naniniwala akong si Cristo at ang katotohanan ang naghahari sa bahay ng Diyos. Pero nang sinubok ng panahon at mga katotohanan, nakita ko kung gaano kaliit ang pananampalataya ko at hindi ko pa rin nauunawaan ang katuwiran Mo. Gusto kong bitawan ang mga interes ko at magpasakop sa mga pagsasaayos Mo. Gabayan Mo akong maunawaan ang Iyong kalooban.” Tapos nabasa ko ang mga salita Niya, “Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano ka ba dapat mamuhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para bigyang-kasiyahan ang Kanyang kagustuhan? Walang bagay na hihigit pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga hangarin at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang gulugod, mga mahihinang nilalang. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili na walang sigla sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan. At pagkatapos, magkakaroon ka pa ba ng isa pang pagkakataon para ibigin ang Diyos? Maaari bang ibigin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng mga hangarin at ng konsensya na katulad ng kay Pedro. Ang buhay mo ay dapat na maging makahulugan, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Ipinakita sa akin nito na ang pineperpekto Niya ay ang paghahangad natin sa katotohanan at katuwiran. Ano mang hirap, kabiguan, o atakeng kinakaharap natin, hindi tayo puwedeng umatras, kundi mabuhay tayo para sa Diyos at katotohanan. Huwag tayong susuko sa pwersa ni Satanas. Saka lang tayo magkakamit ng katotohanan at gagawing perpekto. Hindi ko tinataglay ang ganoong uri ng pagpapasya at paghahangad. Kahit nagdasal ako sa Diyos na protektahan ang gawain ng bahay Niya at isagawa ang katotohanan, sa sandaling makita kong lumilitaw ang masasamang puwersa, natakot akong masakal at naduwag pa. Hindi ko pa pala tunay na nauunawaan ang katuwiran ng Diyos at sarili ko lang ang iniisip ko kapag may nangyari nang mga bagay. Tapos naisip ko iyong isang bagay na sinabi ng Diyos: “Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan.” Talagang tutuparin ng Diyos ang sinasabi Niya, at tatagal nang walang hanggan ang ginagawa Niya. Bawat masamang tao’y pagdurusahan ang parusa ng katuwiran ng Diyos. Gaano man katagal ang abutin o paano man iyon mangyari, sa huli, laging mangyayari ang mga sinasabi ng mga salita ng Diyos. Kaya naisip ko, “Kailangan kong bitiwan ang mga kuru-kuro ko, at ang mapanlinlang na sataniko kong disposisyon, magtiwala sa mga salita ng Diyos. Hindi ako yuyuko sa puwersa ni Satanas!” Nang mapagtanto ko ito, unti-unti akong kumalma at tumigil na rin sa matinding pag-aalala.

Noong Abril 2015, tumatanggap na ako ng mga sulat galing kay Pinunong Li at sa ibang mga pinuno at manggagawa tungkol sa kung paano sila nilinlang ni Yan Zhuo, at paano sila nagdulot ng malaking pinsala sa akin. Humingi sila ng paumanhin. At sa sulat niya, inamin ni Pinunong Li, “Hindi ang mga mataas na pinuno ang nag-akusa sa iyo ng panggagambala sa gawain ng iglesia, kundi si Yan Zhuo.” Alam ko na noon pa na nabasa ni Yan Zhuo ang mga sulat ko para isumbong siya. Para iligtas ang sarili niya, naghanda siya ng ebidensya para mapatalsik ako, pero nakita ng ilang pinuno at manggagawa ang mga problema sa kanya, kaya nagpadala sila ng sulat sa bahay ng Diyos para isumbong siya. Habang binabasa ko ang lahat ng sulat na ito, nakahinga ako nang maluwag. Lumuhod ako sa harap ng Diyos at umiyak ako. Pakiramdam ko’y napakalaki ng utang na loob ko sa Kanya noong sandaling iyon. Naniwala ako sa Kanya sa loob ng napakaraming taon pero lagi ko lang nakikita ang katuwiran Niya sa pamamagitan ng imahinasyon ko. Kapag may mga problema, inaangkop ko iyon sa kung ano’ng inaakala ko, at kapag hindi iyon umubra, hindi ko nauunawaan at sinisisi ko ang Diyos. Pero hindi Niya pinansin ang kahinaan at ang katiwalian ko at ginabayan ako sa pinakamasakit at hindi-mababatang panahon. Ipinakita sa akin ng karanasang ito na ginagamit ng Diyos ang espirituwal na labanang ito ng pagkilala ng mga huwad na pinuno para baguhin ang mga mali kong kuru-kuro at bigyan ako ng tunay na pagkaunawa sa Kanyang katuwiran. Napagtanto ko rin na tinitingnan ko ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng imahinasyon ko. Nilalapastangan at nililimitahan ko Siya, at nagkasala ako sa Kanyang disposisyon. Ipinakita sa akin ng karanasang ito na matuwid ang diwa ng Diyos. Umaayon man o hindi ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, ito’y paghahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling tunay na diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong relasyon o mga ugnayan sa alinman sa nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging bahagi ng nilikha, at kahit na maging kaanib Siya ng mga nilikhang nilalang, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatuwid, ang pagkakilala sa Diyos ay hindi pagkakilala sa isang bagay; hindi ito pagsusuri sa isang bagay, ni pag-unawa sa isang tao. Kung ginagamit ng tao ang kanyang konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi ka kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatuwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan. Higit pa riyan, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi katugma ng tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong pag-iisip upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging landas ay ito: tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na liliwanagan ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipagtulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II).

Noong Mayo 2015, si Yan Zhuo ay pinatalsik sa Iglesia dahil sa kanyang mga kasamaan. Ang malalapit niyang kaibigan at kasabwat ay pinarusahan din. Nang mabasa ko ang abiso ng pagpapatalsik, naramdaman ko sa puso ko kung gaano kamakatuwiran ang Diyos, Ang katotohanan at si Cristo ang naghahari sa bahay ng Diyos! Salamat sa Diyos!

Sinundan: 59. Ang Bunga ng Isang Matapat na Ulat

Sumunod: 61. Ipinakita sa Akin ng Katotohanan ang Daan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito