D. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa Kung Ano ang Katotohanan

152. Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Yaong mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno yaong mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung sinusubukan mo lamang na hawakan ang nakaraan, sinusubukan lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka nila maaakay para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Napagyayaman lamang ng mga banal na kasulatang binabasa mo ang dila mo at hindi ng mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi sa mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo ng pagmumuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba pinagtatanto ka nito sa mga hiwagang sumasaloob? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

153. Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang tagapagbigay ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda ng pagkilala o pagtanggap ng sangkatauhan, kundi ng mismong diwa ng mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang makatatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapabulaan, o lubos na nanglalait sa Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaan ang panahon at katunayan na maging saksi Ko at magpakita na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at iyon ang dapat na maipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layunin sa Aking mga salita, at ang mga hindi tumanggap ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nakondena ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod sa kanila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

154. Ang Diyos Mismo ay buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Yaong mga walang kakayahang makamit ang katotohanan ay hindi kailanman makakamit ang buhay. Kung wala ang patnubay, pag-alalay, at paglaan ng katotohanan, ang tanging makakamit mo lamang ay mga titik, mga doktrina, at, higit sa lahat, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, kung gayon hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, kung gayon tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga guni-guni at mga kuru-kuro, magiging walang iba ang kabuuan ng katawan mo kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Alamin mong hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring sambahin na katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga salitang sinasabi ng Diyos sa kasalukuyan ang mga tuntunin ng mga nakalipas na panahon. Tanging ang mga inihahayag lamang ng Diyos kapag pumarito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

155. Ang katotohanan ang pinakatunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Sapagkat hinihiling ito ng Diyos sa tao, at ito ang gawaing personal na ginagampanan ng Diyos, kaya’t tinatawag itong “talinghaga ng buhay”. Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa kung anong bagay, o hindi rin ito isang tanyag na banggit mula sa isang dakilang tao. Sa halip, ito ang binibigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay; hindi ito ilang salita na nilagom ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na “pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

156. Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, subalit ang katotohanang nasa tao ay ipinapasa ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao. Subalit si Cristo ay naglalaan lamang ng katotohanan; hindi Siya pumaparito upang magpasiya kung ang tao ay magiging matagumpay sa kanyang paghahangad na matamo ang katotohanan. Sa gayon nangangahulugan ito na ang tagumpay o kabiguan sa katotohanan ay dahil lahat sa pinagsisikapang matamo ng tao. Ang tagumpay o kabiguan ng tao sa katotohanan ay hindi nagkaroon ng kinalaman kay Cristo kailanman, kundi sa halip ay nalalaman sa pamamagitan ng kanyang paghahangad. Ang hantungan at tagumpay o kabiguan ng tao ay hindi maaaring isisi sa Diyos, para ang Diyos Mismo ay magpasan nito, dahil hindi ito isang bagay na para sa Diyos Mismo, kundi direkta itong nauugnay sa tungkuling dapat gampanan ng mga nilalang ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

157. Ang katotohanan ay hindi gaya ng isang pormula, hindi rin ito isang batas. Hindi ito patay—ito ay buhay mismo, ito ay isang buhay na bagay, at ito ang patakaran na dapat sundin ng isang nilikha habang nabubuhay at ang patakaran na dapat taglayin ng isang tao habang nabubuhay. Isang bagay ito na dapat mong, hangga’t maari, ay maunawaan sa pamamagitan ng karanasan. Ano mang yugto ang narating mo na sa iyong karanasan, hindi ka maihihiwalay sa salita ng Diyos o sa katotohanan, at kung ano ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang iyong nalalaman sa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay ipinahahayag lahat sa mga salita ng Diyos; nauugnay ang mga ito nang hindi maihihiwalay sa katotohanan. Ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya ay, mismong, ang katotohanan; ang katotohanan ay isang tunay na pagpapakita ng disposisyon ng Diyos at ng kung anong mayroon at kung ano Siya. Ginagawa nitong kongkreto ang kung anong mayroon at kung ano Siya, at malinaw nitong ipinahahayag ang kung anong mayroon at kung ano Siya; sinasabi nito sa iyo nang mas tuwiran kung ano ang gusto ng Diyos, kung ano ang hindi Niya gusto, kung ano ang nais Niyang gawin mo at kung ano ang hindi Niya pinahihintulutang gawin mo, kung anong mga tao ang kinamumuhian Niya at kung anong mga tao ang kinagigiliwan Niya. Sa likod ng mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, makikita ng tao ang Kanyang kaluguran, galit, kalungkutan, at kasiyahan, gayundin ang Kanyang diwa—ito ang paghahayag ng Kanyang disposisyon.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

158. Simple man o malalim sa tingin ang mga salitang sinasambit ng Diyos, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng tao habang pumapasok siya sa buhay; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buhay na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at doktrina para pangasiwaan ang kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin para maligtas, pati na rin ang layunin at direksyon nito; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay-kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at iniiwas sila sa mga patibong ni Satanas, sagana sa walang-pagod na pagtuturo, pangaral, paghihikayat, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan lahat ng tao, kaganapan, at bagay ay sinusukat, at pananda rin sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

159. Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring ituring na salita ng tao, at lalong hindi maaaring ituring ang salita ng tao na salita ng Diyos. Ang isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi ang Diyos na nagkatawang-tao, at ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi ang taong kinakasangkapan ng Diyos. Dito, mayroong malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap ang mga iyon bilang mga salita ng Diyos, kundi bilang kaliwanagan lamang na natamo ng tao. Kung gayon, binubulag ka ng kamangmangan. Paano magiging kapareho ng kaliwanagang natamo ng tao ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapasimula ng isang bagong kapanahunan, ginagabayan ang buong sangkatauhan, naghahayag ng mga hiwaga, at ipinapakita sa tao ang direksyong dapat niyang sundan sa bagong kapanahunan. Ang kaliwanagang natamo ng tao ay simpleng tagubilin lamang na isasagawa o para sa kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maihahayag ang mga hiwaga ng Diyos Mismo. Pagkatapos ng lahat, ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung ituturing ng tao ang mga salitang sinambit ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at propeta bilang mga salitang personal na sinambit ng Diyos, pagkakamali iyan ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

160. Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo, kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at lahat-lahat na nasa Kanya. Kung sinasabi mo na ang pagkakaroon ng kaunting karanasan ay nangangahulugan na taglay mo ang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang disposisyon ng Diyos? Maaaring may ilang karanasan o liwanag ka tungkol sa isang aspeto o panig ng isang katotohanan, ngunit hindi mo ito maibibigay sa iba magpakailanman, kaya itong liwanag na natamo mo ay hindi katotohanan; isang punto lamang ito na maaaring maabot ng mga tao. Ito lamang ang tamang karanasan at tamang pagkaunawa na dapat taglay ng isang tao: ilang aktuwal na karanasan at kaalaman sa katotohanan. Ang liwanag, kaliwanagan at pagkaunawang ito na batay sa karanasan ay hindi kailanman makakahalili sa katotohanan; kahit pa ganap nang naranasan ng lahat ng tao ang katotohanang ito, at pinagsama-sama ang lahat ng kanilang mga pagkaunawang batay sa karanasan, hindi pa rin nito mapapalitan ang nag-iisang katotohanang iyon. Gaya nang nasabi na sa nakalipas, “Binubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa gitna ng mga tao, walang sinumang nagmamahal sa Akin.” Ito ay pangungusap ng katotohanan: ito ang totoong diwa ng buhay. Ito ang pinakamalalim sa mga bagay; ito ay sariling pagpapahayag ng Diyos Mismo. Maaaring patuloy mong mararanasan ito at kung mararanasan mo ito sa loob ng tatlong taon magkakaroon ka ng mababaw na pagkaunawa nito; kung mararanasan mo ito sa loob ng pito o walong taon magtatamo ka ng higit pang pagkaunawa nito—nguni’t anumang pagkaunawa na matamo mo ay hindi kailanman makakahalili sa nag-iisang pangungusap ng katotohanang iyan. Ang isa pang tao, matapos maranasan ito sa loob ng dalawang taon ay maaaring magtamo ng kaunting pagkaunawa at pagkatapos ay bahagyang mas malalim na pagkaunawa matapos maranasan ito sa loob ng sampung taon at pagkatapos ay ilang higit pang pagkaunawa matapos maranasan ito sa buong buhay—nguni’t kung pagsasamahin ninyo kapwa ang pagkaunawa na natamo na ninyo, magkagayunman—gaano man kalaking pagkaunawa, gaano karaming karanasan, gaano karaming kaunawaan, gaano kalaking liwanag, o gaano karaming halimbawang kapwa mayroon kayo—lahat ng iyan ay hindi pa rin makakahalili sa nag-iisang pangungusap ng katotohanan na iyan. Sa madaling salita, ang buhay ng tao ay palaging magiging buhay ng tao, at gaano man kaayon sa katotohanan, sa mga intensyon ng Diyos at Kanyang mga kahilingan ang iyong pagkaunawa, hindi nito kailanman makakayang humalili sa katotohanan. Ang sabihing ang katotohanan ay natamo na ng mga tao ay nangangahulugan na mayroon silang kaunting realidad, na may natamo na silang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, na naabot na nila ang kaunting tunay na pagpasok sa mga salita ng Diyos, na nagkaroon na sila ng kaunting tunay na karanasan sa mga ito, at na sila ay nasa tamang landasin sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang isa lamang na pahayag ng Diyos ay sapat na para maranasan ng isang tao habambuhay; kahit maranasan pa ito ng mga tao nang ilang habambuhay o kahit na ilang milenyo, hindi pa rin nila ganap at lubusang mararanasan ang isang katotohanan. Kung nauunawaan lamang ng mga tao ang kaunting mabababaw na salita, subali’t sinasabi nilang nakamtan na nila ang katotohanan, hindi ba iyan ganap at lubos na kawalang-saysay?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

161. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at namumuhay silang kasama ito bilang kanilang buhay, anong buhay ang tinutukoy dito? Tumutukoy ito sa kakayahan nilang ibatay sa salita ng Diyos kung paano sila mamumuhay; nangangahulugan ito na mayroon silang tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos at isang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kapag taglay ng mga tao sa loob nila ang bagong buhay na ito, ang paraan ng kanilang pamumuhay ay naitatayo sa isang pundasyon ng katotohanang salita ng Diyos, at namumuhay sila sa loob na dako ng katotohanan. Tungkol lahat sa pagkilala at pagdanas ng katotohanan ang buhay ng mga tao, at ito bilang pundasyon, nang hindi humihigit sa saklaw na iyon; ito ang buhay na tinutukoy kapag nagsasalita tungkol sa pagkakaroon ng katotohanang buhay. Para mamuhay ka na kasama ang katotohanan bilang buhay mo, hindi ito ang pangyayari na ang buhay ng katotohanan ay nasa loob mo, o hindi ito pangyayari na ikaw ay nagtataglay ng katotohanan bilang buhay mo, nagiging katotohanan ka, at ang iyong panloob na buhay ay nagiging buhay ng katotohanan; higit na kaunti pa rin ang masasabi na ikaw ay katotohanang buhay. Sa huli, ang iyong buhay ay buhay pa rin ng isang tao. Nangyari lamang na ang isang tao ay maaaring mamuhay sa mga salita ng Diyos, magtaglay ng kaalaman sa katotohanan, at maunawaan ito sa isang malalimang antas; ang pag-unawang ito ay hindi maaaring alisin sa iyo. Ganap mong nararanasan at nauunawaan ang mga bagay na ito, nararamdaman na napakahusay at napakahalaga ng mga ito, at natututuhan mong tanggapin ang mga ito bilang batayan ng iyong buhay; higit pa rito, namumuhay kang umaasa sa mga bagay na ito, at walang sinumang makapagbabago niyan: Ito, kung gayon, ang iyong buhay. Ibig sabihin, ang buhay mo ay naglalaman lamang ng mga bagay na ito—pag-unawa, karanasan, kabatiran sa katotohanan—at anuman ang gawin mo, ibabatay mo sa mga ito kung paano ka mamumuhay, at hindi ka lalampas sa saklaw na ito o lalampas sa mga hangganan nito; ito mismo ang uri ng buhay na tataglayin mo. Ang pangunahing layunin ng gawain ng Diyos ay upang magkaroon ng ganitong uri ng buhay ang mga tao. Gaano man kahusay ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan, ang kanilang esensya ay isa pa rin sa sangkatauhan, at hindi man lamang maikukumpara sa kakanyahan ng Diyos. Dahil nagpapatuloy ang kanilang pagdanas sa katotohanan, imposible para sa kanila na buong-buong isabuhay ang katotohanan; maaari lamang isabuhay ng mga tao ang napakalimitadong kapiraso ng katotohanan na maaaring makamtan nila. Paano, kung gayon, sila maaaring makalapit sa Diyos? … Kung mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, at nabubuhay kang naaayon sa iyong pag-unawa sa katotohanan, nagiging buhay mo ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi mo pa rin masasabi na ang katotohanan ang buhay mo o na ang ipinahahayag mo ay ang katotohanan; kung gayon ang iyong opinyon, mali ka. Kung mayroon kang ilang karanasan sa isang aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito sa ganang sarili nito ang katotohanan? Talagang hindi. Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Matutuklasan mo ba ang disposisyon ng Diyos, at ang Kanyang diwa, mula sa katotohanan? Hindi mo magagawa. Ang lahat ay mayroon lamang karanasan sa isang aspeto at saklaw ng katotohanan; sa pagdanas nito sa loob ng iyong limitadong saklaw, hindi mo mararanasan ang katotohanan ng lahat ng aspeto. Maisasabuhay ba ng mga tao ang orihinal na kahulugan ng katotohanan? Gaano ang halaga ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil ng buhangin sa dalampasigan; isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, gaano man kahalaga ang kaalamang iyon at iyang mga pakiramdam na natamo mo na mula sa iyong mga karanasan, hindi pa rin maibibilang na katotohanan ang mga iyan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

162. Ang Diyos Mismo ay nagtataglay ng katotohanan, at Siya ang pinagmumulan ng katotohanan. Bawa’t positibong bagay at bawa’t katotohanan ay nagmumula sa Diyos. Maaari Siyang humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay at lahat ng kaganapan; maaari Siyang humatol sa mga bagay na nangyari, mga bagay na nangyayari ngayon, at mga bagay sa hinaharap na hindi pa alam ng tao. Siya ang tanging hukom na maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay, at ang ibig sabihin niyan ay Siya lamang ang maaaring humatol sa kawastuhan at kamalian ng lahat ng bagay. Alam Niya ang mga panuntunan para sa lahat ng bagay. Ito ang pinakalarawan ng katotohanan, na nangangahulugan na Siya Mismo ay nagtataglay ng diwa ng katotohanan. Kung naunawaan ng tao ang katotohanan at nakamtan ang pagiging perpekto, magkakaroon ba siya kung gayon ng kinalaman sa pinakalarawan ng katotohanan? Kapag ang tao ay ginawang perpekto, mayroon siyang tumpak na paghatol sa lahat ng ginagawa ng Diyos ngayon at sa mga bagay na hinihiling Niya, at mayroon siyang tumpak na paraan ng pagsasagawa; nauunawaan din ng tao ang kalooban ng Diyos at alam ang tama sa mali. Subali’t may ilang bagay na hindi maaabot ng tao, mga bagay na malalaman lamang niya matapos sabihin ng Diyos sa kanya ang mga ito—hindi malalaman ng tao ang mga bagay na hindi pa nalalaman, mga bagay na hindi pa nasasabi ng Diyos sa kanya, at hindi makagagawa ng mga prediksyon ang tao. Bukod pa riyan, kahit natamo ng tao ang katotohanan mula sa Diyos, at nagtaglay ng katotohanang realidad, at nalaman ang diwa ng maraming katotohanan, at nagkaroon ng kakayahang masabi ang tama sa mali, hindi siya magkakaroon ng kakayahang kontrolin at pamahalaan ang lahat ng bagay. Iyan ang kaibhan. Matatamo lamang ng mga nilikha ang katotohanan mula sa pinagmumulan ng katotohanan. Matatamo ba nila ang katotohanan mula sa tao? Ang tao ba ang katotohanan? Makapagbibigay ba ang tao ng katotohanan? Hindi, at iyan ang kaibhan. Maaari ka lamang tumanggap ng katotohanan, hindi magbigay nito—matatawag ka bang pinakalarawan ng katotohanan? Ano ba talaga ang diwa ng pinakalarawan ng katotohanan? Ito ang pinagmumulan na naglalaan ng katotohanan, ang pinagmumulan ng pamamahala at pamumuno sa lahat ng bagay, at ito rin ang mga pamantayan at panuntunan kung saan lahat ng bagay at kaganapan ay hinahatulan. Ito ang pinakalarawan ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikatlong Bahagi)

163. Ang katotohanan ang realidad ng lahat ng mga positibong bagay. Maaari itong maging buhay ng tao at direksyon kung saan siya naglalakbay; maaari nitong akayin ang tao na itakwil ang kanilang tiwaling disposisyon, matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan, maging taong sumusunod sa Diyos at isang marapat na nilikha, isang taong iniibig ng Diyos at nakasusumpong sa Kanyang pabor. Dahil sa kahalagahan nito, ano dapat ang pag-uugali at pananaw na mayroon ang tao patungkol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Ito ay lubhang malinaw: Para sa mga tunay na naniniwala sa Diyos at mayroong pusong may paggalang sa Kanya, ang Kanyang mga salita ang kanilang buhay. Dapat na pakaingatan ng tao ang mga salita ng Diyos, at kumain at uminom ng mga ito, at tamasahin ang mga ito, at tanggapin ang mga ito bilang kanyang buhay, bilang direksyon kung saan siya tumutungo, bilang kanyang handang saklolo at panustos; dapat na mamuhay, magsagawa, at makaranas ang tao alinsunod sa mga ipinapahayag at hinihingi ng katotohanan, at magpasakop sa mga hinihingi nito sa kanya, sa bawat isa sa mga ipinapahayag at hinihingi sa kanya ng katotohanan, sa halip na isailalim ito sa pag-aaral, pagsusuri, pagpapalagay, at pag-aalinlangan. Dahil ang katotohanan ang handang saklolo ng tao, ang kanyang handang panustos, at maaaring maging buhay niya, dapat na tratuhin ng tao ang katotohanan bilang pinakamahalagang bagay, sapagkat dapat siyang magtiwala sa katotohanan upang mabuhay, upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, matakot sa Kanya at maiwasan ang kasamaan, at upang mahanap sa kanyang pang-araw-araw na buhay ang landas kung saan makapagsasagawa, mauunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa at matatamo ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat ding magtiwala sa katotohanan ang tao upang maitakwil ang kanyang tiwaling disposisyon, upang maging isang taong nailigtas at isang marapat na nilikha.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikapitong Bahagi)

164. Sa Kanyang pagpapahayag ng katotohanan, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at diwa; ang Kanyang pagpapahayag ng katotohanan ay hindi nababatay sa mga buod ng sangkatauhan sa iba’t-ibang positibong bagay at mga pananalita na kinikilala ng sangkatauhan. Ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos ay katotohanan. Ang mga ito ang pundasyon at ang batas kung saan dapat umiral ang sangkatauhan, at yaong diumano’y mga doktrinang nagmumula sa sangkatauhan ay kinokondena ng Diyos. Hindi nakakamit ng mga ito ang Kanyang pagsang-ayon, at lalo nang hindi ang mga ito ang pinagmulan o batayan ng Kanyang mga pagbigkas. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang diwa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Lahat ng salitang inilabas ng pagpapahayag ng Diyos ay katotohanan, sapagkat taglay Niya ang diwa ng Diyos, at Siya ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang katunayan na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan ay hindi nagbabago, gaano man inilalagay o ipinapakahulugan ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito, ni kung paano nila ipinapalagay o inuunawa ang mga ito. Ilang salita man ng Diyos ang nasambit na, at gaano man kinokondena at tinatanggihan nitong tiwali at makasalanang sangkatauhan ang mga ito, nananatili ang isang katunayan na hindi mababago: Maging sa mga sitwasyong ito, ang diumano’y kultura at mga tradisyon na pinahahalagahan ng sangkatauhan ay hindi magiging mga positibong bagay, at hindi magiging katotohanan. Hindi mababago iyan. Ang tradisyonal na kultura at paraan ng pag-iral ng sangkatauhan ay hindi magiging katotohanan dahil sa mga pagbabago o paglipas ng panahon, at hindi rin magiging mga salita ng tao ang mga salita ng Diyos dahil sa pagkondena o pagiging malilimutin ng sangkatauhan. Hindi magbabago ang diwang ito kailanman; ang katotohanan ay palaging katotohanan. Anong katotohanan ang umiiral dito? Lahat ng kasabihang iyon na ibinuod ng sangkatauhan ay nagmumula kay Satanas—iyon ay mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, na nagmumula pa nga sa pagiging mainitin ng dugo ng tao, at ni wala man lang kinalaman sa mga positibong bagay. Ang mga salita ng Diyos, sa kabilang dako, ay mga pagpapahayag ng diwa at katayuan ng Diyos. Para sa anong dahilan ang Kanyang pagpapahayag ng mga salitang ito? Bakit Ko sinasabing katotohanan ang mga ito? Ito ay dahil namumuno ang Diyos sa lahat ng batas, prinsipyo, ugat, diwa, aktwalidad, at hiwaga ng lahat ng bagay, at hawak ng kamay Niya ang mga ito, at ang Diyos lamang ang nakakaalam ng pinagmulan ng mga ito at kung ano talaga ang mga pinag-ugatan nito. Samakatuwid, ang mga pakahulugan lamang ng lahat ng bagay na binanggit sa mga salita ng Diyos ang pinakatumpak, at ang mga kinakailangang gawin ng sangkatauhan na napapaloob sa mga salita ng Diyos ang tanging pamantayan para sa sangkatauhan—ang tanging sukatan na dapat pagbatayan ng pag-iral ng sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)

Sinundan: C. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa mga Relihiyosong Pagkaintindi, Erehiya, at Kamalian ng Tiwaling Sangkatauhan

Sumunod: III. Mga Salita tungkol sa Pagpapatotoo sa Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito