C. Mga Salita tungkol sa Paghahayag sa mga Relihiyosong Pagkaintindi, Erehiya, at Kamalian ng Tiwaling Sangkatauhan
135. Sa paniniwala sa Diyos, paano dapat makilala ng isang tao ang Diyos? Dapat niyang makilala ang Diyos batay sa mga salita at sa gawain ng Diyos ngayon, nang walang paglihis o kamalian, at, bago ang lahat, dapat niyang mabatid ang gawain ng Diyos. Ito ang pundasyon ng pagkakilala sa Diyos. Lahat yaong iba’t ibang kamaliang salat sa dalisay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay mga relihiyosong kuru-kuro; ang mga ito ay lihis at maling mga pagkaunawa. Ang pinakamalaking kasanayan ng mga kilalang tao sa relihiyon ay ang pagkuha sa mga salita ng Diyos na naintindihan noong nakaraan at pagkumpara ng mga salita ng Diyos ngayon sa mga ito. Kung, habang pinaglilingkuran ang Diyos ng ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na ibinunyag ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, magdudulot ang paglilingkod mo ng paggambala, at magiging lipas na sa panahon ang pagsasagawa mo, walang iba kundi seremonyang pangrelihiyon. Kung naniniwala kang yaong mga pinaglilingkuran ang Diyos ay dapat mapagpakumbaba at matiisin sa panlabas, bukod sa iba pang mga katangian, at kung isasagawa mo ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, ang ganitong kaalaman ay isang relihiyosong kuru-kuro; ang ganitong pagsasagawa ay naging mapagkunwaring pagtatanghal. Tumutukoy sa mga bagay na lipas na ang pariralang “mga relihiyosong kuru-kuro” (kabilang ang pagkaunawa sa mga salitang sinabi na dati ng Diyos at ang liwanag na tuwirang ibinunyag ng Banal na Espiritu), at kung isasagawa ang mga ito ngayon, gagambalain ng mga ito ang gawain ng Diyos at hindi magdadala ng pakinabang sa tao. Kung hindi magagawang alisin ng mga tao mula sa mga sarili nila yaong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong kuru-kuro, magiging matinding sagabal ang mga bagay na ito sa paglilingkod nila sa Diyos. Ang mga taong may mga relihiyosong kuru-kuro ay walang paraan upang makasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu—nahuhuli sila nang isang hakbang, pagkatapos ay dalawa. Ito ay dahil ang mga relihiyosong kuru-kuro na ito ay nagdudulot sa tao na maging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang nararamdamang pangungulila ang Diyos para sa sinabi at ginawa Niya noong nakaraan; kung lipas na ang isang bagay, inaalis Niya ito. Tunay bang hindi mo kayang bitawan ang mga kuru-kuro mo? Kung kumakapit ka sa mga salitang sinabi ng Diyos noong nakaraan, pinatutunayan ba nito na nababatid mo ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo kayang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, at sa halip ay kumakapit ka sa liwanag ng nakalipas, mapatutunayan ba nito na sinusundan mo ang mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba kayang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung gayon, magiging isa kang taong sumasalungat sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
136. Sapagkat palaging mayroong mga bagong pagsulong sa gawain ng Diyos, may gawaing nagiging lipas na at luma sa pag-usbong ng bagong gawain. Ang magkakaibang uring ito ng gawain, luma at bago, ay hindi magkakasalungat, kundi magkakatugma; ang bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. Sapagkat may bagong gawain, mangyari pa, dapat alisin ang mga lumang bagay. Halimbawa, ang ilan sa mga matatagal nang itinatag na pagsasagawa at nakaugaliang mga kasabihan ng tao, kaakibat ng maraming taong karanasan at mga aral ng tao, ay bumuo ng lahat ng uri at anyo ng mga kuru-kuro sa isip ng tao. Na hindi pa ganap na ibinubunyag ng Diyos ang tunay Niyang mukha at likas na disposisyon sa tao, kasama ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teorya mula sa mga sinaunang panahon ay hindi pa mas nababagay sa pagbuo ng tao ng ganitong mga kuru-kuro. Maaaring sabihin na, sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang mga kuru-kuro ay humantong sa patuloy na pagkabuo at ebolusyon ng lahat ng mga uri ng mga kuru-kurong pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, na nagdulot sa maraming relihiyosong taong naglilingkod sa Diyos na maging kaaway Niya. Kaya, habang mas lumalakas ang mga relihiyosong kuru-kuro ng mga tao, mas lalo nilang sinasalungat ang Diyos, at mas lalo silang mga kaaway ng Diyos. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos; hindi ito kailanman bumubuo ng doktrina, sa halip ay patuloy na nagbabago at pinananariwa sa mas malaki o sa mas maliit na saklaw. Ang paggawa sa paraang ito ay isang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung paano nagagawa ng Diyos ang pamamahala Niya. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang tao o magagawang makilala ang Diyos, at hindi matatalo si Satanas. Kaya naman, sa gawain Niya, patuloy na nangyayari ang mga pagbabago na mukhang paiba-iba, ngunit sa katotohanan ay pana-panahon. Subalit, ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos ay lubos na naiiba. Kumakapit siya sa luma at pamilyar na mga doktrina at mga kaparaanan, at habang mas luma ang mga ito, mas kasiya-siya ang mga ito sa kanya. Paanong tatanggapin ng hangal na isip ng tao, na isang isip na kasintigas ng bato, ang napakaraming di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto niya lamang ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi umaalis sa lugar. Kaya naman, sapagkat may kanya-kaniyang mga gusto ang Diyos at ang tao, naging kaaway ng Diyos ang tao. Umiiral pa rin ang marami sa mga pagkakasalungatang ito kahit ngayon, sa panahong gumagawa na ng bagong gawain ang Diyos sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, hindi na malulunasan ang mga ito. Marahil dahil ito sa katigasan ng ulo ng tao, o ang pagiging hindi nalalabag ninuman ng mga atas administratibo ng Diyos—ngunit kumakapit pa rin sa mga inaamag na lumang libro at mga papel yaong mga lalaki at babaeng pastor, habang nagpapatuloy ang Diyos sa hindi pa nakukumpletong gawain Niya ng pamamahala, na parang wala Siyang kasama sa tabi Niya. Bagaman ang mga pagkakasalungatang ito ay ginagawang magkaaway ang Diyos at ang tao, at ni hindi pa maaaring lutasin, hindi binibigyang pansin ng Diyos ang mga ito, na para bang sabay silang nandoon at wala roon. Gayunman, nananatili pa rin ang tao sa mga paniniwala at mga kuru-kuro niya, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Subalit isang bagay ang maliwanag: Bagamat hindi lumilihis ang tao sa paninindigan niya, palaging gumagalaw ang mga paa ng Diyos, at palagi Niyang binabago ang paninindigan Niya ayon sa kapaligiran. Sa huli, ang tao ang siyang matatalo nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang pinakamatinding kaaway ng lahat ng mga kalabang tinalo Niya, at Siya rin ang kampeon ng sangkatauhan, ng parehong natalo at hindi natalo. Sino ang maaaring makipagpaligsahan sa Diyos at maging matagumpay? Tila mula sa Diyos ang mga kuru-kuro ng tao sapagkat nabuo ang marami sa mga ito kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at, bukod dito, hindi rin Siya nagbubuhos ng papuri sa tao sa paggawa ng mga bungkos ng mga produktong “para sa Diyos” kasunod ng gawain Niya, na nasa labas ng gawain Niya. Sa halip, labis Siyang nasusuklam sa mga kuru-kuro at mga luma at relihiyosong paniniwala ng tao, at hindi man lamang naiisip na kilalanin ang petsa kung kailan unang lumitaw ang mga kuru-kuro na ito. Hindi Niya tinatanggap ni katiting na dulot ng gawain Niya ang mga kuru-kuro na ito, sapagkat ang mga kuru-kuro ng tao ay ipinalalaganap ng tao; ang pinagmulan ng mga ito ay ang mga saloobin at isip ng tao—hindi ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay palaging para ang gawain Niya ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at kung ano ang pinasusunod Niya sa tao ay nag-iiba alinsunod sa kapanahunan at panahon, at hindi walang-hanggan at di-nagbabago. Ito ay dahil isa Siyang Diyos na nagdudulot sa tao na mabuhay at maging bago, sa halip na isang diyablo na nagdudulot sa tao na mamatay at tumanda. Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito? May mga kuru-kuro ka tungkol sa Diyos at wala kang kakayahang bitawan ang mga ito dahil sarado ang isip mo. Hindi ito dahil may napakakaunting katuturan sa gawain ng Diyos, ni dahil humihiwalay ang gawain ng Diyos sa mga pantaong hangarin, ni, bukod dito, dahil sa palaging pabaya ang Diyos sa mga tungkulin Niya. Hindi mo mabitawan ang mga kuru-kuro mo dahil masyado kang salat sa pagsunod, at sapagkat wala ka ni katiting na wangis ng isang nilikhang nilalang; hindi ito dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ikaw ang nagsanhi ng lahat ng ito, at wala itong kaugnayan sa Diyos; nilikha ng tao ang lahat ng pagdurusa at kasawian. Palaging mabuti ang mga saloobin ng Diyos: Hindi Niya nais na magdulot sa iyo na bumuo ng mga kuru-kuro, kundi nagnanais na magbago ka at mapanariwa sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit hindi mo alam kung ano ang mabuti para sa iyo, at palagi kang masusing nagsisiyasat o nagsusuri. Hindi sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, kundi wala kang paggalang sa Diyos, at napakatindi ng pagsuway mo. Isang maliit na nilikhang nilalang, na nangangahas na kunin ang ilang walang-kuwentang bahagi ng dati nang ibinigay ng Diyos, pagkatapos ay babaling at gagamitin ito upang salakayin ang Diyos—hindi ba ito ang pagsuway ng tao? Patas sabihin na ang mga tao ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng mga pananaw nila sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat na ipangalandakan ang kanilang walang halaga, mabaho, bulok, at mabulaklak na wika nang ayon sa nais nila—bukod pa sa yaong inaamag na mga kuru-kuro. Hindi ba sila mas lalo pang walang halaga?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
137. Palaging sumusulong ang gawain ng Diyos, at bagama’t hindi nagbabago ang layunin ng Kanyang gawain, palaging nagbabago ang pamamaraan ng Kanyang paggawa, na nangangahulugan na yaong mga sumusunod sa Diyos ay palagi ring nagbabago. Kapag mas marami ang gawaing ginagawa ng Diyos, mas lubos ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos. Nagbabago rin ang disposisyon ng tao kapag nagsisimula ang gawain ng Diyos. Gayunman, ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago kaya yaong mga hindi nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu at yaong mga kakatwang taong hindi nakakaalam sa katotohanan ay nagiging mga taong lumalaban sa Diyos. Hindi kailanman umaayon ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, sapagkat ang Kanyang gawain ay laging bago at hindi kailanman luma, at hindi Niya inuulit kailanman ang lumang gawain, kundi sa halip ay sumusulong sa gawaing hindi pa nagawa noon. Dahil hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging hinuhusgahan ng tao ang kasalukuyang gawain ng Diyos batay sa gawaing Kanyang ginawa noong araw, naging napakahirap na isakatuparan ng Diyos ang bawat yugto ng gawain ng bagong kapanahunan. Napakaraming problema ng tao! Masyado siyang makaluma sa kanyang pag-iisip! Walang sinumang nakakaalam sa gawain ng Diyos, subalit nililimitahan iyon ng lahat. Kapag tinatalikuran ng tao ang Diyos, nawawalan siya ng buhay, katotohanan, at mga pagpapala ng Diyos, subalit hindi rin siya tumatanggap ng buhay ni ng katotohanan, lalo na ng mas malalaking pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Nais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos, subalit hindi nila matanggap ang anumang mga pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, na nananatili itong nakatigil magpakailanman. Sa kanilang paniniwala, ang kailangan lamang para matamo ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay sundin ang kautusan, at basta’t pinagsisisihan at ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan, palaging malulugod ang kalooban ng Diyos. Akala nila, ang Diyos ay maaari lamang maging Diyos sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; akala rin nila, ang Diyos ay hindi dapat at hindi maaaring lumampas sa Biblia. Ang mga pag-aakalang ito mismo ang nakagapos sa kanila nang mahigpit sa mga lumang kautusan at ipinako sila sa mga patay na panuntunan. Marami pa ngang naniniwala na anupaman ang bagong gawain ng Diyos, kailangan itong patunayan ng mga propesiya, at na sa bawat yugto ng gayong gawain, lahat ng sumusunod sa Kanya nang may “tapat” na puso ay kailangan ding pakitaan ng mga paghahayag; kung hindi, ang gawaing iyon ay hindi maaaring maging gawain ng Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Dagdag pa ang kakatwang puso ng tao at ang likas niyang pagkasuwail sa pagpapahalaga sa sarili at kahambugan, lalong nagiging mas mahirap para sa kanya na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi sinisiyasat nang mabuti ng tao ang bagong gawain ng Diyos, ni hindi niya ito tinatanggap nang mapagkumbaba; sa halip, ugali niya ang manlait habang hinihintay niya ang mga paghahayag at patnubay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng mga naghihimagsik at lumalaban sa Diyos? Paano makakamit ng gayong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
138. Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos, isa-isang hakbang; dapat siyang “sumunod sa Cordero saan man Siya pumaroon.” Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong labis na sumusunod sa mga titik at mga doktrina ay yaong mga naalis na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat sakop ng panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na nailalapat lamang sa mga naaayong kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mabuti. Sa paraang ito, paano maaalis ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang itinuturing na kahoy na imahen ang Diyos, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at kung ano ang Diyos na hindi talaga umiiral; at yamang natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay naniniwala sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng sakop ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagka-mapanghimagsik ng tao? Ang mga Kristiyano sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng ngayon ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, kung ipagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga kahilingan. Subali’t hindi nila masasabi nang tiyak kung bakit isasama sila ng Diyos sa ikatlong langit, o kung nakatitiyak ba sila kung paano sila tatanggapin ni Jesus na nakasakay sa puting ulap, lalong hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang naguguni-guni. Lahat sila ay nababahala, at nalilito; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay kukunin paitaas ng Diyos, ang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang kalooban ng Diyos—wala silang pagkaunawa sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang magagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Cordero hanggang sa katapus-tapusan ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang mga “tusong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos na wala naman talagang dahilan, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na isasama sila ng Diyos sa langit, silang “mayroong lubos na katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “lubos na katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang tinututulan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at masama. Yaong mga hindi sumusunod hanggang sa katapus-katapusan, na hindi sumasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at kumakapit lamang sa mga lumang gawain ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging yaong mga sumasalungat sa Diyos, naging yaong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at siyang mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensya. Ang mga taong ito, na ang tanging sinasambit ay “budhi,” at hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay maiwawala ang kanilang mga inaasam-asam ng kanila mismong mga konsensya. Ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa doktrina, at bagama’t maaaring ito ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Yaong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano ang dapat maalis ay inaalis. Ngunit inilalagay pa rin ng tao ang kanyang sarili sa galit sa Diyos sa pamamagitan ng pagkapit sa maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ba’t nakakatawa ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng pagpapala ng Diyos, mas hindi sila nagkakamit ng mas malalaking pagpapala, at pagtanggap ng pangwakas na pagpapala. Yaong mga tao na hamak na sumusunod sa kautusan ay nagpapakitang lahat ng kanilang sukdulang katapatan sa kautusan, at mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, sila ay mas mga suwail na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maaaring banggitin nang sabay, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi para kumapit sa kautusan o magpasan ng krus, kaya’t ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
139. Naging tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng mga tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at walang ni isa man sa kanila ang kaayon sa Akin. Mayroong yaong mga nagsasabing kaayon sila sa Akin, ngunit ang ganitong mga tao ay sumasamba lahat sa mga malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, laban silang lahat sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Biblia at nakahahanap nang walang pili ng “angkop” na mga siping kanilang walang katapusang binabasa at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon sa Akin ni ang kahulugan ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Biblia, ipinipilit nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakikita, at walang kakayahang makita, at inilalabas upang tingnan sa kanilang pagliliwaliw. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Biblia, at ipinapantay nila Ako sa Biblia; kung wala Ako wala ang Biblia, at kung wala ang Biblia wala Ako. Hindi sila nagbibigay ng pansin sa pag-iral o mga kilos Ko, ngunit sa halip ay nag-uukol ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Marami pa ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan ng Banal na Kasulatan. Nagbibigay sila ng sobrang pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa ginagamit nila ang mga bersikulo mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging-magkaayon sa Akin o ang daan ng pagiging-magkaayon sa katotohanan, ngunit ang daan ng pagiging-magkaayon sa mga salita ng Biblia, at naniniwala silang anumang hindi umaayon sa Biblia ay, walang pagbubukod, hindi Ko gawain. Hindi ba ang ganitong mga tao ay ang masusunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad ang pagiging-magkaayon sa Jesus ng panahong iyon, ngunit masusing sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at pagiging hindi ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang Jesus. Ano ang pinakadiwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi nagbibigay pansin sa kalooban Ko o sa mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, ngunit mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong naniwala sa Diyos, ngunit mga taong naniwala sa Biblia. Sa pinakadiwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, upang mapanatili ang dangal ng Biblia, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Biblia, humantong sila sa pagpako nila sa krus sa mahabaging Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Biblia, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan, sa kamatayan. Hindi ba sila mga manghihibo sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?
At ano naman ang mga tao ngayon? Dumating si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makamit nila ang pagpasok sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagdating ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Biblia. Paanong matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung mapaghangad ng masama ang puso niya at laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinagniningning Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, ikinakaila niya ang pag-iral Ko nang may mas higit pang kalakasan. Naghahanap ang tao ng pagiging-magkaayon sa mga salita at pagiging-magkaayon sa Biblia, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sobrang walang halaga. Yaong mga tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa mga salita sa Biblia at tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng hindi mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na inilalagay ang sarili Niya sa awa ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik tungo sa Akin—paano sila magiging kaayon sa Akin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo
140. Kung ginagamit ninyo ang mga sarili ninyong kuru-kuro upang sukatin at limitahan ang Diyos, na parang ang Diyos ay isang di-nababagong estatuwa na gawa sa luwad, at kung ganap na nililimitahan ninyo ang Diyos sa loob ng Biblia at inilalagay Siya sa isang limitadong saklaw ng gawain, ito ay nagpapatunay na hinatulan na ninyo ang Diyos. Dahil, sa kanilang mga puso, itinuring ng mga Judio sa kapanahunan ng Lumang Tipan ang Diyos bilang isang idolo na hindi nagbabago ang anyo, na para bang ang Diyos ay matatawag lamang na Mesiyas, at tanging Siya lamang na tinawag na Mesiyas ang Diyos, at dahil pinaglingkuran at sinamba ng sangkatauhan ang Diyos na para bang Siya ay isang (walang-buhay na) estatuwang gawa sa luwad, ipinako nila ang Jesus ng panahong iyon sa krus, hinahatulan Siya ng kamatayan—ang walang-kasalanang Jesus ay sa gayon hinatulan ng kamatayan. Walang nagawang krimen ang Diyos, ngunit tumanggi ang tao na patawarin Siya, at nagpumilit na hatulan Siya ng kamatayan, at sa gayon, ipinako si Jesus sa krus. Laging naniniwala ang tao na di-nagbabago ang Diyos, at binibigyang-kahulugan Siya base lamang sa iisang aklat, ang Biblia, na tila ba may perpektong pagkaunawa ang tao sa pamamahala ng Diyos, na tila ba ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay nasa mga kamay na ng tao. Ang mga tao ay talaga namang katawa-tawa, sukdulan ang pagmamataas, at lahat sila ay mahilig sa eksaherasyon. Gaano man kadakila ang kaalaman mo sa Diyos, sinasabi Ko pa rin na hindi mo kilala ang Diyos, na ikaw ay isa na pinakatumututol sa Diyos, at na hinatulan mo ang Diyos, dahil lubos kang walang kakayahang sundin ang gawain ng Diyos at lumalakad sa landas ng paggawang perpekto ng Diyos. Bakit hindi kailanman nasisiyahan ang Diyos sa mga pagkilos ng tao? Sapagka’t hindi kilala ng tao ang Diyos, sapagka’t napakarami niyang kuru-kuro, at sapagka’t ang kanyang kaalaman sa Diyos ay hindi sumasang-ayon sa anumang paraan sa realidad, ngunit sa halip ay inuulit-ulit lang ang parehong tema nang walang pagbabago at ginagamit ang parehong paraan sa bawat sitwasyon. Kaya, yamang naparito sa lupa ngayon, ang Diyos ay minsan pang ipinako ng tao sa krus.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan
141. Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga nanabik at naghangad sa Kanya sa loob ng libu-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli nilang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libu-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Judio, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng paglabag ng tao at palayain ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman napopoot sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas salamat sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at naghihintay sa Kanya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa masayang araw na yaon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang humarap sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libu-libong taon, at na tataglayin Niya ang imahe at pananamit ng mga Judio. Matapos magpakita sa tao, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at pabubukalin ang tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng pagmamahal, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ginawa Niya ang kabaligtaran ng inakala ng tao. Hindi Siya dumating sa mga naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa lahat ng tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi alam ng tao, at nananatili silang walang alam. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon, nang hindi namamalayan na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Hindi ito alam ng tao: Sa kabila ng lahat ng pagsuyo at pagmamahal ng banal na Tagapagligtas na si Jesus sa tao, paano Siya makagagawa roon sa mga “templo” na pinamamahayan ng karumihan at maruruming espiritu? Bagama’t matagal nang hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng masasama, umiinom ng dugo ng masasama, at nagsusuot ng mga damit ng masasama, na naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy na nanghuhuthot sa Kanya? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng pagmamahal at umaapaw ang habag, at na Siya ang handog dahil sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagkamakatuwiran, kamahalan, galit, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatuwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanilang mga dalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga naniniwala sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
142. Kung, katulad ng ipinapalagay ng tao, si Jesus ay muling darating at tatawagin pa ring Jesus sa mga huling araw, at darating pa rin na nakasakay sa puting ulap, bumababa sa mga tao sa larawan ni Jesus: hindi ba ito isang pag-uulit ng Kanyang gawain? Kaya ba ng Banal na Espiritu na manatili sa luma? Ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao ay mga kuru-kuro, at ang lahat ng nauunawaan ng tao ay ayon sa literal na kahulugan, at ayon din sa kanyang likhang-isip; ang mga ito ay hindi tumutugma sa mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi gagawa ang Diyos sa ganoong paraan; hindi hunghang at hangal ang Diyos, at ang Kanyang gawain ay hindi kasingpayak ng iyong iniisip. Ayon sa lahat ng haka-haka ng tao, darating si Jesus na nakasakay sa isang ulap at bababa sa kalagitnaan ninyo. Mapagmamasdan ninyo Siya na, sakay ng puting ulap, magsasabi sa inyo na Siya si Jesus. Mapagmamasdan din ninyo ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay, at inyong malalaman na Siya si Jesus. At kayo ay muli Niyang ililigtas, at Siya ang inyong magiging makapangyarihang Diyos. Kayo ay Kanyang ililigtas, at bibigyan ng bagong pangalan, at ang bawat isa sa inyo ay bibigyan Niya ng isang puting bato, pagkatapos nito, kayo ay pahihintulutan na makapasok sa kaharian ng langit at tatanggapin sa paraiso. Hindi ba’t ang mga paniniwalang ito ay mga kuru-kuro ng tao? Gumagawa ba ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao o Siya’y gumagawa nang salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay nagmumula kay Satanas? Hindi ba’t ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tao? Kung ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ba’t Siya ay magiging si Satanas? Hindi ba’t magiging kapareho lang Niya ng uri ang mga nilalang Niya? Dahil ang mga nilalang Niya ay nagawa na ngayong napakatiwali ni Satanas, na ang tao ay naging pagsasakatawan na ni Satanas, kung gagawa ang Diyos ayon sa mga bagay ni Satanas, hindi ba’t magiging kakampi Siya ni Satanas? Paano mauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos? Kaya, hindi kailanman gagawa ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi Siya kailanman gagawa sa mga paraan na iyong ipinapalagay. Mayroong mga nagsasabi na sinabi ng Diyos Mismo na Siya ay darating na nasa ulap. Totoo na sinabi ito ng Diyos Mismo, ngunit hindi mo ba alam na walang tao ang makaaarok sa mga hiwaga ng Diyos? Hindi mo ba alam na walang tao ang makakapagpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Ikaw ba ay nakatitiyak nang walang bahid ng pagdududa na niliwanagan at pinagliwanag ka ng Banal na Espiritu? Tiyak na hindi sa ipinakita sa iyo ng Banal na Espiritu sa gayong tuwirang paraan? Ang Banal na Espiritu ba ang nagturo sa iyo ng mga ito, o ang mga sarili mong kuru-kuro ang nagdulot sa iyo na isipin ito? Sinabi mo, “Sinabi ito ng Diyos Mismo.” Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang ating mga sariling kuru-kuro at pag-iisip upang sukatin ang mga salita ng Diyos. Para naman sa mga salita ni Isaias, kaya mo bang ipaliwanag nang may buong katiyakan ang kanyang mga salita? Pinangangahasan mo bang ipaliwanag ang kanyang mga salita? Dahil hindi ka naglalakas-loob na ipaliwanag ang mga salita ni Isaias, bakit ka nangangahas na ipaliwanag ang mga salita ni Jesus? Sino ang mas mataas, si Jesus o si Isaias? Yamang ang sagot ay si Jesus, bakit mo ipinaliliwanag ang mga salita ni Jesus? Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang Kanyang gawain nang pauna? Wala ni isang nilalang ang maaaring makaalam, kahit na ang mga sugo ng langit, ni ang Anak ng tao, kaya paano mo malalaman?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
143. Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng pagkontra ng mga Fariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila pinagsisikapan ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapitlamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mayabang, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kinalaban si Cristo? Nagagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kinalaban mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay may kakayahang lahat na kinalaban si Jesus, na tanggihan si Jesus, na siraan Siya. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang itatwa at laitin. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumalik Siya sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang pupuksain. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa naman ninyo nasunod kailanman ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo natanggap kailanman ang katotohanang ipinahayag ni Jesus nang bumalik Siya sa katawang-tao. Ano ang panghahawakan ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang kataimtiman ba ninyo sa paulit-ulit na paggawa ng mga kasalanan, at pagkatapos ay pangungumpisal ng mga iyon, nang paulit-ulit? Ano ang iaalay ninyong sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang mga taon ba ng paggawa kung saan dinadakila ninyo ang inyong sarili? Ano ang panghahawakan ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang likas na kayabangan, na hindi sumusunod sa anumang katotohanan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
144. Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay intelektuwal at haka-haka lamang, ang inyong mga pagpapagal ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, kaya nga paano kayo kailangang manampalataya? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano magpitagan kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng mga panlilinlang ng tao. Ang alam mo lamang ay husgahan ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kapakumbabaan? Nasaan ang iyong pagsunod? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong hangaring hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong pagpipitagan sa Diyos? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at gagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapakawala ng tunay na landas at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mayabang. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayon kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng paghatol. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mayabang, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga iyon o hindi, at kung ang mga iyon ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
145. Hindi ka naniwala sa Diyos sa loob ng napakahabang panahon, subalit napakarami mong kuru-kuro tungkol sa Kanya, hanggang sa hindi ka nangangahas kahit saglit na isipin na mamarapatin ng Diyos ng mga Israelita na biyayaan kayo ng Kanyang presensya. Lalo pang hindi kayo nangangahas na isipin kung paano ninyo makikita ang Diyos na magpakita nang personal, dahil talagang napakarumi ninyo. Ni hindi ninyo naisip kahit kailan kung paano maaaring personal na bumaba ang Diyos sa isang lupain ng mga Gentil. Dapat Siyang bumaba sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo at magpakita sa mga Israelita. Hindi ba kinamumuhian Niya ang lahat ng Gentil (ibig sabihin, ang mga tao sa labas ng Israel)? Paano Siya personal na gagawa sa kanila? Lahat ng ito ay mga kuru-kuro na malalim nang nag-ugat sa inyo sa paglipas ng maraming taon. Ang layunin ng paglupig sa inyo ngayon ay upang putulin ang mga kuru-kuro ninyong ito. Sa gayon ninyo namamasdan ang personal na pagpapakita ng Diyos sa inyo—hindi sa Bundok ng Sinai o sa Bundok ng mga Olivo, kundi sa mga taong hindi pa Niya nagabayan dati. Matapos isagawa ng Diyos ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, ang mga Israelita pati na ang lahat ng Gentil ay nagkaroon ng kuru-kuro na samantalang totoo na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nakahanda lamang Siyang maging Diyos ng mga Israelita, hindi Diyos ng mga Gentil. Naniniwala ang mga Israelita sa mga sumusunod: Ang Diyos ay Diyos lamang namin, hindi Diyos ninyong mga Gentil, at dahil hindi ninyo sinasamba si Jehova, si Jehova kung gayon—ang aming Diyos—ay kinasusuklaman kayo. Naniniwala rin ang mga Judiong iyon sa mga sumusunod: Ang Panginoong Jesus ay kamukha naming mga Judio at Siya ay isang Diyos na nagtataglay ng tanda ng mga Judio. Sa amin gumagawa ang Diyos. Magkatulad ang larawan ng Diyos at ang aming larawan; ang aming larawan ay hawig sa Diyos. Ang Panginoong Jesus ang Hari naming mga Judio; ang mga Gentil ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang Panginoong Jesus ang handog dahil sa kasalanan para sa aming mga Judio. Batay lamang sa dalawang yugtong iyon ng gawain nabuo ng mga Israelita at Judio ang lahat ng kuru-kuro na ito. Mapagmataas nilang inaangkin na sa kanila lamang ang Diyos, at hindi pumapayag na ang Diyos ay Diyos din ng mga Gentil. Sa ganitong paraan, naging isang puwang ang Diyos sa puso ng mga Gentil. Ito ay dahil lahat ay naniwala na ayaw ng Diyos na maging Diyos ng mga Gentil at ang tanging gusto Niya ay ang mga Israelita—ang mga taong Kanyang hinirang—at ang mga Judio, lalo na ang mga disipulong sumunod sa Kanya. Hindi ba ninyo alam na ang gawaing ginawa nina Jehova at Jesus ay para sa ikaliligtas ng buong sangkatauhan? Kinikilala na ba ninyo ngayon na ang Diyos ay Diyos ninyong lahat na isinilang sa labas ng Israel? Hindi ba narito mismo ang Diyos sa piling ninyo ngayon? Hindi ito maaaring maging isang panaginip, hindi ba? Hindi ba ninyo tinatanggap ang realidad na ito? Hindi kayo nangangahas na maniwala rito o pag-isipan ito. Ano man ang tingin ninyo rito, hindi ba narito mismo ang Diyos sa inyong piling? Natatakot pa rin ba kayong maniwala sa mga salitang ito? Simula sa araw na ito, hindi ba lahat ng taong nalupig at lahat ng nais maging alagad ng Diyos ay mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba lahat kayo, na mga alagad ngayon, ang mga taong hinirang sa labas ng Israel? Hindi ba kapareho ng mga Israelita ang inyong katayuan? Hindi ba ang lahat ng ito ang dapat ninyong tanggapin? Hindi ba ito ang layunin ng gawain ng panlulupig sa inyo? Dahil nakikita ninyo ang Diyos, Siya ang magiging Diyos ninyo magpakailanman, mula simula hanggang sa hinaharap. Hindi Niya kayo pababayaan, basta’t handa kayong lahat na sumunod sa Kanya at maging Kanyang tapat at masunuring mga nilalang.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 3
146. Kapag isinantabi mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi kinakailangang maging katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nawari ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman ay wala na sa uso sa lumang kapanahunan at pinigilan ang tao sa pagpasok sa bagong gawain, ang gayong kaalaman ay isa ring kuru-kuro. Kung nagagawang unawain nang tama ng tao ang gayong kaalaman at maaaring makilala ang Diyos mula sa ilang iba’t ibang aspeto, na pinagsasama ang luma at ang bago, ang lumang kaalaman ay nagiging isang tulong sa tao, at nagiging batayan ng pagpasok ng tao sa bagong kapanahunan. Sa aral sa pagkilala sa Diyos, kinakailangan mong magpakadalubhasa sa maraming prinsipyo: paano pumasok tungo sa landas ng pagkilala sa Diyos, aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan upang makilala ang Diyos, at paano mo aalisin ang iyong mga kuru-kuro at dating mga disposisyon upang makapagpasakop ka sa lahat ng mga plano ng bagong gawain ng Diyos. Kung ginagamit mo ang mga prinsipyong ito bilang pundasyon para mapakasok sa aral ng pagkilala sa Diyos, mas lalalim nang lalalim ang iyong kaalaman. Kung malinaw ang iyong kaalaman tungkol sa tatlong yugto ng gawain—na ibig sabihin, sa buong plano ng pamamahala ng Diyos—at kung kaya mong lubusang iugnay ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang yugto, at makikita na ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, magkakaroon ka ng isang walang kasintatag na pundasyon. … Kung nakikita ng tao sa tatlong yugto ng gawain na isinagawa ng Diyos Mismo ang mga iyon sa magkaibang panahon, sa magkaibang lugar, at sa iba’t ibang tao; kung nakikita ng tao na bagama’t iba ang gawain, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos, at na dahil ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, tiyak na ito ay tama at walang mali, at na bagama’t taliwas ito sa mga kuru-kuro ng tao, hindi maikakaila na gawain ito ng isang Diyos—kung tiyakang masasabi ng tao na gawain ito ng isang Diyos, ang mga kuru-kuro ng tao ay magiging maliliit na bagay lamang, na hindi karapat-dapat na banggitin. Dahil malabo ang mga pangitain ng tao, at dahil kilala lamang ng tao si Jehova bilang Diyos, at si Jesus bilang ang Panginoon, at nagdadalawang-isip sila tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon, maraming tao ang nananatiling tapat sa gawain nina Jehova at Jesus, at puno sila ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng ngayon, karamihan ng mga tao ay laging nagdududa, at hindi sineseryoso ang gawain ng ngayon. Walang mga kuru-kuro ang tao sa huling dalawang yugto ng gawain, na hindi nakikita. Iyan ay dahil hindi nauunawaan ng tao ang realidad ng huling dalawang yugto ng gawain, at hindi nasaksihan nang personal ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga yugtong ito ng gawain ay hindi maaaring makita ayon sa iniisip ng tao ayon sa gusto niya; anuman ang maisip niya, walang mga katunayang magpapatunay sa gayong mga imahinasyon, at walang sinumang magtutuwid dito. Binibigyang-laya ng tao ang kanyang pag-uugali, nang hindi nag-iingat at hindi pinipigilan ang kanyang imahinasyon; walang mga katunayang magpapatotoo sa kanyang mga imahinasyon, kaya nga ang mga imahinasyon ng tao ay nagiging “katunayan,” may katunayan ang mga iyon o wala. Sa gayon ay naniniwala ang tao sa sarili niyang Diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi hinahanap ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng paniniwala, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng paniniwala. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga paniniwala dahil hindi pa niya nakita ang realidad ng gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong naging mga mananampalataya sa loob lamang ng isang taon ay naniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro. Gayon din sa mga naniwala sa Diyos nang buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananampalataya kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang-iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kuro na ito ay nagmumula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, malaya niyang ginagamit ang mga kuru-kuro na nabuo sa maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitawan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro tungo sa paisa-isang hakbang ng gawaing ito ng marami sa mga nakasunod sa Diyos hanggang ngayon ay mas lalo pang tumindi, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkapoot sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng kapootang ito ay nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ng ngayon, gawaing taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Nangyari ito dahil mismo sa mga katunayang hindi nagtulot sa tao na bigyang-laya ang kanyang imahinasyon, at, bukod pa riyan, hindi ito madaling pabulaanan ng tao, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi isinaalang-alang ang pag-iral ng mga katunayan, at, bukod pa riyan, dahil hindi iniisip ng tao ang pagiging tama at pagiging totoo ng mga katunayan, at desidido lamang siyang bigyang-laya ang kanyang mga kuru-kuro at gamitin ang kanyang sariling imahinasyon. Masasabi lamang na kagagawan ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing kagagawan ng gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
147. Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kwalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo na silang taglay; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung lumalakad ka sa Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay gumagawa ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagkamatuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang pag-uugnayan. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at hindi nagtatangi sa lahat ng tao, at ang lahat ng yaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila yaong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kalagayan ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakatugon sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang kailangan, gayunman ay wala kang hangarin na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at pinagsikapan ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isa ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng masasamang tao; lahat niyaong hindi lumalakad sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagkamatuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay inihayag sa kaparusahan sa tao, ang tao ay matitigilan, at nakadarama ng panghihinayang na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya lumakad sa Kanyang daan. “Noong panahong yaon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi lumakad sa daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Hindi bale, nakasunod naman ako hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging matinding pagkastigo, at pagkatapos mailapat ang pagkastigong ito ay nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad niyaong mga papawiin; yaong mga papawiin ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinabi. Hindi ito ang kaso na yaong mabubuti at umaamin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagkamatuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nagpapahintulot sa pagkakasala ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng poot ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi isang atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nababago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay pinagsama-sama ayon sa uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Yaon ang panahon na ang hantungan ng tao ay lilinawin, ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay natapos na, at ang paghihiganti ay ilalapat sa bawat isa niyaong gumawa ng masama. Ang ilan ay nagsasabi, “Naaalala ng Diyos ang lahat ng madalas na nasa tabi Niya. Hindi Niya makakalimutan ang sinuman sa atin. Tayo ay binigyang-katiyakan na gagawing perpekto ng Diyos. Hindi Niya maaalala ang sinuman sa mga yaong nasa ibaba, yaong nasa gitna ng mga tao sa ibaba na gagawing perpekto ay tiyak na mas kaunti kaysa sa atin, tayo na madalas na makaharap ang Diyos; wala sa gitna natin ang nakalimutan ng Diyos, lahat tayo ay sinang-ayunan ng Diyos, at tayo ay tiniyak na gagawing perpekto ng Diyos.” Lahat kayo ay may gayong mga kuru-kuro. Ito ba ay pagkamatuwid? Isinagawa mo ba ang katotohanan o hindi? Ikaw sa katunayan ay nagkakalat ng mga sabi-sabing gaya nito—wala kang kahihiyan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
148. Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw na itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
149. Pagkatapos mangyari ang katotohanan na si Jesus ay naging tao, pinaniwalaan ng tao na hindi lamang ang Ama ang nasa langit, kundi pati ang Anak, at maging ang Espiritu. Ito ang karaniwang kuru-kuro ng tao, na may isang Diyos na ganito sa langit: isang tatlong-personang Diyos na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ito ang mga kuru-kuro ng buong sangkatauhan: Ang Diyos ay iisang Diyos, ngunit binubuo ng tatlong bahagi, na iniisip ng lahat ng hindi matinag sa karaniwang mga kuru-kuro na ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu. Ang tatlong bahaging iyon lamang na pinag-isa ang kabuuan ng Diyos. Kung wala ang Banal na Ama, hindi magiging buo ang Diyos. Gayundin, hindi magiging buo ang Diyos kung wala ang Anak o ang Banal na Espiritu. Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala sila na hindi maituturing na Diyos ang Ama lamang ni ang Anak lamang. Ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu na magkakasama lamang ang maituturing na Diyos Mismo. Ngayon, lahat ng relihiyosong mananampalataya, at maging ang bawat tagasunod sa inyo, ay ganito ang paniniwala. Subalit, hinggil sa kung tama ang paniniwalang ito, walang sinumang makapagpapaliwanag, sapagkat palagi kayong nalilito tungkol sa mga bagay na patungkol sa Diyos Mismo. Bagama’t ang mga ito ay mga kuru-kuro, hindi ninyo alam kung tama ang mga ito o mali, sapagkat masyado na kayong nahawahan ng mga relihiyosong kuru-kuro. Napakalalim na ng pagtanggap ninyo sa mga karaniwang kuru-kuro na ito ng relihiyon, at nakapasok na nang husto ang lasong ito sa inyong kalooban. Samakatuwid, sa bagay na ito ay bumigay na rin kayo sa mapaminsalang impluwensiyang ito, sapagkat wala naman talagang tatlong-personang Diyos. Ibig sabihin, wala talagang Trinidad na Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Lahat ng ito ay mga karaniwang kuru-kuro ng tao, at mga maling paniniwala ng tao. Sa loob ng maraming siglo, naniwala na ang tao sa Trinidad na ito, bunga ng mga kuru-kuro sa isipan ng tao, na gawa-gawa ng tao, at hindi pa dating nakita ng tao. Sa maraming taong nagdaan, marami nang tagapaglahad ng Biblia ang nagpaliwanag sa “tunay na kahulugan” ng Trinidad, ngunit ang gayong mga paliwanag tungkol sa tatlong-personang Diyos bilang tatlong magkakaibang persona na may iisang diwa ay malabo at hindi malinaw, at nalilito ang lahat ng tao sa “kabuuan” ng Diyos. Wala pang dakilang tao na nakapagbigay ng isang masusing paliwanag kailanman; karamihan sa mga paliwanag ay pasado sa larangan ng pangangatwiran at sa papel, ngunit wala ni isang tao ang may lubos na malinaw na pagkaunawa sa kahulugan nito. Ito ay dahil wala talaga ang dakilang Trinidad na ito na nasasapuso ng tao. …
Kung ang tatlong yugto ng gawain ay sinusuri alinsunod sa konseptong ito ng Trinidad, kailangan ay may tatlong Diyos dahil ang gawaing isinasagawa ng bawat isa ay hindi magkakapareho. Kung may sinuman sa inyo na nagsasabi na talagang mayroong Trinidad, ipaliwanag ninyo kung ano talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehova ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Ano naman ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Ama ay isang Espiritu? Hindi ba ang diwa ng Anak ay isa ring Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jehova sa panahong iyon ay isinagawa ng isang Espiritu na katulad ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, mayroon ngang tatlong Espiritu, ngunit ang ibig sabihin ng magkaroon ng tatlong Espiritu ay mayroong tatlong Diyos. Ibig sabihin, walang kaisa-isang tunay na Diyos; paano pa magkakaroon ng likas na diwa ng Diyos ang ganitong uri ng Diyos? Kung tinatanggap mo na iisa lamang ang Diyos, paano Siya magkakaroon ng isang anak at magiging isang ama? Hindi ba mga kuru-kuro mo lamang ang lahat ng ito? Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, dahil nakasulat sa Biblia na “Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.” Mayroon mang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman pala ang Diyos, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na iyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang maging tao at mamuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Ang Kanyang Espiritu ay sakop ang lahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na nasa katawang-tao at nasa loob at ibabaw ng sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, iisa ang Diyos, na hindi maaaring paghati-hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos. Kung tama ang sinasabi mong, ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, hindi ba tatlong Diyos Sila? Ang Banal na Espiritu ay isa, ang Anak ay isa pa, at ang Ama ay isa pa rin. Ang mga persona Nila ay magkakaiba at ang mga diwa Nila ay magkakaiba, kaya paano naging bahagi ng iisang Diyos ang bawat isa sa Kanila? Ang Banal na Espiritu ay isang Espiritu; madali itong maunawaan ng tao. Kung gayon, lalo nang ang Ama ay isang Espiritu. Hindi pa Siya nakababa sa ibabaw ng lupa kailanman at hindi pa naging tao kailanman; Siya ang Diyos na si Jehova sa puso ng tao, at tiyak na Siya ay isa ring Espiritu. Kung gayon ano ang relasyon Niya sa Banal na Espiritu? Iyon ba ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak? O ito ba ang relasyon sa pagitan ng Banal na Espiritu at ng Espiritu ng Ama? Magkapareho ba ang diwa ng bawat Espiritu? O ang Banal na Espiritu ba ay isang kasangkapan ng Ama? Paano ito maipaliliwanag? At ano naman ang relasyon sa pagitan ng Anak at ng Banal na Espiritu? Iyon ba ay relasyon sa pagitan ng dalawang Espiritu o relasyon sa pagitan ng isang tao at ng isang Espiritu? Lahat ng ito ay mga bagay na hindi maaaring ipaliwanag! Kung lahat Sila ay iisang Espiritu, walang magiging usapan tungkol sa tatlong persona, sapagkat nagtataglay Sila ng iisang Espiritu. Kung Sila ay magkakaibang persona, magkakaiba-iba ang lakas ng Kanilang Espiritu, at talagang hindi Sila maaaring maging iisang Espiritu. Ang konseptong ito tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay lubhang katawa-tawa! Pinaghihiwa-hiwalay nito ang Diyos at pinaghahati-hati Siya sa tatlong persona, bawat isa ay may isang katayuan at Espiritu; kung gayon ay paano Siya magiging isang Espiritu at isang Diyos pa rin? Sabihin ninyo sa Akin, nilikha ba ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu ang kalangitan at lupa, at lahat ng bagay? Sabi ng ilan, magkakasama raw Nilang nilikha ito. Kung gayon ay sino ang tumubos sa sangkatauhan? Ang Banal na Espiritu ba, ang Anak, o ang Ama? Sabi ng ilan, ang Anak daw ang tumubos sa sangkatauhan. Kung gayon ay sino talaga ang Anak? Hindi ba Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos? Tinatawag ng pagkakatawang-tao ang Diyos sa langit sa pangalang Ama mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Hindi mo ba alam na si Jesus ay isinilang nang Siya ay ipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Sumasa-Kanya ang Banal na Espiritu; anuman ang iyong sabihin, kaisa pa rin Siya ng Diyos sa langit, sapagkat Siya ang pagkakatawang-tao ng Espiritu ng Diyos. Ang ideyang ito tungkol sa Anak ay hindi talaga totoo. Iisang Espiritu ang nagsasagawa ng lahat ng gawain; ang Diyos lamang Mismo, ibig sabihin, isinasagawa ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang gawain. Sino ang Espiritu ng Diyos? Hindi ba ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang gumagawa kay Jesus? Kung hindi ang Banal na Espiritu ang nagsagawa ng gawain (ibig sabihin, ang Espiritu ng Diyos), maaari bang katawanin ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Nang tawagin ni Jesus ang Diyos sa langit sa pangalang Ama nang Siya ay manalangin, ginawa lamang ito mula sa pananaw ng isang taong nilikha, dahil lamang sa nakadamit ang Espiritu ng Diyos ng isang ordinaryo at normal na katawan at may panlabas na panakip ng isang nilalang. Kahit nasa loob Niya ang Espiritu ng Diyos, ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang normal na tao pa rin; sa madaling salita, Siya ay naging “Anak ng tao” na binanggit ng lahat ng tao, maging ni Jesus Mismo. Dahil Siya ay tinawag na Anak ng tao, Siya ay isang tao (lalaki man o babae, ano’t anuman ay isang may panlabas na balat ng isang tao) na isinilang sa isang normal na pamilya ng mga ordinaryong tao. Samakatuwid, ang pagtawag ni Jesus sa Diyos sa langit sa pangalang Ama ay katulad ng pagtawag ninyong Ama sa Kanya noong una; ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang taong nilikha. Naaalala pa ba ninyo ang Panalangin ng Panginoon na itinuro ni Jesus na isaulo ninyo? “Ama namin na nasa langit….” Hiniling Niya sa lahat ng tao na tawagin ang Diyos sa langit sa pangalang Ama. At yamang tinawag Niya rin Siyang Ama, ginawa Niya iyon mula sa pananaw ng isang nasa isang katayuang kapantay ninyong lahat. Yamang tinawag ninyo ang Diyos sa langit sa pangalang Ama, nakita ni Jesus ang Kanyang Sarili na kapantay ninyo, at bilang isang tao sa lupa na hinirang ng Diyos (ibig sabihin, ang Anak ng Diyos). Kung tinatawag ninyong “Ama” ang Diyos, hindi ba dahil kayo ay isang nilalang? Gaano man kadakila ang awtoridad ni Jesus sa lupa, bago Siya ipinako sa krus, isa lamang Siyang Anak ng tao, na pinamamahalaan ng Banal na Espiritu (ibig sabihin, ng Diyos), at isa sa mga nilalang sa lupa, sapagkat hindi pa Niya natatapos ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang pagtawag Niya sa Diyos sa langit na Ama ay dahil lamang sa Kanyang pagpapakumbaba at pagsunod. Gayunman, ang Kanyang pagtawag sa Diyos (ibig sabihin, ang Espiritu sa langit) sa gayong paraan ay hindi nagpapatunay na Siya ang Anak ng Espiritu ng Diyos sa langit. Sa halip, iba lamang talaga ang Kanyang pananaw, hindi dahil iba Siyang persona. Ang pag-iral ng magkakaibang mga persona ay isang kamalian! Bago Siya ipinako sa krus, si Jesus ay isang Anak ng tao na nakatali sa mga limitasyon ng katawang-tao, at hindi Niya lubos na taglay ang awtoridad ng Espiritu. Kaya nga maaari lamang Niyang hangarin ang kalooban ng Diyos Ama mula sa pananaw ng isang nilalang. Katulad iyon ng tatlong beses Niyang ipinanalangin sa Getsemani: “Huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” Bago Siya inilagay sa krus, isa lamang Siyang Hari ng mga Judio; Siya si Cristo, ang Anak ng tao, at hindi isang niluwalhating katawan. Kaya nga, mula sa pananaw ng isang nilalang, tinawag Niyang Ama ang Diyos. Ngayon, hindi mo masasabi na lahat ng tumatawag sa Diyos na Ama ay ang Anak. Kung nagkagayon, hindi ba lahat kayo ay magiging ang Anak nang ituro sa inyo ni Jesus ang Panalangin ng Panginoon? Kung hindi pa rin kayo kumbinsido, sabihin ninyo sa Akin, sino ang tinatawag ninyong Ama? Kung ang tinutukoy ninyo ay si Jesus, sino naman ang Ama ni Jesus para sa inyo? Nang lumisan si Jesus, ang ideyang ito ng Ama at ng Anak ay nawala na. Ang ideyang ito ay angkop lamang sa mga taon nang si Jesus ay naging tao; sa ilalim ng lahat ng iba pang sitwasyon, ang relasyon ay sa pagitan ng Panginoon ng paglikha at ng isang nilalang kapag tinawag ninyong Ama ang Diyos. Walang pagkakataon na makakapanindigan ang ideyang ito tungkol sa Trinidad ng Ama, Anak, at Banal na Espiritu; ito ay isang kamalian na bihirang makita sa paglipas ng mga kapanahunan at hindi umiiral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?
150. Sa Lumang Tipan ng Biblia, hindi binanggit ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu, kundi kaisa-isang tunay na Diyos lamang, si Jehova, na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa Israel. Siya ay tinatawag sa iba’t ibang pangalan kapag nagbabago ang mga kapanahunan, ngunit hindi nito mapapatunayan na bawat pangalan ay tumutukoy sa ibang persona. Kung gayon, hindi ba magkakaroon ng napakaraming persona ng Diyos? Ang nakasulat sa Lumang Tipan ay ang gawain ni Jehova, isang yugto ng gawain ng Diyos Mismo para sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang gawain ng Diyos, kung saan ayon sa Kanyang sinabi, iyon ang nangyari, at ayon sa Kanyang iniutos, iyon ang nasunod. Hindi sinabi ni Jehova kailanman na Siya ang Ama na pumaparito upang isagawa ang gawain, ni hindi Niya ipinropesiya kailanman ang pagparito ng Anak upang tubusin ang sangkatauhan. Pagsapit ng panahon ni Jesus, sinabi lamang na ang Diyos ay naging tao upang tubusin ang buong sangkatauhan, hindi sinabi na ang Anak ang naparito. Dahil hindi magkakatulad ang mga kapanahunan at iba-iba rin ang gawain ng Diyos Mismo, kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa loob ng iba’t ibang dako. Sa ganitong paraan, iba rin ang identidad na Kanyang kinakatawan. Naniniwala ang tao na si Jehova ang Ama ni Jesus, ngunit hindi ito talaga kinilala ni Jesus, na nagsabing: “Hindi kami kailanman kinilala bilang Ama at Anak; Ako at ang Ama sa langit ay iisa. Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama; kapag nakikita ng tao ang Anak, nakikita nila ang Ama sa langit.” Kapag nasabi na ang lahat, ang Ama man o ang Anak, Sila ay iisang Espiritu, hindi nahahati sa magkahiwalay na mga persona. Kapag nagtatangkang magpaliwanag ang tao, nagiging kumplikado ang mga bagay-bagay sa ideya ng magkakaibang mga persona, gayundin ang relasyon sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu. Kapag binabanggit ng tao ang magkakahiwalay na mga persona, hindi ba nito ginagawang totoo ang Diyos? Binibigyan pa ng ranggo ng tao ang mga persona bilang una, pangalawa, at pangatlo; lahat ng ito ay mga imahinasyon lamang ng tao, hindi karapat-dapat na sanggunian, at lubos na hindi makatotohanan! Kung tatanungin mo siya: “Ilan ba ang Diyos?” sasabihin niya na ang Diyos ay ang Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu: ang iisang tunay na Diyos. Kung itatanong mo pa: “Sino ang Ama?” sasabihin niya: “Ang Ama ang Espiritu ng Diyos sa langit; Siya ang namamahala sa lahat, at Siya ang Panginoon ng langit.” “Kung gayon, Espiritu ba si Jehova?” Sasabihin niya: “Oo!” Kung tinanong mo pa siya pagkatapos, “Sino ang Anak?” sasabihin niyang si Jesus ang Anak, siyempre pa. “Kung gayon ano ang kuwento tungkol kay Jesus? Saan Siya nanggaling?” Sasabihin niya: “Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at isinilang kay Maria.” Kung gayon ang diwa ba Niya ay Espiritu rin? Hindi ba ang Kanyang gawain ay kumakatawan din sa Banal na Espiritu? Si Jehova ang Espiritu, at gayundin ang diwa ni Jesus. Ngayon sa mga huling araw, nabawasan na ang pangangailangang sabihin na ito pa rin ang Espiritu; paano Sila magiging magkaibang persona? Hindi ba Espiritu lamang ng Diyos ito na nagsasagawa ng gawain ng Espiritu mula sa magkakaibang pananaw? Sa gayon, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga persona. Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at walang alinlangan, ang Kanyang gawain ay yaon mismong sa Banal na Espiritu. Sa unang yugto ng gawaing isinagawa ni Jehova, hindi Siya naging tao ni nagpakita sa tao. Kaya hindi kailanman nakita ng tao ang Kanyang anyo. Gaano man Siya kadakila at katangkad, Siya pa rin ang Espiritu, ang Diyos Mismo na lumikha sa tao noong simula. Ibig sabihin, Siya ang Espiritu ng Diyos. Nangusap Siya sa tao mula sa mga ulap, isa lamang Espiritu, at walang sinumang nakasaksi sa Kanyang anyo. Sa Kapanahunan ng Biyaya lamang nang pumasok sa katawang-tao ang Espiritu ng Diyos at nagkatawang-tao sa Judea saka nakita ng tao sa unang pagkakataon ang larawan ng pagkakatawang-tao bilang isang Judio. Walang anuman kay Jehova ang nasa Kanya. Gayunman, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu ni Jehova Mismo, at si Jesus ay isinilang pa rin bilang katawan ng Espiritu ng Diyos. Ang unang nakita ng tao ay ang Banal na Espiritu na bumababang parang isang kalapati kay Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging para kay Jesus, kundi sa halip ay ang Banal na Espiritu. Kung gayon maihihiwalay ba ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, paano Sila maaaring maging isa? Ang gawain ay hindi maisasagawa kung gayon. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Tinatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritung pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung sumasalahat. Maisasagawa ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at bukod pa riyan, kaya Niyang lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasagawang lahat ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng alinman sa mga persona ng Diyos para sa Kanya. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ring tawaging Makapangyarihan sa lahat. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari rin Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa kaitaasan sa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng maraming tao. Siya ang tanging Panginoon ng kalangitan at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay naisagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasagawa ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay ang gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman para sa Kanya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu ngunit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa libu-libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at gayundin ang pagpapahayag sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan sa lahat at nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na sumasalahat. Walang magkakaibang persona, lalo nang wala itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?
151. Maaari pa ring sabihin ng ilan: “Ang Ama ang Ama; ang Anak ang Anak; ang Banal na Espiritu ang Banal na Espiritu, at sa huli, pag-iisahin Sila.” Kung gayon paano mo Sila dapat pag-isahin? Paano mapag-iisa ang Ama at ang Banal na Espiritu? Kung Sila ay likas nang dalawa, paano man Sila pagsamahin, hindi ba Sila mananatiling dalawang bahagi? Kapag tinatalakay mo ang pag-iisa sa Kanila, hindi ba pagsasama lamang iyan ng dalawang magkahiwalay na bahagi para makabuo ng isa? Ngunit hindi ba dalawang bahagi Sila dati na ginagawang buo? Bawat espiritu ay may naiibang diwa, at ang dalawang espiritu ay hindi magagawang iisa. Ang isang espiritu ay hindi isang materyal na bagay at hindi katulad ng anupamang iba sa materyal na mundo. Sa paningin ng tao, ang Ama ay isang Espiritu, ang Anak ay isa pa, at ang Banal na Espiritu ay isa pa rin, kung gayon ay naghahalo ang tatlong Espiritu na parang tatlong baso ng tubig sa isang buo. Hindi ba iyan ang tatlo na pinag-isa? Ganap na mali at katawa-tawa ang paliwanag na iyan! Hindi ba nito pinaghahati-hati ang Diyos? Paano mapag-iisang lahat ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu? Hindi ba sila tatlong bahagi na bawat isa ay magkakaiba ang likas na katangian? May mga iba na nagsasabi na, “Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?” Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinambit ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na nagpapatotoo sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Nauunawaan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, “Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,” ay nagpapahiwatig na Sila ay iisang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Ang totoo, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili. Dahil sa pagbabago sa mga kapanahunan, sa mga kinakailangan ng gawain, at sa magkakaibang yugto ng Kanyang plano ng pamamahala, ang pangalang itinatawag sa Kanya ng tao ay nag-iiba rin. Nang Siya ay pumarito upang isagawa ang unang yugto ng gawain, maaari lamang Siyang tawaging Jehova, na Siyang pastol ng mga Israelita. Sa ikalawang yugto, ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaari lamang tawaging Panginoon, at Cristo. Ngunit noon, sinabi lamang ng Espiritu sa langit na Siya ang sinisintang Anak ng Diyos at hindi binanggit ang Kanyang pagiging bugtong na Anak ng Diyos. Hindi ito talaga nangyari. Paano magkakaroon ng kaisa-isang anak ang Diyos? Kung gayon ay hindi ba naging tao ang Diyos? Dahil Siya ang pagkakatawang-tao, tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, at, dito nagmula ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Dahil lamang iyon sa pagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa. Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nakabihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, sinabi Niya mula sa pananaw ng katawang-tao: “Ang Aking balat ay yaong sa isang nilalang. Yamang nakabihis Ako ng katawang-tao upang makaparito sa lupa, napakalayo Ko ngayon mula sa langit.” Dahil dito, maaari lamang Siyang manalangin sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito yaong dapat ipagkaloob sa Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nanalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama’t tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, Diyos pa rin Siya Mismo, sapagkat Siya ay pagkakatawang-tao lamang ng Espiritu, at ang Kanyang diwa ay Espiritu pa rin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?