Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo
Nasaksihan ninyo mismo ang gawaing ginawa Ko sa inyo, nakinig kayo mismo sa mga salitang sinabi Ko, at nalaman ninyong lahat ang Aking saloobin sa inyo, kaya dapat ninyong malaman kung bakit Ko ginagawa ang gawaing ito sa inyo. Buong katapatan Kong sinasabi sa inyo, mga kasangkapan lamang kayo para sa Aking gawain ng paglupig sa mga huling araw, mga kagamitan sa pagpapalawak ng Aking gawain sa mga bansang Hentil. Tinatalakay Ko sa inyo ang inyong di-pagkamatuwid, karumihan, paglaban, at pagkasuwail upang mas mapalawak ang Aking gawain at maipalaganap ang Aking pangalan sa mga bansang Hentil, ibig sabihin, ipalaganap ito sa alinman sa mga bansa sa labas ng Israel. Ito ay upang ang Aking pangalan, Aking mga gawa, at Aking tinig ay maikalat sa lahat ng bansang Hentil, at sa gayon ay malupig Ko ang lahat ng bansang hindi sa Israel at sambahin nila Ako, upang maging Aking mga banal na lupain sa labas ng mga lupain ng Israel at Ehipto. Ang pagpapalawak ng Aking gawain sa katunayan ay pagpapalawak ng Aking gawain ng paglupig at pagpapalawak ng Aking banal na lupain; ito ang pagpapalawak ng Aking tuntungan sa lupa. Dapat ninyong malinawan na kayo ay mga nilalang lamang sa mga bansang Hentil na Aking nilulupig. Sa simula, wala kayong katayuan ni anumang halaga para magamit, at ni wala man lang silbi. Dahil lamang sa itinaas Ko ang mga uod na nasa bunton ng dumi ng hayop upang maging mga halimbawa ng Aking paglupig sa buong lupain, maging tanging “mga sangguniang materyal” ng Aking paglupig sa buong lupain, kaya kayo naging sapat na mapalad para makipag-ugnayan sa Akin, at makatipon Ako ngayon. Dahil sa inyong mababang katayuan kaya napili Ko kayong maging mga halimbawa at huwaran ng Aking gawain ng paglupig. Dahil lamang dito kaya Ako gumagawa at nagsasalita sa inyo, at kaya Ako namumuhay at nananahan sa piling ninyo. Dapat ninyong malaman na dahil lamang sa Aking pamamahala at sa Aking sukdulang pagkamuhi sa mga uod na nasa bunton ng dumi ng hayop kaya Ako nagsasalita sa inyo—dumating na ito sa punto na galit na galit na Ako. Ang Aking paggawa sa inyo ay hindi kailanman katulad ng paggawa ni Jehova sa Israel, at, lalo na, hindi ito katulad ng gawaing ginawa ni Jesus sa Judea. Nagsasalita at gumagawa Ako nang may matinding pagpaparaya, at nilulupig Ko ang masasamang taong ito nang may galit at paghatol. Hindi ito kagaya ng pag-akay ni Jehova sa Kanyang mga tao sa Israel. Ang Kanyang gawain sa Israel ay upang magkaloob ng pagkain at tubig na buhay, at puno Siya ng habag at pagmamahal para sa Kanyang mga tao habang nagkakaloob sa kanila. Ang gawain ngayon ay ginagawa sa isang isinumpang bansa ng mga taong hindi hinirang. Walang saganang pagkain, ni walang pamatid-uhaw na pangangalaga ng tubig na buhay, at lalo nang walang panustos ng sapat na mga materyal na bagay; mayroon lamang panustos ng sapat na paghatol, sumpa, at pagkastigo. Ang mga uod na ito na naninirahan sa bunton ng dumi ng hayop ay talagang hindi karapat-dapat na magtamo ng mga bundok na puno ng mga baka at tupa, malaking kayamanan, at pinakamagagandang anak sa buong lupain, na tulad ng ipinagkaloob Ko sa Israel. Ang makabagong Israel ay nag-aalay ng baka at tupa at ginto at pilak sa altar na ginagamit Ko para pangalagaan ang mga taong ito, na hinihigitan pa ang ikapung hinihingi ni Jehova sa ilalim ng batas, at sa gayon ay nabigyan Ko sila ng higit pa—higit pa sa isang daang ulit ng makakamit noon ng Israel sa ilalim ng batas. Yaong ginagamit Ko para pangalagaan ang Israel ay hinihigitan pa ang lahat ng nakamit ni Abraham, at lahat ng nakamit ni Isaac. Gagawin Kong mabunga at pararamihin Ko ang pamilya ng Israel, at ikakalat Ko ang Aking mga tao ng Israel sa buong mundo. Yaong mga pinagpapala at kinakalinga Ko ay mga hinirang na tao pa rin ng Israel—ibig sabihin, ang mga taong inaalay ang lahat sa Akin at natamo na ang lahat mula sa Akin. Ito ay sa dahilang isinasaisip nila Ako kaya nila isinasakripisyo ang kanilang mga bagong-silang na mga guya at batang tupa sa Aking banal na altar at inaalay ang lahat ng mayroon sila sa Aking harapan, maging hanggang sa ialay nila ang kanilang bagong-silang na mga panganay na anak sa pag-asam sa Aking pagbabalik. At kayo naman? Ginagalit ninyo Ako, humihiling kayo sa Akin, at ninanakaw ninyo ang mga sakripisyo ng mga nag-aalay ng mga bagay-bagay sa Akin, at hindi ninyo alam na nagkakasala kayo sa Akin; sa gayon, ang tanging napapala ninyo ay pagtangis at parusa sa kadiliman. Napukaw ninyo ang Aking galit nang maraming beses, at nagpaulan na Ako ng Aking mga nagbabagang apoy hanggang sa marami-rami nang tao ang nakaranas ng malagim na wakas, at naging mapapanglaw na libingan ang masasayang tahanan. Ang mayroon lamang Ako para sa mga uod na ito ay walang-katapusang galit, at wala Akong layon na pagpalain sila. Gumawa Ako ng eksepsyon at itinaas Ko kayo para lamang sa kapakanan ng Aking gawain, at nagtiis Ako ng matinding kahihiyan at gumawa sa inyo. Kung hindi para sa kalooban ng Aking Ama, paano Ako maninirahan sa iisang bahay na kasama ang mga uod na pagapang-gapang sa paligid ng bunton ng dumi ng hayop? Muhing-muhi Ako sa lahat ng inyong kilos at salita, at kahit paano, dahil may bahagya Akong “interes” sa inyong karumihan at pagkasuwail, naging malaking koleksyon ito ng Aking mga salita. Kung hindi ay talagang hindi Ako mananatili sa inyong piling nang napakatagal. Samakatuwid, dapat ninyong malaman na ang Aking saloobin sa inyo ay pagdamay at awa lamang; wala Ako ni katiting na pagmamahal para sa inyo. Nagpaparaya lamang Ako sa inyo, dahil ginagawa Ko lamang ito alang-alang sa Aking gawain. At nakita na ninyo ang Aking mga gawa dahil lamang sa napili Ko ang karumihan at pagkasuwail bilang “mga kagamitang panangkap”; kung hindi, talagang hindi Ko ibubunyag ang Aking mga gawa sa mga uod na ito. Gumagawa lamang Ako sa inyo nang may pag-aatubili, ni hindi man lang katulad ng kahandaan at pagkukusang-loob Ko nang gawin Ko ang Aking gawain sa Israel. Taglay Ko ang Aking galit habang pinipilit Ko ang Aking sarili na magsalita sa inyo. Kung hindi lamang para sa Aking mas malaking gawain, paano Ko matitiis na patuloy na makita ang mga uod na iyon? Kung hindi para sa kapakanan ng Aking pangalan, matagal na sana Akong nakaakyat sa pinakamataas na kaitaasan at ganap na sinunog ang mga uod na ito kasama ang kanilang bunton ng dumi ng hayop! Kung hindi para sa kapakanan ng Aking kaluwalhatian, paano Ko mapapayagan ang masasamang demonyong ito na lantarang labanan Ako na umiiling-iling ang kanilang ulo sa Aking harapan? Kung hindi para isakatuparan nang maayos ang Aking gawain nang wala ni katiting na hadlang, paano Ko matutulutan ang parang-uod na mga taong ito na walang-pakundangan Akong abusuhin? Kung ang isang daang tao sa isang nayon sa Israel ay tumayo upang labanan Ako nang gaya nito, kahit gumawa sila ng mga sakripisyo sa Akin, buburahin Ko pa rin sila at isasadlak sa mga bitak sa lupa upang hadlangan ang mga tao sa ibang mga lungsod na muling maghimagsik kailanman. Ako ay isang apoy na tumutupok sa lahat at hindi Ko kinukunsinti ang pagkakasala. Dahil Ako ang lumikha sa lahat ng mga tao, anuman ang sabihin at gawin Ko, kailangan silang sumunod, at hindi sila maaaring maghimagsik. Walang karapatan ang mga tao na makialam sa Aking gawain, at lalong hindi sila karapat-dapat na suriin kung ano ang tama o mali sa Aking gawain at sa Aking mga salita. Ako ang Panginoon ng paglikha, at dapat makamit ng mga nilalang ang lahat ng hinihingi Ko nang may pusong takot sa Akin; hindi nila dapat subukang mangatwiran sa Akin, at lalo nang hindi sila dapat lumaban. Pinamamahalaan Ko ang Aking mga tao gamit ang Aking awtoridad, at lahat niyaong bahagi ng Aking paglikha ay dapat magpasakop sa Aking awtoridad. Bagama’t ngayon ay matapang at mapangahas kayo sa Aking harapan, bagama’t sinusuway ninyo ang mga salitang itinuturo Ko sa inyo at hindi ninyo alam kung paano matakot, tinutugunan Ko lamang ng pagpaparaya ang inyong pagkasuwail; hindi Ako mawawalan ng pagtitimpi at hindi Ko aapektuhan ang Aking gawain nang dahil sa ikinalat ng maliliit, walang-halagang mga uod ang dumi sa bunton ng dumi ng hayop. Tinitiis Ko ang patuloy na pag-iral ng lahat ng Aking kinamumuhian at lahat ng bagay na Aking kinasusuklaman alang-alang sa kalooban ng Aking Ama, at gagawin Ko iyon hanggang sa matapos ang Aking mga pahayag, hanggang sa kahuli-hulihan Kong sandali. Huwag kang mag-alala! Hindi Ako maaaring masadlak sa antas ng isang di-kilalang uod, at hindi Ko ikukumpara ang antas ng Aking kakayahan sa iyo. Kinamumuhian kita, nguni’t nagagawa Kong magtiis. Sinusuway mo Ako, nguni’t hindi ka makakatakas sa araw na kakastiguhin kita, na ipinangako sa Akin ng Aking Ama. Maikukumpara ba ang isang nilikhang uod sa Panginoon ng paglikha? Sa taglagas, nagbabalik ang nalalaglag na mga dahon sa mga ugat nito; babalik ka sa tahanan ng iyong “ama,” at babalik Ako sa tabi ng Aking Ama. Sasamahan Ako ng Kanyang magiliw na pagmamahal, at susundan ka ng pagtapak ng iyong ama. Mapapasaakin ang kaluwalhatian ng Aking Ama, at mapapasaiyo ang kahihiyan ng iyong ama. Gagamitin Ko ang pagkastigong matagal Ko nang pinipigilang ipataw sa iyo, at sasalubungin mo ang Aking pagkastigo ng iyong maantang laman na sampu-sampong libong taon nang naging tiwali. Matatapos Ko ang Aking gawain ng mga salita sa iyo, kasama ang pagpaparaya, at magsisimula kang tuparin ang papel ng pagdurusa ng kapahamakan mula sa Aking mga salita. Lubos Akong magagalak at gagawa sa Israel; tatangis ka at magngangalit ang iyong mga ngipin, na umiiral at namamatay sa putikan. Babawiin Ko ang Aking orihinal na anyo at hindi na Ako mananatili sa dumi na kasama mo, samantalang babawiin mo ang iyong orihinal na kapangitan at patuloy kang maglulungga sa bunton ng dumi ng hayop. Kapag natapos na ang Aking gawain at mga salita, iyon ay magiging isang araw ng kagalakan para sa Akin. Kapag natapos na ang iyong paglaban at pagkasuwail, iyon ay magiging isang araw ng pagtangis para sa iyo. Hindi Ako mahahabag sa iyo, at hindi mo na Ako muling makikita kailanman. Hindi na Ako makikipag-usap sa iyo, at hindi mo na Ako muling makakatagpo kailanman. Kamumuhian Ko ang iyong pagkasuwail, at mangungulila ka sa Aking pagiging kaibig-ibig. Hahampasin kita, at mananabik ka sa Akin. Masaya kitang lilisanin, at malalaman mo ang iyong pagkakautang sa Akin. Hindi na kita muling makikita kailanman, ngunit lagi kang aasa sa Akin. Kamumuhian kita dahil kasalukuyan Mo Akong nilalabanan, at mangungulila ka sa Akin dahil kasalukuyan kitang kinakastigo. Hindi Ko nanaising mabuhay sa tabi mo, nguni’t mapait mo itong hahangarin at mananangis ka hanggang sa walang-hanggan, sapagka’t pagsisisihan mo ang lahat ng nagawa mo sa Akin. Makakaramdam ka ng pagsisisi sa iyong pagkasuwail at paglaban, isusubsob mo pa ang iyong mukha sa lupa sa pagsisisi at magpapatirapa ka sa Aking harapan at susumpa na hindi mo na Ako muling susuwayin. Gayunman, sa puso mo ay Ako lamang ang iyong mamahalin, subalit hindi mo na maririnig ang Aking tinig kailanman. Gagawin kitang nahihiya sa iyong sarili.
Tinitingnan Ko ngayon ang iyong mapagpalayaw na laman na manloloko sa Akin, at may maliit lamang Akong babala para sa iyo, bagama’t hindi kita “papatawan” ng pagkastigo. Dapat mong malaman kung anong papel ang ginagampanan mo sa Aking gawain, at pagkatapos ay masisiyahan na Ako. Bukod pa sa mga bagay na ito, kung lalabanan mo Ako o gagastusin mo ang Aking pera, o kakainin mo ang mga sakripisyo para sa Akin, si Jehova, o magkakagatan kayong mga uod, o kung kayo na parang mga aso ay may mga alitan o nilalapastangan ninyo ang isa’t isa—wala Akong pakialam sa anuman diyan. Kailangan lamang ninyong malaman kung ano kayong uri ng mga bagay, at masisiyahan na Ako. Maliban sa lahat ng ito, kung gusto ninyong magsaksakan o labanan ang isa’t isa sa mga salita, ayos lang; wala Akong hangaring makialam sa gayong mga bagay, at hindi Ako sangkot sa mga usapin ng tao. Hindi sa wala Akong pakialam tungkol sa mga alitan sa pagitan ninyo; kaya lang hindi Ako isa sa inyo, at sa gayon ay hindi Ako nakikibahagi sa mga usapin sa pagitan ninyo. Ako Mismo ay hindi isang nilalang at hindi Ako sa mundo, kaya kinamumuhian Ko ang magulong buhay ng mga tao at ang magulo at di-wastong mga ugnayan sa pagitan nila. Kinamumuhian Ko lalo na ang maiingay na umpukan ng mga tao. Gayunman, malalim ang kaalaman Ko tungkol sa mga karumihan sa puso ng bawat nilalang, at bago Ko kayo nilikha, alam Ko na ang di-pagkamatuwid na umiral sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at alam Ko ang lahat ng panlilinlang at kabuktutan sa puso ng tao. Samakatuwid, kahit ni wala man lang anumang mga bakas kapag gumagawa ng masasamang bagay ang mga tao, alam Ko pa rin na ang kasamaang kimkim ninyo sa inyong puso ay higit pa sa kayamanan ng lahat ng bagay na Aking nilikha. Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; nakaakyat na kayo upang maging mga ninuno ng masa. Masyado kayong padalus-dalos, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at nagtatangkang lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Malisyoso kayo at masama sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng dumi, ginagambala ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa dumi. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pusong may takot sa Akin, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katungkulan, hindi ba mabaho ka pa ring maliit na uod sa dumi? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid? Ninanakaw ninyong mababahong maliliit na uod ang mga alay mula sa altar Ko, si Jehova; sa paggawa noon, kaya ba ninyong sagipin ang inyong nasira at bumagsak na reputasyon at maging hinirang na mga tao ng Israel? Kayong mga walanghiya! Ang mga sakripisyong iyon sa altar ay inialay sa Akin ng Aking mga tao, bilang pagpapahayag ng mabubuting damdamin mula sa mga may takot sa Akin. Ang mga iyon ay para Aking kontrolin at Aking gamitin, kaya paano mo Ako posibleng nakawan ng maliliit na kalapating ipinagkaloob sa Akin ng mga tao? Hindi ka ba natatakot na maging isang Judas? Hindi ka ba natatakot na baka mapuno ng dugo ang iyong lupain? Ikaw na walanghiya! Palagay mo ba, ang mga kalapating inialay ng mga tao ay para busugin ang tiyan mo na isang uod? Ang naibigay Ko sa iyo ay ang nasisiyahan at handa Akong ibigay sa iyo; ang hindi Ko naibigay sa iyo ay gagamitin Ko kung paano Ko gusto. Hindi mo maaaring basta na lang nakawin ang mga alay sa Akin. Ang Siyang gumagawa ay Ako, si Jehova—ang Panginoon ng paglikha—at nag-aalay ng mga sakripisyo ang mga tao dahil sa Akin. Palagay mo ba, kabayaran ito para sa lahat ng pag-aabalang ginagawa mo? Wala ka talagang kahihiyan! Para kanino ka ba nag-aabala? Hindi ba para sa sarili mo? Bakit mo ninanakaw ang mga sakripisyo sa Akin? Bakit ka nagnanakaw ng pera mula sa Aking supot ng salapi? Hindi ba ikaw ang anak ni Judas Iscariote? Ang mga sakripisyo sa Akin, si Jehova, ay para tamasahin ng mga saserdote. Saserdote ka ba? Nangangahas kang kainin nang may kayabangan ang mga sakripisyo sa Akin, at inihahain mo pa ang mga iyon sa mesa; wala kang kuwenta! Ikaw ay walang kuwentang walanghiya! Susunugin ka ng Aking apoy, ang apoy ni Jehova!