C. Tungkol sa Kapanahunan ng Kaharian—ang Huling Kapanahunan
33. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas dakila pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang disposisyon na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
34. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng pagtiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang marumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para madalisay at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na iwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng panlulupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at paglalantad ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na pag-asa sa kalooban ng puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang tiwaling satanikong disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Sa ganitong paraan, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling satanikong disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging katapatang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y gawin tayong ganap ng Diyos!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa’y nabunyag ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Pagkatapos, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
35. Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang mga tiwaling disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit tungkol sa kung paano maiwawaksi ng tao ang tiwaling satanikong disposisyon sa loob niya, ang gawaing ito ay hindi pa nagagawa sa kanya. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananalig, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi lubusang naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala, at kung paano ganap na maiwawaksi at mababago ang kanyang makasalanang kalikasan. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang satanikong tiwaling disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang satanikong tiwaling disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, na maunawaan ang daan ng buhay, at maunawaan ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Dagdag pa, kakailanganin din na ang tao ay magsagawa alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon sa mga layunin ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang satanikong tiwaling disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensiya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang satanikong tiwaling disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano ito iwaksi. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at ang kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa mga ito, siya ay itinuturing na isang mananampalatayang pasok sa pamantayan. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para linisin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayon ay bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang isiwalat ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa wastong landas. Ang gawain ng yugtong ito ay mas makabuluhan kaysa sa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatwid, nakompleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
36. Ang gawain ng mga huling araw ay para ibukod-bukod ang lahat ayon sa kanilang uri, at upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian—lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subalit, bago ang pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao, o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang pagiging mapaghimagsik ng tao, sapagkat dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
37. Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
38. Ang sangkatauhan, na napakalalim na ginawang tiwali ni Satanas, ay hindi nakakaalam na mayroong Diyos, at nahinto na sa pagsamba sa Diyos. Sa pasimula, nang sina Adan at Eba ay nilikha, naroon ang kaluwalhatian at patotoo ni Jehova. Ngunit matapos magawang tiwali, ang tao ay nawalan ng kaluwalhatian at patotoo, sapagkat ang lahat ay naghimagsik laban sa Diyos at tuluyang huminto sa pagkatakot sa Kanya. Ang gawain ng paglupig ngayon ay upang mabawi ang lahat ng patotoo at lahat ng kaluwalhatian, at ang lahat ng tao ay pasambahin sa Diyos, upang mayroong patotoo sa gitna ng mga nilikha; ito ang gawaing gagawin sa yugtong ito. Paano ba talaga lulupigin ang sangkatauhan? Sa pamamagitan ng paggamit ng gawain ng mga salita ng yugtong ito upang lubos na makumbinsi ang tao; sa pamamagitan ng paggamit ng paglalantad, paghatol, pagkastigo, at walang-awang sumpa upang lubusan siyang mahimok; sa pamamagitan ng paglalantad sa paghihimagsik ng tao at paghahatol sa kanyang paglaban upang malaman niya ang di-pagkamatuwid at karumihan ng sangkatauhan, at sa gayon ay ginagamit ang mga bagay na ito bilang mapaghahambingan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Pangunahing sa pamamagitan ng mga salitang ito na ang tao ay nalulupig at lubos na nahihikayat. Ang mga salita ang paraan tungo sa kahuli-hulihang panlulupig sa sangkatauhan, at silang lahat na tumatanggap sa paglupig ng Diyos ay dapat tumanggap sa hampas at paghatol ng mga salita.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)
39. Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
40. Sa Kapanahunan ng Kaharian, nagwiwika ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lupigin ang lahat ng nananampalataya sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; dumating ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang gawaing ito, na ang ibig sabihin, naparito Siya upang tuparin ang aktuwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang may pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakadiwa ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag nagwiwika ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na nagiging katawang-tao. “Nang pasimula Siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos, at nagkatawang-tao ang Salita.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at kailangan ngang pumarito ng Diyos sa lupa at maghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong isasakatuparan ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—maliwanag nang nakasaad ang lahat ng gawaing ito na dapat makamit sa katapusan, at ang lahat ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailabas, yaong mga mawawasak, yaong mga mamamahinga—dapat na matupad ang lahat ng salitang ito. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Pinangyayari Niya ang mga tao na maunawaan kung saan nabibilang yaong mga itinadhana ng Diyos at kung saan nabibilang yaong mga hindi itinadhana ng Diyos, kung paano mapapagbukud-bukod ang Kanyang mga tao at mga anak, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Ehipto—sa hinaharap, matutupad ang bawat isa sa mga salitang ito. Bumibilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang paraan upang ihayag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin sa mga huling araw ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
41. Ngayon, ang Diyos ay pangunahing nagkatawang-tao upang tapusin ang gawain ng “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” upang gamitin ang salita para gawing perpekto ang tao, at ipatanggap sa tao ang pagpupungos ng salita at ang pagpipino ng salita. Sa Kanyang mga salita, ginagawa Niyang magkamit ka ng panustos at buhay, at makita mo ang Kanyang gawain at mga gawa. Ginagamit ng Diyos ang salita upang kastiguhin at pinuhin ka, at sa gayon, kahit dumanas ka ng pasakit, ito ay dahil din sa salita ng Diyos. Ngayon, ang Diyos ay hindi gumagawa na gamit ang mga katunayan, kundi mga salita. Pagkatapos dumating sa iyo ang salita Niya, saka lamang makagagawa sa loob mo ang Banal na Espiritu at makapagdudulot sa iyo na magdusa ng pasakit o makaramdam ng katamisan. Tanging ang salita ng Diyos ang makapagdadala sa iyo tungo sa realidad, at tanging ang salita ng Diyos ang may kakayahang gawin kang perpekto. At sa gayon, dapat mo man lamang maunawaan ito: Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay pangunahing ang paggamit ng Kanyang salita upang gawing perpekto ang bawat tao at gabayan ang tao. Ang lahat ng gawain na ginagawa Niya ay sa pamamagitan ng salita; hindi Siya gumagamit ng mga katunayan upang kastiguhin ka. May mga panahon na ang ilang tao ay lumalaban sa Diyos. Hindi nagsasanhi ang Diyos ng matinding kawalang-ginhawa para sa iyo, ang iyong laman ay hindi kinakastigo, ni nagdurusa ng anumang pasakit—subalit sa sandaling dumating sa iyo ang Kanyang salita, at pinino ka nito, hindi mo ito mababata. Hindi ba’t gayon nga? Sa panahon ng mga tagapagserbisyo, sinabi ng Diyos na itapon ang tao sa walang hanggang hukay. Tunay nga bang umabot ang tao sa walang hanggang hukay? Sa pamamagitan lamang ng paggamit ng mga salita upang pinuhin ang tao, pumasok ang tao sa walang hanggang hukay. At kaya, sa mga huling araw, kapag nagkatawang-tao ang Diyos, pangunahin Niyang ginagamit ang salita upang tuparin ang lahat at ibunyag ang lahat. Sa Kanyang mga salita mo lamang makikita kung ano Siya; sa Kanyang mga salita mo lamang makikita na Siya ang Diyos Mismo. Kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay naparito sa lupa, wala Siyang ibang ginagawa kundi ang mangusap ng mga salita—kaya hindi na kailangan ang mga katunayan; sapat na ang mga salita. Yaon ay sapagkat pangunahing naparito Siya upang gawin ang gawaing ito, upang pahintulutan ang tao na mamasdan ang Kanyang dakilang kapangyarihan at ang pagiging kataas-taasan sa Kanyang mga salita, upang pahintulutan ang tao na makita ang Kanyang kababang-loob at pagiging tago sa Kanyang mga salita, at upang pahintulutan ang tao na malaman ang Kanyang kabuuan sa Kanyang mga salita. Ang lahat ng mayroon Siya at ang lahat ng kung ano Siya ay nasa Kanyang mga salita. Ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha ay nasa Kanyang mga salita. Sa ganito ipinakikita sa iyo ang maraming paraan kung paano winiwika ng Diyos ang Kanyang mga salita. Napakatagal na panahon nang gumagawa ang Diyos; ito ay pangunahin para sa pagtutustos, para ilantad o pungusan ang tao. Hindi basta-basta sinusumpa ng Diyos ang isang tao, at kahit na ginagawa pa Niya, ito ay sa pamamagitan ng salita. At sa gayon, sa kapanahunang ito ng Diyos na naging tao, huwag mong subukang makita ang Diyos na muling nagpapagaling ng maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo, at itigil mo ang palagiang paghahanap ng mga tanda—wala itong saysay! Hindi magagawang perpekto ang tao ng mga tandang iyon! Sa malinaw na pananalita: Ngayon, ang praktikal na Diyos Mismo na nagkatawang-tao ay hindi kumikilos; nangungusap lamang Siya. Ito ang katotohanan! Gumagamit Siya ng mga salita upang gawin kang perpekto, at gumagamit ng mga salita upang pakainin at diligan ka. Gumagamit din Siya ng mga salita upang gumawa, at gumagamit Siya ng mga salita sa halip na mga katunayan upang ipaalam sa iyo ang pagiging praktikal Niya. Kung may kakayahan kang mahiwatigan ang paraang ito ng gawain ng Diyos, mahirap na sa gayong maging negatibo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na negatibo, dapat ninyong pagtuunan ng pansin yaong mga positibo lamang—na ibig sabihin, natutupad man o hindi ang mga salita ng Diyos, o mayroon man o walang pagdating ng mga katunayan, nagsasanhi ang Diyos na matamo ng tao ang buhay mula sa Kanyang mga salita, at ito ang pinakadakila sa lahat ng tanda; at lalong higit pa, ito ay isang di-mapapasubaliang katunayan. Ito ang pinakamainam na katibayan na magagamit sa pagkilala sa Diyos, at mas dakila pang tanda kaysa mga tanda. Tanging ang mga salitang ito ang makakagawang perpekto sa tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
42. Sa mga huling araw, pangunahing gumagamit ang Diyos ng salita upang gawing perpekto ang tao. Hindi Siya gumagamit ng mga tanda at mga kababalaghan upang supilin ang tao, o kumbinsihin ang tao; hindi nito makakayang maipamalas ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Kung nagpakita lamang ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ay magiging imposible na maipamalas ang pagiging praktikal ng Diyos, at sa gayon ay imposibleng gawing perpekto ang tao. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, bagkus ay gumagamit ng salita upang diligan at pastulin ang tao, pagkatapos nito ay ang pagtatamo ng ganap na pagpapasakop ng tao at pagkakilala ng tao sa Diyos. Ito ang layunin ng gawaing ginagawa Niya at ng mga salitang winiwika Niya. Hindi ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan upang gawing perpekto ang tao—gumagamit Siya ng mga salita, at gumagamit ng maraming iba’t ibang pamamaraan ng gawain upang gawing perpekto ang tao. Maging ito man ay ang pagpipino, pagpupungos, o pagtutustos ng mga salita, nagsasalita ang Diyos mula sa maraming iba’t ibang perspektibo upang gawing perpekto ang tao, at upang bigyan ang tao ng mas malaking kaalaman sa gawain, karunungan at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. … Dati Ko nang nasabi na natatamo mula sa Silangan ang isang pangkat ng mga mananagumpay, mga mananagumpay na nagmumula sa malaking kapighatian. Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay ang mga taong ito na natamo na ay tunay lamang na mapagpasakop sila matapos dumaan sa paghatol, pagkastigo, pagpupungos, at lahat ng uri ng pagpipino. Hindi malabo, bagkus ay tunay ang paniniwala ng mga ganoong tao. Hindi pa sila nakakakita ng anumang mga tanda at kababalaghan, o anumang mga himala; hindi sila nakakapagsalita ng matatayog na salita at doktrina, o nakakapagsabi ng malalalim na kabatiran; sa halip, mayroon silang realidad, at mga salita ng Diyos, at isang praktikal at tunay na kaalaman sa Diyos. Hindi ba’t ang ganoong grupo ay mas kayang maipamalas ang dakilang kapangyarihan ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
43. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito sa lupa una sa lahat upang magpahayag ng mga salita. Nang pumarito si Jesus, ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Winakasan Niya ang Kapanahunan ng Kautusan at tinanggal ang lahat ng luma. Winakasan ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya; winakasan ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kapanahunan ng Biyaya. Pumarito Siya pangunahin upang ipahayag ang Kanyang mga salita, gamit ang mga salita para gawing perpekto ang tao, tanglawan at liwanagan ang tao—at sa gayon ay inaalis ang puwang ng malabong Diyos sa puso ng tao. Nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang yugtong ito ng gawain. Nang pumarito Siya, nagsagawa Siya ng maraming himala, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ginawa Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Bunga nito, sa mga kuru-kuro ng mga tao, naniniwala sila na ganito dapat ang Diyos. Sapagkat nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang gawaing tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao; nang pumarito Siya, ipinako Siya sa krus, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, inaalisan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw ang puwang na hawak ng malabong Diyos sa mga kuro-kuro ng tao, kaya wala na ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang mga praktikal na salita at gawain, ang Kanyang paggalaw sa lahat ng lupain, at ang natatanging praktikal at normal na gawaing ginagawa Niya sa tao, ipinapaalam Niya sa tao ang pagiging praktikal ng Diyos, at inaalisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Sa isa pang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Kanyang katawang-tao para gawing ganap ang tao, at maisakatuparan ang lahat ng bagay. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagkilala sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos
44. Sa mga huling araw, naparito ang Diyos una sa lahat upang ipahayag ang Kanyang mga salita. Nagpapahayag Siya mula sa pananaw ng Espiritu, mula sa pananaw ng tao, at mula sa pananaw ng pangatlong tao; nagpapahayag Siya sa iba’t ibang paraan, gamit ang isang paraan sa loob ng isang panahon, at ginagamit Niya ang pamamaraan ng pagpapahayag para baguhin ang mga kuru-kuro ng tao at tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Ito ang pangunahing gawaing ginawa ng Diyos. Dahil naniniwala ang tao na naparito ang Diyos para magpagaling ng mga may sakit, magtaboy ng mga demonyo, magsagawa ng mga himala, at magkaloob ng materyal na mga pagpapala sa tao, isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng pagkastigo at paghatol—upang alisin ang gayong mga bagay mula sa mga kuru-kuro ng tao, upang malaman ng tao ang pagiging praktikal at normal ng Diyos, at upang maalis sa puso niya ang wangis ni Jesus at mapalitan ng panibagong wangis ng Diyos. Sa sandaling tumanda ang wangis ng Diyos sa kalooban ng tao, nagiging isang diyus-diyusan ito. Nang pumarito si Jesus at isagawa ang yugtong iyon ng gawain, hindi Niya kinatawan ang kabuuan ng Diyos. Nagsagawa Siya ng ilang tanda at kababalaghan, nagpahayag ng ilang salita, at sa huli ay ipinako sa krus. Kinatawan Niya ang isang bahagi ng Diyos. Hindi Niya maaaring katawanin ang lahat ng sa Diyos, kundi sa halip ay kinatawan Niya ang Diyos sa paggawa ng isang bahagi ng gawain ng Diyos. Iyon ay dahil napakadakila ng Diyos, at lubhang kamangha-mangha, at hindi Siya maarok, at dahil isang bahagi lamang ng Kanyang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan. Ang gawaing ginawa ng Diyos sa kapanahunang ito ay pangunahing ang pagtutustos ng mga salita ng buhay para sa tao; ang paglalantad ng kalikasang diwa ng tao, at ang kanyang tiwaling disposisyon; at ang pag-aalis ng mga kuru-kurong panrelihiyon, piyudal na pag-iisip, lipas na pag-iisip, at ang kaalaman at kultura ng tao. Ang lahat ng bagay na ito ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ibunyag ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mauunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang mga gawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, inakay ni Jehova si Moises palabas ng Ehipto gamit ang Kanyang mga salita, at nagpahayag ng ilang salita sa mga Israelita; noon, bahagi ng mga gawa ng Diyos ay nabunyag, ngunit dahil limitado ang kakayahan ng tao at walang maaaring kumumpleto sa Kanyang kaalaman, patuloy na nagpahayag at gumawa ang Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nakitang muli ng tao ang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Nagawang magpakita ni Jesus ng mga tanda at kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at magpapako sa krus, at pagkaraan ng tatlong araw ay nabuhay Siyang mag-uli at nagpakita sa katawang-tao sa harap ng tao. Tungkol sa Diyos, wala nang ibang alam ang tao na higit pa rito. Ang nalalaman ng tao ay kasindami lamang ng ibinubunyag ng Diyos sa kanya, at kung wala nang ibang ibinubunyag ang Diyos sa tao, iyon ang magiging lawak ng limitasyon ng tao sa Diyos. Sa gayon, patuloy na gumagawa ang Diyos, upang mas lumalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya, at upang unti-unting malaman ng tao ang diwa ng Diyos. Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang gawing perpekto ang tao. Ang iyong tiwaling disposisyon ay inilalantad ng mga salita ng Diyos, at ang iyong mga haka-hakang pangrelihiyon ay pinapalitan ng pagiging praktikal ng Diyos. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos, pangunahin, para tuparin ang mga salitang, “ang Salita ay nagkatawang-tao, ang Salita ay dumating sa loob ng katawang-tao, at ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at kung wala kang masusing kaalaman tungkol dito, hindi ka magiging matatag. Sa mga huling araw, pangunahing layon ng Diyos na magsakatuparan ng isang yugto ng gawain kung saan nagpapakita ang Salita sa katawang-tao, at ito ay isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagkilala sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos
45. Sa gawain sa mga huling araw, ang kapangyarihan ng salita ay mas higit kaysa sa pagpapamalas ng mga tanda at mga kababalaghan, at nahihigitan ng awtoridad ng salita ang mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Hindi mo matutuklasan ang mga ito sa sarili mo. Kapag ang mga ito ay nailantad ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; kailangan mong ibigay ang iyong pagkilala, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang lubos na ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay kay Satanas pa rin at ang tiwaling satanikong disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, ang hindi pa nadadalisay ay nauukol pa rin sa kasalanan at karumihan. Makakamit ng Diyos at magiging banal ang tao pagkatapos lamang na malinis ang tao sa pamamagitan ng salita.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
46. Liliwanagin para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong plano ng pamamahala na ito, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Bibliya. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos sabihin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay saka lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga sinabi at hindi sinabi, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinaw, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at ginagawa sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, na mali ang pagkaunawa ngunit naniniwala pa rin na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang nakalilinlang na pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga walang pananampalataya, at ang lahat ng kanyang iba pang mga kabaluktutan ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)
47. Kung mananatiling nakatali ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit hindi taglay ang daan ng buhay na magtutulot sa kanila na makilala ang Diyos o mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na makakamit kailanman sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng pananampalataya. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga pagnanais na taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang manampalataya sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga nakapagpapasakop sa katotohanan at nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagkakamit ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at pati na rin ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako ay lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako ay lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto; At sa gitna ng pitong kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na maipahayag nang malinaw gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha. Na ibig sabihin ay lahat ng nagpahalaga sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakita na ang tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagkat napakadakila ng Diyos at hindi maaaring lubos na mabigkas nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao. Kapag naranasan na ng tao ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang banggitin niya ang Anak ng tao sa gitna ng mga ilawan: “Ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
