A. Mga Salita tungkol sa Paghahayag Kung Paano Ginagawang Tiwali ni Satanas ang Sangkatauhan
65. Sina Adan at Eba na nilalang ng Diyos sa pasimula ay mga banal na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden sila ay banal, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil sa wala silang paggambala ng impluwensya ni Satanas, walang kamandag ni Satanas, anupa’t sila ang pinakadalisay sa lahat ng sangkatauhan. Sila ay nakatira sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may paggalang kay Jehova. Sa dakong huli, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng kamandag ng ahas, at ng pagnanasa na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay banal at gumagalang sila kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang na sila ay tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at naiwala ang orihinal na larawan ng tao. Sa pasimula, ang tao ay mayroong hininga ni Jehova, wala kahit katiting na pagkamasuwayin, at walang kasamaan sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
66. Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyolohista na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
67. Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, binubulag nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang hinamak ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan! Sino ang nakayakap na sa gawain ng Diyos? Sino ang nagbuwis na ng kanilang buhay o nagpadanak na ng dugo para sa gawain ng Diyos? Sa sali’t salinlahi, mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, basta na lamang inalipin ng inaliping tao ang Diyos—paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit? Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang magsimula pa ng problema hangga’t gusto nito! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito. Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao? Nasaan ang pagsalubong sa gitna ng mga tao? Bakit nagdudulot ng gayon katinding pananabik sa Diyos? Bakit patatawagin ang Diyos nang paulit-ulit? Bakit pinipilit ang Diyos na mag-alala para sa Kanyang minamahal na Anak? Sa madilim na lipunang ito, bakit hindi hinahayaan ng nakakaawang mga asong-bantay nito na malayang dumating at umalis ang Diyos sa gitna ng mundong nilikha Niya? Bakit hindi naiintindihan ng tao, ng taong nabubuhay sa gitna ng pasakit at pagdurusa? Alang-alang sa inyo, nagtiis na ang Diyos ng matinding paghihirap, taglay ang matinding pasakit, ibinigay na Niya ang Kanyang minamahal na Anak, ang Kanyang laman at dugo, sa inyo—kaya bakit nagbubulag-bulagan pa rin kayo? Kitang-kita ng lahat, tinatanggihan ninyo ang pagdating ng Diyos, at tinatanggihan ang pakikipagkaibigan ng Diyos. Bakit napakawalang-katwiran ninyo? Nahahanda ba kayong magtiis ng kawalang-katarungan sa madilim na lipunang tulad nito? Bakit, sa halip na pinupuno ninyo ang inyong tiyan ng libu-libong taon ng poot, ay pinapalamnan ninyo ang inyong mga sarili ng “dumi” ng hari ng mga diyablo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8
68. Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginagambala na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang mas maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na ipinalaganap ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na sinaktan ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin nang buo[3] ang tao. Ang paghahatid ng moral at etikal na mga turo ng pyudalismo at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nahawahan ang sangkatauhan, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mukha ng buong sangkatauhan ay puno ng layuning pumatay, at sa lahat ng lugar, ramdam ang layuning pumatay. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos. Sa buong lupaing ito ng diyablo, kung saan palaging itinuturo na walang Diyos, nagkalat ang mga diyus-diyusan, at nakakalat sa hangin sa ibabaw ang nakakasukang amoy ng nasusunog na papel at insenso, na masyadong makapal kaya mahirap huminga. Para iyong amoy ng putik na sumisingaw pataas sa pagpulupot ng makamandag na ahas, kaya hindi mapigil ng tao na masuka. Bukod dito, bahagyang maririnig ang ingay ng masasamang demonyo na sabay-sabay na sinasambit ang mga banal na kasulatan, isang ingay na tila nanggagaling sa malayong impiyerno, kaya hindi mapigil ng tao na manginig. Sa lahat ng dako ng lupaing ito ay may nakalagay na mga diyus-diyusan na kakulay ng bahaghari, na ginagawang isang mundo ng mahahalay na kasiyahan ang lupain, samantalang patuloy na humahalakhak nang buong kasamaan ang hari ng mga diyablo, na para bang nagtagumpay na ang masamang balak nito. Samantala, nananatili itong lubos na wala sa loob ng tao, at ni wala rin siyang kamalay-malay na nagawa na siyang tiwali ng diyablo hanggang sa punto kung saan nawalan na siya ng pakiramdam at nakayuko dahil sa pagkatalo. Nais nitong palisin, sa isang iglap, ang lahat ng tungkol sa Diyos, at muli Siyang pasamain at paslangin; hangad nitong ibagsak at guluhin ang Kanyang gawain. Paano nito matutulutan ang Diyos na makapantay sa katayuan? Paano nito matitiis na “humadlang” ang Diyos sa gawain nito sa mga tao sa lupa? Paano nito matutulutan ang Diyos na ilantad ang kasuklam-suklam nitong mukha? Paano nito matutulutan ang Diyos na gambalain ang gawain nito? Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang maharlikang hukuman nito sa lupa? Paano nito matatanggap nang maluwag ang nakahihigit na kapangyarihan Niya? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa siya o iiyak, at talagang mahirap itong banggitin. Hindi ba ito ang diwa nito? May pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin ito na di-kapani-paniwala ang kagandahan nito. Ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen![4] Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malupit na hayop sa parang, napakapangit, at wala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong banal. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo? Naghuhuramentado na ang mga demonyo at masasamang espiritu sa lupa, at nasarhan na kapwa ang kalooban at matiyagang pagsisikap ng Diyos kaya hindi na sila mapasok. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi mapopoot ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakasuwail!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7
69. Naisara nang mahigpit ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura at kasaysayan na sumasaklaw sa ilang libong taon ang pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao at ang pananaw ng kanyang isipan kaya hindi tinatablan at hindi nalulusaw ang mga ito.[5] Naninirahan ang mga tao sa ikalabing-walong ikot ng impiyerno, para lamang silang naitaboy ng Diyos sa mga bartolina, kung saan maaaring hindi kailanman makita ang liwanag. Naapi na nang husto ng pyudal na pag-iisip ang tao kaya halos hindi sila makahinga at naghahabol sila ng hininga. Wala sila ni katiting na lakas upang lumaban; ang ginagawa lamang nila ay tahimik na magtiis nang magtiis…. Walang sinumang nangahas kailanman na magpumiglas o ipagtanggol ang katuwiran at katarungan; talagang namumuhay lamang ang mga tao ng isang buhay na mas masahol pa sa hayop, sa ilalim ng mga paghampas at pang-aabuso ng pyudal na moralidad, araw-araw, at taun-taon. Hindi nila naisip kailanman na hanapin ang Diyos upang matamasa ang kaligayahan sa mundo ng tao. Para bagang napabagsak na ang mga tao hanggang sa maging para silang mga dahong nalaglag sa taglagas, lanta, tuyot, at manilaw-nilaw na kayumanggi. Matagal nang nawala ang alaala ng mga tao; kaawa-awa silang naninirahan sa impiyerno na tinatawag na mundo ng tao, naghihintay sa pagdating ng huling araw upang sama-sama silang mamatay sa impiyernong ito, na para bang ang huling araw na pinakahihintay nila ang araw na tatamasahin ng tao ang payapang kapahingahan. Nadala na ng pyudal na moralidad ang buhay ng tao sa “Hades,” na lalong nagpahina sa kapangyarihan ng tao na lumaban. Lahat ng uri ng pang-aapi ang nagtutulak sa tao, nang paunti-unti, na mahulog nang mas malalim sa Hades, palayo nang palayo sa Diyos, hanggang sa siya ay maging isa nang ganap na estranghero ngayon sa Diyos at nagmamadaling iwasan Siya kapag sila ay nagkatagpo. Hindi Siya pinakikinggan ng tao at iniiwan Siyang nakatayong mag-isa sa isang tabi, na para bang hindi pa Siya nakilala ng tao kailanman, na hindi pa Siya nakita dati. Subalit matagal nang naghihintay ang Diyos sa tao sa mahabang paglalakbay sa buhay, na hindi kailanman ipinupukol ang Kanyang di-mapigilang galit sa kanya, tahimik lamang na naghihintay, nang walang imik, na magsisi ang tao at magsimulang muli. Matagal nang pumarito ang Diyos sa mundo ng tao upang makibahagi sa mga pagdurusa ng tao sa mundo. Sa lahat ng taon na namuhay Siya sa piling ng tao, wala pang nakatuklas sa Kanyang pag-iral. Tahimik lamang na tinitiis ng Diyos ang paghihirap ng pagiging hamak sa mundo ng tao habang isinasakatuparan ang gawaing personal Niyang dinala. Patuloy Siyang nagtitiis para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at ng mga pangangailangan ng sangkatauhan, na nagdaranas ng mga pagdurusang hindi kailanman naranasan ng tao. Sa presensya ng tao tahimik Siyang naglingkod sa kanya, at sa presensya ng tao Siya ay nagpakumbaba, para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at maging sa kapakanan ng mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay parang balewalang ninakaw ang tao mula sa presensya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga inapo nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa niyang sambahin ang mga sumulat ng Aklat/Klasiko ng mga Dokumento, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay niya mismong inokupa iyon. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit at masamang kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng poot sa Diyos ang kanyang dibdib, at lumaganap ang galit na kasamaan ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos siyang lamunin nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga bitag ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi magpabihag noon mismo, sumuko at magpatirapa sa pagpapasakop sa presensya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso’t kaluluwa ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga kamaliang gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; alamin ang Apat na Modernisasyon; at walang Diyos sa mundo.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng sarili nating magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula sa pagkabata na matapat na makapaglingkod sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensya nito, kung saan walang pag-aatubiling kinamkam nito ang buong karangalan (ibig sabihin ay ang karangalang nauukol sa Diyos sa pagpigil sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Hindi ito nagkaroon ng anumang kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, hindi ito nahiyang agawin ang mga tao ng Diyos at hilahin sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasamba ang tao rito bilang Diyos. Napakadesperado nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Walang Diyos sa mundo. Ang hangin ay nagmumula sa mga pagbabago ayon sa mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag sumisingaw ang tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga pagbabagong nangyayari dito; ang tagtuyot ay dulot ng pagkatuyo ng hangin kapag gumalaw ang pinakagitna sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga kababalaghan ng kalikasan. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawain ng Diyos?” Mayroon pa ngang mga sumisigaw ng mga pahayag na gaya ng sumusunod, mga bagay na hindi dapat ipahayag: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sunud-sunod na mga sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Sa likod nito, isinasabit ito ng tao sa dingding o ipinapatong ito sa mesa upang pagpitaganan at alayan iyon. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang Diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi na talaga makatwiran! Dahil dito, sagad sa buto ang pagkamuhi rito ng tao. Tila mortal na magkaaway sila ng Diyos, at hindi maaaring magkasama silang dalawa. Nagbabalak itong itaboy ang Diyos palayo samantalang ito ay malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas.[6] Hari nga ito ng mga diyablo! Paano matitiis ang pag-iral nito? Hindi ito magpapahinga hangga’t hindi nito nagugulo ang gawain ng Diyos at iniiwan itong ganap na magulo,[7] na para bang nais nitong labanan ang Diyos hanggang sa huli, hanggang sa mamatay ang mga isda o masira ang lambat, na sadyang nilalabanan ang Diyos at palapit pa nang palapit. Matagal nang nalantad ang kasuklam-suklam nitong mukha, ngayo’y lamog at bugbog[8] na ito at nasa kakila-kilabot na kalagayan, subalit hindi pa rin maglulubag ang loob nito sa pagkamuhi sa Diyos, na para bang huhupa lamang ang pagkamuhing tinimpi sa puso nito kapag nilamon na nito nang buo ang Diyos sa isang subuan. Paano natin matitiis ito, ang kaaway na ito ng Diyos! Tanging ang pagpuksa at ganap na paglipol lamang dito matutupad ang inaasam natin sa buhay. Paano ito mapapayagang patuloy na magpakalat-kalat? Nagawa nitong tiwali ang tao hanggang sa hindi na alam ng tao ang langit-araw, at naging manhid at walang pakiramdam. Nawalan na ng normal na katwiran ang tao. Bakit hindi natin ialay ang buo nating pagkatao para sirain at sunugin ito upang maalis ang lahat ng alalahanin sa hinaharap at tulutan ang gawain ng Diyos na umabot sa walang-katumbas na kaningningan sa lalong madaling panahon? Naparito sa mundo ng mga tao ang grupong ito ng mga tampalasan at ginulo ito nang husto. Nadala na nila ang buong sangkatauhan sa bingit ng isang bangin, lihim na nagpaplanong itulak sila pababa para magkaluray-luray upang malamon nila ang kanilang bangkay pagkatapos. Walang saysay silang umaasang sirain ang plano ng Diyos at makipagkumpitensya sa Kanya, na sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan.[9] Hindi madaling gawin iyon! Kunsabagay ay nakahanda na ang krus para sa hari ng mga diyablo, na may kagagawan ng pinakamasasamang krimen. Hindi nabibilang ang Diyos sa krus. Itinabi na Niya ito para sa diyablo. Matagal nang nanalo ang Diyos at hindi na nakakaramdam ng kalungkutan sa mga kasalanan ng sangkatauhan, ngunit maghahatid Siya ng kaligtasan sa buong sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 7
70. Sa tinaguriang kaalaman ng tao, naglagay si Satanas ng marami-raming pag-iisip at pilosopiya nito sa pamumuhay. At habang ginagawa ito ni Satanas, pinahihintulutan nito ang tao na tanggapin ang kanyang pag-iisip, pilosopiya, at pananaw upang maaaring itanggi ng tao ang pag-iral ng Diyos, itanggi ang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng tao. Kaya’t habang sumusulong ang pag-aaral ng tao at lumalago ang kanyang kaalaman, nararamdaman niyang ang pag-iral ng Diyos ay nagiging malabo at maaari ding makaramdam na hindi na umiiral ang Diyos. Sa pagdaragdag ni Satanas ng mga pananaw, mga kuru-kuro, at mga kaisipan sa isip ng tao, hindi ba’t ginagawang tiwali ang tao sa pamamagitan nito? (Oo.) Ano ang pinagbabatayan ngayon ng tao ng kanyang buhay? Dumedepende ba talaga siya sa kaalamang ito? Hindi; ibinabatay ng tao ang kanyang buhay sa mga kaisipan, pananaw, at pilosopiya ni Satanas na nakakubli sa loob ng kaalamang ito. Dito nagaganap ang pangunahing bahagi ng pagtitiwali ni Satanas; ito ang layon ni Satanas at ang pamamaraan nito upang gawing tiwali ang tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
71. Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga kagustuhan o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “katanyagan” at “pakinabang.” Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at sa ganoon nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa “katanyagan” at “pakinabang”. Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: “katanyagan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano naman kaya ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba ito ang mga patakaran ng pamumuhay na ikinintal sa mga tao, mga patakarang itinuturo sa kanila ni Satanas sa kalagitnaan ng kanilang pagkatuto ng kaalaman? Hindi ba ito ang “matatayog na mithiin” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas? Gaya halimbawa, ang mga ideya ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o matatapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga bida at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban—hindi ba ang lahat ng ito ay paraan kung saan ikinikintal ni Satanas ang mga mithiing ito? (Oo, sila nga.) Ang mga ideyang ito ay nakakaimpluwensya sa sali’t salinlahi, at ang mga tao sa bawat salinlahi ay tinuturuang tanggapin ang mga ideyang ito, upang mabuhay para sa mga ideyang ito at hangarin ang mga ito nang walang katapusan. Ito ang daan, ang lagusan, na kung saan ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao. Kaya pagkatapos akayin ni Satanas ang mga tao sa daang ito, posible pa rin kaya sa kanila na sumamba sa Diyos? Ang kaalaman at ang kaisipan na ikinintal sa tao ni Satanas ay nagtataglay ba ng anumang bagay ukol sa pagsamba sa Diyos? Nagtataglay ba ang mga ito ng anumang bagay na nabibilang sa katotohanan? Naglalaman ba ang mga ito ng anumang bagay tungkol sa pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? (Hindi, hindi naglalaman ang mga ito.)
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
72. Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding paghihirap. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga pagkilos ni Satanas, hindi ba kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil hindi pa rin ninyo nakikita ngayon nang malinaw ang masasamang motibo ni Satanas sapagka’t iniisip ninyo na hindi maaaring mabuhay kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kapag iniwan ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa hinaharap, hindi na makikita ang kanilang mga layunin, na ang kanilang hinaharap ay magiging madilim, malamlam at mapanglaw. Subali’t, dahan-dahan, isang araw ay makikilala ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay parang halimaw na mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Hanggang sa sumapit ang araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at lubusang lalabanan ang mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Kapag dumating ang oras na nanaisin mong iwaksi ang lahat ng bagay na ikinintal sa iyo ni Satanas, ikaw sa gayon ay ganap na hihiwalay kay Satanas at tunay mong kamumuhian ang lahat ng idinulot sa iyo ni Satanas. Sa gayon lamang magkakaroon ng isang totoong pag-ibig at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
73. Ang ginagawa ng siyensiya ay pinahihintulutan lamang nito ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo at binibigyang kasiyahan lamang ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito bibigyang kakayanan ang tao na makita ang mga batas na sa pamamagitan ng mga ito’y mayroong kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakakahanap ang tao ng mga kasagutan mula sa siyensiya, ngunit ang mga kasagutang iyon ay nakalilito at nagdadala lamang ng panandaliang kasiyahan, kasiyahan na nagsisilbi lamang na ikulong ang puso ng tao sa pisikal na mundo. Nararamdaman ng tao na nakuha nila ang mga kasagutan mula sa siyensiya, kaya naman anumang usapin ang lumitaw, sinisikap nilang patunayan o tanggapin ito batay sa kanilang mga siyentipikong pananaw. Naangkin na ng siyensiya ang puso ng tao at naaakit nito hanggang hindi na iniintindi ng tao na makilala ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nanggagaling sa Diyos at dapat na sa Kanya maghanap ang tao ng mga kasagutan. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensiya, mas lalo silang nagiging kakatwa, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi nila hinahanap ang Diyos at hindi sila naniniwala na Siya ay umiiral; maging ang ilang tao na sumusunod sa Diyos sa loob ng maraming taon ay hahayo at magsasaliksik tungkol sa bakterya sa isang iglap o maghahanap ng impormasyon para masagot ang isang usapin. Ang taong ganoon ay hindi tumitingin sa mga usapin mula sa perspektibo ng katotohanan at kadalasan ay gusto nilang dumepende sa mga siyentipikong pananaw o kaalaman o mga siyentipikong kasagutan para lutasin ang mga problema; hindi sila dumedepende sa Diyos at hindi nila hinahanap ang Diyos. Taglay ba ng mga taong ganito ang Diyos sa kanilang mga puso? (Hindi.) Mayroon pa ngang ilang tao na gustong saliksikin ang Diyos kung paanong pinag-aaralan nila ang siyensiya. Halimbawa, maraming ekspertong relihiyoso ang nakapunta na sa bundok kung saan napadpad ang arko, at sa gayon ay napatunayan nila na mayroon ngang arko. Ngunit hindi nila nakikita ang pag-iral ng Diyos sa paglitaw ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng pisikal na mundo. Kapag nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagsasabing umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kapamahalaan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensiya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba nito pinahihintulutan ang mga tao na pag-aralan ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao tungkol sa pag-iral ng Diyos? (Oo.) Kung gayon, paano gustong gamitin ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao? Hindi ba gusto ni Satanas na gamitin ang mga konklusyong siyentipiko upang linlangin at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang mga hindi tiyak na kasagutan upang panghawakan ang puso ng mga tao upang hindi na sila maghanap pa o maniwala sa pag-iral ng Diyos? (Oo.) Ito ang dahilan kaya natin sinasabi na ang siyensiya ay isa sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
74. Bumuo at nag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwento sa mga aklat ng kasaysayan, iniiwan sa mga tao ang malalalim na impresyon ng tradisyonal na kultura o mga mapamahiing imahe. Halimbawa, sa Tsina ay may “Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,” “Paglalakbay Tungo sa Kanluran,” ang Emperador ng Jade, “Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,” at “Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.” Hindi ba nakaugat na nang husto ang mga ito sa isip ng tao? Kahit na hindi nalalaman ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalaman nito ang namamalagi sa iyong puso at sa iyong isip, upang hindi mo makakalimutan ang mga ito. Ito ang sari-saring ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noon pa man, at naipakalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa mga kaluluwa ng mga tao at ginagayuma nang sunod-sunod ang mga tao. Ibig sabihin noon ay sa sandaling natanggap mo na ang gayong tradisyonal na kultura, mga kwento, o mapamahiing mga bagay, kapag ang mga ito ay naitatag sa iyong isip, at kapag nangunyapit ang mga ito sa iyong puso, kung gayon ay para kang nagayuma—nasasadlak ka at naiimpluwensyahan nitong mga kultural na patibong, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang iyong pananaw sa buhay, at ang iyong paghatol sa mga bagay-bagay. Lalong higit na iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad para sa tunay na daan ng buhay: Ito ay talagang isang masamang gayuma. Anuman ang gawin mo, hindi mo maipapagpag ang mga ito; sinisibak mo ang mga ito nguni’t hindi mo kayang maibuwal; hinahampas mo ang mga ito nguni’t hindi mo matatalo. Dagdag pa rito, pagkatapos na ang mga tao ay mapasailalim nang hindi namamalayan sa ganitong uri ng gayuma, sila ay nagsisimulang sumamba kay Satanas nang hindi namamalayan, itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang mga puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyosan, isang bagay para kanilang sambahin at tingalain, humahantong pa hanggang sa pagtuturing dito bilang Diyos. Nang hindi namamalayan, ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at mga gawa. Higit pa rito, itinuturing mo noon na huwad ang mga kuwento at mga alamat na ito, at pagkatapos kinikilala mo nang hindi namamalayan ang pag-iral nila, ginagawa silang mga totoong pigura at ginagawa silang mga totoo, umiiral na mga bagay. Sa iyong kawalang-kamalayan, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas at mga diyus-diyosan sa iyong sariling tahanan at sa iyong sariling puso—isa nga itong gayuma.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
75. Ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat ay ang mga mapamahiing gawain ng mga tao, ngunit marami pa ring mga tao ang hindi kayang bumitiw sa mga iyon, iniisip na ang mga mapamahiing gawaing ito ay iniatas ng Diyos, at kahit ngayon ay hindi pa lubusang nabibitawan ang mga iyon. Ang mga bagay na kagaya ng isinasaayos ng mga kabataan para sa mga handaan sa kasal at panggayak sa mga babaeng ikakasal; mga regalong pera, mga salu-salo, at katulad na mga pamamaraan ng pagdiriwang ng masasayang okasyon; mga sinaunang pormula na ipinamana; ang lahat ng walang-kabuluhang mapamahiing gawain na isinasagawa para sa mga patay at seremonya ng paglilibing sa kanila: higit pang kinamumuhian ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit ang araw ng pagsamba (pati na ang Sabbath, na ipinapangilin ng mundo ng relihiyon) ay kinamumuhian Niya; at lalo pang higit na kinamumuhian at tinatanggihan ng Diyos ang kaugnayang panlipunan at makamundong pag-uugnayan ng lalaki sa lalaki. Hindi iniatas ng Diyos kahit na ang Pista ng Tagsibol at Araw ng Pasko na alam ng lahat ng tao, lalo na ang mga laruan at dekorasyon para sa magarbong mga kapistahang ito tulad ng mga pulang pabiting may tula, mga paputok, mga parol, Banal na Komunyon, mga regalo sa Pasko, at mga pagdiriwang sa Pasko—hindi ba mga idolo sa isipan ng mga tao ang mga ito? Ang pagpipira-piraso ng tinapay sa araw ng Sabbath, alak, at pinong lino ay mas mariin na mga idolo. Ang lahat ng iba’t ibang tradisyonal na araw ng kapistahan na kilala sa China, tulad ng Araw ng Pagtataas ng mga Ulo ng Dragon, Pista ng mga Bangkang Dragon, Pista sa Kalagitnaan ng Taglagas, Pista ng Laba, at Araw ng Bagong Taon, at ang mga pista sa mundo ng relihiyon tulad ng Pasko ng Pagkabuhay, Araw ng Pagbibinyag, at Araw ng Pasko, ang lahat ng di-makatwirang pistang ito ay isinaayos at ipinamana mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan ng maraming tao. Ang mayamang imahinasyon at malikhaing ideya ng sangkatauhan ang nagtulot na maipasa ang mga ito hanggang sa ngayon. Ang mga iyon ay tila walang kapintasan, ngunit sa katunayan ay mga panlilinlang ni Satanas sa sangkatauhan. Kapag mas higit na pinagtitipunan ng mga Satanas ang isang lokasyon, at kapag mas lipas at paurong ang lugar na iyon, mas isinasagawa ang mga pyudal na kaugalian nito. Ang mga bagay na ito ay nagbibigkis sa mga tao nang mahigpit, na hindi na sila makakilos. Tila nagpapakita ng lubhang pagiging orihinal ang marami sa mga pista sa mundo ng relihiyon at tila lumilikha ng isang tulay sa gawain ng Diyos, ngunit ang mga iyon sa katunayan ay hindi-nakikitang mga tali ni Satanas na gumagapos sa mga tao upang hindi makilala ang Diyos—ang lahat ng mga ito ay tusong panlalansi ni Satanas. Sa katunayan, kapag ang isang yugto ng gawain ng Diyos ay tapos na, nawasak na Niya ang mga kasangkapan at estilo ng panahong iyon na walang iniiwang anumang bakas. Gayunman, ang “matatapat na mananampalataya” ay patuloy na sinasamba ang mga nahihipong materyal na mga bagay na iyon; samantala, isinasantabi nila sa kanilang mga isipan ang kung anong mayroon ang Diyos, hindi na ito pinag-aaralan pa, tila ba puno ng pag-ibig sa Diyos ngunit ang totoo ay matagal na nila Siyang itinulak palabas ng bahay at inilagay si Satanas sa hapag upang sambahin. Ang mga larawan ni Jesus, ang Krus, si Maria, ang Bautismo ni Jesus at ang Huling Hapunan—ang lahat ng ito ay sinasamba ng mga tao bilang Panginoon ng Langit, habang paulit-ulit na sumisigaw ng “Panginoon, Ama sa langit.” Hindi ba biro ang lahat ng ito? Hanggang ngayon, kinapopootan ng Diyos ang maraming katulad na mga pananalita at pagsasagawa na ipinamamana ng sangkatauhan, seryosong hinahadlangan ng mga iyon ang daan tungo sa Diyos at, higit pa rito ay nagiging malalaking sagabal sa pagpasok ng sangkatauhan. Bukod pa sa lawak ng ginawang pagkatiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ang mga kalooban ng mga tao ay lubusang napuno ng mga bagay na gaya ng batas ni Witness Lee, ng mga karanasan ni Lawrence, ng mga sarbey ni Watchman Nee, at ng gawain ni Pablo. Wala talagang paraan upang gumawa ang Diyos sa mga tao dahil sa kalooban nila ay may sobrang pagkamakasarili, mga batas, mga patakaran, mga alituntunin, mga sistema, at mga tulad nito; ang mga bagay na ito, bukod pa sa hilig ng mga tao sa pyudal na mga pamahiin, ay bumihag at lumamon na sa sangkatauhan. Ang iniisip ng mga tao ay mistulang isang kapana-panabik na pelikula na nagsasalaysay ng isang makulay na “fairy tale,” na may pambihirang mga nilalang na nakasakay sa mga ulap, napakamalikhain kaya namamangha ang mga tao, iniiwan silang tulala at hindi makapagsalita. Sa totoo lang, ang pangunahing gawain na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang harapin at iwaksi ang mga mapamahiing katangian ng mga tao at ganap na baguhin ang kanilang pananaw sa kaisipan. Ang gawain ng Diyos ay hindi nagtagal hanggang sa ngayon dahil sa pamanang ipinasa ng sangkatauhan sa mga henerasyon; ito’y gawain na personal Niyang pinasisimulan at kinukumpleto nang hindi kinakailangan na may humalili para sa pamana ng isang partikular na dakilang espirituwal na tao, o manahin ang anumang gawain ng isang kumakatawang kalikasang ginawa ng Diyos sa ibang kapanahunan. Hindi kailangang pagkaabalahan ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Ang Diyos ngayon ay may ibang istilo ng pananalita at ng paggawa, kaya bakit ginugulo ng mga tao ang kanilang mga sarili? Kung lalakad ang mga tao sa landas ngayon na nakapaloob sa kasalukuyang agos habang ipinagpapatuloy ang pamana ng kanilang “mga ninuno,” hindi sila makakarating sa kanilang hantungan. Nakakaramdam ang Diyos ng matinding pagkasuklam para sa partikular na klase ng pag-uugali ng taong tulad nito, gaya ng pagkapoot Niya sa mga taon, mga buwan at mga araw ng mundo ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 3
76. Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa pamamagitan ng kalakarang panlipunan. Kabilang sa “mga kalakarang panlipunan” na ito ang maraming bagay. Sinasabi ng ilang tao na: “Nangangahulugan ba ito ng mga pinakabagong uso, mga pampaganda, mga istilo ng buhok, at masasarap na pagkain?” Ang mga ito ba’y itinuturing na kalakarang panlipunan? Ang mga ito ay isang bahagi ng mga kalakarang panlipunan, subali’t hindi natin pag-uusapan ang mga ito dito. Nais lamang nating pag-usapan ang tungkol sa mga ideyang idinudulot ng mga kalakarang panlipunan sa mga tao, kung paano ang mga ito nagiging sanhi sa paggawi ng mga tao sa mundo, at ang mga layunin sa buhay at pananaw na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Ang mga ito ay napakahalaga; makokontrol at maiimpluwensyahan ng mga ito ang kalagayan ng pag-iisip ng isang tao. Ang mga kalakarang ito ay lumilitaw isa-isa, at lahat ng mga ito ay nagdadala ng isang masamang impluwensya na patuloy na nagpapababa sa sangkatauhan, na nagiging sanhi upang mawalan ang mga tao ng konsensya, pagkatao at katinuan, na lalo pang nagpapahina ng kanilang mga moral at kanilang kalidad ng karakter, hanggang sa masasabi nating karamihan ng mga tao ngayon ay walang integridad, walang pagkatao, ni anumang konsensya, at lalo’t higit ng anumang katinuan. Kaya ano ang mga kalakarang ito? Ito ang mga kalakarang hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata lamang. Kapag ang isang bagong kalakaran ay lumalaganap sa mundo, marahil maliit na bilang lamang ng mga tao ang nangunguna, gumaganap bilang mga tagapagpauso. Nagsisimula sila sa paggawa ng ilang bagong bagay, pagkatapos ay tinatanggap ang ilang uri ng ideya o ilang uri ng pananaw. Ang karamihan sa mga tao, gayunpaman, sa gitna ng kanilang kawalan ng kamalayan, ay patuloy pa ring mahahawa, magiging bahagi at maaakit ng ganitong uri ng kalakaran, hanggang sa tatanggapin nilang lahat ito nang hindi namamalayan at nang walang kusa at maging lubog dito at kontrolado nito. Isa-isa, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na wala sa matinong pangangatawan at pag-iisip, hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, at hindi nakikilala ang kaibahan sa pagitan ng positibo at negatibong mga bagay, na tanggapin nang maluwag sa kalooban ang mga kalakarang ito pati na rin ang mga pananaw sa buhay at ang mga pagpapahalaga na nanggagaling kay Satanas. Tinatanggap nila kung ano ang sinasabi sa kanila ni Satanas kung paano pakitunguhan ang buhay at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas, at wala silang taglay na lakas, ni kakayahan, lalo na ang kamalayan, upang lumaban. …
… Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunan na ito upang dahan-dahang akitin ang mga tao sa pugad ng mga diablo, sa gayon ang mga taong naipit sa mga kalakarang panlipunan ay walang kamalayang nanghihikayat sa pagnanasa para sa salapi at materyal, at sa kasamaan at karahasan. Sa sandaling ang mga bagay na ito ay makapasok sa puso ng tao, nagiging ano kung gayon ang tao? Ang tao ay nagiging ang diablong si Satanas! Bakit? Ito ay dahil sa anong sikolohikal na pagkahilig sa puso ng tao? Ano ang itinataguyod ng tao? Nagsisimulang magustuhan ng tao ang kasamaan at karahasan, na hindi nagpapakita ng anumang pagmamahal sa kagandahan at kabutihan, lalo na sa kapayapaan. Hindi nakahandang isabuhay ng tao ang simpleng buhay ng normal na pagkatao, sa halip nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, ang magpakasaya sa mga pagnanasa ng laman, na hindi nag-aatubiling bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga paghihigpit, walang mga gapos na pipigil sa kanila; sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. Kaya kapag ang tao ay nalubog sa ganitong mga uri ng mga kalakaran, makatutulong ba ang kaalaman na natutuhan mo upang palayain mo ang iyong sarili? Makatutulong ba sa iyo ang iyong pagkaunawa sa mga tradisyunal na kultura at mga pamahiin upang makatakas sa kakila-kilabot na kalagayang ito? Makatutulong ba sa kanila ang tradisyunal na moralidad at tradisyunal na seremonya na nauunawaan ng tao na magsanay ng pagpipigil? Kunin nating halimbawa ang Tatlong Klasikong Karakter. Matutulungan ba nito ang mga tao na hilahing palabas ang kanilang mga paa mula sa putikan ng mga kalakarang ito? (Hindi, hindi maaari.) Sa ganitong paraan, ang tao ay nagiging higit na mas masama, mayabang, mapagmataas, makasarili, at malisyoso. Wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayang pantao ay puno ng karahasan. Nais gamitin ng bawat isang tao ang mararahas na pamamaraan upang mabuhay sa gitna ng kanilang kapwa tao; sinasamsam nila ang sarili nilang kabuhayan gamit ang karahasan; nakakamit nila ang kanilang mga posisyon at ang kanilang mga kita gamit ang karahasan, at ginagawa nila ang anumang naisin nila gamit ang mararahas at masasamang paraan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
77. “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” ito ay pilosopiya ni Satanas at nangingibabaw sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao. Maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao. Mula pa sa panimula, hindi tinanggap ng mga tao ang kasabihang ito, ngunit binigyan nila ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? Marahil hindi nauunawaan ng mga tao ang kasabihang ito sa parehas na antas, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan, tama? Gaano man karaming karanasan mayroon ang isang tao sa kasabihang ito, ano ang negatibong epekto na maaaring maidulot nito sa puso ng isang tao? Nabubunyag ang isang bagay sa pamamagitan ng disposisyon ng mga tao sa mundong ito, kasama na ang bawat isa sa inyo. Paano bibigyang kahulugan ang bagay na itong nahayag? Ito’y pagsamba sa salapi. Mahirap bang alisin ito mula sa puso ng isang tao? Napakahirap nito! Tila sadyang napakalalim ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao! Kaya naman matapos gamitin ni Satanas ang kalakarang ito upang gawing tiwali ang mga tao, paano ito nakikita sa kanila? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang mamuhay sa mundong ito nang walang salapi, na kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at katapatan sa paghahanap ng mas maraming salapi? Higit pa rito, hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa kapakanan ng salapi? Hindi ba ito kawalan para sa mga tao? (Oo.) Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao nang gayon? Hindi ba ito malisyosong pandaraya? Habang sumusulong ka mula sa pagtutol sa popular na kasabihang ito tungo sa pagtanggap dito bilang katotohanan sa huli, mahuhulog nang buo ang iyong puso sa kamay ni Satanas, at kung gayon ay hindi sinasadya kang namumuhay sa kasabihan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang kapangyarihang itaguyod ito. Maaari mong malaman nang malinaw na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga, o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan at tadhana upang kalabanin ang Diyos hanggang sa katapus-tapusan. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, gaano mo man mapagtanto ang lalim at kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos para sa iyo, mananatili ka pa ring sutil sa pagsunod sa sarili mong landas at magbabayad para sa kasabihang ito. Ibig sabihin, pinapangunahan na ng kasabihang ito ang iyong pag-uugali at ang iyong mga kaisipan, at mas gugustuhin mong pangunahan nito ang iyong kapalaran kaysa isuko itong lahat. Hindi ba’t inilalarawan ng pagkilos ng mga tao sa ganitong paraan, na sila ay pinangungunahan ng kasabihang ito at namamanipula nito, na mabisa ang ginagawa ni Satanas na pagpapatiwali sa mga tao? Hindi ba ito ang pag-uugat sa iyong puso ng pilosopiya at tiwaling disposisyon ni Satanas? Kung gagawin mo ito, hindi ba natamo na ni Satanas ang kanyang layunin? (Oo.) Nakikita mo ba kung paano nagawang tiwali ni Satanas ang tao sa ganitong paraan? Mararamdaman mo ba ito? (Hindi.) Hindi mo ito nakita o naramdaman. Nakikita mo ba rito ang kasamaan ni Satanas? Ginagawang tiwali ni Satanas ang tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas para labanan ng tao ang katiwaliang ito at ginagawang walang-laban ang tao rito. Ginagawa ni Satanas na tanggapin mo ang mga kaisipan nito, mga pananaw nito, at ang mga masamang bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon na wala kang alam at kapag wala kang pagkilala sa kung ano ang nangyayari sa iyo. Buong tinatanggap ng mga tao ang mga bagay na ito. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ito ang paraan kung paano lumalalim nang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
78. May anim na pangunahing mga pandaraya na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao.
Ang una ay kontrol at pamumuwersa. Iyon ay, gagawin ni Satanas ang lahat ng maaaring gawin upang kontrolin ang iyong puso. Ano ang ibig sabihin ng “pamumuwersa”? Nangangahulugan ito ng paggamit ng pagbabanta at sapilitang taktika upang pilitin kang sumunod dito, na pinag-iisip ka sa mga maaaring mangyari kung hindi ka susunod. Natatakot ka at hindi nangangahas na salungatin ito, kaya nagpapasakop ka rito.
Ang ikalawa ay ang pandaraya at panlalansi. Ano ang kaakibat ng “pandaraya at panlalansi”? Bumubuo si Satanas ng ilang kuwento at mga kasinungalingan, na nilalansi ka na paniwalaan ang mga ito. Kailanman hindi nito sinasabi sa iyo na ang tao ay nilikha ng Diyos, ngunit hindi rin nito direktang sinasabi na ikaw ay hindi ginawa ng Diyos. Hindi nito ginagamit ang salitang “Diyos” sa anumang paraan, ngunit sa halip ay gumagamit ng iba pang bagay bilang kahalili, na ginagamit ang bagay na ito upang linlangin ka nang sa gayon ay wala kang ideya sa pag-iral ng Diyos. Siyempre, kasama ng panlalansi ang maraming aspeto, hindi lamang ang isang ito.
Ang ikatlo ay ang sapilitang pagdoktrina. Ano ang sapilitang itinuturo sa mga tao? Ang sapilitang pagdoktrina ay ginagawa ba sa sariling kagustuhan ng tao? Ginagawa ba ito na may pahintulot ang tao? (Hindi.) Kahit hindi ka pumayag, wala ka nang magagawa. Nadodoktrinahan ka ni Satanas nang hindi mo namamalayan, na ikinikintal sa iyo ang pag-iisip nito, mga patakaran sa buhay nito at ang diwa nito.
Ang ikaapat ay ang mga pagbabanta at mga pang-aakit. Iyon ay, ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang mga pandaya upang iyong tanggapin ito, sundin ito, gumawa sa paglilingkod dito. Gagawin nito ang lahat upang makamit ang mga layunin nito. Minsan nagbibigay ito ng maliliit na pabor sa iyo, samantalang inaakit ka nito na magkasala. Kung hindi mo susundin ito, pahihirapan ka nito at parurusahan ka, at gagamit ito ng iba’t ibang paraan upang salakayin ka at bitagin ka.
Ang ikalima ay panlilinlang at pagkaparalisa. Ang “panlilinlang at pagkaparalisa” ay ang pagbuo ni Satanas ng ilang mga salitang masarap pakinggan at mga ideya na angkop sa mga kuru-kuro ng mga tao, upang palabasin na parang isinasaalang-alang nito ang pisikal na kalagayan ng kanilang mga buhay at mga kinabukasan, gayong ang totoo ito ay tanging layunin nito na linlangin ka. Pagkatapos ay pinaparalisa ka nito upang hindi mo malaman kung ano ang tama at ano ang mali, sa gayon ikaw ay nalinlang nang hindi mo nalalaman at sasailalim sa kontrol nito.
Ang ikaanim ay ang pagkawasak ng katawan at isip. Aling bahagi ng tao ang winawasak ni Satanas? (Ang isip ng tao at buong pagkatao.) Winawasak ni Satanas ang iyong isip, inaalisan ka ng kakayahang tumutol, na nangangahulugan na ang iyong puso ay dahan-dahang bumabaling kay Satanas nang hindi mo inaasahan. Ikinikintal nito ang mga bagay na ito sa iyo araw-araw, araw-araw na ginagamit ang mga ideya at mga kulturang ito upang impluwensyahan at linangin ka, na dahan-dahang sinisira ka, upang huwag mo nang gustuhing maging isang mabuting tao, upang huwag mo nang naising manindigan para sa tinatawag mong katuwiran. Hindi mo namamalayan, wala ka nang taglay na pagpupursiging lumangoy laban sa agos, sa halip ay magpapatianod na lang dito. Ang “pagkawasak” ay nangangahulugan na labis na pinapahirapan ni Satanas ang mga tao kaya nagiging mga anino na lamang sila ng kanilang sarili, hindi na tao. Dito tumitira si Satanas, sinasakmal at nilalamon sila.
Bawat isa sa mga pandaraya na ito na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao ay makapagtatanggal ng kapangyarihan sa tao na lumaban; alinman sa mga ito ay nakamamatay sa mga tao. Sa madaling salita, anuman ang ginagawa ni Satanas at anuman ang pandaraya na ginagamit nito ay makakapagpahina sa iyo, makakapagdala sa iyo sa ilalim ng kontrol ni Satanas at makakapagpapalubog sa iyo sa isang kumunoy ng kasamaan at kasalanan. Ito ang mga pandaraya na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
79. Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
80. Binubuo ni Satanas ang reputasyon nito sa pamamagitan ng panlilinlang sa mga tao, at madalas nitong ipinakikita ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng pagkamakatuwiran. Sa ilalim ng pagpapanggap na ito ay nagbabantay sa pagkamakatuwiran, pinipinsala nito ang mga tao, nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at ginagamit ang lahat ng uri ng paraan upang pamanhirin, linlangin, at buyuin ang tao. Ang layunin nito ay pasang-ayunin ang tao at pasunurin sa masamang pag-uugali nito, upang sumama rito ang tao sa paglaban sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gayunman, kapag naging malinaw na ang isang tao hinggil sa mga pagbabalak, pakana at kasuklam-suklam na mga palabas nito at ayaw nang magpatuloy na tapak-tapakan at lokohin nito o patuloy na alipinin nito, o maparusahan at mawasak na kasama nito, binabago ni Satanas ang dating malasantong anyo nito at pinupunit ang huwad na maskara nito upang ibunyag ang tunay nitong mukha, na masama, malisyoso, pangit at mabagsik. Wala itong ibang nais kundi lipulin yaong lahat ng tumatangging sundin ito at yaong mga lumalaban sa masasama nitong mga puwersa. Sa puntong ito, hindi na makakapagpakita si Satanas ng isang mapagkakatiwalaan at maginoong anyo; sa halip, mabubunyag ang tunay na pangit at maladiyablong anyo nito sa likod ng pag-aanyong tupa. Sa sandaling malantad ang mga pakana at tunay na anyo ni Satanas, magpupuyos ito sa labis na pagkapoot at ilalantad ang kalupitan nito. Pagkatapos nito, ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang mga tao ay lalo lamang titindi. Ito ay dahil sumiklab ito sa galit sa pagkagising ng tao sa katotohanan; at nakabubuo ito ng isang makapangyarihang paghihiganti laban sa tao dahil sa kanilang paghahangad na magkaroon ng kalayaan at kaliwanagan, at makawala mula sa kulungan nito. Ang labis na poot nito ay naglalayong ipagtanggol at pagtibayin ang kasamaan nito at ito rin ay isang tunay na pagbubunyag ng malupit na kalikasan nito.
Sa bawat bagay, inilalantad ng kilos ni Satanas ang masamang kalikasan nito. Mula sa lahat ng masasamang gawa na ginawa ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na dayain ang tao upang sundin ito, hanggang sa panggagamit nito sa tao, kung saan ay kinakaladkad nito ang tao tungo sa masasama nitong gawa, hanggang sa paghihiganti ni Satanas sa tao matapos malantad ang tunay nitong anyo; at nakilala at tinalikdan ito ng tao—wala kahit isa sa mga gawang ito ang nabigong ilantad ang masamang diwa ni Satanas; wala kahit isa ang nabigong patunayan ang katotohanan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay; wala kahit isa ang nabigong patunayan na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang bagay. Ang bawat isa sa mga kilos nito ay nangangalaga sa kasamaan nito, nagpapanatili sa pagpapatuloy ng masasamang gawa nito, kumakalaban sa matuwid at positibong mga bagay, at sumisira sa mga batas at kaayusan ng karaniwang pag-iral ng sangkatauhan. Ang mga gawang ito ni Satanas ay laban sa Diyos at ang mga ito ay wawasakin ng poot ng Diyos. Bagaman si Satanas ay may sariling matinding galit, ang matinding galit nito ay isang pamamaraan lamang upang mailabas ang masamang kalikasan nito. Ang dahilan kung bakit si Satanas ay naiinis at galit na galit ay ito: Nalantad ang napakasamang mga pakana nito; ang mga lihim na balak nito ay hindi madaling takasan; ang marahas na mithiin at pagnanasa nito na palitan ang Diyos at kumilos bilang ang Diyos ay napabagsak at nahadlangan; at ang layunin nitong kontrolin ang buong sangkatauhan ay nauwi sa wala at hindi na kailanman makakamit. Ang paulit-ulit na pagtawag ng Diyos sa Kanyang poot, muli’t muli, ang nagpatigil sa pagbubunga ng mga balak at pumigil sa pagdami at paglaganap ng kasamaan ni Satanas. Sa kadahilanang ito, kapwa kinamumuhian at kinatatakutan ni Satanas ang poot ng Diyos. Sa tuwing bumababa ang poot ng Diyos, hindi lamang nito inilalantad ang tunay na kasuklam-suklam na anyo ni Satanas; inilalantad din nito ang masasamang pagnanasa ni Satanas sa liwanag. Kasabay nito, ang mga dahilan ng matinding galit ni Satanas laban sa sangkatauhan ay ganap nang nailalantad. Ang pagsabog ng matinding galit ni Satanas ay isang tunay na pagbubunyag ng masamang kalikasan nito at isang paglalantad ng mga pakana nito. Siyempre, ipinararating ng bawat pagsiklab ng galit ni Satanas ang pagkawasak ng masasamang bagay at proteksyon at pagpapatuloy ng mga positibong bagay; ipinararating nito ang katunayan na hindi maaaring maagrabyado ang poot ng Diyos!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Mga Talababa:
1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.
2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.
3. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.
4. Ang “magkakasabuwat sa krimen” ay kapareho ng uri ng “isang grupo ng mga butangero.”
5. Ang “hindi nalulusaw” ay nilayon bilang panunudyo [satire] dito, na ibig sabihin ay maigting ang mga tao sa kanilang kaalaman, kultura, at espirituwal na pananaw.
6. Ang “malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas” ay nagpapahiwatig na nagagalit at naghuhuramentado ang diyablo.
7. Ang “ganap na magulo” ay tumutukoy sa kung paanong hindi makayanang tingnan ang marahas na pag-uugali ng diyablo.
8. Ang “lamog at bugbog” ay tumutukoy sa pangit na mukha ng hari ng mga diyablo.
9. Ang ibig sabihin ng “sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan” ay itaya ang lahat ng pera ng isang tao sa pag-asang manalo sa huli. Ito ay isang metapora para sa masama at karumal-dumal na mga pakana ng diyablo. Ginagamit ang pahayag na ito nang patuya.
a. Ang Apat na Aklat at Limang Klasiko ay mapagkakatiwalaang tumpak na mga aklat ng Confucianism sa China.