Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 13

Sa huling pagtitipon, pangunahin nating pinagbahaginan at sinuri ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” sa tradisyonal na kultura. Ang mga tradisyonal na kultural na mga kasabihan at teorya na ginagamit ni Satanas upang indoktrinahan ang mga tao ay hindi tama, at gayundin ang tila mga importanteng salita na pinapasunod nito sa mga tao. Sa kabaligtaran, nalilihis at naliligaw ang mga tao dahil sa mga ito, at nililimitahan ang kanilang pag-iisip. Sa pamamagitan ng pagtuturo, pagdodoktrina, at pag-iimpluwensya sa masa ng mga maling ideya at pananaw na ito sa tradisyonal na kultura, ang pinakalayunin ay ang ipanatag ang loob nila sa pagpapasakop sa kapangyarihan ng mga naghahari-harian, at maging sa paglilingkod sa mga pinuno nang may katapatan ng mga nagmamahal sa bansa at partido, at ng mga determinadong protektahan ang kanilang tahanan at pangalagaan ang estado. Sapat na ito para ipakita na pinapasikat ng pambansang pamahalaan ang tradisyonal na edukasyong pangkultura upang mapadali ang kontrol ng mga namumuno sa sangkatauhan at sa lahat ng iba’t ibang pangkat etniko, at upang higit na mapatibay ang katatagan ng rehimen ng mga pinuno at ang pagkakaisa at katatagan ng lipunan sa ilalim ng kanilang kontrol. Gaano man pinalalaganap, itinataguyod, at pinapasikat ng mga naghahari-harian ang tradisyonal na edukasyong pangkultura, sa pangkalahatan, ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay nilihis at niligaw ang mga tao, at lubhang ginambala ang kanilang kakayahang makilala ang pagkakaiba ng katotohanan sa kasinungalingan, mabuti sa masama, tama sa mali, at mga positibong bagay mula sa mga negatibong bagay. Masasabi rin na ang mga kasabihang ito sa wastong asal ay ganap na binabaligtad ang itim at puti, pinaghahalo ang katotohanan sa mga kasinungalingan, at nililihis ang pangkalahatang publiko, kaya’t nalilihis ang mga tao ng mga opinyong ito na mula sa tradisyonal na kultura, sa loob ng isang konteksto na hindi nila alam kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung ano ang katotohanan at kung ano ang mga kasinungalingan, kung ano ang positibo at kung ano ang mga negatibo, kung ano ang nagmumula sa Diyos, at kung ano ang nagmumula kay Satanas. Ang paraan kung saan tinutukoy ng tradisyonal na kultura ang lahat ng uri ng bagay at ikinakategorya ang lahat ng uri ng tao bilang mabuti o masama, mabait o masama ay nakagulo, nakalihis at nakaligaw sa mga tao, nililimitahan pa nga ang mga kaisipan ng mga tao sa loob ng iba’t ibang kasabihan sa wastong asal na isinusulong ng tradisyonal na kultura, upang hindi nila mapalaya ang kanilang sarili. Bilang resulta, maraming tao ang kusang nangangako ng katapatan sa mga haring diyablo, nagpapakita ng bulag na debosyon hanggang sa huli at iginagalang ang pangakong iyon hanggang kamatayan. Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang sitwasyong ito, ngunit kakaunting tao lang ang natatauhan. Bagamat sa panahon ngayon ay maraming taong nananampalataya sa Diyos ang nakakakilala sa katotohanan, marami namang hadlang sa kanilang pagtanggap at pagsasagawa rito. Masasabing ang mga hadlang na ito ay pangunahing nagmumula sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, na matagal nang nakaugat sa kanilang puso. Ang mga ito ang unang natutunan ng mga tao at nananatiling nangingibabaw ang mga ito, kinokontrol na ang mga kaisipan ng mga tao, na lumilikha ng napakaraming hadlang at napakalaking pagtutol sa mga tao na tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa gawain ng Diyos. Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, na isa sa mga dahilan ay ang panlilihis at pagtitiwali ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Ang tradisyonal na kultura ay lubhang nakaapekto at nakasagabal sa mga pananaw ng mga tao sa kung paano sukatin ang mabuti at masama, ang katotohanan at mga kasinungalingan, at naging sanhi na magkaroon ang mga tao ng maraming nakalilinlang na kuru-kuro, ideya, at pananaw. Dahil dito, hindi positibong maunawaan ng mga tao ang mga bagay na positibo, maganda at mabuti, ang mga batas ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at ang katunayan na ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay. Sa halip, ang mga tao ay puno ng mga kuru-kuro at ng lahat ng uri ng malabo at hindi makatotohanang ideya. Ito ang mga kahihinatnan ng iba’t ibang ideya na ikinikintal ni Satanas sa mga tao. Mula sa ibang perspektiba, ang lahat ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay mga maling kasabihan na nagtitiwali sa pag-iisip ng mga tao, nakakagulo sa kanilang isipan, at nakakasira sa kanilang normal na proseso ng pag-iisip, na lubhang nakakaapekto sa pagtanggap ng mga tao sa mga positibong bagay at sa katotohanan, at lubha ring nakakaapekto sa tunay na pag-unawa at pag-intindi ng mga tao sa mga batas at tuntunin ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos.

Sa isang aspekto, ang iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay nakagulo sa mga tamang paraan ng pag-iisip kung saan natutukoy ng mga tao ang tama sa mali, at nagagambala din ng mga ito ang kanilang malayang pagpapasya. Bukod dito, dahil sa pagtanggap sa iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal, ang mga tao ay naging mapagpaimbabaw at huwad. Magaling silang magpanggap—kahit hanggang sa puntong tinatawag nilang kabayo ang isang usa, pinagbabaligtad ang itim at puti, at tinatrato ang mga negatibo, pangit, at masamang bagay bilang mga positibo, maganda, at mabuting bagay, at kabaliktaran—at umabot na sila sa punto ng paggalang sa kasamaan. Sa buong lipunan ng tao, anuman ang panahon o dinastiya, ang mga bagay na isinusulong at iginagalang ng mga tao ay karaniwang ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura. Sa ilalim ng matinding epekto ng mga kasabihang ito sa wastong asal, ibig sabihin, sa ilalim ng tumitinding mas malalim at masinsinang indoktrinasyon ng mga kasabihang ito sa wastong asal mula sa tradisyonal na kultura, hindi namamalayang pinanghahawakan ng mga tao ang mga kasabihang ito bilang puhunan ng pag-iral at mga batas ng pag-iral. Buong-buong tinatanggap lang ng mga tao ang mga ito nang walang pagkilatis, tinatrato ang mga ito bilang mga positibong bagay, at bilang isang gumagabay na ideolohiya at pamantayan sa kung paano sila dapat makitungo sa iba, tumingin sa mga tao at bagay, at umasal at kumilos. Tinatrato ng mga tao ang mga kasabihang ito bilang pinakamataas na batas sa kanilang pagkilos sa lipunan, o pagkamit ng katanyagan at prestihiyo, o pagiging iginagalang at nirerespeto. Tingnan ang alinmang grupo sa loob ng alinmang lipunan o bayan, sa alinmang panahon—ang mga taong pinahahalagahan, iginagalang, at ipinapahayag nila bilang pinakamagaling sa sangkatauhan ay ang mga tinatawag lamang ng mga tao na mga moral na halimbawa. Anumang uri ng buhay mayroon ang gayong mga tao na lingid sa kaalaman ng iba, anuman ang mga layunin at motibo ng kanilang mga kilos at kung ano ang diwa ng kanilang pagkatao, paano man talaga sila umaasal at nakikitungo sa iba, at anuman ang diwa ng taong nagpapanggap na may magandang moralidad, walang may pakialam sa mga bagay na ito, ni nagtatangkang magsiyasat pa. Hangga’t sila ay tapat, makabayan, at nagpapakita ng katapatan sa mga namumuno, iniidolo sila ng mga tao at pinupuri ng mga ito, at tinutularan pa nga sila bilang mga bayani, dahil ginagawang basehan ng lahat ang panlabas na wastong asal ng isang tao para husgahan kung mabait ba siya o masama, mabuti o masama, at para sukatin ang kanyang reputasyon. Bagamat malinaw na isinusulat ng Bibliya ang mga kuwento ng ilang sinaunang banal at pantas tulad nina Noe, Abraham, Moises, Job, at Pedro, at ang mga kuwento ng maraming propeta at iba pa, at bagamat maraming tao ang pamilyar sa gayong mga kuwento, wala pa ring bansa, bayan, o grupo ang malawakang nagtataguyod ng pagkatao at moral na katangian ng mga sinaunang banal at pantas na ito—o ng mga halimbawa ng kanilang pagsamba sa Diyos, o maging ng kanilang may-takot-sa-Diyos na puso na ipinakita nila—sa lipunan man, sa buong bayan, o sa mga tao. Walang bansa, nayon, o grupo ang gumagawa nito. Maging sa mga bansa na Kristiyanismo ang relihiyon ng estado, o mga bansang relihiyoso ang karamihan sa populasyon, hindi pa rin binibigyang-diin at iginagalang ang katauhan ng mga sinaunang banal at pantas na ito, o ang kanilang mga kuwento ng pagkatakot at pagpapasakop sa Diyos, gaya ng nakasulat sa Bibliya. Anong isyu ang ipinahihiwatig nito? Ang tiwaling sangkatauhan ay nasadlak na sa punto na ang mga tao ay tutol sa katotohanan, tutol sa mga positibong bagay, at iginagalang ang kasamaan. Kung hindi personal na nagsasalita at gumagawa ang Diyos sa piling ng mga tao, malinaw na sinasabi sa mga tao kung ano ang positibo at kung ano ang negatibo, kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung ano ang maganda at mabuti, at kung ano ang pangit, at iba pa, kung gayon, hindi kailanman makikilala ng sangkatauhan ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, at hindi makikilala ang mga positibong bagay mula sa mga negatibong bagay. Mula pa sa pinagmulan ng sangkatauhan, at maging sa takbo ng pag-unlad ng tao, ang mga gawa at makasaysayang talaang ito ng mga pagpapakita at gawain ng Diyos ay naipasa hanggang sa araw na ito sa ilang bansa at pangkat etniko sa Europa at sa Amerika. Gayunpaman, hindi pa rin matukoy ng mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, o sa pagitan ng magaganda, mabubuting bagay at mga pangit, masasamang bagay. Hindi lamang walang kakayahan ang mga tao na makakilatis, kundi aktibo at kusang-loob din nilang tinatanggap ang lahat ng uri ng pahayag mula kay Satanas, tulad ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal, gayundin ang mga maling depinisyon at konsepto ni Satanas sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay. Ano ang ipinapakita nito? Maipapakita ba nito na ang sangkatauhan ay sadyang walang likas na gawi na kusang matanggap ang mga positibong bagay, o walang likas na gawi na makakilala sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, mabuti at masama, tama at mali, katotohanan at mga kasinungalingan? (Oo.) Sa sangkatauhan, dalawang uri ng bagay ang sabay na nangingibabaw, ang isa ay mula kay Satanas, habang ang isa ay mula sa Diyos. Ngunit sa huli, sa buong lipunan ng tao at sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng sangkatauhan, ang mga salitang binigkas ng Diyos, at lahat ng positibong bagay na itinuturo at ipinapaliwanag Niya sa sangkatauhan ay hindi kayang igalang ng buong sangkatauhan, at hindi man lang maaaring maging karaniwan sa sangkatauhan, ni magdulot ng wastong pag-iisip sa mga tao, o gumabay sa kanila na mamuhay nang normal kasama ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Ang mga tao ay walang kamalay-malay na umiiral sa ilalim ng pag-akay ng iba’t ibang pananalita, ideya, at konsepto ni Satanas, at nabubuhay sa ilalim ng patnubay ng mga maling pananaw na ito. Sa pamumuhay nang ganito, ginagawa nila ito nang hindi pasibo, kundi aktibo. Sa kabila ng ginawa ng Diyos, ang Kanyang mga nagawa sa paglikha at pamumuno sa lahat ng bagay, at ang maraming salita na naiwan ng gawain ng Diyos sa ilang bansa, pati na ang mga depinisyon ng iba’t ibang tao, usapin, at bagay na naipasa hanggang sa kasalukuyan, namumuhay pa rin ang mga tao sa ilalim ng iba’t ibang ideya at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao. Ang iba’t ibang ideya at pananaw na ito na ikinintal at isinulong ni Satanas ay ang mga nakasanayang ideya at pananaw sa buong lipunan ng tao, maging sa mga bansa na kung saan laganap ang Kristiyanismo. Samantala, gaano man karaming positibong pahayag, positibong ideya at pananaw, at positibong depinisyon ng mga tao, usapin, at mga bagay ang iniiwan ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng paggawa ng Kanyang gawain, umiiral lamang ang mga ito sa ilang sulok, o mas malala pa, pinananatili lamang ang mga ito ng kakaunting bilang ng mga tao sa mga minoryang pangkat etniko, at nananatili lamang sa mga labi ng ilang tao, ngunit hindi kusang matatanggap ng mga tao bilang mga positibong bagay na gagabay at aakay sa kanila sa buhay. Kung huhusgahan mula sa paghahambing ng dalawang uri ng bagay na ito, at mula sa magkakaibang saloobin ng sangkatauhan sa mga negatibong bagay mula kay Satanas at sa iba’t ibang positibong bagay mula sa Diyos, ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng mga kamay ng masama. Ito ay isang katunayan, at maaaring patunayan nang may katiyakan. Ang katunayang ito ay pangunahing nangangahulugan na ang mga kaisipan, paraan ng pag-iisip, at paraan ng pakikitungo ng mga tao sa mga tao, usapin, at bagay ay lahat nakokontrol, naiimpluwensyahan, at namamanipula ng iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas, at nililimitahan pa nga ng mga ito. Sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng tao, nasaang yugto man o panahon—maging ito man ay medyo atrasadong panahon, o maunlad na ekonomiya sa kasalukuyang panahon—at anuman ang rehiyon, nasyonalidad, o pangkat ng mga tao, mga paraan ng pag-iral ng sangkatauhan, mga pundasyon ng pag-iral, at mga pananaw sa pagharap sa mga tao, usapin, at bagay ay lahat nakabatay sa iba’t ibang ideya na ikinintal ni Satanas sa mga tao, sa halip na sa mga salita ng Diyos. Ito ay isang napakalungkot na bagay. Pumaparito ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain at iligtas ang sangkatauhan sa isang sitwasyon kung saan labis na tiniwali ni Satanas ang mga tao, at kung saan ang kanilang mga kaisipan at pananaw, pati na rin ang kanilang mga paraan ng pagtingin sa lahat ng uri ng tao, usapin, at bagay, at ang kanilang mga paraan ng pamumuhay at pakikitungo sa mundo, ay ganap na nalimitahan ng mga ideya ni Satanas. Maaaring maisip ng isang tao kung gaano kahirap ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan sa loob ng gayong konteksto. Anong uri ng konteksto ito? Ang konteksto na kung saan pumaparito Siya upang gawin ang Kanyang gawain ay isang konstekto kung saan matagal nang tuluyang pinuno at nilimitahan ng mga satanikong pilosopiya at lason ang puso at isipan ng mga tao. Hindi Siya pumarito upang gawin ang Kanyang gawain sa loob ng isang konteksto kung saan ang mga tao ay walang anumang ideolohiya, o anumang pananaw sa mga tao, usapin, at bagay, kundi sa loob ng isang konteksto kung saan ang mga tao ay may mga paraan ng pagtingin sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay, at kung saan ang mga paraan ng pagtingin, pag-iisip, at pamumuhay na ito ay lubhang nilihis at niligaw ni Satanas. Ibig sabihin, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain at iligtas ang sangkatauhan sa loob ng konteksto kung saan ganap nang tinanggap ng mga tao ang mga ideya at pananaw ni Satanas, at sila ay puno, puspos, iginapos, at kontrolado ng mga satanikong ideya. Ito ang uri ng mga tao na inililigtas ng Diyos, na nagpapakita kung gaano kahirap ang Kanyang gawain. Nais ng Diyos na ang gayong mga tao na napuspos at nalimitahan ng mga satanikong ideya ay muling makakilala at makatukoy sa kaibahan ng mga positibo at negatibong bagay, kagandahan at kapangitan, tama at mali, katotohanan at masamang kamalian, at sa wakas ay makaabot sa puntong magawa na nilang kasuklaman at tanggihan mula sa kaibuturan ng kanilang puso ang lahat ng iba’t ibang ideya at maling paniniwala na ikinintal ni Satanas, at sa gayon ay tanggapin ang lahat ng tamang pananaw at tamang paraan ng pamumuhay na nagmumula sa Diyos. Ito ang tiyak na kahulugan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan.

