Kabanata 25
Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan, ang ating Diyos ang Hari! Itinatapak ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo. Kay ganda Niya! Makinig! Itinataas nating mga tagapagbantay ang ating mga tinig; gamit ang ating mga tinig, sama-sama tayong umaawit, dahil nakabalik na ang Diyos sa Sion. Nakikita ng sarili nating mga mata ang mga tigang na lugar ng Jerusalem. Sumambulat sa galak at umawit nang sama-sama, dahil inaliw tayo ng Diyos at tinubos ang Jerusalem. Inilantad na ng Diyos ang Kanyang banal na bisig sa mga mata ng di-mabilang na mga bayan, nagpakita na ang tunay na anyo ng Diyos! Nakita na ng lahat ng dulo ng mundo ang biyayang nagliligtas ng ating Diyos.
O, Makapangyarihang Diyos! Ang pitong Espiritu sa harap ng Iyong trono ay naipadala na sa bawat iglesia upang ipamalas ang lahat ng Iyong mga misteryo. Habang nakaupo Ka sa Iyong trono ng kaluwalhatian, pinangasiwaan Mo ang Iyong kaharian at ginawa Mo itong matibay at matatag gamit ang katarungan at katuwiran, at nasupil Mo ang bawat bayan sa harap Mo. O, Makapangyarihang Diyos! Nakalagan Mo na ang bigkis ng mga hari, upang bumukas sa harap Mo ang mga tarangkahan, na hindi kailanman maisasara. Sapagkat ang Iyong liwanag ay dumating na at ang Iyong maluwalhating liwanag ay sumisikat at nagniningning sa kinang nito. Binabalot ng kadiliman ang lupa at ang makapal na karimlan ay nasa ibabaw ng di-mabilang na mga tao. O, Diyos! Ikaw, gayumpaman, ay nagpakita na at suminag ang Iyong ilaw sa amin, at ang Iyong kaluwalhatian ay maipapamalas sa amin; ang di-mabilang na mga bayan ay lalapit sa Iyong liwanag, at ang mga hari sa liwanag ng Iyong pagsikat. Itinataas Mo ang Iyong mga mata at tumitingin Ka sa paligid: natitipon ang Iyong mga anak na lalaki sa Iyong harapan, at nagmumula sila sa malayo; ang Iyong mga anak na babae, sa kanilang pagdating, ay dala-dala sa mga bisig. O, Makapangyarihang Diyos! Ang Iyong dakilang pagmamahal ang bumihag sa amin; Ikaw ang nangunguna sa amin pasulong sa daan patungo sa kaharian, at ang Iyong mga banal na salita ang tumatagos sa amin.
O, Makapangyarihang Diyos! Nagpapasalamat kami at nagpupuri sa Iyo! Hayaan Mo kaming bumaling sa Iyo, magpatotoo sa Iyo, magdakila sa Iyo, at magsiawit sa Iyo taglay ang isang pusong matapat, tahimik, at walang kahati. Hayaan Mo kaming magkaisa ang isipan at maitayong sama-sama, at nawa sa lalong madaling panahon ay gawin Mo kaming mga taong naaayon sa mga layunin Mo, upang magamit Mo. Maisakatuparan nawa nang walang hadlang sa lupa ang Iyong kalooban.