48. Bakit ang gawain ng paglupig ang huling yugto? Hindi ba ito ay upang tiyak na ipamalas kung anong klaseng katapusan ang sasapitin ng bawat uri ng tao? Hindi ba ito ay para hayaan ang lahat, sa panahon ng gawain ng paglupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at sa gayon ay maibukod-bukod ayon sa kanilang uri pagkatapos? Sa halip na sabihing ito ay panlulupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ipinapakita nito kung ano ang uri ng magiging katapusan para sa bawat uri ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay pagbubunyag ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid. Matapos ang gawain ng paglupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Ang mga tao na buong-buong nagpapasakop—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kalamidad. Sa gayon, ang tao ay ibubukod-bukod ayon sa uri, ang masama ay isasama sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay isasama sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mabuhay sa liwanag magpakailanman. Ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng bagay; ang katapusan ng tao ay maliwanag nang ipinakita sa kanyang mga mata, at ang lahat ng bagay ay ibubukod-bukod ayon sa uri. Paano, kung gayon, makatatakas ba ang mga tao sa dalamhati ng pagbubukod-bukod ng bawat isa ayon sa uri? Ang katapusan ng bawat klase ng tao ay ibinubunyag kapag ang katapusan ay nalalapit na para sa lahat ng bagay, at ito ay ginagawa habang nasa gawain ng panlulupig sa buong sansinukob (kabilang ang lahat ng gawain ng paglupig, simula sa kasalukuyang gawain). Ang pagbubunyag ng katapusan ng buong sangkatauhan ay ginagawa sa harap ng luklukan ng paghatol, sa panahon ng pagkastigo, at sa panahon ng gawain ng paglupig sa mga huling araw. …
Ang mga huling araw ay kung kailan ang lahat ng bagay ay ibubukod-bukod ayon sa uri sa pamamagitan ng panlulupig. Ang panlulupig ay ang gawain sa mga huling araw; sa ibang salita, ang paghatol sa mga kasalanan ng bawat tao ay ang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, paano maiuuri ang mga tao? Ang gawain ng pagbubukod-bukod na ginagawa sa inyo ay ang umpisa ng gayong gawain sa buong sansinukob. Pagkatapos nito, yaong mga nasa lahat ng lupain at lahat ng mamamayan ay tatanggapin din ang gawain ng paglupig. Nangangahulugan ito na ang bawat tao sa sangnilikha ay ibubukod-bukod ayon sa uri, sumusuko sa harap ng luklukan ng paghatol upang mahatulan. Walang tao at walang bagay ang makakatakas sa pagdurusa ng pagkastigo at paghatol na ito, at wala ring sinumang tao o bagay ang hindi ibubukod-bukod ayon sa uri; ang bawat tao ay pagsasama-samahin ayon sa klase, dahil ang kalalabasan ng lahat ng bagay ay nalalapit na, at lahat ng langit at lupa ay nakarating na sa wakas nito. Paano makatatakas ang tao sa araw kung kailan ang pag-iral ng sangkatauhan ay magwawakas na?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)
49. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto sa pakikipagdigma kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang pagbabalik ng pagsasakatawan ni Satanas—ang tao na nagawang tiwali ni Satanas—sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, kung saan sa pamamagitan nito ay maghihimagsik siya laban kay Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa digmaan laban kay Satanas at ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos para sa kapakanan ng pagtalo kay Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensiya ni Satanas. Dahil dito, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago ang pakikipagdigma kay Satanas ay natatapos, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa tao. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao at sa pagpapanumbalik ng orihinal na katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensiya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
50. Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—iyon ay, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang makakapasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos. Samakatwid, nakatakas na sa impluwensiya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa kapahingahan at nakamit na sila ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa wakas ay makakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling araw ng pahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang maaaring mabukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, sa gayon ay natutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga mananatili at ‘di mananatili. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa kanilang araw ng pahinga, at mabubuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga masama, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, ititiwalag at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi pa naililigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang mga espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng masama ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naghimagsik laban sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabubuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas ng sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang tapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama