III. Mga Salita tungkol sa Pagpapatotoo sa Pagpapakita at Gawain ng Diyos

165. Nakarating na ang papuri sa Sion at lumitaw na ang tahanan ng Diyos. Ang maluwalhating banal na pangalan ay pinupuri ng di-mabilang na tao at lumalaganap ito. Ah, Makapangyarihang Diyos! Ang Pinuno ng sansinukob, ang Cristo ng mga huling araw—Siya ang nagniningning na Araw na sumikat sa loob ng buong sansinukob, sa itaas ng maharlika at dakilang Bundok ng Sion …

Makapangyarihang Diyos! Sumisigaw kami sa Iyo sa kagalakan; sumasayaw at umaawit kami. Tunay na Ikaw ang aming Manunubos, ang dakilang Hari ng sansinukob! Nakagawa Ka na ng isang grupo ng mga mananagumpay at natupad Mo na ang plano ng pamamahala ng Diyos. Dadaloy ang di-mabilang na tao sa bundok na ito. Luluhod ang di-mabilang na tao sa harap ng trono! Ikaw ang nag-iisa at tanging tunay na Diyos at karapat-dapat Ka sa kaluwalhatian at karangalan. Lahat ng kaluwalhatian, papuri, at awtoridad ang mapasa-trono! Dumadaloy mula sa trono ang bukal ng buhay, dinidiligan at pinakakain ang lahat ng tao ng Diyos. Nagbabago ang buhay natin araw-araw; sinusundan tayo ng bagong liwanag at mga paghahayag, patuloy na nagdudulot ng mga bagong kabatiran tungkol sa Diyos. Sa gitna ng mga karanasan, nagiging lubos na tiyak tayo tungkol sa Diyos. Ang Kanyang mga salita ay patuloy na nagpapakita, nagpapakita sa kalooban ng mga taong tama. Tunay ngang labis tayong pinagpala! Tayo ay harap-harapan sa Diyos bawat araw, nakikipagbahaginan tayo sa Diyos sa lahat ng bagay, at hinahayaan natin ang Diyos na mamahala sa lahat ng bagay. Pinagbubulay-bulayan nating mabuti ang salita ng Diyos, tumatahimik ang ating puso sa Diyos, at sa paraang ito ay lumalapit tayo sa harapan ng Diyos, kung saan natatanggap natin ang Kanyang pagtanglaw. Sa bawat araw, sa ating buhay, mga kilos, salita, kaisipan, at ideya, namumuhay tayo sa loob ng salita ng Diyos, at kaya nating kumilatis ng mga bagay-bagay sa lahat ng oras. Ang salita ng Diyos ang gumagabay sa sinulid sa butas ng karayom; nang di-inaasahan, nalalantad ang mga bagay na nakatago sa ating kalooban, nang sunod-sunod. Ang pakikipagbahaginan sa Diyos ay hindi nagpapaantala; inilalantad ng Diyos ang ating mga kaisipan at ideya. Sa bawat sandali nabubuhay tayo sa harap ng luklukan ni Cristo kung saan sumasailalim tayo sa paghatol. Nananatiling sakop ni Satanas ang bawat bahagi sa loob ng ating katawan. Ngayon, upang mabawi ang pagkahari ng Diyos, kailangang linisin ang Kanyang templo. Upang ganap na masakop ng Diyos, kailangan nating dumaan sa isang buhay at kamatayan na pakikibaka. Kapag naipako na sa krus ang dati nating sarili, saka lamang maghahari nang kataas-taasan ang muling nabuhay na buhay ni Cristo.

Nagsisimula ngayon ng isang pagsalakay ang Banal na Espiritu sa bawat sulok natin upang makidigma para mabawi tayo! Basta’t payag tayong itatwa ang ating sarili at makipagtulungan sa Diyos, tiyak na tatanglawan at dadalisayin ng Diyos ang ating kalooban sa lahat ng oras, at babawiing muli yaong nasakop na ni Satanas, nang sa gayon, tayo ay magawang ganap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Huwag mag-aksaya ng panahon—ipamuhay ang bawat sandali sa loob ng salita ng Diyos. Mapatatag na kasama ng mga banal, madala sa kaharian, at pumasok sa kaluwalhatian kasama ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 1

166. Nagkahugis na ang iglesia ng Philadelphia, na ganap na dahil sa biyaya at awa ng Diyos. Ang mga mapagmahal-sa-Diyos na puso ay isinilang sa napakaraming banal, at hindi sila nag-aalinlangan sa kanilang espirituwal na paglalakbay. Matatag sila sa kanilang pananampalataya na nagkatawang-tao na ang nag-iisang tunay na Diyos, na Siya ang Pinuno ng sansinukob, na nag-uutos sa lahat ng bagay: Pinagtibay ito ng Banal na Espiritu, kasintatag ito ng kabundukan! Hindi ito magbabago kailanman!

O, Makapangyarihang Diyos! Ngayon ay Ikaw ang nagbukas sa aming mga espirituwal na mata, na tinutulutang makakita ang bulag, makalakad ang pilay, at mapagaling ang mga ketongin. Ikaw ang nagbukas sa durungawan sa langit, na tinutulutan kaming mahiwatigan ang mga hiwaga ng espirituwal na dako. Naturuan ng Iyong mga banal na salita at naligtas mula sa aming pagkatao, na ginawang tiwali ni Satanas—ganyan ang Iyong di-masukat na dakilang gawain at Iyong di-masukat na matinding awa. Kami ay Iyong mga saksi!

Matagal Kang nanatiling nakatago, nang mapagkumbaba at tahimik. Naranasan Mo ang muling pagkabuhay mula sa kamatayan, sa pagdurusa ng pagpapapako sa krus, sa mga kagalakan at kalungkutan ng buhay ng tao, at sa pag-uusig at kahirapan; naranasan at nalasap Mo ang pasakit ng mundo ng tao, at tinalikdan Ka ng kapanahunan. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo. Alang-alang sa kalooban ng Diyos, iniligtas Mo kami mula sa tumpok ng dumi, at inaalalayan kami gamit ang Iyong kanang kamay, at malayang ibinigay sa amin ang Iyong biyaya. Hindi inalintana ang mga pasakit, ihinubog Mo ang Iyong buhay sa amin; ang dugo ng Iyong puso at ang halagang binayaran Mo ay nagkristal sa mga banal. Kami ang produkto ng[a] dugo ng Iyong puso; kami ang halagang binayaran Mo.

O, Makapangyarihang Diyos! Dahil sa Iyong kabutihang-loob at awa, sa Iyong katuwiran at pagiging maharlika, sa Iyong kabanalan at pagpapakumbaba kaya yuyukod sa Iyong harapan ang lahat ng bayan at sasambahin Ka nang walang-hanggan.

Ngayon ay nagawa Mo nang ganap ang lahat ng iglesia—ang iglesia ng Philadelphia—at natupad na ang Iyong 6,000-taong plano ng pamamahala. Maaaring mapagpakumbabang magpasakop ang mga banal sa Iyong harapan, na nakaugnay sa espiritu at sumusunod nang may pagmamahal, nakaugnay sa pinagmumulan ng bukal. Dumadaloy nang walang-tigil ang buhay na tubig ng buhay, at hinuhugasan at nililinis ang lahat ng putik at maruming tubig sa iglesia, muling dinadalisay ang Iyong templo. Nakilala na namin ang praktikal na tunay na Diyos, naipamuhay ang Kanyang mga salita, nakilala ang aming sariling mga gawain at tungkulin, at nagawa ang lahat ng makakaya namin upang gugulin ang aming sarili para sa iglesia. Laging tahimik sa Iyong harapan, kailangan naming sundin ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi ay mahahadlangan namin ang kalooban Mo. Nagmamahalan ang mga banal, at mapupunan ng mga kalakasan ng ilan ang mga pagkukulang ng iba. Kaya nilang lumakad sa espiritu sa lahat ng oras, na naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu. Isinasagawa nila kaagad ang katotohanan pagkatapos na maunawaan ito. Sumasabay sila sa bagong liwanag at sumusunod sa mga yapak ng Diyos.

Aktibong makipagtulungan sa Diyos; ang pagpapaubaya na Siya ang kumontrol ay paglakad na kasama Niya. Lahat ng ating sariling ideya, kuru-kuro, opinyon, at sekular na gawain ay nawawalang parang bula gaya ng usok. Hinahayaan nating maghari nang kataas-taasan ang Diyos sa ating espiritu, lumalakad na kasama Niya at sa gayon ay nangingibabaw, nadaraig ang mundo, at malayang lumilipad at lumalaya ang ating espiritu: Ito ang kinalalabasan kapag naging Hari ang Makapangyarihang Diyos. Paano tayong hindi sasayaw at aawit ng mga papuri, mag-aalay ng ating mga papuri, mag-aalay ng mga bagong himno?

Talagang maraming paraan para purihin ang Diyos: pagtawag sa Kanyang pangalan, paglapit sa Kanya, pag-iisip sa Kanya, pagbabasa nang padalangin, pagbabahaginan, pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay, pagdarasal, at pag-awit ng mga papuri. Sa ganitong mga uri ng papuri ay mayroong kagalakan, at mayroong pagpapahid ng langis; mayroong kapangyarihan sa papuri, at mayroon ding pasanin. Mayroong pananampalataya sa papuri, at mayroong bagong kabatiran.

Aktibong makipagtulungan sa Diyos, makipag-ugnayan sa paglilingkod at maging isa, na tumutugon sa mga layunin ng Makapangyarihang Diyos, magmadaling maging isang banal na espirituwal na katawan, tapakan si Satanas, at wakasan ang kapalaran ni Satanas. Ang iglesia ng Philadelphia ay nadala na sa presensya ng Diyos at naipakita sa Kanyang kaluwalhatian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 2

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “ang produkto ng.”


167. Ang matagumpay na Hari ay nakaupo sa Kanyang maluwalhating trono. Naisakatuparan na Niya ang pagtubos at inakay na ang lahat ng Kanyang tao upang magpakita sa kaluwalhatian. Hawak Niya ang lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay at sa Kanyang banal na karunungan at kapangyarihan ay itinayo at pinatatag Niya ang Sion. Sa Kanyang pagiging maharlika ay hinahatulan Niya ang makasalanang sanlibutan; hinatulan na Niya ang di-mabilang na mga bansa at tao, ang lupa at ang mga dagat at lahat ng bagay na nabubuhay roon, gayundin ang mga lasing sa alak ng kahalayan. Tiyak na hahatulan sila ng Diyos, at tiyak na magagalit Siya sa kanila at sa ganito mahahayag ang pagiging maharlika ng Diyos, na ang paghatol ay agad-agad at ipinatutupad nang walang pagkaantala. Tiyak na susunugin ng apoy ng Kanyang poot ang kanilang karumal-dumal na mga kasalanan at sasapit sa kanila ang kalamidad anumang sandali; wala silang landas na matatakasan at walang lugar na mapagtataguan, sila ay tatangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin, at magdadala sila ng pagkawasak sa kanilang sarili.

Ang matatagumpay na anak, na pinakamamahal ng Diyos ay tiyak na lalagi sa Sion, hindi na lilisanin ito kailanman. Ang di-mabilang na mga tao ay makikinig nang mabuti sa Kanyang tinig, magbibigay sila ng masusing atensyon sa Kanyang mga kilos, at ang mga tunog ng kanilang papuri sa Kanya ay hindi titigil kailanman. Nagpakita na ang nag-iisang tunay na Diyos! Makatitiyak tayo tungkol sa Kanya sa espiritu at susundan natin Siyang mabuti; magmamadali tayong sumulong nang buo nating lakas at hindi na mag-aalinlangan. Ang katapusan ng mundo ay nalalantad sa ating harapan; pinatitindi pa ngayon ng pagkakaroon ng wastong buhay-iglesia at maging ng mga tao, kaganapan, at bagay sa ating paligid ang ating pagsasanay. Bilisan natin ang pagbawi sa ating puso na labis na nagmamahal sa mundo! Bilisan natin ang pagbawi sa ating pananaw na lubhang nalalabuan! Pigilan natin ang mga hakbang natin, upang hindi tayo lumampas sa mga hangganan. Pigilan natin ang ating bibig upang makapamuhay tayo ayon sa salita ng Diyos, at hindi na tayo makipagtalo pa tungkol sa mga natamo at nawala sa atin. Ah, kalimutan na ninyo ito—ang sakim na pagkahilig ninyo sa sekular na mundo at sa kayamanan! Ah, palayain ninyo ang inyong sarili mula rito—sa pagkatali sa inyong asawa at mga anak na babae at lalaki! Ah, talikuran na ninyo ang mga ito—ang inyong mga pananaw at pagtatangi! Ah, gising; maikli ang panahon! Tumingala, tumingala, mula sa espiritu, at hayaang Diyos ang kumontrol. Anuman ang mangyari, huwag kayong tumulad sa asawa ni Lot. Kaawa-awa ang maitakwil! Talagang kaawa-awa! Ah, gising!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 3

168. Nagbabago ang mga bundok at mga ilog, umaagos ang mga batis sa daanan ng mga ito, at hindi nagtatagal ang buhay ng tao gaya ng daigdig at himpapawid. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang buhay na walang-hanggan at muling pagkabuhay, na nagpapatuloy sa pagdaan ng mga henerasyon, nang walang hanggan! Ang lahat ng bagay at pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay, at si Satanas ay nasa ilalim ng Kanyang paa.

Ngayon, sa pamamagitan ng itinalagang pagpili ng Diyos, na inililigtas Niya tayo mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Satanas. Talagang Siya ang ating Manunubos. Ang walang-hanggang muling pagkabuhay ni Cristo ay aktuwal nang ginawa sa loob natin, kaya natatadhana tayong maugnay sa buhay ng Diyos, upang tayo’y aktuwal na makaharap sa Kanya, kainin Siya, inumin Siya, at tamasahin Siya. Ito ang di-makasariling pag-aalay ng dugo ng puso ng Diyos.

Dumarating at lumilipas ang mga panahon; dumaraan ang Diyos sa hangin at nagyeyelong hamog, at sinasalubong Niya ang napakaraming pasakit, pag-uusig, at kapighatian sa buhay, napakaraming pagtanggi at paninirang-puri ng mundo, napakaraming huwad na paratang ng pamahalaan, ngunit hindi nababawasan ni katiting ang pananampalataya ng Diyos ni ang paninindigan Niya. Buong-pusong nakatalaga sa kalooban ng Diyos, at sa pamamahala at plano ng Diyos, upang maisakatuparan ang mga ito, isinasantabi Niya ang Kanyang sariling buhay. Para sa lahat ng Kanyang mga tao, ginagawa Niya ang lahat-lahat, maingat silang pinapakain at dinidiligan. Gaano man tayo kamangmang, o gaano man kasutil, dapat magpasakop lamang tayo sa harapan Niya, at babaguhin ang ating dating kalikasan ng buhay ng muling pagkabuhay ni Cristo…. Para sa mga panganay na anak na ito, walang kapaguran Siyang gumagawa, ipinagpapaliban ang pagkain at pahinga. Ilang araw at gabi, sa gitna ng gaano katinding nakapapasong init at nagyeyelong lamig, buong-puso Siyang nagbabantay sa Sion.

Ang mundo, tahanan, gawain at lahat na, na lubusang tinalikdan, nang may kasiyahan, nang kusang-loob, at ang mga makamundong kasiyahan ay walang kinalaman sa Kanya…. Ang mga salita mula sa Kanyang bibig ay aktuwal na humahagupit sa atin, inilalantad ang mga bagay na nakatago nang malalim sa ating mga puso. Paano tayong hindi makukumbinsi? Ang bawat pangungusap na lumalabas sa Kanyang bibig ay maaaring magkatotoo sa atin anumang oras. Anumang ating gawin, sa Kanya mang presensya o tago sa Kanya, walang hindi Niya nalalaman, walang hindi Niya nauunawaan. Ang lahat ay tunay na mahahayag sa harapan Niya, sa kabila ng ating mga sariling plano at pagsasaayos.

Nakaupo sa harapan Niya, nasisiyahan ang ating espiritu, panatag at mahinahon, ngunit laging nakakaramdam ng kahungkagan at malaking pagkakautang sa Diyos: Isa itong himalang hindi mailarawan sa isip at imposibleng makamit. Ang Banal na Espiritu ay sapat na upang patunayan na ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos! Ito’y katunayan na di-mapagdududahan! Tayo sa pangkat na ito ay pinagpala sa paraang hindi mailalarawan! Kung hindi dahil sa biyaya at awa ng Diyos, mapupunta lamang tayo sa kapahamakan at susunod kay Satanas. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang makapagliligtas sa atin!

Ah! Ang Makapangyarihang Diyos, ang praktikal na Diyos! Ikaw itong nagmulat sa aming espirituwal na mga mata, na nagtutulot sa aming mamasdan ang mga hiwaga ng espirituwal na mundo. Walang hangganan ang tanawin ng kaharian. Maging mapagbantay tayo habang naghihintay. Hindi na masyadong malayo pa ang araw na iyon.

Umaalimpuyo ang mga apoy ng digmaan, napupuno ang hangin ng usok ng kanyon, nagbabago ang lagay ng panahon, nagbabago ang klima, lalaganap ang isang salot, at maaari lamang mamatay ang mga tao, na walang pag-asa na manatiling buhay.

Ah! Makapangyarihang Diyos, ang praktikal na Diyos! Ikaw ang aming matibay na muog. Ikaw ang aming kanlungan. Nag-uumpukan kami sa ilalim ng mga pakpak Mo, at hindi kami maaabot ng sakuna. Ganito ang Iyong maka-Diyos na pag-iingat at pangangalaga.

Itinataas naming lahat ang aming mga tinig sa awitin; umaawit kami sa pagpuri, at ang tunog ng aming papuri ay umaalingawngaw sa buong Sion! Inihanda na para sa atin ng Makapangyarihang Diyos, ng praktikal na Diyos, ang magandang hantungang iyon. Maging mapagbantay—oh, magbantay! Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa labis na huli ang oras.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 5

169. Mula pa noong panahong ang Makapangyarihang Diyos—ang Hari ng kaharian—ay nasaksihan, ang saklaw ng pamamahala ng Diyos ay ganap nang lumaganap sa buong sansinukob. Hindi lamang sa Tsina nasaksihan ang pagpapakita ng Diyos, kundi nasaksihan ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos sa lahat ng bansa at lahat ng lugar. Silang lahat ay tumatawag sa banal na pangalang ito, naghahangad na makipagbahaginan sa Diyos sa anumang posibleng paraan, inaarok ang mga layunin ng Makapangyarihang Diyos at naglilingkod sa Kanya nang nakikipagtulungan sa iba sa loob ng iglesia. Ito ang kahanga-hangang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu.

Ang mga wika ng iba’t ibang bansa ay magkakaiba, ngunit iisa lamang ang Espiritu. Pinagsasama ng Espiritung ito ang mga iglesia sa buong sansinukob at lubos na kaisa sa Diyos, nang walang kahit kaunting pagkakaiba. Ito ay isang bagay na hindi mapagdududahan. Tinatawag na sila ngayon ng Banal na Espiritu at nananatili silang alerto dahil sa Kanyang tinig. Ito ang tinig ng habag ng Diyos. Tumatawag silang lahat sa banal na pangalan ng Makapangyarihang Diyos! Nagpupuri rin sila at umaawit. Hindi kailanman maaaring magkaroon ng anumang paglihis sa gawain ng Banal na Espiritu; gagawin ng mga taong ito ang lahat upang sumulong sa tamang landas, hindi sila umuurong—nagpapatung-patong ang mga kababalaghan. Ito ay isang bagay na mahirap isipin at imposibleng hulaan ng mga tao.

Ang Makapangyarihang Diyos ang Hari ng buhay sa sansinukob! Nakaupo Siya sa maluwalhating trono at hinahatulan ang sanlibutan, may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at pinaghaharian ang lahat ng bansa; lumuluhod ang lahat ng tao sa Kanya, nananalangin sa Kanya, lumalapit sa Kanya at nakikipag-ugnayan sa Kanya. Gaano man katagal kayong naniniwala sa Diyos, gaano man kataas ang inyong katayuan o gaano man kahaba ang inyong paglilingkod, kung sumasalungat kayo sa Diyos sa inyong mga puso, kailangan kayong hatulan at kailangan kayong magpatirapa sa harapan Niya, nang dumaraing ng masakit na pagsusumamo; ito talaga ang pag-aani ng mga bunga ng inyong sariling mga gawa. Ang tunog ng pagtangis na ito ay ang tunog ng pinapahirapan sa lawa ng apoy at asupre, at ito ang sigaw ng itinutuwid ng bakal na pamalo ng Diyos; ito ang paghatol sa harap ng luklukan ni Cristo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 8

170. Makapangyarihang Diyos! Hayagang nagpapakita ang Kanyang maluwalhating katawan, lumilitaw ang banal na espirituwal na katawan at Siya ang ganap na Diyos Mismo! Parehong nagbago ang mundo at ang katawang-tao, at ang Kanyang pagbabagong-anyo sa bundok ay ang persona ng Diyos. Suot Niya ang gintong korona sa Kanyang ulo, ang Kanyang kasuotan ay puting-puti, may bigkis ang dibdib ng isang pamigkis na ginto at ang mundo at ang lahat ng bagay ay tuntungan ng Kanyang paa. Ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy, sa loob ng Kanyang bibig ay may isang matalas na tabak na tigkabila’y talim at sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin. Ang daan patungo sa kaharian ay walang hangganan ang ningning at lumilitaw at kumikinang ang Kanyang kaluwalhatian; masaya ang mga bundok at nagtatawanan ang katubigan, at ang araw, buwan, at mga bituin ay umiinog na lahat sa mahusay na pagkakaayos ng mga ito, sinasalubong ang natatangi at totoong Diyos na ang matagumpay na pagbabalik ay ihinahayag ang pagtatapos ng Kanyang anim-na-libong-taon na plano ng pamamahala. Lahat ay naglulundagan at nagsasayawan sa galak! Magbunyi! Nakaupo ang Diyos na makapangyarihan sa lahat sa Kanyang maluwalhating luklukan! Umawit! Ang matagumpay na bandila ng Makapangyarihan ay itinataas sa maringal at kahanga-hangang Bundok ng Sion! Nagbubunyi ang lahat ng bansa, nag-aawitan ang lahat ng tao, masayang tumatawa ang Bundok ng Sion, at lumitaw na ang kaluwalhatian ng Diyos! Ni hindi ko kailanman pinangarap na makikita ko ang mukha ng Diyos, subalit ngayon nakita ko na ito. Kaharap Siya araw-araw, binubuksan ko sa Kanya ang aking puso. Sagana ang ibinibigay Niyang pagkain at inumin. Buhay, mga salita, mga pagkilos, mga kaisipan, mga ideya—pinagliliwanag ng Kanyang maluwalhating liwanag ang lahat ng ito. Nangunguna Siya sa bawat hakbang ng daan, at sumasapit kaagad ang Kanyang paghatol sa anumang pusong naghihimagsik.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 15

171. Nasaksihan na ang Anak ng tao, at lantaran nang nahayag ang Diyos Mismo. Lumabas na ang kaluwalhatian ng Diyos, sumisikat nang matindi gaya ng mainit na araw! Ang Kanyang maluwalhating mukha ay nagliliyab sa nakakasilaw na liwanag; kaninong mga mata ang nangangahas na tratuhin Siya nang may paglaban? Ang paglaban ay humahantong sa kamatayan! Wala ni katiting na awang ipinapakita sa anumang iniisip ninyo sa inyong puso, anumang salitang binibitawan ninyo, o anumang inyong ginagawa. Mauunawaan at makikita ninyong lahat kung ano na ang inyong nakamtan—wala maliban sa Aking paghatol! Mapapanatili Ko ba ito kapag hindi kayo nagsisikap na kumain at uminom ng Aking mga salita, at sa halip ay walang-pakundangan ninyong ginagambala at winawasak ang Aking pagtatayo? Hindi Ako magdadahan-dahan sa pagtrato sa ganitong uri ng tao! Kapag mas lumala ang ugali mo, matutupok ka sa apoy! Nagpapakita ang Diyos na makapangyarihan sa lahat sa isang espirituwal na katawan, nang wala ni katiting na laman o dugo na nagdurugtong mula ulo hanggang paa. Higit pa Siya sa mundong sansinukob, nakaupo sa maluwalhating luklukan sa ikatlong langit, naghahari sa lahat ng bagay! Nasa Aking mga kamay ang sansinukob at lahat ng bagay. Kapag sinabi Ko, mangyayari iyon. Kapag itinalaga Ko, iyon ang mangyayari. Nasa ilalim ng Aking mga paa si Satanas; nasa walang-hanggang kalaliman ito! Kapag lumalabas ang Aking tinig, lilipas ang langit at lupa at mauuwi sa wala! Paninibaguhin ang lahat ng bagay; ito ay isang di-mababagong katotohanan na talagang tama. Nadaig Ko na ang mundo, maging ang lahat ng masama. Nakaupo Ako rito at nakikipag-usap sa inyo, at lahat ng may pandinig ay dapat makinig at lahat ng nabubuhay ay dapat itong tanggapin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 15

172. Ang Makapangyarihang tunay na Diyos, ang Haring nakaluklok sa trono, ang namumuno sa buong sansinukob, humaharap sa di-mabilang na mga bansa at tao, at nagniningning ang kaluwalhatian ng Diyos sa buong mundo. Makikita iyon ng lahat ng may buhay sa sansinukob at hanggang sa mga kadulu-duluhan ng lupa. Ang mga bundok, ang mga ilog, ang mga lawa, ang mga lupain, ang mga karagatan, at lahat ng nabubuhay na nilalang ay nagbukas na ng kanilang mga telon sa liwanag ng mukha ng tunay na Diyos, at sila’y muling nabuhay, na parang gumigising mula sa isang panaginip, na parang sila ay mga usbong na sumisibol sa lupa!

Ah! Ang nag-iisang tunay na Diyos ay nagpapakita sa harap ng mga tao sa sanlibutan. Sinong mangangahas na lumapit sa Kanya nang may pagtutol? Ang lahat ay nanginginig sa takot. Ang lahat ay lubos na nakukumbinsi, at ang lahat ay paulit-ulit na humihingi ng kapatawaran. Ang di-mabilang na mga tao ay lumuluhod sa harap Niya, at ang di-mabilang na mga bibig ay sumasamba sa Kanya! Ang mga kontinente at mga karagatan, ang mga bundok, ang mga ilog, at lahat ng bagay ay nagpupuri sa Kanya nang walang katapusan! Ang maiinit na simoy ng hangin, na may kasamang ihip ng tagsibol, ay nagdadala ng liwanag, walang-tigil na ulan ng tagsibol. Ang mga umaagos na batis at ang dagsa-dagsa ay magkatulad, kapwa puno ng dalamhati at galak, napapaluha dahil sa pagkakautang at paninisi sa sarili. Ang mga ilog, ang mga lawa, ang mga alon at mga daluhong, lahat ay umaawit, pinupuri ang banal na pangalan ng tunay na Diyos! Ang tunog ng papuri ay umaalingawngaw nang napakalinaw! Ang mga lumang bagay na minsang ginawang tiwali ni Satanas—bawat isa ay muling gagawing bago at babaguhin at papasok sa isang ganap na bagong mundo …

Ito ang sagradong trumpeta, at nagsimula na itong tumunog! Pakinggan ito. Yaong tunog na napakatamis ay ang pagbigkas ng trono. Inaanunsyo nito sa bawat bansa at tao na sumapit na ang panahon, narito na ang kalalabasan ng mga huling araw, tapos na ang Aking plano ng pamamahala, ang Aking kaharian ay lantaran nang nagpakita sa lupa, at ang mga kaharian sa mundo ay naging Aking kaharian, Ako na siyang Diyos. Ang Aking pitong trumpeta ay tumutunog mula sa trono, at anong mga kababalaghan ang magaganap! Ang mga tao mula sa mga wakas ng lupa ay magmamadaling magsama-sama mula sa bawat direksyon nang may lakas ng isang daluyong at kapangyarihan ng mga kidlat at kulog, ang ilan ay maglalayag sa karagatan, ang ilan ay mag-eeroplano, ang ilan ay lulan ng mga sasakyan na may iba’t ibang hugis at laki, ang ilan ay nakakabayo. Tingnan mong mabuti. Makinig kang maigi. Itong mga nakasakay sa mga kabayong may iba’t ibang kulay, may masisiglang espiritu, makapangyarihan at maringal, na tila sumusuong sa larangan ng digmaan, ay walang-pakundangan sa kamatayan. Sa gitna ng mga kabayong humahalinghing at mga taong nagsisigawan para sa tunay na Diyos, napakaraming lalaki, babae, at bata ang matatapakan ng mga paa ng mga kabayo sa isang saglit. Ang ilan ay mamamatay, ang ilan ay maghihingalo, ang ilan ay maluluray-luray, na walang sinumang mag-aasikaso sa kanila, sumisigaw nang nagkukumahog, pumapalahaw sa sakit. Mga anak ng paghihimagsik! Hindi ba’t ito ang inyong huling kalalabasan?

Tinitingnan Ko nang may galak ang Aking bayan, na nagagawang marinig ang Aking tinig at magtipon mula sa bawat bansa at lupain. Ang dagsa-dagsa, bukambibig ang tunay na Diyos, ay nagpupuri at lumulukso nang walang katapusan! Nagpapatotoo sila sa sanlibutan, at ang tunog ng kanilang patotoo sa tunay na Diyos ay gaya ng dumadagundong na tunog ng maraming katubigan. Ang dagsa-dagsa ay dudumog sa Aking kaharian.

Tumutunog ang Aking pitong trumpeta, na gumigising sa mga natutulog! Bumangon ka agad, hindi pa huli ang lahat. Tingnan mo ang iyong buhay! Buksan mo ang iyong mga mata at tingnan kung anong oras na ngayon. Ano pa ang dapat hanapin? Ano pa ang dapat pag-isipan? At ano pa ang pumipigil? Hindi mo ba kailanman naisaalang-alang ang kaibahan ng halaga ng pagkakamit ng Aking buhay at pagkakamit ng lahat ng bagay na minamahal at kinakapitan mo? Tigilan mo na ang katigasan ng ulo at paglalaro. Huwag mong palampasin ang pagkakataong ito. Ang sandaling ito ay hindi na muling darating! Agad kang tumayo, sanayin mo ang pagpapagana sa iyong espiritu, gumamit ka ng sari-saring kasangkapan para mahalata at mahadlangan ang bawat pakana at panlilinlang ni Satanas, at magtagumpay ka laban kay Satanas, upang mas lumalim ang iyong karanasan sa buhay at maisabuhay mo ang Aking disposisyon, upang gumulang at magkaroon ng maraming karanasan ang iyong buhay, at palagi kang makasunod sa Aking mga yapak. Hindi pinanghihinaan ng loob, hindi mahina, laging sumusulong, paisa-isang hakbang, tuluy-tuloy hanggang sa dulo ng daan!

Kapag tumunog muli ang pitong trumpeta, ito ang magiging panawagan para sa paghatol, paghatol sa mga anak ng paghihimagsik, paghatol sa lahat ng bansa at lahat ng lahi, at bawat bansa ay susuko sa harap ng Diyos. Ang maluwalhating mukha ng Diyos ay tiyak na magpapakita sa harap ng lahat ng bansa at lahat ng lahi. Bawat isa’y lubos na mapapaniwala, at tatawag sa tunay na Diyos nang walang katapusan. Ang makapangyarihang Diyos ay lalo pang magiging maluwalhati, at Ako at ang Aking mga anak ay magsasalo sa kaluwalhatian at magsasalo sa paghahari, hinahatulan ang lahat ng bansa at lahat ng lahi, pinarurusahan ang masama, inililigtas at kinahahabagan ang mga taong nabibilang sa Akin, at ginagawang matibay at matatag ang kaharian. Sa pamamagitan ng tunog ng pitong trumpeta, napakaraming tao ang maliligtas, na babalik sa harap Ko upang lumuhod at sumamba na may patuloy na pagpupuri!

Kapag muli pang tumunog ang pitong trumpeta, ito ang magiging pagtatapos ng kapanahunan, ang pagtunog ng trumpeta ng tagumpay laban sa mga diyablo at kay Satanas, ang pagpupugay na nagbabalita ng pagsisimula ng hayagang pamumuhay sa kaharian sa lupa! Sadyang napakatayog na tunog, itong tunog na umaalingawngaw sa palibot ng trono, itong pagtunog ng trumpetang yumayanig sa langit at lupa, na siyang tanda ng tagumpay ng Aking plano ng pamamahala, na siyang paghatol kay Satanas; hinahatulan nito ang matandang mundong ito ng ganap na kamatayan, na bumalik sa walang-hanggang kalaliman! Ang pagtunog na ito ng trumpeta ay nagbabadya na magsasara na ang tarangkahan ng biyaya, na ang buhay ng kaharian ay magsisimula na sa lupa, na tama at marapat. Inililigtas ng Diyos yaong mga nagmamahal sa Kanya. Sa sandaling bumalik sila sa Kanyang kaharian, ang mga tao sa lupa ay haharap sa taggutom at salot, at ang pitong mangkok at pitong salot ng Diyos ay magaganap nang sunud-sunod. Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit hindi lilipas ang Aking salita!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 36

173. Kapag kumikidlat mula sa Silangan, na siya rin mismong sandali na nagsisimula Akong bigkasin ang Aking mga salita—kapag kumikidlat, ang buong sansinukob ay nagliliwanag, at nagbabago ng anyo ang lahat ng bituin. Ang buong sangkatauhan ay para bagang sumailalim sa isang pagpapalis. Sa ilalim ng kinang ng sinag ng liwanag na ito mula sa Silangan, nahayag ang buong sangkatauhan sa kanilang orihinal na anyo, nasisilaw ang mga mata, hindi tiyak ang gagawin, at hindi pa rin gaanong sigurado kung paano itatago ang kanilang mga pangit na hitsura. Para din silang mga hayop na nagsisitakas mula sa Aking liwanag upang magkubli sa mga kuweba sa bundok—subalit wala ni isa sa kanila ang maaaring maglaho mula sa sakop ng Aking liwanag. Lahat ng tao ay labis na namamangha, lahat ay naghihintay, lahat ay nagmamasid; sa pagdating ng Aking liwanag, nagagalak ang lahat sa araw na sila ay isinilang, at isinusumpa rin ng lahat ang araw na sila ay isinilang. Ang magkakasalungat na damdamin ay imposibleng bigkasin; ang mga luha ng pagpaparusa sa sarili ay nagbubuo ng mga ilog, at natatangay ng rumaragasang tubig, naglalaho nang walang bakas sa isang iglap. Minsan pa, palapit nang palapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, minsan pang pumupukaw sa sangkatauhan, na nagbibigay sa sangkatauhan ng isa pang bagong simula. Tumitibok ang puso Ko at, sa pagsunod sa mga ritmo ng tibok ng Aking puso, naglulundagan sa galak ang kabundukan, nagsasayawan sa galak ang katubigan, at humahampas ang mga alon sa batuhan. Mahirap ipahayag kung ano ang nasa puso Ko. Nais Kong sunugin ang lahat ng maruming bagay hanggang sa maging abo sa ilalim ng Aking tingin; nais Kong maglaho ang lahat ng anak ng pagrerebelde mula sa Aking harapan, at hindi na umiral pa kailanman. Hindi lamang Ako nakagawa ng isang bagong simula sa tirahan ng malaking pulang dragon, nagsimula na rin Akong pumasok sa bagong gawain sa sansinukob. Hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magiging Aking kaharian; hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magwawakas na lahat magpakailanman dahil sa Aking kaharian, dahil nakamtan Ko na ang tagumpay, dahil nakabalik na Ako nang matagumpay. Naubos na ng malaking pulang dragon ang lahat ng paraang maiisip upang sirain ang Aking plano, sa pag-asang mabura ang Aking gawain sa lupa, ngunit maaari ba Akong mawalan ng pag-asa dahil sa mapanlinlang na mga pakana nito? Maaari ba Akong matakot hanggang sa mawalan Ako ng tiwala dahil sa mga banta nito? Hindi pa nagkaroon kailanman ng kahit isang nilalang sa langit o sa lupa na hindi Ko nahawakan sa palad ng Aking kamay; gaano pa ito higit na totoo sa malaking pulang dragon, ang kasangkapang ito na nagsisilbing mapaghahambingan sa Akin? Hindi ba isa rin itong bagay na paiikutin sa Aking mga kamay?

Nang magkatawang-tao Ako sa mundo ng tao, dumating na ang sangkatauhan, sa ilalim ng Aking patnubay, nang hindi sinasadya sa araw na ito at dumating nang hindi sinasadya upang makilala Ako. Ngunit, hinggil sa kung paano tahakin ang landas sa hinaharap, walang sinumang may ideya, walang sinumang nakakaalam—at lalo pang walang sinumang may ideya kung saang direksyon sila dadalhin ng landas na iyon. Sa pagbabantay lamang sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat matatahak ng sinuman ang landas hanggang wakas; sa paggabay lamang ng kidlat sa Silangan matatawid ng sinuman ang pintuan papasok sa Aking kaharian. Sa mga tao, wala pa ni isang nakakita sa Aking mukha kailanman, isang nakakita sa kidlat sa Silangan; paano pa kaya magkakaroon ng isang taong nakarinig sa mga pagbigkas mula sa Aking luklukan? Sa katunayan, noon pa mang unang panahon, wala pa ni isang taong tuwirang nakipag-ugnayan sa Aking persona; ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao, ngayong naparito na Ako sa mundo, na makita Ako. Ngunit kahit ngayon, hindi pa rin Ako kilala ng mga tao, tulad ng tinitingnan lamang nila ang Aking mukha at naririnig lamang ang Aking tinig subalit hindi nauunawaan ang ibig Kong sabihin. Ganito ang lahat ng tao. Bilang isa sa Aking mga tao, wala ba kayong nadaramang matinding karangalan kapag nakikita ninyo ang Aking mukha? At wala ba kayong nadaramang labis na kahihiyan dahil hindi ninyo Ako kilala? Naglalakad Ako sa piling ng mga tao, at namumuhay Ako sa piling ng mga tao, sapagkat Ako ay naging tao at naparito Ako sa mundo ng tao. Ang Aking layunin ay hindi lamang upang masilayan ng sangkatauhan ang Aking katawang-tao; ang mas mahalaga, ito ay upang makilala Ako ng sangkatauhan. Bukod pa riyan, sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, hahatulan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan; sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, igugupo Ko ang malaking pulang dragon at sisirain Ko ang kuta nito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 12

174. Kapag nagsasalita Ako sa buong sansinukob, naririnig ng lahat ng tao ang Aking tinig, ibig sabihin, nakikita ng lahat ng tao ang lahat ng gawa na isinakatuparan Ko sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking mga layunin, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay babagsak sa gitna ng Aking pagkastigo. Gagawin Kong panibago ang napakaraming bituin sa kalangitan; at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago, ang kalangitan ay hindi na gaya ng dati; at lahat ng bagay sa lupa ay mapapanibago—maisasakatuparan ang lahat ng ito dahil sa Aking mga salita. Ang lahat ng bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at mapapalitan ng Aking kaharian, upang ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman, at ang matitira lang ay ang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, ang lahat ng sa mga diyablo ay lilipulin. Ang lahat ng sumasamba kay Satanas ay babagsak sa gitna ng Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang bawat tao, ang relihiyosong komunidad, sa iba’t ibang antas, ay babalik sa Aking kaharian, at malulupig sa pamamagitan ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila na dumating na “ang Banal na nakasakay sa isang puting ulap”. Lahat ng tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri, at tatanggap ng iba’t ibang pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos; ang lahat ng lumaban sa Akin ay mamamatay, at, yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, dahil sa kanilang naging pag-uugali, sila ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Magpapakita Ako sa di-mabilang na mga bansa at tao, at ipapahayag Ko ang sarili Kong tinig sa lupa, ipinoproklama ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain, tinutulutan ang lahat ng tao na makita ito gamit ang sarili nilang mga mata.

Habang mas lumalalim ang Aking mga pagbigkas, pinagmamasdan Ko rin ang kalagayan ng sansinukob. Sa pamamagitan ng Aking mga salita, lahat ng bagay ay napapanibago. Nagbabago ang langit, gayundin ang lupa. Nalalantad ang orihinal na anyo ng sangkatauhan at, dahan-dahan, lahat ng tao ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at hindi namamalayang nababalik sa kanilang mga “pamilya.” Lubha itong nakalulugod sa Akin. Malaya Ako sa panggugulo at, nang hindi halata, naisasakatuparan ang Aking dakilang gawain, at napapanibago ang lahat ng bagay. Nang likhain Ko ang mundo, ibinukod-bukod Ko ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito, ikinakategorya ang lahat ng bagay na may anyo. Nang nalalapit na ang pagtatapos ng Aking plano ng pamamahala, ipanunumbalik Ko ang dating kalagayan ng paglikha; ipanunumbalik Ko ang lahat ng bagay sa orihinal nitong ayos, lubusang binabago ang lahat ng bagay, at lahat ng bagay ay iaayon sa Aking plano. Dumating na ang panahon! Ang huling yugto ng Aking plano ay malapit nang makompleto. Ah, maruming lumang mundo! Tiyak na babagsak ito sa loob ng mga salita! Tiyak na mauuwi ito sa wala dahil sa Aking plano! Ah, lahat ng bagay! Magtatamo ang lahat ng ito ng bagong buhay sa loob ng Aking mga salita—makakamtan ng mga ito ang May Kataas-taasang Kapangyarihan nito! Ah, banal at walang-bahid na bagong mundo! Tiyak na muli itong mabubuhay sa loob ng Aking kaluwalhatian! Ah, Bundok ng Sion! Huwag nang manahimik—nakabalik na Ako nang matagumpay! Pinagmamasdan Ko ang buong mundo sa gitna ng lahat ng bagay. Ang mga tao sa lupa ay nagsimula na ng bagong buhay at mayroon nang mga bagong pag-asa. Ah, Aking mga tao! Paanong hindi kayo muling mabubuhay sa loob ng Aking liwanag? Paanong hindi kayo magtatalunan sa galak sa ilalim ng Aking patnubay? Naghihiyawan sa tuwa ang mga lupain, nag-iingay sa masayang paghalakhak ang mga katubigan! Ah, ang nabuhay na mag-uling Israel! Paanong hindi ka nakakaramdam ng pagmamalaki dahil sa Aking paunang pagtatakda? Sino ang napaiyak? Sino ang napahagulgol? Ang dating Israel ay nawala na, at ang Israel sa ngayon ay nagbangon na, nang tuwid at matayog sa mundo, at nakatayo sa puso ng buong sangkatauhan. Tiyak na matatamo ng Israel ngayon ang pundasyon ng pag-iral sa pamamagitan ng Aking mga tao! Ah, kamuhi-muhing Ehipto! Siguro naman ay hindi ka lumalaban pa rin sa Akin? Paano mo nagagawang samantalahin ang Aking awa at sinusubukang takasan ang Aking pagkastigo? Paanong hindi mo magawang mamuhay sa loob ng Aking pagkastigo? Lahat ng Aking minamahal ay tiyak na iiral nang walang hanggan, at lahat ng lumalaban sa Akin ay tiyak na kakastiguhin Ko nang walang hanggan. Sapagkat Ako ay isang mapanibughong Diyos at hindi Ko basta patatawarin ang lahat ng tao sa lahat ng kanilang nagawa. Sisiyasatin Ko ang buong daigdig at, nagpapakita sa Silangan ng mundo nang may katuwiran, pagiging maharlika, poot, at pagkastigo, ihahayag Ko ang Aking sarili sa samu’t saring tao!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26

175. Ipinagbubunyi Ako ng dagsa-dagsa ng Aking mga tao, pinupuri Ako ng dagsa-dagsa ng Aking mga tao; ang di-mabilang na mga bibig ay tinatawag ang nag-iisang tunay na Diyos, ang di-mabilang na mga tao ay tumitingala, tumitingin sa malayo upang masdan ang Aking mga gawa. Ang kaharian ay bumababa sa mundo ng mga tao, ang Aking persona ay mayaman at sagana. Sino ang hindi magagalak dito? Sino ang hindi sasayaw sa galak? O, Sion! Itaas ang iyong matagumpay na bandila upang ipagbunyi Ako! Awitin ang iyong awit ng tagumpay upang iproklama ang Aking banal na pangalan! Lahat ng nilikha hanggang sa mga dulo ng daigdig! Magmadaling linisin ang inyong sarili upang kayo ay maging mga alay sa Akin! Ang dagsa-dagsang bituin sa itaas! Magmadaling bumalik sa inyong lugar upang ipakita ang Aking dakilang kapangyarihan sa kalawakan! Nakikinig Ako nang mabuti sa mga tinig ng Aking mga tao sa lupa, na ibinubuhos ang kanilang walang-hanggang pagmamahal at pagpipitagan sa Akin sa awit! Sa araw na ito, kung kailan lahat ng nilikha ay muling sumisigla, Ako ay bumababa sa mundo ng mga tao. Sa mismong sandaling ito, lahat ng bulaklak ay mag-uunahang mamukadkad, lahat ng ibon ay sabay-sabay na aawit, lahat ng bagay ay dumadagsa sa galak! Sa gitna ng mga pagpupugay ng kanyon ng kaharian, bumabagsak ang kaharian ni Satanas, napuksa sa dagundong ng awit ng kaharian, hindi na babangong muli kailanman!

Sino sa lupa ang nangangahas na bumangon at lumaban? Habang Ako ay bumababa sa lupa, dala Ko ay pagsunog, dala Ko ay poot, dala Ko ay lahat ng kalamidad. Ang mga kaharian sa lupa ay Akin nang kaharian ngayon! Sa kalangitan, gumugulong at umaalon ang mga ulap; sa ilalim ng langit, ang mga lawa at mga ilog ay rumaragasa at masayang bumubuo ng isang nakaaantig na himig. Naglalabasan ang nagpapahingang mga hayop mula sa kanilang lungga, at ang di-mabilang na mga tao Ko ay ginigising Ko mula sa kanilang pagtulog. Dumating na rin sa wakas ang araw na pinakahihintay ng di-mabilang na mga tao Ko! Inaalay nila ang pinakamagagandang awit sa Akin!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Awit ng Kaharian

176. Kapag umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian—na kasabay ng pagdagundong ng pitong kulog—ang tunog na ito ay nagpapangatal sa langit at lupa, nagpapayanig sa kaitaasan ng langit at nagsasanhi ng panginginig ng damdamin ng bawat tao. Pormal na pumapailanlang ang awit sa kaharian sa lupain ng malaking pulang dragon, na nagpapatunay na nawasak Ko na ang bansang iyon at naitatag ang Aking kaharian. Ang mas mahalaga pa, nakatatag ang Aking kaharian sa lupa. Sa sandaling ito, sinisimulan Kong isugo ang Aking mga anghel sa bawat isa sa mga bansa ng mundo upang maakay nila ang Aking mga anak, ang Aking mga tao; ito ay para din matugunan ang mga kinakailangan sa susunod na hakbang ng Aking gawain. Gayunman, personal Akong pumunta sa lugar kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, at nakikipaglaban dito. Kapag ang buong sangkatauhan ay nakilala Ako sa katawang-tao at nakikita nila ang Aking mga gawa sa katawang-tao, magiging abo ang pugad ng malaking pulang dragon at maglalaho nang walang bakas. …

Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at ito ay walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinagkakaloob Ko sa kanila ay isa pa ring anyo ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, katakutan ang isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay praktikal.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10

177. Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Hudyo, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng pagsalangsang ng tao at palayain ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang magpakita sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang wangis at pananamit ng mga Hudyo. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Sa kabila ng lahat ng pagsuyo at pagmamahal ng banal na Tagapagligtas na si Jesus sa tao, paano Siya makagagawa roon sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at maruruming espiritu? Bagama’t hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng mga di-matuwid, umiinom ng dugo ng mga di-matuwid, at nagsusuot ng mga damit ng mga di-matuwid, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nanghuhuthot sa Kanya? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng pagmamahal at umaapaw ang habag, at na Siya ang handog para sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagiging matuwid, pagiging maharlika, pagkapoot, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatuwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanilang mga dalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”

178. Ibinigay Ko ang Aking kaluwalhatian sa Israel at pagkatapos ay kinuha Ko ito, sa paraang ito ay dinadala ang mga Israelita sa Silangan, at dinadala rin ang lahat ng tao sa Silangan, dinadala silang lahat sa liwanag para muli nila itong makasama, at makaugnay ito, at hindi na sila maghanap pa. Pahihintulutan Ko ang lahat ng naghahanap na makitang muli ang liwanag, makita ang kaluwalhatiang tinaglay Ko sa Israel, makita na matagal na Akong bumaba sakay ng puting ulap sa gitna ng sangkatauhan, at makita ang hindi mabilang na mga puting ulap at kumpol-kumpol na saganang bunga. Higit pa rito, gagawin Kong posible na makita nila ang Diyos na si Jehova ng Israel, makita ang “Guro” ng mga Hudyo, makita ang pinakahihintay na Mesiyas, at makita ang buong anyo Ko, Siya na inusig ng mga hari sa lahat ng kapanahunan. Gagawa Ako sa buong sansinukob at magsasagawa Ako ng dakilang gawain, ibinubunyag ang Aking buong kaluwalhatian at ang lahat ng Aking gawa sa tao sa mga huling araw, at ibinubunyag ang Aking buong maluwalhating mukha sa mga naghintay nang maraming taon para sa Akin, sa mga nanabik na pumarito Ako sakay ng puting ulap, sa Israel na nanabik na muli Akong magpakita, at sa buong sangkatauhan na umuusig sa Akin, para malaman ng lahat na matagal ko nang kinuha ang Aking kaluwalhatian at dinala ito sa Silangan, at na wala na ito sa Judea, sapagkat sumapit na ang mga huling araw!

Sa buong sansinukob ay ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga pagdagundong ng mga tunog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking mga pagbigkas ang umakay sa lahat ng tao patungo sa kasalukuyang panahon. Idinudulot Ko na malupig ng Aking mga pagbigkas ang lahat ng tao, na mahulog sa daloy na ito, at na sumuko sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi balisang umaasa sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nag-aasam sa Aking pagiging kaibig-ibig? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi makakakita sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi humahanga sa Kanya na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan? Ang Aking mga pagbigkas ay ipapakalat sa buong mundo; higit Akong bibigkas at magsasabi ng mga salita sa Aking mga hinirang na tao, gaya ng isang malakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Nagliliwanag ang kidlat mula sa Silangan hanggang sa Kanluran. Gayon na lamang ang mga salita Ko, na ayaw mahiwalay ng mga tao sa mga ito, at ang mga ito ay hindi rin maaarok ng tao, at higit pa rito, nagdudulot ito ng kagalakan sa mga tao. Tulad ng mga bagong silang na sanggol, natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, at ipinagdiriwang ang Aking pagparito. Sa pamamagitan ng Aking mga pagbigkas, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Pagkatapos niyon, pormal Akong papasok sa gitna ng mga tao, at nang sa gayon, sila ay lumapit para magpatirapa sa Akin. Taglay ang kaluwalhatiang lumalabas sa Akin at ang mga salita mula sa Aking bibig, humaharap sa Akin ang lahat ng tao, at nakikita nila na nagliliwanag ang kidlat mula sa Silangan, na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan, at na matagal na Akong pumarito sa lupa, at na hindi na Ako ang Anak ng mga Hudyo, kundi ang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa gitna ng sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa gitna ng mga tao. Ako ang Siyang sinamba sa loob ng di-mabilang na panahon bago pa ang ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita sa loob ng di-mabilang na panahon bago pa ang ngayon. Higit pa rito, Ako ang puno-ng-kaluwalhatiang Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Hayaang lumapit ang lahat sa Aking luklukan at makita ang Aking maluwalhating mukha, marinig ang Aking mga pagbigkas, at makita ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking layunin; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang bigyang karangalan Ako ng di-mabilang na nasyon, kilalanin Ako ng di-mabilang na bibig, ang pagkatiwalaan Ako ng di-mabilang na tao, at sumuko sa Akin ang di-mabilang na mga taong hinirang Ko!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob

179. Minsan na Akong tinawag na Jehova, minsan din Akong nakilala ng mga tao bilang ang Mesiyas, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw. Sa halip, Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magwawakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na bumabangon mula sa dulo ng daigdig, puspos ng Aking buong disposisyon, at puno ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi nila Ako nakilala kailanman, at noon pa man ay palagi silang walang alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa mga tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa gitna nila. Nananahan Siya sa piling ng mga tao, tunay at totoo, tulad ng nagliliyab na araw at naglalagablab na apoy, puno ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi gagawing dalisay sa pamamagitan ng pagsunog sa apoy. Sa huli, pagpapalain ang napakaraming bansa dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos, na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na Ako ay minsang naging handog para sa kasalanan ng tao, ngunit sa mga huling araw ay Ako ang naging mga apoy ng naglalagablab na araw na sumusunog sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at dala Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang naglalagablab na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos, sa halip, Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”

180. Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay malapit na sa pagtatapos, at ang tarangkahan ng kaharian ay nabuksan na para sa lahat niyaong naghahanap ng Kanyang pagpapakita. Minamahal na mga kapatid, ano pa ang hinihintay ninyo? Ano ang hinahanap ninyo? Kayo ba ay naghihintay sa pagpapakita ng Diyos? Hinahanap ba ninyo ang mga bakas ng Kanyang yapak? Talagang dapat kapanabikan ang pagpapakita ng Diyos! At talagang napakahirap masumpungan ang mga bakas ng yapak ng Diyos! Sa kapanahunang tulad ngayon, sa mundong tulad nito, ano ang nararapat nating gawin upang masaksihan ang araw ng pagpapakita ng Diyos? Ano ang nararapat nating gawin upang makasabay sa mga yapak ng Diyos? Ang mga katanungang ganito ay kinakaharap ng lahat niyaong naghihintay na magpakita ang Diyos. Naisip na ninyo itong lahat nang hindi lamang miminsan—nguni’t ano ang kinalabasan? Saan nagpapakita ang Diyos? Nasaan ang mga bakas ng yapak ng Diyos? Nakuha na ba ninyo ang mga sagot? Maraming tao ang sasagot nang ganito: “Ang Diyos ay nagpapakita sa gitna niyaong mga sumusunod sa Kanya at ang mga bakas ng Kanyang yapak ay nasa ating kalagitnaan; ganyan lamang kapayak!” Kahit sino ay makapagbibigay ng mala-pormulang sagot, nguni’t naiintindihan ba ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos o ng mga bakas ng Kanyang yapak? Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa personal na pagparito ng Diyos sa lupa para gumawa, bumababa sa gitna ng sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan gamit ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa paraang likas sa Kanya. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang uri ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong pangrelihiyon. Sa halip, ito ay isang tunay at aktuwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang pabasta-basta, o alang-alang sa isang uri ng panandaliang gawain. Sa halip, ito ay alang-alang sa isang yugto ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na “pagpapakita” rito ay tiyak na naiiba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, pumapatnubay, at binibigyang-liwanag ang tao. Sa tuwing nagpapakita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao noon. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang mas bago at mas mataas na yugto ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan; higit pa rito, ito ay gawain na umaakay sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kahalagahan ng pagpapakita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

181. Sa sandaling naunawaan na ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos, paano ninyo dapat hanapin ang mga bakas ng yapak ng Diyos? Ang katanungang ito ay hindi mahirap ipaliwanag: Kung saan nagpapakita ang Diyos, masusumpungan ninyo roon ang Kanyang mga yapak. Tila napakadiretso ng ganitong paliwanag, nguni’t hindi ito madali sa realidad, sapagka’t maraming tao ang hindi nakakaalam kung saan nagpapakita ang Diyos, lalong hindi kung saan Niya nais, o kung saan Siya dapat, magpakita. Ang ilan ay pabigla-biglang naniniwala na kung saanman gumagawa ang Banal na Espiritu, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga espirituwal na tao, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga taong bantog, doon nagpapakita ang Diyos. Sa ngayon, isantabi natin kung tama man o mali ang gayong mga paniniwala. Upang ipaliwanag ang ganitong tanong, kailangan muna nating magkaroon ng isang malinaw na layunin: Hinahanap natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos. Hindi tayo naghahanap ng mga espirituwal na tao, lalong hindi natin sinusunod ang mga bantog; sinusunod natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos. Dahil dito, yamang hinahanap natin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga bakas ng yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga bakas ng yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga bakas ng yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

182. Ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila hindi pangkaraniwan ang mga ito sa iyo, ngunit ang ipapayo Ko sa iyo ay huwag ilantad ang iyong naturalesa sa ngayon, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magkamit ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na deboto ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi sa pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi Kong “ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinasusuklaman mo ang mga ito; o marahil pa nga ay may malaking interes ka sa mga iyon. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at mabigyan ito ng kanilang maingat na pagsusuri, sa halip na magsalita nang patapos tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang matalinong tao.

Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman muna ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ito ng buhay, at ituro ang daan para rito. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, para patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang sinusuri lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi pinapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita nito na ang tao ay mangmang at ignorante. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang hitsura at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang mga palatandaan tungkol sa Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba kinontra ng mga sinaunang Pariseo si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila masinsinang tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan. Huwag kayong maging mga Pariseo ng makabagong panahon na muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong pag-isipan nang mabuti kung paano sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsabilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap. Dapat nating kusutin ang ating espirituwal na mga mata para luminaw, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng labis-labis na pantasya. Dapat nating pag-isipan ang makatotohanang gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspekto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, na laging nananabik sa araw na ang Panginoong Jesus, na nakasakay sa ulap, ay biglang bumaba sa gitna ninyo, at dalhin kayong mga hindi nakakilala o nakakita sa Kanya kailanman, at hindi nakakaalam kung paano sumunod sa Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mas praktikal na mga bagay!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

183. Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng Diyos ng katotohanan, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagama’t hindi mo makita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagiging puno ng poot ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang tao na kumilala, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao ngayon ay isang Diyos na katulad ng tao, isang Diyos na mayroong ilong at dalawang mata, at isang labis na hindi kapansin-pansing Diyos, sa huli, ipakikita sa inyo ng Diyos na kung hindi umiral ang taong ito, sasailalim ang langit at ang lupa sa napakatinding pagbabago; kung hindi umiral ang taong ito, magdidilim ang kalangitan, masasadlak sa kaguluhan ang lupa, at mamumuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung hindi pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw upang iligtas kayo, matagal na sanang winasak ng Diyos ang buong sangkatauhan sa impiyerno; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging mga pangunahing makasalanan kayo magpakailanman, at magiging mga bangkay kayo habang panahon. Dapat ninyong malaman na kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging imposible para sa sangkatauhan na matakasan ang isang malaking kalamidad, at magiging imposible para dito na makatakas sa mas matinding kaparusahang ipapataw ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, lahat sana kayo ay nasa kalagayan kung saan nagsusumamo kayo para sa buhay nang walang kakayahang mamuhay at magmakaawa para sa kamatayan nang hindi namamatay; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, hindi ninyo makakamit ang katotohanan at makakapunta sa harap ng trono ng Diyos ngayon, kundi sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa mabibigat ninyong kasalanan. Alam ba ninyong kung hindi dahil sa pagbabalik sa katawang-tao ng Diyos, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; at kung hindi dahil sa pagparito ng katawang-taong ito, matagal na sanang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan? Dahil dito, tatanggihan pa rin ba ninyo ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang napakalalaking pakinabang ang matatamo ninyo sa karaniwang taong ito, bakit hindi ninyo Siya malugod na tatanggapin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao

184. Ang gawain ng Diyos ay isang bagay na hindi mo mauunawaan. Kung hindi mo lubos na maunawaan kung tama ba ang desisyon mo, ni hindi mo mabatid kung magtatagumpay ba ang gawain ng Diyos, bakit hindi mo subukan ang kapalaran mo at tingnan kung maaari bang maging malaking tulong sa iyo ang karaniwang taong ito, at kung tunay ngang gumawa na ang Diyos ng dakilang gawain? Gayunman, dapat Kong sabihin sa iyo na sa panahon ni Noe, nagsisikain at nagsisiinom ang mga tao, nag-aasawa at pinag-aasawa hanggang sa hindi na ito makayang saksihan ng Diyos, kaya nagpadala Siya ng malaking baha upang wasakin ang sangkatauhan, na ang iniwang ligtas ay pamilya lamang ni Noe na walong tao at ang lahat ng uri ng mga ibon at mga hayop. Gayunman, sa mga huling araw, ang mga iniwang ligtas ng Diyos ay iyong lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa huli. Bagaman ang parehong kapanahunan ay puno ng matinding katiwaliang hindi makayang saksihan ng Diyos, at ang sangkatauhan sa parehong kapanahunan ay naging napakatiwali at itinanggi na ang Diyos ang Panginoon nila, ang mga tao lamang sa panahon ni Noe ang winasak ng Diyos. Nagdulot ng matinding pagkabalisa sa Diyos ang sangkatauhan sa parehong kapanahunan, subalit nanatiling mapagtiis ang Diyos sa mga tao sa mga huling araw hanggang ngayon. Bakit ganito? Hindi ba kayo kailanman nagtaka kung bakit? Kung tunay na hindi ninyo alam, hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo. Ang dahilan kaya nagagawang magbigay ng Diyos ng biyaya sa mga tao sa mga huling araw ay hindi dahil sila ay hindi gaanong tiwali kaysa sa mga tao sa panahon ni Noe, o dahil nagpakita sila ng pagsisisi sa Diyos, lalong hindi dahil napakaunlad na ng teknolohiya sa mga huling araw na hindi sila maatim wasakin ng Diyos Mismo. Sa halip, ito ay dahil may gawaing kailangang gawin ang Diyos sa isang pangkat ng mga tao sa mga huling araw, at na ang Diyos ang Mismong gagawa ng gawaing ito sa Kanyang pagkakatawang-tao. Higit pa rito, pipili ang Diyos ng isang bahagi ng pangkat na ito na magiging mga pakay ng Kanyang pagliligtas at bunga ng Kanyang plano ng pamamahala, at dadalhin ang mga taong ito sa susunod na kapanahunan. Samakatwid, kahit na anupaman, ang halagang ito na binayaran ng Diyos ay ganap na para sa paghahanda para sa gawaing gagawin ng Kanyang pagkakatawang-tao sa mga huling araw. Ang katunayang nakarating kayo sa kasalukuyan ay dahil sa katawang-taong ito. Dahil nabubuhay ang Diyos sa katawang-tao kaya kayo may pagkakataong mabuhay. Nakamit ang lahat ng pagpapalang ito dahil sa karaniwang taong ito. Hindi lamang ito, ngunit sa huli, sasamba ang bawat bansa sa karaniwang taong ito, magbibigay din ng pasasalamat at magpapasakop sa hamak na taong ito, dahil ang katotohanan, buhay, at daan na dala Niya ang nagligtas sa buong sangkatauhan, nagpahupa sa hidwaan sa pagitan ng tao at Diyos, nagpaikli sa agwat sa pagitan nila, at nagbukas ng ugnayan sa pagitan ng mga saloobin ng Diyos at tao. Siya rin ang nakakuha ng higit pang kaluwalhatian para sa Diyos. Hindi ba karapat-dapat sa tiwala at pagsamba mo ang karaniwang taong gaya nito? Hindi ba nararapat na tawaging Cristo ang ganitong karaniwang katawang-tao? Maaari bang ang ganitong karaniwang tao ay hindi maging pagpapahayag ng Diyos sa gitna ng mga tao? Hindi ba karapat-dapat ang ganitong tao, na nagligtas sa sangkatauhan mula sa sakuna, sa pagmamahal at pagnanais ninyong kumapit sa Kanya? Kung tinatanggihan ninyo ang mga katotohanang ipinahayag mula sa Kanyang bibig at kinamumuhian ang Kanyang pag-iral kasama ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa huli?

Ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang taong ito ang lahat ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ipagkakaloob Niya ang lahat ng bagay sa iyo, at higit pa rito, magagawa Niyang pagpasyahan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa iyo. Maaari bang ang ganitong tao ay tulad ng pinaniniwalaan ninyong Siya: isang taong napakapayak na hindi karapat-dapat banggitin? Hindi ba sapat ang katotohanan Niya upang lubos kayong makumbinsi? Hindi ba kayo magawang kumbinsihin ng pagkakita sa Kanyang mga gawa gamit ang sarili ninyong mga mata? O hindi ba karapat-dapat para sa inyo na tahakin ang landas na Kanyang pinapangunahan? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang nagdudulot sa inyo na makaramdam ng pagkasuklam sa Kanya at itakwil Siya at iwasan Siya? Ang taong ito ang nagpapahayag ng katotohanan, ang taong ito ang nagbibigay ng katotohanan, at ang taong ito ang nagbibigay sa inyo ng landas na susundan. Maaari kayang hindi pa rin ninyo nahahanap ang mga bakas ng gawain ng Diyos sa loob ng mga katotohanang ito? Kung wala ang gawain ni Jesus, hindi makabababa ang sangkatauhan mula sa krus, ngunit kung wala ang pagkakatawang-tao ng kasalukuyan, hindi kailanman makakamit ng mga bumaba mula sa krus ang pagsang-ayon ng Diyos o makapapasok sa bagong kapanahunan. Kung wala ang pagparito ng karaniwang taong ito, hindi kayo kailanman magkakaroon ng pagkakataon na makita ang tunay na mukha ng Diyos, ni hindi kayo magiging kalipikado, dahil lahat kayo ay mga pakay na matagal nang dapat winasak. Dahil sa pagparito ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, napatawad kayo ng Diyos at pinakitaan kayo ng awa. Anupaman, ito pa rin ang mga salitang dapat Kong iwan sa inyo sa huli: Ang karaniwang taong ito, na Diyos na nagkatawang-tao, ay napakahalaga sa inyo. Ito ang dakilang bagay na ginawa na ng Diyos sa gitna ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao

185. Kung dumating ang Tagapagligtas sa mga huling araw at Jesus pa rin ang tawag sa Kanya, at muli Siyang isinilang sa Judea at ginawa Niya ang Kanyang gawain doon, magpapatunay ito na nilikha Ko lamang ang mga tao ng Israel at tinubos lamang ang mga tao ng Israel, at na wala Akong kinalaman sa mga Hentil. Hindi kaya ito salungat sa Aking mga salita na “Ako ang Panginoon na lumikha ng mga kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay”? Nilisan Ko ang Judea at ginagawa Ko ang Aking gawain sa mga Hentil dahil hindi lamang Ako Diyos ng mga tao ng Israel, kundi Diyos ng lahat ng nilikha. Nagpapakita Ako sa mga Hentil sa mga huling araw dahil hindi lamang Ako si Jehova, ang Diyos ng mga tao ng Israel, kundi, bukod diyan, Ako ang Lumikha ng lahat ng hinirang Ko sa mga Hentil. Hindi Ko lamang nilikha ang Israel, Ehipto, at Lebanon, kundi lahat ng bansang Hentil na lagpas pa ng Israel. Dahil dito, Ako ang Panginoon ng lahat ng nilikha. Ginamit Ko lamang ang Israel bilang panimulang punto para sa Aking gawain, kinasangkapan ang Judea at Galilea bilang matitibay na tanggulan ng Aking gawain ng pagtubos, at ngayon ay ginagamit Ko ang isang bansang Hentil bilang himpilan na kung saan mula roon ay wawakasan Ko ang buong kapanahunan. Ginawa Ko ang dalawang yugto ng gawain sa Israel (ang dalawang yugtong ito ng gawain ay ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya), at isinasakatuparan Ko na ang dalawa pang yugto ng gawain (ang Kapanahunan ng Biyaya at ang Kapanahunan ng Kaharian) sa buong lupain na lagpas pa ng Israel. Sa mga bansang Hentil, gagawin Ko ang gawain ng panlulupig, at sa gayo’y matatapos ang kapanahunan. Kung palagi Akong tinatawag ng tao na Jesucristo, ngunit hindi alam na nasimulan Ko na ang isang bagong kapanahunan sa mga huling araw at nagsimula na Ako sa bagong gawain, at kung patuloy na lagi nang maghihintay ang tao sa pagdating ni Jesus na Tagapagligtas, tatawagin Ko ang mga tao tulad nito na mga taong hindi naniniwala sa Akin; sila ay mga taong hindi Ako kilala, at hindi totoong naniniwala sa Akin. Masasaksihan kaya ng gayong mga tao ang pagdating ni Jesus na Tagapagligtas mula sa langit? Ang kanilang hinihintay ay hindi ang Aking pagdating, kundi ang pagdating ng Hari ng mga Hudyo. Hindi nila pinananabikan ang Aking paglipol sa maruming lumang mundong ito, kundi sa halip ay nananabik sila sa ikalawang pagparito ni Jesus, kung kailan sila ay matutubos. Inaasam nila na minsan pang tutubusin ni Jesus ang buong sangkatauhan mula sa marungis at masamang lupaing ito. Paano maaaring maging mga taong kumukumpleto ng Aking gawain sa mga huling araw ang gayong mga tao? Ang mga hangarin ng tao ay walang kakayahang tuparin ang Aking mga naisin o isakatuparan ang Aking gawain, sapagkat hinahangaan o pinahahalagahan lamang ng tao ang gawaing nagawa Ko dati, at wala silang ideya na Ako ang Diyos Mismo na palaging bago at hindi naging luma kailanman. Alam lamang ng tao na Ako si Jehova, at Jesus, at wala silang ideya na Ako Siya ng mga huling araw na magdadala sa sangkatauhan sa kanilang wakas. Ang pinananabikan at alam lamang ng tao ay nagmumula sa kanilang sariling mga kuru-kuro, at yaon lamang nakikita ng kanilang sariling mga mata. Hindi iyon naaayon sa gawaing ginagawa Ko, kundi taliwas iyon dito. Kung ang Aking gawain ay idinaos ayon sa mga ideya ng tao, kailan kaya ito magwawakas? Kailan kaya makakapasok ang sangkatauhan sa kapahingahan? At paano kaya Ako makakapasok sa ikapitong araw, ang Araw ng Pahinga? Gumagawa Ako ayon sa Aking plano at ayon sa Aking layunin—hindi ayon sa mga layon ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”

186. Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang nasyonalidad, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling nasyonalidad, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa pagkakakilanlan ng isang nilikha. Sa ganitong paraan, hindi mo lilimitahan ang mga yapak ng Diyos sa anumang partikular na saklaw. Ito ay dahil, ngayon, maraming tao ang nag-iisip na imposibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng mga tao sa partikular na bayan. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga kuru-kuro at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga kuru-kuro tungkol sa nasyonalidad o katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi magagapos ng sarili mong mga kuru-kuro; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.

Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o bayan, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo, bansa, o bayan. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil ay pagtatatwa ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa o bayan kung saan nagpapakita ang Diyos ay nagkataon lamang na dinidiskrimina ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Ngunit ang Diyos ay may karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na matapos matiis ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga pagdurusa at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, na hindi limitado sa anumang anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong lahi ng tao. Nguni’t naniwala ang mga Hudyo na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng maging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni’t kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao ang tumawa nang walang habas at napakalakas matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni’t hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Hudyo? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobin ng pananabik. Ang ginagawa lamang ninyo ay pursigidong nagsusuri, at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo makilatis ang mga pagbigkas ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipapahayag ang katotohanan, at naroon ang tinig ng Diyos. Tanging ang mga nagagawang tanggapin ang katotohanan ang makakarinig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao lang ang kalipikadong makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga kuru-kuro! Patahimikin ang iyong sarili at basahing mabuti ang mga salitang ito. Hangga’t mayroon kang pusong nananabik sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos para maunawaan mo ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga salita. Bitiwan na ninyo ang mga argumento ninyo ng pagiging “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga pag-iisip ng Diyos ay higit pa sa mga pag-iisip ng tao, at ginagampanan ng Diyos ang gawain Niya nang lampas sa mga hangganan ng pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroong katotohanang mahahanap dito; habang mas hindi kayang maisip ng mga kuru-kuro ng tao ang isang bagay, lalong naglalaman ito ng mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Siya nagpapakita, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hinding-hindi magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi magbabago saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito, Siya ang nag-iisa at natatanging Diyos sa itaas at kabuuan ng sansinukob. Kaya hanapin natin ang mga layunin ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagbigkas at salita, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay hayagang ipinakikita sa sangkatauhan sa lahat ng oras. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyong lahat ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong makasabay sa Kanyang mga yapak at humakbang pasulong tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sinundan: D. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa Kung Ano ang Katotohanan

Sumunod: IV. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa mga Hiwaga ng Pagkakatawang-tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito