Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 14
Gumugol na tayo ng kaunting oras sa pagbabahaginan at pagsusuri sa isyu ng mga pahayag tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura—mayroon ba kayong anumang tunay na karanasan dito? (Noon, nakilala ko lamang na ang mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal ay hindi ang katotohanan, pero hindi ko napagtanto kung gaano kalalim na nitong nagawang tiwali ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Iyong pagbabahagi at pagsusuri, saka ko lamang napagtantong ang iba’t ibang pahayag tungkol sa wastong asal na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay tila tama at mabuti sa paningin ng mga tao, pero nagawa nitong tiwali, paralisado, at nakakulong ang mga kaisipan ng mga tao, na nagsasanhi sa mga tao na tanggihan at labanan ang Diyos, at umaakay sa kanila palayo nang palayo sa Kanya. Ganito hakbang-hakbang na nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa ngayon.) Kung hindi Ako detalyadong nagbahagi tungkol sa mga bagay na ito, kusa ba itong makikilala ng mga tao? Masusuri ba nila ang diwa ng mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal? (Hindi masusuri o mahahalata ng mga tao ang diwa ng mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal.) Paano naman pagkatapos ng mahabang karanasan? (Makikilala ng mga tao ang mga isyu sa ilang pahayag tungkol sa wastong asal, pero hindi nila malinaw na masusuri ang diwa ng mga ito.) Palaging nais ng mga tao na tratuhin ang mga sikat na kasabihan mula sa tradisyonal na kultura at ang katotohanan bilang magkapantay at na paghaluin ang mga ito, lalo na pagdating sa mga bagay na sa panlabas ay kahalintulad ng katotohanan, o na mukhang umaayon sa moralidad ng tao, sa mga pamantayan ng kanilang konsensiya, at sa mga damdamin ng tao. Pinaniniwalaan ng lahat na positibo at umaayon sa katotohanan ang mga bagay na ito, pero walang nakakakita na nagmumula ang mga ito kay Satanas at na ang totoo ay mga negatibong bagay ang mga ito. Ngayon, mayroon bang positibo sa anumang ikinikintal ni Satanas sa tao? (Wala.) Wala talagang anumang positibo sa mga iyon. Sa kabaligtaran, mga negatibong bagay at satanikong lason ang lahat ng iyon. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Kaya, nalaman at nalantad na ba ninyo ang mga negatibong bagay at satanikong lasong ito? May natitira pa ba sa inyong isipan na kapareho ng mga bagay na ito na mula sa tradisyonal na kultura, na itinuturing ninyong tama? Kung mayroon, isa itong salot, isang kanser! Dapat ninyo itong mas pag-isipan ngayon, at dapat ninyo itong maingat na obserbahan at bigyang-pansin sa inyong pang-araw-araw na buhay. Tingnan ninyo kung mayroon bang anuman sa sinasabi ng iba at sa naririnig ninyo, o sa mga bagay na tumatatak sa inyo o na natatandaan ninyo, o sa mga bagay na tinatanggap ninyo sa inyong puso at itinuturing na mahalaga, na kahalintulad ng itinataguyod ng tradisyonal na kultura. Kung mayroon, kailangan ninyo itong kilatisin at suriin, at pagkatapos ay talikuran nang tuluyan. Magiging kapaki-pakinabang ito sa inyong paghahangad sa katotohanan.
Binabanggit ng ilang tao ang pariralang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” habang nagsusulat sila ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan—dapat ninyong kilatisin kung tama ba o mali ang pahayag na ito, kung positibo o negatibong bagay ba ito, at kung may kaugnayan ba ito sa katotohanan, sa mga hinihingi ng Diyos, at sa mga prinsipyong dapat taglayin ng mga tao habang nag-aasikaso ng mga bagay-bagay. Totoo ba ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao?” Umaayon ba ito sa katotohanan? Isa ba itong bagay na bunga ng mga batas at panuntunang ginawa ng Diyos? May anumang kinalaman ba ito sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Sige, ibahagi ninyo ang inyong kaalaman at pagkaunawa sa pahayag na ito. (Nasabi ko na rin ito dati, lalo na kapag nagsasaayos ako ng gawain ng iglesia. Kung hindi naitatalaga nang tama ang mga tauhan nang ayon sa mga prinsipyo, kung minsan ay nagugulo nito ang gawain. Kung itatalaga ang mga tauhan nang ayon sa mga prinsipyo, magagawa nang maayos ang gawain. Noong panahong iyon, nakita ko ang mga papel ng mga tao bilang napakahalaga at napakamakabuluhan, kung kaya’t sinabi ko ang pariralang: “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao.” Ngayon, napagtatanto ko nang wala akong naging pagkaunawa sa kataas-taasan at walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Palagi akong nagtuon sa papel ng mga tao, at wala man lang naging puwang sa puso ko ang Diyos.) Sino pang gustong magbahagi ng kanyang mga naiisip? (Ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao” ay hindi isang patotoo sa Diyos kundi isang patotoo sa mga tao, na para bang ang tagumpay ay nakadepende sa pagsisikap ng tao. Pagtanggi ito na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at katumbas ito ng pagpapatotoo para kay Satanas. Kung makikintal sa puso ng mga tao ang pahayag na ito, sa paglipas ng panahon, kapag naharap sila sa mga problema ay iisipin nila na kailangan lang nilang maghanap ng mga tamang tao para magtagumpay sila, at hindi sila mananampalataya sa Diyos o aasa sa Kanya. Kaya, isa itong partikular na baluktot na pahayag.) Ang talagang pagkaunawa ninyo sa pahayag na ito ay na hindi ito tama o isang positibong bagay, at na lalo nang hindi ito ang katotohanan. Kung gayon, bakit ninyo ito ginagamit? Kung ginagamit ninyo ito, anong problema ang inihahayag niyan? (Na wala kaming pagkakilatis sa pahayag na ito.) Ano ang dahilan ng kawalan ninyo ng pagkakilatis? Dahil ba naniniwala pa rin kayo na may tama at makatwirang aspekto ang pahayag na ito? (Oo.) Kung gayon, anong mali sa pahayag na ito? Bakit ninyo sinasabing ito ay mali o hindi positibong bagay? Una, tingnan natin kung umaayon ito sa mga obhetibong batas ng mga bagay-bagay. Sa panlabas, mukhang ang mga tao ang gumaganap sa anumang gampanin. Isinasaayos nila ang gawain, ginagampanan nila ang gawain, at sinusubaybayan nila ito. Gumaganap sila ng isang mahalagang papel sa bawat hakbang, at sa huli ay tinutukoy nila ang mga kalalabasan at ang pag-usad ng gawaing iyon. Sa panlabas, para bang ang mga sanhi, ang proseso ng pag-usad ng mga bagay-bagay, at ang mga resulta ng lahat ng iyon ay tinutukoy ng mga tao. Pero ang totoo, sino ang namamahala, nangangasiwa, at nagsasaayos ng lahat ng ito? May kinalaman ba ito sa mga tao? Pasibo bang tinatanggap ng mga tao ang mga pamamatnugot ng tadhana at ng May Kataas-taasang Kapangyarihan, o aktibo ba nilang kinokontrol ang lahat nang sila mismo? (Pasibo silang tumatanggap.) Pasibong tinatanggap ng lahat ng tao ang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at mga pagsasaayos ng Diyos. Anong papel ang ginagampanan dito ng mga tao? Hindi ba’t mga tau-tauhan sila sa mga kamay ng Diyos? (Oo.) Ang mga tao ay gaya ng mga tau-tauhang pinagagalaw ng mga tali. Ang taling hinihila ang tumutukoy sa kung paano kikilos ang mga ito at kung ano ang magiging ekspresyon ng mga ito. Kung saan pumupunta ang mga tao, kung ano ang sinasabi nila, at kung ano ang ginagawa nila araw-araw—nasa kaninong mga kamay ang lahat ng ito? (Nasa mga kamay ng Diyos.) Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Pasibong tinatanggap ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa buong prosesong ito, tinutukoy ng Diyos kung ano ang gagawin Niya, kung ilalantad ba Niya ang isang tao, kung anong mga pagbabago at pag-usad ang idudulot Niya sa bagay na ito at kung kailan, kung ano ang kalalabasan sa huli, at kung sino ang Kanyang ilalantad o ititiwalag; tinutukoy Niya kung anong mga aral ang matututunan ng mga tao sa bagay na ito, kung anong mga katotohanan ang mauunawaan nila at kung anong uri ng pagkakilala sa Diyos ang matatamo nila rito, kung aling mga pananaw ang mapapabago Niya sa mga tao, at kung aling mga kuru-kuro ang gagawin Niyang mapakawalan nila. Magagawa ba ng mga tao ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos? Kaya ba nila? (Hindi, hindi nila kaya.) Hindi ito kaya ng mga tao. Hindi nila magagawa ang mga ito. Sa buong pag-usad ng anumang bagay, pasibo at may kamalayan o walang kamalayan lang na gumagawa ng mga bagay-bagay ang mga tao, pero walang tao na kayang makini-kinita ang mga dahilan, ang proseso, ang mga panghuling resulta, at ang mga kalalabasan ng buong bagay na ito, at wala ring sinumang tao ang makakokontrol sa alinman sa mga bagay na ito. Sino ang nakakikini-kinita at nakakokontrol ng lahat ng ito? Ang Diyos lamang! Maging ito man ay isang mahalagang pangyayaring nagaganap sa sansinukob o isang maliit na insidenteng nangyayari sa anumang sulok ng anumang planeta, wala ito sa kamay ng mga tao. Walang taong kayang kontrolin ang mga batas na sumasaklaw sa lahat, o ang proseso ng pagsulong ng lahat ng bagay at ang mga pinakaresulta ng mga ito. Walang tao ang kayang makini-kinita ang kinabukasan ng lahat o mahulaan kung ano ang mangyayari, lalo na ang makontrol ang pinakaresulta ng lahat ng bagay. Ang Diyos lamang, na may kataas-kataasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ang kumokontrol at namumuno sa lahat ng ito. Ang tanging epekto na maaaring magkaroon ang mga tao ay ang gumanap ng iba’t ibang papel na maaaring positibo o negatibo, sa mga kapaligiran, kapwa malaki o maliit, at kasama ng iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinamumunuan, pinangangasiwaan, at isinasaayos ng Diyos. Ito ang epektong mayroon ang mga tao at ang papel na kanilang ginagampanan. Kapag hindi matagumpay ang isang bagay, o kapag mukhang hindi kasingganda ng inaasahan ang mga resulta, at ang kinalabasan ay hindi ang nais makita ng mga tao, kapag ang kinalabasan ay nagdudulot pa nga sa kanila ng matinding kalungkutan at pighati, ang mga ito ay mga bagay rin kung saan walang kataas-taasang kapangyarihan ang mga tao, hindi kayang makini-kinita ng mga tao ang mga ito, at tiyak na hindi nila kayang makontrol ang mga ito. Kung ang pinakakinalabasan ng isang bagay ay napakaganda, kung ito ay may napakapositibo at napakaaktibong epekto, kung ito ay labis na nagpapakita ng magandang halimbawa sa mga tao, at kung may malalim itong impluwensya sa kanila, ito ay mula sa Diyos. Kung hindi natatamo ng isang bagay ang nais nitong resulta, kung ang resulta ay hindi gaanong maganda o optimistiko, at kung tila ba mayroon itong ilang negatibong epekto sa mga tao sa halip na mga positibo at aktibong epekto, ang buong proseso ng bagay na iyon ay pinangasiwaan at isinaayos din ng Diyos. Hindi ito kinokontrol ng sinumang tao. Huwag nating pag-usapan ang malalayong bagay; pag-usapan natin ang maoobserbahan sa iglesia, gaya ng paglitaw ng mga anticristo. Mula sa sandaling lumitaw at magsimulang kumilos ang isang anticristo, at maitaas ang ranggo niya sa posisyon ng isang lider o manggagawa, at tumanggap siya ng mahalagang gawain sa iglesia, hanggang sa puntong siya ay mabunyag na isang anticristo, makilatis at mailantad ng mga kapatid, at sa huli ay matiwalag at matanggihan—sa buong prosesong ito, maraming tao ang nalilihis, ang ilan ay sumusunod pa nga sa anticristo, at ang ilan ay nakararanas ng mga kawalan sa kanilang pagpasok sa buhay dahil sa impluwensya ng anticristo, at iba pa. Bagamat ang lahat ng ito ay nagmumula sa mga panggugulo ni Satanas at gawain ito ng mga tagapaglingkod ni Satanas, nangangahulugan ba iyon na hindi nakikita ng Diyos ang pangyayari at pag-usad ng lahat ng ito? Hindi ba alam ng Diyos kung ano ang mga kalalabasan ng paglitaw ng isang anticristo? Hindi ba alam ng Diyos ang magiging epekto ng isang anticristo sa iglesia at sa mga kapatid? Ang lahat ng ito ba ay resulta lang ng isang kabiguang idinulot ng mga tao? Kapag nahaharap sa paglitaw ng mga negatibong bagay gaya ng mga ito, madalas na iniisip ng mga tao, “Naku, sinamantala ni Satanas ang isang bagay roon na hindi napansin, panggugulo ito ni Satanas sa mga bagay-bagay.” Ang implikasyon ay, “Bakit hindi binabantayan ng Diyos ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay? Hindi ba’t nasa lahat ng dako ang Diyos? Hindi ba’t may walang hanggang kapangyarihan ang Diyos? Nasaan ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos?” Umuusbong ang mga pagdududa sa puso ng mga tao. Ano ang pinagmumulan ng mga pagdududang ito? Dahil ang resulta ng pangyayari ay negatibo, hindi kanais-nais, at hindi ang gustong makita ng mga tao, at lalong hindi ito umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, negatibo nitong naaapektuhan ang sagrado nilang pananampalataya sa Diyos. Hindi ito maunawaan ng mga tao, at iniisip nila, “Kung may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at kinokontrol Niya ang lahat, bakit mangyayari sa mismong harapan natin ang isang bagay na gaya ng panlilihis ng isang anticristo sa mga tao? Bakit mangyayari sa iglesia, at sa mga kapatid, ang gayong hindi kanais-nais na bagay?” Umuusbong ang mga pagdududa sa puso ng mga tao, at nahahamon ang kanilang pananampalataya na “ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at nasa lahat ng dako.” Kapag nahahamon ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, kung tatanungin mo sila, “Sino ang dapat sisihin sa pagkakaroon mo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos?” ay sasabihin nilang, “Si Satanas ang dapat sisihin.” Pero dahil hindi nakikita ng mga tao si Satanas, kanino dapat mapunta ang responsabilidad na ito sa huli? Dapat itong mapunta sa anticristo o sa grupo ng anticristo. Sasabihin ng mga tao na yaong mga nalihis ng anticristo at yaong mga dumanas ng kawalan sa buhay ay karapat-dapat na malinlang ng anticristo. Sa huli, sa anong pahayag nauuwi ang pagkaunawa ng mga tao sa buong usaping ito? “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao.” Iyan ang nagiging konklusyon nila. Saan nila rito inilalagay ang Diyos? Hindi nila nauunawaan na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, kaya sa halip ay iniisip nilang ang lahat ng nangyayari ay dulot ng hungkag na teoryang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao.”
