Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran

Maraming tao ang tinitiwalag matapos gumanap ng mga tungkulin sa loob ng isa o dalawang taon lamang, o tatlo hanggang limang taon lamang. Ano ang pangunahing dahilan nito? Masasabing ito ay pangunahing dahil sa ang mga taong iyon ay hindi nagtataglay ng konsensiya o katwiran, at walang pagkatao. Hindi lamang nila hindi tinatanggap ang katotohanan, nagdudulot pa sila ng mga pagkagambala at kaguluhan, at lagi silang pabasta-basta habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila kailanman nakikinig paano man sila bahaginan tungkol sa katotohanan, at sila ay hindi sumusunod at palaban kapag sila ay pinupungusan. Kalaunan, wala nang ibang pagpipilian kundi ang paalisin sila at itiwalag sila. Anong problema ang ipinakikita nito? Para magampanan ang mga tungkulin, dapat man lamang ay nagtataglay ang mga tao ng konsensiya at katwiran; kung wala nito, magiging mahirap para sa kanila ang manindigan. Lahat ng walang konsensiya at katwiran ay walang pagkatao, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan, kaya hindi sila maililigtas ng Diyos, at kahit na magtrabaho pa sila, hindi nila ito magagawa nang maayos. Ito ay isang isyu na dapat mong makita nang malinaw. Kapag nakatagpo ka sa hinaharap ng mga taong walang konsensiya o katwiran—na ibig sabihin, mga taong walang pagkatao—dapat mo silang paalisin sa lalong madaling panahon.

Ang ilang tao ay hindi tumatanggap ng anumang pananagutan kapag gumaganap sila ng kanilang tungkulin, lagi silang pabasta-basta. Kahit nakikita nila ang problema, ayaw nilang maghanap ng solusyon at takot silang mapasama ang loob ng mga tao, kaya nga nagmamadali silang gawin ang mga bagay-bagay, na ang resulta ay kailangang ulitin ang gawain. Dahil ikaw ang gumaganap sa tungkuling ito, dapat mong panagutan ito. Bakit hindi mo ito sineseryoso? Bakit pabasta-basta ka? At wala ka bang ingat sa iyong mga responsabilidad kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa ganitong paraan? Kahit sino pa ang may pangunahing responsabilidad, responsable ang lahat ng iba pa sa pagbabantay sa mga bagay-bagay, ang lahat ay dapat may ganitong pasanin at ganitong pagpapahalaga sa pananagutan—pero wala ni isa man sa inyo ang nagbibigay ng anumang pansin, talagang mapagwalang-bahala kayo, wala kayong katapatan, wala kayong ingat sa inyong mga tungkulin! Hindi naman sa hindi ninyo nakikita ang problema, kundi ay ayaw ninyong tumanggap ng pananagutan—ni ayaw ninyong pansinin ang bagay na ito kapag nakikita naman ninyo ang problema, ayos na sa inyo ang “sapat na.” Hindi ba’t ang pagiging pabasta-basta sa ganitong paraan ay pagtatangkang linlangin ang Diyos? Kung, kapag gumagawa at nagbabahagi Ako sa inyo tungkol sa katotohanan, pakiramdam Ko ay katanggap-tanggap ang “sapat na”, kung gayon, batay sa inyong mga kakayahan at paghahangad, ano ang makakamit ninyo mula roon? Kung pareho ng sa inyo ang saloobin Ko, wala kayong mapapala. Bakit Ko ito sinasabi? Sa isang banda ito ay dahil wala kayong anumang ginagawa na taos-puso, at sa isa pang banda ay dahil medyo mahihina ang kakayahan ninyo, medyo manhid kayo. Dahil nakikita Kong lahat kayo ay manhid at walang pagmamahal sa katotohanan, at hindi ninyo hinahangad ang katotohanan, dagdag pa ang mahihina ninyong kakayahan, kaya kailangan Kong magsalita nang detalyado. Dapat Kong sabihin nang malinaw ang lahat, at unti-untiin at himay-himayin ang mga ito sa Aking pananalita, at mangusap tungkol sa mga bagay-bagay mula sa bawat anggulo, sa anupamang paraan. Saka lamang kayo nakakaunawa nang kaunti. Kung pabasta-basta Ako sa inyo, at nagsalita nang kaunti ukol sa anumang paksa, sa tuwing maibigan Ko, nang hindi ito pinag-iisipan nang mabuti ni pinagsisikapan, nang hindi ito isinasapuso, hindi nagsasalita kapag hindi Ko gustong magsalita, ano ang mapapala ninyo? Sa kakayahan na katulad ng sa inyo, hindi ninyo mauunawaan ang katotohanan. Wala kayong makakamit, lalo namang hindi ninyo matatamo ang kaligtasan. Pero hindi Ko magagawa iyon, dapat Akong magsalita nang detalyado. Dapat Akong maging detalyado at magbigay ng mga halimbawa ukol sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, sa mga saloobin ng mga tao sa katotohanan, at sa bawat uri ng tiwaling disposisyon; saka lamang ninyo maiintindihan ang sinasabi Ko, at mauunawaan ang naririnig ninyo. Anumang aspeto ng katotohanan ang ibinabahagi, nagsasalita Ako sa iba’t ibang kaparaanan, na may mga estilo ng pagbabahagi para sa mga nasa hustong gulang at para sa mga bata, at sa anyo rin ng mga katwiran at kuwento, gumagamit ng mga teorya at pagsasagawa, at nagkukuwento ng mga karanasan, upang maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makapasok sa realidad. Sa ganitong paraan, iyong mga may kakayahan at may puso ay magkakaroon ng pagkakataong maunawaan at tanggapin ang katotohanan at maligtas. Ngunit noon pa man ang saloobin ninyo sa inyong tungkulin ay pagiging pabasta-basta na, ng pagpapaliban ng mga bagay-bagay, at wala kayong pakialam kung gaano katagal ang antalang idinudulot ninyo. Hindi ninyo pinagninilayan kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema, hindi ninyo iniisip kung paano gampanan ang inyong tungkulin nang maayos upang makapagpatotoo sa Diyos. Ito ay pagpapabaya sa inyong tungkulin. Kaya napakabagal ng paglago ng inyong buhay, pero hindi kayo nababalisa sa dami ng oras na nasayang ninyo. Sa katunayan, kung gagawin ninyo ang inyong tungkulin nang maingat at responsable, hindi man lang aabutin ng lima o anim na taon bago ninyo magagawang magkuwento ng inyong mga karanasan at magpatotoo sa Diyos, at ang iba’t ibang gawain ay napakaepektibong maisasakatuparan—pero ayaw ninyong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ni ayaw ninyong pagsikapang alamin ang katotohanan. May ilang bagay na hindi ninyo alam kung paano gawin, kaya’t binibigyan Ko kayo ng mga tiyak na tagubilin. Hindi ninyo kailangang mag-isip, kailangan niyo lamang makinig at isagawa iyon. Iyan lang ang katiting na responsabilidad na dapat ninyong akuin—ngunit kahit iyan ay lampas sa inyo. Nasaan ang inyong katapatan? Hindi ito makita kahit saan! Ang tanging ginagawa ninyo ay magsabi ng mga bagay na masarap pakinggan. Sa puso ninyo, alam ninyo ang dapat ninyong gawin, pero hindi lang ninyo isinasagawa ang katotohanan. Ito ay pagsuway sa Diyos, at ang ugat nito ay kawalan ng pagmamahal sa katotohanan. Alam na alam ninyo sa puso ninyo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan—hindi lang talaga ninyo isinasagawa ito. Malubhang problema ito; nakatitig kayo sa katotohanan nang hindi ito isinasagawa. Hindi talaga kayo isang taong nagpapasakop sa Diyos. Para gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat ninyong hanapin at isagawa man lang ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi mo naisasagawa ang katotohanan sa iyong pagganap sa tungkulin, saan mo ito maaaring isagawa? At kung hindi mo isinasagawa ang anuman sa katotohanan, isa kang hindi mananampalataya. Ano ba talaga ang layon mo, kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan—lalo nang hindi mo isinasagawa ang katotohanan—at kumikilos lang nang pabaya sa sambahayan ng Diyos? Nais mo bang gawing tahanan mo ng pagreretiro ang sambahayan ng Diyos, o isang bahay-kawanggawa? Kung oo, nagkakamali ka—ang sambahayan ng Diyos ay hindi nag-aalaga ng mga mapagsamantala, ng mga walang silbi. Sinumang masama ang pagkatao, na hindi masayang gumagampan sa kanyang tungkulin, na hindi akmang gumanap ng isang tungkulin, ay dapat paalisin lahat; lahat ng hindi mananampalataya na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan ay dapat itiwalag. Nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan pero hindi nila ito maisagawa sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Kapag may nakikita silang problema, hindi nila ito nilulutas, at kahit alam nilang responsabilidad nila ito, hindi nila ibinubuhos ang lahat ng makakaya nila. Kung hindi mo man lang isinasakatuparan ang mga responsabilidad na kaya mong gawin, anong halaga o epekto ang maidudulot ng pagganap mo sa inyong tungkulin? Makabuluhan bang manalig sa Diyos sa ganitong paraan? Ang isang taong nakakaunawa ng katotohanan pero hindi ito kayang isagawa, na hindi kayang pasanin ang mga paghihirap na marapat niyang pasanin—ang gayong tao ay hindi angkop na gumanap ng tungkulin. Ang ilang taong gumaganap sa isang tungkulin ay ginagawa lamang iyon para mapakain sila. Sila ay mga pulubi. Iniisip nila na kung gagawa sila ng kaunting gawain sa sambahayan ng Diyos, malilibre na ang kanilang tirahan at pagkain, na tutustusan sila at hindi na nila kailangan pang magtrabaho. Mayroon bang gayong pakikipagtawaran? Hindi tinutustusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tamad. Kung ang isang taong hindi man lamang nagsasagawa ng katotohanan, at palaging pabasta-basta sa pagsasagawa ng kanyang tungkulin, ay nagsasabi na naniniwala siya sa Diyos, kikilalanin ba siya ng Diyos? Lahat ng gayong tao ay mga hindi mananampalataya at, ang tingin sa kanila ng Diyos ay mga taong gumagawa ng masama.

Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay kusang-loob na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, nang hindi kinakalkula ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan. Kahit isa ka pang taong naghahangad sa katotohanan, dapat kang umasa sa iyong konsensiya at katwiran at talagang magsikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng talagang magsikap? Kung nasisiyahan ka na sa kaunting pagsisikap, at pagdanas ng kaunting hirap ng katawan, ngunit hindi mo talaga sineseryoso ang iyong tungkulin o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, ito ay wala nang iba kundi pagiging pabasta-basta—hindi ito tunay na pagsisikap. Ang susi sa pagsisikap ay ibuhos ang puso mo roon, matakot sa Diyos sa puso mo, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, matakot na maghimagsik laban sa Diyos at masaktan ang Diyos, at dumanas ng anumang paghihirap para magampanan ang iyong tungkulin nang maayos at mapalugod ang Diyos: Kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung walang takot sa Diyos sa puso mo, hindi ka magkakaroon ng pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka magkakaroon ng interes doon, at hindi mo maiiwasang maging pabasta-basta, at iraraos mo lang ang gawain, nang walang anumang tunay na epekto—na hindi pagganap ng isang tungkulin. Kung tunay kang may nadaramang pasanin, at pakiramdam mo ay personal na responsabilidad mo ang pagganap sa iyong tungkulin, at na kung hindi, hindi ka nararapat na mabuhay, at isa kang hayop, na magiging marapat ka lamang na matawag na isang tao kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at kaya mong harapin ang sarili mong konsensiya—kung mayroon kang nadaramang ganitong pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin—magagawa mo ang lahat nang maingat, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at sa gayon ay magagawa mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at mapalulugod ang Diyos. Kung karapat-dapat ka sa misyong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at sa lahat ng isinakripisyo ng Diyos para sa iyo at sa Kanyang mga ekspektasyon mula sa iyo, kung gayon, ito ay tunay na pagsusumikap. Nauunawaan mo na ba ngayon? Kung iniraraos mo lamang ang pagganap sa iyong tungkulin at hindi mo man lang hinahangad na magkaroon ng mga resulta, isa kang mapagpaimbabaw, isang lobo na nakadamit tupa. Maaaring maloko mo ang mga tao, ngunit hindi mo malilinlang ang Diyos. Kung walang tunay na halaga at walang katapatan kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, kung gayon ay hindi ito abot sa pamantayan. Kung hindi ka talaga nagsisikap sa iyong pananampalataya sa Diyos at sa pagganap sa iyong tungkulin; kung palagi mong gusto na iraos lang ang mga bagay-bagay at mapagwalang-bahala sa iyong mga kilos, tulad sa isang walang pananampalataya na gumagawa para sa kanilang amo; kung gumagawa ka lamang ng isang walang-katuturang pagsisikap, hindi ginagamit ang iyong isip, iniraraos mo lang ang bawat araw na dumarating, hindi iniuulat ang mga problema kapag nakikita mo ang mga ito, nakikita ang isang tumapon at hindi ito nililinis, at walang patumanggang iwinawaksi ang lahat-lahat ng hindi mo na mapakikinabangan—hindi ba ito problema? Paanong magiging kasapi ng sambahayan ng Diyos ang ganitong tao? Walang pananampalataya ang gayong mga tao; hindi sila nabibilang sa sambahayan ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang kinikilala ng Diyos. Kung ikaw ba ay nagpapakatotoo at kung ikaw ba ay nagsisikap kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, tinatandaan iyon ng Diyos, at alam na alam mo rin ito. Kaya, nagsikap na ba talaga kayo sa pagganap ng inyong tungkulin? Sineryoso na ba ninyo ito? Itinuring na ba ninyo ito bilang inyong pananagutan, inyong pasanin? Inangkin na ba ninyo ito? Dapat wasto ninyong pagnilay-nilayan at alamin ang mga bagay na ito, na magpapadaling harapin ang mga problemang umiiral sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin, at magiging kapaki-pakinabang ito sa inyong buhay pagpasok. Kung palagi kayong iresponsable kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, at hindi ninyo iniuulat ang mga problema sa mga lider at manggagawa kapag nadidiskubre ninyo ang mga ito, ni hindi hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito nang mag-isa, laging iniisip na “mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” laging namumuhay ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, laging pabasta-basta kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, walang anumang pagkamatapat kailanman, at hindi man lang tinatanggap ang katotohanan kapag pinupungusan—kung ganito ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin, nasa panganib kayo; isa kayo sa mga trabahador. Hindi mga miyembro ng sambahayan ng Diyos ang mga trabahador, kundi mga empleyado, mga bayarang manggagawa. Kapag tapos na ang gawain, ititiwalag sila, at natural na masasadlak sa kapahamakan. Iba ang mga tao ng sambahayan ng Diyos; kapag gumaganap sila sa kanilang tungkulin, hindi iyon para sa pera, o para magsikap, o para magkamit ng mga pagpapala. Iniisip nila, “Isa akong miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ang mga bagay na may kinalaman sa sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa akin. Ang mga gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga gawain ko. Dapat kong isapuso ang sambahayan ng Diyos.” Dahil dito, isinasapuso nila ang lahat ng bagay na may kinalaman sa sambahayan ng Diyos, at tinatanggap ang responsabilidad para doon. Tinatanggap nila ang responsabilidad para sa lahat ng bagay na maiisip o makikita nila. Binabantayan nila kung may mga bagay ba na kailangang asikasuhin, at sineseryoso nila ang mga bagay-bagay. Ito ang mga tao ng sambahayan ng Diyos. Ganito rin ba kayo? (Hindi.) Kung nagnanasa ka lang ng mga kaginhawahan ng laman, kung binabalewala mo kapag nakikita mo na may mga bagay na kailangang asikasuhin sa sambahayan ng Diyos, kung hindi mo dinadampot ang bote ng langis na nahulog, at alam ng puso mo na may problema ngunit ayaw mong lutasin iyon, hindi mo tinatratong iyo ang sambahayan ng Diyos. Ganito ba kayo? Kung oo, labis na kayong napag-iwanan na wala na kayong ipinagkaiba sa mga walang pkananampalataya. Kung hindi ka magsisisi, kailangan kang ituring na hindi kabilang sa sambahayan ng Diyos; kailangan kang isantabi at itiwalag. Ang totoo ay ninanais ng Diyos sa Kanyang puso na ituring kayo bilang miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo tinatanggap ang katotohanan, at lagi kayongpabasta-basta, at iresponsable sa pagganap sa inyong tungkulin. Hindi kayo nagsisisi, kahit paano pa ibahagi sa inyo ang tungkol sa katotohanan. Kayo ang siyang naglagay sa inyong sarili sa labas ng sambahayan ng Diyos. Nais ng Diyos na iligtas kayo at gawin kayong mga miyembro ng Kanyang pamilya, pero hindi ninyo ito tinatanggap. Kaya naman, nasa labas kayo ng Kanyang sambahayan; kayo ay mga walang pananampalataya. Sinumang hindi tumatanggap ng kahit katiting mang katotohanan ay maaari lamang tratuhing gaya ng isang walang pananampalataya. Kayo ang siyang nagtakda ng sarili ninyong kahihinatnan at kalalagyan. Itinakda ninyo ito sa labas ng sambahayan ng Diyos. Bukod sa inyo, sino pa ba ang dapat sisihin para diyan? Napansin Kong maraming tao ang tila mga hayop na walang espiritu: Araw-araw at gabi-gabi ay alam lamang nilang kumain at magtrabaho, hindi sila kailanman kumakain o umiinom ng salita ng Diyos, at hindi kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Wala silang nauunawaan tungkol sa mga espirituwal na bagay sa buhay, at lagi silang namumuhay bilang mga walang pananampalataya; sila ay mga hayop na nagbabalatkayo bilang mga tao. Ganap na walang silbi ang gayong mga tao at ni hindi sila magagamit para magtrabaho. Mga patapon sila, dapat silang itiwalag at mabilis na paalisin, at wala sa kanila ang dapat pahintulutang manatili. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan, iyong paano man ibinabahagi sa kanila ang katotohanan, o paano man sila pinupungusan, ay nakakapagpasakop sila; sila ang mga taong nagtataglay ng katinuang ito, at iyong kaya ring makinig at magpasakop tuwing ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Anuman ang tungkuling kanilang ginagampanan, kaya nilang umako ng responsabilidad, mahusay na isakatuparan ang gawain, at tanggapin ang gawaing ito. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat na tawaging tao, at tanging sila lamang ang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ang mga taong trabaho ang ginagawa ay mga pabigat lamang, itinataboy sila ng Diyos, hindi sila mga kapatid, at sila ang mga hindi mananampalataya. Kung ituturing mo silang mga kapatid, bulag at hangal ka. Ngayon na ang oras para pagpangkat-pangkatin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ito ang oras kung kailan ibinubunyag at itinitiwalag ng Diyos ang mga tao. Kung tunay kayong mananampalataya ng Diyos, dapat ninyong masikap na hangarin ang katotohanan at mahusay na gampanan ang inyong tungkulin. Kung makapagbabahagi ka ng ilang patotoong batay sa karanasan, pinatutunayan nitong isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, at na nagtataglay ka ng ilang katotohanang realidad. Subalit kung hindi ka makapagbabahagi ng anumang patotoong batay sa karanasan, isa kang trabahador at nanganganib kang matiwalag. Kung ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin at responsable ka at tapat, isa kang tapat na trabahador at maaari kang manatili. Sinumang hindi isang tapat na trabahador ay dapat itiwalag. Samakatuwid, tanging sa maayos na pagganap lamang ng iyong tungkulin ka makapananatili nang matatag sa sambahayan ng Diyos, at maililigtas mula sa kalamidad. Napakahalaga ng maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Kahit papaano man lang, ang mga tao ng sambahayan ng Diyos ay mga tapat na tao. Sila ay mga taong mapagkakatiwalaan sa kanilang tungkulin, na kayang tanggapin ang ibinigay na gawain ng Diyos, at na kayang gampanan nang tapat ang kanilang tungkulin. Kung ang mga tao ay walang tunay na pananampalataya, konsensiya, at katwiran, at kung wala silang pusong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, hindi sila naaangkop na gumanap ng mga tungkulin. Kahit pa ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, pabara-bara nila itong ginagawa. Sila ay mga trabahador—mga taong hindi pa talaga nagsisi. Ang mga trabahador na tulad nito ay ititiwalag kalaunan. Tanging ang mga tapat na trabahador ang pananatilihin. Bagaman walang katotohanang realidad ang mga tapat na trabahador, nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran, nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang taos-puso, at pinahihintulutan sila ng Diyos na manatili. Ang mga nagtataglay ng katotohanang realidad, at ang mga matunog na makapagpapatotoo sa Diyos ang Kanyang mga tao, at pananatilihin at dadalhin din sila sa Kanyang kaharian.

Sa ngayon, batay sa inyong mga saloobin sa inyong mga tungkulin, kahusayan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at mga resultang nakukuha sa inyong mga tungkulin, hindi pa rin ninyo maayos na nagagampanan ang inyong mga tungkulin. Ito ay dahil masyado kayong pabasta-basta, at iniraraos lamang ninyo ang napakaraming bagay; pabaya kayo sa napakaraming bagay, at nagpapakita kayo ng napakaraming pagpapamalas ng pagsunod sa mga regulasyon. Ano ang dahilan nito? May kaugnayan ba ito sa inyong kakayahan at mga hinahangad na matamo? Ganito ginagampanan ng mga taong may napakababang kakayahan at ng mga taong nalilito ang kanilang mga tungkulin, at ganito rin ginagampanan ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang kanilang mga tungkulin. Kung gayon, ano ba talaga ang hinahangad ninyong lahat? Kayo ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Halatang-halata naman na hindi kayo mga taong naghahangad sa katotohanan. Para sa inyong lahat, kung pagbabatayan ang inyong kasalukuyang tayog, gaano man kalalim o kababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan, dapat ninyong isagawa kung anuman ang inyong nauunawaan dito—madali ba para sa inyo ang gawin iyon? Batay sa inyong panlabas na kapaligiran at mga pansariling kadahilanan, marahil lahat kayo ay medyo nahihirapang gawin iyon. Gayunman, hindi kayo masasamang tao, hindi kayo mga anticristo, at hindi ganoon kasama ang inyong pagkatao. Dagdag pa rito, bagaman karamihan sa inyo ay may katamtamang kakayahan, dapat pa rin ninyong magawang maunawaan ang katotohanan. Tinitiyak nitong hindi magiging mahirap para sa inyo na hangarin ang katotohanan. Maaaring higit sa inyong pang-unawa ang ilang malalalim na katotohanan, subalit kung tatalakayin Ko ang mga ito sa mas kongkreto at detalyadong paraan, maiintindihan at mauunawaan ninyo ang mga ito. Hangga’t nauunawaan ninyo ang katotohanan, gaano man kababaw o kalalim ang inyong pang-unawa, at hangga’t mayroon kayong landas, malalaman ninyo kung paano magsagawa. Isa itong pangunahing kondisyon para makamit ang paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan, at isa na dapat makamit ninyong lahat. Sa gayon, dapat magawa ninyong lahat na hangarin at isagawa ang katotohanan. Kaya bakit hindi kayo nakapagsasagawa ng katotohanan? May humahadlang ba sa inyo? Wala dapat kahit ano, at lahat kayo ay dapat makapagsasagawa ng katotohanan at makagagawa ng mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyong nasa saklaw ng inyong mga tungkulin. Taglay ninyo ang magandang pagkakataong ito, subalit hindi ninyo ito makamit. Ano ang ipinakikita nito? Una, ipinakikita nito na hindi ninyo gusto ang katotohanan at wala kayong interes dito. Pangalawa, ipinakikita nito na wala kayong tunay na pagkaunawa sa kung paano hahangarin at isasagawa ang katotohanan, at na wala kayong pagkaunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, kung ano ang kabuluhan at kahalagahan ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ano ang mahalaga tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan. Nang walang pagkaunawa sa mga bagay na ito, iniraraos lamang ninyo ang mga bagay-bagay, nang walang interes sa katotohanan o sa pagsasagawa nito, at iniisip pa rin ninyong, “Ano ba ang pakinabang ng paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo at ng pagsasagawa ng katotohanan?” Pinatutunayan ng mga kaisipang ito na hindi ninyo nauunawaan ang kahalagahan ng katotohanan, na hindi pa ninyo personal na nararanasan ang mga benepisyo ng paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo at ng pagsasagawa sa katotohanan, at na wala kayong pag-unawa sa kabuluhan ng mga ito, kaya’t wala kayong interes sa pagsasagawa ng katotohanan. Kahit medyo interesado kayo sa pakikinig sa mga sermon at medyo nais ninyong mag-usisa, nagpapakita kayo ng katiting na interes lamang tuwing pinag-uusapan ang pagsasagawa ng katotohanan. Ang ilang tao ay handang makinig sa mga sermon at magbasa ng salita ng Diyos, at handa silang isagawa ang katotohanan habang nagsasagawa sila ng mga bagay-bagay, subalit nabibigo sila kapag oras na ng aktuwal na pagsasagawa sa katotohanan. Lumalabas ang mga kagustuhan at pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo, at nalalantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, tulad ng katamaran, pag-aasam ng kaginhawahan, panlilinlang, at pakikipagkompetensiya para sa katayuan. Ganap silang iresponsable sa kanilang mga tungkulin at hindi man lang nila inaasikaso ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nagpapakapagod at gumagawa lamang sila, kontento na sila hangga’t naiiwasan nila ang paghihirap, at hindi sila maingat sa anumang bagay. Kahit na kapag alam nilang hindi nila maayos na nagagawa ang kanilang mga tungkulin, hindi sila nagninilay sa sarili, bagkus ay patuloy nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa isang pabasta-bastang paraan. Sa katagalan, nagiging manhid sila, mapurol ang pag-iisip, at walang kibo. Ganito ang kalagayan ng isang trabahador.

Maraming tao ang nagnanais na gumanap ng mga tungkulin, at ang ilan ay handang gampanan ang mga ito, subalit bakit lahat sila ay nahihirapang isagawa ang katotohanan? Bakit hindi man lamang nila maisagawa ang mga katotohanang kanilang nauunawaan? Ano ba talaga ang nangyayari dito? Sa tingin ba ninyo ay mahirap ang pagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Kung gayon ay bakit hindi ninyo ito maisagawa? (Hindi namin gusto ang katotohanan.) Saan nauugnay ang hindi pagkagusto sa katotohanan? (Sa kalikasan ng isang tao.) May kinalaman ito sa pagkatao at kalikasan ng isang tao. Ang mga taong hindi nagtataglay ng pagkatao ay walang konsensiya o katwiran, kaya’t hindi nila kayang mahalin ang katotohanan, at pakiramdam nila ay wala itong gaanong silbi. Naniniwala rin silang madedehado sila kapag isinagawa nila ang katotohanan, at na kahangalan lang ang pagiging isang tapat na tao, kaya’t iniisip nila na hindi kailangang hangarin ang katotohanan. Halimbawa, kapag napasama ng iba ang loob ng ilang tao, naiisip nilang, “Kailangang may gawin ako para makapaghiganti at maipaalam ko sa kanila kung gaano ako kabangis.” Sa oras na maisip nila ito, kailangan ba nila itong isakatuparan? Nagkakaroon ng masasamang naiisip ang mga tao dahil pinangingibabawan sila ng kanilang mga kalikasan, subalit isinasakatuparan at sinusunod ba ng lahat ng tao ang mga kaisipang ito? (Hindi sa lahat ng pagkakataon.) Ilang magkakaibang pagkakataon ba ang naroon? (Minsan hindi ito pinahihintulutan ng sitwasyon, kaya’t hindi naisasakatuparan ng mga tao ang kanilang masasamang naiisip. Posible ring mayroon silang konsensiya at katwiran, at namamalayan nilang masasama ang kanilang naiisip, kaya’t sinasadya nilang kontrolin ang kanilang sarili.) Tama, may mga taong sinusunod ang kanilang masasamang naiisip, at isinasakatuparan ang mga ito upang bigyang-kasiyahan ang kanilang sarili sa sandaling dumating ang oportunidad—masasamang tao ang mga ito. Anumang masamang ideya ang naiisip ng isang masamang tao, lagi niyang iniisip na siya ay tama at lagi niyang gustong maghanap ng oportunidad na gawin itong realidad. Ibig sabihin, isinasakatuparan niya ang masasama niyang naiisip, ginagawa niyang tunay na mga pagkilos ang kasamaan na nasa kanyang isipan upang makamit niya ang kanyang mga layunin. Wala siyang katwiran, hindi siya nagpipigil, at hindi niya ginagamit ang kanyang konsensiya para pigilan ang kanyang sarili, at hindi rin siya nagninilay sa kanyang sarili upang husgahan ang kaangkupan o mga kahihinatnan ng kanyang mga pagkilos, o ang epekto o pinsalang maaaring idulot ng mga ito sa kanya o sa iba. Hindi niya pinapansin ang mga bagay na ito. Ginagawa niya ang kanyang naisin, at higit pa rito, naniniwala siyang: “Dapat maging malupit ang isang tunay na lalaki. Dapat na maging masama at malupit ang mga tao, sapagkat kung hindi sila malupit, aapihin sila ng lahat, subalit kinatatakutan ng lahat ang isang masamang tao.” Habang lalo niya itong iniisip, lalo siyang nagiging kumbinsido na tama ang ganitong pag-iisip, at pagkatapos ay kumikilos siya nang ayon dito. Napipigil ba ng pagkamakatwiran at konsensiya ang gayong pag-uugali ng tao? (Hindi.) Hindi ito napipigilan nang gayon. May isang uri pa ng tao na may ganito ring mga naiisip, at kapag naiisip niya ang ganito, maaaring manira siya ng mga bagay-bagay para mailabas ang kanyang galit, subalit hindi niya isasakatuparan ang kanyang mga naiisip kapag oras na para kumilos. Bakit hindi? (Sapagkat kaya siyang pigilan ng kanyang konsensiya at katwiran sa paggawa ng masasamang gawa.) Mayroon siyang konsensiya at katwiran, gayundin ng kakayahang matukoy ang tama sa mali, at mapagpapasyahan niyang: “Hindi ako pwedeng kumilos nang ganito, sapagkat magdudulot ito ng kapwa kapahamakan sa iba at mga kawalan sa aking sarili. Baka magkaroon pa ng paghihiganti!” Nahuhusgahan niya kung ang kanyang mga naiisip ay tama o mali, mabuti o masama. Matapos ang silakbo ng galit, pagninilayan niya: “Dapat akong maging maunawain hangga’t maaari. Hindi bale na; hindi na lamang ako makikipag-ugnayan sa taong iyon sa hinaharap. May matututuhan akong aral mula rito at susubukan kong hindi na madaya muli sa hinaharap. Hindi kailangang maghiganti.” Pagkatapos nito, ito ang pipigil sa kanya. Sa anong pundasyon nabubuo ang “pagpipigil” na ito? Nabubuo ito sa pundasyon ng pagkakaroon niya ng konsensiya at pagkamakatwiran, ng abilidad na matukoy kung ano ang tama at ano ang mali, ng batayan sa kanyang pag-asal, at ng kanyang mga pagpapasya at pagkiling. Ano ang kanyang pagkiling? Wala siyang pagkiling na gantihan ang masama ng masama, sa halip ay iniiwasan niyang gumawa ng hindi mabubuti at ng masasamang pagkilos, kaya’t sa huli ay napagpapasyahan niyang pigilan ang kanyang sarili, at huwag isakatuparan ang kanyang mga naiisip. Galit din siya, at sa kanyang galit, gusto rin niyang gumawa ng ilang malulupit na pagkilos o magsabi ng ilang malulupit na salita. Subalit kapag dumating na ang oras para kumilos, nagpipigil siya, humihinto at hindi kumikilos. Nananatili lamang sa kanyang isipan ang kasamaan, at hindi nagiging pagkilos o isang katunayan. Kapwa may masasamang naiisip ang dalawang uri na ito ng mga tao, kung gayon ano ang pagkakaiba sa kalikasan nitong isang ito, at ng uri na una nang binanggit na hinahayaang gabayan ng kanyang masasamang naiisip ang kanyang mga pagkilos? (Ang ganitong tao ay may mabuting kalikasan, kaya’t hindi sila nakokontrol ng masasamang kaisipan.) May pagkakaiba sa kalikasan ng dalawang uri ng taong ito. May ilang tao na puno ng galit, pagsuway, at kawalang-kasiyahan kapag sila ay pinupuna, inilalantad, o pinupungusan ng iba, at pinipili nilang magkaroon ng saloobing mapaghiganti. Gayunpaman, may ilang taong kayang harapin ang mga sitwasyong ito nang tama at makatwiran, natatanggap nila kung ano ang sinabi kung ito ay totoo, at pagkatapos ay natututo sila ng aral mula rito, pinipili nilang magkaroon ng saloobing mapagpasakop at handang tumanggap. Alin sa dalawang uri na ito ng tao ang makapagsasagawa ng katotohanan? (Iyong taong may konsensiya at kayang tumanggap sa katotohanan at magpasakop sa Diyos.) Bakit mo nasasabing ang gayong tao ay may kaunting konsensiya? (Ito ay dahil may epekto sa kanya ang kanyang konsensiya, kinokontrol nito ang masasama niyang naiisip.) Tama, iyon nga ang nangyayari. Nagkakaroon ng epekto sa kanya ang kanyang konsensiya, kinokontrol, ginagabayan, at binibigyang-katuturan nito ang kanyang mga naiisip; may epekto ito. May epekto ba ang konsensiya noong isa pang uri ng tao? Wala; wala itong epekto. Pinag-iisipan lamang ito ng mga taong iyon paminsan-minsan, subalit pagkatapos ay kumikilos pa rin sila gaya ng karaniwan nilang ginagawa. Ang kanilang konsensiya ay pawang dekorasyon lamang at hindi ito umiiral sa katunayan. Alin sa mga uring ito ng tao ang mas nagtataglay ng pagkatao? (Iyong taong may epekto ang konsensiya at katwiran.) Iyong umeepekto ang konsensiya ay may kakayahang humusga kung ano ang tama at mali at kaya nilang kontrolin ang kanilang masasamang gawa. Ang ganitong uri ng tao ay kayang isagawa ang katotohanan at hangarin ang katotohanan. Kapag hinihiling ninyo sa ilang tao na gumawa ng mabubuting bagay, o na asikasuhin ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, walang epekto sa kanila ang kanilang konsensiya. Hindi nila ginagawa ang alam nilang tama, sa halip ay ginagawa lamang nila ang kanilang naisin. Handa silang magtsismis, manghusga ng iba, at mambola o sumipsip sa kanila, at ginagawa nila ito nang walang pag-aalinlangan. Anong uri kayo ng tao? (Sa tingin ko, isa akong mapagpalugod ng mga tao.) Napipigilan ba ang mga mapagpalugod ng mga tao ng kanilang konsensiya at pagkamakatwiran? Natutukoy ba nila ang kaibahan ng tama at mali? (Sa tingin ko ay kayang tukuyin ng mga mapagpalugod ng mga tao kung sino ang tama at kung sino ang mali, subalit wala silang diwa ng katarungan, hindi nila pinoprotektahan ang gawain ng iglesia, at pinangingibabawan sila ng mga satanikong pilosopiya sa medyo malubhang antas. Halimbawa, kapag may nagtatanong sa akin tungkol sa isang bagay, kapag tinutukoy ko ang isang taong wala roon, nakapagsasalita ako nang tapat, subalit kung naroon siya, nagtitimpi ako, at hindi nagsasalita nang tuwiran.) Bagaman maraming tao ang hindi nagmamahal sa katotohanan o naghahangad nito, ang katunayan, mayroon silang kaunting pagkaunawa tungkol sa iba’t iba nilang kalagayan. Kalimutan na kung minamahal mo ba o hindi ang katotohanan o kung maisasagawa mo ba ang katotohanan sa ngayon; una, subukan mong unti-unting pabutihin at baguhin ang mga tiwali mong kalagayan na iyong natutukoy. Sa ganyang paraan, unti-unting maitutuwid ang iyong landas. Simulan mo sa pagbago ng mga bagay na iyong namamalayan—ang ibig sabihin, iyong mga nadarama ng iyong konsensiya at pagkamakatwiran, o ang mga maling kalagayan, pahayag, ideya, at pananaw na nadarama at natutukoy ng iyong isipan—simulan mo sa pagbago ng mga bagay na ito na iyong nadarama. Kung mababago mo ang mga bagay na ito, marami ka nang nakamit. Kahit papaano man lamang ay magiging isang tao ka na may konsensiya at katwiran, kikilos ka nang makatwiran, makikilatis mo ang iyong mga maling kalagayan, at makapagpupursigi ka tungo sa katotohanan. Sa ganitong paraan, magagawa mong harapin ang mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, at makapapasok ka sa mga katotohanang realidad. Pagkatapos, ang iyong pagganap ng iyong tungkulin ay aabot na sa pamantayan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at nalulutas mo ang mga praktikal na problema sa iyong tungkulin, kahaharapin mo ang papakaunti at papakaunting mga paghihirap. Halimbawa, sabihin nang sa nakalipas ay may isang bagay sa iyong puso na laging pumipigil sa iyong magsalita nang malaya, kaya hindi mo tuwirang tinutukoy ang mga problemang nakikita mo sa iba. Sa halip ay lagi kang nagpapaligoy-ligoy gamit ang mga salitang magandang pakinggan, sapagkat takot kang saktan ang iba, at lagi kang nag-aalala tungkol sa karangalan, damdamin, at pakikipag-ugnayan sa iba. Ngayon, hindi ka na nagpapaligoy-ligoy pa; kapag may problema, nagsasalita ka nang direkta at malinaw tungkol dito, at kaya mong tukuyin ang problema ng iba at tuparin ang iyong mga responsabilidad. Wala nang pangamba at paghihirap sa iyong puso at nakapagsasalita ka nang taos-puso kapag ibinubuka mo ang iyong bibig, nang hindi naaapektuhan o napipigilan ng anumang iba pang bagay. Ngayon, alam mo nang dapat mong sundin ang mga prinsipyo sa iyong ginagawa, na hindi ka maaaring mabuhay nang ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at na dapat mong isantabi ang iyong pagpapahalaga sa sarili at sumunod sa mga prinsipyo. Lumilinaw nang lumilinaw ang mga bagay-bagay na ito, at hindi na ganoon kalakas ang epekto sa iyo ng iyong pagpapahalaga sa sarili, at nakapagsasalita ka nang hindi napipigilan ng iyong pagpapahalga sa sarili at mga damdamin. Nakapagsasalita ka ng ilang patas na salita at hindi ka na nakararamdam ng pagkabalisa sa iyong puso. Sa ibang salita, papakaunti na nang papakaunti ang mga bagay na makakagulo sa iyo; kaya mong makawala sa mga ito, pakawalan ang mga ito, at maging malaya mula sa pagkontrol ng mga ito. Kapag nagsasagawa ka ng katotohanan, at gumagawa at nagsasalita ka ayon sa mga prinsipyo, hindi ka na mapipigilan ng mga tiwaling disposisyon, at ang iyong puso ay hindi na magdurusa pa. Bagkus, ganap na magiging natural ang pakiramdam nito, magiging payapa ang iyong konsensiya, at madarama mo na ang iyong mga pagkilos ay gaya lang ng nararapat. Magiging natural ang iyong mga ekspresyon at pagkilos at di-kalakihan ang iyong mga paghihirap. Hindi ba’t ito ay pagbabago?

Ang asal at mga pamamaraan ng mga tao sa pakikitungo sa mundo ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos; ito ang pinakapangunahing prinsipyo para sa pag-uugali ng tao. Paano maisasagawa ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Marahil ang orihinal mong pananaw ay na “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, sa gayong paraan ay matatamo ang magandang ugnayan sa iba. Nalilimitahan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang mawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Hinahangad mong makasundo ang lahat, kahit sino pa sila. Iniisip mo lamang ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa gayong asal? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal ng tao. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong pinagbayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin ang iyong pag-asal sa harap ng Diyos. Matapos mapagtanto ang problemang ito, nababagabag ka ba? (Oo.) Ano ang pinatutunayan ng pagkabagabag na ito? Pinatutunayan nitong minamahal mo pa rin ang katotohanan, at na may puso kang nagmamahal sa katotohanan at kagustuhang mahalin ang katotohanan. Pinatutunayan nito na may kamalayan pa rin ang iyong konsensiya, at na ang iyong konsensiya ay hindi pa lubusang patay. Kahit gaano pa kalalim ang iyong katiwalian, o kahit gaano pa karami ang iyong mga tiwaling disposisyon, sa iyong pagkatao ay mayroon ka pa ring diwang nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Hangga’t mayroon kang kamalayan, at alam mo ang mga problemang umiiral kaugnay ng iyong pagkatao, mga disposisyon, pagganap ng iyong tungkulin, at kung paano mo tratuhin ang Diyos, at may kamalayan ka pa nga kapag ang iyong mga salita at pagkilos ay nauugnay sa mga pananaw, paninindigan, at saloobin, at napagtatanto mo na mali ang iyong mga pananaw, na hindi naaayon sa katotohanan o sa mga layunin ng Diyos ang mga ito, subalit hindi madaling bitiwan ang mga ito, at gusto mong isagawa ang katotohanan subalit hindi mo ito magawa, at ang iyong puso ay naghihirap, nasasaktan, at nagdurusa, at nakararamdam ka ng pagkakautang—isa itong pagpapamalas ng pagkataong nagmamahal sa mga positibong bagay. Ito ang kamalayan ng konsensiya. Kapag ang iyong pagkatao ay may kamalayan ng konsensiya, at may bahagi itong nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay, magkakaroon ka ng mga damdaming ito. Ang pagkakaroon ng mga damdaming ito ay nagpapatunay na may kakayahan kang makilala kung alin ang mga positibo at negatibong bagay, at na hindi ka pabaya at walang malasakit sa mga bagay na ito, hindi ka manhid o walang kamalayan, sa halip, mayroon kang kamalayan. At dahil mayroon kang kamalayan, nagtataglay ka ng kakayahang makilala kung alin ang tama at mali, at ang mga positibong bagay at negatibong bagay. Kapag mayroon kang kamalayan at kakayahang ito, hindi ba’t magiging madali para sa iyo na kamuhian ang mga negatibong bagay, maling pananaw, at tiwaling disposisyong ito? Medyo magiging madali ito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, tiyak na magagawa mong kamuhian ang mga negatibong bagay at mga bagay na may kinalaman sa laman, dahil ikaw ay nagtataglay ng pinakamababa at pinakapangunahin sa lahat ng mga bagay: ang kamalayan ng konsensiya. Ang pagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya ay napakahalaga, gayundin ang pagkakaroon ng kakayahang makilala kung alin ang tunay at huwad, at ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan pagdating sa pagmamahal sa mga positibong bagay. Pinakakanais-nais at pinakamahalaga ang tatlong bagay na ito sa normal na pagkatao. Kung tinataglay mo ang tatlong bagay na ito, tiyak na makapagsasagawa ka ng katotohanan. Kahit na mayroon kang isa o dalawa lamang sa mga bagay na ito, makapagsasagawa ka pa rin ng ilang katotohanan. Tingnan natin ang kamalayan ng konsensiya. Halimbawa, kapag nakatagpo ka ng isang masamang tao na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia, matutukoy mo ba ito? Maituturo mo ba ang malinaw na masasamang gawa? Siyempre kaya mo. Gumagawa ng masasamang bagay ang masasamang tao, at gumagawa ng mabubuting bagay ang mabubuting tao; nakikita ng isang karaniwang tao sa isang tingin lang ang pagkakaiba. Kung nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya, hindi ba’t mayroon ka ring mga damdamin at pananaw? Kung mayroon kang mga pananaw at damdamin, kung gayon ay tinataglay mo ang isa sa mga pinakapangunahing kondisyon sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung kaya mong makita at maramdaman na ang taong ito ay gumagawa ng masama, at kaya mong tukuyin ito, at pagkatapos ay ilantad ang taong iyon, at bigyang-daan ang hinirang na mga tao ng Diyos na matukoy ang bagay na ito, hindi ba’t malulutas ang problema? Hindi ba’t ito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagtalima sa mga prinsipyo? Anong mga kaparaanan ang ginamit sa pagsasagawa rito ng katotohanan? (Ang paglalantad, pag-uulat, at pagpigil sa paggawa ng masama.) Tama. Ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagsasagawa ng katotohanan, at sa pagsasagawa nito, maisasakatuparan mo ang iyong mga responsabilidad. Kung kaya mong kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan kapag nahaharap ka sa mga ganitong sitwasyon, ito ay pagsasagawa sa katotohanan, ito ay pagsasagawa sa mga bagay-bagay nang may prinsipyo. Subalit kung hindi ka nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, at nakikita mo ang masasamang taong gumagawa ng kasamaan, mamamalayan mo ba ito? (Hindi ko mamamalayan.) At ano ang maiisip ng mga taong walang kamalayan tungkol dito? “Ano naman sa akin kung gumagawa ang taong iyon ng kasamaan? Hindi niya naman ako sinasaktan, kaya bakit ko pasasamain ang kanyang loob? Kailangan ba talaga iyon? Paano ako makikinabang sa pagsasagawa niyon?” Inilalantad, iniuulat, at pinipigilan ba ng mga ganitong tao ang masasamang tao sa paggawa ng kasamaan? Tiyak na hindi. Nauunawaan nila ang katotohanan subalit hindi nila ito kayang isagawa. Ang mga gayong tao ba ay may konsensiya at katwiran? Wala silang konsensiya o katwiran. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil nauunawaan nila ang katotohanan subalit hindi ito isinasagawa; nangangahulugan itong wala silang konsensiya at katwiran, at nagrerebelde sila sa Diyos. Nakatuon lamang sila sa pangangalaga para hindi mapinsala ang kanilang mga interes; wala silang pagsasaalang-alang kung nawawalan ba ang gawain ng iglesia, o kung napipinsala ba ang mga interes ng mga taong hinirang ng Diyos. Sinusubukan lamang nilang pangalagaan ang kanilang sarili, at kapag nakatutuklas sila ng mga problema, hindi nila pinapansin ang mga ito. Kahit pa makakita sila ng isang taong nagsasagawa ng kasamaan, nagbubulag-bulagan sila rito, at iniisip na ayos lamang ito, hangga’t hindi nito napipinsala ang kanilang mga interes. Anuman ang ginagawa ng iba, tila ba wala itong kinalaman sa kanila; hindi sila nakararamdam ng responsabilidad, at walang anumang epekto sa kanila ang kanilang konsensiya. Batay sa mga pagpapamalas na ito, may pagkatao ba ang mga taong ito? Ang taong walang konsensiya at katwiran ay isang taong walang pagkatao. Lahat ng taong walang konsensiya at katwiran ay masasama: Sila ay mga hayop na nagbabalatkayo bilang mga taong kayang gumawa ng anumang uri ng masasamang bagay.

Ang isang tao bang hindi nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya ay kayang tukuyin ang mabubuting gawa at masasamang bagay? Mayroon ba siyang anumang konsepto ng tama at mali, o ng wasto at hindi wasto? (Wala.) Kung gayon, paano niya pinakikitunguhan ang ibang tao? Ano ang tingin niya sa tiwaling sangkatauhan? Naniniwala siyang ang buong sangkatauhan ay masama, na hindi siya ang pinakamasahol sa sangkatauhan, at na ang karamihan ng mga tao ay mas masahol kaysa sa kanya. Kung sasabihin mo sa kanyang dapat may konsensiya at katwiran ang mga tao, na dapat maghanda ng mabubuting gawa ang mga tao, sasabihin niyang kasinungalingan iyon at hindi niya iyon paniniwalaan. Ang mga taong ganito, na hindi nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, ay hindi kailanman malalaman ang kabuluhan at kahalagahan ng pagsasagawa ng katotohanan. Kung gayon, posible ba para sa ganitong uri ng tao na mahalin ang katotohanan? (Hindi.) Wala sa kalikasang diwa nila ang nagmamahal sa katotohanan, kaya’t hindi nila kailanman magagawang mahalin ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman mauunawaan kung ano ang katotohanan, kung ano ang kabutihan, o kung ano ang kasamaan. Sa isip nila, negatibo ang mga positibong bagay at positibo ang mga negatibong bagay; naguguluhan sila sa dalawang konseptong ito. Sa anong mga prinsipyo nakabatay ang kanilang mga pagkilos? Hindi nila tinutukoy kung ano ang tama at mali, o ang mabuti at masama, at wala silang pakialam sa parusa o gantimpala; kailangan lamang na ang anumang kanilang ginagawa o sinasabi ay para sa kanilang sariling kapakinabangan. Pagdating naman sa kanilang mga pananaw, binabago nila ang mga ito ayon sa kinakailangan ng kanilang kapaligiran para umangkop sa kanilang mga interes. Pinanghahawakan nila ang mga pananaw nilang makatutulong sa kanilang mga interes hanggang makamit nila ang kanilang mga layunin at ninanasa. Posible ba para sa taong may ganitong uri ng pagkatao, na may ganitong kalikasang diwa, na magsagawa ng katotohanan? (Hindi.) Ano ang dapat taglayin ng isang tao para makapagsagawa ng katotohanan? (Ang kamalayan ng konsensiya, ang kakayahang matukoy kung ano ang tama at mali, at ang pusong may pagmamahal para sa katarungan at mga positibong bagay.) Alin sa mga ito ang inyong tinataglay? Sa tatlong ito, maaaring medyo mahirap gawin ang pagkakamit ng kakayahang matukoy kung ano ang tama at mali, at ang magawang mahalin ang katarungan at mga positibong bagay. Napakahirap para sa mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan na makamit ang dalawang bagay na ito. Subalit ang mga taong may konsensiya at katwiran, kahit papaano man lang, ay kailangang gawin ang mga bagay-bagay nang naaayon sa kanilang konsensiya at katwiran, sa pinakamababa, nang hindi sinasaktan ang iba, hindi nagdudulot ng kapahamakan sa iba para sa kanilang sariling kapakinabangan, at hindi nagsasagawa ng mga bagay na masama at di-makatwiran—sa ganoong paraan, mapapanatag ang kanilang isipan. Kung tunay silang nananalig sa Diyos, dapat man lang ay maging tapat sila, at umayon sila sa kanilang konsensiya at katwiran sa lahat ng kanilang ginagawa. Ito ang mga pamantayan sa pagiging isang mabuting tao. Kung mayroon silang kaunting kakayahan at nauunawaan nila ang katotohanan, lalo nang mas mabuti; sa gayon ay magagawa nilang hanapin ang katotohanan sa lahat ng kanilang ginagawa, at lagi nilang mapagninilayan kung mayroon bang mga paglabag sa mga prinsipyo ang kanilang mga pagkilos. Sa kaibuturan ng iyong puso, mayroon ka bang pamantayan sa pagtatasa? Kapag may ginagawa kang mali, o nilalabag na mga prinsipyo, kung pabasta-basta ka, o kung pinangangalagaan mo ang iyong mga makalamang relasyon, namamalayan mo ba ito? Kung namamalayan mo, mayroon kang kaunting konsensiya. Kung hindi ka nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, nanganganib ka. Kahit papaano man lang ay dapat nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya para magkaroon ka ng pag-asang maligtas; kung kahit iyon ay wala kayo, nanganganib kayo, sapagkat hindi inililigtas ng Diyos ang walang pagkatao. Ano ang epekto ng kamalayan ng konsensiya sa iyong pagkatao? Ang epekto ay na kailangan mong gamitin ang iyong konsensiya para suriin ang pagiging tama o mali ng iyong personal na nararanasan, ng nakikita ng iyong mga mata at naririnig ng iyong mga tainga, ng iyong iniisip, ng pinaplano mong gawin, at ng iyo nang nagawa. Ang iyong asal at pagkilos ay dapat may mapagbabatayan man lang. Halimbawa, sabihin nang may nakita kang isang taong naghahangad na puno ng sigasig, subalit siya rin ay napakasimple at walang muwang, at lagi mo siyang minamaliit, at laging gustong apihin, at inisin at kutyain ng iyong mga salita. Naiisip mo ang mga ito at minsan ay nakapaglalantad ka rin ng mga pag-uugaling katulad nito—mamamalayan mo ba ito sa iyong puso? Malalaman mo ba na ang mga pag-iisip at pagkilos na ito ay mali at hindi kaaya-aya? Mapagtatanto mo ba kung ano ang kalikasan ng iyong mga pagkilos? (Oo.) Kung gayon, nangangahulugan ito na nagtataglay ka ng kamalayan ng konsensiya. Kung hindi mo man lamang matukoy kung ang iyong mga pananaw sa mga tao, pangyayari, at bagay, o ang mga saloobin sa kaibuturan ng iyong puso, ay hindi kaaya-aya o kung ang mga ito ay maganda at mabuti, kung wala kang pamantayan ng pagtatasa sa iyong puso, wala kang pagkatao. Ang mga taong walang konsensiya ay walang pagkatao. Kung wala ka man lamang pundamental na pagkatao, wala kang anumang halaga at hindi ka maililigtas. Bakit itinakda ng Diyos kay Hudas ang gampanin na ipagkanulo ang Panginoon? Ginawa Niya ito ayon sa kalikasan ni Hudas. Si Hudas ang uri ng bagay na magtataksil sa kanyang Panginoon para sa sarili niyang kapakinabangan, at hindi inililigtas ng Diyos ang mga ganoong tao. Nagawa ni Hudas na magnakaw ng pera, kaya may konsensiya ba siya? (Wala.) Ganito ang hindi pagkakaroon ng konsensiya. Sa partikular, ang katunayang ang perang ninakaw niya ay sa Panginoon ay nangangahulugang isa siyang bagay na walang kahit anong konsensiya at katwiran; isa siyang demonyong hindi napipigilan sa anumang paraan na gumawa ng masasamang bagay. Hindi siya nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya at hindi niya mapigilan ang kanyang sarili, kaya’t nagawa niyang palihim na gastusin ang mga handog na iyon sa Diyos. Kung kaya ng isang tao na palihim na gastusin ang mga handog sa Diyos, anong uri ng pagkatao mayroon siya? (Iyong sa isang masamang tao.) Wala siyang pagkatao. Ang unang tanda ng kawalan ng pagkatao ay ang hindi pagtataglay ng kamalayan ng konsensiya, at ang hindi pamamahala ng konsensiya ng isang tao sa anumang ginagawa niya. Wala si Hudas kahit na ng pinakapundamental na bagay, na nangangahulugang wala siyang pagkatao, kaya normal lamang sa kanya ang gumawa ng ganoong bagay. Samakatuwid, ang pagsasaayos ng Diyos na gampanan ni Hudas ang papel ng pagkakanulo sa Panginoon, at ang pagpapagawa sa kanya nito, ang pinakanaaangkop na desisyon; wala sa mga materyales ng Diyos ang nasasayang, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Nang nakawin ni Hudas ang pera mula sa sisidlan ng pera, at walang sinumang nakaalam noon, naniwala siyang hindi rin siya nakita ng Diyos na ginagawa ito. Wala siyang kamalayan ng konsensiya, at inisip niyang walang ibang nakaalam, at ano ang naging resulta nito? Nagawa niya ang mabigat na kasalanan ng pagkakanulo sa Panginoon, pagtataksil sa Panginoon, at naging kilala siya bilang isang makasalanan sa mga nagdaang panahon. Pagkatapos ay nagbigti siya, at namatay nang nakabukas ang kanyang tiyan. Dapat bang kaawaan ang gayong tao? Ang isang hayop na walang pagkatao na pinarurusahan nang ganyan ay hinding-hindi dapat kaawaan.

Ginagawa ng mga taong may pagkatao ang lahat ng bagay nang ayon sa kanilang konsensiya at katwiran. Ang batayan ng kanilang asal, kahit papaano man lang, ay hindi lulubog sa pamantayan ng kanilang konsensiya. Kung alam nilang maling isagawa ang isang bagay, magagawa nilang kontrolin ang kanilang pag-uugali. Nasasabi ng konsensiya sa mga tao ang tamang paraan ng pagkilos, kaya ang mga taong may konsensiya ay nakapagsasalita at nakakakilos batay sa kanilang konsensiya. Matapos maging mananampalataya, patuloy na ginagampanan ng kanilang konsensiya ang papel nito katulad nang dati. Kaya, kapag may maraming bagay silang hindi nakikita nang malinaw, kahit papaano ay nagagawa pa rin nilang harapin at pangasiwaan ang mga bagay na iyon batay sa kanilang konsensiya. Kung, dagdag pa sa pundasyong ito, ay nauunawaan nila ang katotohanan, pangangasiwaan nila ang mga bagay-bagay nang batay sa mga katotohanang prinsipyo, magkakaroon ang kanilang konsensiya ng kamalayan kung ang kanilang mga pagkilos ba ay umaayon o hindi sa mga katotohanang prinsipyo, at makaaapekto ito sa kanila. Kapag nilalabag ng mga tao ang mga prinsipyo at pinangangalagaan lamang nila ang kanilang mga makalamang interes, ito ay dahil sa pangingibabaw ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at iyong mga nagtataglay ng konsensiya ay dapat itong malaman. Kapag nauunawaan ng isang tao ang katotohanan subalit hindi niya ito isinasagawa, nakokonsensiya ba siya? Mapapanatag ba ang kanyang puso? Nararanasan ito ng lahat ng tao. Sa inyong pang-araw-araw na buhay, nakikitungo man kayo sa mga tao o nagsasagawa ng mga bagay-bagay, halata ba ang kamalayan ng inyong konsensiya? Minsan ba ay nakararamdam kayo ng pagkakautang o pagsaway? Minsan ba ay nakararamdam kayo ng pagkabalisa at pagkakonsensiya ng kalooban, o ng sakit at paghihirap ng kalooban? Kahit kailan ba ay nararamdaman ninyo ang mga ito? Kung oo, hindi iyan gaanong masama, subalit kung hindi ay nanganganib kayo. Kahit sino ka pa, kung hindi ka nakadarama ng pagkakonsensiya, hindi ka tunay na nananalig sa Diyos. Itinatanong ng ilang tao, “Anong kinalaman nito sa kung tunay ba o huwad ang pananalig ng isang tao?” Ano ang masasabi ninyong ugnayan ng mga bagay na ito? (Kapag ang isang taong nagtataglay ng kamalayan ng konsensiya ay nakagagawa ng mali, ang nararamdaman niyang pagsaway, kalungkutan, pagsisisi, at pagkakautang ay nagmumula lahat sa Diyos. Ang katunayang nararamdaman niya ang pagsaway ng Diyos ay nagpapakitang tinatanggap niya sa kanyang puso ang pagsusuri ng Diyos. May mga tao na wala man lang nitong kamalayan na ito, na nagpapakitang sa kanilang puso ay talagang hindi sila naniniwalang sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag may ginawa silang mali, hindi sila nakararamdam ng pagkakautang; wala sila ng ganitong uri ng kamalayan.) Medyo tama iyan. May iba pa ba? (Kinikilala ng mga taong nagtataglay ng konsensiya na mayroong Diyos at kapag may ginawa silang masama, alam nilang magdasal sa Diyos at magnilay sa sarili, at hanapin ang katotohanan para malutas ang problema. Kapag nahaharap sa problema ang isang taong walang konsensiya, hindi siya apektado ng konsensiya; wala siyang lugar sa kanyang puso para sa Diyos, at hindi niya hinahanap ang katotohanan para malutas ang problema. Hindi siya naniniwalang ang katotohanan ay isang bagay na kanyang kinakailangan, kaya hindi niya sinusubukang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong nananalig sa Diyos subalit hindi nagsasagawa ng katotohanan ay mga hindi mananamalataya.) Anuman ang kinahaharap ng isang taong may tunay na pananampalataya, kaya niyang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, at sa paraang ito ay may kamalayan ang kanyang konsensiya sa kung ano ang tama at mali, o ang mabuti at masama. Ang mas mahalaga pa, naniniwala siyang umiiral ang Diyos at nananalig siya sa salita ng Diyos. Isinasapuso niya ang mga naririnig niyang salita ng Diyos, na nagiging pamantayan niya sa pagtatasa sa sarili niyang pag-uugali at paraan ng pagharap sa mundo, at sa lahat ng kanyang ginagawa. Ano ang pamantayang ito? Nauunawaan man niya o hindi ang katotohanan, kadalasan ay ginagamit niyang pamantayan ang salita ng Diyos, dahil nananampalataya siya sa Diyos, naniniwala siyang umiiral ang Diyos, at naniniwala siyang ang salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil naniniwala siyang ang salita ng Diyos ang katotohanan, kapag nakahaharap siya ng mga problema, natural niyang ginagamit ang salita ng Diyos sa pagtatasa sa mga ito. Kahit papaano, alam niyang ang kanyang mga iniisip at kuru-kuro ay hindi ang katotohanan. Kaya, kapag nakahaharap siya ng mga problema, sinasabi sa kanya ng kamalayan ng konsensiya na dapat niyang gamitin ang salita ng Diyos bilang kanyang batayan, at kung hindi niya iyon magagawa, at hindi niya iyon maisasagawa, hindi mapapanatag ang kanyang konsensiya at magdurusa ito. Halimbawa, paanong nalalaman ng mga tao na ang mga bagay tulad ng pangangalaga sa kanilang mga makalamang ugnayan sa iba, pagsasaya sa kaginhawahan, at pagiging mapagpalugod ng mga tao ay mga negatibong bagay? (Inilalantad ito ng salita ng Diyos.) Tama, kung susukatin mo ang mga bagay na iyon ayon sa salita ng Diyos, lahat ng iyon ay negatibo, paghahayag ng mga tiwaling disposisyon, at idinudulot ng kalikasan ng mga tao. Kapag inihahayag ng mga taong iyon ang mga bagay na iyon, nagiging masaya at malugod ba sila sa kanilang puso, o malungkot at nasasaktan? Nakararamdam sila ng pakikipagtunggali sa kanilang sarili at nalulungkot sila, na parang isang kutsilyong itinatarak sa kanila. Tuwing nahaharap sila sa mga bagay na ito, kapag hindi nila mapangasiwaan ang mga ito nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, o hindi sila makawala sa pagkakagapos ng kanilang damdamin, nasasaktan ang kanilang puso. Saan nanggagaling ang sakit na ito? Nagmumula ito sa kondisyon na mayroon silang kamalayan ng konsensiya at nauunawaan nila ang katotohanan ng salita ng Diyos. Kapag ang lahat ng sakit, pagsaway, at pagkakonsensiyang ito ay umuusbong sa kanila, sa kaibuturan ng kanilang puso ay nakararamdam sila ng poot at pagkasuklam sa kanilang sarili, at maaari pa ngang tingnan nila ang kanilang sarili nang may paghamak, sinasabing, “Maaaring magaling akong magsalita, sinasabi kong gusto kong mahalin ang Diyos at mapasiya Siya, at ipinapahayag ko nang buong lakas ang mga islogang ito, subalit kapag may nangyayari sa akin, lagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong karangalan. Kahit ilang beses kong subukan, hindi ako makawala sa pagkakagapos na ito. Hindi lamang talaga ako handang mapasama ang loob ng iba, at lagi akong nagkakasala sa Diyos.” Sa paglipas ng panahon, nakabubuo sila ng opinyon tungkol sa kanilang sarili sa kaibuturan ng kanilang puso—ano ito? Hindi nila iniisip na mabuti silang tao; alam nila na kaya nilang gumawa ng maraming masasamang bagay, at nakikita nilang napakahusay nilang magpanggap, at na sila ay mga mapagpaimbabaw. Sa mga sitwasyong ito, sinisimulan nilang tanggihan ang kanilang sarili, at hindi na paniwalaan ang kanilang sarili. Paano nakakamit ang mga resultang ito? Nakakamit ito sa pundasyon ng pagkaunawa sa salita ng Diyos, kapag ang kanilang konsensiya ay may kamalayan at ginagampanan ang gawain nito.

Iyong mga tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga may tunay na pananampalataya sa Kanya. May mga damdamin silang pinatatakbo ng kanilang konsensiya at katwiran; nananalig sila sa kanilang puso na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan; nananalig silang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at para sa layuning iligtas at dalisayin ang mga tao. Naaayon man ito o hindi sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ito ay kapaki-pakinabang sa kanila. Iyong mga hindi tunay na nananalig sa Diyos ay walang konsensiya at walang katwiran, ni walang pakialam sa pagkakaroon ng konsensiya o katwiran. Lagi silang may saloobin na kalahating maniwala at kalahating hindi maniwala sa mga salita ng Diyos; hindi nararamdaman ng kanilang puso na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Kung gayon, ano ang kanilang pananaw tungkol sa pag-iral ng Diyos? Sa kanilang puso, iniisip nilang, “Kung umiiral ang Diyos, nasaan Siya? Hindi ko Siya nakikita. Hindi ko alam kung talagang umiiral ba ang Diyos. Kung nananalig kang umiiral Siya, umiiral Siya; kung hindi, hindi.” Ito ang kanilang pananaw. Subalit pinagninilayan nila ito, iniisip na, “Napakaraming tao ang nananalig sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya. Marahil ay mayroon talagang Diyos. Sana ay mayroon nga, dahil kung gayon ay mapakikinabangan ko ang sitwasyon at makapagtatamo ako ng mga pagpapala. Susuwertehin ako.” Gumagamit sila ng isang mentalidad ng suwerte at pagsusugal at gusto lamang nilang lumahok para sa kaunting kasiyahan; iniisip nilang kahit hindi sila pagpalain, hindi ito kawalan, dahil hindi naman sila namuhunan ng kahit ano. Ang kanilang pananaw at saloobin tungkol sa pag-iral ng Diyos ay, “Tunay bang umiiral ang Diyos? Hindi ko masabi kung umiiral ba Siya o hindi. Nasaan ang Diyos? Hindi ako sigurado kung nasaan. Ang lahat ba ng mga taong ito na nagpapatotoo ay totoo? O nagsisinungaling ba sila? Hindi rin ako sigurado.” Kinukuwestiyon ng kanilang puso ang lahat ng isyung ito; hindi nila ito nauunawaan, kung kaya’t lagi nila itong pinagdududahan. Ang kanilang pananalig sa Diyos ay nababahiran ng saloobin ng pagdududa at mga maling pananaw. Kapag nagsasalita at nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos, ano ang kanilang saloobin sa Kanyang mga salita? (Pagdududa at hindi paniniwala.) Hindi ito ang kanilang pangunahing pananaw; hindi ninyo malinaw na nakikita ang bagay na ito. Tinatanggap ba nila bilang katotohanan ang salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang iniisip nila? “Napakaraming tao ang gustong magbasa ng mga salita ng Diyos, pero bakit hindi ito kawili-wili para sa akin? Ano ba ang makakamit sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan? Ano ang kapakinabangan nito? Makararating ba talaga kayo sa kaharian ng langit? Hindi nakikita ng mga tao ang kaharian ng langit. Sa tingin ko, dapat ay may ilang aktuwal na kapakinabangan sa pananalig sa Diyos; mayroon dapat na ilang tunay na kalamangan.” Nag-aalala silang kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan ay ititiwalag sila, kaya’t paminsan-minsan ay nakikinig sila sa mga sermon. Ngunit pagkatapos ay nagninilay sila, naiisip na, “Sinasabi nilang may awtoridad at kapangyarihan ang mga salita ng Diyos, kung gayon ay bakit hindi ko ito naririnig o nararamdaman? Sinasabi nilang kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga tao, kung gayon ay bakit hindi pa ako nabago ng Kanyang mga salita? Ninanasa ko pa rin ang mga kaginhawahan ng laman gaya nang dati; gusto ko ng pagkain at mga damit; kasingmaiinitin pa rin ang ulo ko gaya nang dati; natatakot pa rin ako kapag inuusig ako ng malaking pulang dragon. Bakit wala pa rin akong pananampalataya? Hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao; hinihingi Niya sa kanilang maging mga taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Hindi ba’t mga hangal ang mga tapat na tao? Hinihingi ng Diyos sa mga taong katakutan Siya at iwasan ang kasamaan, subalit gaano karami sa kanila ang talagang nakakapagsakatuparan nito? Ang kalikasan ng tao ay makasarili. Kung susundin mo ang iyong kalikasan ng tao, dapat mong isipin kung paano ka magkakamit ng mga pagpapala para sa iyong sarili. Dapat kang magpakana para makapagdala ka ng kapakinabangan sa iyong sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba. Ikaw ang dapat na may hawak sa sarili mong tadhana; ikaw dapat ang gumawa ng sarili mong kaligayahan. Ito ang pinakamakatotohanan. Kung hindi maglalaban-laban ang mga tao at aangkinin ang mga bagay-bagay para sa kanilang sarili, at kung hindi sila mabubuhay para sa katanyagan, kapakinabangan, at kalamangan, ay wala silang mapapala. Walang sinuman ang magkukusang ilagak ang mga bagay na ito sa harap ng iyong pintuan. Hindi talaga kailanman bumabagsak ang manna mula sa kalangitan!” Ito ang kanilang mga kaisipan at pananaw, ang kanilang mga pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, at ang lohika at mga panuntunan nila para mabuhay. Ang mga tao bang nagtataglay ng mga ganitong kaisipan at pananaw ay mga hindi mananampalataya? Ito mismo ang saloobin sa katotohanan ng mga hindi mananampalataya. Hindi alam ng kanilang isipan kung ano ang katotohanan, hindi alam kung saan naipamamalas ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at hindi alam kung paano nagsasaayos ang Diyos para sa kalalabasan ng mga tao. Sumasamba lamang sila sa kapangyarihan at naghahanap ng mga kapakinabangang nasa mismong harap nila. Iniisip nilang kung mananalig sila sa Diyos ay dapat silang pagpalain; at na tanging kung ipinagkakaloob ng Diyos ang mabuting kapalaran sa mga tao, pinupuno ang kanilang buhay ng kayamanan at kasaganaan, at binibigyan sila ng isang masayang buhay, na ito ay ang tunay na daan. Hindi sila naniniwalang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi sila naniniwalang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, lalo na na kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang disposisyon o tadhana ng isang tao. Samakatuwid, hindi nila kailanman hinangad ang katotohanan habang nananalig sila sa Diyos. Sa madaling salita, dahil hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay at ang layunin ng kanilang buhay, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay papahina nang papahina; wala silang interes na basahin ang mga salita ng Diyos, o makinig sa mga sermon; nakakatulog pa nga sila habang ibinabahagi ang katotohanan. Dagdag pa rito, nararamdaman nila na ang pagganap ng kanilang tungkulin ay isang karagdagang pasanin at na gumagawa sila para sa wala. Nananabik ang kanilang puso para sa oras kung kailan matatapos na ang gawain ng Diyos, kung kailan bibigyan Niya sila ng pahayag ng resolusyon, at makikita nila kung talagang makapagkakamit sila ng mga pagpapala. Kung mapagtatanto nila na sa pananalig sa Diyos sa ganitong paraan ay hindi sila kailanman makatatanggap ng mga pagpapala, na paniguradong ititiwalag sila, at na mamamatay pa rin sila sa isang sakuna, makaaalis na sila ngayon mismo. Bagaman sinasabi nilang nananalig sila sa Diyos, pinagdududahan Siya ng kanilang puso. Sinasabi nilang ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, subalit hindi naniniwala ang kanilang puso sa katotohanan. Hindi nila kailanman binasa ang mga salita ng Diyos, at hindi rin sila tunay na nakinig sa isang sermon. Hindi sila kailanman nakipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi nila kailanman hinanap ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin; ginagamit lamang nila ang sarili nilang pagsisikap. Ito ang tipikal na hindi mananampalataya. Wala silang pinagkaiba sa mga walang pananampalataya.

Bagaman kinikilala ng mga hindi mananampalataya na umiiral ang Diyos, hindi sila naniniwala sa katotohanan at hindi nila ito tinatanggap. Sa kanilang puso, alam nilang hindi inililigtas ng Diyos ang mga hindi mananampalataya, kaya’t bakit pa nila patatagalin ang kanilang pananatili sa sambahayan ng Diyos? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Ito ay para makapagkamit sila ng mga pagpapala; may kaugnayan ito sa kanilang mga interes. Sa puso ng mga hindi mananampalataya ay inaasahan nilang makapagkakamit sila ng mga pagpapala, at naniniwala silang, sa huli, ay magkakaroon sila ng mabuting kapalaran kung mananalig sila sa Diyos, kikilalanin nila Siya, at hindi nila Siya pagdududahan o iiwan. Bilang resulta, tangan ang “pananampalataya” na ito, inilalagak nila ang kanilang sarili sa sambahayan ng Diyos, at walang kahit anumang makapagpapaalis sa kanila. Sa kanilang isipan, nauunawaan nila ang lahat at hindi sila hangal nang kahit bahagya; hindi lamang nila nauunawaan ang katotohanan. Naniniwala silang hangga’t hindi sila gumagawa ng masasamang bagay o nanggugulo sa gawain ng iglesia ay hindi sila palalayasin at ititiwalag mula sa iglesia, at na sa pamamagitan ng paghihintay sa araw kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos ay magwawagi sila at makatatanggap ng mga pagpapala. May mga kalkulasyon sila, subalit may isang bagay silang hindi kayang baguhin: Dahil hindi sila naniniwalang ang Diyos na nagkatawang tao ay ang tunay na Diyos, at pinagdududahan nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan. Ano ang kahahantungan niyong mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan? (Ititiwalag sila.) Oo, ititiwalag silang lahat. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay hindi interesado sa katotohanan subalit laging nag-aasam na sila ay pagpapalain. Ang pagkaunawa at depinisyon nila ng pagiging matuwid ng Diyos ay nababahiran ng mga sarili nilang imahinasyon at inaasahan, at masyado silang desperado, mahigpit na kumakapit sa pariralang “matuwid ang Diyos”. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagkapit nila nang mahigpit sa pariralang ito? Nangangahulugan itong lagi silang may mga pagkiling at maling interpretasyon tungkol sa pagiging matuwid ng Diyos. Iniisip nilang, “O Diyos, dahil matuwid Ka, dapat Mong harapin ang lahat ng aking ginagawa batay sa pagiging matuwid na ito. Hindi ako gumawa ng kasamaan, o nagdulot ng mga pagkagambala o kaguluhan, kaya’t dapat Kang magpakita sa akin ng matinding awa at hayaan Mo akong manatili.” Ganito sila kadesperado. Obhetibo at makatotohanan ba ang ideya nilang ito? (Hindi ito makatotohanan.) Bakit ito hindi makatotohanan? Hindi sila ganap na nananalig sa pagiging matuwid ng Diyos, ninanais nilang sumugal dito gamit ang mentalidad na subukan ang kanilang suwerte, at umaasa silang tutuparin ng Diyos ang kanilang mga ninanasa. Hindi ba’t pangangarap nang gising lamang ito? Hindi nila alam kung ano ang matuwid na disposisyon ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila hinahangad na makilala ang Diyos, at lalong hindi nila hinahangad ang salita ng Diyos. Naniniwala lamang sila sa ganitong paraan dala ng pangangarap nang gising, at may bahid ito ng pagsubok sa kanilang swerte. Bakit sila nakapag-iisip nang ganito? Dahil ito ay kapaki-pakinabang sa kanila: Ito na ang huling makapagliligtas sa kanila; ito ang huling pag-asa kung saan nila isinusugal ang lahat. Sa paglalagay nila ng kanilang buhay sa alanganin sa kahilingang ito, inaasam ba nilang matalo? (Hindi.) Kapag sumusugal ang mga tao, kadalasan ay inaasam nilang magwagi, kaya’t ano ba ang kinakailangang panghawakan ng mga taong ito para maramdaman nilang maaari silang magwagi, at maging siguradong magwawagi sila? Ito ay ang pariralang: “matuwid ang Diyos.” Naniniwala ba ang mga hindi mananampalatayang ito na nagsasabing matuwid ang Diyos na talagang matuwid Siya? Naniniwala ba talaga silang susuklian Niya ang bawat tao batay sa kanilang mga pagkilos? Ang pagkaunawa ba nila sa pagiging matuwid ng Diyos ay katulad sa tunay na pagiging matuwid ng Diyos? (Hindi.) Alam ba nilang hindi ito magkatulad? (Alam nila.) Kung gayon ay bakit patuloy pa rin nilang sinasabi na “matuwid ang Diyos”? Ano ba ang nilalaman ng parirala nilang ito? Ano ba ang nilalaman nitong mga hangarin? (Gusto nilang gamitin ang mga salitang ito para udyukan ang Diyos na tuparin ang kanilang mga hinihiling, at pahintulutan silang mabuhay at makapasok sa kaharian ng langit.) Oo, may layunin sa likod ng pariralang ito: Sinusubukan nilang pilitin ang Diyos gamit ito. Sa pagsasabi ng mga salitang ito, ibig nilang sabihin na: “Hindi ba’t matuwid Ka? Marami na akong isinakripisyo, kaya’t dapat Kang kumilos nang naaayon sa Iyong pagiging matuwid. Masyado na akong maraming pinagdaanan at nagbata ng napakaraming paghihirap, ngayon ay paano ako dapat na pagpalain?” Ito ay pamimilit, pangingikil, at paghiyaw. Iniisip nilang pinipilit at pinalalakas nila ang kanilang sarili sa isang tao, at sa paggawa nito ay makapagkakamit sila ng mga pagpapala at makakukuha ng kung anong gusto nila. Kikilos ba talaga nang ganito ang Diyos? Hindi, hindi Siya kikilos nang ganito. Dahil hindi sila nananalig na umiiral ang Diyos at hindi sila nananalig sa Kanyang disposisyon, at lalong hindi sila nananalig na ang Kanyang salita ay ang katotohanan, kung kaya’t nangangahas silang hayagang hiyawan ang Diyos, at kalabanin Siya, at nangangahas na sumugal sa ganitong paraan. Mismong dahil sila ay mga hindi mananampalataya kung kaya’t ginagawa nila ang mga ganitong bagay. Ganito umaasal ang mga hindi mananampalataya, sinasabi paminsan-minsang, “Tiniis ko ang napakaraming paghihirap, at ano ang napala ko?” o “Matuwid ang Diyos, at ako ay may pananalig sa Diyos, hindi sa mga tao.” Ang mga hindi mananampalataya ay kadalasang nagsasalita nang ganito, naglalantad ng ganitong uri ng disposisyon, at nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali; ito ang kanilang saloobin sa Diyos. Hindi sila naniniwala sa Kanyang pag-iral subalit gusto pa rin nilang magpalakas sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap at pagbabayad ng mga halaga, at ginagamit nila ang salita ng Diyos, ang mga salita at doktrina, at ang mga teoryang ito para pilitin at akusahan ang Diyos, para makamit nila ang kanilang layuning makakuha ng mga pagpapala. Subalit hindi ba sila nagkakamali sa ganitong uri ng pangangarap nang gising? Magbubunga ba sa huli ang pagsusugal nilang ito? (Hindi.) At alam ba nilang matatalo sila? Alam ba nilang pumupusta at sumusugal sila? (Alam nila.) Mali kayo. Talagang hindi nila alam, at naniniwala silang tunay ang kanilang pananampalataya. Bakit iniisip nilang tunay ang kanilang pananampalataya? Sabihin mo sa Akin, paano makikilala ng mga tao ang mga kalagayan at disposisyong ito? Kung nabubuhay sila sa mundo ng mga walang pkananampalataya at nag-aaral ng ilang klasikong gawa ng tradisyonal na kultura tulad ng “Mga Pilosopiya ni Confucius” at “Tao Te Ching,” makikilala ba nila ang mga pag-uugali at diwang ito? (Hindi.) Hindi nila kailanman makikilala. Ano ang dapat gawin ng mga tao para makilala ang mga problemang ito sa kanilang mga kalikasang diwa? (Tanggapin ang salita ng Diyos.) Una, dapat nilang tanggapin ang salita ng Diyos at ang katotohanan. Dapat ay may pananampalataya sila na ang lahat ng salita ng Diyos ay tama, dapat nilang tanggapin ang salita ng Diyos, at ituring ito na tila salamin na pagkukumparahan ng kanilang sarili. Tanging sa gayon lamang nila makikilala ang mga kalagayan at pananaw na kinikimkim nila sa loob, at ang problema ng mga tiwaling disposisyon na umiiral sa kanilang kalikasan. Kung hindi nila tatanggapin ang katotohanan o ituturing ang salita ng Diyos bilang katotohanan, iiral ba ang salaming ito sa kanila? (Hindi.) Hindi ito kailanman iiral sa kanila. Kapag tahasan nilang kinukumpronta at hinihiyawan ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, mapagtatanto ba nila na ito ay isang problema? Hindi nila ito kailanman magpagtatanto. Inaakala nilang ang kanilang paraan ng pag-iisip at pagkilos ay tama, makatwiran, at patas. Kumikilos sila kagaya nang dati, at naniniwala kagaya nang dati, at hindi sila nakararamdam ng pangangailangan na himay-himayin o talikuran ang anuman sa kanilang mga umiiral na pananaw, at hindi nila nakikita ang silbi ng pagtanggap sa pagpupungos, paghatol, pagkastigo, o paglalantad ng salita ng Diyos. Nabubuhay sila para sa kanilang sarili, nabubuhay sa kanilang mga sariling panloob na mundo. Wala silang ginagawa na kaugnay sa salita ng Diyos. Iniisip nila kung anuman ang gusto nilang isipin, at itinuturing nila ang anumang pinaniniwalaan o iniisip nila bilang tama, bilang katotohanan. Batay sa saloobin nila sa salita ng Diyos, hindi nila kailanman makikilala ang mga problemang umiiral sa kaibuturan ng kanilang puso. Tuwing nagsasakripisyo sila at nagsisikap araw-araw, para kanino at para saan sila nagsusumikap? Ano ang namamahala sa pag-uugaling ito? Ano ang kanilang motibasyon? Sa isang banda, wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, subalit ninanais nilang sumugal sa Kanya batay sa mentalidad na subukan ang kanilang swerte. Sa kabilang banda, pinangingibabawan sila ng kanilang pagnanasa para sa mga pagpapala. Sa tuwing naiisip nila ang pagkakamit ng mga pagpapala, ang pagtanggap sa pangako ng Diyos, mas masigasig silang nagsisikap. Ang kaibuturan ng kanilang puso ay namumulaklak sa kaligayahan, at ang ilan ay nagiging emosyonal at nagsisimulang lumuha, naiisip na pinagkakalooban sila ng Diyos ng napakaraming bagay at na Siya ay labis na kaibig-ibig. Hindi ba ito mga maling akala? Ang mga kalagayan at damdaming ito ay tila katulad sa kung ano ang nararamdaman ng mga tao na naghahangad sa katotohanan sa kaibuturan ng kanilang puso kapag nararanasan nila ang paghampas, pagdidisiplina, at pagsaway ng Diyos. Iyong mga naghahangad ng katotohanan ay lumuluha rin at nagpapasalamat sa Diyos, subalit paano nagkakaiba ang kalikasan ng dalawang uring ito ng mga tao? Kapag nagtitiis ng sakit at paghihirap ang mga naghahangad ng katotohanan, ito ay dahil nararamdaman nila ang pagkakautang nila sa Diyos, at ang pagiging hindi nila karapat-dapat sa mga pangako at pagpapala ng Diyos. Napakasaya nila dahil binigyan na sila ng Diyos ng napakaraming bagay, subalit sa kaibuturan ng kanilang puso ay nababagabag sila, sapagkat ramdam nilang hindi pa sapat ang kanilang ginawa at na sila ay may pagkakautang sa Diyos. Nagiging emosyonal sila at naluluha kung minsan, subalit ito ay dahil nagpapasalamat sila sa Diyos para sa Kanyang biyaya, habag, at pagtitimpi. Kapag nakikita nila kung paanong hindi tinitingnan ng Diyos ang kanilang mga paglabag, o ang kanilang pagrerebelde at katiwalian, kundi nagpapakita pa rin Siya ng habag at pagtitimpi sa kanila, at ginagabayan Niya sila, binibigyan sila ng biyaya, talagang nakararamdam sila ng pagkakautang at kirot sa kaibuturan ng kanilang puso. Nasa nanghihinayang at nagsisisi silang kalagayan, at ni hindi sila nangangahas isipin kung may pag-asa ba silang magkamit ng mga pagpapala, dahil pakiramdam nila ay hindi sila karapat-dapat. Ano ang kalikasan ng mga luha ng mga hindi mananampalataya? Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng isang paglalarawan at makikita ninyo kung tama ba ito. Kapag may nangyayari sa kanila, at nakikita nila ang dakilang gawain ng Banal na Espiritu at ang biyayang ipinagkakaloob ng Diyos, kapag inaantig sila ng Banal na Espiritu, at pinapatnubayan at binibigyang-kaliwanagan ng Diyos, at ang kanilang gawain ay nagiging mabunga, nagiging masaya sila, at sa kaibuturan ng kanilang puso ay nananalangin sila sa Diyos: “O Diyos, salamat sa Iyo at sa Iyong mga pagpapala at pamamatnubay. Ang kaluwalhatiang ito ay para lahat sa Iyo.” Sa kaibuturan ng kanilang puso, sobra silang nalulugod sa kanilang sarili, at iniisip na: “Hindi pa rin ako iniiwan ng Diyos. Iniisip ko dating hindi talaga ako tunay na nananalig sa Diyos, tulad ng isang hindi mananampalataya, pero ngayon ay nakikita ko nang pinagpapala pa rin ako ng Diyos at hindi Niya ako iniwan. Ibig sabihin nito ay lumalaki nang lumalaki ang aking pag-asa at pagkakataong makapagkamit ng mga pagpapala at ng isang magandang destinasyon. Tila tama ang aking desisyong manalig sa Diyos; pinili ako ng Diyos.” Kapag may mga pag-iisip silang tulad nito, nakararamdam ba sila ng pagkakautang? Nauunawaan ba nila ang kanilang sarili? Talaga bang kinapopootan nila ang kanilang mga satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon? (Hindi.) Nakararamdam ba sila ng tunay na pasasalamat para sa gawain ng Diyos para sa kanila? (Hindi.) Kahit pa magpahayag sila ng mababaw na pasasalamat, sa kaibuturan ng kanilang puso ay iniisip nilang, “Tiyak na totoo na pinili ako ng Diyos. Paano ako mananalig sa Kanya kung hindi Niya ako pinili?” Sa huli, iniisip nilang ang lahat ng ito ay bilang kabayaran sa lahat ng tiniis nilang paghihirap at kanilang mga isinakripisyo, at iniisip nilang halos sigurado nang magkakamit sila ng mga pagpapala. Hindi sila nakararamdam ng pagkakautang sa Diyos, wala silang pagkaunawa sa sarili, at lalong wala silang tunay na pasasalamat sa Diyos, habang kasabay niyon ay nagiging mas matindi ang kanilang pagnanasa para sa mga pagpapala. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may tumitinding pagnanasa na magkamit ng mga pagpapala at ng mga taong nadarama na hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapala, hindi karapat-dapat na makatanggap sa pangako ng Diyos, at hindi karapat-dapat na patnubayan at gabayan ng Diyos? Ang isa ay umaatras, hindi nagnanais na makipaglaban, at nararamdamang hindi karapat-dapat na magkamit ng mga pagpapala, habang ang isa naman ay laging gustong makipaglaban, lagi silang nagpaplano at nagkakalkula kung paano sila maniningil sa Diyos, iniisip na: “Napakaraming taon na akong mananampalataya at lubos akong naghirap, kaya gaano kalaki ang aking tsansang magkamit ng mga pagpapala? Pagkakalooban ba ako ng Diyos ng mga pagpapala sa hinaharap?” Kapansin-pansin ang pagkakaiba: Ang isa ay nakikipaglaban, habang ang isa ay nararamdamang hindi sila karapat-dapat. Alin sa dalawang uri na ito ng mga tao ang may konsensiya at katwiran? (Iyong nakararamdam na hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapala.) Iyong nakararamdam na hindi sila karapat-dapat sa mga pagpapala ang nakauunawa sa aktuwal na sitwasyon. Nararamdaman nila na ang isang walang kabuluhang nilikha ay hindi karapat-dapat sa mga pagpapala sa harap ng Lumikha. Nakararamdam sila ng pagkakautang at pagsisisi, habang may tunay ring pag-unawa at lalo na ng tunay na pasasalamat sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Nahanap na nila ang kanilang tunay na lugar. Ang isa pang uri ay nakikipaglaban: nakikipaglaban para sa isang destinasyon, para sa katayuan, at para sa mga pagpapala. Ano ang kanilang layunin sa pagtitiis ng lahat ng paghihirap at pagsasakripisyong ito? Ginagawa nila ang mga bagay na ito para maipagpalit nila sa mga pagpapala at sa isang destinasyon. Umaasa silang maipagbibili nila ang sarili nilang paggawa para makapagkamit ng pabuya mula sa Diyos. Ang gayong tao ba ay isang tunay na nilikha sa paningin ng Diyos? Ito ba ang nilikhang gusto ng Diyos? (Hindi.) Sinabi ba kailanman ng Diyos na ang tanging paraan para magkamit ng mga pagpapala o pabuya ay ang makipaglaban para sa mga ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Na kumilos kami para gawin nang maayos ang mga tungkulin ng isang nilikha.) (Na maging mga tapat kaming tao.) Iyon ang ilan sa mga kongkretong hinihingi, ano pang ibang meron? (Na sundin namin ang salita ng Diyos at ang mga hinihingi Niya sa aming mga pagkilos.) (Na isagawa namin ang anumang mga katotohanang aming nalalaman.) Hindi ang mga ito ang layunin. Lagi ninyong hindi nakukuha ang pinakapunto ng usapin. Hindi pa rin ninyo alam kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Simple lamang naman talaga ang Kanyang mga hinihingi: Ang makinig sa Kanyang salita at magpasakop sa Kanya. Iyon ang mga hinihingi. Ang ibig sabihin ng makinig sa mga salita ng Diyos ay ang isagawa ang mga hinihingi Niya sa mga tao. Bukod pa sa mga hinihinging kababanggit lang ninyo, marami pa talagang iba. Paano naman ang pagpapasakop sa Diyos? Hindi mo laging nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, subalit magagawa mo bang magpasakop sa Kanya? May kinalaman ito sa saloobin ng isang nilikha tungo sa Lumikha. Minsan, maaaring hindi mo maunawaan ang salita ng Diyos matapos mo itong basahin, dahil binibigyan ka lamang Niya ng isang utos—pinakikinggan mo ba ito? Dapat mo itong pakinggan, nang hindi nagtatanong kung tama ba ito o mali, o kung ano ang dahilan sa likod nito. Anuman ang winiwika o sinasabi sa iyo ng Diyos, o iniuutos Niya sa iyo, dapat kang makinig; iyan ang pagpapasakop. Tanging sa pagpapasakop ka nagiging isang nilikha sa paningin ng Diyos. Ang pakikinig sa salita ng Diyos at pagpapasakop sa Kanya: ito ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. May isa pang parirala: pagsunod sa landas ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “pagsunod” na ito? Nangangahulugan itong pagsasagawa nang ayon sa salita ng Diyos, pamumuhay ayon sa Kanyang salita, at pagiging isang tao na sumusunod sa Kanyang landas. Ano ang Kanyang landas? Ito ay ang Kanyang salita. Sa katunayan, “ang pakikinig sa salita ng Diyos at pagpapasakop sa Kanya” at “ang pagsunod sa landas ng Diyos” ay may parehong pakahulugan, at ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos. Ni minsan ba ay sinabi ng Diyos sa mga tao, “Hindi mo kailangang makinig sa Aking salita. Puwedeng maghangad ka na lamang ng mga pagpapala. Huwag mong kalilimutan na maaari kang pagpalain. Para sa layuning ito, dapat mong talikuran ang lahat, dapat kang magtiis ng higit pang mga paghihirap, lalong magsakripisyo, at lalo pang magsikap”? May ganito bang mga hinihingi ang Diyos? Makikita ba ang mga ito saan man sa Kanyang salita? (Hindi.) Katotohanan ba ang mga salitang iyon? (Hindi.) Hindi ba’t mapaghimagsik ang tratuhin ng mga hindi mananampalataya ang mga salitang ito bilang katotohanan? Ano ang nangyayari kapag tinatrato nila ang mga salitang ito bilang katotohanan? Maaari silang makinabang mula sa mga salitang ito, iyon mismo ang kanilang mga hangarin at ambisyon. Binibigyang-pansin ba nila sa kanilang puso kung ano ang hinihingi sa kanila ng Diyos? Kaya ba nilang sundin o isakatuparan ang mga hinihinging ito? (Hindi nila kaya.) Bakit hindi nila kaya? Dahil sa sandaling maisakatuparan nila ang mga hinihinging ito—ang makinig sa salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya—nangangahulugan itong kailangan nilang talikuran ang kanilang pagnanasang pagpalain, at ang ideyang may karapatan silang maghangad ng mga pagpapala at pabuya. Ang mga pagpapala at pabuya ang kanilang ikinabubuhay, kaya sasang-ayon ba silang talikuran ang mga ito? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ang kanilang pinakabuhay, kaya’t kung tatalikuran nila ang mga ito, mawawalan sila ng kaluluwa at mawawalan na ng kabuluhan ang kanilang buhay. Nabubuhay sila para sa mga pagpapala, kaya kung hihingin mo sa kanilang talikuran ang pagkakamit ng mga pagpapala, ay para mo na ring hiningi sa kanilang tumaliwas sa mga prinsipyo at oryentasyon ng kanilang asal, at maghimagsik laban sa kanilang sarili, kaya hindi nila ito matatanggap. Nangangahulugan ito na ang paghingi sa kanilang magsagawa ng katotohanan, makinig sa salita ng Diyos, at magpasakop sa Kanya ay sadyang napakahirap para sa kanila, mas mahirap pa ito kaysa paakyatin ang isang matandang baka sa isang puno. Ang pinakakalikasan nila ay nagdidiktang hindi nila kayang gawin ang mga ganitong bagay.

Gusto ba ninyong mabuhay sa isang pagnanasa at layuning magkamit ng mga pagpapala, o gusto ba ninyong maayos na gawin ang inyong tungkulin nang nakatapak nang matatag ang dalawa ninyong paa sa lupa, maging isang katanggap-tanggap na nilikha, at isang taong nakikinig sa salita ng Diyos at nagpapasakop sa Kanya? Anong uri ng tao ang gusto ninyong maging? (Gusto kong maging isang nilikha na nakatapak nang matatag ang dalawa kong paa sa lupa.) Ayaw itong gawin ng ilang tao. Sinasabi nilang: “Masyadong mapaniil ang gayong pamumuhay. Mas gugustuhin ko pang mamatay, o kaya ay tumigil na lang sa pananalig. Kung walang kaunting pagnanasa para sa mga pagpapala, walang kaunting ambisyon, mawawalan ang mga tao ng motibasyon. Hinding-hindi ko kayang mabuhay nang ganoon; masyado iyong mapaniil.” Mayroon ba sa inyong katulad nito? (O Diyos, ganito ako minsan. Nasa ganito akong kalagayan paminsan-minsan.) Pangkaraniwan ba ang mga kalagayang ito? Madalas o bihira ka bang magkaroon ng mga ito? Ano ang mas matindi: ang inyong pagnanasa para sa mga pagpapala, o ang inyong kalooban na maging isang nilikha? Ang ideya ba ng pagtalikod sa anumang pagnanasa para sa mga pagpapala at paggawa ng inyong tungkulin nang nakatapak nang matatag ang mga paa sa lupa ay nagbibigay sa inyo ng pakiramdam na tila pinaimpis kayong lobo, na tila ba walang kabuluhan ang inyong buhay, at na wala kayong interes kahit saan, at na hindi ninyo mapukaw ang inyong lakas? (Ganap akong inilalarawan niyan.) Kung gayon, malala ba ang kalagayang ito? Nakararamdam ba kayo ng paminsan-minsang bahagyang simbuyo na magtamo ng mga pagpapala, o normal na ba ito para sa inyo? Alin doon? Alam ba ninyo ngayon kung kayo ay isang tunay na mananampalataya o isang hindi mananampalataya? Kung sa palagay ninyo ay lahat ng inyong kalagayan at pag-uugali ay iyong sa isang tunay na mananampalataya, hindi sa isang hindi mananampalataya, at na tunay kayong nananalig sa pag-iral ng Diyos at handa kayong tanggapin ang Kanyang salita, subalit mayroon lamang kayong kaunting ambisyon at kaunting banidad, at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, hindi ito isang problema; maaari pa rin kayong mailigtas at maaari pa rin kayong magbago. Kung kayo ay isang hindi mananampalataya na may partikular na matinding pagnanasa para sa mga pagpapala, nasa alanganin kayo. Anong landas ang tinatahak ng mga taong tulad nito? (Ang landas ng isang anticristo.) Kung magagawa nilang tahakin ang landas ng isang anticristo, ano ang magiging katayuan sa huli ng kanilang relasyon sa Diyos? (Iyon ay ang maging laban sa Diyos.) Aabot ba kayo roon, ang kalabanin ang Diyos? (Hindi ko Siya gustong kalabanin.) Ang hindi ninyo kagustuhang gawin ito ay inyo lamang kahilingan. Bahagi ba ang mga ito ng iyong kalikasang diwa? Posible ba para sa inyo na tahakin ang landasing iyon? (Kung hindi ko pagsisikapan ang katotohanan, madali para sa aking mapunta sa landas na iyon, subalit kung mulat ako rito at gusto kong magbago, para baligtarin ang aking direksiyon, at para hindi na lakarin ang landas na ito, kaya ko namang mas maging mabuti.) Ang pagiging mulat tungkol dito ay nagpapahiwatig na mayroon ka pa ring kaunting kamalayan sa iyong puso, at na mayroon ka pa ring isang hangarin, at na ninanais mo pa ring pagsikapan ang katotohanan, subalit malalim na nakaugat sa iyong puso ang mga tiwaling disposisyon, kaya’t laging may tunggalian doon. Sa bawat hakbang ninyo tungo sa katotohanan, at sa bawat pagkakataong tinatanggap ninyo ang katotohanan, may tunggaliang nangyayari sa inyong puso, at lagi kayong nabubuhay sa panahon ng pakikibaka. Ganito ito para sa mga bagong mananampalataya. Normal naman na magkaroon ng tunggalian, at hindi ito maiiwasan ng mga nagnanais na hangarin ang katotohanan. Magwawakas ang tunggaliang ito kapag nakamit na nila ang katotohanan, kapag nagapi na si Satanas, kapag nawasak na ang kanilang mga satanikong disposisyon, pilosopiya, at lohika, at kapag nanaig na ang katotohanan, at pinamunuan na nito ang kanilang puso. Iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, iyong mga nabubuhay nang ayon sa kanilang mga satanikong disposisyon, ay nararamdaman na ang lahat ay maayos sa kanilang puso, at na walang anumang tunggalian doon. Manhid sila at mapurol ang kanilang pag-iisip, isa sila sa mga patay; lahat iyong mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay patay na. Ano ang kalamangan ng pagkakaroon ng tunggalian sa puso ng isang tao? Halimbawa, kung kalahati ng iyong mga naiisip ay negatibo at kalahati ay positibo, pagkakalooban ka ng mga positibong kaisipan na iyon ng pagkakataong tahakin ang landas na hangarin ang katotohanan matapos magwakas ang tunggalian, na ibig sabihin ay may 50/50 kang probabilidad na mailigtas. Ang mga negatibong kaisipan ay maaaring magtulak sa iyong sundin ang iyong mga makalamang kaisipan at ideya, o sundin ang iyong mga sariling hangarin, motibasyon, at pananaw, sa panahon ng kaguluhan. Maaari ka nitong itulak sa landas ng isang anticristo, at dalhin ka tungo sa landas ng paglaban sa Diyos. Gayunpaman, kung malaki ang iyong pagmamahal sa katotohanan at magagawa mong tanggapin ang katotohanan at maghimagsik laban kay Satanas, malaki rin ang iyong pagkakataong mailigtas. Natutukoy ito batay sa kung kaya mo bang tanggapin ang katotohanan, at gamitin ito para alisin sa iyong sarili ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ganap itong nakabatay sa iyo, walang iba pang makatutulong sa iyo; ito ay may kinalaman lamang sa iyo. Kung mahal mo ba o hindi ang katotohanan ay may kinalaman lamang sa iyo, at kapag may tunggalian sa kaibuturan ng iyong puso, walang ibang makatutulong sa iyong magpasya kung pipiliin mo ba ang katotohanan o tutugunan mo ba ang iyong mga makasariling pagnanasa sa huli, ito ay sarili mong panloob na usapin. Maaari ka lamang gabayan ng iba sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagpapayo; gayunpaman, ang landas na iyong pipiliin sa huli ay walang kinalaman sa iba kundi sa iyo lamang. Dapat itong maunawaan ng lahat.

Agosto 22, 2019

Sinundan: Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan

Sumunod: Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito