37. Ang Diyos Ay nasa Aking Tabi
Ipinanganak ako sa isang Kristiyanong pamilya, at noong ako ay isang taong gulang, tinanggap ng aking ina ang bagong gawain ng nagbalik na Panginoong Jesus—ang Makapangyarihang Diyos—bagama’t matinding sumasalungat dito ang aking lola. Naaalala ko noong ako ay maliit pa, madalas na sinasabi sa akin ng aking lola, “Kung hindi mabuti ang pakiramdam mo, o kaya’y hindi mo kayang gawin ang iyong takdang aralin, manalangin ka lamang sa Panginoong Jesus. Bibigyan ka Niya ng katalinuhan at karunungan, at iingatan ka Niya.” Ang aking ina, gayunpaman, ay madalas na nagsasabi sa akin, “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at nilikha Niya ang sangkatauhan. Siya ay palagi nating kasama. Tandaan mo na manalangin sa Makapangyarihang Diyos kapag napapaharap ka sa anumang suliranin at babantayan ka at proprotektahan ka Niya.” Ang dalawang magkaibang tinig na ito ay madalas na nauulinigan ko sa aking mga tainga. Minsan ay tinanong ko ang aking ina nang walang katiyakan, “Gusto ni lola na manalangin ako sa Panginoong Jesus at gusto mo na manalangin ako sa Makapangyarihang Diyos. Kanino ako dapat makinig?” Sinabi niya, “Sa katunayan, ang Panginoong Jesus at ang Makapangyarihang Diyos ay iisang Diyos. Nangyari lamang na ang mga panahon ay magkaiba, ang mga pangalang ginagamit ng Diyos ay magkakaiba, at ang gawain na ginagawa Niya ay nagkakaiba rin. Ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya at ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kaharian. Binabago Niya ang paraan ng paggawa Niya sa bawa’t kapanahunan, at binabago rin Niya ang Kanyang pangalan. Subali’t kung paano man magbago ang Kanyang pangalan at Kanyang gawain, ang Kanyang esensiya ay hindi nagbabago. Halimbawa, ngayon ay nakasuot ka ng pula sa pagpasok sa paaralan at bukas ay magsusuot ka ng asul sa pagpunta sa isang restawran—bagama’t nakasuot ka ng magkaibang damit, at gumagawa ng magkaibang mga bagay sa magkaibang mga lugar, ikaw pa rin iyon. Subali’t kapag sumapit ang bagong kapanahunan ng Diyos, kailangan nating sumabay sa Kanyang bagong gawain. Kaya dapat tayong manalangin sa Makapangyarihang Diyos ngayon.” Bagama’t nakinig ako sa paliwanag ng aking ina, litung-lito pa rin ako at may pag-aalinlangan pa rin sa bagong gawain ng Makapangyarihang Diyos.
Noong Agosto 2014, dumating ako sa Estados Unidos upang mag-aral sa ibang bansa. Dumating din ang aking ina pagkalipas ng ilang buwan at nakipag-ugnayan sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa US. Mula noong sandaling iyon, unti-unti ay nagsimula kong madama ang pag-iral ng Makapangyarihang Diyos. Nang kararating ko lamang sa US para sa aking pag-aaral, napag-alaman ko na mahirap talagang makasanayan ang buhay rito, lalo na ang pamumuhay sa tahanan ng iba nang mag-isa lamang ako. Mahiyain talaga ako, kaya takot akong matulog nang mag-isa. Sinabi sa akin ng aking ina, “Dapat tayong maniwala na ang awtoridad ng Diyos ay namumukod-tangi. Si Satanas at ang mga demonyo ay nasa ilalim din ng Kanyang awtoridad, kaya kapag ikaw ay natatakot sa gabi manalangin ka lamang sa Diyos. Hangga’t ang Diyos ay nasa iyong puso, hindi makalalapit si Satanas sa iyo.” Sa tuwing nakikinig ako sa aking ina na nagsasalamuha, payapang-payapa at maginhawang-maginhawa ang pakiramdam ko.
Noong Disyembre 2015 ay nagsimula akong dumalo sa mga pagtitipon sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, subali’t dahil wala pa rin akong ganoong pagkaunawa tungkol sa mga bagay ng pananampalataya, madalas ay kailangan kong puwersahin ang aking sarili na dumalo. Pagkatapos lamang na maranasan ang dalawang pangyayari saka ako nagkaroon ng praktikal na pagpapahalaga sa totoong pag-iral ng Diyos, kung saan pagkatapos niyon ay napatunayan ko mula sa kaibuturan ng aking puso na ang Makapangyarihang Diyos ay ang isang totoong Diyos, at na lagi Siyang nasa aking tabi …
Biyernes ng hapon noon at mayroon na lamang akong isang klase sa sining na natitira bago ako matapos sa paaralan sa araw na iyon at maaari nang makauwi. Biglang sinabi sa akin ng isang kaklase, “Lumiban tayo sa ating huling klase at magtungo sa bayan upang kumain at magtingin-tingin sa mga bilihan. Narinig ko na may bagong seafood restaurant na talagang masarap.” Pagkarinig nito, natukso ako—wala akong anumang kinain nang tanghalian at gutom talaga ako. Kumukulo ang aking sikmura, halos parang pinipilit ako na magmadali patungo sa “seafood restaurant”. Subali’t nag-aatubili pa rin ako. “Hindi ako kailanman lumiban sa klase,” sa isip-isip ko. “Paano kung mahuli ako?” Subali’t naisip ko naman: “Si Xiaoli na kaklase ko ay lumiliban kahit sa mga importanteng klase at nagawa ito nang napakaraming beses nang walang nakakaalam, kaya hindi rin ako mahuhuli.” Pumayag ako samakatwid na sumama sa aking kaklase at sinabi sa aking guro sa sining na ipagpaumanhin ang aking pagliban, sinasabi na kailangan kong magtungo sa doktor nang tanghaling iyon at kailangang umalis nang maaga. Pagkatapos, kami ng aking kaklase ay sumakay ng taksi patungong bayan upang magtingin-tingin sa mga bilihan at kumain, at hindi ako nakauwi hanggang alas-otso o alas-nuwebe ng gabing iyon. Pagkabalik, nakatanggap ako ng email mula sa tagapangasiwang guro ng mga estudyanteng mula sa ibang bansa na hinihiling sa akin na dalhin ang dokumento mula sa aking pagbisita sa doktor sa pagpasok ko sa paaralan. Pagkakita niyon, nataranta ako, at dali-dali naming pinag-usapan ito ng aking mga kaklase. Sinabi ng isa, “Hindi mo na kailangang magbigay ng anumang dokumento sa guro. Pribado iyon.” Nadama ko na tama ang sinabi niya, subali’t dahil ako ang may mali sa bagay na ito, nahiya akong galit na makipagtalo para sa aking sariling kapakanan. Sa gayon ay humingi ako ng tulong sa aking kasera na mag-isip ng paraan para makalusot. Sinabi niya sa akin na magtungo sa taong tagapangasiwa at aminin ang aking pagkakamali. Pagkatapos makinig sa sinabi niya, ang aking puso ay kabadung-kabado—hindi ko alam kung dapat akong umamin sa aking pagkakamali o magpatuloy sa aking panloloko. Pabiling-biling ako nang gabing iyon, hindi makatulog. Gusto kong aminin ang aking pagkakamali, subali’t natatakot ako sa kung ano ang iisipin sa akin ng aking guro at mga kaklase, na ang positibong imahe na aking iniingatan ay masisira sa isang kisap-mata. Sa gitna ng aking pighati, lumapit ako sa Diyos upang manalangin at maghanap, at pagkatapos ay binasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ngunit hindi ganito ang mga taong mapanlinlang. Nabubuhay sila batay sa pilosopiya ni Satanas at sa sarili nilang mapanlinlang na kalikasan at diwa. Kailangan nilang mag-ingat sa lahat ng ginagawa nila dahil kung hindi ay masama ang iisipin ng iba sa kanila; sa lahat ng ginagawa nila, kailangan nilang gamitin ang sarili nilang mga pamamaraan, at ang sarili nilang mapanlinlang at buktot na mga pakana, para pagtakpan ang tunay na layunin nila, sa takot na sa malao’t madali ay mailantad nila ang sarili nila—at kapag nailantad na nga nila ang tunay nilang sarili, kailangan nilang baligtarin ang mga bagay-bagay. May mga pagkakataon na, habang sinusubukan nilang maituloy pa rin ang kanilang pagpapanggap, hindi iyon ganoon kadali, at kapag hindi maganda ang nangyayari, nag-aalala sila, natatakot na mahalata ng iba ang tunay nilang pagkatao. At kapag nangyari nga iyon, pakiramdam nila ay napahiya sila sa iba, at pagkatapos ay kailangan nilang mag-isip ng masasabi para mabaligtad ang sitwasyon. … Walang tigil sa pagtakbo ang utak nila sa pag-iisip kung paano ka hahadlangang magkamali sa pag-unawa sa kanila, paano ka makukumbinsi na walang masamang hangarin sa mga salita at kilos nila, upang tanggapin at paniwalaan mo sila. Kaya nga paulit-ulit nila iyong pinag-iisipan. Kapag hindi sila makatulog sa gabi, pinag-iisipan nila iyon; sa araw, kung hindi sila makakain, pinag-iisipan nila iyon; o kung kumokonsulta sila sa iba tungkol sa iba pang isyu, patuloy pa rin nilang sinusuri ito. Palagi silang magkukunwari para maramdaman mo na hindi sila ganoong klaseng tao, na mabuting tao sila, o para maramdaman mong hindi iyon ang ibig nilang sabihin” (“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sunud-sunod, bawa’t isa sa mga salita ng Diyos ay naglantad sa aking mga iniisip, na para bang biglang suminag ang liwanag sa madilim na panig ng aking puso, inilalantad ito sa liwanag, kaya talagang hiyang-hiya ako at walang mapagtaguan. “Totoo ito!” sa isip-isip ko. “Lumiban ako sa klase at nagsinungaling, at pagkatapos ay hindi lamang ako hindi nagkusang umamin sa aking pagkakamali, bagkus ay pinapuputok ang aking isip para pagtakpan ang aking kasinungalingan, para pagtakpan ang katotohanan. Hindi ako nakaramdam ng kahit bahagya mang pagkabagabag o pagsisisi. Pakiramdam ko pa nga ay hindi dapat makialam ang gurong tagapangasiwa ng mga estudyanteng mula sa ibang bansa. O! Ang ganitong uri ng asal ay mapaghimagsik laban sa Diyos at kasuklam-suklam ito sa Diyos! Wala ni isa sa aking mga inisip o ginawi ang kahit bahagya ay naaayon sa mga kinakailangan ng Diyos—hindi ganito ang nararapat na asal ng isang mananampalataya sa Diyos! Hindi, hindi ko dapat lutasin ang aking mga problema sa paraan ng mga di-mananampalataya. Kailangan kong magsisi sa Diyos at kumilos nang ayon sa Kanyang mga kinakailangan. Kailangan kong magsalita nang tapat at maging isang matapat na tao.”
Kaya, nang sumunod na araw ng pagpasok sa paaralan nagtungo ako sa guro at inamin ang aking pagkakamali sa pagliban sa klase. Nagulat ako nang hindi man lamang ako pinuna ng gurong tagapangasiwa, bagkus ay sinabi na ako ay napakatapat at mabuti na kayang umamin sa isang pagkakamali! Subali’t mayroon pa ring parusa sa pagliban sa klase, kaya sinabihan akong kailangan kong manatili nang isang class period pagkatapos ng mga klase, nang sa gayon ay mapag-isipan ko ang nagawa ko. Bagama’t tumanggap ako ng napakaliit na parusa sa pagliban sa klase at pagsisinungaling, nadama ko na ito ay pagproprotekta ng Diyos sa akin. Kalaunan, nagsalamuha ako sa aking kapatid-na-babae sa iglesia tungkol sa pangyayaring ito sa isang pagtitipon. Pagkatapos makinig sa aking salaysay, binasa niya sa akin ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Bakit isinasaayos ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ibunyag kung sino ka o upang ilantad ka; ang paglalantad sa iyo ay hindi ang panghuling layunin. Ang layunin ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano iyan ginagawa ng Diyos? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, ng iyong kalikasan at diwa, ng iyong mga pagkukulang, at kung ano ang kulang sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito at pagkakaroon ng malinaw na pag-unawa ng mga ito mo lamang makakayang itaguyod ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon” (“Para Tamuhin ang Katotohanan, Dapat Matuto Ka mula sa mga Tao, mga Pangyayari, at mga Bagay sa Paligid Mo” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pamamagitan ng pagsasalamuha sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit walang nangyari kahit lumiban sa klase ang aking mga kaklase nang napakaraming beses, nguni’t nahuli ako ng guro sa unang pagkakataon: Tunay na ito ay kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Iniayos Niya ang kapaligiran sa isang praktikal na paraan upang ilantad ako, ituwid ako, at disiplinahin ako; ginawa ito nang sa gayon ay maunawaan ko ang aking sariling makasatanas na kalikasan at malaman ang aking tiwaling disposisyon ng pagsisinungaling at pandaraya, at sa gayon ay maghabol sa katotohanan, maging isang matapat na tao, at isabuhay ang isang pantaong wangis. Ito ang Diyos na umiibig at nagliligtas sa akin! Noong nakalipas, pinupuri ako ng lahat sa pagiging isang mabuting bata, at iniisip ko rin palaging ganoon nga. Subali’t sa pamamagitan ng paghahayag ng mga katunayan at pagiging hinatulan at inilantad ng mga salita ng Diyos, natanto ko sa wakas ang kabuktutan at panlilinlang ng aking sariling kalikasan. Nagawa kong magsinungaling at mandaya nang walang pakundangan, at ako ay talagang maliit sa pangangatawan; sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar, nakaya kong makihalubilo sa mga di-mananampalataya at mamuhay sa loob ng aking mga tiwaling disposisyon, sa gayon ay ipinapahiya ang pangalan ng Diyos. Binigyan ako ng guro ng detensyon—bagama’t nagdusa ako nang kaunti sa laman, itinanim nito sa akin ang aral na ito, at hindi na ako kailanman muling magsisinungaling o mandaraya sa hinaharap. Kung nakalusot ako sa pagliban sa klase sa pagkakataong iyon, magagawa ko uli iyon sa harap ng mga pagsubok at tukso. Pagkatapos, magsisinungaling at magsisinungaling na lamang ako, magiging higit at higit pang palatakas at tuso, at sa huli ako ay lubusang matatangay ni Satanas. Sa panahong iyon hindi na ako kikilanin ng Diyos sapagka’t iniibig at inililigtas Niya ang mga matapat na tao at kinamumuhian at inaalis ang mga tusong tao. Sa sandaling iyon sa wakas ay nakita ko nang malinaw kung gaano katinding pinsala ang ginagawa ng pagsisinungaling, at nakita ko rin kung gaano kakritikal, gaano kaimportante na maging isang matapat na tao!
Nagkaroon kami ng pagsusulit sa matematika hindi nagtagal pagkatapos niyon. Habang nagbabalik-aral ako nang sinusundang gabi, natuklasan ko na marami pa ring paksa na hindi ko pa nakakabisado. Dahil ang pagsusulit ay sa susunod na araw, nag-alala talaga ako. Dahil ang mga grado ng terminong iyon ang pinakamahalaga para makapasok sa unibersidad, titingnan nila ang aking mga grado mula sa taong iyon, at kung bumagsak ako sa matematika, masasayang lahat ang aking pinaghirapan nang nakaraan. Lalo kong iniisip ang tungkol dito, lalo akong nag-aalala. Nang sumunod na araw, literal na ilang minuto lamang bago ang pagsusulit, bigla kong natanto na nakalimutan kong dalhin ang aklat-talaan na sinulatan ko ng lahat ng pormula. Talagang litung-lito ako. Palihim kong naisulat ang maraming halimbawang katanungan sa aklat-talaang iyon, subali’t dahil wala ito ngayon, siguradong babagsak ako sa pagsusulit. Pinanghahawakan ang katiting na pag-asa, tumingin-tingin ako sa paligid, umaasang aksidenteng nahulog ko ito saanman sa sahig. Habang lumilinga-linga ako, nasiglawan ko ang mga sagot sa pagsusulit ng estudyanteng nakaupong kasunod ko. Natuwa ako rito sa di-inaasahang magandang kapalaran, pakiramdam ko’y parang bigla akong nakakita ng isang sinag ng pag-asa. Panakaw kong sinulyapan ang guro at nakitang subsob siya sa gawain sa harap ng kompyuter. Dali-dali kong pinasadahan ng tingin ang lahat ng mga katanungan ng pagsusulit sa matematika at pagkatapos ay tinapik ang estudyanteng kasunod ko, sinesenyasan siya na pagkumparahin ang aming mga sagot. Bagama’t sinabi ko na gusto kong pagkumparahin ang mga sagot, sa katunayan gusto kong kopyahin ang kanyang mga sagot. Parang nakabitin sa buong oras, palihim akong nakatapos sa buong pagsusulit sa matematika sa ganitong paraan.
Akala ko’y nalampasan ko na sa wakas ang asignatura na pinakamahina ako at nagpaplano nang umuwi upang magbakasyon. Subali’t sa aking pagkagulat, pagkalipas ng ilang araw nagdaos ng pagpupulong ang paaralan para sa mga magulang at mga tagapangalaga, at ang kasera ko ang pumunta para sa akin upang kunin ang aking report card. Sinabi niya na nakakuha ako ng magagandang grado sa lahat, subali’t ang aking grado sa matematika ay hindi naipasok kasama ng iba dahil nagsuspetsa ang paaralan na maaaring may usapin sa akademikong integridad. Nang marinig ko ito, pakiramdam ko’y parang biglang nahulog ang puso ko—alalang-alala at tarantang-taranta ako, at hindi ko alam ang gagawin. Inisip ko sa aking sarili nang paulit-ulit: “Usapin sa akademikong integridad? Nalaman kaya nilang kinopya ko ang mga sagot ng aking kaklase? Kung ganoon nga, anong gagawin ko? Ang pladyarismo ay isang napakaseryosong problema at maaari itong makaapekto sa aking pagkakataong makapasok sa unibersidad. Subali’t ngayon mismo, nagsususpetsa pa lamang naman ang paaralan, kaya mayroon pa rin akong pag-asa. Magiging maayos ito hangga’t makapagbibigay ako ng malinaw na paliwanag, subali’t paano ko ito ipapaliwanag? Talagang nakagawa ako ng pladyarismo. Marahil ay dapat lamang akong pumunta at aminin ito?” Naglalaro ito nang paulit-ulit sa aking isipan. Iminungkahi ng aking mga kaklase na huwag kailanmang aminin ito anupaman ang mangyari, na dapat lamang akong gumawa ng anumang dahilan at makalusot sa pamamagitan nito. Subalit naisip ko naman: “Hindi dapat gawin iyon ng isang mananampalataya sa Diyos. Ano na ang gagawin ko?” Nangyari na may pagtitipon ang iglesia nang gabing iyon, kaya ibinahagi ko sa aking mga kapatid-na-babae ang tungkol sa sitwasyon ko. Pinabasa ako ng isa sa mga kapatid ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, nakarinig na ang mga tao ng napakaraming sermon tungkol sa katotohanan at nakaranas na ng malaking bahagi ng gawain ng Diyos. Magkagayunman, dahil sa panghihimasok at paghadlang sanhi ng iba’t ibang kadahilanan at mga sitwasyon, hindi maaaring magtagumpay ang karamihan sa mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nila mapapalugod ang Diyos. Lalong naging matamlay at lalong nawalan ng tiwala ang mga tao. … Nais lamang ng Diyos na ipagkaloob ang mga katotohanang ito sa kanila at pagtibayin ang mga ito sa Kanyang daan, at pagkatapos ay magpaplano Siya ng iba-ibang sitwasyon upang subukan sila sa iba’t ibang paraan. Ang Kanyang layunin ay gamitin ang mga salitang ito, ang mga katotohanang ito, at ang Kanyang gawain, at magdulot ng isang kahihinatnan kung saan may kakayahan ang mga tao na magkaroon ng takot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Karamihan sa mga taong nakita Ko ay itinuturing lamang ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina, mga titik lamang na nakasulat sa papel, mga regulasyong susundin. Sa kanilang mga kilos at pananalita, o habang nahaharap sa mga pagsubok, hindi nila iginagalang ang daan ng Diyos bilang daan na dapat sundan. Lalong totoo ito kapag nahaharap ang mga tao sa malalaking pagsubok; wala pa Akong nakitang tao na nagsasagawa sa direksyon ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Nakadama ako ng pagsisisi sa aking puso pagkabasa ng mga salitang ito. Bagama’t nakakaunawa ako ng kaunting katotohanan tungkol sa pagiging isang matapat na tao at hindi pa nagtatagal na napasailalim sa pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos sa larangang iyon, sa sandaling napaharap ako sa isa pang pagsubok ay hindi ko pa rin nakayang isagawa ang katotohanan. Malinaw na malinaw sa akin na mali ang pladyarismo, ngunit alang-alang sa aking sariling mga grado, kinalimutan ko nang husto ang tungkol sa katotohanang hinihingi ng Diyos na tayo ay maging mga matapat na tao. Hindi lamang sa hindi ako tumayong saksi, bagkus naipahiya ko ang Diyos. Hindi ako makatulog nang gabing iyon, naglalaro ito nang paulit-ulit sa aking isipan. Sa wakas ay nagpasya ako na maging isang matapat na tao at hindi na ipahiya ang pangalan ng Diyos nang dahil lamang sa aking mga pansariling interes. Sa sandaling naipasya ko iyon, bumangon na ako, binuksan ang kompyuter, at nagsulat ng isang pagpuna-sa-sarili, ipinapahayag ang aking pagkakamali. Nang mag-umaga na, pumasok ako sa paaralan nang napakaaga at ibinigay sa aking guro ang aking pagpuna-sa-sarili, humingi ng paumanhin sa kanya sa aking inasal at tiniyak na sa hinaharap ay hindi na ako kailanman muling sasangkap sa anumang pandaraya. Tinibayan ko ang aking loob na makatanggap ng serong puntos sa matematika at handang tanggapin ang anumang parusang ibigay ng paaralan sa akin. Hindi ko kailanman inakala na talagang magpapasya ang guro na hayaan akong kumuhang muli ng pagsusulit. Nang sandaling iyon, hindi ko mapigilang magpasalamat at magpuri sa Diyos sa kaibuturan ng aking puso: Salamat sa Diyos sa pagpapakita sa akin ng awa! Ipinakita nito sa akin na sinasaliksik ng Diyos ang pinakaloob na puso ng tao at nang isinaisantabi ko ang aking mga pansariling interes at isinagawa ang katotohanan ng pagiging isang matapat na tao, binuksan ng Diyos ang daan para sa akin at pinahintulutan ako ng guro na kumuhang muli ng pagsusulit. Tunay kong nadama na ang Diyos ay nasa aking tabi, nagbabantay sa bawa’t kilos ko, at isinasaayos ang lahat ng mga tao, mga pangyayari, mga bagay at mga kapaligirang nakapalibot sa akin nang sa gayon ay personal kong maranasan ang Kanyang totoong pag-iral. Ang pag-ibig ng Diyos sa akin ay tunay na tunay!
Ang dumating na mas malaking sorpresa ay yaong, pagkalipas ng ilang araw, may pagtitipon sa buong paaralan upang magbigay ng mga sertipiko ng kahusayan para sa mga estudyanteng nakakuha ng sunud-sunod na A sa terminong iyon. Nang tinawag ng guro ang aking pangalan, akala ko’y isa itong pagkakamali. Saka lamang nang may sinabi ang aking mga kaklase sa akin natanto ko na talagang makakatanggap ako ng sertipiko ng kahusayan. Ang aking mga kaklase ay talagang nagulat lahat, nagtataka kung paano ako makakakuha ng sertipiko ng kahusayan pagkatapos kong makagawa ng pladyarismo sa aking pagsusulit sa matematika. Tahimik kong ibinulalas sa aking puso: “Lahat ito ay gawa ng Diyos! Alam ko na ang sertipikong ito ay hindi para sa aking mga grado, kundi ito ay pagbibigay ng Diyos sa akin ng parangal para sa pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao.” Kinumpirma nito lalo sa akin na ang Diyos ay tunay na nasa aking tabi sa lahat ng pagkakataon at nagbabantay sa akin sa bawa’t sandali. Ang lahat ng bagay na isinasaayos ng Diyos para sa akin ay palaging nagbubunga nang napakainam.
Ngayon ay nasisiyahan ako sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos nang higit at higit pa. Bagama’t inihahayag ko pa rin ang aking mga tiwaling disposisyon sa buhay, anuman ang makaharap ko, palagi akong nakapagsasalamuha sa aking mga kapatid-na-babae at nahahanap ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos upang lutasin ang aking mga problema. Sa pamamagitan ng paggawang magkakasama at pakikipagtulungan sa mga praktikal na paraan, parami pa nang parami ang nauunawaan kong mga katotohanan, at palakas ako nang palakas sa pagsasagawa ng mga ito. Nadarama ko na ang Diyos ay nasa aking tabi, at nailalantad Niya ako sa anumang pagkakataon sa pamamagitan ng iba’t ibang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay, at ginagamit din Niya ang Kanyang mga salita upang akayin at gabayan ako na pumasok tungo sa katotohanan. Nadarama ko ngayon na ang aking relasyon sa Diyos ay lumalago nang lumalago, at ako ay lubusang nakatitiyak na ang Makapangyarihang Diyos ay ang totoong Diyos, at na sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng lugar, Siya ang Diyos na patuloy na nagbabantay sa aking tabi, at kumakalinga sa akin at nagproprotekta sa akin!