Kapag nakikita ng mga tao na nangyayari ang ilang medyo magaganda at positibong bagay sa paligid nila, gaya ng kapag gumagawa ng makapangyarihang gawain ang Banal na Espiritu, at lahat ng tao ay malakas ang pananampalataya, kapag naninindigan ang mga tao maging sa gitna ng pang-uusig at paghihirap, nang walang sinumang nagiging Judas, at kapag ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos at buhay ng mga kapatid ay hindi nagdurusa ng anumang kawalan, sinasabi ng mga tao, “Ito ay proteksyon ng Diyos. Hindi idinulot ng mga tao ang tagumpay na ito; walang pag-aalinlangan na ito ay ginawa ng Diyos.” Ipagpalagay nang ang mga bagay na nakikita ng mga tao na nangyayari sa paligid nila ay hindi kanais-nais, halimbawa, nahaharap ang iglesia sa pagsupil at pag-aresto ng malaking pulang dragon, at ang mga pag-aari ng iglesia ay inaangkin ni Satanas. Sabihin nang ang buhay ng mga kapatid ay nagdusa ng mga kawalan, at nagkalat kung saan-saan ang hinirang na mga tao ng Diyos, na napaalis at hindi makauwi. Ipagpalagay nang nasira ang buhay-iglesia, at hindi na maipamumuhay ng mga miyembro ng iglesia ang buhay-iglesia na gaya ng dati. Isipin ninyo na hindi na sila puwedeng mamuhay nang maligaya at masaya, na payapang kasamang namumuhay ang kanilang mga kapatid, nagtitipon-tipon para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at ang ilang masamang tao at hindi mananampalataya ay nagsisimulang magpakalat ng mga kuru-kuro para ilihis ang iba, na nagdudulot sa kanilang mawalan ng pananampalataya sa Diyos at masadlak sa pagkanegatibo at kahinaan. Sa ganitong panahon, hindi mapigilan ng mga tao na magreklamo. Hindi sila nangangahas na magreklamo laban sa Diyos, kaya nagrereklamo sila nang ganito: “Si ganito at ganyan ay masamang tao, si ganito at ganyan ay si Satanas, si ganito at ganyan ay diyablo. Kung hindi dahil sa kanyang pagkapabaya sa mga pagtitipon at pagkaaresto, hindi sana tayo magkakaganito na hindi makauwi. Kung hindi dahil sa kanya, masaya pa rin sana tayong mamumuhay ng buhay-iglesia, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at normal na ginagawa ang ating mga tungkulin. Ang lahat ng ito ay dahil sa isang tao, isang diyablo, isang Satanas, o isang satanikong rehimen.” Bagamat hindi nangangahas ang mga tao na magkimkim ng anumang hinaing laban sa Diyos o magpalagay na responsabilidad ng Diyos ang buong sitwasyong iyon, sa sandaling iyon, nagkaroon na sila ng hindi malaki at hindi rin maliit na hindi maipaliwanag na kawalan ng tiwala sa Diyos. Anong mga bagay ang uusbong sa mga kaisipang ito ng kawalan ng tiwala? Sasabihin ng mga tao, “Natuto ako ng aral sa karanasang ito. Magmula ngayon, maingat ko nang isasaalang-alang ang lahat ng makakatagpo ko at mag-iisip ako nang mabuti bago kumilos. Hindi ako magiging padalos-dalos, at hindi ako agad magtitiwala kaninuman. Mas magiging maingat ako sa lahat ng sitwasyon at pag-aaralan kong protektahan ang aking sarili.” Nasa puso pa rin ba nila ang Diyos? Umaasa pa rin ba sila sa Diyos at nananampalataya sa Kanya? Sinasabi ng ilang tao, “Paanong hindi? Sa puso ko, nananalig pa rin ako sa Diyos, at tunay pa rin akong umaasa sa Kanya.” Pero palihim nilang sinasabi sa sarili nila, “Huwag kayong basta magtiwala sa mga salita ng Diyos. Palaging sinusubok at pinipino ng Diyos ang mga tao. Hindi maaasahan ang Diyos! Tingnan na lang ninyo ang nangyari sa mismong harapan natin. Inaresto ng malaking pulang dragon ang mga miyembro ng iglesia natin. Bakit hindi tayo pinrotektahan ng Diyos? Gusto bang makita ng Diyos na mapinsala ang mga interes ng Kanyang sambahayan? Wala bang pakialam ang Diyos kapag nakikita Niyang nanlilihis ng mga tao ang mga hindi mananampalataya? Kung talagang nakikita ito ng Diyos, bakit wala Siyang pakialam? Bakit hindi Niya ito pinipigilan o hinahadlangan? Bakit hindi Niya tayo binibigyang-liwanag para makilatis natin na ang taong nanlilihis sa atin ay isang masamang tao at isang hindi mananampalataya, para malayuan natin ito agad, at maiwasan natin ang lahat ng kahihinatnang ito? Kapag nanlilihis ng mga tao ang taong hindi mananampalataya, bakit hindi tayo pinoprotektahan ng Diyos? Kahit isang mabilisang babala ay pupuwede na!” Wala silang nakukuhang kasagutan sa lahat ng “bakit” na ito, at hindi rin nila makuha ang mga ito. Sa huli, matapos itong maranasan, ang nagiging konklusyon nila ay: “Aasa ako sa Diyos sa mga bagay kung saan dapat akong umasa sa Kanya, at aasa ako sa sarili ko sa mga bagay kung saan hindi ako dapat umasa sa Diyos. Hindi ako puwedeng magpakahangal. Tayong mga kapatid ay dapat matutunang magsama-sama at magtulungan. Pagdating naman sa lahat ng iba pa, hayaan natin ang Diyos na gawin ang gusto Niya. Hindi natin iyan makokontrol.” Kung aarestuhin ng malaking pulang dragon ang hinirang na mga tao ng Diyos, labis na mahahadlangan ang gawain ng iglesia at ang buhay-iglesia at labis na maaapektuhan ang paggampan ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Sa mga panahong ito ay lilitaw ang mga hindi mananampalataya at ang mga anticristo para manggambala at manlihis, magpakalat ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at sabihing nangyari ang mga pag-aresto dahil sinalungat ng mga lider at manggagawa ang mga layunin ng Diyos, at malilihis ng mga anticristo at masasamang taong ito ang mga tao. Kapag nagaganap ang mga pangyayaring ito na hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao o sa mga damdamin ng tao, hindi kailanman natututo ng mga aral mula rito ang mga tao. Hindi kailanman nagagawang maunawaan ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at disposisyon ng Diyos mula sa mga pangyayaring ito. Hindi kailanman naaarok ng mga tao ang mga layunin ng Diyos o nauunawaan kung ano ang mga aral na nais ng Diyos na matutunan nila, kung anong mabuting aral ang nais Niyang matamo nila, at kung anong pagkakilala ang nais Niyang makamit nila mula sa mga pangyayaring ito. Hindi alam ng mga tao ang alinman sa mga ito, at hindi nila alam kung paano danasin ang mga ito. Kaya, pagdating sa lahat ng bagay na nakikita ng mga taong nangyayari sa paligid nila, talagang naniniwala ang mga tao na tumpak ang pariralang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” at na mas maaasahan at totoo ito kaysa sa katunayang “ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ang Diyos ay nasa lahat ng dako, at sinisiyasat ng Diyos ang lahat.” Sa katunayan, sa kaibuturan ay naniniwala pa rin kayo na mas totoo ang pariralang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” na ang mga tao ang nagdedetermina sa lahat, at na medyo malabong sabihin na pinagpapasyahan ng Diyos ang lahat ng bagay. Bakit ba iniisip ng mga tao na malabo ito? Bakit ba iniisip ng mga tao na hindi maaasahan ang pahayag na “pinagpapasyahan ng Diyos ang lahat ng bagay”? Sa teorya, ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi nila kilala ang Diyos, pero ang totoo, ano ang dahilan? (Ang totoo, hindi kinikilala o pinaniniwalaan ng mga tao na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay.) Tamang sabihin na hindi pinaniniwalaan o kinikilala ng mga tao na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, pero may mas partikular pang dahilan, na ibinubunyag ng pariralang “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao” ang maling perspektiba na mayroon ang mga tao pagdating sa kung paano nila nakikita ang mabubuti at masasamang bagay. Naniniwala ang mga tao na ang mga bagay na nagbibigay sa kanila ng kapayapaan, kasiyahan, kaginhawahan, at kaligayahan ay mabubuti at na nagmumula ang mga ito sa Diyos. May ilang bagay na nagdudulot sa mga tao ng pagkabalisa o takot, na nagsasanhi sa kanila na umiyak, magdusa, o mapuno ng pagdadalamhati na gusto na nilang mamatay—ang ilang bagay nga ay ginagawa pang imposible para sa mga tao na magkaroon ng isang normal na buhay-iglesia at ng isang normal na kapaligiran para magawa nila ang kanilang mga tungkulin. Ang ganitong uri ng mga bagay ay itinuturing ng mga tao na “masasamang bagay.” Ang katawagang “masasamang bagay” ay kailangang ilagay sa loob ng mga panipi. Maaari bang magkaroon ang “masasamang bagay” ng magandang epekto sa mga tao? Hindi makita o madama ng mga tao ang mabubuting epektong ito, kaya, sa isip nila, ang kabilang lang sa “lahat ng bagay” kung saan may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos ay ang mga bagay na naghahatid sa kanila ng kapayapaan, kasiyahan, kabusugan, mga benepisyo, magandang halimbawa, at mga pakinabang, at mga bagay na nagpapatatag sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ito ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na kabilang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Sa kabaligtaran, kung, sa panlabas, ang ilang bagay ay tila ba nagsasanhi na magdusa ang buhay ng mga tao, nakapipinsala sa mga interes ng iglesia, at kung malilihis ang ilang tao, at matitiwalag pa nga ang ilan, at kung may mangyayaring hindi maganda sa ilan at magdurusa sila ng kaunting pasakit, naniniwala ang mga tao na walang kinalaman ang mga bagay na ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at na ang mga ito ay ginawa ni Satanas. Naniniwala ang mga tao na kung ang Diyos ang gumawa nito, hindi lilitaw o iiral ang mga negatibong bagay na ito, ito ang napagpasyahan ng mga tao. Kaya, ang pagkaunawa ng mga tao sa pariralang “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay” ay labis na may kinikilingan at mababaw. Limitado ito sa mga kuru-kuro ng tao, puno ito ng mga emosyon ng tao, at hindi ito tumutugma sa mga katunayan. Hayaan ninyo Akong bigyan kayo ng halimbawa. Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng insekto at ibon. Sinasabi ng ilang tao, “Naniniwala akong mahalaga ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, na ang lahat ng iyon ay kapaki-pakinabang na insekto, at na ang lahat ng iyon ay mabuti. Nilikha ng Diyos ang mga bubuyog, at nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng mabubuting ibon. Palaging kinakagat ng mga lamok ang mga tao at nagkakalat ang mga ito ng mga sakit, kaya hindi mabuti ang mga lamok. Baka hindi nilikha ng Diyos ang mga lamok.” Hindi ba’t isa itong baluktot na pagkaunawa? Ang totoo, ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos. Iisa lamang ang Diyos, ang Lumikha, at ang lahat ng nabubuhay at hindi nabubuhay ay nagmumula sa Diyos. Sa kanilang mga kuru-kuro, naniniwala ang mga tao na ang iba’t ibang kapaki-pakinabang na insekto, ibon, at iba pang kapaki-pakinabang na nilalang lang ang nagmumula sa Diyos—pagdating sa mga langaw, lamok, surot, at ilang hayop na kumakain ng karne na itinuturing ng tao bilang partikular na marahas, ang mga nilikhang iyon ay tila hindi nagmumula sa Diyos, at kung nagmumula man ang mga iyon sa Diyos, hindi mabubuting bagay ang mga iyon. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Sa mga ideya at kuru-kuro ng mga tao, ang mga bagay na ito ay unti-unti nang nauri ayon sa isang sistema: Ang anumang gusto ng mga tao o na kapaki-pakinabang sa kanila ay itinuturing na positibo at nilikha ng Diyos, samantalang ang anumang hindi gusto ng mga tao o na nakapipinsala sa kanila ay itinuturing na negatibo at hindi nilikha ng Diyos, at maaaring nilikha ni Satanas o ginawa ng kalikasan. Sa isipan ng mga tao, madalas ay walang kamalayan nilang pinaniniwalaan na: “Ang mga langaw, lamok, at surot ay hindi mabubuting bagay, hindi nilikha ng Diyos ang mga iyon. Tiyak na hindi lilikha ang Diyos ng mga gayong bagay.” O iniisip nila, “Palaging kumakain ng mga tupa at zebra ang mga leon at tigre, masyadong malupit ang mga iyon. Hindi mabubuting bagay ang mga iyon. Ang mga lobo ay nakakatakot, tuso, mabagsik, marahas, at malupit. Masasama ang mga lobo, pero mabubuti ang mga baka at tupa, at lalo pang mabubuti ang mga aso.” Kung mabuti o hindi ang isang nilikha ng Diyos ay hindi sinusukat batay sa mga emosyonal na pangangailangan o panlasa ng mga tao—hindi ganyan sinusukat ang mga bagay na ito. Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng mga hayop, kabilang ang mga zebra, usa, at iba’t ibang uri ng mga hayop na kumakain ng mga halaman, gayundin ang mababagsik na hayop na kumakain ng karne gaya ng mga leon, tigre, leopardo, at buwaya, na partikular na mararahas, pati ang ilang mababangis na hayop na kayang pumatay ng biktima sa pamamagitan ng isang kagat. Mabuti man o masama sa paningin ng mga tao ang mga hayop na ito, ang lahat ng ito ay nilikha ng Diyos. Nakikita ng ilang tao ang mga leon na kumakain ng mga zebra at iniisip nila, “Naku, kawawang zebra. Napakababagsik ng mga leon dahil kumakain ang mga ito ng mga zebra.” Kapag nakikita nilang kinakain ng isang lobo ang isang tupa, pinag-iisipan nila, “Napakalulupit at napakatutuso ng mga lobo. Bakit ba nilikha ng Diyos ang mga lobo? Ang mga tupa ay nakatutuwa, mababait, at maaamo. Bakit ba hindi na lamang maaamong hayop ang nilikha ng Diyos? Ang mga lobo ang likas na kaaway ng mga tupa, kaya bakit kapwa nilikha ng Diyos ang mga lobo at ang mga tupa?” Hindi nila nauunawaan ang misteryong nasa likod nito at palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kapag may mga insidente ng panlilihis ng mga anticristo sa mga tao sa iglesia, sinasabi ng ilang tao, “Kung naaawa ang Diyos sa sangkatauhang ito, bakit Niya nilikha si Satanas? Bakit Niya hinahayaan si Satanas na gawing tiwali ang sangkatauhan? Yamang hinirang tayo ng Diyos, bakit Niya hinahayaang lumitaw ang mga anticristo sa iglesia?” Hindi mo nauunawaan, hindi ba? Ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, at kapag pinamumunuan Niya ang mga ito nang ganito ay saka lamang normal na makaiiral ang lahat ng bagay sa saklaw ng mga panuntunan at batas na Kanyang inorden. Kung poprotektahan ka ng Diyos at pipigilan Niyang lumitaw ang mga anticristo sa iglesia, malalaman mo ba kung ano ang mga anticristo? Malalaman mo ba kung paano ang disposisyon ng isang anticristo? Kung sasabihin lamang sa iyo ang ilang salita at doktrina tungkol sa pagtukoy sa mga anticristo, nang hindi ka aktuwal na makatatagpo ng isang anticristo, magagawa mo bang matukoy ang mga anticristo? (Hindi.) Talagang hindi. Kung hindi pahihintulutang lumitaw ang mga anticristo at masasamang tao, palagi kang magiging gaya ng isang bulaklak sa punlaan: Sa sandaling magkaroon ng biglaang pagbabago sa temperatura, malalanta ka dahil sa biglaang paglamig, hindi mo ito makakayanan. Kaya, kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan, kailangan nilang tanggapin at magpasakop sa lahat ng kapaligiran, at sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na pinamumunuan at pinangangasiwaan ng Diyos. Nabibilang sa “lahat ng tao, pangyayari, at bagay” ang mga positibo at negatibo, nabibilang dito ang mga bagay na umaayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang mga bagay na hindi. Nabibilang dito ang mga bagay na itinuturing mong positibo at ang mga negatibong bagay na hindi mo gusto, nabibilang dito ang mga bagay na umaayon sa iyong mga damdamin, at nabibilang dito ang mga bagay na hindi umaayon sa iyong mga damdamin o sa iyong panlasa. Kailangan mong tanggapin ang lahat ng bagay na ito. Ano ang layunin ng pagtanggap sa lahat ng bagay na ito? Ito ay hindi lamang para mabuo ang iyong kaalaman at madagdagan ang iyong karanasan, ito ay para mabigyan ka ng kakayahan na mas praktikal at mas kongkretong malaman ang mga salita ng Diyos, na maunawaan ang katotohanan, at na maranasan ang pagkatotoo at pagkatumpak ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga katunayang ito. Sa huli, makukumpirma mong ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, matututo ka ng mga aral mula sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, na magbibigay-kakayahan sa iyo na maunawaan ang mas marami pang katotohanan, na makita ang katotohanan tungkol sa maraming bagay, at na lalo pang mapayaman ang iyong sarili. Ang pinakaresultang makakamit nito ay na makapagtatamo ka ng pagkakilala sa Lumikha sa pamamagitan ng paglitaw at pag-usad ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, mauunawaan mo ang Kanyang disposisyon at diwa, at matututunan mong Siya ang namumuno at nangangasiwa sa lahat ng bagay.
Kung ang mga nakikita mong nangyayari sa paligid mo ay mabuti man o masama sa paningin ng tao, kung ang mga ito man ay ang mga gusto mo o hindi, kung nagdudulot man ang mga ito sa iyo ng kasiyahan at kaligayahan o ng pighati o pasakit, dapat mong ituring ang mga ito bilang mga tao, pangyayari, at bagay na nagtataglay ng mga aral na dapat matutunan at mga katotohanang dapat hanapin, at dapat mong ituring ang mga ito bilang mga bagay na nagmumula sa Diyos. Hindi lang nagkataon na nangyayari ang mga ito, ang mga ito ay hindi dahil sa mga tao, ang mga ito ay hindi idinulot ng sinumang tao, at ang mga ito ay hindi isang bagay na makokontrol ng sinumang tao. Sa halip, ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay na ito; ang Diyos ang nangangasiwa at nagsasaayos ng lahat ng ito. Ang paglitaw ng anumang pangyayari ay hindi nakadepende sa kagustuhan ng tao, hindi naman kayang kontrolin ng sinumang tao ang isang pangyayari dahil lang gusto niya. Ang Diyos ang namumuno at nangangasiwa sa buong proseso ng paglitaw, pag-usad, at pagbabago ng lahat ng tao, pangyayari, at bagay hanggang sa maabot ng mga ito ang pangwakas na kalalabasan ng mga ito. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mong danasin at obserbahan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga salita at prinsipyo na Aking sinabi. Tingnan mo kung totoo ang sinasabi Ko. Tingnan mo kung ang pahayag na, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” na pinaniniwalaan ninyong tama, o ang pahayag na “Ang Diyos ang namumuno at namamatnugot sa paglitaw at pag-usad ng lahat ng tao, pangyayari, at bagay, hanggang sa maabot ng mga ito ang pangwakas na kalalabasan ng mga ito,” ang tama. Tingnan mo kung alin sa dalawang pahayag na ito ang tama, kung alin ang umaayon sa mga katunayan, kung alin ang nagbibigay-kakayahan sa mga tao na magkamit ng kaalaman at ang kapaki-pakinabang sa kanila, at kung alin ang nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makilala ang Diyos at magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Kanya. Kapag dinadanas mo ang lahat ng nangyayari sa paligid mo nang may pananaw at saloobin na ang Diyos ang namumuno at nangangasiwa sa lahat ng bagay, ang iyong pananaw at perspektiba sa mga bagay-bagay ay magiging ganap na naiiba. Kung hindi mo bibitawan ang pagtingin sa lahat ng bagay at usapin mula sa perspektiba ng kasabihang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” sa banayad na pananalita, kapag may nangyayari sa iyo, natural at kusa kang magagapos sa ideya ng tama at mali, susubukan mong panagutin ang mga tao, at susuriin mo ang mga dahilan ng iba’t ibang insidente, ang mga bagay na nagsanhi ng hindi magagandang kinalabasan sa iba’t ibang usapin, at iba pa, sa halip na hanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga layunin ng Diyos batay sa Kanyang mga salita. Habang lalo mong pinaniniwalaan ang kasabihang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” lalo kang pangingibabawan ng mga pananaw ng mga hindi mananampalataya. Pagkatapos, ang mga pangwakas na kalalabasan ng lahat ng iyong nararanasan ay mas lalong sasalungatin ang katotohanan, at ang pananampalataya mo sa Diyos ay magiging isa na lang doktrina o slogan. Sa puntong iyon, naging isa ka nang ganap na hindi mananampalataya. Sa madaling salita, habang lalo mong pinaniniwalaan ang pahayag na, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” lalong mapatutunayan na isa kang hindi mananampalataya. Kung wala sa puso mo ang Diyos o ang mga salita ng Diyos, kung ganap na hindi mo kinikilala o tinatanggap ang alinman sa mga salita, katotohanan, o positibong bagay ng Diyos, kung walang anumang puwang ang mga ito sa iyong puso, ganap nang nasakop ni Satanas ang kaibuturan ng iyong kaluluwa, napuno na ito ng mga kaisipan at ideya ng ebolusyon at materyalismo, na pawang kasinungalingan ng mga diyablo at ni Satanas. Naniniwala ka sa lahat ng katunayang nakikita ng iyong mga mata, pero hindi ka naniniwala na ang Siyang namumuno sa lahat ng nasa sansinukob, ang Siyang hindi kayang makita ng sinumang tao, ay tunay na umiiral. Kung tinitingnan mo ang lahat ng bagay mula sa perspektiba na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” wala kang ipinagkaiba kay Satanas at sa mga materyalista. Pero kung tinitingnan mo ang lahat ng bagay mula sa perspektiba na “Ang lahat ng bagay sa mundo ay pinamumunuan at isinasaayos ng Diyos,” bagamat hindi mo malinaw na makikita ang ilang bagay, magagawa mong maghanap ng mga kasagutan tungkol sa mga partikular na pangyayaring nakikita mong nagaganap sa paligid mo, hanapin ang ugat ng isyu, at hanapin ang diwa at katotohanan ng problema mula sa mga salita ng Diyos. Hindi mo susuriin kung sino ang tama at sino ang mali, hindi mo basta-basta lang na papananagutin ang isang tao; sa halip, magagawa mong ikumpara sa mga salita ng Diyos ang usapin, hanapin ang ugat ng problema, tukuyin ang susing usapin sa isyu, at sisiyasatin mo kung saan nabigo ang mga tao, kung ano ang wala sa kanila, kung anong tiwaling disposisyon ang inihayag nila, kung paano sila naging mapagrebelde, at kung aling mga aspekto nila ang hindi kaayon ng Diyos sa panahon ng buong usaping iyon. Magagawa mong hanapin kung ano ang mga layunin at mithiin ng Diyos sa paggawa ng mga bagay na iyon, kung ano ang nais Niyang makamit sa mga tao, kung anong uri ng mga resulta ang nais Niyang matamo, kung anong mga pakinabang ang nais Niyang makamit ng mga tao, at ang mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao. Kapag kinikilatis at tinitingnan mo ang isang partikular na pangyayari mula sa mga perspektibang ito, magbabago ang kalagayan ng iyong kalooban. Gagabayan at papatnubayan ng mga salita ng Diyos ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay nang hindi mo namamalayan. Makakamit mo ang kaliwanagan at patnubay mula sa mga salita ng Diyos nang hindi mo namamalayan, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat mong sundin at isagawa kapag nangyayari ang gayong mga bagay sa iyo. Kapag tunay kang pumapasok sa mga katotohanang prinsipyo, magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya at pagsandig sa Diyos, mananalangin at magsusumamo ka nang tapat, magkakaroon ka ng tunay na pagpapasakop, at makapagsasagawa ka nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ano ang magiging pangwakas na resulta nito? Sa buong panahon ng pangyayari, malinaw mong makikita ang katotohanan ng usapin, matututo ka ng mga aral, mauunawaan mo nang tama ang lahat ng nangyayari sa iyo, at makikita mo na nagmumula ito sa mga pagsasaayos ng Diyos, at na taglay nito ang mabuting kalooban ng Diyos. At sa ganitong paraan, gaya nga ng laging sinasabi ng mga tao, “gumawa ka ng mabuting bagay mula sa masamang bagay,” kusa mong matatrato ang bawat pangyayari na kinokondena, kinasusuklaman, at kinapopootan ng mga tao bilang isang positibong bagay, at magagawa mong kilalanin na pinamumunuan at isinasaayos ito ng Diyos, at na dapat itong tanggapin mula sa Diyos. Makikita mo ito bilang isang bagay na nagtataglay ng napakaingat na pagsisikap ng Diyos, ng Kanyang mga layunin, at ng Kanyang mga inaasahan. Sa proseso ng pagdanas nito, mauunawaan mo, nang hindi mo namamalayan, kung ano ang mga layunin ng Diyos sa pangangasiwa ng buong usapin na iyon. Mauunawaan at maaarok mo ang Kanyang mga layunin nang hindi mo namamalayan, at sa sandaling mangyari na iyon, hindi sinasadya na mauunawaan mo ang mga katotohanang nasa loob nito, at magagawa mong makilatis ang lahat ng tao at bagay na may kinalaman sa buong pangyayaring ito. Kung sa buong panahon ng pangyayari ay titingnan mo ang problema mula sa perspektiba na “Ang lahat ng bagay sa mundo ay pinamumunuan at isinasaayos ng Diyos,” malaki ang matatamo mo rito. Makakamit mo ang katotohanan, ang tunay na pananalig sa Diyos, at ang pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mabusising mga ideya sa usaping ito. Siyempre, magkakamit ka rin ng pagkaunawa at karanasan sa pariralang, “Ang Diyos ay nasa lahat ng dako,” na dati ay umiiral lamang sa iyong kamalayan. Kung sa buong panahon ng pangyayari ay tinitingnan mo ang problema mula sa perspektiba na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” magrereklamo ka, babalewalain mo ang Diyos, at madarama mong napakalayo at napakalabo ng Diyos. Ang salitang “Diyos,” ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang lahat ng tungkol sa Diyos ay magiging tila napakalayo at hungkag. Maniniwala ka na ang pangyayari, pag-usad, at kalalabasan ng buong pangyayari ay nakadependeng lahat sa mga pagmamanipula ng tao, at na may impluwensya ng tao ang buong usapin. Kaya, patuloy mong pagninilayan ang mga usaping ito, iniisip na, “Sino ang nagkamali sa yugtong ito? Sino ang walang-ingat na nagsanhi ng kawalan sa yugtong iyon? Sino ang gumambala, gumulo, at sumira sa yugtong ito? Sisiguruhin kong mapapanagot sila.” Matututok ka sa mga indibidwal at bagay, palaging pinag-iisipan ang konsepto ng tama at mali, samantalang ganap na binabalewala ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, ang mga responsabilidad, tungkulin, at obligasyon na dapat tuparin ng mga nilikha, at ang mga pananaw at posisyon na dapat mong itaguyod. Hindi na magkakaroon ng anumang puwang sa puso mo ang Diyos. Sa kabuuan ng proseso ng pangyayari, walang magiging relasyon sa pagitan mo at ng Diyos, ni sa pagitan mo at ng mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin, kapag naharap ka sa isang sitwasyon, matututok ka lamang sa mga tao at bagay. Hindi ka makakaisip ng ni isang salitang umaayon sa katotohanan, o ng ni isang pahayag ng katotohanang mula sa Diyos na mapaghahambingan ng usapin, hindi mo ito magagamit bilang basehan sa pagsusuri ng sitwasyon, hindi ka matututo ng mga aral mula sa sitwasyon o magtatamo ng pagkakilala, hindi mo mapalalakas ang iyong pananampalataya, o makikilala ang Diyos. Wala kang magagawa sa alinman sa mga ito. Sa buong panahon ng pangyayari, kakapit ka sa popular na kasabihang, “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,” na sa mas tumpak na pananalita ay isang argumento at isang pananaw ng mga hindi mananampalataya. Sa kabaligtaran, sabihin nang mula sa simula ng pangyayari ay kaya mo itong tanggapin mula sa perspektiba ng isang nilikha, nang hindi sinusuri kung tama ba o mali ang isang indibidwal, nang hindi labis na sinusuri ang sinumang tao o anumang bagay, at nang hindi nagtutuon sa mga tao o bagay. Sabihin nang sa halip ay aktibo kang naghahanap ng mga kasagutan mula sa mga salita ng Diyos, maagap kang lumalapit sa harapan ng Diyos upang manalangin at umasa sa Kanya, at hanapin ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, hinahayaan ang Diyos na gumawa at mangasiwa. Ipagpalagay nang ang saloobin mo ay takot at pagpapasakop sa Diyos, ay pagkauhaw sa katotohanan, at aktibong pakikipagtulungan sa Diyos—hindi iyan ang pananaw at saloobin ng isang hindi mananampalataya kundi pananaw at paninindigan na dapat taglayin ng isang tunay na tagasunod ng Diyos. Sa ganyang pananaw at paninindigan, hindi mo mamamalayan na makakamit mo ang hindi mo pa naranasan kailanman, na ang mga realidad ng katotohanan na hindi mo tinaglay noon. Ang totoo, ang mga realidad na ito ng katotohanan ay ang mga epekto na nais matamo at makamit ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa kabuuan ng pangyayari. Kung maisasakatuparan ng Diyos ang nilalayon Niyang matamo, hindi Siya nabigo dahil nakamit Niya kung gayon ang ninanais Niyang mga epekto sa iyo. Ano ang mga epektong ito? Nais ng Diyos na makita mo kung ano talaga ang nangyayari, na walang nangyayari nang nagkataon lang, at na hindi rin mga tao ang nagsasanhi nito, kundi na ang Diyos ang may kontrol. Nais ng Diyos na maranasan mo ang Kanyang tunay na pag-iral at maunawaan mo ang katunayan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at ang Kanyang pangangasiwa sa mga kapalaran ng lahat ng bagay, at na ito ay isang katunayan, at hindi isang hungkag na pahayag.
Kung sa pamamagitan ng iyong mga karanasan ay tunay mong mapagtatanto na ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay at na pinangangasiwaan Niya ang kapalaran ng lahat ng bagay, magagawa mong sabihin ang isang pahayag gaya ni Job: “Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo” (Job 42:5–6). Mabuting pahayag ba ito? (Oo.) Napakasarap marinig ang pahayag na ito, at ito ay nakaaantig. Nais ba ninyong maranasan ang pagiging totoo ng pahayag na ito? Nais ba ninyong maunawaan kung ano ang nadama ni Job nang sinabi niya ang mga salitang ito? (Oo.) Isa lang ba itong normal na pagnanais, o matinding pagnanais? (Matinding pagnanais.) Sa madaling salita, taglay nga ninyo ang ganitong uri ng determinasyon at pagnanais. Kaya paano matutupad ang pagnanais na ito? Kagaya ito ng sinabi Ko noon. Kailangan ay tumindig ka mula sa perspektiba ng isang nilikha, at kailangan mong harapin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nangyayari sa iyo mula sa perspektiba ng pagkilala na ang Diyos ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay at na kontrolado at pinangangasiwaan Niya ang lahat ng bagay. Kailangan mong matuto ng mga aral mula rito, maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa, at kilalanin kung ano ang nais na matamo at maisakatuparan ng Diyos sa iyo. Sa paggawa nito, hindi magtatagal ay darating ang araw na madarama mo ang nadama ni Job nang bigkasin niya ang mga salitang iyon. Kapag naririnig Kong sinasabi ninyo na nais talaga ninyong maranasan ang nadama ni Job nang sabihin niya ang mga salitang iyon, alam Kong mahigit sa 99 na porsyento ng mga tao ay hindi pa kailanman naranasan ang gayong mga damdamin. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi pa kayo kailanman tumindig mula sa perspektiba ng isang nilikha at hindi pa ninyo naranasan, gaya ni Job, ang katunayan na ang Lumikha ang namumuno sa lahat ng bagay at ang nangangasiwa sa lahat. Ang lahat ng ito ay dahil sa kamangmangan, kahangalan, at pagiging rebelde ng tao, pati na rin sa panlilihis at katiwaliang idinulot ni Satanas, na umakay sa mga tao na hindi sinasadyang sukatin at harapin ang lahat ng nangyayari sa kanila mula sa pananaw ng isang hindi mananampalataya, at tukuyin at harapin pa nga ang lahat ng nangyayari sa paligid nila gamit ang ilang pamamaraan at teoretikal na basehan na karaniwang ginagamit ng mga walang pananampalataya. Ang nagiging kongklusyon nila sa huli ay walang kinalaman sa katotohanan, ang ilan ay salungat pa nga sa katotohanan. Nahahadlangan nito ang mga tao na maranasan sa paglipas ng mahabang panahon ang katunayan na ang Lumikha ang namumuno at kumokontrol sa lahat ng bagay, at ang naramdaman ni Job nang sabihin niya ang mga salitang iyon. Kung dumanas ka na ng mga pagsubok na gaya ng kay Job, maliit man o malaki, at nadama mo na ang Diyos ang may gawa noon, at nadama mo na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga iyon, kung nakita mo na rin ang mga partikular na layunin ng Diyos sa pamumuno at pangangasiwa sa mga bagay na ito, pati na ang daang dapat sundan ng mga tao, sa huli, magagawa mong maranasan ang mga positibong epekto na nais matamo ng Diyos sa iyo sa buong panahon ng mga pangyayari, ang mabubuting layunin at mga inaasahan ng Diyos sa iyo, at ang iba pang mga bagay. Mararanasan mo ang lahat ng ito. Kapag naranasan mo ang lahat ng ito, hindi mo na paniniwalaan lang na kaya ng Diyos na sabihin ang katotohanan at tustusan ka ng buhay, kongkreto mong mapagtatanto na umiiral nga talaga ang Diyos, at mapagtatanto mo rin ang katunayan na ang Lumikha ang Siyang lumikha at namumuno sa lahat ng bagay. Habang nararanasan mo ang lahat ng ito, lalaki ang pananampalataya mo sa Diyos at ang pananampalataya mo sa Lumikha. Kasabay nito, dahil dito ay mapagtatanto mo ang katunayang nakipag-ugnayan ka na sa Lumikha sa isang tunay na paraan, at kongkreto at ganap nitong makukumpirma ang iyong pananalig sa Diyos, ang iyong tiwala sa Diyos, kung paano ka sumusunod sa Diyos, pati na rin ang katunayan na ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay at na Siya ay nasa lahat ng dako. Kapag nakumpirma at napagtanto na ninyo ito, sa tingin ba ninyo ay mapupuno ang puso ninyo ng kasiyahan at kaligayahan o ng pasakit at pagdadalamhati? (Ng kasiyahan at kaligayahan.) Tiyak na ito ay kasiyahan at kaligayahan! Gaano katindi mang pasakit at pagdadalamhati ang naranasan mo noon, maglalaho ito na parang bula, at mapupuno ng kasiyahan ang puso mo, magdiriwang ka at maglululundag sa tuwa. Kapag nakita mo na ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ay tunay mo nang nakumpirma at naranasan, katumbas ito ng tunay mong pakikipagkita, pakikipagtagpo, at pakikipag-ugnayan sa Diyos nang harapan. Sa panahong iyon, madarama mo ang nadama ni Job. Ano ang sinabi ni Job noong panahong iyon? (“Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”) Sa panlabas ay ginamit ni Job ang pag-uugali at mga pagkilos ng pagkamuhi sa kanyang sarili at pagsisisi para ipahayag ang kanyang pagkapoot sa nakaraan, pero ang totoo, sa kaibuturan ng kanyang puso, siya ay nagagalak at masaya. Bakit? Dahil sa hindi inaasahan ay nakita niya ang mukha ng Lumikha, nakaharap niya ang Diyos, at nakatagpo niya ang Diyos sa isang kaganapan, sa isang hindi katangi-tangi at hindi sinasadyang kaganapan. Sabihin ninyo sa Akin, sinong nilikha, sinong tagasunod ng Diyos ang hindi nag-aasam na makita ang Diyos? Kapag nangyari ang gayong sitwasyon, kapag nangyari ang gayong bagay, sino ang hindi matutuwa, sino ang hindi mananabik? Mananabik ang sinuman; mananabik siya at magagalak. Ito ay magiging isang bagay na hindi niya kailanman malilimutan, habang nabubuhay siya, at isa itong bagay na karapat-dapat maalala. Pag-isipan ninyo ito, hindi ba’t maraming pakinabang dito? Umaasa Ako na sa hinaharap, tunay ninyong mararanasan ang pakiramdam na ito, tataglayin ang ganitong uri ng karanasan, at magkakaroon kayo ng gayong mga pagtatagpo. Kapag tunay na nakita ng isang tao ang mukha ng Diyos at tunay niyang nagawang maranasan ang mga damdaming kapareho ng kay Job nang makatagpo nito ang Diyos na si Jehova, nagiging mahalagang pangyayari ito sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Isa itong labis na kamangha-manghang bagay! Pinananabikan ng bawat tao ang gayong resulta at gayong sitwasyon, at inaasam ng lahat ng tao na maranasan ito at magkaroon ng ganoong uri ng pagtatagpo. Yamang mayroon kang gayong mga inaasam, dapat kang magkaroon ng tamang pananaw at paninindigan habang nararanasan mo ang lahat ng nangyayari sa paligid mo, nararanasan at nauunawaan ang lahat sa paraang itinuro at iniatas ng Diyos, natututunang tanggapin ang lahat mula sa Diyos, at na tingnan ang lahat ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan. Sa ganitong paraan, lalakas nang lalakas ang iyong pananampalataya nang hindi mo namamalayan, at unti-unting makukumpirma at matitiyak sa puso mo ang katunayang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at ang namumuno sa lahat ng bagay. Kapag nakumpirma mo na ang lahat ng ito, mag-aalala ka pa ba na hindi tataas ang iyong tayog? (Hindi.) Pero normal na makaramdam ka ngayon ng kaunting pag-aalala, dahil napakababa ng iyong tayog, at maraming bagay ang hindi mo malinaw na makita—magiging imposible para sa iyo na hindi mag-alala, isa itong bagay na hindi mo maiiwasan. Ito ay dahil maraming bagay sa kalooban ng mga tao ang nagmumula sa kaalaman, sa tao, kay Satanas, sa lipunan, at iba pa. Malalim na naiimpluwensyahan ng lahat ng ito ang mga pananaw ng mga tao sa pagtingin sa Diyos at ang dapat nilang maging perspektiba at paninindigan kapag dumaranas ng iba’t ibang bagay. Kaya, hindi madali na magkaroon ng tamang paninindigan at perspektiba kapag may nangyayari sa iyo. Kinakailangan na hindi lamang mga positibong bagay ang maranasan mo kundi pati mga negatibong bagay. Sa pamamagitan ng pagkilala at pag-unawa sa diwa ng mga negatibong bagay na ito, matututo ka ng mas marami pang aral at mauunawaan mo ang mga kilos ng Diyos at ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan at karunungan sa pamumuno sa lahat ng bagay.
Ngayon, ganap na ba ninyong nauunawaan na mali ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao?” (Oo, nauunawaan na namin.) Mayroon bang anumang tamang aspekto sa pahayag na ito? Mayroon bang anumang aspekto na may batayan? (Wala.) Wala talaga? (Wala.) Tamang maunawaan na wala talaga. Isa itong teoretikal na pagkaunawa. Pagkatapos, sa totoong buhay, sa pamamagitan ng obserbasyon at karanasan, makikita mo na ang pahayag na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao” ay mali, katawa-tawa, at na ito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya. Kapag natuklasan mo ang katunayang ito, at magagamit mo ang mga katunayan para ipakita ang kamalian sa pahayag na ito, ganap mo itong tatalikdan at tatanggihan, at hindi mo na ito gagamitin. Hindi ka pa umaabot sa puntong ito. Bagamat tinanggap mo ang sinabi Ko, kalaunan, kapag naharap ka sa mga sitwasyon, iisipin mo, “Noong panahong iyon ay naisip ko na walang tama tungkol sa pahayag na ‘Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao,’ kaya bakit ngayon ay naiisip ko na medyo tama ito?” Muling nagtatalo ang loob mo at nakararanas ka ng mga kontradiksyon. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Una, kailangan mong baguhin ang iyong pananaw. Bitawan mo ang lahat ng kaisipan at pananaw na nagmumula sa pagkapit sa pahayag na ito. Bitawan mo ang lahat ng kilos na umuusbong sa pahayag na ito. Huwag kang magtuon sa mga tao o bagay. Humarap ka muna sa Diyos sa panalangin, pagkatapos ay hanapin mo ang basehan at mga prinsipyong napapaloob sa mga salita ng Diyos. Sa proseso ng paghahanap, makakamit mo ang kaliwanagan at mauunawaan mo ang katotohanan nang hindi mo namamalayan. Maaaring maging mahirap para sa iyo na mag-isang hanapin ang mga prinsipyo, kaya tipunin mo ang lahat ng may kinalaman sa usapin at sama-sama ninyong hanapin ang basehan at ang mga katotohanang prinsipyo na napapaloob sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay manalangin ka habang nagbabasa, makipaghaginan tungkol sa mga nauugnay na salita ng Diyos, at ikumpara mo ang mga ito. Matapos ikumpara sa mga salita ng Diyos, tanggapin mo ang mga tamang pananaw at kusa mong mabibitawan ang mga mali. Magmula niyan, lutasin mo at harapin ang mga isyu nang ayon sa mga prinsipyong ito. Ano ang tingin mo sa pamamaraang ito? (Mabuti.) Sa proseso ng paghahanap sa katotohanan, ang dapat mong bitawan ay ang mga kilos na umuusbong sa pananaw na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao.” Hanapin mo ang mga nauugnay na salita ng Diyos at lutasin mo at harapin ang mga problema batay sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at paglutas ng mga problema sa ganitong paraan, malulutas ang iyong mga maling pananaw. Kung pangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, ang iyong direksyon at pamamaraan ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay ay magbabago rin nang alinsunod sa mga ito. Bilang resulta, magiging maganda ang direksyon ng pag-usad ng kalalabasan ng usapin. Subalit, ang paggamit ng perspektiba at pananaw na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao” para lutasin ang mga problema at pangasiwaan ang mga bagay-bagay ay magiging sanhi na umusad ang mga ito sa isang mapaminsalang direksyon. Halimbawa, kapag nililihis ng mga anticristo ang mga tao sa iglesia, kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan at magtutuon lang sila sa mga tao at bagay, tatalakayin ang tama at mali, at pananagutin ang mga tao, ang magiging pangwakas na resulta ay na pangangasiwaan ang ilang indibidwal at ituturing na nalutas na ang usapin. Maaaring sabihin ng ilan, “Sinabi Mo na umuusad ito sa isang mapaminsalang direksyon, pero wala naman akong nakitang anumang mapaminsalang resulta. Naitiwalag na ang mga anticristo, kaya hindi ba’t nalutas na ang problema? Nasaan ang mapaminsalang kinalabasan na ito?” Natuto ba ng aral ang lahat mula sa karanasang ito? Naunawaan ba nila ang katotohanan mula rito? Kaya ba nilang makakilala ng mga anticristo? Nauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? Napagtanto ba nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Wala sa mga positibong epektong ito ang nangyari. Sa kabaligtaran, patuloy na namumuhay ang mga tao ayon sa mga satanikong pilosopiya, walang tiwala at nag-iingat sa isa’t isa, at nagpapasahan sila ng responsabilidad. Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, agad nilang pinoprotektahan ang sarili nila, nilalayon lang na mapangalagaan ang sarili. Natatakot silang umako ng responsabilidad at mapangasiwaan. Hindi sila natututo ng anumang aral at hindi sila tumatanggap ng anuman mula sa Diyos, at lalo nang hindi nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos. Lalago ba sa buhay ang mga tao sa ganitong paraan? Sa huli, alam lang ng mga tao ang puwede at hindi nila puwedeng gawin sa harap ng kanilang mga lider, ang dapat sabihin at gawin para mapasaya ang kanilang mga lider, at kung anong mga salita at kilos ang magdudulot na kainisan at ayawan sila ng mga lider nila. Bilang resulta, nag-iingat sa isa’t isa ang mga tao, na nauuwi sa pagiging sarado, pagbabalatkayo, at walang nagtatapat. Dahil sila ay nagiging sarado, nag-iingat, at nagbabalatkayo nang ganito, lumapit na ba ang mga tao sa harapan ng Diyos? Hindi pa. Matapos makaranas ng maraming bagay, natututo ang mga tao na umiwas sa mga sitwasyon, at natatakot silang makipag-ugnayan sa iba at makatagpo ng mga isyu. Sa huli, ganap silang nagiging sarado sa iba, hindi nagtatapat kaninuman, at wala ang Diyos sa puso nila. Ang ganitong pananalig sa Diyos ay ganap na batay sa satanikong pilosopiya. Gaano man karaming karanasan ang pagdaanan nila, hindi nila magagawang matuto ng anumang aral, makilala ang kanilang sarili, lalo na ang maiwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon. Mauunawaan ba nila ang katotohanan at makikilala ba nila ang Diyos sa ganitong paraan? Makararamdam ba sila ng tunay na pagsisisi? Hindi nila ito magagawa. Sa halip, natututo silang mag-ingat sa iba, protektahan ang kanilang sarili, maingat na pagmasdan ang mga salita at ekspresyon ng iba, at kumilos nang depende sa sitwasyon. Natututo silang manlinlang at mas nababasa na nila ang mga tao, at mas napapangasiwaan na nila ang mga pag-aaway at pagtatalo. Kapag nahaharap sa mga isyu, iniiwasan nilang umako ng responsabilidad at sa halip ay ipinapasa nila ito sa iba. Wala na silang anumang relasyon sa Diyos, sa Kanyang mga salita, o sa katotohanan. Napapalayo lang nang napapalayo sa Diyos ang kanilang puso. Hindi ba’t isa itong mapaminsalang pag-usad? (Oo.) Paano nagsimula ang direksyong ito ng mapaminsalang pag-usad? Kung titingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, at aasal at kikilos siya ayon sa mga salita ng Diyos, at gagamitin ang katotohanan bilang kanyang prinsipyo; kung hahanapin nila ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon kapag nahaharap sila sa isang problema, naghahanap ng mga kasagutan mula sa Kanyang mga salita, tinutukoy ang pinag-ugatan ng problema mula sa mga salita ng Diyos at inihahambing ang mga ito, at ginagamit ang Kanyang mga salita upang lutasin ang lahat ng isyu at paghihirap, magbibigay ang mga salita ng Diyos ng isang landas pasulong para hindi siya mahadlangan, matisod, o makulong ang mga tao sa mga bagay na ito. Sa huli ay mauunawaan nila ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na hinihingi ng Diyos sa gayong mga usapin at magkakaroon sila ng landas na tatahakin. Kung ang lahat ng tao ay lalapit sa Diyos kapag naharap sa mga paghamon, tinatanggap ang lahat mula sa Diyos, natututong umasa sa Diyos, at hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo bilang batayan habang naghahanap, mag-iingat pa rin ba sa isa’t isa ang mga tao? Maghahangad pa rin ba ng tama at mali ang sinuman nang hindi hinaharap ang pinag-ugatan ng isyu? (Hindi na nila iyon gagawin.) Kahit pa may isang tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan at naghahangad pa rin ng gayong mga bagay, siya ay naiiba, tinatanggihan ng lahat. Kung kayang tanggapin ng mga tao ang mga bagay mula sa Diyos kapag nakatatagpo nila ang mga ito, uusad ang sitwasyon sa isang mabuting direksyon. Kalaunan ay mauunawaan at malalaman ng mga tao ang mga salita ng Diyos at makakamit nila ang katotohanan. Ang isinasagawa ng mga tao ay ang katotohanan, at ang natatamo nila ay ang tamang mithiin na makamit ang katotohanan at makapagpatotoo sa Diyos. Lalakas ang kanilang pananampalataya, lalaki ang kanilang pagkaunawa sa Diyos, at magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi ba’t isa itong mabuting direksyon ng pag-usad? (Oo.) Ano ang nagdudulot ng gayong mga resulta? Dahil ba ang perspektiba at posisyon ng mga tao sa bawat usapin ay tama at umaayon sa katotohanan? (Oo.) Sa simple at direktang pananalita, ang ibig sabihin ng perspektiba at posisyong ito ay ang pagtanggap ng mga bagay mula sa Diyos, na natural ay nauuwi sa mabuting direksyon ng pag-usad at mabubuting hakbang ng pag-usad, at natural ay natatamo ang resulta na pagkaunawa sa katotohanan at pagkakilala sa Diyos. Subalit, kung hindi tinatanggap ng mga tao ang mga bagay mula sa Diyos kundi sa halip ay hinaharap nila ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng tao at mga satanikong pilosopiya, umaasa pa rin sa satanikong pilosopiya sa pagtingin sa mga usapin at nagtutuon sa mga tao at bagay, magiging mapaminsala ang lahat ng mabubuo. Ang kalalabasan sa huli ay na walang sinuman ang makauunawa sa katotohanan at magtatamo ng mga pakinabang. Ito ang resulta ng hindi pagkaalam kung paano danasin ang gawain ng Diyos. Samakatuwid, sa ilang iglesia ay may hindi pagkakasundo ang ilang taong gumaganap ng mga tungkulin. Palagi silang naghihinala sa isa’t isa, nag-iingat sa isa’t isa, sinisisi ang isa’t isa, nakikipagpaligsahan sa isa’t isa, at nakikipagtalo sa isa’t isa. Palihim silang lumalaban sa kaibuturan ng kanilang puso. Kinukumpirma nito ang isang bagay: Walang sinuman sa grupong ito ang naghahangad sa katotohanan, walang sinuman ang tumatanggap ng mga bagay-bagay mula sa Diyos kapag nahaharap sa mga ito. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya at hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa kabaligtaran, sa ilang iglesia, may ilang tao na, bagamat mababa ang tayog at hindi masyadong nakauunawa sa katotohanan, ay nagagawang tunay na tumanggap ng mga bagay mula sa Diyos sa bawat sitwasyon, malaki man o maliit, at pagkatapos ay magsagawa at dumanas nang ayon sa mga salita ng Diyos, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Bagamat ang mga taong ito na magkakasamang gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay nagsasagutan, nagtatalo, at nagbabangayan kung minsan, may partikular silang atmospera, na hindi makikita sa mga walang pananampalataya. Kapag nagsasama-sama sila para gumawa ng anuman, labis silang nagkakasundo, gaya ng magkakapamilya o magkakamag-anak, nang walang pagkakalayo sa kanilang mga puso, at nagkakaisa sila sa kanilang gawain. Ang presensya ng gayong atmospera ng pagkakasundo ay nagpapakita na ang mga nangangasiwa man lang o ang ilang mahalagang indibidwal ay hinahangad ang katotohanan at pinangangasiwaan nang tama ang mga bagay-bagay kapag nahaharap sa mga problema, at na tunay silang nakapagtamo ng mga resulta sa pagsasakatuparan sa prinsipyo ng “pagtanggap sa lahat ng nagmumula sa Diyos.” Maraming tao ang nananalig sa Diyos, pero dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan o sineseryoso ang mga salita ng Diyos, maraming taon na silang nananalig sa Diyos nang walang buhay pagpasok. Anuman ang mangyari sa kanila, hindi nila tinatanggap ang mga ito mula sa Diyos at sa halip ay palagi silang umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao para tingnan ang mga bagay-bagay. Hindi nila kayang danasin ang gawain ng Diyos. Sa isang iglesia, kung may ilang indibidwal na may espirituwal na pag-unawa at nakikita na maraming bagay ang isinaayos at inorden ng Diyos, kaya nilang umasa sa Diyos, aktibong hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa gayong iglesia, umuusbong ang atmospera ng gawain ng Banal na Espiritu. Tiyak na madarama ng mga tao ang katangi-tangi at kasiya-siyang atmospera na ito ng pagkakasundo, at natural ay nasa pinakamagandang kalagayan ang kanilang pag-iisip. Ang mas partikular pa, mayroong pagkakaunawaan ang mga tao, nagkakaisang hangarin, mithiin, at motibasyon para sa paghahangad sa kaibuturan ng kanilang puso. Dahil dito, kaya nilang magkaisa. Sa gayong iglesia, makararanas ka ng isang partikular na atmospera ng pagkakasundo. Pinupuno ng atmosperang ito ng kumpiyansa ang mga tao at ginaganyakan silang maghangad ng pagsulong. Nararamdaman nilang binibigyang-lakas ang kanilang puso at na para bang mayroon silang hindi nauubos na lakas para gumugol para sa Diyos. Lubhang kasiya-siya ang pakiramdam na ito. Matatamasa ng sinumang dumadalo sa mga pagtitipon sa iglesiang ito ang atmosperang ito at ang pakiramdam ng kumpiyansa. Sa gayong pagkakataon, pakiramdam nila ay namumuhay sila sa yakap ng Diyos, na para bang sila ay nasa Kanyang presensiya araw-araw. Ibang-iba talaga ang karanasang ito. Sa mga iglesia kung saan hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, ang karamihan sa mga tao ay hindi naghahangad sa katotohanan. Hindi nila kayang tumanggap ng mga bagay mula sa Diyos kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, at umaasa sila sa mga pamamaraan ng tao para kontrolin ang lahat ng bagay. Sa gayong kongregasyon, iba ang damdamin sa pagitan ng mga tao at iba rin ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao at ang nabubuong pakiramdam. Hindi mo man lang madarama ang atmospera ng gawain ng Banal na Espiritu o ang atmospera ng pagmamahalan ng bawat isa. Sa halip, ang madarama mo lang ay panlalamig. Ang ibig sabihin, malamig ang mga tao sa isa’t isa. Lahat sila ay nag-iingat sa isa’t isa, nakikipagtalo sa isa’t isa, palihim na nakikipagpaligsahan sa isa’t isa, at nagsisikap na malampasan ang isa’t isa. Walang nagpapasakop sa iba, at sinusupil, ibinubukod, at pinarurusahan pa nga nila ang isa’t isa. Kagaya sila ng mga walang pananampalataya sa lugar ng trabaho, sa mundo ng negosyo, at sa politika, at kaya ikaw ay nasusuklam, napopoot, at natatakot, at wala kang maramdamang seguridad. Kung nararanasan mo ang ganitong mga pakiramdam sa anumang grupo ng mga tao, makikita mo ang katumpakan ng pahayag na, “Nagawa nang labis na tiwali ni Satanas ang sangkatauhan,” at dahil dito ay lalo mong mamahalin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, kapag ang mga tao, si Satanas, ang kaalaman, o ang mga hindi mananampalataya ang naghahari, ganap na naiiba ang atmospera. Dahil dito ay hindi ka magiging komportable at hindi ka magiging masaya, at hindi magtatagal ay mararamdaman mong napipigilan ka at nalulugmok sa depresyon. Nagmumula ang pakiramdam na ito kay Satanas at sa tiwaling sangkatauhan, tumpak iyan. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.
Pagdating sa mga pahayag tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, noong nakaraan ay ibinahagi Ko na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Ngayon, kasunod nito ay magbabahagi Ako tungkol sa “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Gaya ng naunang parirala na “Ang tagumpay at kabiguan ng mga bagay ay nakasalalay sa mga tao” na ibinahagi Ko, malinaw rin na ang pariralang ito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya. Ang pananaw ng mga hindi mananampalataya ay laganap sa mga tao at maririnig saanman. Sa sandaling magsimulang magsalita ang mga tao, natututo sila ng lahat ng uri ng mga kasabihan mula sa mga tao, sa mga hindi mananampalataya, kay Satanas, at sa mundo. Nagsisimula ito sa paunang edukasyon kung saan tinuturuan ang mga tao ng kanilang mga magulang at pamilya kung paano umasal, kung ano ang sasabihin, kung anong wastong asal ang dapat taglayin nila, kung anong uri ng mga kaisipan at karakter ang dapat magkaroon sila, at iba pa. Maging pagkatapos pumasok sa lipunan, hindi namamalayan ng mga tao na tumatanggap pa rin sila ng indoktrinasyon at iba’t ibang doktrina at teorya mula kay Satanas. Ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay ikinikintal ng pamilya o lipunan sa bawat tao bilang isa sa mga wastong asal na dapat taglayin ng mga tao. Kung taglay mo ang wastong asal na ito, sinasabi ng mga tao na ikaw ay marangal, kagalang-galang, may integridad, at na ginagalang at tinitingala ka ng lipunan. Dahil ang pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay nagmumula sa mga tao at kay Satanas, ito ay nagiging bagay na ating sinusuri at kinikilatis, at sa kalaunan pa ay nagiging bagay na ating tinatalikdan. Bakit natin kinikilatis at tinatalikdan ang pariralang ito? Suriin muna natin kung tama ba ang pariralang ito at kung tama ba ang isang taong sumusunod dito. Talaga bang marangal na maging isang taong tinataglay ang moralidad na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Taglay ba ng gayong tao ang katotohanang realidad? Taglay ba niya ang pagkatao at mga prinsipyo sa pag-asal na sinabi ng Diyos na dapat taglayin ng mga nilikha? Nauunawaan ba ninyong lahat ang pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Ipaliwanag muna ninyo sa sarili ninyong mga salita kung ano ang ibig sabihin ng pariralang ito. (Nangangahulugan ito na kapag ipinagkatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, dapat ay ibuhos mo ang buong lakas mo para magawa iyon.) Hindi ba’t dapat ganito ang gawin? Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, hindi ba’t mataas ang tingin niya sa iyo? Mataas ang tingin niya sa iyo, naniniwala siya sa iyo, at iniisip niyang mapagkakatiwalaan ka. Kaya, anuman ang ipagawa sa iyo ng ibang tao, dapat kang pumayag at gawin iyon nang maayos at nang ganap na ayon sa kanilang mga hinihingi, para matuwa sila at masiyahan. Sa paggawa nito, isa kang mabuting tao. Ang implikasyon nito ay na ang tutukoy kung maituturing ka bang isang mabuting tao ay kung masisiyahan ang taong nagkatiwala sa iyo ng isang gawain. Maipapaliwanag ba ito sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t madaling maituring na mabuting tao sa paningin ng iba at kilalanin ng lipunan? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “madali” ito? Ang ibig nitong sabihin ay na napakababa ng pamantayan at talagang hindi marangal. Kung maaabot mo ang pamantayan ng moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” ituturing kang isang taong may wastong asal sa gayong mga bagay. Ang hindi tuwirang ibig sabihin nito ay na karapat-dapat kang pagkatiwalaan ng mga tao, karapat-dapat na ipagkatiwala nila sa iyo ang pangangasiwa sa mga gawain, na isa kang taong may magandang reputasyon, at na isa kang mabuting tao. Iyon ang ibig sabihin ng pahayag na ito. Hindi ba’t ganoon ang iniisip ninyo? Mayroon ba kayong anumang pagtutol sa mga pamantayan ng paghusga at pagsusuri sa pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Kung makapagbibigay kayo ng halimbawa na pinabubulaanan ang pahayag na ito at inilalantad ang panlilinlang na ito, ang ibig sabihin, kung makagagamit kayo ng aktuwal na halimbawa para patunayan na ito ay mali, kung gayon, hindi mapaninindigan ang pahayag na ito. Ngayon, sa teorya, maaaring naniniwala na kayo na tiyak ngang mali ang pahayag na ito dahil hindi ito ang katotohanan at hindi ito nagmumula sa Diyos. Paano kayo makagagamit ng mga katunayan para mabaligtad ang pahayag na ito? Halimbawa, kung masyado kang abala para pumunta sa pamilihan ngayon, puwede mong ipagkatiwala sa kapitbahay mo na gawin ito para sa iyo. Masasabi mo sa kanya kung ano mismo ang pagkaing bibilhin, kung gaano karami ang bibilhin, at kung kailan ito bibilhin. Pagkatapos, mamimili sa pamilihan ang kapitbahay nang ayon sa iyong pakiusap at ihahatid nila ang mga pinamili sa tamang oras. Itinuturing ba itong “paggawa ng lahat ng makakaya niya para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanya ng ibang tao”? Itinuturing ba itong pagkakaroon ng magandang reputasyon? Napakagaan ng gawaing ito. Itinuturing bang pagkakaroon ng mabuting karakter ang magawang tulungan ang isang tao sa pagbili ng isang bagay? (Hindi.) Pagdating naman sa kung gumagawa ba siya ng masasamang bagay o hindi, at kung ano ang karakter niya, may kahit katiting na kinalaman ba ang mga ito sa kakayahan niyang “gawin ang lahat ng makakaya niya para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanya ng ibang tao”? Kung magagawa ng isang tao ang lahat ng makakaya niya para maisakatuparan ang isang maliit na bagay na ipinagkatiwala sa kanya ng ibang tao, taglay ba niya ang pamantayan ng wastong asal? Ang magawa bang maisakatuparan ang gayon kaliit na gawain ay nagpapatunay na siya ay tunay ngang isang taong may wastong asal? Sinasabi ng ilang tao, “Labis na mapagkakatiwalaan ang taong ito. Sa tuwing hinihiling sa kanyang ihatid ang isang bagay, ano man iyon at gaano man iyon karami, palagi siyang bumabalik na dala iyon. Siya ay maaasahan at may wastong asal.” Ganito sila nakikita at nasusuri ng iba. Angkop ba ang gayong pagsusuri? (Hindi iyon angkop.) Magkapitbahay kayong dalawa. Karaniwan na hindi tinatalikdan o pinipinsala ng magkapit-bahay ang isa’t isa dahil regular silang nagkakasalubong. Kung may mga hidwaan, nagiging mahirap na mag-ugnayan kalaunan. Maaaring tinulungan ka ng kapitbahay dahil sa pagsasaalang-alang na ito. Maaari din na hindi abala sa kanya na gawin ang maliit na pabor na ito, na hindi ito mahirap gawin, at na walang nawala sa kanya. Bukod pa rito, nakatulong ito sa kanya na mag-iwan ng magandang impresyon at magtamo ng magandang reputasyon, na kapaki-pakinabang sa kanya. Dagdag pa rito, sa paggawa niya ng maliliit na pabor para sa iyo, hindi ba’t magiging madali para sa kanya na humingi sa iyo ng pabor sa hinaharap? Marahil ay hihingi siya sa iyo ng malaking pabor sa hinaharap, at maoobliga kang gawin iyon. Maaari kayang tinutulutan niya ang sarili niyang magkaroon ng mga pamimilian sa hinaharap? Kapag tinutulungan, pinakikisamahan, at inaasikaso ng mga tao ang isa’t isa, mayroong layunin. Kung ang tingin nila sa iyo ay walang silbi, at hindi sila hihingi sa iyo ng tulong kalaunan, baka hindi ka nila tulungan sa pabor na ito. Posibleng mayroon kang mga kapamilya na mga doktor, abogado, opisyal ng pamahalaan, at mga indibidwal na may katayuan sa lipunan, na kapaki-pakinabang sa taong ito sa kung anong paraan. Maaari ka niyang tulungan para magkaroon siya ng mga pagpipilian. Marahil ay gagamitin ka niya kung saan sa hinaharap, o magiging madali man lang sa kanya na humiram ng mga gamit sa bahay mo. Minsan, ipinagkakatiwala mo sa kanya ang maliliit na pabor at pagkatapos ng ilang araw ay pupunta siya sa bahay mo para manghiram ng mga bagay. Hindi tutulong ang mga tao maliban na lang kung makikinabang sila! Tingnan mo kung paanong noong humingi ka sa kanila ng pabor ay agad silang pumayag, nang may ngiti sa mukha nila, at nang parang hindi na nag-atubili pa; pero ang totoo, maingat silang nagkalkula sa isipan nila, dahil hindi naman simple mag-isip ang sinuman. Minsan, pumunta Ako sa isang lugar para ipaayos ang Aking mga damit. Ang matandang babae na nag-aayos ng mga damit ay may anak na babae na babalik sa kanyang kinalakihang bansa. May kotse ang kapitbahay niya, kaya ipinagkatiwala ng matandang babae sa kapitbahay na ito na ihatid ang anak niya sa paliparan para hindi na nito kakailanganing magbayad para sa taxi. Pumayag ang kapitbahay, at natuwa ang matandang babae. Subalit, hindi ganoon kasimple ang kapitbahay na ito. Ayaw nitong gawin iyon nang libre. Noong sandaling pumayag ito, nanatili ito roon, dahan-dahang inilalabas ang isang damit at sinasabing, “Sa tingin mo ba ay pwedeng maayos ang mga damit ko?” Nagulat ang matandang babae, at para bang sinasabi ng ekspresyon niya na, “Bakit sinasamantala ng taong ito ang gayon kaliit na bagay? Pumayag siya agad, pero ayaw naman pala niyang gawin iyon nang libre.” Mabilis ang naging reaksyon ng matandang babae, sinabi niya pagkaraan ng isa o dalawang segundo, “Sige, ilagay mo iyan diyan, at aayusin ko iyan para sa iyo.” Walang anumang binanggit tungkol sa pera. Tingnan mo kung paanong ang pagsasabi sa isang tao na gawin ang isang simpleng bagay ay nabalanse ng pag-aayos sa isang damit. Hindi ba’t nangangahulugan ito na walang nadedehado? Simple ba ang interpersonal na ugnayan? (Hindi, hindi ito simple.) Walang anuman ang simple. Sa lipunang ito ng mga tao, ang bawat indibidwal ay may transaksiyonal na pag-iisip, at nakikipagtransaksiyon ang lahat. Ang lahat ay may hinihingi sa iba at lahat sila ay gustong makinabang sa ibang tao nang hindi nagdurusa ng anumang kawalan. Sinasabi ng ilang tao, “Sa mga ‘gumagawa ng lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao,’ marami ding hindi naghahangad na makinabang sa ibang tao. Nilalayon lang nilang gawin ang lahat ng kanilang makakaya para maayos na pangasiwaan ang mga bagay-bagay, tinataglay talaga ng mga taong ito ang wastong asal na ito.” Hindi tumpak ang pahayag na ito. Kahit pa hindi sila naghahangad ng kayamanan, mga materyal na pag-aari, o anumang uri ng pakinabang, naghahangad sila ng kabantugan. Ano ba itong “kabantugan”? Ang ibig sabihin nito, “Tinanggap ko ang tiwala ng mga tao na pangasiwaan ang mga pinagagawa nila. Naroroon man o wala ang taong nagtiwala sa akin, hangga’t ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para pangasiwaan ito nang maayos, magkakaroon ako ng magandang reputasyon. Kahit papaano ay malalaman ng ilang tao na isa akong mabuting tao, isang taong may mabuting karakter, at isang taong karapat-dapat na tularan. Maaari akong magkaroon ng puwang sa mga tao at mag-iwan ng magandang reputasyon sa isang grupo ng mga tao. Sulit din ito!” Sinasabi ng ilang tao, “‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,’ at dahil pinagkatiwalaan tayo ng mga tao, naroon man sila o wala, dapat nating pangasiwaan nang maayos ang mga pinagagawa nila at gawin ito hanggang sa matapos. Kahit pa hindi tayo makapag-iwan ng marka sa kasaysayan, kahit papaano ay hindi nila tayo mapipintasan kapag nakatalikod tayo sa pamamagitan ng pagsasabing wala tayong kredibilidad. Hindi natin maaaring hayaan ang mga susunod na henerasyon na makaranas ng diskriminasyon at magdusa ng ganitong uri ng inhustisya.” Ano ang hinahanap nila? Naghahanap pa rin sila ng kabantugan. Labis na pinahahalagahan ng ilang tao ang kayamanan at mga pag-aari, samantalang ang iba naman ay pinahahalagahan ang kabantugan. Ano ang ibig sabihin ng “kabantugan”? Ano ang mga partikular na pagpapahayag ng “kabantugan” sa mga tao? Ito ay ang matawag na mabuting tao at isang taong may mataaas na moralidad, isang huwaran, isang taong matuwid, o isang banal. Mayroon pa ngang ilang tao na, dahil sa isang bagay ay nagtagumpay sila na “gawin ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao” at mayroon silang ganitong uri ng mabuting karakter, ay walang-katapusan silang pinupuri, at nakikinabang sa kanilang kabantugan ang kanilang mga inapo. Kita mo, higit itong may halaga kaysa sa mga pakinabang na nakukuha nila ngayon. Kaya, ang panimulang punto para sa sinumang sumusunod sa diumano’y pamantayan ng moralidad na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay hindi ganoon kasimple. Hindi lamang nila hinahangad na tuparin ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad bilang mga indibidwal, sa halip ay sinusunod nila ito para sa personal na pakinabang o reputasyon, para sa buhay na ito o para sa kabilang buhay. Siyempre, mayroon ding mga taong nagnanais na maiwasang mapintasan kapag nakatalikod sila o na maiwasang magkaroon ng masamang reputasyon. Sa madaling salita, ang panimulang punto para gawin ng mga tao ang ganitong bagay ay hindi simple, hindi talaga ito panimulang punto mula sa perspektiba ng pagkatao, o panimulang punto mula sa responsabilidad sa lipunan ng sangkatauhan. Kung titingnan ito mula sa layunin at panimulang punto ng mga taong gumagawa ng gayong mga bagay, ang mga taong kumakapit sa pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay hindi nagtataglay ng anumang hindi komplikadong layunin.
Kakatapos lang natin suriin ang pahayag tungkol sa wastong asal na, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” mula sa mga layunin at mithiin ng mga tao sa paggawa ng mga bagay at mula sa mga ambisyon at ninanais ng mga tao. Isang aspekto ito. Mula sa isa pang aspekto, ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay may isa pang kamalian. Ano iyon? Itinuturing ng mga tao ang pag-uugaling “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” bilang walang-hanggang marangal, pero hindi nila alam na hindi nila kayang makilatis kung makatarungan ba o hindi ang mga bagay na ipinagkatiwala ng iba. Kung ang ipinagkakatiwala sa iyong gawin ng isang tao ay isang napakakaraniwang bagay, isang bagay na madaling maisakatuparan, isang bagay na hindi karapat-dapat na banggitin, kung gayon ay hindi na isyu rito ang katapatan, dahil kapag pinakikitunguhan at nakakasundo ng mga tao ang isa’t isa, normal lang na pagkatiwalaan ng mga gawain ang isa’t isa. Wala itong kahirap-hirap. Hindi na mahalaga kung marangal ba o mababa ang karakter ng isang tao. Hindi ito umaabot sa ganitong antas. Gayunpaman, kung napakahalaga ang ipinagkakatiwala sa iyo na gawain ng isang tao, kung malaking gawain ito gaya ng isang bagay na may kinalaman sa buhay at kamatayan, kapalaran, o sa kinabukasan, at tinatrato mo pa rin ito bilang isang karaniwang bagay, ginagawa ang lahat ng makakaya mo para pangasiwaan ito nang maayos nang walang pagkilatis, dito maaaring umusbong ang mga problema. Anong uri ng mga problema? Kung ang ipinagkatiwala sa iyong gawain ay nararapat, makatwiran, makatarungan, positibo, at hindi magdudulot ng anumang pinsala o kawalan sa iba o magkakaroon ng anumang negatibong epekto sa sangkatauhan, ang pagtanggap sa gawaing ito at paggawa ng lahat ng iyong makakaya upang matapat itong pangasiwaan ay ayos lang. Isa itong responsabilidad na dapat mong tuparin at isang prinsipyo na dapat mong sundin. Subalit, kung ang tinatanggap mong gawain ay hindi makatarungan at ito ay magdudulot ng pinsala, kaguluhan, pagkawasak, o maging ng kamatayan sa iba o sa sangkatauhan, at ginagawa mo pa rin ang lahat ng iyong makayaya para matapat itong pangasiwaan, ano nga ba ang sinasabi noon tungkol sa iyong karakter? Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Sa paanong paraan ito masama? Sumusunod ang ilang tao sa isang hindi makatarungang tao o nagiging kaibigan nito, at pareho nilang itinuturing ang isa’t isa bilang malapit na kaibigan. Wala silang pakialam kung ang kaibigan bang ito ay mabuti o masama; hangga’t ito ay ipinagkakatiwala sa kanilang gawin ng kanilang kaibigan, gagawin nila ang lahat ng makakaya nila para pangasiwaan ito nang maayos. Kung hihilingin ng kaibigang iyon na patayin nila ang isang tao, papatayin nila iyon, kung hihilingin nito na pinsalain nila ang sinuman, pipinsalain nila iyon, at kung hihilingin nito na wasakin nila ang isang bagay, gagawin nila iyon. Hangga’t isa itong gawain na ipinagkakatiwala sa kanila ng kanilang kaibigan, gagawin nila ito nang walang pagkilatis at nang walang masusing pag-iisip. Naniniwala sila na isinasagawa nila ang pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” Ano ang sinasabi nito tungkol sa kanilang pagkatao at moralidad? Mabuti ba ito o masama? (Masama.) Kahit masasamang tao ay kayang “gawin ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao,” pero ang mga uri ng mga gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao at na ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pangasiwaan nang maayos ay lahat masasama at mga negatibong bagay. Kung ang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao ay ang maminsala ng mga tao, pumatay ng mga tao, magnakaw ng pag-aari ng ibang mga tao, maghiganti, o lumabag ng batas, tama ba iyon? (Hindi, hindi ito tama.) Ang lahat ng ito ay nakapipinsala sa mga tao, ang mga ito ay masasamang gawa at mga krimen. Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang masamang gawain, at sumusunod ka pa rin sa prinsipyo ng tradisyonal na kultura na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” at sasabihin mong, “Dahil pinagkatiwalaan mo ako, nangangahulugan iyon na may tiwala ka sa akin, mataas ang tingin mo sa akin, at tinatrato mo ako bilang kaisa mo, bilang isang kaibigan, at hindi bilang isang tagalabas. Kaya, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala mo sa akin. Sumusumpa ako sa buhay ko na maayos kong pangangasiwaan ang ipinagkakatiwala mo sa akin, at hindi ko kailanman sisirain ang pangako ko,” kung magkagayon, anong uri ng tao ito? Hindi ba’t isa itong labis na masamang tao? (Oo.) Ito ay isang labis na masamang tao. Kaya, paano mo dapat tratuhin ang “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” na uri ng mga bagay-bagay? Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang simpleng gawain, isang bagay na napakakaraniwan sa pakikitungo sa mga tao, kahit pa gawin mo ito, hindi masasabi kung ang karakter mo ay marangal ba o hindi. Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang napakahalaga at napakalaking gawain, kailangan mong kilatisin kung ito ba ay positibo o negatibo, at kung isa itong bagay na magagawa ng iyong kakayahan. Kung isa itong bagay na magagawa mo, gawin mo ang makakaya mo. Kung isa itong negatibong gawain, o isang gawaing labag sa batas, nakapipinsala sa mga interes o buhay ng iba, o makasisira pa nga sa mga oportunidad at kinabukasan ng iba, at sumusunod ka pa rin sa pamantayan ng moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” kung gayon ay isa kang labis na masamang tao. Batay sa mga perspektibang ito, ang prinsipyong dapat sundin ng mga tao kapag tumatanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala sa kanila ay hindi ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Hindi tumpak ang pahayag na ito, may malalaki itong butas at problema at labis nitong nililihis ang mga tao. Matapos tanggapin ang pahayag na ito, maraming tao ang gagamitin ito nang walang tanong-tanong para suriin ang wastong asal ng iba, at siyempre, para sukatin ang kanilang sarili at limitahan ang sarili nilang moralidad. Subalit hindi nila alam kung sino sa mundo ang karapat-dapat na magkatiwala sa iba ng mga gawain, at sobrang kaunti lang ang mga taong nagkakatiwala sa iba ng mga gawain na makatarungan, kapaki-pakinabang sa iba, may halaga, at nagdadala ng kasaganaan sa sangkatauhan. Walang ganito. Kaya, kung ginagamit mo ang pamantayan na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” para sukatin ang kalidad ng moralidad ng isang tao, maliban sa napakaraming pagdududa at problema para makapasa sa pagsisiyasat, nagkikintal din ito sa mga tao ng mga maling konsepto, at ng mga maling prinsipyo at ng maling direksyon sa pagharap sa mga gayong bagay, na nanlilihis, nangpaparalisa, at nagliligaw sa isipan ng mga tao. Kaya, paano mo man suriin o himayin ang pahayag na ito, walang halaga ang pag-iral nito, hindi ito isang bagay na dapat isagawa ng mga tao, at hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao sa anumang paraan.
Ang pariralang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay may isa pang kamalian. Mula sa isa pang perspektiba, para sa masasamang indibidwal na nais na gamitin, manipulahin, at kontrolin ang iba, para sa mga may personal na interes, at para sa mga may katayuan at kapangyarihan sa lipunan, binibigyan sila ng pahayag na ito ng pagkakataon para samantalahin, at ng palusot para gamitin, manipulahin, at kontrolin ang iba. Binibigyan sila nito ng kakayahan na madiskarteng gumamit ng mga tao para pangasiwaan ang mga gawain para sa kanila. Ang mga hindi nangangasiwa ng mga gawain para sa kanila o gumagawa ng lahat ng kanilang makakaya ay tinutukoy bilang mga tao na hindi pwedeng pagkatiwalaan ng iba at na hindi kayang gawin ang lahat ng kanilang magagawa para matapat na mangasiwa ng mga gawain. Binabansagan sila bilang mga indibidwal na nagtataglay ng mababang wastong asal na hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan, na hindi karapat-dapat na pahalagahan o respetuhin, at na mababa ang katayuan sa lipunan. Ang mga gayong tao ay isinasantabi. Halimbawa, kung ipinagkakatiwala sa iyo ng iyong amo ang isang gawain at iniisip mo, “Dahil binanggit ito ng amo ko, kailangan kong pumayag kahit na ano pa ito. Gaano man ito kahirap, kahit pa mangahulugan ito na susuot ako sa butas ng karayom, kailangan ko itong gawin,” kaya pumapayag ka. Sa isang banda, siya ang iyong amo, at hindi ka nangangahas na tumanggi. Sa isa pang banda, madalas ka niyang ginigipit, sinasabing, “Ang mga tao lang na ginagawa ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao ang mabubuting katrabaho.” Maaga pa lang ay ikinintal na niya sa iyo ang konseptong ito, pauna nang itinanim ito sa iyo para maging handa na ang isipan mo. Sa sandaling may hilingin siya sa iyo, alang-alang sa karangalan ay susunod ka at hindi ka makatatanggi; kung hindi, hindi maganda ang kalalabasan mo. Kaya, kailangan mong igugol ang iyong buong lakas para gawin para sa kanya ang mga bagay-bagay. Kahit pa hindi ito madaling pangasiwaan, kailangan mong maghanap ng paraan para magawa ito. Kailangan mong gumamit ng mga kakilala, gumamit ng mga hindi tapat na pamamaraan, at gumastos ng pera para sa mga regalo. Sa huli, kapag natapos na ang gawain, hindi ka pwedeng magbanggit ng perang ginastos o humingi ng anuman. At kailangan mong sabihin, “‘Dapat gawin ng mga tao ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao.’ Mataas ang tingin mo sa akin at pinahahalagahan mo ako, kaya kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko para maayos na pangasiwaan ang gawaing ito.” Ang totoo, ikaw lang ang nakaaalam kung gaano karaming paghihirap at problema ang tiniis mo. Kung magtatagumpay ka sa paggawa nito, sasabihin ng mga tao na mayroon kang marangal na wastong asal. Pero kung mabibigo ka, hahamakin ka ng mga tao, kamumuhian ka nila, at magdurusa ka sa kanilang panlilibak. Saanmang antas ng lipunan o etnikong lahi ka nabibilang, hangga’t may isang taong nagkakatiwala sa iyo ng isang gawain, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo at magsumikap nang todo, at hindi ka maaaring tumanggi. Bakit ganoon? Gaya nga ng sinasabi ng kasabihan, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Dahil tinanggap mo ang ipinagkatiwala ng isang tao, kailangan mo itong matapat na pangasiwaan hanggang sa wakas at tiyakin na matagumpay na matatapos ang gawain, sa kabuuan nito, at na sasang-ayunan ito ng taong iyon, at pagkatapos ay mag-ulat ka sa kanya. Kahit pa hindi siya magtanong tungkol dito, kailangan mong gawin ang lahat sa pangangasiwa nito. Ang ilang tao ay wala namang tunay na relasyon sa iyo, gaya ng malalayong kamag-anak sa angkan mo. Nakikita nila na mayroon kang magandang trabaho sa lipunan o katayuan at katanyagan, o kaunting talento, kaya ipinagkakatiwala nila sa iyo ang ganito o ganyan. Ayos lang bang tumanggi? Ang totoo, ayos na ayos lang iyon, pero dahil sa mga komplikadong relasyon ng mga tao sa lipunan at sa panggigipit ng opinyon ng publiko na naiimpluwensyahan ng ideyang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” kapag hiniling sa iyo ng ganitong uri ng tao na wala ka naman talagang kaugnayan, na gawin mo ang mga bagay-bagay para sa kanya, kailangan mong gawin ang lahat ng iyon. Siyempre, pwede mong piliin na hindi gawin ito. Sa ganitong paraan, isang tao lang ang mapasasama mo ang loob o masisira ang ugnayan mo sa ilang kamag-anak, o baka ibukod ka ng ilang kamag-anak. Pero, ano naman kung ganoon? Ang totoo, hindi iyon mahalaga. Hindi ka namumuhay kasama nila, at wala sa mga kamay nila ang tadhana mo. Kaya bakit hindi ka na lang bastang tumangging gawin iyon? Isa sa mga hindi maiiwasang dahilan ay dahil iginagapos at sinisiil ka ng opinyon ng publiko na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”. Ibig sabihin, sa anumang pamayanan sa lipunan, madalas kang nakukulong sa pamantayan ng moralidad at ng opinyon ng publiko na “gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Ang paggawa mo ng lahat ng makakaya mo para matapat mong pangasiwaan ang mga gawain ay hindi tungkol sa pagtupad ng responsabilidad sa lipunan o pagtupad sa mga tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha. Sa halip, nakukulong ka ng mga pahayag ng pamantayan ng moralidad at ng di-nakikitang mga tanikala ng opinyon ng lipunan. Bakit madali na makulong ka nito? Ang isang aspekto ay dahil hindi mo makita kung tama ba ang mga pahayag na ito tungkol sa moralidad na naipasa mula sa iyong mga ninuno, o kung dapat bang sundin ng mga tao ang mga iyon. Ang isa pang aspekto ay dahil wala kang lakas at tapang na kumawala sa panggigipit ng lipunan at sa opinyon ng publiko na idinulot ng tradisyonal na kulturang ito. Bilang resulta, hindi ka makawala sa mga tanikala nito at sa impluwensya nito sa iyo. Isa pang dahilan ay na sa anumang pamayanan o grupo sa lipunan, gusto ng mga tao na ituring sila ng iba bilang mayroong mabuting karakter, na isang mabuting tao, isang taong maaasahan, mapagkakatiwalaan, at isang taong karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mga gawain. Gusto nilang lahat na magkaroon ng ganoong imahe na nirerespeto at napapaniwala ang iba na mararangal silang indibidwal na gawa sa laman at dugo, na may mga emosyon at may katapatan, at na hindi sila walang puso o dayuhan. Kung gusto mong maging bahagi ng lipunan at matanggap at masang-ayunan nila, kailangan mo munang mahimok silang kilalanin ka bilang isang taong may mabuting karakter, isang tao na may integridad at kredibilidad. Kaya, anuman ang hilingin nila sa iyo, sinusubukan mo ang lahat ng makakaya mo para mapalugod sila, mapasaya sila, at pagkatapos ay matamo mo ang papuri sa pagsasabi nila na isa kang mapagkakatiwalaang tao na may mabuting karakter, at na handa ang mga taong makihalubilo sa iyo. Sa ganitong paraan, nararamdaman mong mahalaga ang iyong presensya. Kung masasang-ayunan ka ng lipunan, ng masa, at ng iyong mga katrabaho at kaibigan, magiging malusog at kasiya-siya ang iyong buhay. Subalit, kung namumuhay ka nang naiiba sa kanila, kung naiiba sa kanila ang iyong mga kaisipan at pananaw, kung naiiba sa kanila ang landas mo sa buhay, kung walang nagsasabi na ikaw ay may mabuting karakter, mapagkakatiwalaan, karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mga bagay-bagay, o may dignidad, at kung tinatalikdan at ibinubukod ka nilang lahat, mamumuhay ka ng isang napakalungkot at nakalulumbay na buhay. Bakit ka nakadarama ng matinding lungkot at pagkalumbay? Ito ay dahil nababawasan ang tiwala mo sa sarili mo. Saan nagmumula ang tiwala mo sa sarili mo? Nagmumula ito sa pagsang-ayon at pagtanggap ng lipunan at ng masa. Kung hindi ka nila tinatanggap ni katiting, kung hindi ka nila sinasang-ayunan, kung hindi ka nila pinupuri o pinahahalagahan, at kung hindi ka nila tinitingnan nang may paghanga, pagkagiliw, o pagrespeto, madarama mong wala kang dignidad sa buhay. Nadarama mong labis kang walang halaga, na walang nakakapansin sa presensya mo. Hindi mo alam kung nasaan ba ang iyong halaga, at sa huli, hindi mo alam kung paano mamuhay. Nagiging ubod ng lungkot at hirap ang iyong buhay. Palagi mong sinusubukan na matanggap ka ng mga tao, na maging bahagi ng masa at ng lipunan. Kaya, ang pagsunod sa pamantayan ng moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay isang napakahalagang bagay para sa sinumang namumuhay sa gayong kapaligiran sa lipunan. Isa rin itong mahalagang pantukoy sa pagsukat ng karakter ng isang tao at kung siya ba ay tinatanggap ng iba. Pero tama ba ang pamantayang ito ng pagsukat? Hinding-hindi. Ang totoo, matatawag pa nga itong katawa-tawa.
May isa pang aspekto sa pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” na kailangang kilatisin. Kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay hindi masyadong kumokonsumo ng iyong oras at enerhiya, at nasa saklaw ito ng iyong kakayahan, o kung mayroon kang tamang kapaligiran at mga kondisyon, kung gayon, dahil sa konsensiya at katwiran ng tao, maaari kang gumawa ng ilang bagay para sa iba sa abot ng iyong makakaya at tumugon sa kanilang mga makatwiran at naaangkop na hinihingi. Subalit, kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay nangangailangan ng marami mong oras at enerhiya, at masyadong kumakain ng iyong oras, hanggang sa puntong dahil dito ay isinasakripisyo mo na ang iyong buhay, at ang iyong mga responsabilidad at obligasyon sa buhay na ito at ang iyong mga tungkulin bilang nilikha ay mawawala na at mapapalitan, ano ang gagawin mo? Dapat kang tumanggi dahil hindi mo ito responsabilidad o obligasyon. Pagdating naman sa mga responsabilidad at obligasyon sa buhay ng isang tao, maliban sa pag-aalaga sa mga magulang at pagpapalaki ng mga anak, at pagtupad sa mga responsabilidad sa lipunan at sa ilalim ng batas, ang pinakamahalagang bagay ay na dapat igugol ang enerhiya at oras, at buhay ng isang tao sa paggawa sa tungkulin ng isang nilikha, sa halip na ang mapagkatiwalaan ng gawain ng sinuman, na kumokonsumo ng kanyang oras at enerhiya. Ito ay dahil nililikha ng Diyos ang isang tao, binibigyan siya ng buhay, at dinadala siya sa mundong ito, at hindi ito para gumawa sila ng mga bagay at tumupad ng mga responsabilidad para sa iba. Ang pinakadapat tanggapin ng mga tao ay ang ipinagkatiwala ng Diyos. Tanging ang ipinagkatiwala ng Diyos ang tunay na ipinagkatiwala, at ang pagtanggap sa ipinagkatiwala ng tao ay hindi pag-aasikaso sa nauukol nilang mga tungkulin. Walang sinumang kwalipikadong humingi sa iyo na igugol mo ang iyong katapatan, enerhiya, oras, o maging ang iyong kabataan at buong buhay para sa gawaing ipinagkakatiwala nila sa iyo. Ang Diyos lamang ang kwalipikadong humingi sa mga tao na gawin nila ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha. Bakit ganoon? Kung ang anumang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay nangangailangan ng maraming oras at enerhiya mo, hahadlangan ka nito sa paggawa ng iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging sa pagtahak sa tamang landas sa buhay. Babaguhin nito ang direksyon at mga mithiin mo sa buhay. Hindi ito isang mabuting bagay, isa itong hindi kanais-nais na bunga. Kung kumokonsumo ito ng maraming oras at enerhiya mo, at ninanakaw pa nito ang iyong kabataan, pinagkakaitan ka ng mga pagkakataong matamo ang katotohanan at ang buhay, ang anumang ipinagkakatiwala na may ganitong kalikasan ay nagmumula kay Satanas at hindi lamang mula sa sinumang indibidwal. Isang paraan pa ito para maunawaan ang usapin. Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawaing kumokonsumo at nagsasayang ng marami mong oras at enerhiya, at nagsasanhi pa nga na isakripisyo mo ang iyong kabataan at ang kabuuan ng iyong buhay, inaagaw ang oras na dapat mong igugol sa paggawa ng iyong tungkulin bilang isang nilikha, maliban sa hindi mo kaibigan ang taong iyon, maituturing pa siyang iyong kaaway at iyong kalaban. Sa iyong buhay, bukod pa sa pagtupad mo ng mga responsabilidad at obligasyon mo sa iyong mga magulang, mga anak, at pamilya na ibinigay sa iyo ng Diyos, ang lahat ng iyong oras at enerhiya ay dapat ialay at igugol sa paggawa ng iyong tungkulin bilang isang nilikha. Walang sinuman ang kwalipikadong kumonsumo o umagaw ng iyong oras at enerhiya, sa pagkukunwaring ipinagkakatiwala na gawin mo ang anuman. Kung hindi mo susundin ang payo at tatanggapin mo ang ipinagkakatiwala ng isang tao, na kumokonsumo ng maraming oras at enerhiya mo, medyo mababawasan ang oras na mayroon ka para sa paggawa ng iyong tungkulin bilang isang nilikha, at baka mawala at makonsumo pa ito. Ano ang ibig sabihin kung pagkakaitan ka ng oras at enerhiya para gawin ang iyong tungkulin? Ang ibig sabihin nito ay na mababawasan ang iyong pagkakataong hangarin ang katotohanan. Kapag nabawasan ang pagkakataong hangarin ang katotohanan, hindi ba’t nangangahulugan din iyon na mas maliit ang pagkakataon mong maligtas? (Oo.) Isa ba itong pagpapala o sumpa para sa iyo? (Isang sumpa.) Walang dudang isa itong sumpa. Gaya ito ng isang babae na may nobyo, at sasabihin sa kanya ng kanyang nobyo, “Pwede kang manalig sa Diyos, pero kailangan mo akong hintayin hanggang sa maging matagumpay, mayaman, at maimpluwensya ako, at hanggang sa kaya na kitang ibili ng kotse, bahay, at ng singsing na may malaking diyamante, pagkatapos ay pakakasalan kita.” Sasabihin ng babae, “Kung gayon sa ilang taon na ito, hindi ako mananalig sa Diyos o gaganap ng aking mga tungkulin. Magsisikap muna ako kasama mo at hihintayin ko na maging mayaman ka, magkaroon ng mataas na posisyon, na matupad mo ang mga kahilingan mo, at pagkatapos niyon ay gagampanan ko ang mga tungkulin ko.” Matalino ba o hangal ang babaeng ito? (Hangal.) Napakahangal niya! Tinulungan mo siyang magtagumpay, maging mayaman at makapangyarihan, at magkaroon ng kasikatan at kayamanan, pero sino ang babawi ng oras na nawala sa iyo? Hindi mo pa natutupad ang tungkulin mo bilang isang nilikha, kaya sino ang babawi para sa kawalang ito; sino ang magbabayad nito? Sa ilang taong ito ng pananalig sa Diyos, hindi mo pa natatamo ang katotohanang dapat mong taglayin, at hindi mo pa natatamo ang buhay na dapat mong taglayin. Sino ang babawi ng katotohanang ito at ng buhay na ito? Nananalig ang ilang tao sa Diyos pero hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa halip, gumugugol sila ng ilang taon ng kanilang oras sa pagtupad sa isang ipinagkatiwalang gawain, kahilingan, o hinihingi ng ibang tao. Sa huli, hindi lamang sila walang natatamo kundi napapalampas din nila ang pagkakataong magawa nila ang kanilang tungkulin para matamo ang katotohanan. Hindi nila natatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos; napakalaki ng naging kawalan, at napakalaki ng naging kabayaran! Hindi ba’t labis na kahangalan ang isuko ang pananalig sa Diyos at paggawa sa tungkulin ng isang nilikha para lamang maiwasan nila na masira ang tiwala ng iba, para magsabi ang mga tao ng mabubuting bagay tungkol sa kanila, at para maituring sila na isang taong may mabuting pagkatao, na maganda ang reputasyon at mapagkakatiwalaan, at para matagumpay na “magawa nila ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao”? Nariyan din ang mga taong sinusubukang magawa ang parehong bagay, pinalulugod ang mga tao sa isang banda habang naglalaan ng kaunting enerhiya sa pagganap ng kaunting tungkulin, at pinalulugod ang iba at kasabay nito ay ninanais na mapalugod ang Diyos. Ano ang nangyayari sa huli? Maaaring mapalugod mo ang mga tao, pero ang tungkulin mo bilang isang nilikha ay hindi natutupad, hindi mo nauunawaan ang katotohanan ni kaunti, at malaki ang nawawala sa iyo! Bagamat nagawa mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang mga bagay-bagay para sa mga tao, bagamat nakatanggap ka ng papuri nang sabihin nilang tinutupad mo ang iyong salita at na isa kang taong may marangal na wastong asal, hindi mo natamo ang katotohanan mula sa Diyos, o nakamit ang pagsang-ayon o pagtanggap ng Diyos. Ito ay dahil ang paggawa mo ng lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang mga bagay-bagay para sa mga tao ay hindi ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi rin ito isang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ang paggawa mo ng lahat ng iyong makakaya para matapat na pangasiwaan ang mga bagay-bagay para sa mga tao ay wala sa tamang landas, hindi ito pag-aasikaso sa iyong nauukol na mga tungkulin, at wala itong anumang halaga o kabuluhan. Hinding-hindi ito isang mabuting gawa na dapat gunitain. Gumugol ka ng maraming enerhiya at oras sa iba, at sa paggawa nito ay hindi ka lamang hindi ginugunita ng Diyos, nawalan ka pa ng pinakamagandang pagkakataon na hangarin ang katotohanan at ng napakahalagang oras para gawin mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Kapag nagbago ka at gusto mo nang hangarin ang katotohanan at gawin nang maayos ang iyong mga tungkulin, matanda ka na, wala ka nang enerhiya, lakas ng katawan, at marami ka nang karamdaman. Sulit ba iyon? Paano mo maigugugol ang sarili mo para sa Diyos? Nakakapagod na gamitin ang natitira mong oras para hangarin ang katotohanan at gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Hindi na kaya ng lakas ng iyong katawan, humihina na ang iyong memorya, at mababa na ang iyong enerhiya. Madalas kang nakakatulog sa mga pagtitipon, at palaging may mga paghihirap at karamdaman ang iyong katawan kapag sinusubukan mong gawin ang iyong mga tungkulin. Sa panahong iyon, pagsisisihan mo iyon. Sa “paggawa mo ng lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” ano ang iyong natamo? Ang pinakamainam mo nang natamo ay kaya mong suhulan ang iba at matamo ang kanilang mga papuri. Pero ano ang silbi ng papuri ng mga tao? Kaya ba nitong katawanin ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi nito kinakatawan ang pagsang-ayon ng Diyos ni katiting. Kung ganoon, walang halaga ang pangungusap na iyon ng papuri mula sa isang tao. Sulit ba na magtiis ng gayon kalaking pasakit para lang magtamo ng papuri habang nawawalan ng pagkakataong maligtas? Kaya, ano ang kailangang maunawaan ng mga tao ngayon? Kung pagkakatiwalaan ka ninuman ng isang gawain, anuman iyon, basta’t wala iyong kinalaman sa paggawa ng iyong tungkulin bilang isang nilikha o sa isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, may karapatan kang tumanggi dahil hindi mo iyon obligasyon, lalo nang hindi mo iyon responsabilidad. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Kung tatanggi ako, sasabihin ng iba na masama ang moralidad ko, o sasabihin nilang hindi ako sapat na mabuting kaibigan o sapat na matapat.” Kung inaalala mo ito, sige gawin mo iyon, at pagkatapos, tingnan mo kung ano ang mga kalalabasan. Mayroon ding mga tao na hindi pa tapos gumawa ng mga bagay-bagay para sa iba at hindi makapagpatuloy na gumawa ng mga bagay-bagay para sa iba dahil gumaganap sila ng kanilang mga tungkulin. Iniisip nila, “Hindi mabuti na iwan ko ang gawaing ito nang hindi pa tapos. Bilang isang tao, dapat ay mayroon akong kredibilidad. Kailangang gawin ng isang tao ang mga bagay-bagay mula simula hanggang katapusan at hindi ang magsimula nang masigasig pero magtapos nang matamlay. Kung ang mga gawaing ipinangako kong gagawin ko para sa iba ay nasa kalahati pa lamang at hindi ko gagawin ang natitira pa, hindi ko ito mapangangatwiranan sa iba, wala itong integridad!” Kung mayroon kang mga gayong kaisipan at hindi mo mapakawalan ang iyong pagpapahalaga sa sarili, pwede kang magpatuloy at gumawa ng mga gawain para sa iba, at kapag natapos ka na ay tingnan mo kung ano ang natamo mo at kung may anumang halaga ba na tuparin mo ang iyong sinabi at magkaroon ka ng ganitong uri ng integridad. Hindi ba’t pag-aantala ito sa isang mahalagang bagay? Kung maaantala nito ang pagganap mo sa iyong mga tungkulin at makaaapekto ito sa pagtatamo mo ng katotohanan, katumbas ito ng pagbubuwis ng iyong buhay, hindi ba? Kung itinuturing mo ang mga pahayag at hinihingi na ito ng wastong asal bilang mas mahalaga kaysa sa paggawa sa iyong tungkulin bilang isang nilikha at sa paghahangad sa katotohanan, hindi mo mapapalaya ang sarili mo sa pagkakakulong at pagkakagapos ng mga pahayag na ito. Kung makikilatis mo ang mga ito at malinaw na makikita ang tunay na diwa ng mga ito, kung makapagpapasya kang talikdan ang mga ito, at hindi mamuhay ayon sa mga bagay na ito, mayroon kang pag-asang makawala sa pagkakakulong at pagkakagapos ng mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal. Mayroon ka ring pag-asa na matupad ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at matamo ang katotohanan.
Pagkatapos ng maraming pagbabahaginan, mayroon na ba kayo ngayong kaunting pagkakilala tungkol sa pahayag at pamantayan ng paghusga sa moralidad ng isang tao na, “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? (Oo.) Bilang pagbubuod, mula sa ilang aspekto natin dapat na kilalanin kung ang pangungusap na ito ay tama ba o mali? Una, malinaw na hindi umaayon ang pahayag na ito sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, at hindi ito isang katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Paano mo dapat harapin ang bagay na ito kung gayon? Sinuman ang nagkakatiwala sa iyo ng isang gawain, mayroon kang karapatang tumanggi at sabihing, “Ayaw kitang tulungan; hindi ako obligadong maging matapat sa iyo.” Kung tinanggap mo noong panahong iyon ang kanyang ipinagkatiwala, pero ngayong nauunawaan mo na ang usapin ay ayaw mo nang tumulong at pakiramdam mo ay walang pangangailangan o obligasyon, doon na nagtatapos ang usaping iyon. Isa ba itong prinsipyo ng pagsasagawa? (Oo.) Maaari kang magsabi ng “hindi” at tumanggi. Pangalawa, ano ang mali sa pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao”? Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang simpleng gawain na madaling gawin, isa lang itong normal na bagay sa pakikipag-ugnayan at pakikitungo ng mga tao. Hindi masasabi kung matapat ka ba o kung mayroon ka bang mabuting pagkatao, hindi ito magagamit bilang pamantayan upang sukatin ang moralidad ng isang tao. Ipinapakita ba ng pagtulong sa isang tao sa isang bagay na napakadaling gawin na may moralidad at kredibilidad ang isang tao? Hindi palagi, dahil maaaring maraming nagawang masamang bagay ang taong iyon na hindi nalalaman ng iba. Kung marami siyang nagawang masama, pero may nagawa siyang bagay na napakadaling gawin para makatulong sa iba, itinuturing ba itong mabuting pagkatao? (Hindi.) Kung gayon, ang halimbawang ito ay pinabubulaanan ang pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Hindi ito tama at hindi ito magagamit na pamantayan para sukatin ang wastong asal ng isang tao. Ito ang paraan para harapin ang ilang ordinaryong bagay. Kaya, paano mo dapat harapin ang ilang espesyal na bagay? Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang espesyal at mahalagang gawain na higit sa iyong mga kakayahan, at ito ay nakakapagod at mahirap para sa iyo at hindi mo ito kayang gawin, maaari kang tumanggi nang hindi bumibigat ang loob mo. Bukod pa rito, kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao na gawin ang isang bagay na hindi makatwiran, na ilegal, o nakapipinsala sa mga interes ng iba, lalo nang hindi mo ito dapat gawin para sa kanya. Kaya, kapag ipinagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, ano ang pangunahing bagay na dapat mong kilatisin? Sa isang banda, kailangan mong kilatisin kung ang ipinagkatiwalang gawain ba ay iyong responsabilidad o obligasyon at kung dapat mo itong tanggapin. Sa isa pang banda, matapos mo itong tanggapin, kung ginagawa mo ba ito o hindi, at kung maayos mo ba itong inaasikaso o hindi, may kinalaman ba rito ang pagiging matapat at ang moralidad ng isang tao? Ito ang pinagtutuunan ng pagkilatis. Ang isa pang aspektong dapat kilatisin ay ang kalikasan ng ipinagkatiwalang gawain, kung ito ba ay makatwiran, legal, positibo, o negatibo. Kikilatisin mo ito sa pamamagitan ng tatlong aspektong ito. Ngayon, pag-isipan at ibuod ninyo ang katatapos lang pagbahaginan at talakayin ninyo ang inyong mga opinyon at pananaw. (Hinggil sa pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” una, hindi obligado ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay para sa iba, pwede silang tumanggi, karapatan ito ng lahat. Pangalawa, kahit pa tanggapin nila ang isang gawaing ipinagkatiwala ng iba, gawin man nila ito o hindi at gawin man nila ito nang maayos o hindi ay walang kinalaman sa kanilang moralidad, at hindi ito magagamit na pamantayan para sukatin ang karakter ng isang tao. Bukod pa riyan, kung ang ipinagkatiwalang gawain sa isang tao ay ilegal at isang krimen, talagang dapat na hindi niya iyon isagawa. Kung gagawin niya iyon, isa iyong paggawa ng kasamaan at mahaharap siya sa kaparusahan. Sa pamamagitan ng mga puntong ito, mapabubulaanan nga natin ang pananaw na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.”) Ang pinakamahalagang punto ay na mali ang pahayag na ito. Saan ito mali? Una, ang prinsipyong itinataguyod nito sa pagtrato at pangangasiwa ng mga gayong bagay ay mali. Bukod pa roon, mali rin na gamitin ang pahayag na ito upang husgahan ang wastong asal ng isang tao. Dagdag pa roon, ang paggamit ng pahayag na ito para sukatin ang wastong asal ng isang tao, para igapos at pigilan siya, para gamitin siya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at para pagbayarin siya ng kanyang oras, enerhiya, at halaga sa pagganap ng mga responsabilidad na hindi niya dapat pasanin o na ayaw niyang pasanin ay isang uri ng pag-agaw ng kontrol at mali rin ito. Ang ilang kamaliang ito ay sapat na para pabulaanan ang halaga at pagiging tama ng pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Ibuod natin ito nang maiksi. Una sa lahat, sinasabi sa mga tao ng pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” kung paano pangasiwaan ang mga gawaing ipinagkatiwala sa kanila. Ipinahihiwatig nito na kapag ipinagkatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, makatwiran man ito o hindi, mabuti man o masama, o positibo man o negatibo, basta’t ipinagkatiwala sa iyo ang gawain, kailangan mong tuparin ang iyong salita. Obligado kang isakatuparan nang maayos at nang kumpleto ang gawain upang mapalugod siya. Ang ganitong uri lang ng tao ang maaaring magkaroon ng kredibilidad. Dahil dito ay isinasakatuparan ng mga tao ang gawain nang walang pagkilatis, na una sa lahat ay isang maling bagay, isang maling bagay na sumasalungat sa mga prinsipyo. Pangalawa, ang pamantayan na kung magagawa ng mga tao na “gawin ang lahat ng makakaya nila para matapat nilang pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa kanila ng ibang tao” ay ginagamit bilang batayan para sukatin ang kanilang wastong asal. Hindi ba’t ang pamantayang ito ng pagsukat ay paggawa ng isa pang pagkakamali? Kung gagawin ng lahat ang lahat ng makakaya nila para matapat na pangasiwaan ang masasama o buktot na mga gawaing ipinagkatiwala sa kanila, hindi ba’t magkakagulo ang lipunang ito? Bukod pa riyan, kung palaging ginagamit ang pahayag na ito bilang pamantayan para sukatin ang wastong asal ng mga tao, likas itong lilikha ng isang kapaligirang panlipunan, opinyon ng publiko, at panggigipit ng lipunan na igapos at limitahan ang kaisipan ng mga tao. Anu-ano ang magiging bunga nito? Dahil sa pag-iral ng pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” at sa presensya ng gayong opinyon ng publiko sa lipunan, sumasailalim ka sa panggigipit ng lipunan at naoobliga kang kumilos nang ganito sa gayong mga sitwasyon. Hindi kusang-loob ang pagkilos mo, wala ito sa saklaw ng sarili mong mga kakayahan, at hindi ito pagtupad sa iyong mga obligasyon. Napipilitan kang gawin ito, at hindi ito hinihingi ng kaibuturan ng iyong puso, at hindi rin ito hinihingi ng normal na pagkatao, at hindi ito hinihingi para mapanatili ang malalapit mong personal na relasyon. Idinudulot ito ng panggigipit ng lipunan, na para na ring pag-agaw ng kontrol sa moralidad. Kung mabibigo kang gawin ang mga gawaing pumayag kang gawin para sa iba, pipintasan ka ng iyong mga magulang, ng iyong pamilya, mga kasamahan, at kaibigan, at sasabihin nilang, “Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Gaya nga ng sinasabi ng kasabihan, ‘Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.’ Dahil pumayag ka, bakit hindi mo iyon ginawa? Kung pumayag ka, dapat ay ginawa mo iyon nang maayos!” Matapos mo itong marinig, pakiramdam mo ay ikaw ang mali, kaya masunurin mong isinasakatuparan ang gawain. Habang ginagawa mo ito, ayaw mo pa rin itong gawin; wala kang kakayahan, at hindi mo ito magawa, pero kailangan mo pa ring magtiis at gawin ito. Sa huli, tinutulungan ka ng buong pamilya mo na gawin ito, at nangangailangan ito ng maraming pera, enerhiya, at pagdurusa at halos hindi pa rin ito natapos. Masaya ang taong nagkatiwala sa iyo, pero labis kang nagdusa sa iyong puso at pagod na pagod ka. Bagamat ginagawa mo ito nang mabigat ang iyong puso at nang umaayaw ang iyong kalooban, hindi ka susuko, at sa susunod na pagkakataong maharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, ganoon na naman ang gagawin mo. Bakit ganito? Dahil gusto mong magkaroon ng respeto sa sarili mo, minamahal mo ang banidad, at kasabay nito, hindi mo makayanan ang panggigipit ng opinyon ng publiko. Kahit pa walang naghahanap sa iyo ng kamalian, pipintasan mo ang iyong sarili, sinasabing, “Hindi ko ginawa ang sinang-ayunan kong gawin para sa iba. Ano ba ang ginagawa ko? Namumuhi pa nga ako sa sarili ko. Hindi ba’t imoral ito?” Maging ikaw ay inaagawan ng kontrol ang sarili mo; nakulong na ba ang iyong isipan? (Oo.) Sa katunayan, walang anumang kinalaman sa iyo ang gawaing iyon. Wala kang natatamong pakinabang o magandang aral sa paggawa niyon. Ganap na ayos lang kung hindi mo iyon gagawin, at iilang indibidwal lang ang pupuna sa iyo. Pero ano bang kaibahan ang magagawa niyon? Hindi niyon mababago ni katiting ang iyong tadhana. Anuman ang hilingin sa iyo ng mga tao, basta’t hindi ito umaayon sa mga hinihingi ng Diyos ay maaari kang tumanggi. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” batay sa tatlong puntong ito, nauunawaan mo ba ang diwa ng pahayag na ito? (Oo.)
Kapag ipinagkatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, anong mga prinsipyo ang dapat mong sundin? Hindi ba’t dapat ay may mga prinsipyo sa pagsasakatuparan nito? Ano ang batayan para dito sa usapin ng katotohanan? Ngayon-ngayon lang, binanggit Ko ang pinakamahalagang punto, na sa buong buhay ng isang tao, maliban sa pagsuporta sa mga magulang, pagpapalaki ng mga anak, at pagtupad ng mga responsabilidad sa lipunan ng isang tao sa loob ng saklaw ng batas, walang obligasyon na tanggapin ang ipinagkatiwala ninuman o na magtrabaho para kaninuman at hindi kailangang mabuhay para sa mga usapin o ipinagkakatiwala ninuman. Ang halaga at kabuluhan ng buhay ng tao ay matatagpuan lamang sa pagganap ng tungkulin ng isang nilikha. Maliban doon, wala ni katiting na kabuluhan ang gumawa ng mga bagay-bagay para kaninuman; lahat ng ito ay walang silbing paggawa. Kaya, ang pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay isang bagay na itinatakda ng mga tao sa mga tao at wala itong kaugnayan sa Diyos. Ang pahayag na ito ay ganap na hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nagmumula ito sa pananamantala sa iyo ng iba, pag-agaw ng kontrol sa iyong moralidad, at pagkontrol at paggapos sa iyo. Wala itong ni katiting na kaugnayan sa ipinagkakatiwala ng Diyos o sa pagganap ng iyong tungkulin bilang isang nilikha. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa mundong ito, sa buong sansinukob, bilang isang nilikha, maliban sa pagiging matapat sa Diyos at sa ipinagkakatiwala ng Diyos, at pagiging matapat sa tungkulin ng isang tao bilang isang tao, walang bagay o tao na karapat-dapat sa iyong katapatan. Malinaw na ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay hindi isang prinsipyo sa pag-asal. Isa itong bagay na mali at lumalabag sa mga prinsipyo. Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, ano ang dapat mong gawin? Kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay isang bagay na madali lang gawin, kung saan kailangan mo lang na magsalita o gumawa ng isang maliit na pagkilos, at nasa sa iyo ang kinakailangang kakayahan, pwede kang tumulong nang mula sa iyong pagkatao at pagmamalasakit; hindi ito itinuturing na mali. Isa itong prinsipyo. Subalit, kung ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ay kokonsumo ng marami mong oras o enerhiya, o kung sasayangin pa nga nito ang malaki-laking bahagi ng iyong oras, may karapatan kang tumanggi. Kahit pa mga magulang mo ito, may karapatan kang tumanggi. Hindi kinakailangan na maging matapat ka sa kanila o na tanggapin mo ang ipinagkakatiwala nila, ito ay iyong karapatan. Saan nagmumula ang karapatang ito? Ito ay ipinagkakaloob sa iyo ng Diyos. Ito ang pangalawang prinsipyo. Ang pangatlong prinsipyo ay na kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang gawain, kahit pa hindi ito kumokonsumo ng maraming oras at enerhiya, pero makagugulo ito o makaaapekto sa pagganap mo ng tungkulin, o makasisira ito sa kagustuhan mong gampanan ang iyong tungkulin pati na rin sa iyong katapatan sa Diyos, dapat mo rin itong tanggihan. Kung ipagkakatiwala sa iyo ng isang tao ang isang bagay na makaaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan, makagagambala at makagugulo sa kagustuhan mong hangarin ang katotohanan at sa bilis ng iyong paghahangad sa katotohanan, at makapagpapasuko sa iyo bago ka pa matapos, lalo mo pa itong dapat tanggihan. Dapat mong tanggihan ang anumang nakaaapekto sa pagganap mo ng tungkulin o sa paghahangad mo sa katotohanan. Karapatan mo ito; may karapatan kang humindi. Hindi kinakailangan na igugol mo ang iyong oras at enerhiya. Pwede mong tanggihan ang lahat ng bagay na walang kabuluhan, halaga, magandang aral, tulong, o pakinabang sa iyong pagganap ng tungkulin, paghahangad sa katotohanan, o kaligtasan. Maituturing ba itong isang prinsipyo? Oo, isa itong prinsipyo. Kaya kung magsusukat kayo ayon sa mga prinsipyong ito, saan maaaring magmula ang mga ipinagkatiwalang gawain na dapat tanggapin ng mga tao sa kanilang buhay? (Mula sa Diyos.) Tama iyan, sa Diyos lamang maaaring magmula ang mga iyon. Ang mga salitang “mula sa Diyos” ay medyo hungkag at abstrakto, kaya ano talaga dapat ang ipinagkatiwalang ito? (Ang gampanan ang aming tungkulin.) Tama iyan, ang ibig sabihin niyon ay ang gampanan ang iyong tungkulin sa iglesia. Imposibleng personal na sabihin sa iyo ng Diyos na, “Ipalaganap mo ang ebanghelyo,” “Pamunuan mo ang iglesia,” o “Gumanap ka ng gawaing pang-teksto.” Imposibleng personal na sabihin ito sa iyo ng Diyos, pero ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang iyong tungkulin sa pamamagitan ng pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay nagmumula sa Diyos at nanggagaling sa Diyos, kaya kailangan pa bang sabihan ka nang personal ng Diyos? Naranasan mo na ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos at mayroon kang mga totoong damdamin. Ang naranasan mo ay may kaugnayan sa gawain ng Diyos, sa katotohanan, at sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ba’t pagganap ito sa tungkulin ng isang nilikha? Ito ay mula sa aspekto ng pagtanggap sa ipinagkatiwala. Sa isa pang banda, bukod sa ipinagkatiwala ng Diyos, wala nang iba pang bagay kung saan dapat maging matapat ang mga tao. Ang Diyos lamang ang karapat-dapat sa hindi natitinag na katapatan; hindi karapat-dapat ang mga tao. Walang sinuman, maging ang iyong mga ninuno, magulang, o nakatataas, ang karapat-dapat. Bakit? Ang pinakamataas na katotohanan ay na ganap na likas at may katwiran na maging matapat sa Lumikha ang mga nilikha. Kailangan ba ninyong suriin ang katotohanang ito? Hindi, dahil ang lahat ng tungkol sa mga tao ay nagmumula sa Diyos, ganap na likas at may katwiran na maging matapat sa Lumikha ang mga nilikha. Isa itong kataas-taasang katotohanan na dapat laging isaisip ng mga tao! Ang pangalawang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao ay na sa pagiging matapat sa Diyos, ang lahat ng natatamo ng mga tao mula sa Diyos ay ang katotohanan, ang buhay, at ang daan. Ang kanilang mga natatamo ay marami at masagana, labis-labis ang bilang, at nag-uumapaw. Kapag natamo ng mga tao ang katotohanan, ang buhay, at ang daan, nagiging mahalaga ang kanilang buhay. Kaya, kapag matapat ka sa Diyos, positibong gagantimpalaan ang iyong oras, enerhiya, at mga isinakripisyo mo, at kailanman ay wala kang pagsisisihan. Hanggang sa kasalukuyan, dalawampu o tatlumpung taon nang sumusunod sa Diyos ang ilang tao, at ang ilan ay tatlo hanggang limang taon o sampung taon nang sumusunod sa Diyos. Naniniwala Ako na ang karamihan sa kanila ay walang pagsisisi at mayroon naman nang natamo. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, habang lalo nilang sinusunod ang Diyos, lalo nilang nadarama na masyadong marami ang kulang sa kanila at na mahalaga ang katotohanan. Tumitindi ang kapasyahan nilang hangarin ang katotohanan, at nadarama nilang masyadong huli na nang tinanggap nila ang Diyos at na kung tinanggap lang sana nila Siya nang mas maaga nang tatlo hanggang limang taon o nang sampung taon, ang daming katotohanan na sana ang nauunawaan nila! Ngayon, nagsisisi ang ilang tao na masyadong huli na nang tinanggap nila ang Diyos, nagsisisi na ilang taon silang nanalig sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan at inaksaya nila ang kanilang oras, at nagsisisi na ilang taon silang nanalig sa Diyos nang hindi maayos na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa madaling salita, gaano katagal man nananalig sa Diyos ang isang tao, lahat sila ay may natatamo at nadarama nila na napakahalagang hangarin ang katotohanan. Ito ang pangalawang katotohanan: na sa pagiging matapat sa Diyos, ang lahat ng natatamo ng mga tao mula sa Diyos ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at maaari silang maligtas, hindi na namumuhay pa sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang pangatlong katotohanan ay na kung kayang matamo ng mga tao ang walang-hanggang katapatan sa Diyos, ano ang kanilang magiging panghuling hantungan? (Ang maligtas at manatili para makapasok sa kaharian ng Diyos.) Kapag sinusunod ng mga tao ang Diyos at sa huli ay inililigtas sila, ang nagiging hantungan nila ay ang hindi maitapon sa kapahamakan at mawasak, kundi ang manatili bilang isang bagong tao, ang makapagpatuloy mabuhay. Kung patuloy na mabubuhay ang mga tao, may pag-asa silang makita ang Diyos. Napakagandang pagpapala nito! Sa usapin ng pagiging matapat sa Diyos, sapat na ba na maunawaan ng mga tao ang tatlong katotohanang ito? (Oo.) Anu-anong pakinabang ang naroroon kung susunod ang mga tao sa iba at magiging matapat sa mga iyon? Kung matapat ka sa iba, sinasabi ng mga tao na mabuti ang iyong moralidad. Mayroon kang magandang reputasyon, at itong maliit na pakinabang lamang ang natatamo mo. Natamo mo ba ang katotohanan at buhay? Hinding-hindi mo ito natatamo. Ano ang maibibigay sa iyo ng sinumang tao kapag matapat ka sa kanya? Ang pinakamalaki na ay na maaari kang makinabang sa pakikihalubilo sa kanya habang mabilis siyang nagtatagumpay sa kanyang propesyon, iyon lang. Ano ang halaga niyon? Hindi ba’t hungkag iyon? Ang mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan ay walang silbi gaano karami man niyon ang matamo mo. Bukod pa roon, kung sumusunod ka sa mga tao at matapat ka sa kanila, maaaring magkaroon ng kahihinatnan. Maaari kang maging isang biktima, isang handog. Kung ang tao na pinapakitaan mo ng katapatan ay hindi tumatahak sa tamang landas, ano ang mangyayari kung susundan mo siya? Tatahak ka ba sa tamang landas? (Hindi.) Kung susundan mo siya, hindi ka rin tatahak sa tamang landas; susundin mo pa nga siya na gumawa ng masama at mapupunta ka sa impiyerno para maparusahan, at pagkatapos ay katapusan mo na. Kung matapat ka sa isang tao, kahit pa gumawa ka ng maraming mabuting gawa, hindi mo matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kung matapat ka sa mga haring diyablo, kay Satanas, o sa mga anticristo, nagiging kasabwat at kampon ka ni Satanas. Ang kalalabasan mo ay maililibing ka katabi ni Satanas, magiging isang handog kay Satanas. Sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng paghiga katabi ng tigre.” Gaano ka man katapat sa mga haring diyablo, sa huli, kapag nagamit ka na nila, lalamunin ka nila at gagawin kang isang biktima. Palaging manganganib ang iyong buhay. Iyan ang tadhana ng pagiging matapat sa mga haring diyablo at kay Satanas. Hindi kailanman ituturo sa iyo ng mga haring diyablo at ni Satanas ang tamang direksyon at layunin para sa buhay mo, at hindi ka gagabayan ng mga ito sa tamang landas sa buhay. Hindi mo kailanman matatamo ang katotohanan o ang buhay mula sa mga ito. Ang magiging pagwawakas ng iyong katapatan sa mga ito ay ang mamatay ka kasama ng mga ito at maging handog ng mga ito, o ang ikulong, lurayin, at lamunin ng mga ito; ang lahat ng ito ay ang pangwakas na resulta ng pagpunta sa impiyerno. Isa itong hindi maipagkakailang katunayan. Kaya, ang sinumang tao, gaano man siya kasikat at katanyag o kabantog na tao, ay hindi karapat-dapat sa iyong katapatan at sa pagsasakripisyo mo ng iyong buong buhay para sa kanya. Siya ay hindi karapat-dapat, at wala siyang kapangyarihan na isaayos o manipulahin ang iyong tadhana. Sapat na ba ang maunawaan ang katotohanang prinsipyong ito para malutas ang mga problema gaya ng pagsunod sa mga tao at pagiging matapat sa mga tao? (Oo.) May tatlong prinsipyo na dapat sundin kapag pinangangasiwaan ang mga gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng iba, at tatlong prinsipyo ang pinagbahaginan tungkol sa halaga at kabuluhan ng katapatan ng mga tao sa Diyos—malinaw ba ninyong nauunawaan ang lahat ng prinsipyong ito? (Oo.) Sa madaling salita, ang layunin ng pagsusuri sa pahayag na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay ang matulungan kayong malinaw na makita na ito ay katawa-tawa at mali para mabitawan ninyo ito. Subalit, hindi sapat na bitawan ito; kailangan din ninyong maunawaan at maintindihan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na dapat taglayin ng mga tao, pati na rin ang mga layunin ng Diyos sa mga gayong bagay. Hinggil sa pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” ang pangunahing laman ay ito na. Sinuri Ko lamang ito mula sa magkakaibang aspekto at pananaw, at pagkatapos ay partikular Akong nagbahagi tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa na ibinunyag ng Diyos sa mga tao, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung anong mga katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao. Pagkatapos maunawaan ang mga puntong ito, dapat ay nauunawaan na ng mga tao ang diwa ng kung paano kilatisin ang pahayag tungkol sa moralidad na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.”
Ang paghihimay sa paksang ito na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” ay napakasimple naman talaga, at madali itong makikilatis at mauunawaan ng mga tao. Ang pariralang ito ay isa ring pahayag na isinusulong ng mga moralista para maparalisa ang mga tao, malihis ang isipan ng mga tao, at magambala ang normal na pag-iisip, at hindi ito batay sa isang normal na konsensiya, katwiran, o mga pangangailangan ng tao. Ang mga gayong ideya ay binuo ng mga diumano’y intelektwal at moralista, na pinalalabas na mabubuti. Hindi lamang walang basehan at walang katuturan ang mga iyon, kundi imoral din ang mga iyon. Bakit ito itinuturing na imoral? Dahil hindi ito nagmumula sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao, hindi ito makakamit sa saklaw ng kakayahan ng tao, at hindi ito isang obligasyon o tungkulin na dapat gampanan ng mga tao. Ginagamit ng mga diumano’y moralistang iyon ang pariralang ito na “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao” bilang pamantayan sa pag-asal na mahigpit nilang iginigiit sa mga tao, at sa gayon ay bumubuo ng isang uri ng kapaligirang panlipunan at opinyon ng publiko. Pagkatapos ay nasusupil ng opinyong ito ng publiko ang mga tao, at napipilitan silang mamuhay nang ganito. Sa ganitong paraan, hindi napapansing nagagapos ng ganitong uri ng satanikong pag-iisip ang mga kaisipan ng mga tao. Sa sandaling magapos ang mga kaisipan ng isang tao, malinaw na nagagapos din ng pahayag na ito at ng opinyon ng publiko ang kanyang mga kilos. Ano ang ibig sabihin ng magapos? Ang ibig sabihin nito ay na hindi maaaring piliin ng mga tao ang gagawin nila, hindi nila malayang masusunod ang mga ninanais at hinihingi ng kalikasan ng tao, at hindi nila masusunod ang mga hinihingi ng kanilang konsensiya at katwiran para magawa ang nais nilang gawin. Sa halip, napipigilan at nagagapos sila ng isang baluktot na kaisipan, ng isang uri ng ideolohikal na teorya at opinyon ng lipunan na hindi kayang matukoy ng mga tao at kung saan hindi sila makawala. Walang kamalayan na namumuhay ang mga tao sa ganitong uri ng panlipunang kapaligiran at atmospera at hindi sila makawala. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila malinaw na maunawaan ang mga pangbabaluktot at mga kamalian sa mga pahayag na ito, at kung hindi nila kayang mapagtanto ang pinsala at mga kalalabasang idinudulot ng mga pahayag na ito na gumagapos sa kanilang mga kaisipan, hindi nila kailanman magagawang makawala sa mga limitasyon, gapos, at panggigipit na idinudulot ng tradisyonal na kultura at opinyon ng lipunan. Makapamumuhay lang sila sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay na ito. Ang dahilan kung bakit namumuhay ang mga tao sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay na ito ay hindi nila alam kung ano ang tamang landas, kung ano ang direksyon at layunin ng kanilang pag-asal, ni ang mga prinsipyo kung paano sila dapat umasal. Likas at pasibo silang nililihis ng iba’t ibang pahayag tungkol sa moralidad na nasa tradisyonal na kultura, inililigaw at kinokontrol ng mga maling teoryang ito. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagiging madali para sa kanila na kilatisin at tanggihan ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito. Hindi na sila nagagapos, naaagawan ng kontrol, o nasasamantala ng opinyon ng publiko, ng atmospera, at kapaligirang panlipunan na nilikha ni Satanas. Sa ganitong paraan, ganap na nagbabago ang direksyon at layunin ng kanilang buhay, at makapamumuhay at makaiiral sila nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos at mga salita ng Diyos. Hindi na sila nalilihis o naigagapos ng iba’t ibang satanikong teorya at ng iba’t ibang maling paniniwala ng tradisyonal na kultura. Kapag ganap na tinatalikdan ng mga tao ang iba’t ibang pahayag sa tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal, iyon ang panahon na ganap nilang mapalalaya ang sarili nila mula sa katiwalian, panlilihis, at paggapos ni Satanas. Sa batayang ito, kapag nauunawaan nila ang katotohanan at kapag nauunawaan nila ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na hinihingi ng Diyos at na ibinibigay Niya sa mga tao, lubusang nagbabago ang kanilang layunin sa buhay at mayroon na silang bagong buhay. Kapag mayroon na silang bagong buhay, isa na silang bagong silang na tao at isa na silang bagong tao. Dahil ang mga kaisipang nasa kanilang isipan ay hindi na puno ng iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na ikinintal sa kanila ni Satanas, at sa halip ay napalitan na ng katotohanan ang mga satanikong bagay na ito, pagkatapos niyon, sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang katotohanan ay nagiging buhay sa kanilang kalooban, ginagabayan at pinamamahalaan kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano sila umasal at kumilos. Tinatahak nila ang tamang landas ng buhay ng tao at nakapamumuhay sila sa liwanag. Hindi ba’t gaya ito ng pagiging muling maisilang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos? Sige, dito natin tapusin ang pagbabahaginan ngayong araw.
Hulyo 2, 2022