Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula—Kabanata 88
Sadyang hindi kayang maguni-guni ng mga tao ang lawak kung gaano na bumilis ang Aking hakbang: Kamangha-manghang pangyayari ito na di-maarok ng tao. Simula pa sa paglikha ng mundo, nagpatuloy na ang Aking bilis at hindi kailanman tumigil ang Aking gawain. Nagbabago araw-araw ang buong mundo ng sansinukob, at palaging nagbabago rin ang mga tao. Lahat ng ito’y bahagi ng Aking gawain, lahat ay bahagi ng Aking plano, at higit pa rito, kasama ang mga ito sa Aking pamamahala, at walang taong nakakaalam o nakakaunawa sa mga bagay na ito. Tanging kapag Ako Mismo ang nagsabi sa inyo, tanging kapag harap-harapan Kong ipinagbigay-alam sa inyo, na inyong nalalaman ang kahit pinakakaunti; kung hindi, talagang walang sinumang makakaalam ng balangkas ng Aking plano ng pamamahala. Gayon ang Aking dakilang kapangyarihan, at higit pa rito, gayon ang Aking mga kamangha-manghang pagkilos. Mga bagay ito na walang makapagbabago. Kaya nga, kung ano ang sinasabi Ko ngayon ay nangyayari, at hindi ito basta mababago. Sa mga kuru-kuro ng tao wala kahit katiting na kaalaman tungkol sa Akin—lahat ng ito ay walang katuturang usapan! Huwag mong isipin na sapat na sa iyo o nasisiyahan ka na! Sinasabi Ko ito sa iyo: Malayo pa ang lalakbayin mo! Sa kabuuan ng Aking plano ng pamamahala, kaunti lang ang alam ninyo, kaya dapat kayong makinig sa sinasabi Ko at gawin ang anumang sinasabi Ko sa inyong gawin. Kumilos kayo ayon sa Aking mga nais sa lahat ng bagay, at tiyak na magkakaroon kayo ng mga pagpapala Ko; makatatanggap ang sinumang naniniwala, samantalang sinumang hindi naniniwala ay magkakaroon ng “wala” na inisip nilang natupad sa kanila. Ito ang Aking katuwiran, at, higit pa rito, ito ang Aking kamahalan, Aking poot, at Aking pagkastigo. Hindi Ko palalagpasin ni isa mang kaisipan o pagkilos ninuman.
Pagkarinig sa Aking mga salita, natatakot at nanginginig ang karamihan sa mga tao, na may pag-aalalang nakakunot ang mga noo. Nakagawa na ba Ako ng mali sa iyo? Maaari kayang ikaw ay hindi anak ng malaking pulang dragon? Nagkukunwari ka pang mabait! Nagkukunwari ka pa na Aking panganay na anak! Iniisip mo ba na bulag Ako? Iniisip mo ba na hindi Ko nakikilala ang kaibahan sa mga tao? Ako ang Diyos na sumisiyasat sa kaloob-loobang bahagi ng puso ng mga tao: Ito ang sinasabi Ko sa Aking mga anak, at ang sinasabi Ko rin sa inyo, na mga anak ng malaking pulang dragon. Malinaw Kong nakikita ang lahat, na walang anumang pagkakamali. Papaanong hindi Ko malalaman kung ano ang ginagawa Ko? Napakalinaw sa Akin ang ginagawa Ko! Bakit Ko sinasabi na Ako ang Diyos Mismo, ang Lumikha ng sansinukob at lahat ng bagay? Bakit Ko sinasabi na Ako ang Diyos na sumusuri sa kaloob-loobang bahagi ng puso ng mga tao? Lubos na nababatid Ko ang kalagayan ng bawat tao. Iniisip ba ninyo na hindi Ko nalalaman kung ano ang gagawin o kung ano ang sasabihin Ko? Hindi ninyo ito alalahanin. Mag-ingat kayo na hindi mapatay ng Aking kamay; sa gayo’y mawawalan kayo. Hindi mapagpatawad ang Aking mga atas administratibo. Nauunawaan ba ninyo? Lahat ng nabanggit sa itaas ay bahagi ng Aking mga atas administratibo. Mula sa araw na sinasabi Ko sa inyo ang mga ito, kung gagawa kayo ng anumang karagdagang paglabag, magkakaroon ng kagantihan, dahil hindi ninyo naunawaan noong una.
Ngayon pinagtitibay Ko ang Aking mga atas administratibo para sa inyo (nagkabisa simula ng araw ng pagpapatibay ng mga ito, na nagtatalaga ng iba’t ibang pagkastigo sa iba’t ibang tao):
Tinutupad Ko ang Aking mga pangako, at lahat ay nasa Aking mga kamay: Sinumang nagdududa ay tiyak na papatayin. Walang lugar para sa anumang pagsasaalang-alang; kaagad silang lilipulin, sa ganito’y inaalis ang pagkamuhi mula sa Aking puso. (Pinatototohanan mula ngayon na sinumang pinaslang ay hindi dapat maging kasapi ng Aking kaharian, at dapat ay inapo ni Satanas.)
Bilang mga panganay na anak, dapat panatilihin ninyo ang inyong mga sariling katayuan at gampanang mabuti ang inyong mga tungkulin, at huwag maging mapanghimasok. Dapat ihandog ninyo ang inyong mga sarili sa Aking plano ng pamamahala, at saan man kayo pumunta ay dapat kayong mabuting magpatotoo sa Akin at luwalhatiin ang Aking pangalan. Huwag kayong gumawa ng mga kahiya-hiyang bagay; maging halimbawa kayo para sa lahat ng Aking mga anak at sa Aking bayan. Huwag kayong maging mahalay kahit isang sandali: Dapat palagi kayong nagpapakita sa lahat na may pagkakakilanlan ng mga panganay na anak, at hindi mag-asal-alipin, kundi lumalakad na taas-noo. Hinihingi Ko sa inyo na luwalhatiin ang Aking pangalan, hindi ipahiya ang pangalan Ko. Bawat isa sa mga panganay na anak ay mayroong kanyang sariling tungkulin, at hindi magagawa ang lahat ng bagay. Ito ang pananagutang ibinigay Ko na sa inyo, na hindi dapat inuurungan. Dapat italaga ninyo ang inyong mga sarili sa pagtupad sa naipagkatiwala Ko na sa inyo nang inyong buong puso, nang inyong buong isip at nang inyong buong lakas.
Mula sa araw na ito, sa buong mundo ng sansinukob, ang tungkulin ng pagpapastol sa lahat ng Aking anak at Aking buong bayan ay ipagkakatiwala sa Aking mga panganay na anak para tuparin, at sinumang hindi maipatutupad ito nang kanilang buong puso at nang kanilang buong isip ay kakastiguhin Ko. Ito ang Aking katuwiran. Hindi Ko palalagpasin o pagagaanin ang parusa maging sa Aking mga panganay na anak.
Kung mayroong sinuman sa Aking mga anak o sa bayan Ko na tumutuya at umiinsulto sa isa sa Aking mga panganay na anak, malupit Ko silang parurusahan, dahil kinakatawan Ako ng Aking mga panganay na anak; anumang ginagawa ninuman sa kanila, ginagawa rin nila sa Akin. Ito ang pinakamahigpit sa Aking mga atas administratibo. Hahayaan Ko ang Aking mga panganay na anak na maglapat ng Aking katuwiran ayon sa kanilang mga naisin laban sa sinuman sa Aking mga anak at Aking bayan na lumalabag sa atas na ito.
Unti-unting iiwan Ko ang sinumang tumuturing sa Akin na walang gaanong kabuluhan at pinagtutuunan lang ang Aking pagkain, kasuotan, at pagtulog, inaasikaso lang ang Aking mga panlabas na gawain at walang pagsasaalang-alang sa Aking pasanin, at hindi binibigyang pansin ang maayos na pagtupad sa kanilang sariling tungkulin. Para ito sa lahat na may pandinig.
Sinumang nakakatapos sa paglilingkod sa Akin ay dapat masunuring umurong na walang kuskus-balungos. Mag-ingat ka, kung hindi ay aayusin kita. (Karagdagang atas ito.)
Dadamputin ng Aking mga panganay na anak ang tungkod na bakal simula ngayon at sisimulang ipatupad ang Aking awtoridad na mamahala sa lahat ng bansa at bayan, lumakad sa gitna ng lahat ng bansa at bayan, at isagawa ang Aking paghatol, katuwiran, at kamahalan sa gitna ng lahat ng bansa at bayan. Ang Aking mga anak at Aking bayan ay katatakutan Ako, pupurihin Ako, ipagbubunyi Ako, at luluwalhatiin Ako nang walang patid, dahil natutupad ang Aking plano ng pamamahala at makapaghaharing kasama Ko ang Aking mga panganay na anak.
Bahagi ito ng Aking mga atas administratibo; pagkatapos nito, sasabihin Ko sa inyo ang mga ito habang sumusulong ang gawain. Mula sa mga atas administratibo sa itaas, makikita ninyo ang bilis kung paano Ko ginagawa ang Aking gawain, gayun din kung anong hakbang na ang naabot ng Aking gawain. Magiging patunay ito.
Nahusgahan Ko na si Satanas. Dahil hindi nahahadlangan ang Aking kalooban at dahil nagtamo ng kaluwalhatian na kasama Ko ang Aking mga panganay na anak, naipatupad Ko na ang Aking katuwiran at kamahalan sa mundo at sa lahat ng bagay na pag-aari ni Satanas. Hindi Ako nag-aangat ng daliri o nagbibigay-pansin kay Satanas sa anumang paraan (dahil ni hindi ito karapat-dapat na makipag-usap sa Akin). Patuloy Ko lang ginagawa kung ano ang nais Kong gawin. Nagpapatuloy nang maayos ang Aking gawain, paisa-isang hakbang, at hindi nahahadlangan ang Aking kalooban sa buong daigdig. Napahiya na sa isang antas si Satanas dahil dito, at lubusan nang nawasak ito, pero hindi pa rin nito natupad ang Aking kalooban. Pinapayagan Ko rin ang Aking mga panganay na anak na ipatupad ang Aking mga atas administratibo sa mga ito. Sa isang banda, ang hinahayaan Kong makita ni Satanas ay ang Aking poot tungo rito; sa kabilang banda, hinahayaan Ko itong makita ang Aking kaluwalhatian (makita na ang Aking mga panganay na anak ang pinakamatutunog na mga saksi sa pagkapahiya ni Satanas). Hindi Ko personal na pinarurusahan ito; kundi hinahayaan Ko ang Aking mga panganay na anak na ipatupad ang Aking katuwiran at kamahalan. Dahil dati ay inaabuso ni Satanas ang Aking mga anak, inuusig ang Aking mga anak, at sinisiil ang Aking mga anak, ngayon, matapos ang serbisyo nito, papayagan Ko ang Aking mga maygulang na panganay na anak na ayusin ito. Nawalang-kapangyarihan na si Satanas laban sa pagbagsak. Ang pagkaparalisa ng lahat ng bansa sa mundo ang pinakamahusay na patotoo; malinaw na pagpapamalas ng pagbagsak ng kaharian ni Satanas ang paglalabanan ng mga tao at digmaan ng mga bansa. Ang dahilan kung bakit hindi Ako nagpakita ng anumang mga palatandaan at kababalaghan noon ay upang ipahiya si Satanas at luwalhatiin ang Aking pangalan, nang paunti-unti. Kapag si Satanas ay lubusan nang nagapi, sisimulan Kong ipakita ang Aking kapangyarihan: Umiiral ang sinasabi Ko, at ang mga di-pangkaraniwang bagay na hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao ay matutupad (tinutukoy nito ang mga pagpapalang parating sa lalong madaling panahon). Dahil Ako ang praktikal na Diyos Mismo at wala Akong mga panuntunan, at dahil nagsasalita Ako ayon sa mga pagbabago sa Aking plano ng pamamahala, kung ano ang nasabi Ko na sa nakalipas ay hindi kinakailangang naaangkop sa kasalukuyan. Huwag ninyong panghawakan ang sarili ninyong mga kuru-kuro! Hindi Ako Diyos na sumusunod sa mga alituntunin; sa Akin, lahat ay malaya, nangingibabaw, at ganap na napawalan. Marahil ang mga sinabi kahapon ay hindi na napapanahon ngayon, o marahil ay isinasantabi ngayon (ngunit, ang Aking mga atas administratibo, mula noong pinagtibay ang mga ito, ay hindi kailanman magbabago). Ito ang mga hakbang sa Aking plano ng pamamahala. Huwag kumapit sa mga alituntunin. Araw-araw ay mayroong bagong liwanag at may mga bagong pahayag, at iyan ang plano Ko. Mabubunyag sa iyo araw-araw ang Aking liwanag at pakakawalan sa mundo ng sansinukob ang Aking tinig. Nauunawaan mo ba? Ito ang iyong tungkulin, ang pananagutang naipagkatiwala Ko sa iyo. Hindi mo ito dapat pabayaan kahit saglit. Ang mga taong kinaluluguran Ko, gagamitin Ko hanggang wakas, at hindi ito kailanman magbabago. Dahil Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, nalalaman Ko kung anong uri ng tao ang dapat gumawa ng kung anong bagay, at kung anong uri ng tao ang kayang gumawa ng kung anong bagay. Ito ang Aking walang kapantay na kapangyarihan.