Ano ang Alam Mo sa Pananalig?
Umiiral lamang sa tao ang tila naririyan at tila hindi naririyan na salita na “pananalig,” subalit hindi alam ng tao kung ano ang aktuwal na bumubuo sa pananalig, lalong hindi niya alam kung bakit niya ito dapat taglayin. Masyadong kaunti ang nauunawaan ng tao, at ang tao ay malaki ang kakulangan; ang pananalig niya sa Akin ay walang iba kundi bulag at hangal. Bagaman hindi niya nalalaman kung ano ang pananalig, ni kung bakit may pananalig siya sa Akin, patuloy siyang nananampalataya sa Akin nang may pagkahumaling. Ang hinihingi Ko sa tao ay hindi lamang para tumawag sa Akin nang may pagkahumaling sa ganitong paraan o manampalataya sa Akin sa isang pabasta-bastang paraan, sapagkat ang gawaing Aking ginagampanan ay upang makita Ako ng tao, at makilala Ako, hindi upang tingnan Ako ng tao nang may bagong pagkaunawa. Dati Akong nagpamalas ng maraming tanda at himala at gumawa ng maraming milagro, at pinakitaan Ako ng mga Israelita noong panahong iyon ng matinding paghanga at lubhang iginalang ang Aking pambihirang kapangyarihan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Noong panahong iyon, ang tingin ng mga Hudyo sa Aking kapangyarihang magpagaling ay pagkadalubhasa, pambihira—at dahil gumawa Ako ng napakaraming gawain, tiningala nila Akong lahat, at inggit na inggit sila sa lahat ng Aking kapangyarihan. Kaya naman, lahat ng nakakita sa Aking gumawa ng mga milagro ay sinundan Ako nang mabuti, kaya napalibutan Ako ng libo-libo upang panoorin Akong magpagaling ng maysakit. Nagpamalas Ako ng napakaraming tanda at himala, ngunit itinuring lamang Ako ng mga tao bilang isang dalubhasang manggagamot; naghayag din Ako ng maraming salita ng pagtuturo sa mga tao noong panahong iyon, ngunit itinuring lamang nila Akong isang gurong nakahihigit sa kanyang mga aprentis! Maging sa araw na ito, matapos matunghayan ng mga tao ang mga pangkasaysayang tala ng Aking gawain, nagpapatuloy ang kanilang interpretasyon na Ako ay isang magaling na manggagamot na nagpapagaling ng maysakit at isang guro sa mga mangmang, at nilimitahan nila Ako bilang mahabaging Panginoong Jesucristo. Iyong mga nagbibigay-kahulugan sa mga Banal na Kasulatan ay maaaring nalampasan na ang Aking “mga kasanayan” sa pagpapagaling, o maaaring mga aprentis na nadaig na ngayon ang kanilang guro, ngunit ang ganoong mga tao na may dakilang katanyagan, na ang mga pangalan ay kilala sa buong mundo, ay itinuturing Ako na napakababa bilang isang hamak na manggagamot! Napakarami ng Aking mga gawa, ang mga ito ay mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat, at ang Aking karunungan ay napakadakila, mas mataas ito kaysa sa karunungan ng lahat ng anak ni Solomon, ngunit sumasampalataya lang sa Akin ang mga tao na para bang isa akong hamak na manggagamot at isang hindi kilalang guro ng tao. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa kabilang buhay. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa kabilang buhay. Kapag ibinuhos Ko ang Aking galit sa mga tao at sinasamsam Ko ang lahat ng kagalakan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinibigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapansin at nakadarama Ako ng pagkasuklam sa kanila, nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng malademonyong panggagamot at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit. Ang mga tao sa sambahayan ng mga Hudyo ay sumampalataya sa Akin dahil sa Aking biyaya, at sinundan Ako saan man Ako magtungo. Ang mga ignoranteng taong ito na may limitadong kaalaman at karanasan ay naghangad lamang na makita ang mga tanda at himala na ipinamalas Ko. Itinuring nila Ako bilang pinuno ng sambahayan ng mga Hudyo na kayang gumawa ng mga pinakadakilang milagro. Kung kaya, noong nagpapalayas Ako ng mga demonyo para sa mga tao, nag-uusap-usap sila: Sinasabi nilang Ako si Elias, na Ako si Moises, na Ako ang pinakasinauna sa lahat ng propeta, na Ako ang pinakamagaling sa lahat ng manggagamot. Bukod sa Aking sariling pagsasabi na Ako ang buhay, ang daan, at ang katotohanan, walang sinuman ang makaaalam ng Aking pagiging Diyos o ng Aking pagkakakilanlan. Bukod sa Aking sariling pagsasabi na ang langit ang lugar kung saan naninirahan ang Aking Ama, walang nakaaalam na Ako ang Anak ng Diyos, at Diyos din Mismo. Bukod sa Aking sariling pagsasabi na dadalhin Ko ang pagtubos sa buong sangkatauhan at tutubusin ang sangkatauhan, walang nakaaalam na Ako ang Manunubos ng sangkatauhan, at kilala lang Ako ng mga tao bilang isang taong maganda ang loob at mahabagin. At bukod sa Aking sariling pagpapaliwanag ng lahat ng tungkol sa Akin, walang nakakikilala sa Akin, at walang naniniwala na Ako ang Anak ng buhay na Diyos. Gayon ang pananalig ng tao sa Akin, at sa gayong paraan Ako sinusubukang linlangin. Paano sila makapagpapatotoo sa Akin kung ganoon ang taglay nilang pananaw tungkol sa Akin?
Ang mga tao ay nananampalataya sa Akin, ngunit hindi nila kayang magpatotoo sa Akin, ni makapagpatotoo sa Akin bago Ko ibunyag ang Aking sarili. Nakikita lamang ng mga tao na nahihigitan Ko ang mga nilikha at lahat ng banal na tao, at nakikitang hindi kayang gawin ng tao ang gawaing ginagampanan Ko. Samakatwid, mula sa mga Hudyo hanggang sa mga tao ng kasalukuyang panahon, lahat ng nakakikita sa Aking maluwalhating mga gawa ay napupuno ng walang iba kundi pagkamausisa tungo sa Akin, pero wala ni isang bibig ng nilikha ang nagawang magpatotoo sa Akin. Tanging ang Aking Ama ang nagpatotoo sa Akin, at gumawa ng landas para sa Akin sa gitna ng lahat ng nilikha; kung hindi Niya ginawa iyon, gaano man Ako gumawa, hindi kailanman malalaman ng tao na Ako ang Lumikha, dahil ang alam lamang ng tao ay kumuha sa Akin at may pananalig siya sa Akin hindi dahil sa Aking gawain. Kilala lamang Ako ng tao dahil wala Akong kasalanan at hindi makasalanan sa anumang bahagi, dahil naipapaliwanag Ko ang maraming misteryo, dahil nakahihigit Ako sa karamihan, o dahil nakinabang mula sa Akin ang tao, ngunit kaunti ang naniniwalang Ako ang Lumikha. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na hindi alam ng tao kung bakit dapat siyang magkaroon ng pananalig sa Akin; hindi niya alam ang layunin o kahalagahan ng pagkakaroon ng pananalig sa Akin. Ang realidad ng tao ay kapos na kapos, kaya siya ay halos hindi angkop na magpatotoo sa Akin. Masyadong kaunti ang tunay ninyong pananalig at masyadong kaunti ang inyong natamo, kaya masyadong kaunti ang inyong patotoo. Bukod diyan, masyadong kaunti ang inyong nauunawaan at masyadong marami ang inyong kakulangan, kaya halos nagkukulang kayo sa pangangailangan makapagpatotoo sa Aking mga gawa. Matindi nga ang inyong determinasyon, ngunit talaga bang makatitiyak kayo na magagawa ninyong magpatotoo sa diwa ng Diyos? Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa naranasan at nakita ng mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo sa Akin na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkakaloob Ko sa inyo ngayon ay higit pa sa ipinagkaloob Ko kay Moises at kay David, kaya’t gayundin ay hinihingi Ko na ang inyong patotoo ay humigit pa sa kay Moises at ang inyong mga salita ay humigit pa sa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t gayundin ay hinihingi Ko sa inyo na suklian Ako ng sandaang beses. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking itinatalaga sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na mga tao ng Israel. Dapat kayong magpatotoo para sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo at mag-alay ng kanyang buhay para sa Akin—matagal Ko na itong paunang inorden. Isang pagpapala na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at tungkulin ninyo na magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung mananampalataya kayo sa Akin alang-alang lamang sa mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo gagawin ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, mapagmahal na kabaitan, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Hudyo ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; at ang nangyari pa nga ay ang naunawaan nila ay katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Ang nakita ninyo ay higit pa maging sa nakita ng mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa nauunawaan nila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang kautusan ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Hudyo ay ang pagtubos ni Jesus, ang natanggap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang wangis lamang ni Jesus sa loob ng sambahayan ng mga Hudyo. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng gawang ginagawa Ko ngayon. Naririnig din ng sarili ninyong mga tainga ang mga salita ng Aking Espiritu, at nagkamit kayo ng pagpapahalaga sa Aking karunungan, nakilala ninyo ang Aking pagiging kamangha-mangha, at nalaman ang Aking disposisyon. Sinabi Ko rin sa inyo ang lahat ng Aking plano ng pamamahala. Ang nakita ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at mahabaging Diyos, kundi isang Diyos na puno ng katuwiran. Nakita ninyo ang pagiging kamangha-mangha ng Aking gawain at nakilala ninyo na Ako ay nag-umaapaw sa pagiging maharlika at poot; lalong nababatid ninyo na minsan Ko nang ibinuhos ang Aking matinding galit sa sambahayan ng Israel, at na sumapit na ito ngayon sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa sa naunawaan nina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa nalalaman ng lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi mga pangitain at paghahayag na higit pa sa natanggap ni Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nakita na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nakilala ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, nauunawaan ninyo ang mga bagay na nauna at ang mga bagay sa nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, na personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at napakarami na ninyong nakita sa Akin. Samakatwid, hinihingi Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.
Ang Aking Ama ang orihinal na nagpatotoo sa Akin, ngunit nais Kong magkamit ng higit na kaluwalhatian, at manggaling ang mga salita ng patotoo sa bibig ng mga nilikha—kaya ibinibigay Ko ang lahat ng Akin para sa inyo, upang tuparin ninyo ang inyong tungkulin, nang sa gayon ay magwakas na ang Aking gawain sa gitna ng tao. Dapat ninyong maunawaan kung bakit kayo nananampalataya sa Akin; kung gusto lang ninyong maging Aking “aprentis” o Aking “pasyente,” o maging Aking mga banal sa langit, kung gayon, ang inyong pagsunod sa Akin ay magiging walang kabuluhan. Ang pagsunod sa Akin sa ganoong paraan ay pag-aaksaya lamang ng lakas; ang pagkakaroon ng gayong paraan ng pananalig sa Akin ay pag-aaksaya lamang ng inyong mga araw, pagsasayang ng inyong kabataan. At sa huli, wala kayong makakamit. Hindi ba’t pagpapakana iyon nang walang kabuluhan? Matagal na Akong umalis mula sa gitna ng mga Hudyo at hindi na Ako isang manggagamot ng tao ni ang mahusay na gamot para sa tao. Hindi na Ako isang hayop na pantrabaho na maaaring igiya o katayin kung kailan naisin ng tao; sa halip, Ako ay dumating sa gitna ng tao upang hatulan at kastiguhin ang tao, upang makilala Ako ng tao. Dapat mong malaman na minsan Ko nang ginampanan ang gawain ng pagtubos; minsan Akong naging si Jesus, ngunit hindi Ako maaaring manatiling si Jesus habambuhay, tulad lang ng minsan Akong naging si Jehova ngunit sa paglaon ay naging si Jesus. Ako ang Diyos ng sangkatauhan, ang Lumikha, ngunit hindi Ako maaaring manatiling si Jesus o Jehova magpakailanman. Ako ay ang itinuturing ng tao na manggagamot, ngunit hindi ito nagpapahiwatig na ang Diyos ay isang manggagamot lang para sa sangkatauhan. Kaya kung taglay mo ang lumang pananaw sa iyong pananalig sa Akin, wala kang makakamit. Gaano mo man Ako purihin ngayon, “Mahal na mahal ng Diyos ang tao; pinagagaling Niya ako at binibigyan ako ng mga pagpapala, kapayapaan, at kagalakan. Tunay na mabuti ang Diyos sa tao; hangga’t nananampalataya tayo sa Kanya, hindi natin kailangang mag-alala tungkol sa pera…,” hindi Ko pa rin puwedeng gambalain ang Aking orihinal na gawain. Kung ikaw ay nananampalataya sa Akin ngayon, tatanggapin mo lang ang Aking kaluwalhatian at magkakaroon ng karapatang magpatotoo sa Akin, at magiging pangalawahin ang lahat ng iba pa. Dapat mo itong malinaw na maunawaan.
Alam mo ba talaga ngayon kung bakit ka dapat manampalataya sa Akin? Alam mo ba talaga ang layunin at kabuluhan ng Aking gawain? Alam mo ba talaga ang iyong tungkulin? Alam mo ba talaga kung ano ang Aking patotoo? Kung nananampalataya ka lamang sa Akin, ngunit walang tanda ng Aking kaluwalhatian o patotoo sa iyo, matagal na kitang itiniwalag kung gayon. Para sa mga nakakaunawa sa lahat ng bagay, sila ay lalo pang mga tinik sa Aking mata, at sa Aking sambahayan, mga balakid lamang sila sa Aking daan, sila ay mga panirang damo na ganap na tatahipin paalis sa Aking gawain, wala silang anumang silbi, walang anumang halaga, at matagal Ko na silang kinasusuklaman. Madalas bumabagsak ang Aking galit sa lahat ng walang patotoo, at hindi kailanman lumilihis sa kanila ang Aking pamalo. Matagal Ko na silang ibinigay sa mga kamay ng masama; ganap silang pinagkaitan ng Aking mga pagpapala. Kapag dumating ang araw, ang kanilang pagkastigo ay magiging mas mabigat pa kaysa sa pagkastigo sa mga hangal at matitigas ang ulong babae. Ngayon, ginagawa Ko lang ang gawaing tungkulin Kong gawin, pinagbubungkos-bungkos ang lahat ng trigo, kasama ang mga panirang damo na iyon. Ito ang Aking gawain ngayon. Tatahipin ang lahat ng panirang damong iyon sa panahon ng Aking pagtatahip, pagkatapos, ang mga butil ng trigo ay iipunin sa kamalig, at ang mga panirang damo na natahip na ay itatapon sa apoy upang sunugin hanggang maging abo. Ang Aking gawain ngayon ay bigkisin lamang ang lahat ng tao nang tungkos-tungkos; ibig sabihin, ganap na lupigin sila. Saka Ko sisimulan ang pagtatahip upang ibunyag ang mga kinalabasan ng lahat ng tao. Kung kaya’t dapat mong malaman kung paano mo Ako dapat palugurin ngayon, at kung paano mo dapat tahakin ang tamang landas sa iyong pananalig sa Akin. Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pagmamahal at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pagmamahal, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ipagkatiwala sa Akin ang tanging mga kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo sa Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin at wala nang iba, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka dapat magpatotoo sa Akin? Paano ka dapat maging tapat at mapagpasakop sa Akin? Magpapakita ka ba ng debosyon sa iyong gampanin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Maaari ding sabihin na ang kasalukuyang pagkastigo ay alang-alang sa pagsasakatuparan ng susunod na hakbang ng Aking gawain, at sa walang-hadlang na pag-usad ng gawain sa hinaharap. Kaya, hinihikayat kita na maging matalino at huwag mong ituring ang iyong buhay ni ang kabuluhan ng iyong pag-iral bilang walang-halagang buhangin. Maaari mo bang malaman nang eksakto kung ano ang magiging gawain Ko sa hinaharap? Alam mo ba kung paano Ako gagawa at kung paano isasakatuparan ang Aking gawain sa mga darating na araw? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng pagdanas sa Aking gawain, at lalo na ang kabuluhan ng pananampalataya sa Akin. Nakagawa na Ako ng napakaraming gawain—paano Ako susuko sa kalagitnaan, gaya ng iniisip mo? Nagpasimula Ako ng napakalaking proyekto—paanong wawasakin Ko ito? Totoo na naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito, ngunit mas mahalaga, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, magsasakatuparan ng bagong gawain, at higit pa rito, magpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang kasalukuyang gawain ay para lamang magsimula ng isang kapanahunan at maglatag ng pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas ng kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasingsimple ng iniisip mo, ni hindi ito kasingwalang-halaga o kasingwalang-kabuluhan gaya ng maaari mong paniwalaan. Samakatwid, kailangan Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ialay ang iyong sarili sa Aking gawain, at higit pa rito, dapat mong igugol ang iyong sarili alang-alang sa Aking kaluwalhatian. Ang lalo Ko pang matagal nang inaasam ay ang magpatotoo ka sa Akin; at higit pa rito, naghintay Ako nang napakatagal upang makita kang nagpapalaganap ng Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.