Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula—Kabanata 15
Nagpakita na ang Diyos sa lahat ng iglesia. Ang Espiritu ang nagsasalita; Siya ay isang naglalagablab na apoy, may kamahalan, at humahatol. Siya ang Anak ng tao, na may suot na damit na hanggang paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. Ang Kanyang ulo at Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng puting balahibo ng tupa, at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang Kanyang mga paa ay katulad ng pinong tanso, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi!
Nasaksihan na ang Anak ng tao, at lantaran nang nahayag ang Diyos Mismo. Lumabas na ang kaluwalhatian ng Diyos, sumisikat nang matindi gaya ng mainit na araw! Ang Kanyang maluwalhating mukha ay nagliliyab sa nakakasilaw na liwanag; kaninong mga mata ang nangangahas na tratuhin Siya nang may paglaban? Ang paglaban ay humahantong sa kamatayan! Wala ni katiting na awang ipinapakita sa anumang iniisip ninyo sa inyong puso, anumang salitang binibitawan ninyo, o anumang inyong ginagawa. Mauunawaan at makikita ninyong lahat kung ano na ang inyong nakamtan—wala maliban sa Aking paghatol! Mapapanatili Ko ba ito kapag hindi kayo nagsisikap na kumain at uminom ng Aking mga salita, at sa halip ay walang-pakundangan ninyong ginagambala at winawasak ang Aking pagtatayo? Hindi Ako magdadahan-dahan sa pagtrato sa ganitong uri ng tao! Kapag mas lumala ang ugali mo, matutupok ka sa apoy! Nagpapakita ang Diyos na makapangyarihan sa lahat sa isang espirituwal na katawan, nang wala ni katiting na laman o dugo na nagdurugtong mula ulo hanggang paa. Higit pa Siya sa mundong sansinukob, nakaupo sa maluwalhating luklukan sa ikatlong langit, nangangasiwa sa lahat ng bagay! Nasa Aking mga kamay ang sansinukob at lahat ng bagay. Kapag sinabi Ko, mangyayari iyon. Kapag itinalaga Ko, iyon ang mangyayari. Nasa ilalim ng Aking mga paa si Satanas; nasa walang-hanggang kalaliman ito! Kapag lumalabas ang Aking tinig, lilipas ang langit at lupa at mauuwi sa wala! Paninibaguhin ang lahat ng bagay; ito ay isang di-mababagong katotohanan na talagang tama. Nadaig Ko na ang mundo, maging ang lahat ng masama. Nakaupo Ako rito at nakikipag-usap sa inyo, at lahat ng may pandinig ay dapat makinig at lahat ng nabubuhay ay dapat itong tanggapin.
Magwawakas ang mga araw; mauuwi sa wala ang lahat ng bagay sa mundong ito, at isisilang na muli ang lahat ng bagay. Tandaan ito! Huwag itong kalimutan! Hindi maaaring magkaroon ng kalabuan! Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ang Aking mga salita ay hindi lilipas! Hayaang muli Ko kayong payuhan: Huwag tumakbo nang walang kabuluhan! Gising! Magsisi at malapit na ang pagliligtas! Nagpakita na Ako sa gitna ninyo, at pumailanlang na ang Aking tinig. Pumailanlang na ang Aking tinig sa inyong harapan; araw-araw ay hinahamon kayo nito, nang harapan, at sariwa at bago ito araw-araw. Nakikita mo Ako at nakikita kita; palagi kitang kinakausap, at magkaharap tayo. Magkagayunman, tinatanggihan mo Ako at hindi mo Ako kilala. Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, subalit nag-aatubili pa rin kayo! Nag-aatubili ka! Kumapal ang puso mo, nabulag na ni Satanas ang iyong mga mata, at hindi mo makita ang Aking maluwalhating mukha—nakakaawa ka! Nakakaawa!
Naipadala na ang pitong Espiritu sa harapan ng Aking luklukan sa lahat ng sulok ng daigdig at ipadadala Ko ang Aking Sugo upang magsalita sa mga iglesia. Matuwid Ako at tapat; Ako ang Diyos na sumusuri sa pinakamalalalim na bahagi ng puso ng tao. Nagsasalita ang Banal na Espiritu sa mga iglesia, at mga salita Ko ang lumalabas mula sa kalooban ng Aking Anak; lahat ng may pandinig ay dapat makinig! Lahat ng nabubuhay ay dapat tumanggap! Kainin at inumin lamang ang mga ito, at huwag magduda. Tatanggap ng malalaking pagpapala ang lahat ng nagpapasakop at tumatalima sa Aking mga salita! Tiyak na magkakaroon ng bagong liwanag, bagong kaliwanagan, at mga bagong kabatiran ang lahat ng taimtim na naghahanap sa Aking mukha; magiging sariwa at bago ang lahat. Lilitaw ang Aking mga salita sa iyo anumang oras, at bubuksan ng mga ito ang mga mata ng iyong espiritu para makita mo ang lahat ng hiwaga ng espirituwal na dako at makita na ang kaharian ay nasa gitna ng tao. Pumasok sa kanlungan, at mapapasaiyo ang lahat ng biyaya at pagpapala; hindi ka magagalaw ng taggutom at salot, at hindi ka masasaktan ng mga lobo, ahas, tigre at leopardo. Sasama ka sa Akin, lalakad kang kasama Ko, at papasok tayo sa kaluwalhatian!
Makapangyarihang Diyos! Hayagang nagpapakita ang Kanyang maluwalhating katawan, lumilitaw ang banal na espirituwal na katawan at Siya ang ganap na Diyos Mismo! Parehong nagbago ang mundo at ang katawang-tao, at ang Kanyang pagbabagong-anyo sa bundok ay ang persona ng Diyos. Suot Niya ang gintong korona sa Kanyang ulo, ang Kanyang kasuotan ay puting-puti, may bigkis ang dibdib ng isang pamigkis na ginto at ang mundo at ang lahat ng bagay ay tuntungan ng Kanyang paa. Ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy, sa loob ng Kanyang bibig ay may isang matalas na tabak na tigkabila’y talim at sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin. Ang daan patungo sa kaharian ay walang hangganan ang ningning at lumilitaw at kumikinang ang Kanyang kaluwalhatian; masaya ang mga bundok at nagtatawanan ang katubigan, at ang araw, buwan, at mga bituin ay umiinog na lahat sa mahusay na pagkakaayos ng mga ito, sinasalubong ang natatangi at totoong Diyos na ang matagumpay na pagbabalik ay ihinahayag ang pagtatapos ng Kanyang anim-na-libong-taon na plano ng pamamahala. Lahat ay naglulundagan at nagsasayawan sa galak! Magbunyi! Nakaupo ang Diyos na makapangyarihan sa lahat sa Kanyang maluwalhating luklukan! Umawit! Ang matagumpay na bandila ng Makapangyarihan ay itinataas sa maringal at kahanga-hangang Bundok ng Sion! Nagbubunyi ang lahat ng bansa, nag-aawitan ang lahat ng tao, masayang tumatawa ang Bundok ng Sion, at lumitaw na ang kaluwalhatian ng Diyos! Ni hindi ko kailanman pinangarap na makikita ko ang mukha ng Diyos, subalit ngayon nakita ko na ito. Kaharap Siya araw-araw, binubuksan ko sa Kanya ang aking puso. Sagana ang ibinibigay Niyang pagkain at inumin. Buhay, mga salita, mga pagkilos, mga kaisipan, mga ideya—pinagliliwanag ng Kanyang maluwalhating liwanag ang lahat ng ito. Nangunguna Siya sa bawat hakbang ng daan, at sumasapit kaagad ang Kanyang paghatol sa anumang pusong naghihimagsik.
Kumakain, naninirahan, at nabubuhay na kasama ng Diyos, ang makasama Siya, magkasamang naglalakad, magkasamang nasisiyahan, magkasamang nagkakamit ng kaluwalhatian at mga pagpapala, kabahagi sa Kanyang paghahari, at magkasamang nabubuhay sa kaharian—ah, napakasaya! Ah, napakatamis! Kaharap natin Siya araw-araw, kausap Siya araw-araw at palaging nag-uusap, at pinagkakalooban ng bagong kaliwanagan at mga bagong kabatiran araw-araw. Nabuksan ang ating espirituwal na mga mata at nakikita natin ang lahat; ibinubunyag sa atin ang lahat ng hiwaga ng espiritu. Talagang masayang mabuhay nang banal; tumakbo nang mabilis at huwag tumigil, patuloy na sumulong—mayroon pang mas kamangha-manghang buhay sa hinaharap. Huwag masiyahan sa tamis lamang; patuloy na hangaring makapasok sa Diyos. Siya ay sumasaklaw sa lahat at masagana, at mayroon Siya ng lahat ng klaseng bagay na wala tayo. Aktibong makipagtulungan at pumasok sa Kanya, at wala nang magiging katulad ng dati kailanman. Magiging dakila ang ating buhay, at walang tao, pangyayari, o bagay ang makagagambala sa atin.
Kadakilaan! Kadakilaan! Tunay na kadakilaan! Nasa kalooban ang dakilang buhay ng Diyos, at talagang nakapahinga na ang lahat ng bagay! Nalalagpasan natin ang mundo at ang mga makamundong bagay, na walang nadaramang pagkatali sa mga asawa o mga anak. Nalalagpasan natin ang pagkontrol ng sakit at mga kapaligiran. Hindi nangangahas si Satanas na gambalain tayo. Ganap na nalalagpasan natin ang lahat ng kalamidad. Tinutulutan nito ang Diyos na maghari! Tinatapakan natin si Satanas, sumasaksi tayo para sa iglesia, at lubos nating inilalantad ang pangit na mukha ni Satanas. Ang pagtatayo ng iglesia ay na kay Cristo, at lumitaw na ang maluwalhating katawan—ganito ang mabuhay sa pagdadala!