Sa anumang panahon ng sangkatauhan, o anong yugto ng pag-unlad ang narating ng lipunan, o kung ano ang pamamaraan ng pamamahala ng mga namumuno—maging ito ay isang pyudal na diktadurya o isang demokratikong sistemang panlipunan—wala sa mga bagay na ito ang nakapagpapabago sa katunayan na laganap sa lipunan ng tao ang iba’t ibang teorya ng ideolohiya at kasabihan tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas. Mula sa pyudal na lipunan hanggang sa modernong lipunan, bagamat ang saklaw, mga gumagabay na prinsipyo at pamamaraan ng pamamahala ng mga namumuno ay paulit-ulit na nagbabago, at ang bilang ng iba’t ibang pangkat etniko, lahi, at iba’t ibang komunidad ng pananampalataya ay patuloy ding nagbabago, ang lason ng iba’t ibang kasabihan sa tradisyonal na kultura na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay laganap pa rin at kumakalat, malalim na nag-uugat sa mga kaisipan ng mga tao at sa kaloob-looban ng kanilang kaluluwa, kinokontrol ang kanilang mga pamamaraan ng pag-iral, at iniimpluwensyahan ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa mga tao, usapin at bagay. Mangyari pa, ang lason na ito ay lubhang nakakaapekto rin sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos, at malubhang sumisira sa kahandaan at pananabik ng sangkatauhan na tanggapin ang katotohanan at ang pagliligtas ng Lumikha. Samakatuwid, ang mga tipikal na kasabihan tungkol sa wastong asal na nagmula sa tradisyonal na kultura ay palagi nang kinokontrol ang pag-iisip ng mga tao sa buong sangkatauhan, at ang nangingibabaw na posisyon at papel ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi kailanman nagbago sa anumang panahon o kontekstong panlipunan. Sa anong panahon man naghahari ang isang namumuno, o kung siya man ay masipag o atrasado ang pananaw, o kung ang kanyang pamamaraan ng pamamahala ay demokratiko man o diktatoryal, wala sa mga ito ang makapipigil o makapapawi sa panlilihis at kontrol na ginagawa ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Anuman ang panahon sa kasaysayan, o sa alinmang pangkat etniko, o gaano man umusad o nagbago ang pananampalataya ng tao, at gaano man umusad at nagbago ang mga tao pagdating sa kanilang pag-iisip tungkol sa buhay at mga kalakaran sa lipunan, ang impluwensya na mayroon ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura sa pag-iisip ng tao ay hindi kailanman nagbago, at hindi kailanman humina ang epekto nito sa mga tao. Mula sa pananaw na ito, masyadong nalimitahan ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ang pag-iisip ng mga tao, lubhang nakakaapekto hindi lamang sa relasyon sa pagitan ng mga tao, kundi pati na rin sa mga saloobin ng mga tao sa katotohanan, at lubhang nakakaapekto at nakakasira sa relasyon sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha. Siyempre, masasabi rin na ginagamit ni Satanas ang mga ideya ng tradisyonal na kultura upang akitin, ilihis, gawing mapurol, at limitahan ang sangkatauhan na nilikha ng Diyos, at ginagamit ang mga pamamaraang ito upang agawin ang mga tao mula sa Diyos. Kung mas malawak na napapalaganap sa sangkatauhan ang mga ideya ng wastong asal sa tradisyonal na kultura, at kung mas malalim na nag-uugat ang mga ito sa puso ng mga tao, mas mapapalayo ang mga tao sa Diyos, at mas magiging mailap ang kanilang pag-asa na mailigtas. Pag-isipan ito, bago inakit ng ahas sina Adan at Eba na kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman sa kabutihan at kasamaan, naniwala sila na ang Diyos na si Jehova ang kanilang Panginoon at ang kanilang Ama. Ngunit nang inakit ng ahas si Eba sa pagsasabing, “Tunay bang sinabi ng Diyos, ‘Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?’” (Genesis 3:1), at “Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagkat talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama” (Genesis 3:4–5), nagpaakit sina Adan at Eba sa ahas, at mabilis na nagbago ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Anong uri ng pagbabago ang naganap? Hindi na sila humarap sa Diyos nang hubo’t hubad, kundi naghanap sila ng mga bagay na maipantatakip at maipangkukubli nila sa kanilang sarili, at iniwasan nila ang liwanag ng presensya ng Diyos; nang hanapin sila ng Diyos, pinagtaguan nila Siya at hindi na nakipag-usap sa Kanya nang harapan tulad ng dati. Ang pagbabagong ito na naganap sa relasyon nina Adan at Eba sa Diyos ay hindi dahil sa kinain nila ang bunga mula sa punungkahoy ng kaalaman sa kabutihan at kasamaan, kundi dahil ang mga salitang binigkas ng ahas—si Satanas—ay nagkintal ng maling uri ng pag-iisip sa mga tao, inaakit at inililihis sila na magduda sa Diyos, lumayo sa Kanya, at magtago mula sa Kanya. Kaya, ayaw na ng mga tao na direktang makita ang liwanag ng presensya ng Diyos, at ayaw na nilang lumapit sa Kanya nang walang katakip-takip, at nagkaroon ng pagkakalayo sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Paano nangyari ang pagkakalayong ito? Hindi dahil sa mga pagbabago sa kapaligiran, o dahil sa paglipas ng panahon, kundi dahil nagbago ang puso ng mga tao. Paano nagbago ang puso ng mga tao? Ang mga tao mismo ay hindi nagkusang magbago. Sa halip, ito ay dahil sa mga salitang binigkas ng ahas, na lumikha ng gulo sa ugnayan ng mga tao sa Diyos, inilalayo sila sa Diyos at tinutulak silang iwasan ang liwanag ng presensya ng Diyos, iwasan ang Kanyang pangangalaga, at pagdudahan ang Kanyang mga salita. Ano ang mga kahihinatnan ng gayong pagbabago? Ang mga tao ay hindi na tulad ng dati, hindi na masyadong dalisay ang kanilang puso at pag-iisip, at hindi na nila itinuring ang Diyos bilang Diyos at bilang ang Nag-iisang pinakamalapit sa kanila, bagkus ay pinagdudahan at kinatakutan Siya, at kaya nilayuan nila ang Diyos at nagkaroon sila ng mentalidad na gustong magtago mula sa Diyos at lumayo sa Kanya, at ito ang simula ng pagbagsak ng sangkatauhan. Ang simula ng pagbagsak ng sangkatauhan ay nagmula sa mga salitang binigkas ni Satanas, mga salitang nakakalason, nakakaakit, at nakaliligaw. Ang mga kaisipang ikinintal sa mga tao ng mga salitang ito ay nagdulot sa kanila na mag-alinlangan, magkamali ng pagkaunawa, at maghinala sa Diyos, na naglalayo sa kanila sa Diyos upang bukod sa ayaw na nilang harapin ang Diyos, gusto rin nilang magtago mula sa Diyos, at ayaw pa ngang maniwala sa sinabi Niya. Ano ang sinabi ng Diyos tungkol dito? Sinabi ng Diyos: “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka” (Genesis 2:16–17). Samantala, sinabi ni Satanas na ang mga taong kumain ng bunga mula sa puno ng kaalaman sa kabutihan at kasamaan ay hindi naman agad na mamamatay. Dahil sa mapanlihis na mga salitang sinabi ni Satanas, nagsimulang pagdudahan at itatwa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ibig sabihin, bumuo ang mga tao ng mga opinyon tungkol sa Diyos sa puso nila, at hindi na sila kasingdalisay ng dati. Dahil sa mga opinyon at pag-aalinlangan na mayroon ang mga tao, hindi na sila naniwala sa mga salita ng Diyos, at tumigil na sa paniniwalang ang Diyos ang Lumikha at na mayroong hindi maiiwasang ugnayan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, at tumigil pa nga sila sa paniniwala na kayang protektahan at pangalagaan ng Diyos ang mga tao. Mula sa sandaling huminto silang paniwalaan ang mga bagay na ito, ayaw na ng mga tao na tanggapin ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at talagang ayaw na rin nilang tumanggap ng anumang salita mula sa Diyos. Ang pagbagsak ng sangkatauhan ay nagsimula bilang resulta ng mga mapang-akit na salita ni Satanas, at nagsimula sa isang ideya at pananaw na ikinintal ni Satanas sa mga tao. Siyempre, nagsimula rin ito bilang resulta ng pang-aakit, panliligaw, at panlilihis ni Satanas sa mga tao. Ang ideya at pananaw na ito na ikinintal ni Satanas sa mga tao ay nag-udyok sa kanila na tumigil sa pananalig sa Diyos o sa Kanyang mga salita, at naging sanhi ito para magduda rin sila sa Diyos, magkamali ng pagkaunawa sa Kanya, maghinala sa Kanya, magtago mula sa Kanya, lumayo sa Kanya, itatwa ang Kanyang sinabi, itatwa ang Kanyang mismong identidad, at itanggi pa nga na ang mga tao ay nagmula sa Diyos. Ganito inaakit at tinitiwali ni Satanas ang mga tao nang hakbang-hakbang, ginagambala at sinisira ang kanilang relasyon sa Diyos, at hinahadlangan din ang mga tao na lumapit sa Diyos at tumanggap ng anumang salita mula sa Kanya. Patuloy na ginagambala ni Satanas ang kahandaan ng mga tao na hanapin ang katotohanan at tanggapin ang mga salita ng Diyos. Dahil walang kapangyarihang labanan ang iba’t ibang pananalita ni Satanas, hindi namamalayang nanghihina ang mga tao dahil sa mga ito at nilalamon sila ng mga ito, at sa huli ay nabubulok sila hanggang sa puntong nagiging mga kaaway at kalaban sila ng Diyos. Ito ang pangunahing epekto at pinsala ng mga kasabihan ng wastong asal sa sangkatauhan. Siyempre, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa mga bagay na ito, hinihimay din natin ang ugat ng mga ito, upang magkaroon ang mga tao ng pundamental na pagkaunawa sa kung paano tinitiwali ni Satanas ang sangkatauhan at kung anong mga pamamaraan ang ginagamit nito. Ang mga pangunahing taktika ni Satanas sa pagtitiwali sa sangkatauhan ay ang puntiryahin ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, sirain ang relasyon ng mga tao sa Diyos, at unti-unting ilayo sila sa Diyos nang hakbang-hakbang. Noong una, pagkarinig ng mga tao sa mga salita ng Diyos, pinaniwalaan ng mga tao na tama ang mga ito, at nais nilang kumilos at magsagawa alinsunod sa mga ito. Sa sitwasyong ito ginamit ni Satanas ang lahat ng uri ng ideya at salita upang unti-unting sirain at tibagin ang kakaunting pananampalataya, determinasyon, at mithiin na mayroon ang mga tao, kasama ang ilang bahagyang positibong bagay at positibong hangarin na pinanghawakan nila, pinapalitan ang mga ito ng sarili nitong mga kasabihan, at ng mga depinisyon, opinyon, at kuru-kuro nito sa iba’t ibang bagay. Sa ganitong paraan, hindi namamalayan ng mga tao na nakokontrol sila ng mga ideya ni Satanas, at sila ay nagiging mga bihag at alipin nito. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganito nga.) Sa kasaysayan ng sangkatauhan, kapag mas malalim at kongkretong tinatanggap ng mga tao ang mga ideya ni Satanas, nagiging mas malayo ang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos, at kaya, ang mensaheng “ang mga tao ay nilikha at ang Diyos ang Lumikha” ay lalong nagiging malayo sa mga tao, at hindi na pinaniniwalaan at kinikilala ng maraming tao. Sa halip, ang mensaheng ito ay itinuturing na isang sabi-sabi at isang alamat, isang hindi umiiral na katunayan, at isang masama at maling paniniwala, at kinokondena pa nga bilang maling pananampalataya ng ilang tao sa lipunan ngayon. Hindi maitatangging lahat ito ay resulta at epekto ng iba’t ibang masama at maling paniniwala ni Satanas na malawak na naipalaganap sa sangkatauhan. Kung tutuusin, sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng tao, sa ilalim ng pagkukunwari ng paggawa ng mga positibong bagay tulad ng pagtuturo sa mga tao, pag-aayos sa kanilang mga salita at kilos, at iba pa, hinatak ni Satanas ang sangkatauhan nang hakbang-hakbang sa kailaliman ng kasalanan at kamatayan, inilalayo ang sangkatauhan sa liwanag ng presensya ng Diyos, malayo sa Kanyang pangangalaga at proteksyon, at malayo sa Kanyang pagliligtas. Itinatala ng Lumang Tipan ng Bibliya ang mga ulat ng mga mensahero ng Diyos na dumarating para makipag-usap sa mga tao at manirahan kasama nila, ngunit huminto na ang mga bagay na iyon sa nakalipas na 2,000 taon. Ang dahilan nito ay na, sa gitna ng buong sangkatauhan, wala nang katulad pa sa mga sinaunang banal at pantas na nakatala sa Bibliya—gaya ni Noe, Abraham, Moises, Job, o Pedro—at ang buong sangkatauhan ay napuno at nagapos na ng mga ideya at pananalita ni Satanas. Ito ang totoo.

Katatapos lang nating pagbahaginan ang isang aspekto ng diwa ng mga kasabihan sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, at ito rin ang nagmamarka, nagpapatunay, at sumisimbolo sa pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Kung titingnan ito mula sa diwa ng mga isyung ito, ang lahat ng tao, nang walang eksepsyon—sila man ay maliliit na bata o matatanda, o anumang uri sa lipunan ang ginagalawan nila, o anumang sirkumstansiyang panlipunan ang pinanggagalingan nila—ay nalilimitahan ng iba’t ibang pahayag ni Satanas, anuman ang lalim ng mga ito, at ganap na namumuhay sa isang pag-iral na puno ng mga satanikong ideya. Siyempre, ano ang hindi maikakailang katunayan? Na si Satanas ay ginagawang tiwali ang mga tao. Ang tinitiwali nito ay hindi ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng mga tao, kundi ang kanilang mga pag-iisip. Ang pagtitiwali sa pag-iisip ng mga tao ay nag-uudyok sa lahat ng sangkatauhan na sumalungat sa Diyos, upang ang mga taong nilikha Niya ay hindi makasamba sa Kanya, at sa halip ay gumamit ng lahat ng uri ng ideya at pananaw mula kay Satanas para maghimagsik laban sa Diyos, at para labanan, ipagkanulo, at tanggihan Siya. Ito ang ambisyon at tusong pakana ni Satanas, at siyempre ito ang tunay na mukha ni Satanas, at ganito tinitiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Gayunpaman, ilang libong taon man nang ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, o gaano karaming katunayan ang tumutukoy sa pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan, o gaano kabaluktot at kakakatwa ang iba’t ibang ideya at pananaw na ginagamit nito upang gawing tiwali ang sangkatauhan, at kung gaano kalalim na nalilimitahan ang mga kaisipan ng tao dahil sa mga ito—sa madaling salita, sa kabila ng lahat ng ito, kapag pumarito ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga tao, at kapag ipinahayag Niya ang katotohanan, kahit pa namumuhay ang mga tao sa gayong konteksto, maaari pa rin silang agawin ng Diyos mula sa kapangyarihan ni Satanas, at maaari pa rin silang malupig ng Diyos. At siyempre, maaari pa ring maipaunawa ng Diyos sa mga tao ang katotohanan sa Kanyang pagkastigo at paghatol, maipaalam ang diwa at katotohanan ng kanilang katiwalian, maipawaksi ang kanilang mga satanikong disposisyon, mapagpasakop sila sa Kanya, at himukin silang katakutan Siya at iwasan ang kasamaan. Ito ang pinal na resulta na hindi maiiwasang makamit, at isa ring kalakaran kung saan ang 6,000-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay tiyak na matutupad, at kung saan magpapakita ang Diyos sa lahat ng bansa at tao sa Kanyang kaluwalhatian. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Tinutupad ng Diyos ang Kanyang sinasabi, at matutupad ang Kanyang salita, at kung ano man ang Kanyang natutupad ay mananatili magpakailanman.” Totoo ang pangungusap na ito. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.) Ito ay isang katunayan na tiyak na mangyayari. Dahil ang huling yugto ng gawain ng Diyos ay ang gawain ng pagbibigay ng katotohanan at buhay sa sangkatauhan. Sa maikling panahon lamang ng mahigit tatlumpung taon, napakaraming tao ang lumapit sa Diyos, nalupig Niya, at ngayon ay sumusunod sa Kanya nang may di-natitinag na kapasyahan. Ayaw nila ng anumang pakinabang mula kay Satanas, handa silang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at ang Kanyang pagliligtas, at lahat ay handang akuing muli ang kanilang posisyon bilang mga nilikha at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Lumikha. Hindi ba’t ito ay isang tanda ng pagkakatupad ng plano ng Diyos? (Oo.) Ito ay isang naitatag nang katunayan at isa ring katunayan na nangyari na, at siyempre ito ay isang bagay na nangyayari ngayon at nangyari na noon. Paano man ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, o anumang paraan ang ginagamit nito, palaging mayroong mga paraan ang Diyos upang bawiin ang mga tao mula sa kapangyarihan ni Satanas, inililigtas Niya sila, ibinabalik sila sa harapan Niya, at ipinapanumbalik ang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Lumikha. Ito ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at maniwala ka man o hindi, darating ang araw na iyon sa malao’t madali.

Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” at gumugol ng ilang oras sa pagsusuri at paglalantad ng mga hinihingi, ekspresyon, at mga ideya at pananaw na likas sa kasabihang ito, at nagkaroon ng partikular na pagkaunawa ang mga tao sa diwa nito. Siyempre, pagdating sa mga paksang may kinalaman sa aspektong ito, nagbahaginan din tayo sa kung ano talaga ang layunin ng Diyos, kung ano ang Kanyang saloobin, kung ano ang mga katotohanang kasama nito, at kung paano dapat tingnan ng mga tao ang kamatayan. Matapos maunawaan ang katotohanan at ang layunin ng Diyos, sa tuwing mahaharap ang mga tao sa mga gayong bagay, dapat nilang tingnan ang gayong mga isyu ayon sa mga salita ng Diyos at pangasiwaan ang mga ito ayon sa katotohanan, upang matugunan nila ang mga hinihingi ng Diyos. Higit pa rito, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na binanggit natin noong huli—“Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito”—ay masyadong mababaw, at walang lalim, kaya hindi na ito karapatdapat na suriin pa. Ang susunod na kasabihan tungkol sa wastong asal na ating pagbabahaginan, “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay karapatdapat na suriin. Ang mga bagay na karapatdapat na suriin ay may partikular na puwang sa mga kaisipan at kuru-kuro ng mga tao. Sa isang partikular na panahon, iimpluwensyahan ng mga ito ang pag-iisip ng mga tao, ang kanilang paraan ng pag-iral, ang kanilang landas, at siyempre ang kanilang mga pagpapasya. Ito ang kahihinatnan na natatamo ni Satanas sa pananamantala sa tradisyonal na kultura upang gawing tiwali ang sangkatauhan. Ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may partikular na puwang sa puso at isipan ng mga tao, ibig sabihin, ang uri ng isyu na tinutukoy ng kasabihang ito ay mahusay na kumakatawan sa ideyang ipinahihiwatig nito. Sa mga kritikal na yugto ng kapalaran ng kanilang bansa, ang mga tao ay gagawa ng mga desisyon batay sa kasabihang ito, at igagapos at pipigilan nito ang kanilang pag-iisip at normal na proseso ng pag-iisip. Samakatuwid, ang mga ganitong ideya at pananaw ay karapatdapat na suriin. Kung ikukumpara sa mga kasabihang binanggit natin dati na “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” at iba pa, ang pamantayan ng wastong asal na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may mataas na posisyon sa mundo ni Satanas. Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na sinuri natin dati ay tumutukoy sa isang uri ng tao o isang uri ng maliit na bagay sa buhay, na pawang limitado, samantalang ang kasabihang ito ay mas malawak ang saklaw. Wala itong kinalaman sa mga bagay na nasa saklaw ng “mas mababang pagkatao,” kundi sa halip ay tumutukoy ito sa ilang isyu at bagay na may kinalaman sa “mas nakahihigit na pagkatao.” Samakatuwid, sakop nito ang isang mahalagang posisyon sa puso ng mga tao, at dapat na suriin upang makita kung kailangan itong magkaroon ng partikular na puwang sa puso ng mga tao, at upang matiyak kung paano dapat tingnan ng mga tao ang kasabihang ito sa wastong asal sa paraang naaayon sa katotohanan.

Ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay nag-oobliga sa mga tao na isaisip ang kanilang responsabilidad sa kapalaran ng kanilang bansa, sa pamamagitan ng pagmumungkahi na dapat maging responsable ang lahat para dito. Kung tutuparin mo ang iyong responsabilidad para sa kapalaran ng iyong bansa, gagantimpalaan ka ng gobyerno ng mataas na karangalan at ituturing ka na isang taong marangal; samantala, kung hindi mo alalahanin ang kapalaran ng bansa, at wala kang gagawin habang naghihirap ito, at hindi mo ito ituturing na isang napakalaking isyu, o pagtatawanan mo lang ito, kung gayon, ang tingin dito ay isang ganap na hindi pagtupad sa iyong responsabilidad. Kung hindi mo ginagampanan ang iyong mga tungkulin at responsabilidad kapag kailangan ka ng iyong bansa, kung gayon ay wala kang masyadong kakayahan, at isa ka lang talagang hamak na tao. Ang gayong mga tao ay isinasantabi at kinukutya sa lipunan, at nilalait at minamaliit ng kanilang mga kasamahan. Para sa sinumang mamamayan ng anumang soberanong estado, ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay isang kasabihang sinasang-ayunan ng mga tao, isang kasabihan na matatanggap ng mga tao, at isang kasabihan na iginagalang pa nga ng sangkatauhan. Isa rin itong ideya na itinuturing ng sangkatauhan na marangal. Ang isang taong nag-aalala at nababahala tungkol sa kapalaran ng kanyang katutubong lupain, at lubos na nakararamdam ng pananagutan dito, ay isang taong may higit na katuwiran. Ang mga taong nag-aalala at nababahala para sa sarili nilang pamilya ay may mas mababang katuwiran, samantalang ang mga nagmamalasakit sa kapalaran ng kanilang bansa ay mga taong may espiritu ng higit na katuwiran, at sa lahat ng tao, sila ang dapat purihin ng mga namumuno at ng mga tao. Sa madaling salita, ang mga ideyang tulad nito ay hindi mapagdududahang kinikilala na may positibong kabuluhan para sa mga tao at nagsisilbing positibong gabay sa sangkatauhan, at siyempre, kinikilala rin bilang mga positibong bagay ang mga ito. Ganoon din ba ang iniisip ninyo? (Oo.) Normal lang na ganito ang isipin ninyo. Ibig sabihin nito ay hindi naiiba sa mga normal na tao ang pag-iisip ninyo, at na kayo ay mga ordinaryong tao. Ang mga ordinaryong tao ay maaaring tumanggap ng mga karaniwang ideya, at ng lahat ng iba’t ibang diumano’y positibo, maagap, optimistiko, at marangal na ideya at pahayag na nagmumula sa buong sangkatauhan. Ito ay mga normal na tao. Talaga bang positibo ang mga ideya na tinatanggap at iginagalang ng mga ordinaryong tao? (Hindi.) Mula sa teoretikal na pananaw, hindi positibo ang mga ito, dahil ang mga ito ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi nagmumula sa Diyos, at hindi itinuturo o sinasabi ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya ano nga ba ang mga katunayan? Paano dapat ipaliwanag ang bagay na ito? Ipapaliwanag Ko ito ngayon nang detalyado, at kapag natapos na Akong magsalita, malalaman ninyo kung bakit ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay hindi isang positibong bagay. Bago Ko ihayag ang kasagutan, pag-isipan muna ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”: Positibong bagay ba talaga ito? Mali ba na hikayatin ang mga tao na mahalin ang kanilang bansa? Sinasabi ng ilang tao: “Ang kapalaran ng ating katutubong lupain ay may kaugnayan sa ating kaligtasan, sa ating kaligayahan, at sa ating kinabukasan. Hindi ba’t sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging masunurin sa kanilang mga magulang, na palakihin nang maayos ang kanilang mga anak, at gampanan ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan? Ano ang mali sa pagtupad natin ng ilang responsabilidad sa ating bansa? Hindi ba’t isa itong positibong bagay? Bagamat hindi ito kapantay ng katotohanan, malamang na tamang ideya naman ito, hindi ba?” Kung ang mga tao ang tatanungin, may batayan ang mga dahilang ito, hindi ba? Ginagamit ng mga tao ang mga pahayag na ito, ang mga dahilang ito, at maging ang mga pangangatwirang ito upang ipaglaban ang kawastuhan ng kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Kaya tama ba talaga ang kasabihang ito o hindi? Kung tama ito, ano ang tama tungkol dito? Kung hindi ito tama, ano ang mali rito? Kung masasagot ninyo nang malinaw ang dalawang katanungang ito, talagang mauunawaan ninyo ang aspektong ito ng katotohanan. May iba na nagsasabing: “Ang kasabihang ‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa’ ay hindi totoo. Ang mga bansa ay pinaghaharian ng mga pinuno, at pinamamahalaan ng mga sistemang pampulitika. Sa tuwing may kinalaman sa pulitika, wala tayong pananagutan, dahil hindi nakikisali ang Diyos sa pulitika ng tao. Samakatuwid, hindi rin tayo nakikisali sa pulitika, kaya ang kasabihang ito ay walang kinalaman sa atin; anuman ang may kaugnayan sa pulitika ay walang kinalaman sa atin. Ang sinumang masangkot sa pulitika, at mahilig sa pulitika, ay may pananagutan sa kapalaran ng bansa. Hindi natin tinatanggap ang kasabihang ito, hindi ito isang positibong bagay sa ating pananaw.” Tama ba o mali ang paliwanag na ito? (Mali.) Bakit mali? Alam ninyo ayon sa teorya na walang lohika sa paliwanag na ito, hindi nito tinutugunan ang ugat ng problema, at hindi sapat na naipapaliwanag ang diwa ng problema. Ito ay isang teoretikal na paliwanag lamang, ngunit hindi nililinaw ang diwa ng bagay na ito. Anumang uri ng paliwanag ito, hangga’t bigo itong tukuyin ang partikular na diwa ng isyung ito, hindi ito isang tunay na paliwanag, hindi ito tumpak na sagot, at hindi ito ang katotohanan. Kaya, ano ang mali sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”? Anong katotohanan ang nauugnay sa isyung ito? Ang katotohanan sa bagay na ito ay hindi maipapaliwanag nang malinaw sa isa o dalawang pangungusap. Mangangailangan ng maraming pagpapaliwanag para maipaunawa sa inyo ang katotohanang nakapaloob dito. Kaya’t magbahaginan tayo tungkol dito gamit ang mga simpleng salita.

Paano dapat tingnan at unawain ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”? Ito ba ay isang positibong bagay? Upang maipaliwanag ang kasabihang ito, tingnan muna natin kung ano ang isang bansa. Ano ang konsepto ng isang bansa sa isipan ng mga tao? Ang konsepto ba ng isang bansa ay na napakalaki nito? Mula sa teoretikal na pananaw, ang isang bansa ay ang kalawakan ng teritoryo na binubuo ng lahat ng tahanan na pinamumunuan ng parehong pinuno at pinamamahalaan ng parehong sistemang panlipunan. Ibig sabihin, maraming tahanan ang bumubuo sa isang bansa. Ganoon ba ang depinisyon dito ng lipunan? (Oo.) Kapag may maliliit na tahanan ay saka lamang magkakaroon ng isang malaking tahanan, at ang isang malaking tahanan ay tumutukoy sa isang bansa—ito ang depinisyon ng isang bansa. Kaya, katanggap-tanggap ba ang depinisyong ito? Sumasang-ayon ba kayo rito? Kaninong mga panlasa at interes ang pinakaangkop sa depinisyong ito? (Sa mga namumuno.) Tama iyan, sa mga namumuno unang-una sa lahat. Sapagkat nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan ang lahat ng sambahayan, nasa kanilang mga kamay ang kapangyarihan. Kaya, kung ang mga namumuno ang tatanungin, ang depinisyong ito ay may batayan, at sumasang-ayon sila rito. Anuman ang depinisyon ng mga namumuno sa isang bansa, para sa sinumang karaniwang tao, may distansya sa pagitan ng bansa at sa bawat tao rito. Para sa mga karaniwang tao, ibig sabihin, ang mga indibidwal na tao sa bawat bansa, ang kanilang depinisyon ng isang bansa ay ganap na naiiba sa depinisyon na isinusulong ng mga pinuno o mga naghahari-harian. Ang paraan ng pagtukoy ng mga naghahari-harian sa isang bansa ay nababatay sa kanilang kapangyarihan at kanilang mga interes. Nakatayo sila sa taas at ginagamit ang kanilang matayog na kinatatayuan at malawak na perspektiba na may kasamang ambisyon at pagnanais para tukuyin kung ano ang isang bansa. Halimbawa, itinuturing ng mga pinuno ang bansa bilang kanilang sariling tahanan, kanilang sariling lupain, at iniisip nila na ipinagkakaloob ito para sa sarili nilang kasiyahan, at na ang bawat pulgada ng bansa, at bawat yaman at maging ang bawat tao rito ay dapat pag-aari nila at mapasailalim sa kanilang kontrol, at na dapat nilang tamasahin ang lahat ng ito at dominahin ang mga tao hangga’t gusto nila. Ngunit ang mga karaniwang tao ay walang mga gayong mga hangarin, at wala rin silang gayong mga kondisyon, at lalong tiyak na wala silang ganoon kalawak na perspektiba para tukuyin kung ano ang isang bansa. Kaya, para sa mga karaniwang tao, para sa sinumang nagsasariling tao, ano ang kanilang depinisyon ng isang bansa? Kung sila ay may pinag-aralan at marunong magbasa ng mga mapa, alam lang nila ang laki ng teritoryo ng kanilang bansa, at kung aling mga karatig bansa ang nakapaligid dito, at kung gaano karaming mga ilog at lawa mayroon ito, at kung gaano karaming bundok, gaano karaming kagubatan, gaano kalawak ang lupain, at ilan ang tao sa kanilang bansa…. Ang kanilang konsepto ng isang bansa ay batay lamang sa mapa at literal, isang teoretikal na konsepto lamang na nakabatay sa mga teksto, at lubos na hindi naaayon sa bansang umiiral sa realidad. Para sa isang tao na may pinag-aralan naman at may partikular na katayuan sa lipunan, parang ganoon ang kanilang konsepto ng isang bansa. Kaya, paano naman ang mga karaniwang taong nasa pinakababa ng lipunan? Ano ang kanilang depinisyon ng isang bansa? Sa Aking pananaw, ang depinisyon ng mga taong ito sa isang bansa ay hindi hihigit pa sa maliit na lupain ng kanilang pamilya, sa malaking puno ng willow sa dulong silangan ng nayon, sa bundok sa dulong kanluran, sa daan papasok sa nayon at sa mga sasakyan na madalas na dumaraan sa kalsada, pati na rin sa ilang insidente na nagiging usap-usapan sa nayon, at maging sa ilang simpleng tsismis. Para sa mga karaniwang tao, parang ganoon ang konsepto ng isang bansa. Bagamat napakaliit ng mga hangganan ng depinisyong ito at napakakitid ng saklaw nito, kung ang mga karaniwang taong naninirahan sa gayong kontekstong panlipunan ang tatanungin, ito ay napakamakatotohanan at praktikal—para sa kanila, ang isang bansa ay hindi na hihigit pa sa ganito. Anuman ang mangyari sa mundo sa labas, anuman ang mangyari sa bansa, para sa kanila, ito ay isang balitang may katamtamang halaga lamang na maaari nilang pagpasyahan kung pakikinggan nila o hindi. Kaya, ano ang nauugnay sa kanilang mga agarang interes? Iyon ay kung ang mga pananim na cereal na kanilang itinanim ngayong taon ay magbubunga ng napakaraming ani, kung ito ba ay sasapat para mapakain ang kanilang pamilya, kung ano ang itatanim sa susunod na taon, kung babahain ba ang kanilang lupain, kung papasukin at sasakupin ba ito ng mga maton, at iba pang mga usapin at bagay na malapit na nauugnay sa buhay, hanggang sa mga bagay tulad ng isang gusali sa nayon, isang batis, isang daanan, at iba pa. Ang kanilang pinahahalagahan at pinag-uusapan, pati na rin ang nag-iiwan ng malalim na impresyon sa kanilang isipan, ay walang iba kundi ang mga tao, usapin, at bagay sa kanilang paligid na malapit na nauugnay sa kanilang buhay. Wala silang konsepto kung gaano kalaki ang saklaw ng isang bansa, at wala rin silang anumang konsepto sa kasaganaan o kakapusan ng isang bansa. Kapag nagiging mas makabago ang mga bagay-bagay, at nagiging mas mahalaga ang mga usaping pangbansa, mas lalo silang naiiba sa gayong mga tao. Para sa mga karaniwang taong ito, ang konsepto ng isang bansa ay ang mga tao, usapin, at bagay lamang na naiisip nila, at ang mga tao, usapin, at bagay na nakakasalamuha nila sa kanilang buhay. Nakakakuha man sila ng impormasyon tungkol sa kapalaran ng bansa, masyado na itong naiiba sa kanila. Ang pagiging masyadong naiiba sa kanila ay nangangahulugan na wala itong anumang puwang sa kanilang puso, at hindi makakaapekto sa kanilang buhay, kaya’t ang kasaganaan at kakapusan ng bansa ay walang kinalaman sa kanila. Sa kanilang puso, ano ang kapalaran ng kanilang bansa? Ito ay kung ang mga pananim na kanilang itinanim sa taong ito ay pinagpala ng Langit, kung sagana ba ang ani, kung paano nakakaraos ang kanilang pamilya, at iba pang maliliit na detalye ng pang-araw-araw na buhay, samantalang walang kaugnayan sa kanila ang mga pambansang usapin. Ang mahahalagang usapin sa bansa, ang pulitika, ekonomiya, edukasyon, agham at teknolohiya, lumawak man o lumiit ang teritoryo ng bansa, mga lugar na binisita ng mga namumuno, at kung ano ang mga nangyari sa loob ng mga naghahari-harian—ang mga bagay na ito ay sadyang hindi kayang unawain ng mga karaniwang tao. Kahit na maunawaan nila ang mga ito, ano naman ang silbi nito? Kahit na, pagkatapos ng hapunan, pag-uusapan nila kung ano ang nangyayari sa mga naghahari-harian, ano ang magagawa nila tungkol dito? Pagkatapos ibaba ang kanilang mangkok at chopstick, kailangan pa rin nilang mapagkasya ang mga bagay-bagay para mabuhay at kailangan pa ring magtrabaho sa bukid. Tila walang anumang kasingtunay ng mga pananim sa kanilang mga bukid na maaaring magbunga ng magandang ani. Ang pinahahalagahan ng isang tao ay kung ano ang pinanghahawakan niya sa kanyang puso. Ang abot-tanaw ng isang tao ay iyon lamang mga bagay na naisasapuso niya. Ang abot-tanaw ng mga ordinaryong tao ay umaabot lamang hanggang sa mga lugar na nakikita nila sa kanilang paligid at sa mga lugar na kaya nilang puntahan. Tungkol naman sa kapalaran ng kanilang bansa at sa mahahalagang usapin sa bansa, napakalayo nila at hindi maabot. Kaya naman, kapag nakataya ang kapalaran ng bansa, o nahaharap ang bansa sa pananalakay ng isang malakas na kaaway, agad nilang iniisip na, “Maaagaw ba ng mga mananakop ang aking mga pananim? Ngayong taon, umaasa kami na maibebenta namin ang mga cereal na iyon para mabayaran ang pag-aaral sa kolehiyo ng mga anak namin!” Ito ang mga bagay na may pinakapraktikal na kaugnayan sa mga karaniwang tao, ang mga bagay na kaya nilang maunawaan, at ang mga bagay na kayang pasanin ng kanilang isip at espiritu. Para sa mga ordinaryong tao, ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay masyadong mabigat. Hindi nila alam kung paano ito gagawin, at ayaw nilang pasanin ang mabigat na pasanin at mahirap na responsabilidad na ito. Ang konsepto ng mga karaniwang tao sa isang bansa ay parang ganoon. Samakatuwid, ang saklaw ng kanilang buhay, at ang mga bagay na pinag-iisipan at pinag-aalala nila, ay hindi hihigit pa sa lupa at tubig ng kanilang bayan na nagtutustos sa kanilang makakain nang tatlong beses sa isang araw at nagbibigay sa kanila ng lahat ng kailangan nila upang lumago, gayundin ang hangin at kapaligiran ng kanilang bayan. Ano pa ba ang mayroon bukod sa mga bagay na ito? Kahit na lumabas ang ilang tao sa mga pamilyar na kapaligiran ng bayang kanilang sinilangan at kinalakhan, sa tuwing naghihirap ang bansa at kinakailangan sila nito na gampanan ang kanilang mga responsabilidad sa bayan, walang sinuman ang nakakaisip na protektahan ang buong bansa. Sa halip, ano ang iniisip ng mga tao? Ang tanging iniisip nila ay gampanan ang kanilang mga responsabilidad na protektahan ang kanilang bayan at pangalagaan ang kapirasong lupang hawak-hawak nila sa kanilang puso, at isinasakripisyo pa nga ang kanilang sariling buhay para sa layong ito. Saan man pumunta ang mga tao, para sa kanila, ang salitang “bansa” ay isa lamang na panghalip, isang pananda at simbolo. Ang talagang kumukuha ng malaking puwang sa kanilang puso ay hindi ang teritoryo ng bansa, at lalong hindi ang paghahari ng mga pinuno, kundi ang bundok, ang kapirasong lupa, ang ilog, at ang balon na nagtutustos sa kanila upang makakain sila nang tatlong beses sa isang araw, nagbibigay-buhay sa kanila, at tumutulong na mapanatili ang kanilang buhay; iyon lang. Ito ang konsepto ng isang bansa sa isipan ng mga tao—ito ay totoong-totoo, napakakongkreto, at talagang napakatumpak.

Bakit ba palaging isinusulong sa tradisyonal na kultura ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”, lalo na sa pag-iisip tungkol sa wastong asal? Ito ay parehong may kinalaman sa paghahari ng pinuno, at sa mga layunin at pakay ng mga taong nagtataguyod ng ideyang ito. Kung ang depinisyon ng isang bansa sa isip ng bawat indibidwal ay napakaliit, napakakongkreto, at napakatotoo, sino ang magpoprotekta sa bansa? Sino ang magtataguyod sa paghahari ng pinuno? Hindi ba’t may mga problema rito? Talagang may mga problemang lumilitaw rito. Kung ganito ang konsepto ng lahat sa isang bansa, hindi ba’t magiging isang dekorasyon lamang ang pinuno? Kung ang bansa ng isang pinuno ay naharap sa pagsalakay ng isang makapangyarihang kaaway at ang depensa nito ay umaasa lamang sa pinuno, o sa naghaharing pangkat, hindi ba’t magmumukha silang nahihirapan, walang magawa, nag-iisa, at mahina? Tumutugon ang mga intelektuwal sa mga problemang ito gamit ang kanilang utak. Naniniwala sila na upang maprotektahan ang bansa at maitaguyod ang paghahari ng pinuno, hindi posibleng umasa lamang sa kakaunting tao para magbigay ng mga kontribusyon, sa halip, kinakailangang mapukaw ang buong populasyon sa paglilingkod sa pinuno ng bansa. Kung ang mga intelektuwal na ito ay direktang sasabihin sa mga tao na maglingkod sa pinuno at protektahan ang bansa, magiging handa ba ang mga tao na gawin ito? (Hindi.) Tiyak na hindi magiging handa ang mga tao na gawin iyon, dahil ang layon sa likod ng kahilingan ay masyadong lantaran, at hindi sila sasang-ayon dito. Alam ng mga intelektuwal na iyon na dapat nilang ikintal sa mga tao ang isang kaaya-ayang pakinggan, marangal, at engrandeng tingnan na pahayag, at sabihin sa kanila na ang sinumang nag-iisip nang ganito ay may marangal moralidad. Sa gayong paraan, madaling matanggap ng mga tao ang ideyang ito, at gagawa pa nga ng mga sakripisyo at kontribusyon alang-alang sa ideyang ito. Makakamit kung gayon ang kanilang layon, hindi ba? Sa loob ng panlipunang kontekstong ito, at bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga pinuno, nagkaroon ng kasabihan at ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Dahil gayon ang likas na katangian ng tao, anuman ang ideyang lumilitaw, palaging may mga tao na ituturing ito na uso at moderno, at tatanggapin nila ito sa ganoong batayan. Hindi ba’t kapaki-pakinabang sa pinuno na tinatanggap ng ilang tao ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”? Nangangahulugan ito na magkakaroon ng mga taong magsasakripisyo at mag-aambag para sa rehimen ng namumuno. Kaya, ang pinuno ay may pag-asang maghari nang mahabang panahon, hindi ba? At hindi ba’t magiging mas matatag ang kanilang paghahari, kung tutuusin? (Oo.) Kaya naman, kapag ang paghahari ng pinuno ay napapasailalim sa hamon o nahaharap sa pagkawasak, o ang kanilang bansa ay nahaharap sa pananalakay ng isang makapangyarihang kaaway, ang mga tumatanggap sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay matapang at walang takot na hahakbang pasulong para mag-ambag o mag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa pagprotekta sa bansa. Sino ang pangunahing makikinabang nito? (Ang namumuno.) Ang tunay na makikinabang ay ang namumuno. Ano ang mangyayari sa mga taong tumatanggap ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at na handang isuko ang kanilang natatanging buhay para dito? Ginagamit lamang sila ng mga pinuno at basta-basta silang pinapalitan, nagiging biktima sila ng ideyang ito. Ang mga karaniwang taong pinakamababa sa lipunan ay walang tiyak, malinaw na konsepto o malinaw na depinisyon kung ano ang isang bansa. Hindi nila alam kung ano ang isang bansa, o kung gaano kalaki ang isang bansa, at lalong wala silang nalalaman tungkol sa mahahalagang bagay ng kapalaran ng isang bansa. Dahil malabo ang depinisyon at konsepto ng mga tao sa isang bansa, ginagamit ng mga naghahari-harian ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” para ilihis ang mga tao at ikintal sa isipan nila ang ideyang ito, upang manindigan ang lahat para ipagtanggol ang bansa at itaya ang kanilang buhay para sa mga naghahari-harian, at sa gayon ay makakamit ng mga naghahari-harian ang kanilang pakay. Sa katunayan, para sa mga karaniwang tao, kahit sino pa ang mamuno sa bansa, o kung ang mga nanghihimasok ay mas mabuti o mas masahol pa kaysa sa mga kasalukuyang namumuno, sa huli, ang kakarampot na lupain ng kanilang pamilya ay kailangan pa ring mataniman taon-taon, at hindi nagbago ang puno sa dulong silangan ng kanilang nayon, hindi nagbago ang bundok sa dulong kanluran ng nayon, hindi rin nagbago ang balon sa gitna ng nayon, at iyon lang ang mahalaga. Tungkol naman sa kung ano ang nangyayari sa labas ng nayon, kung gaano karaming pinuno ang dumarating at umaalis, o kung paano sila namumuno sa bansa, ang lahat ng ito ay walang anumang kaugnayan sa kanila. Ganoon ang buhay ng mga karaniwang tao. Napakatotoo at napakasimple ng buhay nila, at ang konsepto nila sa bansa ay kasingkongkreto ng kanilang konsepto ng pamilya, mas malaki lang ang saklaw nito kaysa sa pamilya. Samantala, kapag ang bansa ay sinalakay ng isang makapangyarihang kaaway at hindi natitiyak ang pag-iral at kaligtasan nito, at nagulo at nawalan ng katatagan ang paghahari ng pinuno, ang mga taong tinatanggap na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay pinangingibabawan ng ideyang ito, at ang gusto lang nilang gawin ay gamitin ang kanilang mga personal na kalakasan para baguhin ang mga bagay na ito na nakakaapekto sa kapalaran ng bansa at nakakasagabal sa paghahari ng pinuno. At ano ang mangyayari sa huli? Ano ba talaga ang binabago nila? Kahit na magawa nilang mapanatili ang pinuno sa kapangyarihan, nangangahulugan ba iyon na makatarungan ang ginawa nila? Nangangahulugan ba iyon na positibo ang kanilang sakripisyo? Karapat-dapat ba iyong gunitain? Ang mga taong iyon sa isang partikular na panahon ng kasaysayan, na naniwalang napakahalaga ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay masigasig ding itinaguyod ang diwa ng ideyang ito sa pagtatanggol sa bansa at pagpapanatili ng mga pinuno sa kapangyarihan, ngunit ang paghahari ng mga pinunong pinananatili nila sa kapangyarihan ay paurong, madugo, at walang kabuluhan o halaga sa sangkatauhan. Mula sa pananaw na ito, positibo ba o negatibo ang tinatawag na responsabilidad ng mga taong ito? (Negatibo.) Maaaring sabihin na negatibo ito, hindi karapat-dapat gunitain, at kinasusuklaman ng mga tao. Sa kabaligtaran, hindi lubos na sumasang-ayon ang mga karaniwang tao sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” na isinusulong ng mga mapanlinlang mag-isip, at hindi rin talaga nila ito tinatanggap at ipinatutupad. Samakatuwid, medyo matatag naman ang buhay nila. Bagamat ang kanilang mga panghabambuhay na tagumpay ay hindi kasingkahanga-hanga ng sa mga taong nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapalaran ng kanilang bansa, nakagawa sila ng isang makabuluhang bagay. Ano ang makabuluhang bagay na ito? Ito ay na hindi sila huwad na nanghimasok sa kapalaran ng isang bansa, o sa proseso ng pagtukoy kung sino ang mga pinuno ng bansa. Sa halip, ang hinihiling lamang nila ay ang magkaroon ng magandang buhay, magtrabaho sa lupa, ipagtanggol ang kanilang bayan, magkaroon ng makakain sa buong taon, at mamuhay nang masagana, komportable, mapayapa, at malusog na buhay, nang hindi nagdudulot ng anumang problema sa kanilang bansa, nang hindi humihingi ng pagkain o pera sa kanilang bansa, at nagbabayad ng mga normal na buwis kapag nakatakdang bayaran ang mga ito—ito ang pagtupad sa responsabilidad na dapat tuparin ng isang mamamayan. Kung makakalaya ka mula sa anumang panghihimasok ng mga ideya ng mga intelektuwal, at mamumuhay ng sarili mong buhay bilang isang karaniwang tao sa praktikal na paraan ayon sa iyong posisyon, at matutustusan mo ang iyong sarili, kung gayon ay sapat na iyon, at nagampanan mo na ang iyong responsabilidad. Ito ang pinakamahalagang bagay at ang pinakamalaking responsabilidad na dapat tuparin ng isang taong nabubuhay sa mundong ito. Ang pangangalaga sa sariling kaligtasan at mga pangunahing pangangailangan ng sarili ay ang mga isyung dapat lutasin ng isang tao, samantalang para sa mahahalagang bagay na may kinalaman sa kapalaran ng bansa, at sa kung paano pinamamahalaan ng mga pinuno ang bansa, ang mga karaniwang tao ay walang kakayahang makialam o makagawa ng anumang bagay tungkol sa mga ito. Maaari lamang nilang ipaubaya ang lahat ng bagay na ito sa tadhana, at hayaan na lang kung ano ang mangyayari dito. Anuman ang naisin ng Langit, ito ang mangyayari. Napakakaunti lang ng nalalaman ng mga karaniwang tao, at bukod pa rito, hindi ipinagkatiwala ng Langit sa mga tao ang ganitong uri ng responsabilidad sa kanilang bansa. Ang tanging nasa puso ng mga karaniwang tao ay ang kanilang tahanan, at hangga’t naaalagaan nila ang kanilang sariling tahanan, sapat na iyon, at natupad na nila ang kanilang responsabilidad.

Tulad ng iba pang kasabihan tungkol sa wastong asal, “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay isang ideya at pananaw na isinulong ng mga intelektuwal upang mapanatili sa kapangyarihan ang mga pinuno, at siyempre, isa rin itong ideya at pananaw na itinataguyod upang mas maraming tao ang sumuporta sa mga namumuno. Sa katunayan, nasaang uring panlipunan man ang mga tao, kung wala silang anumang ambisyon, hangarin, at ayaw pumasok sa pulitika o wala silang kinalaman sa mga naghahari-harian, ang depinisyon ng mga tao sa isang bansa mula sa perspektiba ng pagkatao ay pawang ang mga lugar lamang na naaabot ng kanilang paningin, o ang lupain na nasusukat nila sa paglalakad, o isang kapaligiran kung saan maaari silang mamuhay nang masaya, malaya, at ayon sa batas. Para sa sinumang may gayong konsepto sa isang bansa, ang lupaing tinitirhan niya at ang kapaligiran ng kanyang buhay ay makapagbibigay sa kanya ng isang matatag, masaya, at malayang buhay, na isang pangunahing pangangailangan sa kanyang buhay. Ang pangunahing pangangailangang ito ay isa ring direksyon at layon na pinagsisikapang ipagtanggol ng mga tao. Sa sandaling ang pangunahing pangangailangang ito ay hinamon, ginulo, o nilabag, tiyak na maninindigan ang mga tao at kusang ipagtatanggol ito. May katwiran ang pagtatanggol na ito, at nagmumula ito sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, at gayundin sa mga pangangailangan para mabuhay. Walang kailangang magsabi sa mga tao na, “Kapag naharap ang bayan at tirahan mo sa pananalakay ng isang dayuhang kaaway, dapat kang manindigan at ipagtanggol mo ang mga ito, tumayo at labanan mo ang mga mananakop.” Tatayo sila at awtomatikong ipagtatanggol ang mga ito. Ito ay likas na gawi ng tao, ngunit isa ring pangangailangan sa kaligtasan ng tao. Kaya pagdating sa isang normal na tao, hindi mo kailangang gumamit ng mga ideya tulad ng “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” para hikayatin siyang protektahan ang kanyang lupang tinubuan at ang kanyang tirahan. Kung talagang nais ng isang tao na itanim ang gayong mga ideya sa mga tao, kung gayon hindi ganoon kasimple ang pakay niya. Ang kanyang pakay ay hindi para ipagtanggol ng mga tao ang kanilang tirahan, siguruhin ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pamumuhay, o para magkaroon ng mas magandang buhay ang mga tao. Mayroong ibang pakay ang taong ito, na walang iba kundi ang papanatilihin ang mga namumuno sa kapangyarihan. Ang mga tao ay likas na gagawa ng anumang sakripisyo para maprotektahan ang kanilang sariling tirahan, at sadyang poprotektahan ang kanilang sariling tirahan at kapaligirang pinamumuhayan upang matiyak na ang kanilang mga pangunahing pangangailangan para mabuhay ay natutugunan, nang hindi na nangangailangan pa ng iba na gumamit ng anumang mga sobra-sobrang ekspresyon para sabihin sa kanila kung ano ang gagawin, o kung paano manindigan at protektahan ang kanilang sariling mga tahanan. Ang likas na gawing ito, ang pangunahing kamalayan na ito, ay taglay kahit ng mga hayop, at ganap na taglay ng mga tao, na mga nilikhang mas mataas kaysa sa anumang hayop. Maging ang mga hayop ay poprotektahan ang kanilang tirahan at pastulan, ang kanilang tahanan, at ang kanilang komunidad mula sa pagsalakay ng mga dayuhang kaaway. At kung ang mga hayop ay may ganitong uri ng kamalayan, tiyak na mayroon din nito ang mga tao! Samakatuwid, ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” na iminungkahi ng mga intelektuwal na iyon, ay hindi na kailangang ulit-ulitin pa sa lahat ng miyembro ng sangkatauhan. At pagdating sa depinisyon ng isang bansa sa kaibuturan ng puso ng mga tao, ang ideyang ito ay hindi na rin kailangang ulit-ulitin pa. Ngunit bakit iminungkahi pa rin ito ng mga intelektuwal na iyon? Dahil nais nilang makamit ang isa pang layon. Ang kanilang tunay na layon ay hindi upang bigyang-daan ang mga tao na magkaroon ng mas mabuting buhay sa kanilang kasalukuyang tirahan, o bigyan sila ng mas matatag, maligaya, at mas masayang kapaligiran sa pamumuhay. Hindi sila kumilos ayon sa perspektiba na protektahan ang mga tao, o ang mga tirahan ng mga tao, kundi ay ayon sa perspektiba at pananaw ng mga pinuno, upang ikintal sa mga tao ang ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at sulsulan silang taglayin ang ideyang ito. Kung hindi mo taglay ang gayong ideya, ituturing na mas mababa ang iyong paraan ng pag-iisip, at ikaw ay kukutyain ng lahat at mamaliitin ng anumang pangkat etniko; kung hindi mo taglay ang gayong ideya, kung wala ka nitong higit na katuwiran at ng ganitong mentalidad, kung gayon, ituturing ka na isang taong may mababang moral na katangian, isang makasarili at isang hamak na mababang nilalang. Ang mga tinatawag na mababang nilalang na ito ay mga taong kinasusuklaman sa lipunan, at dinidiskrimina at kinamumuhian ng lipunan.

Sa mundong ito, sa lipunan, ang sinumang ipinanganak sa isang mahirap o atrasadong bansa, o nagmula sa isang bayang mababa ang katayuan, saanman siya magpunta, sa sandaling ideklara niya ang kanyang nasyonalidad, agad na tutukuyin ang katayuan niya at ituturing siyang mas mababa sa iba, mamaliitin at didiskriminahin siya. Kung ang nasyonalidad mo ay sa isang makapangyarihang bansa, magkakaroon ka ng napakataas na katayuan sa alinmang pangkat etniko, at ituturing na mas mataas kaysa sa iba. Kaya, ang ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may mahalagang puwang sa puso ng mga tao. Napakalimitado at napakakongkreto ng konsepto ng mga tao sa isang bansa, ngunit dahil malaki ang kinalaman ng kapalaran ng kanilang bansa sa paraan ng pagtrato ng buong sangkatauhan sa anumang pangkat etniko at sa sinumang nagmumula sa ibang bansa, at pati na sa pamamaraan at pamantayan na ginagamit nito sa pagtutukoy ng kanilang katayuan, ang lahat ay naiimpluwensyahan sa magkakaibang antas ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Kaya paano dapat iwaksi ng mga tao ang impluwensya ng ideyang ito? Tingnan muna natin kung paano naiimpluwensyahan ng ideyang ito ang mga tao. Bagamat ang depinisyon ng mga tao sa isang bansa ay hindi lalampas sa partikular na kapaligirang tinitirhan nila, at nais lamang ng mga tao na mapanatili ang kanilang batayang karapatan na mabuhay at ang kanilang mga pangangailangan upang makapamuhay sila nang mas maayos, sa kasalukuyan, ang buong sangkatauhan ay patuloy na gumagalaw at lumilibot, at hindi namamalayang tinatanggap ng mga tao ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Ibig sabihin, mula sa perspektiba ng pagkatao, ayaw tanggapin ng mga tao ang mga hungkag at engrandeng depinisyon ng isang bansa, tulad ng “isang dakilang bayan,” “isang maunlad na dinastiya,” “isang superpower,” “isang tech power,” “isang kapangyarihang militar,” at iba pa. Walang gayong mga konsepto sa normal na pagkatao, at ayaw ng mga tao na maging abala sa mga bagay na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ngunit kasabay niyon, kapag nakikihalubilo sa iba pang sangkatauhan, umaasa pa rin ang mga tao na magkaroon ng nasyonalidad ng isang makapangyarihang bansa. Lalo na kapag naglakbay ka sa ibang bansa at kasama ang iba pang lahi, lubos mong mararamdaman na ang kapalaran ng iyong bansa ay may kaugnayan sa iyong mahahalagang interes. Kung makapangyarihan, mayaman, at may mataas na katayuan sa mundo ang iyong bansa, kung gayon, magiging mataas ang iyong katayuan sa mga tao alinsunod sa katayuan ng iyong bansa, at lubos kang igagalang. Kung galing ka sa isang mahirap na bansa, isang maliit na bayan, o sa isang hindi kilalang pangkat etniko, magiging mas mababa ang katayuan mo, alinsunod sa iyong nasyonalidad at etnisidad. Anumang uri ka ng tao, o anuman ang nasyonalidad mo, o kung saang lahi ka nabibilang, kung nakatira ka lamang sa loob ng isang maliit na lugar, ang ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay hindi magkakaroon ng anumang impluwensya sa iyo. Ngunit kapag ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa sa buong sangkatauhan ay nagsama-sama, ang ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay tatanggapin ng mas maraming tao. Ang pagtanggap na ito ay hindi pasibo, sa halip, ito ay isang mas malalim na pagkatanto mula sa iyong pansariling kalooban na ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay tama, dahil ang kapalaran ng iyong bansa ay may hindi maipaghihiwalay na kaugnayan sa iyong katayuan, reputasyon, at halaga sa mga tao. Sa puntong iyon, hindi mo na mararamdaman na ang konsepto at depinisyon ng iyong bansa ay ang maliit na lugar lamang kung saan ka ipinanganak at lumaki. Sa halip, umaasa kang lalago at lalakas ang iyong bansa. Gayunpaman, kapag bumalik ka sa sarili mong bansa, sa isipan mo, muli itong nagiging napakapartikular para sa iyo. Ang partikular na lugar na ito ay hindi isang bansa na walang anyo, sa halip ito ay ang landas, ang batis, at ang balon sa iyong bayan, at ang mga bukid ng iyong tahanan kung saan ka nagpapalago ng mga pananim. Samakatuwid, ang pagbabalik sa sarili mong bansa, kung ikaw ang tatanungin, ay mas partikular na isang pagbabalik sa iyong bayan, pag-uwi sa tahanan. At kapag umuwi ka na, hindi mahalaga kung umiiral ang bansa o hindi, o kung sino ang namumuno, o kung gaano kalaki ang teritoryo ng bansa, o kung ano ang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa, o kung mahirap ito o mayaman—wala sa mga iyon ang mahalaga sa iyo. Hangga’t naroroon pa ang tahanan mo, kapag binitbit mo ang iyong travel bag dahil balak mo nang bumalik, magkakaroon ka na ng direksyon at layon. Hangga’t mayroon ka pang lugar na mauuwian, at naroon pa rin ang lugar kung saan ka ipinanganak at lumaki, mararamdaman mong nabibilang ka at na may patutunguhan ka. Kahit na wala na ang bansang kinalalagyan nito at nagbago na ang pinuno, hangga’t nandoon pa rin ang iyong tahanan, mayroon ka pa ring tahanan na mababalikan sa kabila ng lahat. Ito ay isang napakasalungat at malabong konsepto ng bansa sa isipan ng mga tao, ngunit isa rin itong napakakongkretong konsepto ng tahanan. Sa totoo lang, hindi sigurado ang mga tao kung ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay tama o hindi. Ngunit dahil ang ideyang ito ay may partikular na epekto sa kanilang partikular na katayuan sa lipunan, hindi namamalayang nagkakaroon ang mga tao ng malakas na pagpapahalaga para sa bansa, nasyonalidad, at lahi. Kapag naninirahan lamang ang mga tao sa maliit na lugar ng kanilang bayan, sa isang antas ay mayroon silang panangga o pagtutol sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Ngunit sa tuwing nililisan nila ang kanilang bayan at ang kanilang lupang tinubuan, at lumalabas sa pinamumunuan ng kanilang bansa, hindi namamalayang nagkakaroon sila ng partikular na kamalayan at pagtanggap sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Halimbawa, kapag pumunta ka sa ibang bansa, kung may magtatanong sa iyo kung saang bansa ka galing, mapapaisip ka, “Kung sasabihin kong Singaporean ako, magiging mataas ang tingin sa akin ng mga tao; samantalang kung sasabihin kong Chinese ako, mamaliitin ako ng mga tao.” At kaya hindi ka naglalakas-loob na sabihin sa kanila ang totoo. Pero isang araw ay nalantad ang nasyonalidad mo. Nalaman ng mga tao na Chinese ka, at mula noon, naging iba na ang tingin nila sa iyo. Dumanas ka ng diskriminasyon, pangmamaliit, at itinuring ka pa nga bilang isang mababang uri ng mamamayan. Sa puntong iyon, hindi mo namamalayan na iniisip mong: “Tumpak ang kasabihang ‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa’! Iniisip ko noon na hindi ako responsable sa kapalaran ng aking bansa, pero ngayon, tila ang kapalaran ng isang bansa ay nakakaapekto sa lahat. Kapag umuunlad ang bansa, umuunlad ang lahat, ngunit kapag bumagsak ang bansa, lahat ay magdurusa dahil dito. Hindi ba’t mahirap ang bansa natin? Hindi ba’t isa itong diktadurya? At hindi ba’t may masamang reputasyon ang mga pinuno? Kaya naman minamaliit ako ng mga tao. Tingnan kung gaano kayayaman at kasasaya ang mga tao sa mga Kanluraning bansa. May kalayaan silang pumunta kahit saan at manampalataya sa kahit ano. Samantalang sa ilalim ng Komunistang rehimen, inuusig tayo dahil sa pananampalataya sa Diyos at dapat tumakas nang malayo, hindi na tayo makauwi. Napakaganda sana kung isinilang tayo sa isang bansang Kanluranin!” Sa puntong iyon, nararamdaman mo na napakahalaga ng nasyonalidad, at ang kapalaran ng iyong bansa ay nagiging mahalaga sa iyo. Ano’t anuman, kapag namumuhay ang mga tao sa gayong kapaligiran at konteksto, hindi namamalayang naaapektuhan sila ng ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at naiimpluwensyahan nito sa iba’t ibang antas. Sa puntong ito, ang mga pag-uugali ng mga tao at ang kanilang mga pananaw, perspektiba, at paninindigan sa mga tao, usapin at bagay ay magbabago sa iba’t ibang antas, at talagang magdudulot ng iba’t ibang antas ng kahihinatnan at epekto. Samakatuwid, mayroong partikular na dami ng kongkretong ebidensya tungkol sa impluwensya ng kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” sa isipan ng mga tao. Bagamat ang konsepto ng mga tao sa isang bansa ay hindi masyadong malinaw kung titingnan mula sa perspektiba ng pagkatao, gayunpaman, sa loob ng ilang partikular na kontekstong panlipunan, ang nasyonalidad na batay sa bansang kinabibilangan nila ay may impluwensya pa rin sa mga tao. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi malinaw na naiintindihan ang mga isyung ito, hindi nila mapapalaya ang sarili mula sa mga tanikala at mapanirang epekto ng ideyang ito, na makakaapekto rin sa kanilang lagay ng kalooban at saloobin sa pagharap sa mga bagay-bagay. Kung titingnan man mula sa perspektiba ng pagkatao o sa mga pagbabago at tagumpay sa pag-iisip ng mga tao kapag nagbabago ang pangkalahatang kapaligiran, ang ideyang inihain ni Satanas na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may partikular na impluwensya sa mga tao, at mayroon itong partikular na mapaminsalang epekto sa pag-iisip ng tao. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao kung paano ipaliwanag nang tama ang mga usapin tulad ng kapalaran ng isang bansa, at hindi nila nauunawaan ang katotohanang sangkot sa usaping ito, sa loob ng iba’t ibang kapaligiran, madalas silang naiimpluwensyahan o nagagawang tiwali ng ideyang ito, o nakakaapekto ito sa lagay ng kanilang kalooban—talagang hindi sulit ito.

Tungkol naman sa kapalaran ng isang bansa, dapat bang maunawaan ng mga tao kung paano ito tinitingnan ng Diyos, at kung paano ito dapat tingnan nang tama ng mga tao? (Oo.) Dapat tumpak na maunawaan ng mga tao kung anong paninindigan ang dapat nilang panghawakan kapag kinokonsidera ang usaping ito, upang makaiwas sila sa mapaminsalang epekto at impluwensya sa kanila ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Tignan muna natin kung maiimpluwensyahan ng sinumang tao, anumang puwersa, o anumang pangkat etniko ang kapalaran ng isang bansa. Sino ang nagpapasya sa kapalaran ng isang bansa? (Ito ay pinagpapasyahan ng Diyos.) Tama, dapat maintindihan ang ugat na dahilang ito. Ang kapalaran ng isang bansa ay mahigpit na nauugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala itong kaugnayan sa sinuman. Walang puwersa, ideya, o tao ang makapagpapabago sa tadhana ng isang bansa. Ano ang kasama sa tadhana ng isang bansa? Ang kaunlaran at pagbagsak ng bansa. Maunlad man o atrasado ang bansa, at anuman ang heograpikal na lokasyon nito, gaano man kalaki ang teritoryo na saklaw nito, ang laki nito, at ang lahat ng kayamanan nito—kung gaano karaming kayamanan ang nasa lupa, sa ilalim ng lupa at himpapawid—kung sino ang pinuno ng bansa, anong uri ng mga tao ang bumubuo sa namumunong herarkiya, kung ano ang mga gumagabay na pampulitikang prinsipyo at pamamaraan ng pamamahala ng pinuno, kung kinikilala man ng mga ito ang Diyos, nagpapasakop sa Kanya, at ano ang saloobin ng mga ito sa Diyos, at iba pa—ang lahat ng bagay na ito ay may epekto sa kapalaran ng bansa. Ang mga bagay na ito ay hindi itinatakda ng sinumang tao, lalo na ng anumang puwersa. Walang sinumang tao o kapangyarihan ang may huling kapasyahan, at hindi rin si Satanas. Kaya sino ang may huling kapasyahan? Tanging ang Diyos ang may huling kapasyahan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, at gayundin si Satanas, ngunit mapanlaban si Satanas. Palagi nitong gustong pamahalaan ang mga tao at dominahin sila, kaya patuloy itong gumagamit ng ilang nakapupukaw at mapanlihis na ideya at opinyon upang itaguyod ang mga bagay tulad ng wastong asal at panlipunang pamantayan, at hinihimok ang mga tao na tanggapin ang mga ideyang ito, sa gayon ay sinasamantala ang mga tao para paglingkuran ang mga pinuno, at papanatilihin ang mga pinuno sa kapangyarihan. Ngunit sa katunayan, anuman ang gawin ni Satanas, ang kapalaran ng isang bansa ay walang kaugnayan kay Satanas, o anumang kaugnayan sa kung gaano kalakas, kalalim, at kalawak ang pagpapakalat ng mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura. Ang mga kalagayan ng pamumuhay at uri ng pag-iral ng anumang bansa sa anumang panahon—mayaman man ito o mahirap, atrasado o maunlad, gayundin ang antas nito sa maraming bansa sa mundo—lahat ito ay walang anumang kaugnayan sa lakas ng pamamahala ng mga pinuno, o sa kabuluhan ng mga ideya ng mga intelektwal na ito, o sa sigla nila sa pagpapakalat ng mga ito. Ang kapalaran ng isang bansa ay nauugnay lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa panahon kung kailan pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan. Sa anumang panahong kailangan ng Diyos na gawin ang anumang gawain, at pamunuan at pangasiwaan ang alinmang mga bagay, at akayin ang buong lipunan sa alinmang direksyon, at isakatuparan ang anumang uri ng lipunan—sa panahong iyon, lilitaw ang ilang espesyal na karakter, at mangyayari ang ilang maganda at espesyal na bagay. Halimbawa, ang digmaan, o ang pagsasanib ng lupain ng ilang bansa sa iba pang mga bansa, o ang paglitaw ng ilang espesyal, umuusbong na teknolohiya, o maging ang paggalaw ng lahat ng karagatan at mga kontinental na plato ng daigdig, at iba pa—ang mga bagay na ito ay napapasailalim lahat sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng kamay ng Diyos. Posible rin na ang pagpapakita ng isang hindi kapansin-pansing tao ang aakay sa buong sangkatauhan na gumawa ng isang malaking hakbang pasulong. Posible rin na ang pagpapakita ng isang lubos na hindi kapansin-pansin, hindi mahalagang pangyayari ay mag-udyok ng malawakang migrasyon ng sangkatauhan, o maaaring sa ilalim ng mga epekto ng isang hindi mahalagang kaganapan, sasailalim ang lahat ng sangkatauhan sa isang malaking pagbabago, o magkakaroon ng iba’t ibang antas ng mga pagbabago sa ekonomiya, mga usaping militar, negosyo, o medikal na panggagamot, at iba pa. Naiimpluwensyahan ng mga pagbabagong ito ang kapalaran ng alinmang bansa sa mundo, at gayundin ang pag-unlad at pagbagsak ng anumang bansa. Kaya, ang tadhana, pagbangon, at pagbagsak ng anumang bansa, makapangyarihan man ito o mahina, ay lahat nauugnay sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kung gayon, bakit gusto ng Diyos na gawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Ang Kanyang mga layunin ang ugat ng lahat. Sa madaling salita, ang kaligtasan, pagbangon, at pagbagsak ng anumang bansa o bayan ay walang anumang kaugnayan sa anumang lahi, anumang kapangyarihan, anumang naghahari-harian, anumang pamamaraan ng pamamahala, o sa sinumang indibidwal na tao. Nauugnay lamang ang mga ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nauugnay rin ang mga ito sa panahon kung saan pinamamahalaan ng Lumikha ang sangkatauhan, at sa susunod na magiging hakbang ng Lumikha sa pamamahala at pamumuno sa sangkatauhan. Samakatuwid, anumang ginagawa ng Diyos ay nakakaimpluwensya sa tadhana ng alinmang bansa, bayan, lahi, grupo, o indibidwal na tao. Mula sa pananaw na ito, masasabi na ang tadhana ng sinumang indibidwal na tao, lahi, bayan, at bansa ay talagang magkarugtong at mahigpit na magkaugnay sa isa’t isa, at hindi mapaghihiwalay ang ugnayan sa pagitan ng mga ito. Gayunpaman, ang ugnayan sa pagitan ng mga bagay na ito ay hindi idinulot ng ideya at pananaw na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” sa halip, nangyari ito dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Dahil nasa ilalim mismo ng kataas-taasang kapangyarihan ng nag-iisang tunay na Diyos, ang Lumikha, ang tadhana ng mga bagay na ito, kaya mayroong hindi mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng mga ito. Ito ang ugat at diwa ng kapalaran ng isang bansa.

Kaya, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng karamihan sa populasyon, anong pananaw ang dapat panghawakan ng isang tao hinggil sa kapalaran ng sariling bansa? Una sa lahat, dapat tingnan ng isang tao kung gaano kalaki ang ginagawa ng bansa para pangalagaan ang karamihan sa populasyon at panatilihin silang kontento. Kung karamihan sa populasyon ay namumuhay nang maayos, may kalayaan at karapatang magsalita nang malaya, kung ang lahat ng mga patakarang ipinroklama ng gobyerno ng estado ay napakarasyonal at itinuturing na makatarungan at makatwiran ng mga tao, kung ang mga karapatang pantao ng mga ordinaryong tao ay napangangalagaan, at kung ang mga tao ay hindi pinagkakaitan ng kanilang karapatan sa buhay, kusang aasa ang mga tao sa bansang ito, magagalak na manirahan dito, at mamahalin ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Pagkatapos, magiging responsable ang lahat sa kapalaran ng bansang ito, at ang mga tao ay magiging taos-pusong handang gampanan ang kanilang responsabilidad sa bansang ito, at gugustuhin nilang umiral ito magpakailanman dahil kapaki-pakinabang ito sa kanilang buhay at sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa kanila. Kung hindi mapangalagaan ng bansang ito ang buhay ng mga ordinaryong tao, at hindi ibinibigay sa kanila ang karapatang pantao na nararapat sa kanila, at wala man lang silang kalayaan sa pagsasalita, at kung ang mga nagsasabi ng kanilang opinyon ay pinipigilan at sinusupil, at ang mga tao ay pinagbabawalan pa ngang magsalita o magtalakay ng kung ano ang gusto nila, at kung, kapag ang mga tao ay inaapi, pinapahiya, at inuusig, ang bansa ay walang pakialam, at kung walang anumang kalayaan, at ang mga tao ay pinagkakaitan ng kanilang mga batayang karapatang pantao at karapatan sa buhay, at kung ang mga sumasampalataya at sumusunod sa Diyos ay sinusupil at pinag-uusig kaya hindi na sila makauwi, at kung hindi napapanagot ang mga pumapatay sa mga mananampalataya, kung gayon, ang bansang ito ay isang bansa ng mga diyablo, isang bansa ni Satanas, at hindi ito isang tunay na bansa. Kung gayon, dapat bang maging responsable pa rin ang lahat sa kapalaran nito? Kung sa puso nila ay nasusuklam at napopoot na ang mga tao sa bansang ito, kahit na aminin nilang responsable sila rito sa teorya, hindi sila magiging handang gampanan ang responsabilidad na ito. Kung sasakupin ng isang malakas na kaaway ang bansang ito, karamihan sa mga tao ay aasa pa nga sa napipintong pagbagsak ng bansa, upang makapamuhay sila nang masaya. Samakatuwid, kung responsable ang bawat isa sa kapalaran ng isang bansa ay nakasalalay sa kung paano tinatrato ng gobyerno nito ang mga tao. Ang pinakamahalagang punto ay kung sinusuportahan ito ng publiko—pangunahin itong natutukoy batay sa aspektong ito. Ang isa pang aspekto, sa panimula, ay na sa likod ng anumang nangyayari sa alinmang bansa, mayroong ilang dahilan at salik na nagsasanhing mangyari ito, at hindi ito isang bagay na maaaring maimpluwensyahan ng isang ordinaryo o hindi mahalagang tao. Samakatuwid, pagdating sa kapalaran ng isang bansa, walang indibidwal na tao o anumang pangkat etniko ang may huling kapasyahan, o may kapangyarihang makialam. Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Sabihin natin, halimbawa, na ang mga naghahari-harian sa iyong bansa ay gustong palawakin ang teritoryo nito at kamkamin ang mahahalagang lupain, imprastraktura, at yaman ng isang kalapit na bansa. Matapos makapagdesisyon, ang mga naghahari-harian ay nagsisimulang maghanda ng mga puwersang militar, mangalap ng pondo, mag-imbak ng lahat ng uri ng panustos, at magtalakay kung kailan ilulunsad ang pagpapalawak ng lupain. May karapatan ba ang mga karaniwang tao na malaman ang lahat ng ito? Wala ka man lang karapatang makaalam. Ang alam mo lang ay na sa mga nakalipas na taon, tumaas ang pagbubuwis ng estado, tumaas ang mga singil at bayarin na ipinataw dahil sa kung anu-anong inimbentong kadahilanan, at tumaas ang pambansang utang. Ang obligasyon mo lang ay ang magbayad ng mga buwis. Tungkol sa kung ano ang mangyayari sa bansa at kung ano ang gagawin ng mga namumuno, mayroon bang anumang kinalaman iyon sa iyo? Hanggang sa sandaling magpasya ang bansa na makipagdigma, kung aling bansa at aling mga lupain ang sasakupin nito, at kung paano nito sasakupin ang mga iyon, ay mga bagay na tanging ang mga naghahari-harian ang nakakaalam, at maging ang mga sundalong ipapadala sa digmaan ay walang alam. Ni wala silang karapatang makaalam. Kailangan nilang lumaban saan man ituro ng pinuno. Kung bakit sila nakikipaglaban, hanggang kailan sila makikipaglaban, kung mananalo ba sila o hindi, at kung kailan sila makakauwi, sadyang hindi nila alam, wala man lang silang nalalaman. Ang mga anak ng ilang tao ay ipinapadala sa digmaan, pero sila bilang mga magulang ay wala man lang nalalaman tungkol doon. Ang mas masama pa riyan, kapag napatay ang kanilang mga anak, hindi man lang nila malalaman. Kapag naibalik na ang abo, saka nila nalalaman na patay na ang kanilang mga anak. Kaya sabihin mo sa Akin, ang kapalaran ba ng iyong bansa, at ang mga bagay na gagawin ng iyong bansa, at kung anong mga desisyon ang gagawin nito, ay may anumang kaugnayan sa iyo bilang isang ordinaryong tao? Sinasabi ba ng bansa sa iyo, na isang ordinaryong tao, ang tungkol sa mga bagay na ito? May karapatan ka bang sumali sa pagdedesisyon? Wala ka man lang karapatang makaalam, lalong wala kang karapatang sumali sa pagdedesisyon. Anuman para sa iyo ang bansa mo, mayroon bang anumang kaugnayan sa iyo kung paano ito umuunlad, kung anong direksiyon ito patungo, at kung paano ito pinamumunuan? Wala itong kaugnayan sa iyo. Bakit ganoon? Dahil isa kang ordinaryong tao, at ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay lamang sa mga namumuno. Ang huling kapasyahan ay nakasalalay sa mga namumuno at mga naghahari-harian, at sa mga may pangsariling interes, ngunit wala itong anumang kaugnayan sa iyo bilang isang ordinaryong tao. Kaya, dapat mayroon kang kaunting kamalayan sa sarili. Huwag gumawa ng mga bagay na hindi makatwiran; hindi na kailangang ialay ang iyong buhay o ilagay ang iyong sarili sa kapahamakan para sa isang pinuno. Ipagpalagay natin na ang mga namumuno sa bansa ay mga diktador, at ang kapangyarihan ay nasa mga kamay ng mga diyablo na hindi tumutupad sa kanilang nararapat na tungkulin, at gumugugol ng buong araw sa paglalasing at kahalayan, namumuhay nang maluho, at walang ginagawa para sa mga tao. Ang bansa ay nasasadlak na sa utang at kaguluhan, at ang mga pinuno ay tiwali at walang kakayahan, na nagreresulta sa pananakop dito ng isang dayuhang kaaway. Saka lamang naiisip ng mga pinuno ang mga karaniwang tao, tinatawag sila at sinasabing: “‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.’ Kung mawawasak ang bansa, isang buhay ng paghihirap ang naghihintay sa inyong lahat. Sa kasalukuyan, may kaguluhan sa bansa, at ang mga mananakop ay nakapasok na sa ating mga teritoryo. Upang maprotektahan ang bansa, magmadaling pumunta sa lugar ng digmaan, dumating na ang oras na kailangan kayo ng bansa!” Pinagninilayan mo ito, iniisip na, “Tama, ‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.’ Sa bibihirang pagkakataon ay kailangan ako ng bansa sa wakas, kaya, sapagkat mayroon akong ganitong responsabilidad, dapat kong isuko ang buhay ko para protektahan ang bansa. Hindi maaaring mapasakamay ng iba ang bansa natin, kung mawawala sa kapangyarihan ang pinunong ito, siguradong katapusan na natin!” Kahangalan bang mag-isip nang ganito? Itinatatwa at sinasalungat ng mga pinuno ng mga diktadurang ito ang Diyos. Kumakain, umiinom at nagsasaya sila buong araw, kumikilos nang walang ingat, hinahamak ang mga karaniwang tao, at sinasaktan at pinagmamalupitan ang masa. Kung nagmamadali ka nang buong tapang at walang takot para protektahan ang mga pinunong tulad nito, nagsisilbing pambala sa kanyon para sa mga ito sa lugar ng digmaan at ibinubuhos ang iyong buhay para sa kanila, kung gayon ay talagang hangal ka, at nangangako ng bulag na katapatan! Bakit Ko sinasabi na talagang hangal ka? Sino nga ba ang ipinaglalaban ng mga sundalo sa lugar ng digmaan? Para kanino nila ibinubuhos ang kanilang buhay? Para kanino sila nagsisilbing pambala sa kanyon? At kung sa lahat ng tao ay ikaw na isang mahina at marupok na karaniwang tao, ang pupunta sa digmaan, kung gayon, isa lang itong pagpapakita ng kahangalan at pag-aaksaya ng buhay. Kung dumating ang digmaan, dapat kang manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na protektahan ka upang makatakas ka papunta sa isang ligtas na lugar, sa halip na magsakripisyo nang walang kabuluhan at lumaban. Ano ang kahulugan ng walang kabuluhang sakripisyo? Kahangalan. Ang bansa ay likas na magkakaroon ng mga taong handang itaguyod ang diwa ng “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” upang protektahan ang mga pinuno at itaya ang kanilang buhay para sa mga ito. Ang kapalaran ng bansa ay may malaking epekto sa mga interes at kaligtasan ng mga naturang tao, kaya hayaan ang mga ito na pangasiwaan ang mga kaganapan ng bansa. Isa kang ordinaryong tao, wala kang kapangyarihang protektahan ang bansa, at walang kaugnayan sa iyo ang mga bagay na ito. Anong uri mismo ng bansa ang karapat-dapat ipagtanggol? Kung ito ay isang bansa na may mga malaya at demokratikong sistema, at ang pinuno ay talagang may ginagawa para sa mga tao at makakapaggarantiya sa kanila ng isang normal na buhay, kung gayon, ang naturang bansa ay karapat-dapat ipagtanggol at protektahan. Nararamdaman ng mga karaniwang tao na ang pagprotekta sa gayong bansa ay katumbas ng pagprotekta sa sarili nilang tahanan, na isang hindi maiiwasang responsabilidad, kaya handa silang magtrabaho para sa bansa at gampanan ang kanilang responsabilidad. Ngunit kung ang mga diyablo o si Satanas ang namumuno sa bansang ito, at ang mga pinuno ay masasama at walang kakayahan hanggang sa puntong ang paghahari ng mga demonyong haring ito ay nawawalan ng lakas at dapat na silang bumaba sa puwesto, magtatatag ang Diyos ng isang makapangyarihang bansa na mananakop. Ito ay isang hudyat mula sa Langit para sa mga tao, na nagsasabi sa kanila na ang mga namumuno ng rehimeng ito ay dapat nang bumaba sa puwesto, at na hindi sila karapat-dapat na magkaroon ng ganoong kapangyarihan, o mangibabaw sa lupaing ito, o mag-obliga sa mga tao ng bansang ito na tustusan sila, dahil wala silang nagawang anuman para pangalagaan ang kapakanan ng populasyon ng bansa, at hindi rin naging kapaki-pakinabang sa mga karaniwang tao ang kanilang pagmumuno o nakapagdulot ng anumang kaligayahan sa buhay ng mga tao. Pinahirapan lamang nila ang mga karaniwang tao, ipinahamak sila, at pinagmalupitan at inabuso sila. Kaya, ang gayong mga pinuno ay dapat bumaba sa puwesto at magbitiw sa kanilang mga posisyon. Kung papalitan ang rehimeng ito ng isang demokratikong sistema na mabubuting tao ang nasa kapangyarihan, matutupad nito ang mga inaasam at inaasahan ng populasyon, at ito ay alinsunod din sa kalooban ng Langit. Ang mga sumusunod sa mga pamamaraan ng Langit ay uunlad, habang ang mga lumalaban sa Langit ay mawawasak. Bilang isang ordinaryong mamamayan, kung palagi kang nalilinlang ng ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at palagi mong iniidolo at sinusunod ang mga naghahari-harian, kung gayon, tiyak na mamamatay ka nang maaga at malamang na magiging isang biktimang pangsakripisyo at alay ng mga naghahari-harian. Kung hahangarin mo ang katotohanan, iiwasang malihis ni Satanas at kung makakatakas ka sa impluwensya nito at mapapanatili ang buhay mo, may pag-asang makita mo ang pag-ahon ng isang positibong bansa, at makita ang pag-upo sa kapangyarihan ng mga pantas na panginoon at matatalinong pinuno, at makita ang pagtatatag ng isang magandang panlipunang sistema, at magkakaroon ka ng magandang kapalaran para mamuhay nang masaya. Hindi ba’t isa itong pasya ng isang matalinong tao? Huwag isipin na ang sinumang mananakop ay mga kaaway o mga demonyo; mali iyan. Kung palagi mong itinuturing ang mga pinuno bilang pinakadakila at nakatataas sa lahat, at tinatrato sila bilang mga walang hanggang amo ng lupaing ito gaano man karaming masasamang bagay ang ginagawa nila, o gaano man nila nilalabanan ang Diyos at pinagmamalupitan ang mga mananampalataya, isa iyang malaking pagkakamali. Isipin mo, nang napuksa ang mga pyudal na naghaharing dinastiya noon, at namuhay ang mga tao sa ilalim ng iba’t ibang medyo demokratikong sistemang panlipunan, naging tila mas malaya at mas masaya sila, naging mas maganda ang buhay nila sa materyal na aspekto kaysa dati, at ang lawak ng adhikain, kabatiran, at pananaw ng sangkatauhan sa iba’t ibang bagay ay naging mas progresibo kaysa dati. Kung ang lahat ng tao ay lahat paurong mag-isip, at palaging naniniwala na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” at patuloy na nagnanais na buhayin ang mga lumang tradisyon, ibalik ang pamumuno ng mga emperador, at bumalik sa isang pyudal na sistema, ganito kaya kalayo ang maaabot ng pag-unlad ng sangkatauhan? Magiging katulad kaya ng sa kasalukuyan ang kanilang tirahan? Tiyak na hindi. Samakatuwid, kapag nagkakagulo ang bansa, kung nakasaad sa mga batas ng bansa na dapat mong tuparin ang iyong mga tungkuling sibiko at gumanap ng serbisyong militar, dapat kang magsagawa ng serbisyong militar alinsunod sa batas. Kung kinakailangan mong pumunta sa digmaan sa panahon ng iyong serbisyong militar, dapat mo ring tuparin ang iyong responsabilidad, dahil ito ang dapat mong gawin ayon sa batas. Hindi mo maaaring labagin ang batas, at dapat kang sumunod dito. Kung hindi ito hinihingi ng batas, malaya kang pumili. Kung ang bansang tinitirhan mo ay kumikilala sa Diyos, sumusunod sa Kanya, sumasamba sa Kanya, at taglay ang Kanyang mga pagpapala, kung gayon, dapat itong ipagtanggol. Kung ang bansang tinitirhan mo ay nilalabanan at inuusig ang Diyos, at inaaresto at inaapi ang mga Kristiyano, kung gayon, ang naturang bansa ay isang satanikong bansa na pinamumunuan ng mga diyablo. Sa patuloy na paglaban sa Diyos nang may nagpupuyos na galit, nalabag na nito ang disposisyon ng Diyos, at isinumpa na ito ng Diyos. Kapag ang gayong bansa ay nahaharap sa pagsalakay ng isang dayuhang kaaway, at napapaligiran ng mga kaguluhan sa loob at labas ng mga teritoryo nito, ito ay isang panahon kung kailan ang galit, kawalang-kasiyahan, at hinanakit ang nangingibabaw sa Diyos at sa sangkatauhan. Hindi ba’t ito ang panahon kung kailan nais ng Diyos na magtatag ng isang kapaligiran para sirain ang bansang ito? Ito ang panahon na magsisimulang kumilos ang Diyos. Narinig ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao, at dumating na ang oras para ayusin Niya ang mga maling ginawa sa mga hinirang ng Diyos. Isa itong magandang bagay, at magandang balita rin ito. Ang panahon kung kailan wawasakin na ng Diyos ang mga diyablo at si Satanas ay ang panahon din para sa mga hinirang ng Diyos na maging sabik na sabik at mag-ikot para ipalaganap ang balita. Sa panahong ito, hindi mo dapat itaya ang buhay mo para sa mga naghahari-harian. Dapat mong gamitin ang iyong karunungan upang iwaksi ang mga hadlang na ipinataw ng mga naghahari-harian, magmadaling tumakas upang protektahan ang iyong sarili at kagyat na iligtas ang iyong sarili. Sinasabi ng ilang tao: “Kung tatakbo ako, magiging isa ba akong takas? Hindi ba’t makasarili iyon?” Maaaring hindi ka rin maging isang takas, at babantayan mo na lamang ang iyong tahanan at hihintayin ang mga mananakop na bombahin at sakupin ito, at titingnan kung ano ang kahihinatnan. Sa katunayan, kapag nangyayari ang anumang malaking kaganapan na mahalaga sa bansa, ang mga ordinaryong tao ay walang karapatang pumili para sa kanilang sarili. Ang lahat ay maaari lamang na pasibong maghintay, manood, at magtiis sa mga hindi maiiwasang resulta ng kaganapang ito. Hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Ito nga ay isang katunayan. Ano’t anuman, ang pagtakas ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos. Responsabilidad mo na protektahan ang sarili mong buhay at ang kaligtasan ng iyong pamilya. Kung hihingin sa lahat ng tao na maging responsable para sa kapalaran ng kanilang bansa, at namatay silang lahat dahil doon, at ang natira na lamang sa bansa ay isang malawak na lupain, iiral pa ba ang diwa ng bansa? Ang “Bansa” ay magiging isang hungkag lang na salita, hindi ba? Sa mata ng mga diktador, ang buhay ng mga tao ang bagay na pinakawalang halaga kumpara sa kanilang mga ambisyon at hangarin, sa kanilang mga pagsalakay, at sa anumang desisyon at kilos nila, ngunit sa mga mata ng Diyos, ang buhay ng tao ang pinakamahalagang bagay. Hayaan ang mga taong handang maging pambala sa kanyon para sa mga diktador at ang mga taong handang itaguyod ang diwa ng kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” na mag-ambag at magsakripisyo para sa mga pinuno. Ang mga sumusunod sa Diyos ay walang obligasyon na gumawa ng anumang mga sakripisyo para sa isang bansa ni Satanas. Maaari mo ring isipin ito nang ganito—hayaan ang masunuring supling ni Satanas at iyong mga sumusunod dito na magsakripisyo para sa pamumuno ni Satanas at para sa mga ambisyon at hangarin nito. Tama lang na hayaan silang maging pambala ng kanyon. Walang pumilit sa kanilang magkaroon ng ganoon kalaking mga ambisyon at hangarin. Gusto lang nilang sumunod sa mga namumuno, at nilalayon nilang mangako ng katapatan sa mga diyablo, kahit na ikamatay nila ito. Sa huli, sila ay nagiging mga pangsakripisyo at panghandog ni Satanas, na siyang nararapat sa kanila.

Kapag sinasakop ng anumang bansa ang isa pang bansa, o kapag ang isang hindi patas na pakikipagtransaksyon sa ibang bansa ay humantong sa digmaan, sa huli, ang mga biktima ay ang mga karaniwang tao, ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. Totoo na maiiwasan ang ilang digmaan kung ang isa sa mga partido ay magagawang magkompromiso, bumitiw sa kanilang mga ambisyon, hangarin, at kapangyarihan, at mag-isip tungkol sa kaligtasan ng mga karaniwang tao. Sa totoo lang, maraming digmaan, ang dulot ng pagkapit ng mga pinuno sa sarili nilang paghahari, ayaw bitiwan o mawala sa kanilang mga kamay ang kapangyarihan, at sa halip ay mahigpit na sumusunod sa kanilang mga paniniwala, kumakapit sa kapangyarihan, at pinanghahawakan ang sarili nilang mga interes. Sa sandaling sumiklab ang digmaan, ang mga karaniwang tao at ordinaryong tao ang nagiging biktima. Malayo at malawak silang nakakalat sa panahon ng digmaan, at sila ang pinakawalang-kakayahang tutulan ang lahat ng ito. May konsiderasyon ba ang mga pinunong ito sa mga karaniwang tao? Isipin kung mayroong isang pinuno na nagsabing, “Kung panghahawakan ko ang sarili kong mga paniniwala at teorya, maaaring makapag-udyok ako ng digmaan, at ang mga ordinaryong tao ang magiging biktima. Kahit manalo ako, mawawasak ang lupaing ito ng mga sandata at bala, at ang mga tahanang tinitirhan ng mga tao ay mawawasak, kaya ang mga taong naninirahan sa lupaing ito ay hindi magkakaroon ng masayang buhay sa hinaharap. Upang maprotektahan ang mga karaniwang tao, bababa ako sa puwesto, aalisin ang sandata, susuko, at makikipagkompromiso,” at pagkatapos niyon, maiiwasan ang digmaan. Mayroon bang gayong pinuno? (Wala.) Sa katunayan, ayaw ng mga karaniwang tao na makipaglaban, hindi rin nila gustong lumahok sa tunggalian o mga paligsahan sa pagitan ng mga puwersang pampulitika. Lahat sila ay pasibong ipinapadala ng pinuno sa lugar ng digmaan at sa panganib. Ang lahat ng taong ito na ipinapadala sa lugar ng digmaan, mamatay man sila o mabuhay, sa huli, sila ay maglilingkod para mapanatili ang pinuno sa kapangyarihan. Kaya, ang pinuno ba ang tunay na makikinabang? (Oo.) Ano ang mapapala ng mga karaniwang tao sa digmaan? Maaari lamang silang mawasak dahil dito, at magdusa sa pagkasira ng kanilang mga tahanan at ng tirahan na kanilang sinasandalan. Ang ilan ay nawawalan ng pamilya, at ang mas marami pa ay napipilitang umalis at nawawalan sila ng tirahan, nang wala nang pag-asang makabalik pa. Gayunpaman, maringal na sinasabi ng pinuno na ang digmaan ay inilunsad para protektahan ang mga tahanan ng mga tao at ang kanilang kaligtasan. May katuturan ba ang pahayag na ito? Hindi ba’t ito ay walang sinseridad at mapanlinlang? Sa huli, ang mga karaniwang tao, ang mga tao, ang pumapasan ng lahat ng masasamang kahihinatnan nito, at ang pinakanakikinabang dito ay ang pinuno. Maaari nilang patuloy na pamunuan ang mga tao, pamunuan ang lupain, hawakan ang kapangyarihan, at akuin ang posisyon ng pinuno na nagbibigay ng mga utos, samantalang ang mga ordinaryong tao ay nabubuhay sa matinding paghihirap na walang kinabukasan at walang pag-asa. Iniisip ng ilang tao na ang ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay ganap na tama. Kung titingnan ito ngayon, tama ba ito? (Hindi, hindi ito tama.) Walang kahit katiting na tama sa kasabihang ito. Kung titingnan man ito mula sa perspektiba ng mga motibo ni Satanas sa pagkintal ng ideyang ito sa mga tao, o sa mga pakana, pagnanais, at ambisyon ng mga pinuno sa iba’t ibang yugto sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng tao, o anumang katunayan tungkol sa kapalaran ng isang bansa, ang paglitaw ng mga pangyayaring ito ay hindi makokontrol ng sinumang ordinaryong tao, indibidwal, o pangkat etniko. Sa huli, ang mga biktima ay ang masang hindi naghihinala at karaniwang mamamayan, samantalang ang pinakahigit na nakikinabang ay ang naghahari-harian sa bansa, ang mga pinuno sa pinakatuktok. Kapag nagkakagulo ang bansa, pinadadala nila sa unang hanay ang mga karaniwang tao para gawing pambala sa kanyon. Kapag walang kaguluhan sa bansa, ang mga karaniwang tao ang kamay na nagpapakain sa kanila. Pinagsasamantalahan nila ang mga karaniwang tao, nililimas ang yaman ng mga ito at umaasa sa panustos ng mga ito, pinipilit ang mga tao na magbigay sa kanila, at sa huli ay ikinikintal pa nga sa mga tao ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” at pinipilit silang tanggapin ito. Ang sinumang hindi tumatanggap nito ay binabansagang hindi makabayan. Ang mensaheng ipinapaabot ng mga pinunong ito ay: “Ang layon ng aking pamumuno ay para mamuhay kayo nang masaya. Kung wala ang aking pamumuno, hindi kayo mabubuhay, kaya dapat ninyong sundin ang mga sinasabi ko, maging mga masunuring mamamayan, at maging laging handa na ialay ang inyong sarili at isakripisyo ang inyong sarili para sa kapalaran ng inyong bansa.” Sino ang bansa? Sino ang kasingkahulugan ng bansa? Ang mga namumuno ay kasingkahulugan ng bansa. Sa isang punto, sa pamamagitan ng pagkintal sa mga tao ng ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay pinipilit nila ang mga tao na gampanan ang mga responsabilidad ng mga ito nang walang pagpipilian, pag-aatubili, o anumang pagtutol. Sa isa pang punto, sinasabi nila sa mga tao na napakahalaga sa populasyon ang kapalaran ng bansa at ang usapin ng kung ang mga pinuno nito ay mananatili sa kapangyarihan o mapapatalsik, kaya dapat lubos na mag-ingat ang mga tao upang maipagtanggol kapwa ang bansa at mga pinuno nito, upang magarantiya ang kanilang normal na pag-iral. Totoo ba talaga ito? (Hindi.) Malinaw na hindi ito totoo. Ang mga pinunong hindi kayang magpasakop sa Diyos, sumunod sa Kanyang kalooban, o magtrabaho para sa kapakanan ng mga karaniwang tao ay hindi makukuha ang suporta ng karamihan, at hindi magiging mabubuting pinuno. Kung, sa halip na kumilos para sa kapakanan ng mga karaniwang tao, hinahangad lamang ng mga pinuno ang kanilang sariling mga interes, hinahamak ang mga tao, at parang mga parasito ang mga pinuno na sumisipsip sa dugo’t pawis ng mga tao, kung gayon, ang mga pinunong tulad niyon ay mga Satanas at mga diyablo, at hindi sila karapat-dapat sa suporta ng mga tao, gaano man sila kalakas. Kung walang gayong mga pinuno ang bansa, iiral ba ito? Iiral ba ang buhay ng mga tao? Iiral ito sa kabila ng lahat, at maaari pa ngang makapamuhay nang mas maganda ang mga tao. Kung malinaw na nakikita ng mga tao ang diwa ng katanungan ng kung ano dapat ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad sa kanilang bansa, kung gayon, saang bansa man sila nakatira, dapat silang magkaroon ng mga tamang pananaw sa malalaking isyu sa bansang iyon, at sa mga isyu tungkol sa pulitika at kapalaran ng bansang iyon. Kapag nagkaroon ka ng mga tamang pananaw na ito, magagawa mo ang tamang pasya sa mga bagay na kinasasangkutan ng kapalaran ng bansa. Sa usapin ng kapalaran ng isang bansa, mayroon na ba kayong batayang pagkaunawa sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao? (Mayroon.)

Marami Akong naibahagi tungkol sa kasabihan sa wastong asal na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Tungkol sa konsepto ng bansa, ang impluwensya ng terminong “bansa” sa mga tao sa lipunan, kung anong mga responsabilidad ang dapat taglayin ng mga tao sa kanilang bansa at bayan pagdating sa kapalaran ng bansang iyon, anong mga kapasyahan ang dapat nilang gawin, at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan sa usaping ito, malinaw ba Akong nakipagbahaginan tungkol sa lahat ng ito? (Oo.) Kung gayon, dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito.

Hunyo 11, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 14

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito