690 Dapat Mong Hangarin ang Kalooban ng Diyos Kapag Nagkaroon Ka ng Karamdaman
1 Kapag sumapit sa iyo ang pagdurusa ng sakit, paano mo dapat danasin ito? Dapat kang humarap sa Diyos para manalangin, na hinahangad na maarok ang Kanyang kalooban at sinusuri kung anong klaseng mga paglabag ang nagawa mo o kung anong mga katiwalian ang hindi mo pa nalulutas. Kailangan mong magdusa sa pisikal. Kapag napalambot ng pagdurusa ang puso ng mga tao, saka lamang sila mapipigilan at laging mabubuhay sa harap ng Diyos. Kapag sumasama ang loob ng mga tao, lagi silang nagdarasal, nagmumuni-muni kung may nagawa silang mali o kung paano sila maaaring nagkasala sa Diyos. Nakakabuti ito sa kanila. Kapag nagdaranas ng matinding pasakit at mga pagsubok ang mga tao, tiyak na hindi ito nagkakataon lamang.
2 May sakit man o may magandang kalusugan ang mga tao, kalooban iyon ng Diyos. Kapag may sakit sila at hindi nila alam ang kalooban ng Diyos, hindi nila malalaman kung paano magsasagawa. Iisipin nila na bunga ito ng kanilang kahangalan. Paano nila hindi namamalayan na maganda ang mga layon ng Diyos dito? Kapag nagdaranas ka ng matinding karamdaman na pakiramdam mo ay mas mabuti pang mamatay ka na lang, hindi ito nagkakataon lamang. Sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, sinasamahan lamang ba ng Banal na Espiritu ang buhay ng mga tao, nililiwanagan at tinatanglawan sila? Susubukan din ng Diyos na pinuhin ang mga tao. Madadalisay lamang sila kapag nagdurusa sila nang matindi, at saka lamang mababago ang disposisyon nila sa buhay.
3 Paano ba isinasailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok? Pinipino Niya sila sa pamamagitan ng pagdurusa. Ang mga pagsubok ay pagdurusa, at tuwing mayroong mga pagsubok, may kasamang pagdurusa ang mga ito. Kung walang mga pagsubok, paano magdurusa ang mga tao? At kung hindi sila nagdusa, paano sila magbabago? May kasamang pagdurusa ang mga pagsubok at iyon ang gawain ng Banal na Espiritu. Lubhang nagawang tiwali ang mga tao, at kung hindi sila magdurusa, hindi nila mamamalayan ang kaitaasan ng langit o kailaliman ng lupa. Kung hindi sila magdurusa, hindi nila tataglayin ang Diyos sa kanilang puso. Hindi malulutas ng pagbabahagi lamang tungkol sa katotohanan ang tiwaling disposisyon ng mga tao; dapat itong gawin sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino.
Hango sa Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan