II. Mga Salita tungkol sa Gawain ng Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw
51. Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang masa, at gawing perpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang pagiging mapaghimagsik at di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao ang kanilang tunay na kulay kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang masa ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi. Samakatwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan. Ang disposisyon ng Diyos ay nabubunyag at nasisiwalat para sa kapakanan ng gawain ng bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na, sa mga huling araw ng pagbubunyag sa mga kalalabasan ng mga tao, mamahalin pa rin ng Diyos ang mga tao nang may walang hanggang awa at mapagmahal na kabaitan, at patuloy na magiging mapagmahal sa kanila, hindi sila isinasailalim sa matuwid na paghatol kundi nagpapakita sa kanila ng pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapatawad, at papatawarin sila gaano man kalubha ang mga kasalanan nila, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol. Kung gayon, kailan magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang akayin ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa angkop na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal sa mga tao, isang mapagmahal na hukom na may maamong mukha at malambot na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa mga tao sinuman sila. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatarungang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makakapagbukod-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay matatapos sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
52. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng pagtiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang marumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para madalisay at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na iwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng panlulupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at paglalantad ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na pag-asa sa kalooban ng puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang tiwaling satanikong disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Sa ganitong paraan, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling satanikong disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging katapatang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y gawin tayong ganap ng Diyos!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa’y nabunyag ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Pagkatapos, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
53. Ngayon ay hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at kinokondena kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga hinihingi sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at mapaghimagsik, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na ibunyag ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para makaranas ng mga bagay, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang hampasin o lipulin ang mga tao, kundi upang hatulan, sumpain, kastiguhin, at iligtas sila. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ibunyag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—iyong mga nagmamahal sa Kanya at mapasailalim sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na maghangad ng buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad ng buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng awa, mapagmahal na kabaitan, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig dito gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nito ang puso nito sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya dito. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban ito ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasailalim ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang awa at mapagmahal na kabaitan, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi awa o mapagmahal na kabaitan, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang sumasapit sa inyo ay mga salita pa rin ng pagsaway, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-damdaming pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod-bukod man ngayon ang bawat tao ayon sa kanilang uri o mabubunyag man ang lahat ng uri ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas iyong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin ito; ang masasakit na salita o pagtutuwid ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
54. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at patotoo sa Kanya—kailangan nilang malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, magpasakop sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangan nilang magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos
55. Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga, at palagi mong sinusubukang iwasan ang mga ito, o naghahanap ka sa labas ng mga ito ng isang bagong daan palabas, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananalig sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay bagay na nabibilang sa hinaharap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
56. Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat gumawa nito; hindi ito maaaring gawin ng tao para sa Kanya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, walang pag-aalinlangan na magpapakita pa rin ang Diyos bilang nagkatawang-taong imahe upang gawin ang gawaing ito sa mga tao. Ibig sabihin, gagamitin ng Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Marami ang hindi komportable tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayumpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagbubunga lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang katas ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Hinihikayat Ko kayong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang pagsulong. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalagpas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba’t isa itong katunayan na matagal nang isinakatuparan ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”
57. Hindi paisa-isang hinahatulan ng Diyos ang tao, at hindi paisa-isang sinusubukan ang tao; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng lahat ng sangkatauhan? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang maliliit at mga di-mahalagang pagkakamali ng tao. Ang gawain ng paghatol ay kumakatawan, at hindi ito isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang pangkat ng mga tao, ginagamit ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain para sa buong sangkatauhan, pagkatapos ay unti-unti itong ipinalalaganap. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang tiyak na uri ng tao o isang tiyak na pangkat ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan—ang paglaban ng tao sa Diyos, halimbawa, o ang kawalan ng takot ng tao sa Kanya, o panggugulo ng tao sa gawain ng Diyos, at kung ano-ano pa. Ang hinahatulan ay ang diwa ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na naisip ng tao sa mga nakaraang panahon. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang eksaktong paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang gawain, salita, at buong disposisyon ng lamang ito ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng gawain ng laman na ito, at hindi direktang nasasangkot ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang direktang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—hindi lamang alang-alang sa mga hinirang na tao sa Tsina, o alang-alang sa isang maliit na bilang ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Kinakailangan ng Tiwaling Sangkatauhan ang Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao
58. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, upang isumpa ang paghihimagsik ng tao. Ang pagiging baliko at panlilinlang ng tao, ang mga salita at gawa ng tao—lahat ng hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ay kailangang isailalim sa paghatol, at tukuyin ang lahat ng paghihimagsik ng tao bilang kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang sumpa sa pagkasuwail ng tao, ang paglalantad sa mga pangit na mukha ng tao upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang representasyon ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan ang kabanalan ng Diyos ay talagang ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ang konteksto ng mga salita ngayon—ginagamit Ko ang mga ito upang mangusap at humatol, at upang isagawa ang gawain ng paglupig. Ito lamang ang praktikal na gawain, at ito lamang ang lubos na nagpapaningning sa kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Dahil mayroon kang tiwaling disposisyon, hindi ka basta paliligtasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito ipinapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at paghihimagsik ng tao ngunit hindi Siya nagsalita o humatol sa iyo, ni hindi ka kinastigo dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil hindi Siya galit sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at paghihimagsik mo kaya kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao, na parang mga baboy na naninirahan sa maruruming lugar. Dahil sa inyong karumihan at katiwalian kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol ng mga salitang ito kaya ninyo nagawang makita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang katuwiran kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo; dahil mismo nakikita Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan na ibinubunyag Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon. Naipapamalas ang Kanyang kabanalan dahil sa karumihan at katiwalian ng sangkatauhan. Sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at busilak, ngunit nabubuhay sa lupain ng karumihan. Kung nagtatampisaw ang isang tao sa putikan na kasama ng iba, at walang anumang banal tungkol sa kanya, at wala siyang matuwid na disposisyon, wala siyang karapatang hatulan ang kasamaan ng tao, ni hindi siya akmang magsagawa ng paghatol sa tao. Paano magiging karapat-dapat ang mga taong pare-parehong marumi na hatulan yaong mga kagaya nila? Tanging ang banal na Diyos Mismo ang nagagawang hatulan ang buong sangkatauhang marumi. Paanong hahatulan ng tao ang mga kasalanan ng tao? Paanong makikita ng tao ang mga kasalanan ng tao, at paanong magiging karapat-dapat ang tao na kondenahin ang mga kasalanang ito? Kung hindi karapat-dapat ang Diyos na hatulan ang mga kasalanan ng tao, paano Siya magiging matuwid na Diyos Mismo? Dahil nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao kaya nangungusap ang Diyos upang hatulan sila, at saka lamang nila makikita na Siya ay isang banal na Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig
59. Sa anong mga kaparaanan isinasakatuparan ang pagperpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos, higit sa lahat ay binubuo ng katuwiran, poot, pagiging maharlika, paghatol, at sumpa, at ginagawa Niyang perpekto ang tao pangunahin sa pamamagitan ng Kanyang paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, “Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba’t mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba’t makokondena ang tao? Kung gayon, paano pa magagawang perpekto ang tao?” Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang paghihimagsik ng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita nang hindi man lang isinasaalang-alang ang damdamin ng tao, at inilalantad Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, inilalantad sa pamamagitan ng ilang istriktong salita kung ano iyong pinakadiwa sa loob ng tao, sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay makasalanan at kay Satanas, ito ay mapaghimagsik, at ito ang pakay ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, ang mga salita ng paghatol ng Diyos ay dapat sumapit sa kanya at kailangang gamitan ito ng bawat uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
60. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, minahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, pagiging maharlika, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang hanggang hukay, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananalig ng tao; hindi Niya pinatay ang tao, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay iyong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katunayang isinasagawa ng Diyos ay hindi natutupad ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang makilala mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang lubos na kawalang-halaga ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagiging maharlika at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na ibinubunyag Niya sa pamamagitan ninyo—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
61. Hinahatulan man ng Diyos ang tao o isinusumpa siya, parehong ginagawa nitong perpekto ang tao: Parehong ginagawa ito upang gawing perpekto iyong hindi dalisay sa kalooban ng tao. Sa pamamagitan ng kaparaanang ito ang tao ay pinipino, at iyong kulang sa kalooban ng tao ay ginagawang perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay ginagawang perpekto ang tao, at talagang angkop. Hindi kailanman nakagawa ng gawain ang Diyos sa lumipas na mga kapanahunan na kagaya nito; sa ngayon, gumagawa Siya sa inyong kalooban upang pahalagahan ninyo ang Kanyang karunungan. Bagama’t nagtiis na kayo ng kaunting pagdurusa sa inyong kalooban, matatag at payapa ang inyong puso; inyong biyaya ang matamasa ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Anuman ang magagawa ninyong makamit sa hinaharap, lahat ng inyong nakikita sa gawain ng Diyos sa inyo sa ngayon ay pag-ibig. Kung hindi nararanasan ng tao ang paghatol at pagpipino ng Diyos, ang kanyang mga kilos at sigla ay laging mananatiling paimbabaw, at ang kanyang disposisyon ay laging mananatiling hindi nagbabago. Maibibilang ba ito na nakamit ka na ng Diyos? Sa ngayon, bagama’t matindi pa rin ang kahambugan sa kalooban ng tao, mas matatag na ang disposisyon ng tao kaysa rati. Pinupungusan ka ng Diyos upang iligtas ka, at bagama’t maaari kang makadama ng kaunting pasakit sa panahong iyon, darating ang araw na magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Sa oras na iyon, aalalahanin mo ang nakalipas at makikita mo kung gaano karunong ang gawain ng Diyos, at sa oras na iyon ay magagawa mong tunay na maunawaan ang mga layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos
62. Ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nauugnay sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagamat ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
63. Dapat mong malaman na ang pagpeperpekto, paggawang ganap, at pagkakamit ng Diyos sa mga tao ay walang inihahatid kundi mga espada at paghampas sa kanilang laman, gayundin ang walang-katapusang pagdurusa, mapaminsalang pagsusunog, walang-habag na paghatol, pagkastigo, at mga sumpa, at walang-hangganang mga pagsubok. Gayon ang panloob na kwento at katotohanan ng gawain ng pamamahala sa tao. Gayumpaman, nakatutok ang lahat ng bagay na ito sa laman ng tao, at lahat ng talim ng poot ay walang-awang nakatutok sa laman ng tao (dahil ang tao ay walang sala). Ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian at patotoo, at para sa Kanyang pamamahala. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay hindi lamang para sa kapakanan ng sangkatauhan, kundi para rin sa buong plano, gayundin ay upang tuparin ang Kanyang orihinal na layunin nang Kanyang nilikha ang sangkatauhan. Kaya, marahil siyamnapung porsiyento ng dinaranas ng mga tao ay kinapapalooban ng mga pagdurusa at mga pagsubok ng apoy, at napakakaunti, o baka wala pa nga, ng matatamis at masasayang araw na ninanais ng laman ng tao. Lalo nang hindi nakakapagtamasa ang tao ng masasayang sandali sa laman, sa paggugol ng magagandang panahon sa piling ng Diyos. Ang laman ay marumi, kaya ang nakikita o tinatamasa ng laman ng tao ay walang iba kundi ang pagkastigo ng Diyos na para sa tao ay walang pagsasaalang-alang, na para bang kulang ito sa normal na katinuan. Ito ay dahil ipamamalas ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon, na “walang pagsasaalang-alang sa tao”, hindi Siya kumukunsinti sa mga pagkakasala ng tao, at napopoot Siya sa mga kaaway. Lantarang ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa pamamagitan ng anumang paraan na kailangan, sa gayong paraan ay tinatapos ang gawain ng Kanyang anim na libong taong pakikipaglaban kay Satanas—ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan at ng pagwasak sa sinaunang Satanas!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Layunin ng Pamamahala sa Sangkatauhan
64. Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa paghatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na sang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na ni hindi karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, lalo pa, ng isang kaparusahang pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawan ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat na huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng barkadahan ng mga samu’t saring imoral, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang humarap sa Kanya nang pabasta-basta. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay wawasakin, kasama na iyong mga ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa ng puso at isip ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at pati na iyong mga pauna nang itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang bunga ng gawain ng Diyos. Patungkol sa iyong mga hindi maaaring iklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan