Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao
Dapat tahakin ng mga nananalig sa Diyos ang landas ng pananampalataya alinsunod sa salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi. Dapat umasal ang mga mananampalataya nang alinsunod sa katotohanan. Kung walang katotohanan ang mga tao at isinasabuhay nila ang mga pilosopiya ni Satanas, sa huli ay hindi nila makakamit ang isang positibong resulta o kahihinatnan. Ang salita lang ng Diyos ang walang hanggan, hindi nagbabagong katotohanan. Kung ang isang mananampalataya ay hindi isinasabuhay ang mga salita ng Diyos o umaasal nang alinsunod sa katotohanan, mas bulag pa siya kaysa sa mga tao sa mundo, bulag na bulag na. Maraming taong nakapagkamit ng ilang tagumpay sa isang larangan sa sekular na mundo at naging sikat ang napuno na ang ulo ng katanyagan at pakinabang, at nagsimula nang tumaas ang tingin nila sa kanilang mga sarili. Sa katunayan, ang paghanga, papuri, suporta, at pagkilala na ibinibigay ng ibang tao sa iyo ay mga pansamantalang parangal lang. Hindi kumakatawan ang mga ito sa buhay, ni katiting man ay hindi ito nangangahulugang tinatahak ng isang tao ang tamang landas. Ang mga ito ay pawang mga pansamantalang parangal at kaluwalhatian. Ano ba ang mga kaluwalhatiang ito? Totoo ba ang mga ito o hungkag? (Hungkag.) Parang mga bulalakaw ang mga ito, kumikislap at pagkatapos ay nawawala. Pagkatapos makuha ng mga tao ang gayong mga kaluwalhatian, parangal, palakpak, tagumpay, at papuri, kailangan pa rin nilang bumalik sa tunay na buhay at mamuhay nang kung paano sila dapat mamuhay. Hindi ito makita ng ilang tao at hinihiling nila na manatili sana ang mga bagay na ito sa kanila magpakailanman, na hindi naman makatotohanan. Hinihiling ng mga tao na mabuhay sa ganitong uri ng kapaligiran at atmospera dahil sa pakiramdam na naidudulot ng mga ito; gusto nilang matamasa ang ganitong pakiramdam magpakailanman. Kung hindi nila ito natatamasa, nagsisimula silang tahakin ang maling landas. Gumagamit ang ilan ng iba’t ibang pamamaraan gaya ng paglalasing at pagdodroga para gawing manhid ang kanilang sarili: Ganito tinatrato ng mga taong nabubuhay sa mundo ni Satanas ang katanyagan at pakinabang. Sa sandaling naging sikat ang isang tao at tumanggap ng kaluwalhatian, madali sa kanyang mawala sa kanyang direksiyon, at hindi niya alam kung paano siya dapat kumilos, ni kung ano ang dapat niyang gawin. Lumilipad ang isip niya at hindi siya makapokus—napakamapanganib nito. Nalagay na ba kayo sa ganoong kalagayan o nagpakita na ba kayo ng gayong asal? (Oo.) Ano ang nagsasanhi nito? Ito ay dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon: Napakapalalo nila, napakayayabang, hindi nila madaig ang tukso o papuri, at hindi nila hinahangad ang katotohanan o nauunawaan ito. Inaakala nilang natatangi sila dahil lamang sa isang maliit na tagumpay o kaluwalhatian na natanggap nila; inaakala nilang naging dakilang tao na sila o isang superhero. Inaakala nilang isang krimen ang hindi tingalain ang kanilang mga sarili sa harap ng lahat ng katanyagan, pakinabang, at kaluwalhatiang ito. Anumang oras at saanmang lugar, malamang na maging mataas ang tingin sa sarili ng mga taong hindi nakauunawa ng katotohanan. Kapag masyado nang mataas ang tingin nila sa kanilang sarili, madali ba sa kanilang magpakababang muli? (Hindi.) Hindi iniisip ng mga tao na may kaunting katwiran na mataas sila nang walang dahilan. Kapag wala pa silang anumang naaabot, wala pang maiaambag, at wala pang sinumang miyembro ng grupo ang pumapansin sa kanila, hindi nila matignan nang mataas ang sarili nila kahit na gustuhin nila. Maaaring medyo mayabang at narsisistiko sila nang kaunti, o maaaring pakiramdam nila ay medyo may talento sila, at mas mahusay kaysa sa iba, subalit hindi malamang na isipin nilang mataas sila. Sa anong mga pagkakataon nagiging mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang sarili? Kapag napupuri sila ng ibang tao dahil sa ilang bagay na kanilang nagawa. Iniisip nilang mas mahusay sila kaysa sa iba, na ordinaryo at hindi magaling ang ibang tao, na sila lamang ang may katayuan, at hindi kapareho ng uri o antas ng ibang tao, na mas mataas sila kaysa sa kanila. Ganito nagiging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. At iniisip nilang tama lang na mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Paano nila naiisip ito? Ang pinaniniwalaan nila ay, “Mayroon akong natatanging lakas, kakayahan, at utak, at handa akong hanapin ang katotohanan. May narating na ako ngayon—naging sikat na ako, at mas mataas na ang aking reputasyon at halaga kaysa sa ibang tao. Kaya naman, tiyak na namumukod-tangi ako sa karamihan, at ako ay tinitingala ng lahat, kaya tama lang na maging mataas ang tingin ko sa sarili ko.” Ito ang laman ng kanilang isipan, kaya naman sa huli ay—normal at maaasahan na—dapat maging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Naniniwala silang hindi maitatatwa ang pagiging tama at makatwiran nito. Kung hindi magiging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili, pakiramdam nila ay may mali, na para bang hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili, at hindi nila nakakamit ang pagsang-ayon ng ibang tao; kaya iniisip nilang natural lamang na maging mataas ang tingin nila sa kanilang sarili. Ano ba ang mga kahihinatnan ng masyadong pagtingala sa kanilang sarili? (Hindi na magiging maayos ang pakikipagtulungan nila sa iba, at gugustuhin nilang gawin ang mga bagay nang ayon sa gusto nila.) Ito ang isang aspekto ng kanilang pag-uugali. Ano pa? (Hindi na sila mapagkumbaba, hindi na nila hinahangad na sumulong sa larangan ng kanilang gawain, at lubos na silang umaasa sa kung ano na ang kaya nila.) (Ayaw nilang magpasakop sa mga sitwasyon na ayaw nila.) Bakit ayaw nilang magpasakop? Nakakapagpasakop ba sila noon? (Wala silang kakayahan para maging mayabang noon, at nagagawa pa nilang pigilin at supilin ang kanilang sarili, kaya nakakapagpasakop pa sila. Subalit ngayon, pakiramdam nila ay may kakayahan sila at mga kwalipikasyon, at na naiiba sila sa iba, kaya iniisip nilang maididikta nila ang sarili nilang kagustuhan at tumatanggi silang magpasakop.) Pakiramdam nila ay iba na sila mula sa kung sino sila dati, na may katayuan na sila, kilala na sila at na hindi sila dapat madaling magpasakop sa iba. Kung ganoon ang gagawin nila, hindi ito magiging akma sa kanilang katayuan, at hindi sila mabubuhay ayon sa inaasahan sa kanila. Sa tingin nila ay may karapatan silang magsabi ng “hindi” at may karapatan silang tumangging magpasakop sa iba. Ano pa ang ibang pag-uugali na ipinapakita nila? (Kapag ang lagay nila ay maging malala, maaaring maging gaya pa sila ni Pablo, na sinasabing, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8), at magsisimula silang makipagnegosasyon sa Diyos, nalilimutan nilang sila ay nilikha.) Nakakalimutan nila kung sino sila. Mabuti ba sa tingin ninyo na tingalain ng tao ang kanyang sarili? (Hindi.) Kung hindi, bakit mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang sarili? (Dahil sa satanikong disposisyon sa loob nila.) Ang pagkakaroon ng satanikong disposisyon ay hindi maiiwasan, at tiyak na ito ang ugat ng problema. Ano pa ang ibang dahilan? Pag-usapan natin ang mga praktikal na kadahilanan. (Sobrang binibigyang-diin ng mga tao ang mga nakamit nila, tinuturing ang mga iyon na buhay mismo. Kaya, palagi silang nalulugod sa kanilang tagumpay, na humahantong sa kalagayan ng pagkakampante na hindi nila natatakasan.) Ito ang pinakapunto ng usapin. Tungkol ito sa hinahangad at minimithi ng tao sa kanilang mga puso, gayundin sa landas na pinipili nilang tahakin. Naniniwala ang maraming tao na may tayog sila hangga’t nagagampanan nila ang mga paulit-ulit na gawain at nagagawa ang ilang tungkuling nangangailangan ng teknikal na kaalaman. Kapag mas mahusay, pambihira, at magaling ang gawa nila, mas lalo itong nagpapatunay na nagtataglay sila ng realidad, na mahal nila ang Diyos, at na sila ay mapagpasakop sa Kanya. Tinuturing nila ito na kanilang buhay. Kaya naman, tiyak na pahahalagahan nila ito at hahangarin ito bilang mithiin ng buhay nila, pero ang mithiin at direksiyon nila ay mali, gayundin ang landas nila. Higit pa rito, sa pinaka-ugat nito, may mga paglihis sa pagkaunawa ng mga tao sa buhay, sa paghahangad sa katotohanan, at sa ibig sabihin ng mataglay ang katotohanang realidad. Kapag may paglihis sa pagkaunawa ng mga tao, may mga paglihis din ang kaalaman nila at sukdulang pagtatantya nila sa isang bagay. Kung may mga paglihis ang pagkaunawa mo, may mga paglihis din ang hinahangad mo. Bilang resulta, ang landas na pipiliin mo ay malamang na magkaproblema, at magkakaroon din ng mga paglihis ang direksiyon at mga mithiin mo sa buhay.
Alam ng lahat na hindi mabuting bagay para sa tao na maging mataas ang tingin sa kanyang sarili dahil lamang nakapagkamit siya ng ilang resulta sa kanyang tungkulin. Kung gayon, bakit nagiging mataas pa rin ang tingin ng mga tao sa kanilang sarili? Ang isang bahagi nito ay dahil sa kayabangan at kababawan ng tao. May iba pa bang mga dahilan? (Ito ay dahil hindi natatanto ng mga tao na ang Diyos ang naggagabay sa kanila na makamit ang mga resultang ito. Iniisip nilang karapat-dapat sila sa lahat ng papuri, at may taglay silang kakayahan, kaya mataas ang tingin nila sa sarili. Sa totoo lang, kung wala ang gawain ng Diyos, walang magagawang kahit ano ang mga tao, pero hindi nila ito makita.) Tama ang pahayag na ito, at ito rin ang pinakamahalaga sa isyung ito. Kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi nila taglay ang Banal na Espiritu upang bigyang-liwanag sila, palagi nilang iisipin na kahit na ano ay kaya nila. Kaya kung mayroon silang kakayahan, maaari silang maging mayabang at maging mataas ang tingin sa sarili. Sa pagganap ninyo ng inyong tungkulin, nadarama ba ninyo ang patnubay ng Diyos at ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu? (Oo.) Kung nagagawa ninyong maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, pero mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, at iniisip ninyong nagtataglay kayo ng realidad, ano ang nangyayari rito? (Kapag nagbunga na ang pagganap natin ng ating tungkulin, iniisip natin na kalahati ng papuri ay para sa Diyos, at kalahati ay para sa atin. Pinalalaki natin nang walang hangganan ang ating pakikipagtulungan, iniisip natin na wala nang mas hahalaga pa kaysa sa ating naitulong, at na hindi naging posible ang pagbibigay-kaliwanagan ng Diyos kung wala ito.) Kaya bakit nga ba binigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos? Mabibigyan din ba ng Diyos ng kaliwanagan ang ibang tao? (Oo.) Kapag binibigyang-liwanag ng Diyos ang isang tao, ito ay dahil sa biyaya ng Diyos. At ano naman ang kaunting naitulong mo? Dapat ka bang purihin para sa bagay na ito, o tungkulin at responsibilidad mo ba ito? (Tungkulin at responsabilidad namin ito.) Kapag kinikilala mong tungkulin at responsabilidad mo ito, wasto ang pag-iisip mo, at hindi mo maiisip na subukang umani ng papuri para dito. Kung palagi mong iniisip na “Kontribusyon ko ito. Magiging posible kaya ang pagbibigay ng Diyos ng kaliwanagan kung wala ang kooperasyon ko? Ang gawaing ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao; malaki ang bahagi ng ating pakikipagtulungan sa mga naisasakatuparan,” kung gayon ay mali ka. Paano ka makikipagtulungan kung hindi ka naman binigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kung wala namang nagbahagi ng mga katotohanang prinsipyo sa iyo? Hindi mo malalaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, ni hindi mo malalaman ang landas ng pagsasagawa. Kahit ginusto mong magpasakop sa Diyos at makipagtulungan, hindi mo malalaman kung paano. Hindi ba mga salitang walang kabuluhan lamang ang “kooperasyon” mong ito? Kapag walang tunay na pakikipagtulungan, kumikilos ka lang nang ayon sa sarili mong mga ideya—kung ganito ang kaso, tumutugon kaya sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo? Talagang hindi, na nagpapahiwatig ng kasalukuyang isyu. Ano ang isyu? Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, nagkakamit man siya ng mga resulta, tumutugon man sa pamantayan ang pagganap niya sa kanyang tungkulin, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay nakasalalay sa mga kilos ng Diyos. Kahit tuparin mo ang iyong mga responsabilidad at tungkulin, kung hindi gumagawa ang Diyos, kung hindi ka binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos, hindi mo malalaman ang iyong landasin, ang iyong direksyon, o ang iyong mga mithiin. Ano ang resulta niyan sa huli? Matapos magpagal sa loob ng buong panahong iyon, hindi mo nagawang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ni hindi mo nakamit ang katotohanan at ang buhay—nauwi lang sa wala ang lahat. Samakatuwid, ang paggawa ng iyong tungkulin na pasado sa pamantayan, na nakapagpapatibay sa iyong mga kapatid, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na personal na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Kung gayon, sa huli, ang pagganap sa iyong mga tungkulin sa epektibong paraan ay nakasalalay sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu; saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan, at matatapos ang atas ng Diyos ayon sa landas na ibinigay sa iyo ng Diyos at sa mga prinsipyo na itinakda Niya. Ito ay biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at kung hindi ito nakikita ng mga tao, nabubulagan sila. Kahit na anupamang gawain ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos, ano dapat ang maging resulta? Ang isang bahagi nito ay dapat na magpatotoo sa Diyos at magpalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, habang ang iba pang bahagi nito ay dapat na magpatibay at magbigay ng pakinabang sa mga kapatid. Dapat magkamit ang gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga resulta sa parehong bahagi. Sa sambahayan ng Diyos, anumang tungkulin ang ginagampanan mo, magkakamit ka ba ng mga resulta nang walang patnubay ng Diyos? Hinding-hindi. Maaaring sabihin na kung walang patnubay ng Diyos, ang ginagawa mo ay talagang walang silbi. Sa paglipas ng mga taon, habang patuloy kayong gumagampan ng inyong mga tungkulin, kapag mas lalo ninyong ginagawa ang mga tungkuling ito, mas lalo kayong napapalapit sa mga hinihingi ng Diyos, mas lalo ninyong naiintindihan ang Kanyang mga layunin, at mas lalo ninyong nauunawaan ang mga prinsipyo. Paano nakakamit ang lahat ng ito? (Sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.) Kung wala ang patnubay ng Diyos at ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu, ano ang talagang “maiaambag” ng mga tao? Ang isang bahagi ng kanilang “ambag” ay ang mga imahinasyon ng tao. Minsan, ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin ayon sa kanilang sariling mga imahinasyon, inaakalang sa pamamagitan ng paggawa nang gayon, makapagpapatotoo sila sa Diyos. Gayunpaman, taliwas ang resulta. Ang nagagawa nila ay hindi lamang nabibigong makamit ang inaasam na epekto ng pagpapatotoo sa Diyos, sa halip, mukha itong hindi tunay at hindi praktikal, produkto lamang ito ng mga imahinasyon at gawa-gawa ng tao, na sa huli ay nagbibigay kahihiyan sa Diyos. Ang isa pang bahagi nito ay ang mga kuru-kuro ng tao. Mahilig ang mga taong kumilos batay sa kanilang mga pansariling kuru-kuro at naniniwala sila na ang mga kuru-kuro nila ay nakaayon sa katotohanan. Kapag kumikilos sila nang ayon sa kanilang mga kuru-kuro, inaakala nilang natatanggap nila ang pagsang-ayon ng iba at niluluwalhati ang Diyos. Bilang resulta, ginagawa nila ang maraming bagay batay sa kanilang mga pansariling kuru-kuro, at hindi lamang nila nabibigong makamit ang inaasam na epekto ng pagpapatotoo sa Diyos; sa halip, inililigaw nila ang iba na tanggapin ang mga kuru-kurong ito bilang katotohanan. Hindi lamang ito pumipigil sa kanila na magpasakop sa Diyos, kundi humahantong din ito sa mga maling pagkaunawa, paghihinala, pagkondena, at paglapastangan laban sa Diyos. Ito ang mga kahihinatnan ng pagkilos batay sa mga pansariling kuru-kuro ng isang tao at ng pagpapakalat ng mga kuru-kurong ito. Kapag kulang sa pagkaunawa sa katotohanan ang mga tao, umaasa sila sa mga imahinasyon at kuru-kuro upang patnubayan ang kanilang mga kilos. Maliban sa mga imahinasyon at kuru-kuro, ang iba pang aspekto ng kung ano ang “iniaambag” ng tao ay ang pantaong kaalaman. Pagkatapos makakuha ng maraming kaalaman sa iba’t ibang larangan, ginagamit nila ang kaalamang ito upang kilatisin ang mga hinihingi ng Diyos, ipalagay kung ano ang katotohanan, at husgahan mismo kung paano gagawin ang kanilang tungkulin at tutugunan ang mga layunin ng Diyos. Ano ang resulta ng gayong mga kilos? Tiyak na sumasalungat ang mga ito sa mga layunin ng Diyos, dahil sumasalungat at kumokontra sa katotohanan ang pantaong kaalaman. Kapag ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin batay sa pantaong kaalaman, anong uri ng sitwasyon ang nililikha nito sa iglesia? Mag-iidolo ang mga tao ng kaalaman at ihahambing ang isa’t isa upang malaman kung sino ang mas may alam, kung sino ang mas maraming nabasang aklat, o kung sino ang nagtataglay ng mas mataas na mga akademikong kuwalipikasyon. Ito ang mga klase ng mga bagay na hilig nilang paghambingin. Kapag lumitaw ang gayong sitwasyon sa loob ng iglesia, may kinalaman ba ito sa mga taong ginagamit ang pantaong kaalaman upang maglingkod at magpatotoo sa Diyos? Tiyak na may kinalaman ito. Ano ang mga kahihinatnan ng paggamit ng isang tao sa pantaong kaalaman upang magampaman ang tungkulin at magpatotoo sa Diyos? Humahantong ito sa pagpili sa kaalaman ng tao kaysa sa pagmamahal sa katotohanan, inililihis nito ang mga tao patungo sa landas ng paghahangad sa pantaong kaalaman. Hindi ito wasto at nagsasanhi sa tao na ganap na lumihis mula sa tunay na daan. Ito man ay sa paggamit ng mga imahinasyon, kuru-kuro, o pantaong kaalaman upang magpatotoo sa Diyos at paglingkuran Siya, wala sa mga pamamaraang ito ang makapagkakamit ng inaasam na resulta ng pagtulong sa mga taong makilala at magpasakop sa Diyos. Sa halip, madaling mahahadlangan ng mga ito ang mga tao na bumaling sa Diyos. Kaya, ang paggamit sa mga imahinasyon, kuru-kuro, o pantaong kaalaman upang magpatotoo sa Diyos ay pawang isang uri ng paglaban sa Diyos. Ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng Diyos at hindi Niya sinasang-ayunan ang gayong mga kilos.
Ang mga imahinasyon, kuru-kuro, at kaalaman ng tao ay pawang mga aspekto ng kinasasakupan ng kaisipan. Ang isang bagay na pinagbabatayan ng mga kilos ng tao ay ang mga kaisipan at pananaw ng isang tao, samantalang ang isa pa ay ang tiwaling disposisyon ng isang tao, na may ginagampanang mahalagang papel. Kung ang mga tao ay hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi kilala ang kanilang sarili, hindi tinatanggap ang katotohanan, hindi isinasagawa ang katotohanan, at walang kakayahang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan, kung gayon, sa ano nila ibinabatay ang paggawa nila sa kanilang tungkulin? Kumikilos sila batay sa kanilang kayabangan, pagiging mapanlinlang, kasamaan, kalupitan, at pagmamatigas, na pawang mga aspekto ng kanilang tiwaling disposisyon. Ano ang mga kahihinatnan kapag ginawa nila ang kanilang tungkulin batay sa mga tiwaling disposisyong ito? (Hindi magagawa ng mga tao na maayos na makipagtulungan sa iba at magugulo at magagambala rin ang gawain ng iglesia.) Dapat malaman ang mga kahihinatnang ito. Ginagawa ng lahat ang gusto nila, hindi isinasagawa ang katotohanan. Kanya-kanyang gumagawa ang mga tao, kumikilos nang hindi nagkakaisa, at nagsasanhi ng pagkagambala at kaguluhan. Nagiging magulo at walang kaayusan ang isang gawaing puwede sanang maayos na nagawa. Hindi ito naiiba sa kung paano ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay. Sa kampo ni Satanas, sa lipunan man o sa mga opisyal na mga lupon, ano ang namamayaning atmospera? Ano ang mga popular na pagsasagawa? Dapat kayong magkaroon ng ilang pagkaunawa sa mga ito. Ano ang mga prinsipyo at panuntunan ng kanilang mga kilos? Ang bawat isa ay may sariling batas; nagkakanya-kanya ng landas ang bawat isa. Kumikilos sila ayon sa sarili nilang interes at gumagawa ayon sa pinipili nila. Sinuman ang may awtoridad ang siyang may huling salita. Kahit sandali ay hindi nila iniisip ang iba. Ginagawa nila ang maibigan nila, nagsisikap para sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, at ganap na kumikilos ayon sa mga sarili nilang kagustuhan. Sa sandaling tumanggap sila ng kapangyarihan, mabilis nilang ginagamit ang kapangyarihang ito sa iba. Kung napasama mo ang loob nila, nanaisin nilang pahirapan ka, at wala ka nang magagawa kundi ang magbigay sa kanila ng mga regalo. Kasingsama sila ng mga alakdan, handa silang labagin ang mga batas, ang mga regulasyon ng pamahalaan, at gumawa ng mga krimen. Lahat ng ito ay kaya nilang gawin. Ganito kadilim at kasama sa kampo ni Satanas. Ngayon, pumarito ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, upang tulutan ang mga taong tanggapin ang katotohanan, maunawaan ang katotohanan, at makalaya mula sa pang-aalipin at kapangyarihan ni Satanas. Kung hindi ninyo tatanggapin ang katotohanan at isasagawa ang katotohanan, hindi ba’t namumuhay pa rin kayo sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Kung gayon, ano ang pinagkaiba ng kasalukuyang kalagayan ninyo sa mga diyablo at ni Satanas? Makikipagkumpetensiya kayo sa paraang katulad ng sa mga walang pananampalataya. Lalaban kayo sa paraang katulad sa paglaban ng mga walang pananampalataya. Mula umaga hanggang gabi, kayo ay magpaplano, magpapakana, maiinggit at makikipagtalo. Ano ang ugat ng problemang ito? Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at namumuhay ang mga tao ayon sa mga tiwaling disposisyong ito. Ang paghahari ng mga tiwaling disposisyon ay ang paghahari ni Satanas; nananahan ang sangkatauhang ginawang tiwali sa loob ng satanikong disposisyon, at walang eksepsiyon dito. Kaya, hindi mo dapat isipin na masyado kang mabuti, masyadong maamo, o masyadong matapat para makipag-agawan sa kapangyarihan at pakinabang. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi inaakay ng Diyos, tiyak na hindi ka isang eksepsyon, at sa anumang paraan, dahil sa iyong katapatan o kabaitan, o dahil sa iyong kabataan, ay hindi mo mapipigilan ang iyong sarili na huwag makipagtunggali para sa katanyagan at pakinabang. Sa katunayan, hahangarin mo rin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan hangga’t mayroon kang pagkakataon at pahihintulutan ito ng kalagayan. Ang pagsunggab sa katanyagan at pakinabang ay ang tatak na pag-uugali ng mga taong may buktot na kalikasan ni Satanas. Walang eksepsiyon sa sinuman. Lahat ng tiwaling sangkatauhan ay nabubuhay para sa katanyagan, pakinabang at katayuan, at magbabayad sila ng anumang halaga sa kanilang pagpupursige para sa mga ito. Ganito rin sa lahat ng nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, ang hindi tumatanggap sa katotohanan o nauunawaan ang katotohanan, ang hindi makakilos alinsunod sa mga prinsipyo, ay isang taong nabubuhay sa gitna ng satanikong disposisyon. Dumating na ang satanikong disposisyon upang pangibabawan ang isipan mo at kontrolin ang iyong pag-uugali; ganap ka nang isinailalim ni Satanas sa kanyang kontrol at pang-aalipin, at kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan at maghihimagsik laban kay Satanas, hindi ka makatatakas. Ngayon, habang tinutupad mo ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, medyo mapagpasakop ka, medyo matatag ang puso mo, medyo seryoso ka, medyo mayroon kang pagpapahalaga sa responsabilidad, naisasantabi mo ang pag-aalala para sa sarili mong katayuan, madalas ay nagagawa mong pigilan ang pagiging mapagkumpitensiya, nagagawa mong magparaya sa iba, makipagtulungan nang payapa sa iba, at nakapaghahanap at nakapaghihintay kapag nahaharap ka sa mga bagay na hindi mo naiintindihan. Paano mo nakamit ang ganitong saloobin at pag-uugali? Ito ay may direktang kaugnayan sa pagtutustos, paggagabay, at pagdidilig ng Diyos. Lahat ng ito ay resulta ng maraming salita na binigkas ng Diyos. Kung hindi, kahit na ang isang tao ay may mabuting kakayahan, hindi niya matutuklasan ang katotohanan o mauunawaan ang katotohanan. Kung hindi pumarito ang Diyos upang ipahayag ang mga katotohanang ito, saan pupunta ang mga tao upang hanapin ang katotohanan? Mula pagkabata, tumatanggap na ang mga tao ng edukasyon at pumapasok sa paaralan sa loob ng maraming taon, pero natutuhan na ba nila ang katotohanan? Hinding-hindi. Hinahangaan ng mga tao ang mga artista at kilalang tao, at pinupuri nila ang mga pangkulturang kaalaman, pero natutuhan na ba nila ang katotohanan? Hindi pa. Kahit na nakapagbasa na sila ng napakaraming aklat, hindi nila natutuhan ang katotohanan. Sa katunayan, wala naman talagang katotohanan sa mundo. Noong pumarito lamang ang Diyos at dinala ang katotohanan at ang daan sa buhay na walang hanggan, at pagkatapos nilang basahin ang salita ng Diyos nang maraming taon, noon lamang nila natuklasan ang katotohanan sa wakas. Noon lamang nila napagtanto ang halaga at importansiya ng katotohanan. Sa puntong ito, nakilala na ng mga tao na sa nakalipas na panahon, ang mga salita, kilos, at pag-uugali nila ay batay sa mga imahinasyon, kuru-kuro, at pantaong kaalaman. Maliban sa mga bagay na ito, tinutulak sila ng kanilang tiwaling disposisyon. Ang mga kuru-kuro, pantaong kaalaman, at imahinasyon na pumupuno sa mga puso ng tao ay hindi ang katotohanan. Kaya, malamang na ipamuhay ng mga tao ang iba’t ibang aspekto ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi nila kayang isabuhay ang wangis ng tao o makaiwas sa pagsisinungaling kahit na gustuhin pa nila, at mahirap sa kanilang gawin ang kahit iilang mabubuting bagay. Ang mga nabubuhay alinsunod sa disposisyon ni Satanas ay likas na ipinamamalas ang larawan ni Satanas. Ang kanilang mga salita, kilos at ugali ay naimpluwensiyahang lahat ng disposisyon ni Satanas, at walang makakatakas sa kanila mula rito. Kung matatanto ninyo ang puntong ito, kung gayon, sa proseso ng paggawa ninyo ng inyong tungkulin, kung nakapagkakamit man kayo ng ilang resulta, nakapagbibigay ng ilang ambag, nakapagpapakita ng mabuting pag-uugali, o nakararanas ng ilang pagbabago, anong pag-iisip ang dapat mayroon kayo? (Ang pag-iisip na puno ng pasasalamat sa Diyos.) Dapat ninyong pasalamatan ang Diyos. Ang lahat ng kaluwalhatian ay pawang sa Diyos. Ang Diyos ang siyang gumawa nito, at walang anumang dapat ipagmalaki ang mga tao. Bawat tao ay nagtataglay ng iba’t ibang antas ng abilidad. Halimbawa, ang ilang tao ay likas na sensitibo sa ritmo at himig ng musika, habang ang iba naman ay magaling sa pagsasayaw. Ano man ang mga likas na talento ng mga tao, lahat ng iyon ay pinagkaloob ng Diyos, at walang dapat ipagmalaki ang mga tao. Siguradong hindi nila nakuha ang mga likas na talentong ito sa kanilang mga magulang dahil maaaring hindi taglay ng mismong mga magulang ang mga talentong ito, at kahit na taglay ito ng mga magulang, hindi nila maibibigay ang mga talento nila sa mga anak nila; hindi maituturo ng mga magulang ang mga talento sa mga anak nila kung ang mga anak ay wala namang likas na kakayahan. Kaya, ang mga talento at kaloob na taglay ng mga tao ay walang kinalaman sa kanilang mga magulang. Siyempre, ang mga talentong ito ay hindi makukuha sa pag-aaral. Ang mga kaloob at kakayahan na taglay ng tao nang ipanganak sila ay ibinigay ng Diyos. Matagal nang paunang itinalaga ng Diyos ang mga ito. Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may katuturan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may katuturan sa iyong katalinuhan. Anumang talento ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, anuman ang iyong mga kalakasan, gaano man kataas ang iyong IQ, lahat ng ito ay may layon para sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling ginagawa mo ay matagal na panahon nang paunang itinalaga ng Diyos. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay nagtataglay ng mga kalakasan na wala sa kanila at hindi sila nasisiyahan. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon ang maaaring matamo ng kanilang sigasig, at hindi nila mahihigitan ang mga may kaloob at kadalubhasaan. Gaano ka man lumaban, wala itong saysay. Inorden ng Diyos kung magiging ano ka, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga larangang hindi saklaw ng iyong mga kasanayan at huwag mainggit sa iba. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na mas perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba, na palaging gustong palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kasanayan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at nagpapasakop sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos. Huwag mong isipin palagi na malampasan ang lahat ng tao, na gawin ang lahat ng bagay nang mas magaling kaysa sa iba, at mamukod-tangi sa karamihan sa lahat ng paraan. Anong klaseng disposisyon iyan? (Isang mayabang na disposisyon.) Palaging nagtataglay ng mayabang na disposisyon ang mga tao, at kahit nais nilang magsumikap para sa katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos, nagkukulang sila. Mas malamang na malihis ng landas kapag kontrolado ng mayabang na disposisyon ang mga tao. Halimbawa, may ilang tao na nais na magpasikat palagi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mabubuting layunin nila sa halip na ipahayag ang mga hinihingi ng Diyos. Sasang-ayunan ba ng Diyos ang gayong klaseng pagpapahayag ng mabubuting layunin? Para maisaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kailangan mong sundin ang mga hinihingi ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin, kailangan mong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang mga taong nagpapahayag ng mabubuting layunin ay hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kundi sa halip ay palaging sinusubukang gumawa ng mga panibagong panlalansi at bumibigkas ng mabulaklak na mga salita. Hindi hinihingi ng Diyos na isaalang-alang mo Siya sa ganitong paraan. Sinasabi ng ilang tao na ganito sila kapag nakikipagtagisan. Sa anumang anggulo, ang pakikipagtagisan ay isang bagay na negatibo. Isa itong paghahayag—isang pagpapamalas—ng mayabang na disposisyon ni Satanas. Kapag may ganoon kang disposisyon, palagi mong sinisikap na pigilan ang iba, palagi mong sinusubukang maungusan ang iba, palagi mong minamanipula ang iba, palaging sinusubukang may makuha sa mga tao. Labis kang naiinggit, wala kang sinusunod, at palagi mong sinusubukan na mamukod-tangi sa lahat. Magiging problema ito; ganito kumilos si Satanas. Kung talagang nais mong maging isang katanggap-tanggap na nilikha ng Diyos, huwag mo nang hangarin ang iyong sariling mga pangarap. Masama ang subukang maging higit pa at mas mahusay kaysa sa kung ano ka para makamit ang iyong mga pakay. Dapat kang matutong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at huwag kang humigit sa kung ano ang nababagay sa posisyon mo; ito lamang ang pagpapakita ng katwiran.
Ano ang inyong mga prinsipyo sa inyong pag-uugali? Dapat kayong umasal ayon sa inyong puwesto, hanapin ang tamang lugar para sa inyo, at gampanan ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan; ito lamang ang taong may katwiran. Bilang halimbawa, may mga taong mahuhusay sa mga partikular na propesyunal na kasanayan at may pagkaunawa sa mga prinsipyo, at dapat nilang akuin ang responsabilidad at gawin ang panghuling pagsisiyasat sa larangang iyon; may mga taong makapagbibigay ng mga ideya at malilinaw na pagkaunawa, nagiging inspirasyon sa iba at tinutulungan silang mapabuti ang kanilang mga tungkulin—sa gayon ay dapat silang magbigay ng mga ideya. Kung matatagpuan mo ang tamang lugar para sa iyo at makagagawa nang tugma sa iyong mga kapatid, tinutupad mo ang iyong tungkulin, at umaasal ka ayon sa iyong puwesto. Sa umpisa, maaaring makapagbigay ka lamang ng ilang ideya, ngunit kung susubukan mong magbigay ng iba pang mga bagay, at sa huli ay nagsisikap nang mabuti na gawin ito, ngunit hindi pa rin magawa; at pagkaraan, kapag ibinibigay ng iba ang mga bagay na iyon, hindi ka komportable, at hindi nais makinig, at ang iyong puso ay nasasaktan at napipigilan, at nagrereklamo ka tungkol sa Diyos at sinasabing ang Diyos ay hindi matuwid—ito ay ambisyon. Anong disposisyon ang nagiging sanhi ng ambisyon sa isang tao? Ang mapagmataas na disposisyon ang nagiging sanhi ng ambisyon. Ang mga kalagayang ito ay tiyak na maaaring lumitaw sa inyo sa anumang sandali, at kung hindi ninyo hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, at walang pagpasok sa buhay, at hindi kayang magbago ukol dito, ang antas ng kuwalipikasyon at kadalisayan ng inyong pagganap sa inyong mga tungkulin ay magiging mababa, at ang mga resulta ay hindi rin magiging masyadong maganda. Hindi ito pagsasagawa ng inyong tungkulin nang kasiya-siya at nangangahulugan na hindi nagtamo ang Diyos ng kaluwalhatian mula sa inyo. Binigyan ng Diyos ang bawat tao ng iba’t ibang talento at kaloob. Ang ilang tao ay may talento sa dalawa o tatlong larangan, ang ilan ay may talento sa isang larangan, at ang ilan ay walang anumang talento—kung makadudulog kayo nang wasto sa mga bagay na ito, mayroon na kayong katwiran. Ang isang taong may katwiran ay mahahanap ang kanyang lugar, kayang umasal ayon sa kanilang mga puwesto at gampanan nang mahusay ang kanilang mga tungkulin. Ang isang taong hindi kailanman matagpuan ang kanyang lugar ay isang taong palaging may ambisyon. Palagi siyang naghahangad ng katayuan at pakinabang. Hindi siya kailanman nasisiyahan sa kung ano ang mayroon siya. Para makakuha ng mas maraming pakinabang, sinusubukan niyang kumuha ng mas marami pa hangga’t kaya niya; palagi siyang umaasang masiyahan ang kanyang maluluhong pagnanais. Iniisip niya na kung mayroon siyang mga kaloob at mahusay ang kanyang kakayahan, dapat siyang higit na magtamasa ng biyaya ng Diyos, at na ang pagkakaroon ng ilang maluluhong pagnanais ay hindi isang pagkakamali. May katwiran ba ang ganitong klase ng tao? Hindi ba’t kawalanghiyaan ang palaging magkaroon ng maluluhong pagnanais? Nadarama ng mga taong may konsensiya at katwiran na kawalanghiyaan ito. Hindi gagawin ng mga taong nakauunawa sa katotohanan ang mga kahangalang ito. Kung inaasam mong matupad ang iyong tungkulin nang tapat upang masuklian ang pagmamahal ng Diyos, hindi ito isang maluhong pagnanais. Ito ay naaayon sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Pinasasaya nito ang Diyos. Kung talagang nais mong isagawa nang maayos ang iyong tungkulin, kailangan mo munang makita ang tamang puwesto para sa iyo, at gawin pagkaraan ang iyong makakaya nang buong puso, nang buong pag-iisip, nang buong lakas, at gawin ang lahat ng makakaya mo. Ito ay katanggap-tanggap, at ang gayong pagganap sa tungkulin ay may antas ng kadalisayan. Ito ang dapat gawin ng isang tunay na nilikha. Una, dapat mong maunawaan kung ano ang tunay na nilikha: Ang isang tunay na nilikha ay hindi isang mahigit pa sa tao, kundi isang tao na nabubuhay nang simple at praktikal sa mundo; hindi talaga siya ekstraordinaryo at katangi-tangi, sa halip ay katulad lamang ng ordinaryong tao. Kung nais mo palaging mahigitan ang iba, mailuklok nang mataas sa iba, bunga ito ng iyong mapagmataas at satanikong disposisyon, at ito ay kahibangan na dinulot ng ambisyon mo. Ang totoo ay hindi mo ito matatamo, at imposible para sa iyo na magawa ito. Hindi ka binigyan ng Diyos ng gayong talento o kasanayan, at hindi ka rin Niya binigyan ng gayong diwa. Huwag mong kalimutan na ikaw ay isang karaniwang kasapi ng sangkatauhan, hindi naiiba sa iba sa anumang paraan, bagama’t ang iyong anyo, pamilya, at ang pagpapalaki sa iyo ay maaaring naiiba, at maaaring may mga pagkakaiba sa iyong mga talento at kaloob. Ngunit huwag mong kalimutan ito: Gaano ka man natatangi, ito ay nasa ganitong maliliit na bagay lamang, at ang iyong tiwaling disposisyon ay katulad ng sa iba. Ang saloobin na dapat mayroon ka at ang mga prinsipyo na dapat mong panghawakan sa pagtupad ng iyong tungkulin ay katulad ng taglay ng iba. Tanging sa kanilang mga kalakasan at kaloob nagkakaiba ang mga tao. Sa iglesia, may mga taong marunong tumugtog ng gitara, ang ilan ay marunong tumugtog ng erhu, at ang iba pa ay marunong tumugtog ng tambol. Kung may interes ka sa alinman sa mga larangang ito, puwede kang matuto. Anuman ang partikular na kasanayan o teknolohiyang ito, hangga’t masaya ka sa pag-aaral at may kasanayan ka, maaari kang matuto. Sa sandaling matuto ka na ng panibagong kasanayan, maaari mo itong gamitin para gumanap ng karagdagang tungkulin, na hindi lang nakalulugod sa mga tao kundi nakalulugod din sa Diyos. Isang napakamapagpalang bagay ang magkaroon ng dagdag na kasanayan at mas mag-ambag pa sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Walang masama sa pag-aaral ng mga bagong bagay habang bata pa at magaling pa ang memorya. Pakinabang lamang ang mayroon dito at walang pinsala. Kapaki-pakinabang ito sa pagganap ng mga tungkulin at gawain sa sambahayan ng Diyos. Ang pagtutuon ng pansin sa pag-aaral ng iba’t ibang bagong bagay habang gumagawa ng tungkulin ay nangangahulugan na masigasig at responsable ang isang tao; siya ay mas mahusay kaysa sa mga taong hindi dedikado sa kanilang gawain. Gayunpaman, kung matagal-tagal ka nang nag-aaral ng isang bagay at hindi pa rin makaunawa, ipinahihiwatig nito na wala kang tinataglay na kakayahan sa larangang iyon. Katulad na lamang ng ilang taong magaling sumayaw ngunit wala sa tono kumanta o kulang sa talento sa musika, ito ay likas at hindi na mababago. Ang gayong sitwasyon ay dapat harapin nang may tamang saloobin. Kung marunong kang sumayaw, galingan mo sa pagsayaw. Kung mayroon kang pusong nagpupuri sa Diyos, kahit na kumanta ka nang wala sa tono, hindi ito alintana ng Diyos. Hangga’t mayroon kang kagalakan sa iyong puso, sapat na iyon. Anuman ang personal mong mga talento, hangga’t ginagamit mo ang mga ito, magandang bagay iyon. Taimtim mong gampanan ang iyong mga tungkulin, at iyon ang pakahulugan ng kumilos ayon sa iyong kinalalagyan.
Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging maingat ka sa pagpoprotekta sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo. Kung nagagawa ninyo, unti-unti, na siyasatin nang husto ang lahat ng detalyeng ito, na magtamo ng mga tagumpay, at magkamit ng pagkaunawa sa mga ito; at kung pagkatapos ay nagagawa ninyong unti-unting maghimagsik laban sa mga kaisipang ito, maghimagsik laban sa mga maling kuru-kurong ito, pananaw at maging mga asal na ito, at hindi kayo napipigil ng mga ito; at kung, sa pagtupad ng inyong tungkulin, ay nagagawa ninyong matagpuan ang tamang katayuan para sa inyo, at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at tuparin ang tungkulin na kaya at dapat ninyong gawin; kung gayon, sa pagdaan ng panahon, magagawa ninyong tuparin ang inyong mga tungkulin nang mas mahusay. Ito ay bahagi ng pagpasok sa katotohanang realidad. Kung kaya mong pumasok sa katotohanang realidad, magmumukha kang may wangis ng tao, at sasabihin ng mga tao, “Ang taong ito ay umaasal ayon sa kanyang katayuan, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin sa isang maayos na paraan. Hindi siya umaasa sa pagiging likas, sa pagiging mainitin ng ulo, o sa kanyang tiwali, satanikong disposisyon upang gawin ang kanyang tungkulin. Kumikilos siya nang may hinahon, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, may pagmamahal siya sa katotohanan, at ang kanyang asal at mga pahayag ay nagpapakita na naghimagsik siya laban sa kanyang sariling laman at mga kagustuhan.” Lubhang kahanga-hanga ang umasal nang gayon! Sa mga pagkakataon na binabanggit ng iba ang iyong mga pagkukulang, nagagawa mong hindi lamang tanggapin ang mga ito, kundi umasa sa mabuti, hinaharap ang mga pagkukulang at kapintasan mo nang may tatag. Lubhang normal ang lagay ng isip mo, malaya sa mga kasukdulan, malaya sa init ng ulo. Hindi nga ba’t ganito ang magtaglay ng isang wangis ng tao? Tanging ang mga gayong tao ang may katwiran.
Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang layon ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang layon na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na tingin ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. Ang mga tiwaling disposisyon ang pinakamahirap makilala sa lahat: Madaling makilala ang sarili mong mga pagkakamali at pagkukulang, pero hindi ang makilala ang sarili mong tiwaling disposisyon. Ang mga taong hindi kilala ang kanilang sarili ay hindi kailanman tinatalakay ang kanilang mga tiwaling kalagayan—palagi nilang iniisip na maayos sila. At nang hindi nila namamalayan, nagsisimula silang magpakitang-gilas: “Sa lahat ng mga taong sumasampalataya ako, dumaan na ako sa napakaraming pag-uusig at pinagdusahan ko na ang napakaraming paghihirap. Alam ba ninyo kung paano ko ito napagtagumpayang lahat?” Mapagmataas na disposisyon ba ito? Ano ang motibasyon sa likod ng kanilang pagpapasikat? (Para tumaas ang tingin sa kanila ng mga tao.) Ano ang motibo nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para mabigyan sila ng katayuan sa isipan ng gayong mga tao.) Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kapag kasama ka niya, may paggalang siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa puso ng isang tao; nais ng mga taong magpakasasa rito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipagpaligsahan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na mabigyan ng katayuan sa puso ng iba, na hangaan at sambahin sila ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan. Halimbawa, kung wala kang katayuan sa isipan ng isang tao, pakikisamahan ka niya bilang kapantay niya, pakikitunguhan ka niya bilang kapantay niya. Kokontrahin ka niya kapag kinakailangan, hindi sila gumagalang o rumerespeto sa iyo, at maaari pa ngang iwanan ka nila bago ka pa matapos sa pagsasalita. Magagalit ka ba? Hindi mo gusto kapag tinatrato ka nang ganito ng mga tao; gusto mo kapag binobola ka nila, tinitingala ka, at sinasamba ka sa bawat pagkakataon. Gusto mo kapag ikaw ang sentro ng lahat, lahat ng bagay ay umiikot sa iyo, at lahat ng tao ay nakikinig sa iyo, tumitingala sa iyo, at nagpapasakop sa iyong direksiyon. Hindi ba’t ito ay isang pagnanais na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kapangyarihan? Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-unahan, at nakikipagkumpetensiya ka sa iba para dito. Ang mithiin mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at sumamba sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, paghanga ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon. Ang mga tao ay palaging nagbabalatkayo, nagpapakitang-gilas sa iba, nagkukunwari, nagpapanggap, at nagpapalamuti ng sarili upang isipin ng iba na perpekto sila. Ang layunin nila rito ay para magkamit ng katayuan, upang matamasa nila ang mga benepisyo ng katayuan. Kung hindi ka naniniwala rito, pag-isipan mo ito nang mabuti: Bakit palagi mong nais na mataas ang tingin sa iyo ng mga tao? Gusto mong sambahin ka nila at tingalain ka nila, upang kalaunan ay makuha mo ang kapangyarihan at matamasa ang mga benepisyo ng katayuan. Ang katayuan na labis mong hinahangad ay magdadala sa iyo ng maraming pakinabang, at ang mga pakinabang na ito ang mismong kinaiinggitan at hinahangad ng iba. Kapag natikman ng mga tao ang maraming pakinabang na ibinibigay ng katayuan, nalalasing sila rito, at nagpapakasasa sila sa marangyang buhay na iyon. Iniisip ng mga tao na ito lamang ang isang buhay na hindi nasayang. Ang tiwaling sangkatauhan ay nalulugod sa pagpapakasasa sa mga bagay na ito. Samakatuwid, kapag ang isang tao ay nakamit ang isang partikular na posisyon at nagsimulang magtamasa ng iba’t ibang pakinabang na dulot nito, walang humpay siyang magnanasa sa mga makasalanang kasiyahang ito, hanggang sa puntong hindi na niya mabitiwan ang mga ito. Sa diwa, ang paghahangad sa katanyagan at katayuan ay bunsod ng pagnanasa na magpadala sa mga pakinabang na dulot ng isang partikular na posisyon, na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kontrol sa mga taong hinirang ng Diyos, na magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magtatag ng isang malayang kaharian kung saan maaari siyang magpakasaya sa mga benepisyo ng kanilang katayuan at magpakasasa sa makasalanang mga kasiyahan. Gumagamit si Satanas ng lahat ng uri ng pamamaraan para linlangin, lokohin, at dayain ang mga tao, na nagbibigay sa kanila ng huwad na impresyon. Gumagamit pa ito ng pananakot at pagbabanta para hangaan at katakutan ito ng mga tao, na ang panghuling layon ay mahikayat silang magpasakop kay Satanas at sambahin ito. Ito ang nagpapalugod kay Satanas; ito rin ang layon nito sa pakikipagpaligsahan sa Diyos para makuha ang loob ng mga tao. Kaya, kapag nakikipaglaban kayo sa ibang mga tao para sa katayuan at reputasyon, ano ang ipinaglalaban ninyo? Para ba talaga maging bantog? Hindi. Ang totoong ipinaglalaban mo ay ang mga kapakinabangang hatid sa iyo ng kabantugan. Kung gusto mong palaging matamasa ang mga pakinabang na iyon, kailangan mong ipaglaban ang mga ito. Ngunit kung hindi mo pinahahalagahan ang mga pakinabang na iyon at sasabihin mong, “Hindi mahalaga kung paano ako itrato ng mga tao. Isa lang akong ordinaryong tao. Hindi ako karapat-dapat sa gayon kabuting pakikitungo, wala rin akong pagnanais na sumamba sa isang tao. Ang Diyos lamang ang Siyang dapat kong tunay na sambahin at katakutan. Siya lamang ang aking Diyos at aking Panginoon. Gaano man kahusay ang isang tao, gaano man kagaling ang kanyang mga abilidad, gaano man kalawak ang kanyang talento, o gaano karingal o kaperpekto ang kanyang imahe, hindi siya ang layon ng aking pagpipitagan dahil hindi siya ang katotohanan. Hindi siya ang Lumikha; hindi siya ang Tagapagligtas, at hindi niya kayang pangasiwaan o pagharian ang kapalaran ng tao. Hindi siya ang layon ng aking pagsamba. Walang taong karapat-dapat sa aking pagsamba,” hindi ba’t naaayon ito sa katotohanan? Sa kabilang banda, kung hindi mo sinasamba ang iba, paano mo sila dapat pakitunguhan kung magsisimula silang sumamba sa iyo? Dapat kang humanap ng paraan para pigilan silang gawin iyon, at tulungan silang makawala sa ganoong kaisipan. Dapat kang humanap ng paraan para ipakita sa kanila ang tunay mong pagkatao, at hayaan silang makita ang iyong kapangitan at tunay na kalikasan. Ang susi ay ang maipaunawa sa mga tao na gaano man kahusay ang iyong kakayahan, gaano man kataas ang iyong pinag-aralan, gaano ka man kamaalam, o gaano katalino, isa ka pa ring ordinaryong tao. Hindi ka isang taong pinagtutuunan ng paghanga at pagsamba ng sinuman. Una sa lahat, dapat kang manindigan sa iyong posisyon, at hindi umatras pagkatapos mong magkamali o mapahiya. Kung pagkatapos magkamali o mapahiya, hindi ka lang nabigong kilalanin ito, ngunit gumamit ka rin ng panlilinlang para itago o pagtakpan ito, pinalalaki mo ang iyong pagkakamali at mas pinapapangit ang iyong sarili. Mas lumilitaw ang iyong ambisyon. Ang mga tiwaling tao ay mahusay magpanggap. Anuman ang ginagawa nila o anumang katiwalian ang ibinubunyag nila, kailangan nila palaging magpanggap. Kung may mangyaring mali o may ginawa silang mali, gusto nilang isisi iyon sa iba. Gusto nilang sila ang mapuri sa mabubuting bagay, at masisi ang iba sa masasamang bagay. Hindi ba maraming ganitong pagpapanggap sa tunay na buhay? Napakarami. Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na itinataboy ng Diyos. Sa katunayan, kapag nagpapanggap ka, nauunawaan ng lahat ang nangyayari, pero akala mo hindi iyon nakikita ng iba, at ginagawa mo ang lahat para makipagtalo at pangatwiranan ang sarili mo sa pagsisikap na hindi ka mapahiya at isipin ng lahat na wala kang ginawang mali. Hindi ba kahangalan ito? Ano ang palagay ng iba tungkol dito? Ano ang nadarama nila? Pagkayamot at pagtataboy. Kung, matapos makagawa ng pagkakamali, matatrato mo ito nang tama, at mapapayagan mo ang lahat ng iba pa na pag-usapan ito, na pinahihintulutan ang kanilang komentaryo at pagkilatis dito, at kaya mong magtapat tungkol dito at himayin ito, ano ang magiging opinyon ng lahat sa iyo? Sasabihin nila na isa kang matapat na tao, dahil bukas ang puso mo sa Diyos. Sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali, makikita nila ang nasa puso mo. Ngunit kung susubukan mong magkunwari at linlangin ang lahat, liliit ang tingin sa iyo ng mga tao, at sasabihin nila na hangal ka at hindi matalino. Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na tapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng kabatiran at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matatalino ay mga taong hangal, at palagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa mo, subalit lantaran ka pa ring nagpapanggap. Nagmumukha kang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito. Walang anumang karunungan ang mga hangal na tao. Kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan ang katotohanan o makita ang anumang bagay sa kung ano talaga ito. Palagi silang nagmamagaling, iniisip na naiiba sila sa lahat, at mas kagalang-galang sila; ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili, ito ay kahangalan. Ang mga hangal ay walang espirituwal na pagkaunawa, hindi ba? Ang mga bagay kung saan hangal at mangmang ka ay ang mga bagay kung saan wala kang espirituwal na pagkaunawa, at hindi madaling maunawaan ang katotohanan. Ito ang realidad ng usaping ito.
Ang pagbabago ng isang tiwaling disposisyon ay hindi nangyayari sa isang kisapmata lang. Ang isang tao ay dapat na patuloy na magnilay sa at magsuri ng sarili sa lahat ng bagay. Dapat nilang suriin ang kanilang mga kilos at pag-uugali ayon sa mga salita ng Diyos, subukang maintindihan ang kanilang sarili, at hanapin ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ito ang paraan para masolusyunan ang isang tiwaling disposisyon. Kinakailangan na pagnilayan at tuklasin ang mga tiwaling disposisyon na nabubunyag sa pang-araw-araw na buhay, na magsagawa ng paghihimay at pagkilatis batay sa pag-unawa sa katotohanan, at na unti-unting makalampas, nang sa gayon ay makapagsagawa ng katotohanan at maiayon ang lahat ng kilos sa katotohanan. Sa pamamagitan ng gayong paghahangad, pagsasagawa, at pag-unawa sa sarili, ang mga pagbubunyag ng katiwaliang ito ay nagsisimulang mabawasan, at may pag-asang magbago kalaunan ang disposisyon ng isang tao. Ito ang landas. Ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao ay usapin ng paglago nila sa kanilang buhay. Kailangang maunawaan ng isang tao ang katotohanan at maisagawa ito. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan nila matutugunan ang suliranin ng isang tiwaling disposisyon. Kung ang isang tiwaling disposisyon ay patuloy na naibubunyag, hanggang sa punto na naibubunyag ito sa bawat kilos at salita, nangangahulugan ito na ang disposisyon ng isang tao ay hindi pa nagbabago. Anumang mga bagay na may kaugnayan sa isang tiwaling disposisyon ay dapat na taimtim na himayin at tuklasin. Dapat hanapin ng isang tao ang katotohanan para matuklasan at matugunan ang mga ugat ng isang tiwaling disposisyon. Ito lang ang natatanging paraan para ganap na malutas ang suliranin ng isang tiwaling disposisyon. Kapag natagpuan mo na ang landas na ito, mayroon nang pag-asa para sa pagbabago ng iyong disposisyon. Hindi ito mababaw na mga bagay lamang; may kinalaman ang mga ito sa totoong buhay. Ang susi ay kung kaya ng mga tao na buong puso at buong sigasig na mailapat ang kanilang sarili sa mga katotohanang realidad, at kung kaya nilang isagawa ang katotohanan. Hangga’t kaya nilang isagawa ang katotohanan, unti-unti ay magagawa nilang iwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay makakakilos na sila nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos at naaayon sa kanilang kinalalagyan. Sa pamamagitan ng paghahanap sa kanilang puwesto, paninindigan sa kanilang tungkulin bilang isang nilikha, at pagiging isang taong tunay na sumasamba at nagpapasakop sa Diyos, sila ay sasang-ayunan ng Diyos.
Pebrero 20, 2020