519 Anong Makakamit sa Katotohanan?
1 Ang ibig sabihin ng pagtatamo ng katotohanan ay pag-unawa sa kahulugan ng Diyos sa pamamagitan ng bawa’t salitang Kanyang sinasabi; ang ibig sabihin nito ay naisasagawa mo ang mga salita ng Diyos sa sandaling naunawaan mo na ang mga ito, para maisabuhay mo ang mga salita ng Diyos at maging iyong realidad. Kapag mayroon ka nang lubos na pagkaunawa sa salita ng Diyos, saka mo lamang tunay na mauunawaan ang katotohanan. Ang salita ng Diyos ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nangangahulugan na mauunawaan at matatamo ng isang tao ang katotohanan matapos niyang mabasa ang mga salita ng Diyos. Kung nabibigo kang matamo ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, kung gayon ang natatamo mo ay mga titik at doktrina. Hindi mo alam kung ano ang kahulugan ng matamo ang katotohanan. Maaaring hawak mo ang mga salita ng Diyos sa iyong palad, nguni’t matapos basahin ang mga ito ay bigo ka pa ring maunawaan ang kalooban ng Diyos, nakukuha mo lamang ang ilang titik at doktrina.
2 Una sa lahat, dapat mong matanto na ang salita ng Diyos ay hindi madaling maunawaan; ang salita ng Diyos ay napakalalim. Kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos ay mangangailangan ng iyong buong buhay para lubusang maranasan. Binabasa mo ang mga salita ng Diyos, nguni’t hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos; hindi mo nauunawaan ang mga hangarin ng Kanyang mga salita, ang pinagmulan ng mga ito, ang epektong hinahanap na makamit ng mga ito, o kung ano ang hinahanap na maisakatuparan ng mga ito. Paano ito mangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan? Maaaring maraming beses mo nang nabasa ang mga salita ng Diyos at marahil ay kabisado mo na ang maraming sipi, nguni’t hindi ka pa rin nababago, ni nagkakaroon ka ng anumang pag-unlad. Ang iyong kaugnayan sa Diyos ay malayo at hiwalay pa rin tulad ng dati. Mayroon pa ring mga hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at nagdududa ka pa rin sa Kanya. Hindi lamang hindi mo nauunawaan ang Diyos, kundi nagdadahilan ka pa sa Kanya at nagkakandili ng mga kuro-kuro tungkol sa Kanya. Nilalabanan mo Siya at nilalapastangan mo pa Siya. Paano ito mangangahulugan na natamo mo na ang katotohanan?
Hango sa Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi